M’Cheyne Bible Reading Plan
Mga Bumalik Mula sa Pagkabihag sa Babilonia
9 Ang lahat ng mamamayan ng Israel ay naitala ayon sa kanya-kanyang lipi. Ito'y nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel. Ang mga taga-Juda ay ipinatapon sa Babilonia bilang parusa sa kanilang kasamaan. 2 Ang(A) mga unang bumalik sa kanilang mga lunsod at lupain ay ang mga pari, mga Levita, mga tagapaglingkod sa Templo at mga karaniwang mamamayan. 3 May mga angkan sina Juda, Benjamin, Efraim at Manases na tumira sa Jerusalem.
Mga Nanirahan sa Jerusalem
4 Sa angkan naman ni Peres na anak ni Juda ay si Utai na anak ni Amihud at apo ni Omri. Ang iba pang angkan niya ay sina Imri at Bani. 5 Sa angkan ni Sela, si Asaya ang pinakamatanda at ang mga anak niya. 6 Sa angkan ni Zera, si Jeuel at ang kanyang mga angkan, lahat-lahat ay 690 pamilya.
7 Sa lipi naman ni Benjamin: si Sallu, na anak ni Mesulam, na anak ni Hodavias na anak naman ni Asenua. 8 Si Ibnias na anak ni Jeroham; si Ela na anak ni Uzi na anak naman ni Micri, si Mesulam na anak ni Sefatias, na anak ni Reuel na anak ni Ibnia. 9 Ang kabuuan ng kanilang mga angkan ay umaabot sa 956. Lahat sila'y pinuno ng kani-kanilang sambahayan.
Ang mga Pari sa Jerusalem
10 Sa pangkat naman ng mga pari ay kabilang sina Jedaias, Joiarib at Jaquin. 11 Si Azarias na anak ni Hilkias ang pinakapuno sa Templo. Ang mga ninuno niya'y sina Zadok, Meraiot at Ahitob. 12 Kasama rin si Adaya na anak ni Jeroham at apo ni Pashur na anak ni Malquias. Anak ni Malquias si Masai at apo ni Adiel. Ito'y anak ni Jazera na anak ni Mesulam na anak ni Mesilemit na anak ni Imer. 13 Ang mga ito'y pinuno ng kani-kanilang sambahayan, pawang may kakayahan sa paglilingkod sa Templo at ang bilang nila ay umaabot sa 1,760.
Ang mga Levita sa Jerusalem
14 Ito naman ang listahan ng mga Levita: sa angkan ni Merari ay si Semaya na anak ni Hasub at apo ni Azrikam na anak naman ni Hashabias. 15 Kabilang din sina Bacbacar, Heres at Galal. Si Matanias ay anak ni Mica na anak ni Zicri na mula sa angkan ni Asaf.
16 Sa angkan ni Jeduthun ay kabilang si Obadias na anak ni Semaya at apo ni Galal, at si Berequias na anak ni Asa at apo ni Elkana. Sa mga nayon ng Netofa sila naninirahan.
Ang mga Bantay sa Templo na Nanirahan sa Jerusalem
17 Ang mga bantay sa pinto ng Templo ay sina Sallum, Akub, Talmon at Ahiman. Ang pinuno nila ay si Sallum. 18 Sila ang bantay sa pintong-pasukan ng hari sa gawing silangan ng Templo at dating bantay sa kampo ng mga anak ni Levi. 19 Si Sallum ay anak ni Korah at apo ni Ebiasaf na anak ni Korah. Kasama nila ang iba pang mula sa angkan ni Korah. Sila ang nakakaalam sa pagpasok sa Templo, gaya ng kanilang mga ninuno noong sila pa ang namahala sa kampo. 20 Si Finehas na anak ni Eleazar ang tagapamahala nila noon, at pinapatnubayan siya ni Yahweh. 21 Si Zacarias na anak ni Meselemias ang bantay-pinto sa Toldang Tipanan. 22 Ang lahat ng bantay-pinto ay umaabot sa 212. Sila'y kabilang sa listahan ng kani-kanilang nayon. Si David at ang propetang si Samuel ang naglagay sa kanila sa tungkuling ito sapagkat sila'y mapagkakatiwalaan. 23 Sila at ang kanilang mga anak ang naging bantay sa pinto ng Templo. 24 Sa apat na panig nito, sa silangan, sa kanluran, sa hilaga at sa timog ay may mga bantay. 25 Ang mga kamag-anak nila sa mga nayon sa paligid ay dumarating doon tuwing ikapitong araw upang makatulong nila. 26 Kailangan nilang gawin ito sapagkat ang apat na Levitang bantay doon ay namamahala rin sa mga silid at kayamanang nasa Templo. 27 Doon na sila natutulog sa Templo, sapagkat sa kanila ipinagkatiwala ang pangangalaga at pagbabantay niyon. Sila rin ang nagbubukas ng Templo tuwing umaga.
