Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Awit ng Paggunita sa Exodo
114 Ang(A) bayang Israel
sa bansang Egipto'y kanyang
inilabas,
nang ang lahing ito
sa bansang dayuhan lahat ay lumikas.
2 Magmula na noon
ang lupaing Juda'y naging dakong banal,
at bansang Israel
ginawa ng Diyos na sariling bayan.
3 Ang(B) Dagat ng Tambo,
nang ito'y makita, nagbigay ng daan,
magkabilang panig
ng Ilog ng Jordan ay tumigil naman.
4 Maging mga bundok,
katulad ng tupa, ay pawang nanginig,
pati mga burol,
nanginig na parang tupang maliliit.
5 Ano ang nangyari,
at ikaw, O dagat, nagbigay ng daan?
Ikaw, Ilog Jordan,
bakit ang tubig mo ay tumigil naman?
6 Kayong mga bundok,
bakit parang kambing na nagsisilundag?
Kayong mga burol,
maliit na tupa'y inyo namang katulad?
7 Ikaw, O daigdig,
sa harap ni Yahweh, ngayon ay manginig,
dapat kang matakot
sapagkat darating ang Diyos ni Jacob,
8 sa(C) malaking bato
nagpabukal siya ng saganang tubig,
at magmula roon
ang tubig na ito ay nagiging batis.
Pinagtaguan ni Jonas si Yahweh
1 Ang(A) aklat na ito ay naglalaman ng mensahe ni Yahweh sa pamamagitan ni Jonas na anak ni Amitai. Isang araw, sinabi sa kanya ni Yahweh: 2 “Pumunta ka sa Nineve na isang malaking lunsod, at sabihin mo sa mga tagaroon na umabot na sa aking kaalaman ang kanilang kasalanan.” 3 Sa halip na sumunod, ipinasya ni Jonas na takasan si Yahweh. Nagtungo siya sa Joppa, at doon ay nakatagpo ng isang barkong patungong Tarsis. Pagkatapos na magbayad ng pamasahe, sumakay siya sa barko upang maglakbay kasama ng iba pang mga pasahero patungong Tarsis. Sa ganitong paraan ay inakala niyang makakatakas siya kay Yahweh.
4 Ngunit nang sila'y nasa laot na, nagpadala si Yahweh ng isang malakas na bagyo kaya't halos mawasak ang barko. 5 Dahil dito, labis na natakot ang mga tripulante kaya't silang lahat ay humingi ng tulong sa kani-kanilang diyos. Pagkatapos, inihulog nila sa dagat ang mga kargamento para gumaan ang sasakyan. Samantala, si Jonas naman ay mahimbing na natutulog sa isang sulok sa ibabang palapag ng barko.
6 Nakita siya ng kapitan at ginising, “Ano't nagagawa mo pang matulog? Bumangon ka't manalangin sa iyong diyos, baka sakaling kaawaan niya tayo at iligtas sa kamatayan.”
7 Nag-usap-usap ang mga tripulante, “Magpalabunutan tayo, para malaman natin kung sino ang dahilan ng lahat ng ito.” Gayon nga ang kanilang ginawa at nabunot ang pangalan ni Jonas. 8 Kaya't siya'y kinausap nila, “Sabihin mo sa amin kung sino ang dapat sisihin sa nangyayaring ito. Anong ginagawa mo rito? Saang bansa ka galing? Tagasaan ka at anong lahi mo?”
9 Sumagot si Jonas, “Ako ay isang Hebreo at sumasamba ako kay Yahweh, ang Diyos ng kalangitan na lumikha ng dagat at ng lupa.” 10 Sinabi ni Jonas na tinakasan niya si Yahweh. Nakadama ng matinding takot ang mga nakarinig kaya sinabi nila kay Jonas, “Napakalaking kasalanan ang ginawa mo!”
11 Lalong lumakas ang bagyo, kaya tinanong nila si Jonas, “Ano ang dapat naming gawin sa iyo para pumayapa ang dagat?”
12 “Ihagis ninyo ako sa dagat at papayapa ito. Alam kong ako ang dahilan kaya nagkaroon ng ganito kalakas na bagyo,” sagot niya.
13 Gayunpaman, sinikap ng mga tripulante na itabi ang barko, ngunit wala silang magawâ sapagkat lalong lumalakas ang bagyo. 14 Kaya't nanalangin sila kay Yahweh nang ganito: “Yahweh, huwag po ninyo kaming hayaang mamatay dahil sa gagawin namin sa taong ito. Huwag po ninyo kaming parusahan kung mamatay man ang taong ito. Kayo po Yahweh ang may pananagutan dito.” 15 Pagkasabi nito, binuhat nila si Jonas at inihagis sa dagat. Agad namang pumayapa ang dagat. 16 Dahil dito, nagkaroon sila ng matinding takot kay Yahweh kaya't sila'y nag-alay ng handog at nangakong maglilingkod sa kanya.
17 Sa(B) utos ni Yahweh, nilamon si Jonas ng isang dambuhalang isda at siya'y nanatili ng tatlong araw at tatlong gabi sa tiyan nito.
19 Kung ang pag-asa natin kay Cristo ay para lamang sa buhay na ito,[a] tayo na ang pinakakawawa sa lahat ng tao.
20 Ngunit sa katunayan si Cristo'y muling binuhay at ito'y katibayan na muli ngang bubuhayin ang mga patay. 21 Kung paanong dumating ang kamatayan sa pamamagitan ng isang tao, gayundin naman, dumating ang muling pagkabuhay sa pamamagitan din ng isang tao. 22 Sapagkat kung paanong namamatay ang lahat dahil sa kanilang kaugnayan kay Adan, gayundin naman, mabubuhay ang lahat dahil sa kanilang kaugnayan kay Cristo. 23 Ngunit ang bawat isa'y may kanya-kanyang takdang panahon. Si Cristo ang pinakauna sa lahat; pagkatapos, ang mga kay Cristo sa panahon ng pagparito niya. 24 At darating ang wakas, kapag naibigay na ni Cristo ang kaharian sa Diyos Ama, pagkatapos niyang malupig ang lahat ng paghahari, pamahalaan at kapangyarihan. 25 Sapagkat(A) si Cristo'y dapat maghari hanggang sa malupig niya at lubusang mapasuko ang kanyang mga kaaway. 26 Ang kahuli-hulihang kaaway na kanyang lulupigin ay ang kamatayan. 27 Ganito(B) ang sinasabi ng kasulatan, “Ang lahat ng bagay ay lubusang ipinailalim ng Diyos sa kanyang kapangyarihan.” Ngunit sa salitang “lahat ng bagay,” maliwanag na hindi kasama rito ang Diyos na siyang naglagay ng lahat ng bagay sa ilalim ng kapangyarihan ni Cristo. 28 At kapag ang lahat ay nasa ilalim na ng kapangyarihan ng Anak, ipapailalim naman siya sa kapangyarihan ng Diyos na naglagay ng lahat ng bagay sa ilalim ng kapangyarihan niya. Sa gayon, ang Diyos ay mangingibabaw sa lahat.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.