Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 100

Awit ng Pagpupuri

Isang Awit ng Pasasalamat.

100 Umawit sa kagalakan ang lahat ng mga bansa!
Si Yahweh ay papurihan, paglingkuran siyang kusa;
    lumapit sa presensya niya at umawit na may tuwa!

O si Yahweh ay ating Diyos! Ito'y dapat na malaman,
    tayo'y kanya, kanyang lahat, tayong lahat na nilalang;
    lahat tayo'y bayan niya, kabilang sa kanyang kawan.

Pumasok sa kanyang templo na ang puso'y nagdiriwang,
    umaawit, nagpupuri sa loob ng dakong banal;
    purihin ang ngalan niya at siya'y pasalamatan!

Napakabuti(A) ni Yahweh,
    pag-ibig niya'y walang hanggan,
    pag-ibig niya ay tunay, laging tapat kailanman!

Ezekiel 34:17-23

17 “Sa inyo, aking kawan, ito ang sinasabi ng inyong Diyos na si Yahweh: Ako ang magiging hukom ninyo. Hahatulan ko kayo at ibubukod ang mga tupa sa mga kambing. 18 Hindi na kayo nakuntento sa panginginain; sinisira pa ninyo ang di n'yo maubos. Bakit hindi na lang kayo uminom hanggang ibig ninyo? Bakit binubulabog pa ninyo ang tubig na natitira? 19 Ang kinakain ng aking kawan ay ang tinatapak-tapakan pa ninyo at ang iniinom ay ang binulabog ninyong tubig.”

20 “Dahil dito,” sabi ni Yahweh, “ako mismo ang magbubukod-bukod sa malulusog at mahihinang tupa. 21 Ginigitgit ninyo at sinusuwag ang mga mahihina hanggang sa sila'y mangalat kung saan-saan. 22 Dahil dito, ako ang mangangalaga sa aking kawan at hindi ko papayagang sila'y inyong apihin. Ihihiwalay ko ang mabubuti sa masasama. 23 Itatalaga(A) ko sa kanila ang isang hari, tulad ng lingkod kong si David. Siya ang magiging pastol nila.

1 Pedro 5:1-5

Pangangalaga at Pagiging Handa

Sa matatandang namumuno sa inyo, nananawagan ako bilang isa ring matandang pinuno ng iglesya na tulad ninyo, bilang saksi sa mga paghihirap ni Cristo at sapagkat makakabahagi ako sa karangalang malapit nang ipahayag. Pangalagaan(A) ninyo ang kawan ng Diyos na ipinagkatiwala sa inyo. Gawin ninyo ito nang maluwag sa loob at hindi napipilitan lamang. [Iyan ang nais ng Diyos].[a] Gampanan ninyo ang inyong tungkulin, hindi dahil sa kabayaran kundi dahil gusto ninyong makapaglingkod, hindi bilang panginoon ng inyong nasasakupan, kundi maging halimbawa kayo sa kawan. At pagparito ng Pinunong Pastol ay tatanggap kayo ng maluwalhating koronang di kukupas kailanman.

At(B) kayo namang mga kabataan, pasakop kayo sa matatandang pinuno ng iglesya. At kayong lahat ay magpakumbaba sapagkat, “Sinasalungat ng Diyos ang mapagmataas, ngunit pinagpapala niya ang mababang-loob.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.