Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 118:1-2

Awit ng Pagtatagumpay

118 Purihin(A) si Yahweh sa kanyang kabutihan!
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.
Ang taga-Israel,
bayaang sabihi't kanilang ihayag,
“Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.”

Mga Awit 118:14-24

14 Si(A) Yahweh ang lakas ko't kapangyarihan;
siya ang sa aki'y nagdulot ng kaligtasan.

15 Dinggin ang masayang
sigawan sa tolda ng mga hinirang:
“Si Yahweh ay siyang lakas na patnubay!
16 Ang lakas ni Yahweh
ang siyang nagdulot ng ating tagumpay,
sa pakikibaka sa ating kaaway.”

17 Aking sinasabing
hindi mamamatay, ako'y mabubuhay
ang gawa ni Yahweh,
taos sa aking puso na isasalaysay.
18 Pinagdusa ako
at pinarusahan nang labis at labis,
ngunit ang buhay ko'y di niya pinatid.

19 Ang mga pintuan
ng banal na templo'y inyo ngayong buksan,
ako ay papasok,
at itong si Yahweh ay papupurihan.

20 Pasukan ni Yahweh
ang pintuang ito;
tanging makakapasok
ay matuwid na tao!

21 Aking pinupuri
ikaw, O Yahweh, yamang pinakinggan,
dininig mo ako't pinapagtagumpay.

22 Ang(B) (C) batong itinakwil
ng mga tagapagtayo ng bahay,
ang siyang naging batong-panulukan.
23 Ginawa ito ni Yahweh at ito'y kahanga-hangang pagmasdan.
24 O kahanga-hanga
ang araw na itong si Yahweh ang nagbigay,
tayo ay magalak, ating ipagdiwang!

Exodo 15:1-18

Ang Awit ni Moises

15 Ito(A) ang inawit ni Moises at ng mga Israelita para kay Yahweh:

“Itong si Yahweh ay aking aawitan, sa kanyang kinamtang dakilang tagumpay;
    ang mga kabayo't kawal ng kaaway, sa pusod ng dagat, lahat natabunan.
Si(B) Yahweh ang aking kapangyarihan at kalakasan,
    siya ang sa aki'y nagdulot ng kaligtasan.
Siya'y aking Diyos na aking pupurihin,
    Diyos ng aking ama, aking dadakilain.
Siya'y isang mandirigma;
    Yahweh ang kanyang pangalan.

“Mga karwahe't kawal ni Faraon, sa dagat ay kanyang itinapon,
    sa Dagat na Pula[a] nailibing, mga pinunong Egipcio na pawang magagaling.
Sa malalim na dagat sila'y natabunan,
    tulad nila'y batong lumubog sa kailaliman.
Ang kanang kamay mo, Yahweh'y makapangyarihan,
    dinudurog nito ang mga kaaway.
Sa dakila mong tagumpay, nilulupig ang kaaway;
    sa matinding init ng iyong poot, para silang dayaming tinutupok.
Nang hipan mo ang dagat, tubig ay tumaas,
    parang pader na tumayo, kailalima'y tumigas.
Wika ng kaaway, ‘hahabulin ko sila't huhulihin,
    kayamanan nila'y aking sasamsamin,
    at sa tabak kong hawak, sila'y lilipulin.’
10 Ngunit sa isang hinga mo Yahweh, sila'y nangalunod,
    parang tinggang sa malalim na tubig ay nagsilubog.

11 “Ikaw Yahweh, sino sa mga diyos ang iyong kagaya?
    Sa kabanala'y dakila at kamangha-mangha,
    sa mga himala'y di mapantayan, sa kababalaghan ay di matularan?
12 Nang iyong iunat ang kanan mong kamay,
    nilamon ng lupa ang aming mga kaaway.
13 Sa iyong katapatan, bayan mong tinubos ay inakay,
    tungo sa lupang banal, sila'y iyong pinatnubayan.
14 Maraming bansa ang dito'y nakarinig, at sa takot sila'y nagsipanginig;
    doon sa lupain ng mga Filisteo, nasindak ang lahat ng mga tao.
15 Mga pinuno ng Edom ay nangagimbal;
    matatapang sa Moab sa takot ay sinakmal,
    mga nakatira sa lupain ng Canaan, lahat sila'y naubusan ng katapangan.
16 Takot at sindak ang sa kanila'y dumatal,
para silang bato na hindi makagalaw,
    nang kapangyarihan mo'y kanilang namalas,
    nang dumaan sa harap nila ang bayang iyong iniligtas.
17 Sila'y dadalhin mo, Yahweh, sa sarili mong bundok.
    Sa dakong pinili mo upang maging iyong lubos,
    doon sa santuwaryong ikaw ang nagtayo at tumapos.
18 Ikaw, Yahweh, ay maghahari magpakailanpaman.”

Colosas 3:12-17

12 Kaya(A) nga, dahil kayo'y hinirang ng Diyos, minamahal niya at pinili para sa kanya, dapat kayong maging mahabagin, mabait, mapagpakumbaba, mahinahon, at mapagtiis. 13 Magpasensiya(B) kayo sa isa't isa. Kung may hinanakit kayo kaninuman, magpatawad kayo gaya ng pagpapatawad sa inyo ng Panginoon.[a] 14 At higit sa lahat, taglayin ninyo ang pagmamahalan, na siyang nagbubuklod sa lahat sa ganap na pagkakaisa. 15 Paghariin ninyo sa inyong puso ang kapayapaang kaloob ni Cristo, sapagkat iyan ang dahilan kung bakit kayo tinawag sa iisang katawan. Magpasalamat kayong lagi. 16 Ang(C) salita ni Cristo'y hayaan ninyong lubusang manatili sa inyong puso. Turuan ninyo at paalalahanan ang isa't isa nang may buong karunungan. Buong puso kayong umawit ng mga salmo, mga himno at mga awiting espirituwal, nang may pagpapasalamat sa Diyos. 17 At anuman ang inyong gagawin o sasabihin, gawin ninyong lahat sa pangalan ng Panginoong Jesus at sa pamamagitan niya'y magpasalamat kayo sa Diyos Ama.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.