M’Cheyne Bible Reading Plan
Naging Hari si David(A)
11 Ang buong sambayanang Israel ay nagpunta kay David sa Hebron. “Kami ay dugo ng iyong dugo at laman ng iyong laman,” sabi nila. 2 “Nang panahong hari si Saul, pinangunahan mo ang hukbo ng Israel sa pakikipaglaban, at ibinabalik mo silang muli. Sinabi sa iyo ni Yahweh na iyong Diyos ang ganito: ‘Ikaw ang magiging pastol ng aking bayang Israel. Ikaw ang mamumuno sa kanila.’” 3 Lahat ng pinuno ng Israel ay pumunta sa Hebron, at sa harapan ni Yahweh ay gumawa si David ng kasunduan sa kanila. Binuhusan nila ito ng langis, at itinanghal na hari ng Israel. Kaya't natupad ang sinabi ni Yahweh sa pamamagitan ni Samuel.
4 Ang(B) Jerusalem na noo'y tinatawag na Jebus ay sinalakay ni Haring David at ng mga Israelita. 5 Ngunit sinabi sa kanya ng mga Jebuseo na hindi siya makakapasok sa lunsod. Gayunman, pumasok din si David at nakuha nito ang kampo ng Zion, kaya't kilala ngayon ang lugar na iyon na Lunsod ni David. 6 Bago nila pinasok ito, sinabi ni David, “Ang unang makapatay ng isang Jebuseo ay gagawin kong pinuno.” Ang unang nangahas umakyat sa kampo ay si Joab na anak ni Zeruias, kaya siya ang ginawang pinakamataas na pinuno ng hukbo. 7 Doon tumira si David sa kampo, kaya tinawag ang lugar na iyon na Lunsod ni David. 8 Pinalawak niya ang lunsod sa palibot nito mula sa Millo, samantalang itinayong muli ni Joab ang ibang bahagi ng lunsod. 9 Lalong tumatag ang paghahari ni David, sapagkat pinapatnubayan siya ni Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat.
Ang mga Bantog na Kawal ni David(C)
10 Ito naman ang mga pinuno ng mga magigiting na tauhan ni David na sa tulong ng buong Israel, ay nagpalakas at nagpatatag ng kanyang kaharian, sa pangako ni Yahweh. 11 Una sa lahat, ay si Jasobeam, isang Hacmonita. Siya ang pinuno ng pangkat na Tatlo.[a] Kahit nag-iisa, nakapatay siya ng 300 kaaway sa pamamagitan lamang ng kanyang sibat.
12 Ang pangalawa'y si Eleazar, isa sa tinaguriang Tatlo. Siya'y anak ni Dodo na isang Ahohita. 13 Si Eleazar ang kasama ni David sa Pas-dammim nang mapalaban sila sa mga Filisteo sa isang bukid ng sebada. Natakot noon ang mga Israelita, at sila'y tumakas. 14 Ngunit tumayo si Eleazar sa gitna ng bukid at nakipaglaban. Sa ginawang ito, napatay niya ang mga Filisteo at nagtagumpay sa tulong ni Yahweh.
15 Minsan, nang ang mga Filisteo'y nagkakampo sa kapatagan ng Higante, tatlo sa tatlumpung mga pinuno ng Israel ang bumabâ sa kampo ni David, malapit sa yungib ng Adullam. 16 Noo'y nasa isang kuta si David; nasakop naman ng isang pangkat ng mga Filisteo ang Bethlehem. 17 Minsa'y buong pananabik na nasabi ni David, “May magbigay sana ng tubig sa akin mula sa balon sa tabi ng pintuang papasok sa Bethlehem!” 18 Nang marinig ito, sumugod agad ang tatlong magigiting na kawal, lumusot sa hanay ng mga Filisteo at kumuha nga ng tubig. Ngunit hindi ito ininom ni David. Sa halip, ibinuhos niya ito bilang handog kay Yahweh. 19 Sinabi niya, “Hindi ko maiinom ito sapagkat para nang dugo nila ang aking ininom. Buhay ang itinaya nila sa pagkuha nito!” Ito ang isa sa mga kagitingang ginawa ng Tatlo.
