Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Nangaral si Pedro
14 Kaya't tumayo si Pedro, kasama ng labing-isang apostol, at nagsalita nang malakas, “Mga taga-Judea, at kayong lahat na nakatira sa Jerusalem, pakinggan ninyong mabuti ang sasabihin ko.
22 “Mga Israelita, pakinggan ninyo ito! Si Jesus na taga-Nazaret ay sinugo ng Diyos. Pinatunayan ito ng mga himala, mga kababalaghan, at mga palatandaang ginawa ng Diyos sa pamamagitan niya. Alam ninyo ito sapagkat ang lahat ng ito ay naganap sa kalagitnaan ninyo. 23 Ang Jesus na ito, na ipinagkanulo sa inyo ayon sa pasya at kaalaman ng Diyos sa mula't mula pa, ay ipinapako ninyo at ipinapatay sa mga taong masasama. 24 Subalit(A) siya'y muling binuhay ng Diyos at pinalaya mula sa kapangyarihan ng kamatayan, sapagkat hindi maaaring siya'y bihagin nito, 25 gaya(B) ng sinabi ni David tungkol sa kanya,
‘Nakita ko ang Panginoon na lagi kong kasama,
hindi ako matitinag sapagkat kapiling ko siya.
26 Dahil dito, natuwa ang puso ko at
ang mga salita ko'y napuno ng galak,
at ang katawan ko'y mananatiling may pag-asa.
27 Sapagkat ang kaluluwa ko'y di mo pababayaan sa daigdig ng mga patay,[a]
At hindi mo hahayaang makaranas ng pagkabulok ang iyong Banal na Lingkod.
28 Itinuro mo sa akin ang mga landas patungo sa buhay,
dahil ikaw ang kasama ko, ako'y mapupuno ng kagalakan.’
29 “Mga kapatid, may katiyakang sinasabi ko sa inyo na ang ninuno nating si David ay namatay at inilibing, at naririto ang kanyang libingan hanggang ngayon. 30 Siya'y(C) propeta at alam niya ang pangako sa kanya ng Diyos, na magiging haring tulad niya ang isang magmumula sa kanyang angkan. 31 Noon pa man ay nakita na ni David ang muling pagkabuhay ng Cristo at ipinahayag niya ito nang kanyang sabihing, ‘hindi siya pinabayaan sa daigdig ng mga patay,[b] at hindi nakaranas ng pagkabulok ang kanyang katawan.’ 32 Ang Jesus na ito ay muling binuhay ng Diyos at saksi kaming lahat sa pangyayaring iyon.
Panalangin ng Pagtitiwala sa Diyos
Miktam[a] ni David.
16 Ingatan mo sana ako, O Diyos, sa iyo ako nanganganlong at nagtitiwalang lubos.
2 Ang sabi ko kay Yahweh, “Ikaw ang Panginoon ko,
kabutihang tinatamasa ko, lahat ay mula sa iyo.”
3 Mga lingkod ng Panginoon ay dakila't mararangal!
Sila'y nagmumula sa iba't ibang bayan; ligaya ng sarili ang sila'y aking makapisan.
4 Ang mga bumabaling sa ibang diyos, sulirani'y sunud-sunod,
sa mga paghahandog nila'y hindi ako sasama;
at sa kanilang mga diyos, ako'y hindi sasamba,
hindi rin maglilingkod, ni pupuri sa kanila.
5 Ikaw lamang, Yahweh, ang lahat sa aking buhay,
lahat ng kailangan ko'y iyong ibinibigay,
kinabukasan ko'y nasa iyong mga kamay.
6 Mga kaloob mo sa akin ay kahanga-hanga,
napakaganda ng iyong pamana!
7 Pinupuri ko si Yahweh na sa aki'y pumapatnubay,
at sa gabi, sa budhi ko siya ang gumagabay.
8 Alam(A) kong kasama ko siya sa tuwina;
hindi ako matitinag pagkat kapiling siya.
9 Kaya't ako'y nagdiriwang, puso't diwa ko'y nagagalak,
hindi ako matitinag sapagkat ako'y panatag.
10 Pagkat(B) di mo tutulutang ang mahal mo ay masadlak,
sa daigdig ng mga patay at doon ay maagnas.
11 Ituturo mo ang landas na patungo sa buhay,
sa piling mo'y madarama ang lubos na kagalakan;
ang tulong mo'y nagdudulot ng ligayang walang hanggan.
