Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Pagpupuri ng Taong Naligtas sa Kamatayan
116 Minamahal ko si Yahweh, pagkat ako'y dinirinig,
dinirinig niya ako, sa dalangin ko at hibik;
2 ako'y kanyang dinirinig tuwing ako'y tumatawag,
kaya nga't habang buhay ko'y sa iyo lagi tatawag.
3 Noong ako'y mahuhulog sa bingit ng kamatayan,
nadarama ko ang tindi ng takot ko sa libingan;
lipos ako ng pangamba at masidhing katakutan.
4 Sa ganoong kalagayan, si Yahweh ang tinawag ko,
at ako ay nagsumamo na iligtas niya ako.
12 Kay Yahweh na aking Diyos, anong aking ihahandog,
sa lahat ng kabutihan na sa akin ay kaloob?
13 Ang handog ko sa dambana, ay inumin na masarap,
bilang aking pagkilala sa ginawang pagliligtas.
14 Sa tuwinang magtitipon ang lahat ng kanyang hirang,
ang anumang pangako ko, ay doon ko ibibigay.
15 Tunay ngang itong si Yahweh, malasakit ay malaki,
kung ang isang taong tapat, kamatayan ay masabat.
16 O Yahweh, naririto akong inyong abang lingkod,
katulad ng aking ina, maglilingkod akong lubos;
yamang ako'y iniligtas, kinalinga at tinubos.
17 Ako ngayo'y maghahandog ng haing pasasalamat,
ang handog kong panalangi'y sa iyo ko ilalagak.
18-19 Kapag nagsasama-sama ang lahat ng iyong hirang,
sa templo sa Jerusalem, ay doon ko ibibigay
ang anumang pangako kong sa iyo ay binitiwan.
Purihin si Yahweh!
Awit ng Papuri kay Yahweh
25 O Yahweh, ikaw ang aking Diyos;
pupurihin ko at dadakilain ang iyong pangalan;
sapagkat kahanga-hanga ang iyong mga ginawa;
buong katapatan mong isinagawa
ang iyong mga balak mula pa noong una.
2 Ang mga lunsod ay iyong iginuho,
at winasak ang mga kuta;
ibinagsak ninyo ang mga palasyo ng mga dayuhan,
at ang mga iyon ay hindi na muling maitatayo.
3 Kaya dadakilain ka ng taong malalakas,
at matatakot sa iyo ang malulupit na lunsod.
4 Ikaw ang tunay na kanlungan ng mahihirap,
at mga nangangailangan,
matatag na silungan sa panahon ng unos
at nakakapasong init.
Sa harap mo'y mabibigo ang mararahas,
sila'y parang bagyong humahampas sa matibay na pader.
5 Ang ingay ng dayuhan ay parang init sa disyerto,
ngunit napatahimik mo ang ingay ng mga kaaway;
hindi na marinig ang awit ng malulupit,
parang init na natakpan ng ulap.
8 Hindi ninyo siya nakita ngunit siya'y inibig ninyo. Hindi pa rin ninyo siya nakikita hanggang ngayon, ngunit sumasampalataya kayo sa kanya. Dahil dito'y nag-uumapaw na sa inyong puso ang kagalakang di kayang ilarawan sa salita, 9 sapagkat tinatanggap na ninyo ang bunga ng inyong[a] pananampalataya, ang kaligtasan ng inyong buhay.
10 Tungkol sa kaligtasang ito masusing nagsiyasat at nagsuri ang mga propetang nagpahayag tungkol sa pagpapalang nakalaan sa inyo. 11 Sinuri nila kung kailan at paano ito mangyayari. Ang panahong ito ang tinutukoy ng Espiritu ni Cristo na nasa kanila nang unang ipahayag nito ang hirap na titiisin ni Cristo at ang karangalang tatamuhin niya. 12 Nang kanilang ipahayag ang mga katotohanang ito, ipinaunawa sa kanila ng Diyos na ang ginagawa nila ay para sa inyo, at hindi para sa kanila. Ang mga katotohanang ito'y narinig ninyo ngayon sa mga nangangaral ng Magandang Balita sa kapangyarihan ng Espiritu Santo na isinugo mula sa langit. Maging ang mga anghel sa langit ay nanabik na maunawaan ang mga katotohanang ito.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.