Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Awit ng Pagtatagumpay
118 Purihin(A) si Yahweh sa kanyang kabutihan!
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.
2 Ang taga-Israel,
bayaang sabihi't kanilang ihayag,
“Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.”
14 Si(A) Yahweh ang lakas ko't kapangyarihan;
siya ang sa aki'y nagdulot ng kaligtasan.
15 Dinggin ang masayang
sigawan sa tolda ng mga hinirang:
“Si Yahweh ay siyang lakas na patnubay!
16 Ang lakas ni Yahweh
ang siyang nagdulot ng ating tagumpay,
sa pakikibaka sa ating kaaway.”
17 Aking sinasabing
hindi mamamatay, ako'y mabubuhay
ang gawa ni Yahweh,
taos sa aking puso na isasalaysay.
18 Pinagdusa ako
at pinarusahan nang labis at labis,
ngunit ang buhay ko'y di niya pinatid.
19 Ang mga pintuan
ng banal na templo'y inyo ngayong buksan,
ako ay papasok,
at itong si Yahweh ay papupurihan.
20 Pasukan ni Yahweh
ang pintuang ito;
tanging makakapasok
ay matuwid na tao!
21 Aking pinupuri
ikaw, O Yahweh, yamang pinakinggan,
dininig mo ako't pinapagtagumpay.
10 Matinding takot ang naramdaman ng mga Israelita nang makita nilang dumarating ang Faraon at ang mga Egipcio. Kaya, dumaing sila kay Yahweh. 11 Sinabi nila kay Moises, “Wala na bang mapaglilibingan sa amin sa Egipto kaya mo kami dinala sa ilang para dito mamatay? Inilabas mo nga kami sa Egipto, ngunit tingnan mo ang nangyari! 12 Hindi ba't bago tayo umalis, sinabi na namin sa iyo na ganito nga ang aming sasapitin? Sinabi na namin sa iyo na huwag mo kaming pakialaman, at pabayaan na lamang kaming manatiling alipin ng mga Egipcio sapagkat mas gusto pa naming maging alipin kaysa mamatay dito sa ilang.”
13 Sumagot si Moises, “Lakasan ninyo ang inyong loob; huwag kayong matakot. Tingnan na lang ninyo kung paano kayo ililigtas ngayon ni Yahweh. Hindi na ninyo muling makikita ang mga Egipciong iyan. 14 Ipagtatanggol kayo ni Yahweh, pumanatag lamang kayo.”
Ang Pagtawid sa Dagat na Pula
15 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Bakit mo ako tinatawag? Palakarin mo ang mga Israelita. 16 Itapat mo sa ibabaw ng dagat ang iyong tungkod; mahahati ang tubig at matutuyo ang lalakaran ninyo. 17 Lalo kong pagmamatigasin ang mga Egipcio at pasusundan ko kayo sa kanila, ngunit doon ko sila lilipulin: ang mga Egipcio, ang mga kawal ng Faraon, pati ang kanilang mga karwahe. Ipapakita ko sa Faraon at sa kanyang hukbo ang aking kapangyarihan. 18 Sa gayon, malalaman ng mga Egipciong iyan na ako si Yahweh.”
19 Ang anghel ng Diyos na pumapatnubay sa paglalakbay ng mga Israelita ay nagpahuli sa kanila, gayundin ang haliging ulap. 20 Ang ulap ay lumagay sa pagitan ng mga Israelita at ng mga Egipcio. Madilim sa panig ng mga Egipcio, maliwanag naman sa mga Israelita. Dumating ang gabi at ang mga Egipcio ay hindi makalapit sa mga Israelita.
21 Itinapat ni Moises ang kanyang tungkod sa ibabaw ng dagat. Magdamag na pinaihip ni Yahweh ang isang malakas na hangin mula sa silangan at nahati ang tubig. 22 Ang(A) mga Israelita'y tumawid sa dagat na ang nilakara'y tuyong lupa, sa pagitan ng tubig na parang pader. 23 Hinabol sila ng mga Egipcio hanggang sa dagat. Ang mga ito'y mga kawal ng Faraon na nakasakay sa mga karwahe at mga kabayo. 24 Nang magbubukang-liwayway na, ang mga Egipcio'y ginulo ni Yahweh mula sa haliging apoy at ulap. 25 Napabaon[a] ang gulong ng mga karwahe at hindi na sila makahabol nang matulin. Kaya sinabi nila, “Umalis na tayo rito sapagkat si Yahweh na ang kalaban natin.”
26 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Itapat mo ang iyong tungkod sa ibabaw ng dagat at tatabunan ng tubig ang mga Egipcio pati ang kanilang mga karwahe.” 27 Ganoon nga ang ginawa ni Moises, at sa pagbubukang-liwayway, nanumbalik sa dati ang dagat. Ang mga Egipcio'y nagsikap makatakas ngunit pinalakas ni Yahweh ang pagdagsa ng tubig kaya't nalunod silang lahat. 28 Nang bumalik sa dati ang dagat, natabunan ang mga karwahe't kabayo ng Faraon, pati ang kanyang buong hukbo at wala ni isa mang natira. 29 Ngunit ang mga Israelita'y nakatawid sa dagat, na tuyong lupa ang dinaanan, sa pagitan ng tubig na parang pader.
30 Nang araw na iyon ang mga Israelita'y iniligtas ni Yahweh sa mga Egipcio; nakita nila ang bangkay ng mga Egipcio, nagkalat sa tabing dagat. 31 Dahil sa kapangyarihang ipinakita ni Yahweh laban sa mga Egipcio, nagkaroon sila ng takot sa kanya at sumampalataya sila sa kanya at sa lingkod niyang si Moises.
20 Pagkatapos, kumuha ng tamburin si Miriam, ang babaing propeta na kapatid ni Aaron. Tinugtog niya ito at nagsayawan ang mga babae na mayroon ding mga tamburin. 21 Habang sila'y nagsasayaw, ganito ang inaawit ni Miriam:
“Purihin si Yahweh sa kanyang dakilang tagumpay;
itinapon niya sa dagat ang mga karwahe't ang nakasakay.”
Ang Dati at Bagong Buhay
5 Kaya't patayin na ninyo ang mga pagnanasang makamundo: ang pakikiapid, karumihan, mahalay na simbuyo ng damdamin, masamang pagnanasa, at ang kasakiman na isang uri ng pagsamba sa diyus-diyosan. 6 Dahil sa mga ito, tatanggap ng parusa ng Diyos [ang mga taong ayaw pasakop sa kanya].[a] 7 Kayo man ay namuhay din ayon sa mga pagnanasang iyon nang kayo ay pinaghaharian pa ng mga ito.
8 Ngunit ngayon, itakwil na ninyo ang lahat ng galit, poot, at sama ng loob. Iwasan na ninyo ang panlalait at malaswang pananalita. 9 Huwag(A) kayong magsisinungaling sa isa't isa, sapagkat hinubad na ninyo ang dati ninyong pagkatao, pati ang mga gawa nito. 10 Isinuot(B) ninyo ang bagong pagkatao na patuloy na nababago at nagiging kalarawan ng Diyos na lumikha sa inyo, upang lalo ninyo siyang makilala. 11 Kaya't sa kalagayang ito, wala nang pagkakaiba ang Griego at ang Judio, ang tuli at ang di-tuli, ang dayuhan at ang hindi sibilisado, ang alipin at ang malaya. Ngunit si Cristo ang pinakamahalaga sa lahat, at siya'y nasa inyong lahat.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.