Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 134

Paanyaya Upang Purihin ang Diyos

Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba.

134 Lumapit kay Yahweh, at kayo'y magpuri,
    mga naglilingkod sa templo kung gabi.
Sa loob ng templo siya'y dalanginan,
    taas kamay na si Yahweh'y papurihan.
Pagpalain nawa kayo ni Yahweh, Diyos na lumikha ng langit at ng lupa;
    magmula sa Zion, ang iyong pagpapala.

Genesis 18:1-14

Ipinangako ang Pagsilang ni Isaac

18 Nagpakita si Yahweh kay Abraham sa may tabi ng mga sagradong puno ni Mamre. Noo'y kainitan ng araw at nakaupo siya sa pintuan ng kanyang tolda. Walang(A) anu-ano'y may nakita siyang tatlong lalaking nakatayo sa di kalayuan. Patakbo niyang sinalubong ang mga ito, at sa kanila'y yumuko nang halos sayad sa lupa ang mukha, at sinabi, “Mga ginoo, kung inyong mamarapatin, tumuloy po muna kayo sa amin. Magpahinga muna kayo rito sa lilim ng puno, at ikukuha ko kayo ng tubig na panghugas sa inyong mga paa. Ipaghahanda ko na rin kayo ng makakain para lumakas kayo bago kayo maglakbay. Ikinagagalak ko kayong paglingkuran habang naririto kayo sa amin.”

Sila'y tumugon, “Salamat, ikaw ang masusunod.”

Dali-daling pumasok sa tolda si Abraham at sinabi kay Sara, “Dali, kumuha ka ng tatlong takal ng magandang harina, at gumawa ka ng tinapay.” Pumili naman si Abraham ng isang matabang guya mula sa kawan, at ipinaluto kaagad sa isang alipin. Kumuha rin siya ng keso at gatas, kasama ang nilutong karne, at inihain sa mga panauhin. Hindi siya lumalayo sa tabi ng mga panauhin habang kumakain ang mga ito.

Tinanong nila si Abraham, “Nasaan ang asawa mong si Sara?”

“Naroon po sa tolda,” sagot naman niya.

10 Sinabi(B) ng isa sa mga panauhin, “Babalik ako sa isang taon, sa ganito ring panahon, at pagbalik ko'y may anak na siya.”

Noon ay kasalukuyang nakikinig si Sara sa may pintuan ng tolda sa likuran ng panauhin. 11 Ang mag-asawang Abraham at Sara ay parehong matanda na at hindi na nga dinaratnan si Sara. 12 Lihim(C) na natawa si Sara at nagwika sa sarili, “Ngayong ako'y matanda na pati ang aking asawa, masisiyahan pa kaya ako sa pakikipagtalik?”

13 “Bakit natawa si Sara, at nagsabing kung kailan pa siya tumanda saka siya magkakaanak?” tanong ni Yahweh kay Abraham. 14 “Mayroon(D) bang hindi kayang gawin si Yahweh? Tulad ng sinabi ko, babalik ako sa isang taon at pagbalik ko'y may anak na siya.”

1 Pedro 1:23-25

23 Sapagkat muli kayong isinilang, hindi sa pamamagitan ng binhing nasisira, kundi sa pamamagitan ng buháy at walang kamatayang salita ng Diyos. 24 Ayon(A) sa kasulatan,

“Ang lahat ng tao ay tulad ng damo,
    gaya ng bulaklak nito ang lahat niyang kariktan.
Ang damo ay nalalanta, at ang bulaklak ay kumukupas,
25     ngunit ang salita ng Panginoon ay nananatili magpakailanman.”

Ang salitang ito ay ang Magandang Balitang ipinangaral sa inyo.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.