Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
2 Mga Hari 25

Ang Pagbagsak ng Jerusalem(A)

25 Si(B) Zedekias ay naghimagsik laban sa hari ng Babilonia. Nang ikasampung araw ng ikasampung buwan ng ikasiyam na taon ng paghahari ni Zedekias, tinipon ni Nebucadnezar ang kanyang buong hukbo. Kinubkob nila ang Jerusalem at nagkampo sa labas ng lunsod. Ito'y tumagal nang hanggang sa ikalabing-isang taon ng paghahari ni Zedekias. Nang ikasiyam na araw ng ikaapat na buwan ng taon ding iyon, lubhang tumindi ang taggutom sa loob ng lunsod. Wala nang makain ang mga tao. Noon(C) ay binutas ang isang bahagi ng pader ng lunsod. Nang makita ito ni Haring Zedekias kinagabihan, tumakas siya patungong Araba kasama ang kanyang mga kawal. Doon sila dumaan sa pintuan sa pagitan ng dalawang pader, malapit sa hardin ng palasyo. Ngunit ang lunsod ay napapalibutan ng mga taga-Babilonia. Hinabol sila ng mga ito at inabutan sa kapatagan ng Jerico. At nagkanya-kanyang takas ang kanyang mga kawal. Nabihag si Zedekias at iniharap sa hari ng Babilonia na noon ay nasa lunsod ng Ribla at doon siya hinatulan. (D)Pinatay nila sa harapan ni Zedekias ang mga anak nito. Dinukit ang mga mata ni Zedekias at dinala siya sa Babilonia na gapos ng tanikala.

Ang Pagwasak sa Templo(E)

Nang ikapitong araw ng ikalimang buwan ng ikalabing siyam na taon ng paghahari ni Nebucadnezar, pinasok ni Nebuzaradan na pinuno ng mga tanod ni Nebucadnezar ang Jerusalem. Sinunog(F) niya ang Templo, ang palasyo, at ang malalaking bahay doon. 10 Ang mga pader ng lunsod ay giniba naman ng mga kawal na kasama ni Nebuzaradan. 11 Dinala niyang bihag ang natitira pang mga tao sa Jerusalem, pati ang mga sumuko sa hari ng Babilonia. 12 Ang iniwan lamang niya roon ay ilang mga dukha upang magbungkal ng lupa at magtrabaho sa mga ubasan.

13 Ang(G) mga haliging tanso, patungang tanso at ang palangganang tanso na nasa Templo ay tinanggal nila, pinagpira-piraso at dinala sa Babilonia. 14 Kinuha(H) rin nila ang mga kagamitan sa Templo: ang palayok, pala, lalagyan ng abo, plato, sunugan ng insenso at ang lahat ng kagamitang tanso. 15 Kinuha rin nila ang gintong lalagyan ng baga at lahat ng kasangkapang ginto at pilak. 16 Ang mga haliging tanso, ang hugasang tanso at ang patungan nito ay hindi na nila tinimbang sapagkat napakabigat. 17 Ang taas ng isang haligi ay walong metro at may koronang mahigit na isa't kalahating metro ang taas. Nababalot ito ng mga palamuting tanso: hinabi ang iba at ang iba nama'y kahugis ng prutas na granada.

Dinalang-bihag ang mga Taga-Juda sa Babilonia(I)

18 Dinala sa Babilonia ang mga taga-Juda. Kasama sa mga nabihag ni Nebuzaradan ang pinakapunong paring si Seraya, ang kanang kamay nitong si Zefanias at ang tatlong bantay-pinto. 19 Nabihag din niya ang namamahala sa mga mandirigma ng lunsod, ang limang tagapayo ng hari, ang kalihim ng pinunong kawal, at ang animnapung taóng nakita niya sa lunsod. 20 Ang mga ito'y dinala niya sa Ribla, sa kinaroroonan ng hari ng Babilonia, 21 at doon ipinapatay ng hari, sa lupain ng Hamat. Sa ganitong paraan dinalang-bihag ang sambayanang Juda mula sa kanilang lupain.