20 Si Abisai na kapatid ni Joab ay nakapatay ng tatlong daang kaaway sa pamamagitan ng sibat, kaya lalo siyang kinilala ng Bantog na Tatlumpu[b] na kanyang pinamumunuan. 21 Siya ang pinakamatapang sa Tatlumpu[c] kaya naging pinuno ng mga ito. Ngunit hindi niya napantayan ang Tatlong mandirigma.
22 Kabilang din sa mga kinilalang kawal si Benaias na anak ni Joiadang taga-Kabzeel. Siya naman ang pumatay sa dalawang mandirigma sa Moab, at lumusong sa balon minsang taglamig at pumatay sa leong naroon. 23 Siya rin ang pumatay sa higanteng Egipcio na dalawa't kalahating metro ang taas at may armas na isang sibat na ang hawakan ay napakalaki. Sinagupa niya ito na ang hawak lamang niya'y batuta, ngunit naagaw niya ang sibat. Ito na rin ang ginamit niya sa pagpatay sa higante. 24 Dahil sa mga ginawang ito, siya'y nakilala rin, tulad ng Tatlo.[d] 25 Nangunguna siya sa Tatlumpu, ngunit hindi rin niya nahigitan ang kagitingan ng Tatlo. Siya ang ginawa ni David na pinuno ng kanyang mga bantay.
26-47 Ito pa ang ilan sa mga magigiting na kawal ni David:
Asahel, kapatid ni Joab
Elhanan, anak ni Dodo na mula sa Bethlehem
Samot na taga-Harod
Helez na taga-Pelet
Ira, anak ni Iques na taga-Tekoa
Abiezer na taga-Anatot
Sibecai na taga-Husa
Ilai na taga-Aho
Maharai na taga-Netofa
Heled, anak ni Baana na taga-Netofa rin
Itai, anak ni Ribai na taga-Gibea sa Benjamin
Benaias na taga-Piraton
Hurai na mula sa kapatagan ng Gaas
Abiel na taga-Arba
Azmavet na taga-Bahurim
Eliaba na taga-Saalbon
Hasem na taga-Gizon
Jonatan, anak ni Sage na taga-Arar
Ahiam, anak ni Sacar na taga-Arar din
Elifal, anak ni Ur
Hefer na taga-Mequera
Ahias na taga-Pelon
Hezro na taga-Carmel
Naarai, anak ni Ezbai
Joel, kapatid ni Natan
Mibhar, anak ni Hagri
Zelec na taga-Ammon
Naarai na taga-Berot, tagadala ng sandata ni Joab
Ira at Gareb na taga-Jatir
Urias na Heteo
Zabad, anak ni Ahlai
Adina, anak ni Siza na isang pinuno sa angkan ni Ruben at may sariling pangkat ng tatlumpung tao
Hanan, anak ni Maaca
Joshafat na taga-Mitan
Uzias na taga-Asterot
Sammah at Jeiel, mga anak ni Hotam na taga-Aroer
Jediael at Joha, mga anak ni Simri na taga-Tiz
Eliel na taga-Mahava
Jeribai at Josavia, mga anak ni Elnaam
Itma na taga-Moab
Eliel, Obed, at Jasael na mga taga-Zoba.
