M’Cheyne Bible Reading Plan
Ang Paghahari ni Ahaz sa Juda(A)
16 Nang ikalabimpitong taon ng paghahari ni Peka na anak ni Remalias sa Israel, si Ahaz na anak ni Jotam ay naging hari ng Juda. 2 Dalawampung taóng gulang siya nang maghari sa Jerusalem. Naghari siya sa loob ng labing-anim na taon. Hindi siya naging kalugud-lugod sa Diyos niyang si Yahweh sapagkat hindi niya sinundan ang mabuting halimbawa ng kanyang ninunong si David, 3 sa(B) halip ang sinundan niya ay ang masamang halimbawa ng mga naging hari ng Israel. Ipinasunog pa niya bilang handog ang anak niyang lalaki. Ito'y isang kasuklam-suklam na gawain ng mga bansang pinalayas ni Yahweh sa mga Israelita. 4 Nagdala siya ng mga handog at nagsunog ng insenso sa mga dambana ng mga diyus-diyosan, sa mga burol, at sa bawat lilim ng mga punongkahoy.
5 Ang(C) Juda ay sinalakay ni Haring Rezin ng Siria at ni Haring Peka ng Israel. Kinubkob nila ang Jerusalem ngunit hindi nila ito magapi. 6 Nang panahong iyon, ang Elat ay nabawi ng hari ng Edom;[a] naitaboy nila ang mga taga-Juda. Mula noon, ang mga taga-Edom na ang tumira roon. 7 Samantala, si Ahaz ay nagpadala ng sugo kay Haring Tiglat-pileser ng Asiria at kanyang ipinasabi, “Ako ay tapat mong lingkod. Iligtas mo ako sa mga hari ng Siria at Israel na sumasalakay sa akin.” 8 Tinipon ni Ahaz ang lahat ng makita niyang pilak at ginto sa Templo ni Yahweh at sa kabang-yaman ng palasyo at ipinadala sa hari ng Asiria. 9 Dininig naman ng hari ng Asiria ang panawagan ni Ahaz. Sinalakay nito ang Damasco, dinalang-bihag sa Kir ang mga tagaroon, at pinatay si Haring Rezin.
10 Nang magpunta sa Damasco si Ahaz para makipagkita kay Tiglat-pileser na hari ng Asiria, nakita niya ang altar doon. Ipinaguhit niya ang plano nito at ipinadala sa paring si Urias. 11 Ginawa naman ni Urias ang altar ayon sa plano ni Haring Ahaz at ito'y ipinatapos niya bago makabalik ang hari. 12 Pagdating ng hari mula sa Damasco, pinagmasdan nito ang altar. Nilapitan niya ito, umakyat siya sa mga baytang 13 at nagsunog ng handog. Inilagay rin niya rito ang handog na pagkaing butil, ibinuhos ang handog na inumin at iwinisik ang dugo ng handog pangkapayapaan. 14 At(D) ang dating altar na tanso sa harap ng Templo ay ipinalipat niya sa gawing hilaga ng bagong altar. 15 Sinabi niya sa paring si Urias, “Lahat ng handog ay sa malaking altar: ang handog na hayop sa umaga at ang handog na pagkaing butil sa gabi, ang hayop at butil na handog ng hari pati ang gayunding mga handog ng mga tao, ang handog na inumin ng mga tao, at ang dugo ng lahat ng handog pangkapayapaan at ng mga hain. Ang altar na tanso naman ay gagamitin ko sa paghahandog na kailangan sa pagsangguni sa mga diyos.” 16 Lahat ng utos ni Haring Ahaz ay sinunod ng paring si Urias.
17 Sinira(E) ni Haring Ahaz ang mga patungang tanso at inalis ang mga palangganang naroon. Inalis din niya ang malaking tangke na yari sa tanso sa patungan nitong mga bakang tanso at inilipat sa isang patungang bato. 18 Ipinaalis din niya ang trono ng hari sa bulwagan ng Templo at ipinasara ang daanan ng hari papunta sa Templo ni Yahweh upang pagbigyan ang hari ng Asiria.
19 Ang iba pang ginawa ni Haring Ahaz ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Juda. 20 Namatay(F) siya at inilibing sa libingan ng kanyang mga ninunong hari, sa lunsod ni David. Ang anak niyang si Ezequias ang humalili sa kanya bilang hari.
Ang Wastong Pamumuhay
2 Kaya naman ituro mo ang mga bagay na angkop sa wastong aral. 2 Sabihin mo sa mga nakatatandang lalaki na sila'y maging mapagpigil sa sarili, marangal, makatuwiran, at matatag sa pananampalataya, sa pag-ibig at pagtitiis. 3 Sabihin mo sa mga nakatatandang babae na sila'y mamuhay nang may kabanalan, huwag maninirang-puri, at huwag malululong sa alak, kundi magturo ng mabuti, 4 upang maakay nila ang mga kabataang babae na mahalin ang kanilang mga asawa at mga anak. 5 Ang mga kabataang ito'y kailangan ding turuan na maging makatuwiran, malinis ang isipan, masipag sa gawaing bahay, mabait, at masunurin sa kanilang asawa upang walang masabi ang sinuman laban sa salita ng Diyos nang dahil sa kanila.