28 Ang iba sa kanila'y tagapangalaga ng mga kagamitan sa paglilingkod, sapagkat kailangang bilangin nila iyon tuwing gagamitin at ibabalik sa lalagyan. 29 Ang iba nama'y nangangalaga ng mga kasangkapan, ang iba naman ay sa mga kagamitan sa paglilingkod, tulad ng pinong harina, alak, langis, insenso at mga pabango. 30 At ang iba pa ang taga-timpla ng mga pabango. 31 Isa sa mga Levita na mula sa angkan ni Korah, si Matitias na panganay ni Sallum ang tagagawa ng manipis na tinapay. 32 May ilan pang mula sa angkan ni Kohat ang tagaayos naman sa mga tinapay na handog tuwing Araw ng Pamamahinga.
33 Ito ang mga pinuno ng mga sambahayang Levita na umaawit at doon na rin tumitira sa mga silid sa Templo. Wala silang ibang gawain, sapagkat kailangang gampanan nila ang kanilang tungkulin araw-gabi. 34 Sila'y mga pinuno ng mga sambahayang Levita ayon sa angkan at sila'y sa Jerusalem naninirahan.
Ang mga Ninuno at Angkan ni Haring Saul(B)
35 Doon din tumitira si Jelhiel, ang nagtatag ng bayan ng Gibeon. Ang asawa niya'y si Maaca. 36 Ang mga anak nila'y sina Abdon, Zur, Kish, Baal, Ner, Nadab, 37 Gedor, Ahio, Zacarias at Miclot. 38 Si Miclot ang ama ni Simeam at ng iba pang kamag-anak nilang nakatira sa tapat ng Jerusalem. 39 Si Ner ang ama ni Kish na ama naman ni Saul. Si Saul ang ama nina Jonatan, Melquisua, Abinadab at Esbaal. 40 Ang anak ni Jonatan ay si Merib-baal na ama naman ni Mica. 41 Ang mga anak ni Mica ay sina Piton, Melec, Tarea at Ahaz. 42 Si Ahaz ang ama ni Jara, at si Jara naman ang ama nina Alemet, Azmavet at Zimri. Si Zimri ang ama ni Moza, 43 at si Moza naman ang ama ni Binea na ama nina Refaya, Elasa at Azel. 44 Ang mga anak ni Azel ay sina Azrikam, Bocru, Ismael, Seraya, Obadias at Hanan.
Ang Pagkamatay ni Saul at ng Kanyang mga Anak(C)
10 Dinigma ng mga Filisteo ang mga Israelita; kaya't ang mga Israelita ay nagsitakas, at marami sa kanila ang namatay sa Bundok ng Gilboa. 2 Si Saul at ang kanyang mga anak ay inabutan ng mga Filisteo; pinatay ng mga Filisteo sina Jonatan, Abinadab at Melquisua, ang mga anak ni Saul. 3 Napakatindi ng labanan sa palibot ni Saul; at nang siya'y makita at panain ng mga manunudla, si Saul ay malubhang nasugatan. 4 Dahil dito, sinabi ni Saul sa tagapagdala ng kanyang mga gamit-pandigma, “Saksakin mo na ako upang hindi na ako abutang buháy ng mga paganong iyan, at paglaruan pa nila.” Ngunit tumanggi ito, sapagkat natatakot siyang gawin ito. Kaya't binunot ni Saul ang kanyang espada, at sinaksak niya ang sarili. 5 Nang makita ng tagapagdala na nagpakamatay si Saul, ganoon din ang ginawa nito sa kanyang sarili. 6 Kaya't sabay-sabay na namatay si Saul, ang kanyang tatlong anak na lalaki, at lahat ng kanyang mga kamag-anak. 7 Nang makita ng mga Israelitang nasa libis na tumakas na ang hukbo ng Israel at nang mabalitaang napatay na si Saul at ang mga anak nito, nilisan nila ang kanilang mga bayan at tumakas na rin. Kaya't nang dumating ang mga Filisteo, dito na sila nagkuta.