Si Gedalias na Gobernador ng Juda(J)

22 Si(K) Gedalias na anak ni Ahikam at apo ni Safan ay hinirang ni Haring Nebucadnezar bilang gobernador ng mga natirang mamamayan ng Juda. 23 Nang mabalitaan ito ng mga pinuno ng hukbo na hindi sumuko, sila at ang kanilang mga tauhan ay lumapit kay Gedalias sa Mizpa. Ang mga ito'y sina Ismael na anak ni Netanias, Johanan na anak ni Karea, Seraias na anak ni Tanhumet na Netofatita at Jaazanias na anak ng Maacateo. 24 Sinabi sa kanila ni Gedalias, “Huwag kayong matakot sa mga taga-Babilonia. Dito na kayo tumira at maglingkod sa hari ng Babilonia at walang masamang mangyayari sa inyo.” 25 Ngunit(L) nang ikapitong buwan, dumating si Ismael na anak ni Netanias at apo ni Elisama, mula sa angkan ng hari, na may kasamang sampung tao. Pinatay nila si Gedalias, ang mga Judio at ang mga taga-Babiloniang kasama niya sa Mizpa. 26 Pagkatapos,(M) silang lahat, mahirap man o mayaman, kasama ang mga pinuno ng mga kawal, ay tumakas patungong Egipto dahil sa takot sa mga taga-Babilonia.

Pinalaya si Jehoiakin sa Pagkabilanggo(N)

27 Nang ikadalawampu't pitong araw ng ikalabindalawang buwan ng ikatatlumpu't pitong taon ng pagkabihag kay Haring Jehoiakin ng Juda, pinalaya siya ni Haring Evil-merodac ng Babilonia nang taon na ito'y nagsimulang maghari. 28 Mabuti ang pakikitungo ni Evil-merodac kay Jehoiakin, at pinarangalan siya nito nang higit sa ibang haring bihag din sa Babilonia. 29 Hinubad ni Jehoiakin ang kasuotan niya bilang isang bihag. At hanggang sa siya'y mamatay, araw-araw, kasalo siya ng hari sa hapag kainan. 30 Habang siya'y nabubuhay, binigyan siya ng hari ng kanyang araw-araw na pangangailangan.

Mga Hebreo 7

Ang Paring si Melquisedec

Ang(A) Melquisedec na ito ay hari ng Salem at pari ng Kataas-taasang Diyos. Nang pabalik na si Abraham mula sa pagpuksa sa mga hari, sinalubong siya ni Melquisedec at siya ay binasbasan nito. Ibinigay ni Abraham kay Melquisedec ang ikasampung bahagi ng lahat ng nasamsam niya mula sa labanan. Ang unang kahulugan ng pangalang Melquisedec ay “Hari ng Katuwiran”. At dahil siya'y hari din ng Salem, ibig sabihin, siya ay “Hari ng Kapayapaan”. Walang nababanggit tungkol sa kanyang ama at ina, o sa angkang pinagmulan niya. Hindi rin natala ang kanyang kapanganakan o kamatayan. Tulad ng Anak ng Diyos, siya'y pari magpakailanman.

Tingnan ninyo kung gaano kadakila si Melquisedec! Ipinagkaloob sa kanya ni Abraham na ating ninuno ang ikasampung bahagi ng nasamsam niya mula sa labanan. Ayon(B) sa Kautusan, ang mga pari mula sa angkan ni Levi ay inutusang kumuha ng mga ikapu mula sa mga Israelita, na kanilang mga kapatid, kahit ang mga ito ay mula rin kay Abraham. Si Melquisedec ay hindi kabilang sa lipi ni Levi, ngunit tumanggap siya ng ikasampung bahagi mula kay Abraham at pinagpala niya ang taong ito na pinangakuan ng Diyos. Hindi maipagkakaila na ang nagbibigay ng basbas ay mas dakila kaysa kanyang binabasbasan. Ang mga Levita, na tumatanggap ng ikasampung bahagi ay may kamatayan, ngunit buháy si Melquisedec ayon sa kasulatan. Kaya't masasabi na rin na maging si Levi na tumatanggap ng ikasampung bahagi, ay nagbigay rin ng ikasampung bahagi sa pamamagitan ni Abraham. 10 Sapagkat masasabing si Levi ay nasa katawan pa ng kanyang ninunong si Abraham nang ito'y salubungin ni Melquisedec.

11 Batay sa pagkapari ng mga Levita ang Kautusan ay ibinigay sa mga Israelita. Kung ang pagkapari ng mga Levita ay walang kapintasan, hindi na sana kinailangan pa ang ibang pagkapari na ayon sa pagkapari ni Melquisedec, at hindi ayon sa pagkapari ni Aaron. 12 Nang baguhin ang pagkapari, kinailangan ding baguhin ang kautusan. 13 Ang ating Panginoon ang paring tinutukoy dito ay kabilang sa ibang lipi, kung saan ay wala ni isa man na naglingkod bilang pari. 14 Alam ng lahat na ang ating Panginoon ay mula sa lipi ni Juda, at tungkol sa liping ito ay walang sinabi si Moises tungkol sa mga pari.