6 Turuan mo rin ang mga kabataang lalaki na maging mapagpigil sa sarili. 7 Sa lahat ng paraan, maging halimbawa ka ng mabuting ugali at maging tapat ka at kagalang-galang sa iyong pagtuturo. 8 Nararapat na pananalita ang lagi mong gamitin upang hindi mapintasan ninuman ang mga sinasabi mo. Sa gayon, mapapahiya ang ating mga kalaban sapagkat wala silang masasabing masama laban sa atin.
9 Turuan mo ang mga alipin na maging masunurin at kalugud-lugod sa kanilang mga amo. Hindi nila dapat sagut-sagutin ang mga ito, 10 ni kupitan man. Dapat silang maging tapat sa lahat ng pagkakataon, upang maipakita nila sa lahat nilang ginagawa ang kagandahan ng katuruan ng Diyos na ating Tagapagligtas.
11 Sapagkat nahayag na ang kagandahang-loob ng Diyos na nagdudulot ng kaligtasan sa lahat ng tao. 12 Ito ang nagtuturo sa atin na talikuran ang makamundong pamumuhay at damdaming makalaman, at mamuhay tayo sa daigdig na ito nang may pagpipigil sa sarili, matuwid at karapat-dapat sa Diyos 13 habang hinihintay natin ang pinagpalang araw na ating inaasahan. Ito ang araw na mahahayag ang kaluwalhatian ng ating dakilang Diyos at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo, 14 na naghandog(A) ng kanyang sarili upang palayain tayo sa lahat ng kasamaan at linisin tayo upang maging kanyang sariling bayan na masigasig sa paggawa ng mabuti.
15 Ipahayag mo ang lahat ng ito, at gamitin mo ang iyong buong kapangyarihan sa pagpapalakas ng loob at pagsaway sa iyong mga tagapakinig. Huwag mong hayaang hamakin ka ninuman.
Ang Parusa sa Patuloy na Pagtataksil ng Israel
9 Huwag kang magalak, Israel!
Huwag kang magdiwang tulad ng ibang mga bansa,
sapagkat naging tulad ka ng mahalay na babae.
Tinalikuran mo ang iyong Diyos at nakipagtalik sa iba-ibang lalaki.
Ikinatuwa mong ika'y isang babaing bayaran,
kahit saang lugar ika'y sinisipingan.
2 Ngunit ang ginagawa nila sa giikan at sa pisaan ng alak ay hindi nila ikabubuhay,
at ang bagong alak ay hindi nila matitikman.
3 Hindi sila mananatili sa lupain ni Yahweh;
subalit ang Efraim ay magbabalik sa Egipto,
at kakain sila sa Asiria ng mga pagkaing nagpaparumi at ipinagbabawal.
4 Hindi na sila papayagang maghandog ng alak kay Yahweh,
at hindi naman siya malulugod sa kanilang mga handog.
Ang pagkain nila'y matutulad sa pagkain ng namatayan;
magiging marumi ang lahat ng kakain nito.
Sapagkat ang pagkain nila'y para lamang sa kanilang katawan;
hindi iyon maihahandog sa Templo ni Yahweh.
5 Ano ang gagawin mo sa araw ng itinakdang kapistahan,
at sa araw ng kapistahan ng pagdiriwang para kay Yahweh?
6 Makatakas man sila sa pagkawasak,
titipunin rin sila ng Egipto,
at ililibing sa Memfis.
Matatakpan ng damo ang kanilang mga kagamitang pilak;
at tutubuan ng dawag ang mga tahanan nilang wasak.
7 Dumating(A) na ang mga araw ng pagpaparusa,
sumapit na ang araw ng paghihiganti;
ito'y malalaman ng Israel.
Ang sabi ninyo, “Mangmang ang isang propeta,
at ang lingkod ng Diyos ay baliw!”
Totoo iyan sapagkat labis na ang inyong kasamaan,
at matindi ang inyong poot.
8 Ang propeta'y siyang bantay sa Efraim, ang bayan ng aking Diyos,
ngunit may bitag na laging sa kanya'y nakaumang,
at kinapopootan siya maging sa templo ng kanyang Diyos.
9 Nagpakasamang(B) lubha ang aking bayan
gaya ng nangyari sa Gibea.
Gugunitain ng Diyos ang kanilang kalikuan,
at paparusahan ang kanilang mga kasalanan.