8 Kinabukasan, nang puntahan ng mga Filisteo ang kanilang mga napatay upang samsaman, natagpuan nila sa Bundok ng Gilboa ang bangkay ni Saul at ng tatlo niyang anak. 9 Hinubaran nila si Saul, pinugutan ng ulo at kinuha ang kanyang mga gamit-pandigma. Pagkatapos, nagpadala sila ng mga sugo sa buong lupain upang ibalita sa mga Filisteo at sa kanilang mga diyus-diyosan ang kanilang tagumpay. 10 Ang mga gamit-pandigma ni Saul ay dinala nila sa templo ng kanilang mga diyus-diyosan at ang ulo niya'y isinabit nila sa templo ng kanilang diyos na si Dagon. 11 Subalit nang mabalitaan ng mga taga-Jabes-gilead ang ginawa ng mga Filisteo kay Saul, 12 nagtipun-tipon ang mga magigiting na mandirigma at kinuha nila ang bangkay ni Saul at ng kanyang mga anak. Dinala nila ang mga ito sa Jabes, at doo'y inilibing sa ilalim ng malaking puno. Pitong araw silang nag-ayuno bilang pagluluksa. 13 Namatay(D) si Saul sapagkat hindi siya naging tapat kay Yahweh at sinuway niya ang kanyang mga utos; sumangguni pa siya sa kumakausap sa espiritu ng namatay na 14 sa halip na kay Yahweh. Kaya siya'y pinatay ni Yahweh at ibinigay ang paghahari kay David na anak ni Jesse.
Ama Natin ang Diyos
12 Kaya nga, dahil napapaligiran tayo ng napakaraming saksi, tanggalin natin ang anumang balakid at ang kasalanang kumakapit sa atin. Buong tiyaga tayong tumakbo sa takbuhing nasa ating harapan. 2 Ituon natin ang ating paningin kay Jesus. Sa kanya nakasalalay ang ating pananampalataya mula simula hanggang katapusan. Dahil sa kagalakang naghihintay sa kanya, hindi niya inalintana ang kahihiyan ng pagkamatay sa krus, at siya ngayo'y nakaupo sa kanan ng trono ng Diyos.
3 Isip-isipin ninyo kung gaano ang tiniis niyang pag-uusig sa kamay ng mga makasalanan, upang hindi kayo manlupaypay o panghinaan ng loob. 4 Hindi pa humahantong sa pagdanak ng dugo ang pakikipaglaban ninyo sa kasalanan. 5 Nalimutan(A) na ba ninyo ang panawagan ng Diyos sa inyo bilang mga anak niya, mga salitang nagpapalakas ng loob?
“Anak ko, huwag mong baliwalain ang pagtutuwid ng Panginoon,
at huwag kang panghihinaan ng loob kapag ikaw ay dinidisiplina niya.
6 Sapagkat dinidisiplina ng Panginoon ang mga minamahal niya,
at pinapalo ang itinuturing niyang anak.”
7 Tiisin ninyo ang lahat ng hirap tulad sa pagtutuwid ng isang ama, dahil ito'y nagpapakilalang kayo'y tinatanggap ng Diyos bilang tunay niyang mga anak. Sinong anak ang hindi dinidisiplina ng kanyang ama? 8 Kung ang pagdidisiplina na ginagawa sa lahat ng anak ay hindi gagawin sa inyo, hindi kayo tunay na mga anak kundi kayo'y mga anak sa labas. 9 Hindi ba't dinidisiplina tayo ng ating mga magulang, at dahil diyan ay iginagalang natin sila? Hindi ba't upang tayo'y mabuhay, mas nararapat na tayo'y pasakop sa Diyos na ating Ama sa espiritu? 10 Sa loob ng maikling panahon, dinisiplina tayo ng ating mga magulang para sa ating ikabubuti. Gayundin naman, itinutuwid tayo ng Diyos sa ikabubuti natin upang tayo'y maging banal tulad niya. 11 Habang tayo'y itinutuwid, hindi tayo natutuwa kundi naghihinagpis, ngunit pagkatapos niyon, mararanasan natin ang kapayapaang bunga ng pagsasanay sa matuwid na pamumuhay.