Isang Buháy na Pag-asa
3 Pasalamatan natin ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Dahil sa laki ng habag niya sa atin, tayo'y binigyan niya ng isang panibagong buhay sa pamamagitan ng muling pagkabuhay ni Jesu-Cristo. Ito ang nagbigay sa atin ng isang buháy na pag-asa 4 na magmamana tayo ng kayamanang di masisira, walang kapintasan, at di kukupas na inihanda ng Diyos sa langit para sa inyo. 5 Sa pamamagitan ng inyong pananampalataya, iniingatan kayo ng kapangyarihan ng Diyos habang hinihintay ninyo ang kaligtasang nakahandang ihayag sa katapusan ng panahon.
6 Ito'y dapat ninyong ikagalak, kahit na maaaring magdanas muna kayo ng iba't ibang pagsubok sa loob ng maikling panahon. 7 Ang ginto, bagama't nasisira, ay pinapadaan sa apoy upang malaman kung talagang dalisay. Gayundin naman, ang inyong pananampalataya, na higit na mahalaga kaysa ginto, ay sinusubok upang malaman kung ito'y talagang tapat. Sa gayon kayo'y papupurihan, dadakilain at pararangalan sa Araw na mahayag si Jesu-Cristo. 8 Hindi ninyo siya nakita ngunit siya'y inibig ninyo. Hindi pa rin ninyo siya nakikita hanggang ngayon, ngunit sumasampalataya kayo sa kanya. Dahil dito'y nag-uumapaw na sa inyong puso ang kagalakang di kayang ilarawan sa salita, 9 sapagkat tinatanggap na ninyo ang bunga ng inyong[a] pananampalataya, ang kaligtasan ng inyong buhay.
Nagpakita si Jesus sa Kanyang mga Alagad(A)
19 Kinagabihan ng araw ding iyon na unang araw ng linggo, habang nakasara ang mga pinto ng bahay na kinaroroonan ng mga alagad dahil sa takot nila sa mga Judio, dumating si Jesus. Tumayo siya sa kalagitnaan nila at sinabi, “Sumainyo ang kapayapaan!” 20 Pagkasabi nito, ipinakita niya ang kanyang mga kamay at ang kanyang tagiliran. Tuwang-tuwa ang mga alagad nang makita nila ang Panginoon. 21 Muling sinabi ni Jesus, “Sumainyo ang kapayapaan! Kung paanong isinugo ako ng Ama, isinusugo ko rin kayo.” 22 Pagkatapos, sila'y hiningahan niya at sinabi, “Tanggapin ninyo ang Espiritu Santo. 23 Kung(B) patatawarin ninyo ang mga kasalanan ninuman ay pinatawad na ang mga iyon, subalit ang hindi ninyo patatawarin ay hindi nga pinatawad.”
Ang Pag-aalinlangan ni Tomas
24 Ngunit si Tomas, na tinatawag na Kambal at kabilang sa Labindalawa, ay wala roon nang dumating si Jesus. 25 Kaya't sinabi sa kanya ng ibang mga alagad, “Nakita namin ang Panginoon!”
Sumagot si Tomas, “Hindi ako maniniwala hangga't hindi ko nakikita ang mga butas ng mga pako sa kanyang mga kamay, at hangga't hindi ko nailalagay ang aking daliri sa mga iyon at nahahawakan ang kanyang tagiliran.”
26 Makalipas ang isang linggo, muling nagkatipon sa loob ng bahay ang mga alagad at kasama nila si Tomas. Nakasara ang mga pinto, ngunit pumasok si Jesus at tumayo sa kalagitnaan nila. Sinabi niya, “Sumainyo ang kapayapaan!” 27 At sinabi niya kay Tomas, “Ilagay mo ang iyong daliri dito at tingnan mo ang aking mga kamay. Ilagay mo ang iyong kamay sa aking tagiliran. Huwag ka nang mag-alinlangan pa, sa halip ay maniwala ka.”
28 Sumagot si Tomas, “Panginoon ko at Diyos ko!”
29 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Naniniwala ka na ba dahil nakita mo ako? Pinagpala silang hindi nakakita gayunma'y naniniwala.”
Ang Layunin ng Aklat na Ito
30 Marami pang mga himalang ginawa si Jesus na nasaksihan ng mga alagad na hindi nakasulat sa aklat na ito. 31 Ngunit ang mga nakasulat dito ay isinulat upang kayo'y sumampalataya[a] na si Jesus ang Cristo, ang Anak ng Diyos, at sa pagsampalatayang iyon ay magkaroon kayo ng buhay sa pamamagitan niya.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.