Ibang Pari, Tulad ni Melquisedec

15 Ang bagay na ito ay lalo pang naging maliwanag nang magkaroon ng ibang pari ayon sa pagkapari ni Melquisedec. 16 Naging pari siya dahil sa kapangyarihan ng buhay na kailanma'y hindi matatapos, at hindi dahil sa lahing pinagmulan na itinatakda ng Kautusan. 17 Sapagkat(C) ito ang sinasabi ng kasulatan tungkol sa kanya, “Ikaw ay pari magpakailanman, ayon sa pagkapari ni Melquisedec.” 18 Kaya nga, inalis ang naunang alituntunin dahil sa ito'y mahina at walang bisa. 19 Sapagkat walang sinumang nagiging ganap sa pamamagitan ng Kautusan ni Moises. Higit na mabuti ang bagong pag-asang tinanggap natin ngayon, sapagkat sa pamamagitan nito'y nakakalapit na tayo sa Diyos.

20 Ang Diyos ay hindi nanumpa nang gawin niyang pari ang iba, 21 ngunit(D) nanumpa siya nang gawin niyang pari si Jesus, ayon sa sinabi niya,

“Ang Panginoon ay sumumpa,
    at hindi siya magbabago ng isip,
‘Ikaw ay pari magpakailanman!’”

22 Dahil sa pagkakaibang ito, si Jesus ang siyang katiyakan ng mas mabuting tipan.

23 Bukod dito, kailangan noon ang maraming pari dahil namamatay sila at hindi nakakapagpatuloy sa panunungkulan. 24 Ngunit si Jesus ay buháy magpakailanman, kaya't walang katapusan ang kanyang pagkapari. 25 Dahil dito, lubusan niyang maililigtas ang lahat ng lumalapit sa Diyos sa pamamagitan niya, sapagkat siya'y nabubuhay magpakailanman upang mamagitan para sa kanila.

26 Samakatuwid, si Jesus ang Pinakapunong Pari na kinakailangan natin. Siya'y banal, walang kasalanan ni kapintasan man, inihiwalay sa mga makasalanan at itinaas sa kalangitan. 27 Hindi(E) siya katulad ng ibang mga pinakapunong pari na kailangan pang mag-alay ng mga handog araw-araw, una'y para sa sarili nilang kasalanan, at pagkatapos, para sa kasalanan ng mga tao. Minsan lamang naghandog si Jesus, at ito'y pangmagpakailanman, nang ihandog niya ang kanyang sarili. 28 Ang Kautusan ay nagtalaga ng mga punong pari na may mga kahinaan, ngunit ang pangako ng Diyos na may panunumpa, na dumating pagkatapos ng Kautusan, ay humirang sa Anak na walang kapintasan magpakailanman.

Amos 1

Ang(A) aklat na ito ay naglalaman ng mga pahayag ni Amos, isang pastol na taga-Tekoa. Ang mga bagay na tungkol sa Israel ay ipinahayag sa kanya ng Diyos dalawang taon bago lumindol. Si Uzias noon ang hari ng Juda, at si Jeroboam namang anak ni Joas ang hari ng Israel.

Sinabi(B) ni Amos,
“Dumadagundong mula sa Bundok ng Zion ang tinig ni Yahweh,
    mula sa Jerusalem ang kanyang tinig ay naririnig.
Natutuyo ang mga pastulan,
    nalalanta pati ang mga damo sa Bundok Carmel.”

Paghatol sa mga Karatig-bansa ng Israel

Sa Siria

Ganito(C) ang sabi ni Yahweh:
“Paulit-ulit na nagkasala ang mga taga-Damasco,
    kaya sila'y paparusahan ko.
Pinagmalupitan nila ang Gilead,
    dinurog nila ito sa giikang bakal.
Susunugin ko ang palasyo ni Hazael,
    at tutupukin ko ang mga tanggulan ni Ben-hadad.
Wawasakin ko ang pintuan ng Lunsod ng Damasco;
    pupuksain ko ang mga taga libis ng Aven,
pati ang may hawak ng setro sa Beth-eden;
    ang mga taga-Siria naman ay dadalhing-bihag sa Kir.”