Mga Babala at mga Tagubilin
12 Dahil(B) dito'y itaas ninyo ang inyong mga nanghihinang kamay at patatagin ang mga nangangalog na tuhod. 13 Lumakad(C) kayo sa daang matuwid upang hindi lumala ang mga paang napilay at sa halip ay gumaling ang nalinsad na buto.
14 Sikapin ninyong makasundo ang lahat, at magpakabanal sapagkat hindi ninyo makikita ang Panginoon kung hindi kayo mamumuhay nang ganito. 15 Pag-ingatan(D) ninyong huwag tumalikod ang sinuman sa inyo sa pag-ibig ng Diyos. Huwag kayong magtanim ng sama ng loob na dahil dito'y napapasamâ ang iba. 16 Pag-ingatan(E) ninyo na huwag makiapid ang sinuman sa inyo, o pawalang-halaga ang mga bagay na espirituwal, tulad ng ginawa ni Esau. Ipinagpalit niya sa pagkain ang kanyang karapatan bilang panganay. 17 Alam(F) ninyo ang nangyari pagkatapos. Hiningi niya sa kanyang ama na igawad sa kanya ang pagpapalang nauukol sa panganay, ngunit ito'y itinanggi sa kanya sapagkat hindi na niya mababago ang kanyang ginawa, anuman ang gawin niyang pakiusap at pagluha.
18 Hindi(G) kayo lumapit sa isang bundok na nakikita, gaya ng mga Israelita sa bundok ng Sinai. Ito'y may apoy na nagliliyab, nababalutan ng dilim at may malakas na hangin. 19 Nakarinig sila roon ng tunog ng trumpeta at ng isang tinig. Nang ang tinig na iyon ay marinig ng mga tao, nakiusap silang huwag na itong magsalita sa kanila, 20 sapagkat(H) hindi nila kayang tanggapin ang utos na ito, “Ang sinumang tumapak sa bundok, kahit hayop, ay babatuhin hanggang sa mamatay.” 21 Talagang(I) nakakakilabot ang kanilang natanaw, kaya't pati si Moises ay nagsabing, “Nanginginig ako sa takot!”
22 Sa halip, ang nilapitan ninyo ay ang Bundok ng Zion at ang lungsod ng Diyos na buháy, ang Jerusalem sa langit, na kinaroroonan ng di mabilang na anghel. 23 Ang dinaluhan ninyo ay masayang pagtitipon[a] ng mga panganay na anak, na ang mga pangalan ay nakatala sa langit. Ang nilapitan ninyo ay ang Diyos na hukom ng lahat, at ang mga espiritu ng mga taong ginawang ganap. 24 Nilapitan ninyo si Jesus, ang tagapamagitan ng bagong tipan, at ang dugong iwinisik na may pangako ng mas mabubuting bagay kaysa sa isinisigaw ng dugo ni Abel.
25 Kaya't(J) huwag kayong tumangging makinig sa kanya na nagsasalita. Ang tumangging makinig sa nagsalita sa kanila dito sa lupa ay hindi nakaligtas sa parusa! Gaano pa kaya tayo, kung tayo'y tatangging makinig sa nagsasalita mula sa langit! 26 Dahil(K) sa kanyang tinig, nayanig noon ang lupa; ngunit ipinangako niya ngayon, “Minsan ko pang yayanigin, hindi lamang ang lupa, pati na rin ang langit.” 27 Ang mga salitang “Minsan pa” ay maliwanag na nagsasabing aalisin ang mga nilikhang nayayanig, upang manatili ang mga bagay na di-nayayanig.
28 Kaya magpasalamat tayo sa Diyos sapagkat tumanggap tayo ng isang kahariang hindi nayayanig. Sambahin natin ang Diyos sa paraang kalugud-lugod sa kanya, may paggalang at pagkatakot, 29 sapagkat(L) tunay nga na ang ating Diyos ay apoy na tumutupok.
Ang Pagkawasak ng Israel
6 Kahabag-habag kayong namumuhay na maginhawa sa Zion,
at kayong naninirahang matiwasay sa Bundok ng Samaria,
kayo na kinikilala sa Israel,
ang bansang pinili at nilalapitan ng mga nangangailangan!
