Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
2 Mga Hari 15

Ang Paghahari ni Azarias sa Juda(A)

15 Nang ikadalawampu't pitong taon ng paghahari ni Jeroboam sa Israel, si Azarias na anak ni Amazias ay nagsimula namang maghari sa Juda. Labing-anim na taóng gulang siya noon at naghari siya sa Jerusalem sa loob ng limampu't dalawang taon. Ang kanyang ina ay si Jecolias na taga-Jerusalem. Siya'y naging kalugud-lugod kay Yahweh sapagkat sumunod siya sa halimbawa ng kanyang amang si Amazias. Gayunman, hindi niya ipinagiba ang mga dambana ng mga diyus-diyosan kaya nagpatuloy ang mga tao sa pagdadala roon ng mga handog at pagsusunog ng insenso. Pinarusahan siya ni Yahweh at nagkaroon siya ng sakit sa balat na parang ketong hanggang mamatay. Tumira siyang mag-isa sa isang bahay samantalang ang anak niyang si Jotam ang namamahala sa kaharian.

Ang iba pang ginawa ni Azarias ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Juda. Nang(B) mamatay si Azarias,[a] inilibing siya sa libingan ng kanyang mga ninunong hari, sa lunsod ni David. Ang anak niyang si Jotam ang humalili sa kanya bilang hari.

Ang Paghahari ni Zacarias sa Israel

Nang ikatatlumpu't walong taon ng paghahari ni Azarias sa Juda, si Zacarias na anak ni Jeroboam ay naging hari ng Israel. Naghari siya sa Samaria nang anim na buwan. Ginawa rin niya ang mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh tulad ng kanyang mga ninuno. Nagpakasama rin siyang tulad ni Jeroboam, anak ni Nebat, na nagbulid sa Israel para magkasala. 10 Si Sallum na anak ni Jabes ay nakipagsabwatan laban kay Zacarias. Pinatay niya ito sa Ibleam[b] at siya ang pumalit bilang hari ng Israel.

11 Ang mga ginawa ni Zacarias ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel. 12 Natupad(C) ang pangako ni Yahweh kay Jehu nang sabihin niya, “Ang mga anak mo hanggang sa ikaapat na salinlahi ang maghahari sa Israel.”

Ang Paghahari ni Sallum sa Israel

13 Nang ikatatlumpu't siyam na taon ng paghahari ni Azarias sa Juda, si Sallum naman na anak ni Jabes ay naging hari ng Israel. Siya ay naghari sa Samaria nang isang buwan lamang. 14 Mula sa Tirza, dumating si Menahem na anak ni Gadi at sinalakay ang Samaria. Pinatay niya si Sallum at siya ang pumalit bilang hari. 15 Ang iba pang ginawa ni Sallum pati ang pakikipagsabwatan niya laban kay Zacarias ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel. 16 Mula sa Tirza patungong Samaria, winasak ni Menahem ang Tapua sapagkat ayaw nilang sumuko sa kanya. Wala siyang pinatawad at ipinabiyak niya pati ang tiyan ng mga buntis.

Ang Paghahari ni Menahem sa Israel

17 Nang ikatatlumpu't siyam na taon ng paghahari ni Azarias sa Juda, naging hari ng Israel si Menahem na anak ni Gadi. Siya'y naghari sa Samaria nang sampung taon. 18 Tulad ni Jeroboam, anak ni Nebat, na nagbulid sa Israel upang magkasala, ginawa rin niya ang mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh.

19 Sa panahon ni Menahem, ang Israel ay sinalakay ni Haring Pul ng Asiria.[c] Nagbigay sa kanya si Menahem ng 35,000 kilong pilak upang makuha ang suporta nito sa pagpapalakas ng kanyang paghahari sa Israel. 20 Para matipon ang halagang ito, hiningan niya ng tiglilimampung pirasong pilak ang lahat ng mayayaman sa Israel at ibinigay sa hari ng Asiria. Dahil dito, hindi sinakop ng Asiria ang Israel.