Ang mga Unang Tagasunod ni David Mula sa Lipi ni Benjamin
12 Narito ang mga lalaking pumunta sa Ziklag at sumama kay David noong siya'y nagtatago kay Saul. Sila'y kilalang mandirigma, kaliwa't kanan kung gumamit ng pana, at asintado sa tirador. 2 Sa lipi ni Benjamin mula sa angkan ni Saul: 3 si Ahiezer, ang pinakapinuno at si Joas ang pangalawa, parehong anak ni Semaa na taga-Gibea; sina Jeziel at Pelet na mga anak ni Azmavet; sina Beraca at Jehu na parehong taga-Anatot; 4 si Ismaias, na taga-Gibeon, isa sa mga pinuno ng Tatlumpu; sina Jeremias, Jahaziel, Johanan at Jozabad na mga taga-Gedera; 5 sina Eluzai, Jerimot, Bealias, Semarias at Sefatias na taga-Haruf; 6 sina Elkana, Isaias, Azarel, Joezer at Jasobeam na buhat sa angkan ni Korah; 7 sina Jocla at Zebadias na mga anak ni Jeroham na taga-Gedor.
Ang mga Tagasunod ni David Mula sa Lipi ni Gad
8 Sa lipi ni Gad, ang sumama kay David ay mga mahusay na mandirigma at sanay sa paggamit ng sibat at kalasag, mababagsik na parang leon at kung kumilos ay simbilis ng mga usa sa bundok. 9 Ang pinakapinuno nila ay si Eser at ang iba pa ayon sa pagkakasunud-sunod ay sina Obadias, Eliab, 10 Mismana, Jeremias, 11 Atai, Eliel, 12 Johanan, Elzabad, 13 Jeremias at Macbanai. 14 Ang mga ito'y mga opisyal ng hukbo na ang pinakamaliit na pinapamahalaan ay hindi bababâ sa isang daan at ang pinakamalaki ay isang libo. 15 Sila ang tumawid sa Ilog Jordan nang unang buwan na ito'y umaapaw at naging dahilan nang paglikas ng mga taong naninirahan sa silangan at kanluran ng kapatagan doon.
Ang mga Tagasunod ni David Mula sa mga Lipi nina Benjamin at Juda
16 May iba pang mga tauhan mula sa mga lipi nina Benjamin at Juda na sumama na rin kay David. 17 Ang mga ito'y sinalubong ni David na nagsasabing, “Kung naparito kayo bilang mga kaibigan, tatanggapin ko kayo. Ngunit kung mga kaaway, kahit wala pa akong nagagawang karahasan, hatulan nawa kayo ng Diyos ng aming mga ninuno.” 18 Noon din si Amasai na pinuno ng Tatlumpu ay kinasihan ng Espiritu ng Diyos at nagsabi:
“Kami'y sa iyo, O David, kami'y kakampi mo, anak ni Jesse!
Kapayapaan nawa'y sumaiyo at sa mga kapanalig mo!
Sapagkat Diyos ang iyong katulong.”
Malugod silang tinanggap ni David at ginawa silang mga pinuno sa kanyang hukbo.
Ang mga Tagasunod ni David Mula sa Lipi ni Manases
19 Mayroon ding mula sa lipi ni Manases na nakiisa kay David nang kanilang sasalakayin si Saul, kasama ng mga Filisteo. Hindi na natuloy ang pagtulong niya sa mga Filisteo sapagkat hindi nagtiwala sa kanya ang mga pinuno nito. Siya'y pinaalis at sinabi, “Malalagay lamang sa panganib ang ating buhay, sapagkat tiyak na kay Saul pa rin papanig ang taong iyan!” 20 Nang bumalik na si David sa Ziklag, dumating nga sa kanya ang mga tauhan mula sa lipi ni Manases. Ito'y sina Adna, Jozabad, Jediael, Micael, Jozabad, Eliu at Zilletai. Bawat isa sa kanila'y pinuno ng sanlibong kawal. 21 Malaki ang naitulong nila kay David at sa kanyang mga tauhan, sapagkat sanay silang mandirigma. Ang mga ito'y ginawa niyang mga opisyal sa kanyang hukbo. 22 Araw-araw, may dumarating kay David upang tumulong, kaya't nakabuo siya ng napakalaking hukbo.