2 Tingnan ninyo ang lunsod ng Calne;
puntahan ninyo ang tanyag na lunsod ng Hamat,
at ang Gat, na lunsod ng mga Filisteo.
Nakakahigit ba sila kaysa Juda at Israel?
Mas malaki ba ang lupaing sakop nila kaysa inyo?
3 Gusto ninyong ipagpaliban ang araw ng inyong kapahamakan,
ngunit sa ginagawa ninyo'y lalong nalalapit ang araw ng karahasan.
4 Kahabag-habag kayo na nahihiga sa magagarang kama na yari sa garing,
at nagpapahinga sa malalapad na himlayan,
habang nagpapakabusog sa mga piling tupa at pinatabang guya.
5 Lumilikha pa kayo ng mga walang kabuluhang awitin sa saliw ng alpa;
tulad ni David, gumagawa kayo ng mga instrumento para sa inyong musika.
6 Sa malalaking mangkok na kayo umiinom ng alak,
at mamahaling pabango ang ipinapahid sa katawan,
ngunit hindi kayo nagdadalamhati sa pagkawasak ng Israel!
7 Kaya nga't kayo ang unang magiging bihag;
matitigil na ang inyong mga handaan at pagdiriwang.
8 Mariing ipinahayag ng Panginoong Yahweh, ang Diyos na Makapangyarihan sa lahat,
“Namumuhi ako sa labis na kapalaluan ng Israel!
Hindi ako nalulugod sa kanilang mga tanggulan.
Ibibigay ko sa kaaway ang buong lunsod at ang lahat ng bagay na naroon.”
9 Kung sasampung lalaki ang natira sa isang pamilya, silang lahat ay mamamatay. 10 Kapag dumating ang kamag-anak ng mga namatay upang ilabas at sunugin ang mga bangkay, magtatanong siya sa sinumang nagtatago sa bahay kung mayroon pa siyang ibang kasama. Kung ang sagot ay, “Wala!” sasabihin nito, “Tumahimik ka!” Ingatan nating huwag mabanggit man lang ang pangalan ni Yahweh.
11 Kapag siya ang nag-utos,
magkakadurug-durog ang mga bahay,
malaki man o maliit.
12 Tumatakbo ba sa batuhan ang mga kabayo?
Naipang-aararo ba sa dagat ang mga baka?
Hindi nga, ngunit ginawa ninyong lason ang katarungan
at pinalitaw na mali ang tama.
13 Tuwang-tuwa kayo nang masakop ninyo ang bayan ng Lo-debar.[a]
Sabi ninyo, “Tayo'y malakas at nakaya nating sakupin ang Karnaim.”[b]
14 Ngunit ito ang sagot ni Yahweh, ang Diyos na Makapangyarihan sa lahat:
“Susuguin ko ang isang bansa laban sa inyo, mga taga-Israel.
Kayo'y pahihirapan buhat sa Pasong Hamat sa hilaga
hanggang sa Batis ng Araba sa timog.”
Ang Pagdalaw ni Maria kay Elizabeth
39 Hindi nagtagal at si Maria'y nagmamadaling pumunta sa isang bayan sa bulubundukin ng Juda. 40 Pagdating sa bahay ni Zacarias, binati niya si Elizabeth. 41 Nang marinig ni Elizabeth ang pagbati ni Maria, biglang gumalaw ang sanggol sa kanyang sinapupunan at siya ay napuspos ng Espiritu Santo. 42 Napasigaw(A) siya sa galak, “Pinagpala ka sa mga babae, at pinagpala rin ang dinadala mo sa iyong sinapupunan! 43 Sino ako upang dalawin ng ina ng aking Panginoon? 44 Sapagkat pagkarinig ko ng iyong pagbati ay gumalaw sa tuwa ang sanggol sa aking sinapupunan. 45 Pinagpala ka, sapagkat sumampalataya kang matutupad ang ipinasabi sa iyo ng Panginoon!”
Ang Awit ng Pagpupuri ni Maria
46 At(B) sinabi ni Maria,
“Ang puso ko'y nagpupuri sa Panginoon,
47 at ang aking espiritu'y nagagalak sa Diyos na aking Tagapagligtas,
48 sapagkat(C) nilingap niya akong kanyang abang alipin!
Mula ngayon, ang lahat ng tao'y tatawagin akong pinagpala;
49 dahil sa mga dakilang bagay na ginawa sa akin ng Makapangyarihan.
