Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 114

Awit ng Paggunita sa Exodo

114 Ang(A) bayang Israel
sa bansang Egipto'y kanyang
inilabas,
nang ang lahing ito
sa bansang dayuhan lahat ay lumikas.
Magmula na noon
ang lupaing Juda'y naging dakong banal,
at bansang Israel
ginawa ng Diyos na sariling bayan.

Ang(B) Dagat ng Tambo,
nang ito'y makita, nagbigay ng daan,
magkabilang panig
ng Ilog ng Jordan ay tumigil naman.
Maging mga bundok,
katulad ng tupa, ay pawang nanginig,
pati mga burol,
nanginig na parang tupang maliliit.

Ano ang nangyari,
at ikaw, O dagat, nagbigay ng daan?
Ikaw, Ilog Jordan,
bakit ang tubig mo ay tumigil naman?
Kayong mga bundok,
bakit parang kambing na nagsisilundag?
Kayong mga burol,
maliit na tupa'y inyo namang katulad?

Ikaw, O daigdig,
sa harap ni Yahweh, ngayon ay manginig,
dapat kang matakot
sapagkat darating ang Diyos ni Jacob,
sa(C) malaking bato
nagpabukal siya ng saganang tubig,
at magmula roon
ang tubig na ito ay nagiging batis.

Jonas 2

Ang Panalangin ni Jonas

Habang si Jonas ay nasa tiyan ng isda, nanalangin siya ng ganito:

“Yahweh, nang ako'y nasa kagipitan, nanalangin ako sa inyo,
    at sinagot ninyo ako.
Mula sa daigdig ng mga patay
    ako'y tumawag sa inyo, at dininig ninyo ako.
Itinapon ninyo ako sa kalaliman;
    sa pusod ng karagatan.
    Nabalot ako ng malakas na agos ng tubig,
    at malalaking alon ang sa akin ay tumabon.
Akala ko'y malayo na ako sa inyo,
    at hindi ko na kailanman makikitang muli ang banal mong Templo.
Hinigop ako ng kalaliman,
    hanggang sa tuluyang lumubog;
    napuluputan ang aking ulo ng mga halamang dagat.
Ako'y bumabâ sa paanan ng mga bundok,
    sa libingan ng mga patay.
Ngunit mula roo'y buháy akong iniahon, O Yahweh.
Nang maramdaman kong malalagot na ang aking hininga,
    naalala ko kayo, Yahweh. Ako'y nanalangin,
    at mula sa banal ninyong Templo, ako'y inyong narinig.
Ang mga sumasamba sa mga diyus-diyosan
    ay hindi naging tapat sa inyo.
Ngunit aawit ako ng pasasalamat
    at sa inyo'y maghahandog;
    tutuparin ko ang aking mga pangako,
O Yahweh na aking Tagapagligtas!”

10 Pagkatapos, inutusan ni Yahweh ang isda na iluwa si Jonas sa dalampasigan.

Mateo 12:38-42

Hinanapan si Jesus ng Palatandaan(A)

38 Sinabi(B) naman sa kanya ng ilang tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo, “Guro, maaari po bang magpakita kayo sa amin ng isang palatandaan?” 39 Sumagot(C) si Jesus, “Lahing masama at taksil sa Diyos! Naghahanap kayo ng palatandaan ngunit walang ipapakita sa inyo maliban sa himalang nangyari kay Propeta Jonas. 40 Kung(D) paanong si Jonas ay tatlong araw at tatlong gabing nasa tiyan ng dambuhalang isda, ang Anak ng Tao ay tatlong araw at tatlong gabi ring nasa ilalim ng lupa. 41 Sa(E) Araw ng Paghuhukom, tatayo ang mga taga-Nineve at sasaksi laban sa lahing ito, sapagkat nagsisi sila matapos pangaralan ni Jonas. Ngunit higit pa kay Jonas ang naririto. 42 Sa(F) araw na iyon, sasaksi rin ang Reyna ng Sheba laban sa lahing ito. Naglakbay siya mula pa sa dulo ng daigdig upang masaksihan ang karunungan ni Solomon, ngunit higit pa kay Solomon ang naririto ngayon!”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.