21 Ang iba pang ginawa ni Menahem ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel. 22 Namatay siya at inilibing at ang anak niyang si Pekahias ang humalili sa kanya bilang hari.

Ang Paghahari ni Pekahias sa Israel

23 Nang ikalimampung taon ng paghahari ni Azarias sa Juda, naging hari ng Israel si Pekahias na anak ni Menahem. Siya'y naghari sa Samaria nang dalawang taon. 24 Tulad ni Jeroboam, anak ni Nebat, na nagbulid sa Israel upang magkasala, ginawa rin niya ang mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh. 25 Si Peka na anak ni Remalias, isa sa mga opisyal sa hukbo ni Pekahias, ay nakipagsabwatan sa limampung taga-Gilead laban kay Pekahias. Pinatay nila si Pekahias sa loob ng nasasakupan ng palasyo sa Samaria, at si Peka ang humalili sa kanya bilang hari ng Israel. 26 Ang iba pang ginawa ni Pekahias ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel.

Ang Paghahari ni Peka sa Israel

27 Nang ikalimampu't dalawang taon ng paghahari ni Azarias sa Juda, naging hari ng Israel si Peka na anak ni Remalias. Siya'y naghari sa Samaria nang dalawampung taon. 28 Hindi rin siya naging kalugud-lugod kay Yahweh sapagkat tinularan din niya ang kasamaan ni Jeroboam na anak ni Nebat na siyang umakay sa Israel para magkasala.

29 Sa panahon ng paghahari ni Peka, ang Israel ay sinalakay ni Haring Tiglat-pileser ng Asiria at nasakop nito ang Ijon, Abel-bet-maaca, Janoa, Kedes, Hazor, Gilead at Galilea at ang buong Neftali; dinala niyang bihag ang lahat ng naninirahan doon.

30 Nang ikadalawampung taon ng paghahari ni Jotam sa Juda, si Oseas na anak ni Ela ay nakipagsabwatan laban kay Peka. Pinatay niya ito at siya ang humalili bilang hari ng Israel. 31 Ang iba pang ginawa ni Peka ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel.

Ang Paghahari ni Jotam sa Juda

32 Nang ikalawang taon ng paghahari ni Peka na anak ni Remalias sa Israel, naging hari ng Juda si Jotam na anak ni Azarias. 33 Dalawampu't limang taóng gulang siya noon at naghari siya sa Jerusalem sa loob ng labing-anim na taon. Ang kanyang ina ay si Jerusa na anak ni Zadok. 34 Siya ay naging kalugud-lugod kay Yahweh sapagkat sinundan niya ang mabuting halimbawa ng kanyang amang si Azarias. 35 Gayunman, hindi rin niya ipinagiba ang mga dambana ng mga diyus-diyosan kaya nagpatuloy ang mga tao sa pagdadala ng mga handog at sa pagsusunog ng mga insenso roon. Siya ang nagpatayo ng pintuan sa gawing hilaga ng Templo ni Yahweh.

36 Ang iba pang ginawa ni Jotam ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Juda. 37 Nang panahong iyon, ang Juda ay ipinasalakay ni Yahweh kina Resin ng Siria at Peka na anak ni Remalias. 38 Namatay si Jotam at inilibing sa lunsod ni David, sa libingan ng kanyang mga ninunong hari. Humalili sa kanya ang anak niyang si Ahaz.

Tito 1

Mula kay Pablo, lingkod[a] ng Diyos at apostol ni Jesu-Cristo.

Sinugo ako upang patibayin ang pananampalataya ng mga hinirang ng Diyos, at upang palawakin ang kanilang kaalaman sa katotohanan tungkol sa pamumuhay na maka-Diyos, at bigyan sila ng pag-asa sa buhay na walang hanggan. Bago pa likhain ang sanlibutan, ang buhay na ito'y ipinangako na ng Diyos na kailanma'y hindi nagsisinungaling. Ipinahayag niya ito sa kanyang salita sa takdang panahon, at ako ang napagkatiwalaang mangaral nito, ayon sa utos ng Diyos na ating Tagapagligtas.