Ang Listahan ng Hukbo ni David
23 Ito ang bilang ng mga kawal na nagpunta kay David sa Hebron upang ilipat sa kanya ang pagiging hari ni Saul ayon sa pangako ni Yahweh:
24-37 Juda: 6,800 na mahuhusay gumamit ng sibat at kalasag; Simeon: 7,100 na mga kilala sa tapang at lakas; Levi: 4,600; Aaron sa pamumuno ni Joiada: 3,700; Zadok kasama ang 22 pinuno ng kanilang angkan; Benjamin, lipi ni Saul: 3,000, karamihan sa kanila'y nanatiling tapat sa angkan ni Saul; Efraim: 20,800 matatapang at kilala sa kanilang sambayanan; Kalahating lipi ni Manases: 18,000 na pinapunta upang gawing hari si David; Isacar: 200 mga pinuno kasama ang mga angkang kanilang pinamumunuan. Ang mga ito'y marunong humula ng panahon at nagpapasya kung ano ang hakbang na gagawin ng bansang Israel; Zebulun: 50,000 kawal na bihasa sa labanan at sanay sa lahat ng uri ng sandata; Neftali: 1,000 pinuno at 37,000 kawal na armado ng kalasag at sibat; Dan: 28,600 kawal na sanay sa labanan; Asher: 40,000 kawal na handa na sa labanan; Mula naman sa lipi nina Ruben, Gad at kalahating lipi ni Manases na nasa ibayo ng Jordan: 120,000 armado at bihasa sa lahat ng uri ng sandata.
38 Ang lahat ng ito ay handang makipagdigma, at nagpunta sa Hebron na iisa ang layunin: gawing hari ng Israel si David. 39 Tatlong araw silang kumain at uminom na kasama ni David sapagkat sila'y ipinaghanda roon ng kanilang mga kababayan. 40 Maging ang mga taga kalapit-bayan ng Isacar, Zebulun at Neftali ay nagdala sa kanila ng pagkain. Dumating sila roon na dala ang mga asno, kamelyo, bisiro at toro, at sari-saring pagkain tulad ng harina, igos, mga kumpol ng tinuyong ubas, alak, langis, mga toro at tupa. Nagkaroon ng malaking pagdiriwang sa buong Israel.
Paglilingkod na Nakalulugod sa Diyos
13 Patuloy kayong magmahalan bilang magkakapatid kay Cristo. 2 Palaging(A) maging bukás ang inyong mga tahanan para sa mga taga-ibang bayan. May ilang tao noon na nakapagpatulóy ng mga anghel, lingid sa kanilang kaalaman. 3 Alalahanin ninyo ang mga nakabilanggo, na parang kayo'y nakabilanggo ring kasama nila. Damayan din ninyo ang mga pinagmamalupitan, na parang kayo'y dumaranas din ng ganoon.
4 Dapat(B) ituring na marangal ng lahat ang pag-aasawa at maging tapat kayo sa isa't isa, sapagkat hahatulan ng Diyos ang mga nakikiapid at nangangalunya.
5 Huwag(C) kayong magmukhang pera; at masiyahan na kayo sa anumang nasa inyo. Sapagkat sinabi ng Diyos, “Hindi kita iiwan ni pababayaan man.” 6 Kaya't(D) malakas ang loob nating masasabi,
“Ang Panginoon ang tumutulong sa akin,
hindi ako matatakot.
Ano ang magagawa sa akin ng tao?”
7 Alalahanin ninyo ang mga namumuno sa inyo, na nagpahayag sa inyo ng salita ng Diyos. Isipin ninyo kung paano sila namuhay, at tularan ninyo ang kanilang pananampalataya. 8 Kung sino si Jesu-Cristo noon ay siya rin ngayon at magpakailanman. 9 Huwag kayong patangay sa mga sari-sari at kakaibang katuruan. Mas mabuti para sa atin ang mapanatag ang ating kalooban sa pamamagitan ng kagandahang-loob ng Diyos kaysa sa pamamagitan ng pagsunod sa mga walang pakinabang na mga utos tungkol sa pagkain.