Ang Kasalanan ng Israel at ang mga Resulta Nito
10 “Ang(C) Israel ay tulad ng mga ubas sa ilang,
gayon sila noong una kong matagpuan.
Parang unang bunga ng puno ng igos,
nang makita ko ang iyong mga magulang.
Ngunit nang magpunta sila sa Baal-peor,
sila'y naglingkod sa diyus-diyosang si Baal,
at naging kasuklam-suklam gaya ng diyus-diyosang kanilang inibig.
11 Ang kaningningan ng Efraim ay maglalaho, para itong ibong lumipad na palayo.
Wala nang isisilang, walang magdadalang-tao, at wala na ring maglilihi.
12 At kahit pa sila magkaroon ng mga anak,
kukunin ko ang mga ito hanggang sa walang matira.
Kahabag-habag sila
kapag ako'y lumayo na sa kanila!
13 Gaya ng aking nakita, ang mga anak ni Efraim ay nakatakdang mapahamak.
Mapipilitan ang kanilang ama na dalhin sila sa patayan.”
14 O Yahweh, bigyan mo po sila ng mga sinapupunang baog
at ng mga susong walang gatas.
Hinatulan ni Yahweh ang Efraim
15 “Lahat ng kanilang kasamaan ay nagpasimula sa Gilgal;
doon pa ma'y kinapootan ko na sila.
Dahil sa kasamaan ng kanilang gawain
sila'y palalayasin ko sa aking tahanan.
Hindi ko na sila mamahalin pa;
mapaghimagsik ang lahat ng kanilang mga pinuno.
16 Mapapahamak ang Efraim,
tuyo na ang kanyang mga ugat;
hindi na sila mamumunga.
At kung magbunga ma'y papatayin ko
ang pinakamamahal nilang mga supling.”
Nagsalita ang Propeta tungkol sa Israel
17 Itatakwil sila ng aking Diyos
sapagkat hindi sila nakinig sa kanya;
sila'y magiging palaboy sa maraming mga bansa.
Panalangin Upang Iligtas ng Diyos
Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba.
126 Nang lingapin tayo ni Yahweh at sa Zion ay ibalik,
ang nangyaring kasaysaya'y parang isang panaginip.
2 Lahat tayo ay natuwa, masasayang nagsiawit!
Ang sabi ng mga bansang nagmamasid sa paligid,
“Tunay na dakila, ginawa ni Yahweh para sa kanila!”
3 Dakila ngang masasabi, pambihira ang ginawa,
kaya naman kami ngayon, nagdiriwang, natutuwa!
4 Kung paanong inuulan itong mga tuyong batis,
sa sariling bayan namin, Yahweh, kami ay ibalik.
5 Silang tumatangis habang nagsisipagtanim,
hayaan mo na mag-ani na puspos ng kagalakan.
6 Silang mga nagsihayong dala'y binhi't nananangis,
ay aawit na may galak, dala'y ani pagbalik!
Pagpupuri Dahil sa Kabutihan ng Diyos
Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba; katha ni Solomon.
127 Maliban nga na si Yahweh ang nagtatag nitong bahay,
ang ginawa ng nagtayo ay wala ring kabuluhan;
maliban nga na si Yahweh ang sa lunsod ay gumabay,
ang pagmamasid ng bantay ay wala ring saysay.
2 Hindi dapat pakahirap, magpagal sa hanapbuhay;
maaga pa kung bumangon, gabing-gabi kung humimlay,
pagkat pinagpapahinga ni Yahweh ang kanyang mahal.
3 Kaloob nga ni Yahweh itong ating mga anak,
ang ganitong mga supling, pagpapalang mayro'ng galak.
4 Ang lalaking mga anak sa panahong kabataan,
ang katulad ay palaso sa kamay ng isang kawal.
5 Mapalad ang isang taong mapalasong tulad niyan,
hindi siya malulupig, at malayo sa kahihiyan,
kung sila man ng kalaban ay magtagpo sa hukuman.
Ang Bunga ng Pagsunod kay Yahweh
Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba.
128 Mapalad ang bawat tao na kay Yahweh ay may takot,
ang maalab na naisi'y sumunod sa kanyang utos.
2 Kakainin niya ang bunga ng kanyang pinaghirapan,
ang taong ito'y maligaya't maunlad ang pamumuhay.
3 Sa tahanan, ang asawa'y parang ubas na mabunga,
at bagong tanim na olibo sa may hapag ang anak niya.
4 Ang sinuman kung si Yahweh buong pusong susundin,
buhay niya ay uunlad at laging pagpapalain.
5 Mula sa Zion, pagpapala nawa ni Yahweh ay tanggapin,
at makita habang buhay, pag-unlad ng Jerusalem;
6 ang magiging iyong apo, nawa iyong makita rin,
nawa'y maging mapayapa itong bayan ng Israel!
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.