Sa Filistia

Ganito(D) ang sabi ni Yahweh:
“Paulit-ulit na nagkasala ang mga taga-Gaza,
    kaya sila'y paparusahan ko.
Binihag nila ang isang bansa
    at ipinagbili sa mga taga-Edom.
Susunugin ko ang mga pader ng Gaza;
    tutupukin ko ang mga tanggulan doon.
Aalisin ko ang mga pinuno ng Asdod,
    at ang may hawak ng setro sa Ashkelon.
Hahanapin ko ang Ekron,
    at lilipulin ko ang mga Filisteo roon.”

Sa Tiro

Ganito(E) ang sabi ni Yahweh:
“Paulit-ulit na nagkasala ang mga taga-Tiro,
    kaya sila'y paparusahan ko.
Ipinagbili nila sa Edom ang libu-libo nilang bihag;
    sinisira nila ang kasunduan ng pagkakapatiran.
10 Susunugin ko ang mga pader ng Tiro;
    tutupukin ko ang mga palasyo roon.”

Sa Edom

11 Ganito(F) ang sabi ni Yahweh:
“Paulit-ulit na nagkasala ang mga taga-Edom,
    kaya sila'y paparusahan ko.
Hinabol nila ng tagâ ang mga kapatid nilang Israelita
    at hindi sila naawa kahit bahagya.
Hindi naglubag ang kanilang poot kailanman.
12 Susunugin ko ang Teman,
    tutupukin ko naman ang mga tanggulan sa Bozra.”

Sa Ammon

13 Ganito(G) ang sabi ni Yahweh:
“Paulit-ulit na nagkasala ang mga taga-Ammon,
    kaya sila'y paparusahan ko.
Sa labis nilang kasakiman sa lupain,
    nilaslas nila ang tiyan ng mga buntis sa Gilead.
14 Susunugin ko ang mga pader sa Rabba;
    tutupukin ko ang mga tanggulan doon.
Magsisigawan sila sa panahon ng labanan;
    mag-aalimpuyo ang labanan tulad ng isang bagyo.
15 Mabibihag ang kanilang hari,
    gayundin ang kanyang mga tauhan.”

Mga Awit 144

Pasasalamat sa Diyos sa Pagtatagumpay ng Hari

Katha ni David.

144 Purihin si Yahweh na aking kanlungan,
    sa pakikibaka, ako ay sinanay;
inihanda ako, upang makilaban.
Matibay kong muog at Tagapagligtas,
    at aking tahanang hindi matitinag;
    Tagapagligtas kong pinapanaligan,
nilulupig niya sakop kong mga bayan.

O(A) Yahweh, ano nga ba naman ang tao?
    At pinagtutuunan mo siya ng pansin?
Katulad ay ulap na tangay ng hangin,
    napaparam siya na tulad ng lilim.

Langit mong tahanan ay iyong hubugin, Yahweh, lisanin mo't bumabâ sa amin;
    mga kabundukan ay iyong yanigin, lalabas ang usok, aming mapapansin.
Ang maraming kidlat ay iyong suguin, lahat ng kaaway iyong pakalatin;
    sa pagtakas nila ay iyong tudlain!
Abutin mo ako at iyong itaas,
    sa kalalimang tubig ako ay iligtas;
    ipagsanggalang mo't nang di mapahamak sa mga dayuhang may taglay na lakas,
ubod sinungaling na walang katulad,
    kahit ang pangako'y pandarayang lahat.

O Diyos, may awitin akong bagung-bago,
    alpa'y tutugtugin at aawit ako.
10 Tagumpay ng hari ay iyong kaloob,
    at iniligtas mo si David mong lingkod.
11 Iligtas mo ako sa mga malupit kong kaaway;
    sa kapangyarihan ng mga banyaga ay ipagsanggalang;
    sila'y sinungaling, di maaasahan,
    kahit may pangako at mga sumpaan.

12 Nawa ang ating mga kabataan
    lumaking matatag tulad ng halaman.
Ang kadalagaha'y magandang disenyo,
    kahit saang sulok ng isang palasyo.
13 At nawa'y mapuno, mga kamalig natin
    ng lahat ng uri ng mga pagkain;
at ang mga tupa'y magpalaanakin,
    sampu-sampung libo, ito'y paramihin.
14 Mga kawan natin, sana'y dumami rin
    at huwag malagas ang kanilang supling;
sa ating lansangan, sana'y mawala na ang mga panaghoy ng lungkot at dusa!

15 Mapalad ang bansang kanyang pinagpala.
    Mapalad ang bayang si Yahweh'y Diyos na dinadakila!

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.