Kay Tito, na tunay kong anak sa iisa nating pananampalataya.

Sumaiyo nawa ang pagpapala at kapayapaang mula sa Diyos Ama at mula sa ating Tagapagligtas na si Cristo Jesus.

Mga Gawain ni Tito sa Creta

Iniwan kita sa Creta upang ayusin mo ang mga bagay na dapat pang ayusin at upang magtalaga ka ng matatandang pinuno ng iglesya sa bawat bayan, ayon sa iniutos ko sa iyo. Italaga(A) mo ang mga taong walang kapintasan; isa lamang ang asawa, at ang mga anak ay mananampalataya, may pagpipigil sa sarili at hindi suwail. Bilang katiwala ng Diyos, kailangang walang kapintasan ang isang tagapangasiwa[b] ng iglesya. Hindi siya dapat mayabang, hindi magagalitin, hindi lasenggo, hindi mapusok o sakim, bukás ang tahanan sa mga panauhin, maibigin sa kabutihan, mahinahon, matuwid, may kabanalan, at marunong magpigil sa sarili. Kailangang matatag siyang nananalig sa mga tunay na aral na natutunan niya, upang ito'y maituro naman niya sa iba at maipakita ang kamalian ng mga sumasalungat dito.

10 Sapagkat maraming tao, lalung-lalo na ang mga galing sa Judaismo, ang suwail at nanlilinlang sa iba sa pamamagitan ng mga katuruang walang kabuluhan. 11 Kailangang pigilan sila sa kanilang mga ginagawa sapagkat ginugulo nila ang mga pamilya at nagtuturo ng mga bagay na hindi dapat ituro, kumita lamang sila ng salapi. 12 Isa na ring taga-Creta na kinikilala nilang propeta ang nagsabi, “Ang mga taga-Creta ay palaging sinungaling, asal-hayop, batugan, at matakaw.” 13 Tama ang kanyang sinabi, kaya't mahigpit mo silang pagsabihan upang maging wasto ang kanilang pananampalataya, 14 at huwag nang maniwala pa sa mga alamat ng mga Judio, o sa katuruan ng mga taong tumalikod sa katotohanan. 15 Malinis ang lahat ng bagay sa may malinis na isipan, ngunit sa masasama at di-sumasampalataya, walang bagay na malinis sapagkat marumi ang kanilang budhi at isipan. 16 Ang sabi nila'y kilala nila ang Diyos, ngunit ito'y pinapasinungalingan ng kanilang mga gawa. Sila'y kasuklam-suklam, suwail at hindi nababagay sa gawang mabuti.

Hosea 8

Hinatulan ni Yahweh ang Israel

Sinabi ni Yahweh, “Hipan mo ang trumpeta!
    Dumarating ang isang agila sa bayan ng Diyos,
sapagkat sumira sa tipan ang aking bayan,
    at nilabag nila ang aking kautusan.
Tumangis ngayon ang Israel sa akin,
    ‘Tulungan mo kami, sapagkat ikaw ang aming Diyos.’
Ngunit tinalikuran na ng Israel ang kabutihan;
    kaya't hahabulin sila ng kanilang kaaway.

“Pumili sila ng mga hari nang wala akong pahintulot;
    naglagay sila ng mga pinuno, ngunit hindi naman ayon sa aking kagustuhan.
Ginawa nilang diyus-diyosan ang kanilang pilak at ginto
    na nagdala sa kanila sa kapahamakan.
Kinasusuklaman ko ang guyang sinasamba ng mga taga-Samaria.
    Napopoot ako sa kanila.
Hanggang kailan pa sila mananatili sa karumihan?
    Ang diyus-diyosang iyan ay mula sa Israel!
Ang guyang iyan ay ginawa ng tao, at iya'y hindi Diyos.
Ang guya ng Samaria ay magkakadurug-durog.

