Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Awit ng Pagpupuri
Isang Awit ng Pasasalamat.
100 Umawit sa kagalakan ang lahat ng mga bansa!
2 Si Yahweh ay papurihan, paglingkuran siyang kusa;
lumapit sa presensya niya at umawit na may tuwa!
3 O si Yahweh ay ating Diyos! Ito'y dapat na malaman,
tayo'y kanya, kanyang lahat, tayong lahat na nilalang;
lahat tayo'y bayan niya, kabilang sa kanyang kawan.
4 Pumasok sa kanyang templo na ang puso'y nagdiriwang,
umaawit, nagpupuri sa loob ng dakong banal;
purihin ang ngalan niya at siya'y pasalamatan!
5 Napakabuti(A) ni Yahweh,
pag-ibig niya'y walang hanggan,
pag-ibig niya ay tunay, laging tapat kailanman!
23 Itatalaga(A) ko sa kanila ang isang hari, tulad ng lingkod kong si David. Siya ang magiging pastol nila. 24 Akong(B) si Yahweh ang magiging Diyos nila at ang mamamahala sa kanila ay isang haring tulad ng lingkod kong si David. Akong si Yahweh ang maysabi nito.
25 “Gagawa ako ng tipan upang mabuhay sila nang mapayapa. Paaalisin ko sa lupain ang mababangis na hayop upang ang mga tupa ko'y magkaroon ng kapanatagan maging sa kaparangan o sa kagubatan man. 26 Pagpapalain ko sila at ang lupain sa palibot ng burol na itinalaga nila sa akin. At pauulanin ko sa kapanahunan. Sila'y pauulanan ko ng pagpapala. 27 Mamumunga ang mga punongkahoy sa kabukiran. Mag-aani sila nang sagana buhat sa kanilang lupain at sila'y mamumuhay doon nang panatag. At kung mapalaya ko na sila mula sa umaalipin sa kanila, makikilala nilang ako si Yahweh. 28 Hindi na sila lolooban ng ibang bansa ni dadaluhungin ng mababangis na hayop. Mamumuhay na sila nang matiwasay at payapa. 29 Pag-aanihin ko sila nang sagana mula sa kanilang matabang lupain para hindi sila dumanas ng gutom ni kutyain ng ibang bansa. 30 Malalaman ng lahat na ako ang nag-iingat sa Israel na aking bayan. Akong si Yahweh ang nagsabi nito. 31 Kayo ang aking mga tupa sa aking pastulan; ako ang inyong Diyos.”
Panalangin
20 Ang Diyos ng kapayapaan ang siyang muling bumuhay sa ating Panginoong Jesus, na naging Dakilang Pastol ng mga tupa dahil sa kanyang dugo na nagpatibay sa walang hanggang tipan. 21 Nawa'y ipagkaloob niya sa inyo ang lahat ng kailangan ninyo upang maisagawa ang kanyang kalooban, at sa pamamagitan ni Jesu-Cristo ay gawin niya sa atin ang nakalulugod sa kanya. Papurihan nawa si Cristo magpakailanman! Amen.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.