10 Tayo'y may isang dambana, at ang mga paring naglilingkod sa sambahan ay hindi maaaring kumain ng mga inihandog sa dambanang ito. 11 Ang(E) dugo ng mga hayop ay dinadala ng pinakapunong pari sa Dakong Kabanal-banalan upang ialay bilang handog dahil sa kasalanan, ngunit ang katawan ng mga hayop ay sinusunog sa labas ng kampo. 12 Gayundin naman, namatay si Jesus sa labas ng lungsod upang linisin niya ang tao sa kanilang kasalanan, sa pamamagitan ng kanyang dugo. 13 Kaya't pumunta tayo sa kanya sa labas ng kampo at magtiis din ng kahirapang kanyang tiniis. 14 Sapagkat hindi rito sa lupa ang tunay na lungsod natin, at ang hinahanap natin ay ang lungsod na darating. 15 [Kaya't][a] lagi tayong mag-alay ng papuri bilang handog sa Diyos sa pamamagitan ni Jesus, papuring mula sa ating mga labi na nagpapahayag ng ating pagkilala sa kanyang pangalan. 16 At huwag nating kaligtaan ang paggawa ng mabuti at ang pagtulong sa kapwa, sapagkat iyan ang alay na kinalulugdan ng Diyos.
17 Pasakop kayo at sumunod sa mga namamahala sa inyo. Sila'y nangangalaga sa inyo, at mananagot sila sa Diyos sa gawaing ito. Kung sila'y susundin ninyo, magagalak sila sa pagtupad ng kanilang tungkulin; kung hindi, sila'y mamimighati, at hindi ito makakabuti sa inyo.
18 Ipanalangin ninyo kami. Nakakatiyak kaming malinis ang aming budhi at hinahangad naming mabuhay nang matuwid sa lahat ng panahon. 19 Higit sa lahat, hinihiling kong ipanalangin ninyo na ako'y makabalik agad sa inyo.
Panalangin
20 Ang Diyos ng kapayapaan ang siyang muling bumuhay sa ating Panginoong Jesus, na naging Dakilang Pastol ng mga tupa dahil sa kanyang dugo na nagpatibay sa walang hanggang tipan. 21 Nawa'y ipagkaloob niya sa inyo ang lahat ng kailangan ninyo upang maisagawa ang kanyang kalooban, at sa pamamagitan ni Jesu-Cristo ay gawin niya sa atin ang nakalulugod sa kanya. Papurihan nawa si Cristo magpakailanman! Amen.
Panghuling Pangungusap
22 Mga kapatid, hinihiling ko na pagtiyagaan ninyong pakinggan ang mga pangaral kong ito sapagkat hindi naman gaanong mahaba ang sulat na ito. 23 Nais ko ring malaman ninyo na pinalaya na ang ating kapatid na si Timoteo, at kung darating siya agad, isasama ko siya pagpunta ko riyan.
24 Ikumusta ninyo kami sa mga namumuno sa inyo at sa lahat ng hinirang ng Diyos. Kinukumusta kayo ng mga kapatid sa Italia.
25 Nawa'y sumainyong lahat ang kagandahang-loob ng Diyos. [Amen.][b]
Ang mga Balang sa Pangitain
7 Ito ang pangitaing ipinakita sa akin ng Panginoong Yahweh: Nagpakawala siya ng maraming balang pagkatapos na gapasin ang bahagi ng ani na para sa hari, at habang nagsisimulang tumubo ang pananim. 2 Nakita kong sinimot ng mga balang ang lahat ng halaman sa lupain. At nasabi ko, “Panginoong Yahweh, patawarin mo po ang iyong bayan! Paano pa sila mabubuhay? Sila'y maliliit at mahihina!”
3 Nagbago ang isip ni Yahweh at sinabi niya, “Sige, hindi na mangyayari ang iyong nakita.”
Ang Apoy sa Pangitain
4 Ito ang sumunod na ipinakita sa akin ng Panginoong Yahweh: Handa na siya upang parusahan ang mga tao sa pamamagitan ng apoy. Ang tubig sa kalaliman ng lupa ay tinuyo ng apoy at ngayo'y nasusunog na ang lupain. 5 Kaya't ako'y nakiusap, “Panginoong Yahweh, maawa po kayo sa kanila! Sila'y mahihina't maliliit, baka hindi sila makatagal!”