Banal ang kanyang pangalan!
50 Ang kanyang kahabagan ay para sa lahat ng salinlahing may takot sa kanya.
51 Ipinakita niya ang lakas ng kanyang mga bisig,
nilito niya ang mga may palalong isip.
52 Tinanggal(D) sa kanilang luklukan ang mga may kapangyarihan,
at itinaas ang mga nasa abang kalagayan.
53 Pinasagana niya sa mabubuting bagay ang mga kapus-palad,
at pinaalis nang walang dalang anuman ang mga mayayaman.
54 Tinulungan niya ang Israel na kanyang lingkod,
at hindi niya kinalimutang kahabagan ito.
55 Tulad(E) ng kanyang ipinangako sa ating mga ninuno,
kay Abraham at sa lahi nito, magpakailanman!”
56 Nanatili si Maria kina Elizabeth nang may tatlong buwan bago siya umuwi.
Isinilang si Juan na Tagapagbautismo
57 Dumating ang oras ng panganganak ni Elizabeth at nagsilang siya ng isang sanggol na lalaki. 58 Nang mabalitaan ng kanyang mga kapitbahay at mga kamag-anak na siya'y labis na pinagpala ng Panginoon, nakigalak sila sa kanya.
59 Makalipas(F) ang isang linggo, dumalo sila sa pagtutuli ng sanggol. Zacarias sana ang itatawag nila sa bata, gaya ng pangalan ng kanyang ama, 60 ngunit sinabi ni Elizabeth, “Hindi! Juan ang ipapangalan sa kanya.”
61 “Subalit wala naman kayong kamag-anak na may ganyang pangalan,” tugon nila. 62 Sinenyasan nila ang kanyang ama upang itanong kung ano ang ibig nitong itawag sa sanggol.
63 Humingi si Zacarias ng masusulatan at ganito ang kanyang isinulat, “Juan ang pangalan niya.” Namangha ang lahat. 64 Noon din ay nakapagsalita si Zacarias, at siya'y nagpuri sa Diyos. 65 Natakot ang lahat ng tagaroon, at naging usap-usapan sa buong bulubundukin ng Judea ang mga bagay na iyon. 66 Pinag-isipan ito ng mga nakabalita, anupa't naging tanong nilang lahat, “Magiging ano kaya ang batang ito?” Sapagkat nasa kanya ang kapangyarihan ng Panginoon.
Ang Awit ni Zacarias
67 Si Zacarias na ama ng bata ay napuspos ng Espiritu Santo, at nagpahayag ng mensahe mula sa Diyos:
68 “Purihin ang Panginoong Diyos ng Israel!
Tinulungan niya at pinalaya ang kanyang bayan.
69 Nagsugo siya sa atin ng isang makapangyarihang Tagapagligtas,
mula sa angkan ni David na kanyang lingkod.
70 Ito'y ayon sa ipinangako niya noong una sa pamamagitan ng kanyang mga banal na propeta,
71 na ililigtas niya tayo mula sa ating mga kaaway,
mula sa kamay ng lahat ng napopoot sa atin.
72 Ipinangako niyang kahahabagan ang ating mga ninuno,
at aalalahanin ang kanyang banal na tipan.
73 Iyan ang sumpang binitiwan niya sa ating amang si Abraham,
74 na ililigtas niya tayo sa ating mga kaaway,
upang tayo'y makapaglingkod sa kanya nang walang takot,
75 at maging banal at matuwid sa kanyang paningin habang tayo'y nabubuhay.
76 Ikaw,(G) anak ko, ay tatawaging propeta ng Kataas-taasang Diyos;
sapagkat mauuna ka sa Panginoon upang ihanda ang kanyang daraanan,
77 at upang ipaalam sa kanyang bayan ang kanilang kaligtasan,
ang kapatawaran ng kanilang mga kasalanan.
78 Mapagmahal at mahabagin ang ating Diyos.
Magbubukang-liwayway na sa atin ang araw ng kaligtasan.
79 Tatanglawan(H) niya ang mga nasa kadiliman at nasa lilim ng kamatayan,
at papatnubayan tayo sa daan ng kapayapaan.”
80 Lumaki ang bata at naging malakas ang kanyang espiritu. Siya'y nanirahan sa ilang, hanggang sa araw na nakilala siya ng bansang Israel.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.