“Naghahasik sila ng hangin,
    at ipu-ipo ang kanilang aanihin.
Ang mga nakatayong trigo'y walang uhay,
    kaya't walang makukuhang harina.
At kung magbunga man iyon,
    kakainin lamang ng mga dayuhan.
Nilalamon na ang Israel;
    naroon na sila sa gitna ng mga bansa
    bilang kasangkapang walang kabuluhan.
Sapagkat naparoon sila sa Asiria,
    gaya ng asnong naggagalang mag-isa.
    Ang Efraim nama'y umupa ng mga mangingibig.
10 Bagama't humingi sila ng tulong sa ibang mga bansa,
    ngayo'y titipunin ko silang lahat.
Hindi magtatagal at sila'y daraing
    dahil sa pahirap ng hari at ng mga pinuno.

11 “Ang mga altar na ginawa sa Efraim,
    ang siya ring nagparami ng inyong mga sala.
12 Sumulat man ako ng sampung libong kautusan,
    ito'y pagtatawanan lang nila at tatanggihan.
13 Nag-aalay sila ng handog sa akin;
    at ang karneng handog, kanila mang kainin,
    hindi pa rin ito kalugud-lugod sa akin.
Gugunitain niya ngayon ang kanilang kalikuan,
    at paparusahan sila dahil sa kanilang mga kasalanan;
    sila'y magbabalik sa lupain ng Egipto.
14 Kinalimutan ng Israel ang lumikha sa kanya,
    at nagtayo siya ng mga palasyo.
Ang Juda nama'y nagparami ng mga lunsod na may pader,
    subalit lalamunin ng apoy ang kanilang mga lunsod at mga palasyo.”

Mga Awit 123-125

Panalangin Upang Kahabagan

Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba.

123 Ang aking pangmasid doon nakatuon,
    sa luklukang trono mo, O Panginoon.
Tulad ko'y aliping ang inaasahan
    ay ang amo niya para sa patnubay,
kaya tuluy-tuloy ang aming tiwala,
    hanggang ikaw, Yahweh, sa ami'y maawa.

Mahabag ka, Yahweh, kami'y kaawaan,
    labis na paghamak aming naranasan.
Kami'y hinahamak ng mga mayaman,
    laging kinukutya kahit noon pa man ng mapang-aliping taong mayayabang.

Ang Diyos ang Tagapagtanggol ng Kanyang Bayan

Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba; katha ni David.

124 Ano kaya't kung si Yahweh ay di pumanig sa atin;
    O Israel, ano kaya yaong iyong sasabihin?
“Kung ang Diyos na si Yahweh, sa amin ay di pumanig,
    noong kami'y salakayin ng kaaway na malupit,
maaaring kami noon ay nilamon na nang buháy
    sa silakbo ng damdamin at ng galit na sukdulan.
Maaaring kami noo'y natangay na niyong agos,
    naanod sa karagata't tuluy-tuloy na nalunod;
    sa lakas ng agos noo'y nalunod nga kaming lubos.

Tayo ay magpasalamat, si Yahweh ay papurihan,
    pagkat tayo'y iniligtas sa malupit na kaaway.
Ang katulad nati'y ibong sa bitag ay nakatakas;
    lubos tayong nakalaya nang ang bitag ay mawasak.
Tulong nating kailangan ay kay Yahweh nagmumula,
    pagkat itong lupa't langit tanging siya ang lumikha.

Kaligtasan ng mga Lingkod ng Diyos

Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba.

125 Parang Bundok Zion, ang taong kay Yahweh ay nagtitiwala,
    kailanma'y di makikilos, hindi mauuga.
Itong Jerusalem ay naliligiran ng maraming bundok,
    gayon nagtatanggol
    sa mga hinirang si Yahweh, ating Diyos.

Taong masasama
    ay di hahayaang laging mamahala,
pagkat maaaring ang mga pinili, mahawa sa sama.
Ang mga mabait na tapat sumunod sa iyong kautusan,
    sana'y pagpalain mo sila, O Yahweh, sa kanilang buhay.
Ngunit ang masama, sa kanilang hilig iyong parusahan,
parusahan sila, dahil sa di wasto nilang pamumuhay.

Kapayapaan para sa Israel!

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.