6 Nagbago ang isip ni Yahweh at ang sabi, “Hindi ko na rin ito hahayaang mangyari.”
Ang Hulog sa Pangitain
7 Ito pa ang ipinakita niya sa akin: Siya'y nakatayo sa tabi ng pader na ginamitan ng hulog. Nakita kong hawak niya ang hulog. 8 Tinanong ako ni Yahweh, “Amos, ano ang nakikita mo?” “Isang hulog po,” sagot ko.
At sinabi niya,
“Sa pamamagitan ng hulog na ito,
ipapakita ko ang pagkakamali ng aking bayang Israel.
Hindi na magbabago pa ang pasya ko, paparusahan ko sila.
9 Mawawasak ang mga altar ng mga salinlahi ni Isaac.
Mawawasak ang mga banal na dako ng Israel.
Sa pamamagitan ng tabak, pupuksain ko ang sambahayan ni Jeroboam.”
Si Amos at si Amazias
10 Si Amazias na pari sa Bethel ay nagsumbong kay Haring Jeroboam ng Israel. “Kasama ng mga tao, si Amos ay may balak na masama laban sa inyo,” sabi niya. “Dahil sa mga sinasabi niya'y nagugulo ang bayan. 11 Sinasabi niyang,
‘Mamamatay si Jeroboam sa digmaan,
at ang Israel ay dadalhing-bihag
sa isang malayong lupain.’”
12 Pagkatapos, hinarap naman ni Amazias si Amos at sinabi, “Tama na iyan, Propeta! Magbalik ka na sa Juda; doon ka mangaral. Hayaan mong sila ang magbayad sa iyo. 13 Huwag ka nang mangaral dito sa Bethel. Narito ang templo ng kaharian at dito sumasamba ang hari.”
14 Sumagot si Amos, “Hindi ako propeta na nangangaral at hindi rin nagsanay na maging isang propeta upang bayaran. Ako'y pastol at nag-aalaga rin ng mga puno ng sikamoro. 15 Ngunit inalis ako ni Yahweh sa gawaing iyon at inutusang magpahayag sa mga taga-Israel para kay Yahweh. 16 Kaya pakinggan ninyo ang sinasabi ni Yahweh. Sinabi ninyo,
‘Huwag kang mangaral laban sa Israel,
at huwag kang mangaral laban sa sambahayan ni Isaac.’
17 Sinasabi ni Yahweh,
‘Ang asawa mo'y magiging babaing bayaran,
at masasawi naman sa digmaan ang iyong mga anak.
Paghahati-hatian ng iba ang iyong lupain at ikaw ay mamamatay.
Sa isang bayang hindi kumikilala kay Yahweh,
ang mga taga-Israel ay dadalhing-bihag sa isang malayong lupain.’”
Ang Pagsilang ni Jesus(A)
2 Nang panahong iyon, iniutos ni Emperador Augusto na magkaroon ng sensus sa lahat ng nasasakupan ng Imperyo ng Roma. 2 Ang unang sensus na ito ay ginawa noong si Cirenio ang gobernador ng Siria. 3 Kaya't umuwi ang mga tao sa sarili nilang bayan upang magpatala.
4 Mula sa Nazaret, isang lungsod sa Galilea, si Jose ay pumunta sa Judea, sa Bethlehem na bayang sinilangan ni Haring David, sapagkat siya'y mula sa angkan ni David. 5 Kasama rin niyang umuwi upang magpatala si Maria na kanyang magiging asawa, na noon ay nagdadalang-tao. 6 Habang sila'y nasa Bethlehem, sumapit ang oras ng panganganak ni Maria. 7 Isinilang niya ang kanyang panganay, na isang lalaki. Binalot niya sa lampin ang sanggol at inihiga sa isang sabsaban, sapagkat wala nang lugar para sa kanila sa bahay-panuluyan.
Ang mga Pastol at ang mga Anghel
8 Doon ay may mga pastol na nasa parang at nagbabantay ng kanilang mga tupa nang gabing iyon. 9 At tumayo(B) sa harapan nila ang isang anghel ng Panginoon at nagliwanag sa kapaligiran nila ang kaluwalhatian ng Panginoon. Ganoon na lamang ang kanilang pagkatakot. 10 Ngunit sinabi sa kanila ng anghel, “Huwag kayong matakot! Ako'y may dalang magandang balita para sa inyo na magdudulot ng malaking kagalakan sa lahat ng tao. 11 Isinilang sa inyo ngayon sa bayan ni David ang Tagapagligtas, ang Cristong Panginoon. 12 Ito ang inyong palatandaan: matatagpuan ninyo ang isang sanggol na nababalot ng lampin at nakahiga sa isang sabsaban.”
13 Biglang lumitaw kasama ng anghel ang isang malaking hukbo ng mga anghel sa kalangitan. Sila'y nagpupuri sa Diyos at umaawit,
14 “Papuri sa Diyos sa kaitaasan,
at sa lupa ay kapayapaan sa mga taong kinalulugdan niya!”
15 Nang makaalis na ang mga anghel pabalik sa langit, ang mga pastol ay nag-usap-usap, “Tayo na sa Bethlehem! Tingnan natin ang pangyayaring ito na ibinalita sa atin ng Panginoon.” 16 Nagmamadali silang pumunta roon at natagpuan nila sina Maria at Jose, at naroon ang sanggol na nakahiga sa sabsaban. 17 Nang makita ng mga pastol ang sanggol, isinalaysay nila ang sinabi ng anghel tungkol dito. 18 Namangha ang lahat ng nakarinig sa sinabi ng mga pastol. 19 Tinandaan ni Maria ang mga bagay na ito, at ito'y kanyang pinagbulay-bulayan.
20 Umalis ang mga pastol na nagpupuri sa Diyos at nagpapahayag ng kanyang kadakilaan dahil sa lahat ng narinig nila at nakita, ayon sa sinabi sa kanila ng anghel.
Pinangalanan si Jesus
21 Pagsapit(C) ng ikawalong araw, tinuli ang bata at pinangalanang Jesus. Ito ang pangalang sinabi ng anghel bago pa siya ipaglihi.
Dinala si Jesus sa Templo
22 Nang(D) sumapit ang araw ng kanilang pagtupad sa seremonya ng paglilinis ayon sa Kautusan ni Moises, pumunta sila sa Jerusalem. Dinala nila ang sanggol upang iharap sa Panginoon, 23 sapagkat(E) ganito ang nasusulat sa Kautusan ng Panginoon, “Bawat panganay na lalaki ay itatalaga sa Panginoon.” 24 Nag-alay din sila ng handog ayon sa nakasaad sa Kautusan ng Panginoon: magkapares na ibong batu-bato, o kaya'y dalawang inakay na kalapati.
25 May isang tao noon sa Jerusalem na ang pangala'y Simeon, isang lalaking matuwid, may takot sa Diyos at naghihintay sa katubusan ng Israel. Nasa kanya ang Espiritu Santo. 26 Ipinahayag ng Espiritu Santo sa kanya na hindi siya mamamatay hangga't hindi niya nakikita ang Cristo na ipinangako ng Panginoon. 27 Sa patnubay ng Espiritu, si Simeon ay pumasok sa Templo. At nang dalhin doon nina Jose at Maria ang sanggol na si Jesus upang tuparin ang ayon sa itinatakda ng Kautusan, 28 kinarga ni Simeon ang sanggol. Pagkatapos, nagpuri siya sa Diyos,
29 “Ngayon, Panginoon, maaari na pong yumaong mapayapa
ang inyong abang alipin ayon sa inyong pangako.
30 Yamang nakita na po ng aking mga mata ang inyong pagliligtas,
31 na inyong inihanda sa harapan ng lahat ng bansa.
32 Ito(F) po ay liwanag na tatanglaw sa mga Hentil
at magbibigay-dangal sa inyong bansang Israel.”
33 Namangha ang mga magulang ng sanggol dahil sa sinabi ni Simeon tungkol sa bata. 34 Binasbasan sila ni Simeon, at sinabi kay Maria, “Tandaan mo, ang batang ito'y nakatalaga sa ikapapahamak o ikaliligtas ng marami sa Israel. Siya ang magiging tanda mula sa Diyos ngunit tutuligsain siya ng marami, 35 kaya't mahahayag ang kanilang iniisip. Dahil dito, magdaranas ka ng matinding kapighatiang parang isang patalim na itinarak sa iyong puso.”
36 Naroon(G) din sa Templo ang isang propetang babae na ang pangalan ay Ana, anak ni Fanuel at mula sa lipi ni Asher. Siya'y napakatanda na. Pitong taon lamang silang nagsama ng kanyang asawa, 37 at ngayo'y walumpu't apat na taon na siyang biyuda. Lagi siya sa Templo at araw-gabi'y sumasamba sa Diyos sa pamamagitan ng pag-aayuno at pananalangin. 38 Nang oras na iyon, lumapit siya kina Jose at Maria at nagpasalamat sa Diyos. Nagsalita rin siya tungkol sa sanggol sa lahat ng naghihintay sa pagpapalaya ng Diyos sa Jerusalem.
Ang Pagbalik sa Nazaret
39 Nang(H) maisagawa na nila ang lahat ng ayon sa itinatakda ng kautusan ng Panginoon, umuwi na sila sa bayan ng Nazaret sa Galilea. 40 Ang bata'y lumaking malusog, puspos ng karunungan, at kalugud-lugod sa Diyos.
Ang Batang si Jesus sa Loob ng Templo
41 Taun-taon,(I) tuwing Pista ng Paskwa, ang mga magulang ni Jesus ay pumupunta sa Jerusalem. 42 Nang siya'y labindalawang taon na, dumalo sila sa pista, ayon sa kanilang kaugalian. 43 Sila'y umuwi na pagkatapos ng pista. Ang batang si Jesus ay nagpaiwan sa Jerusalem ngunit hindi ito napansin ng kanyang mga magulang. 44 Sa pag-aakalang siya ay kasama ng pangkat, nagpatuloy sila sa maghapong paglalakbay. Pagkatapos, siya ay hinanap nila sa kanilang mga kamag-anak at mga kakilala, ngunit 45 hindi nila natagpuan si Jesus. Kaya't bumalik sila sa Jerusalem upang doon maghanap. 46 Pagkalipas ng tatlong araw, si Jesus ay natagpuan nila sa loob ng Templo. Siya'y nakaupong kasama ng mga guro. Nakikinig siya at nagtatanong sa kanila, 47 at ang lahat ng nakakarinig sa kanya ay hangang-hanga sa kanyang pang-unawa at mga sagot. 48 Namangha rin ang kanyang mga magulang nang siya'y makita. Sinabi ng kanyang ina, “Anak, bakit mo naman ginawa ito sa amin? Lubha ang aming pag-aalala ng iyong ama sa paghahanap sa iyo.”
49 Sumagot si Jesus, “Bakit po ninyo ako hinahanap? Hindi po ba ninyo alam na ako'y dapat mamalagi sa bahay ng aking Ama?”[a] 50 Ngunit hindi nila naunawaan ang sinabi niyang ito.
51 Siya'y sumama sa kanila pauwi sa Nazaret, at siya'y naging masunurin sa kanila. Ang lahat ng bagay na ito ay iningatan ng kanyang ina sa kanyang puso. 52 Patuloy(J) na lumaki si Jesus sa pangangatawan, lumawak ang kanyang karunungan at lalong naging kalugud-lugod sa Diyos at sa mga tao.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.