Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
2 Mga Hari 14

Ang Paghahari ni Amazias sa Juda(A)

14 Nang ikalawang taon ng paghahari ni Jehoas sa Israel, nagsimula namang maghari sa Juda si Amazias na anak ni Joas. Dalawampu't limang taóng gulang siya noon at naghari siya sa loob ng dalawampu't siyam na taon. Ang kanyang ina ay si Jehoadin na taga-Jerusalem. Naging kalugud-lugod din siya sa paningin ni Yahweh kahit hindi siya naging katulad ng ninuno niyang si David. Tulad ng kanyang amang si Jehoas, hindi rin niya ipinagiba ang mga dambana ng mga diyus-diyosan kaya nagpatuloy ang mga tao sa paghahandog at pagsusunog ng insenso doon. Nang matatag na ang kanyang paghahari sa Juda, ipinapatay niya ang mga opisyal na pumatay sa kanyang amang hari. Ngunit(B) hindi niya idinamay ang mga anak ng mga ito. Sinunod niya ang nakasulat sa Kautusan ni Moises: “Hindi dapat parusahan ng kamatayan ang mga magulang dahil sa krimeng nagawa ng mga anak ni ang mga anak dahil sa krimeng nagawa ng mga magulang. Ang nagkasala lamang ang siyang dapat patayin.”

Si Amazias ay nakapatay ng sampung libong Edomita sa Libis ng Asin at nasakop niya ang Sela. Tinawag niya itong Jokteel na siya pa ring pangalan nito hanggang ngayon.

Pagkatapos, si Amazias ay nagpadala ng sugo kay Haring Jehoas ng Israel, anak ni Jehoahaz at apo ni Jehu. Hinamon niya ito sa isang labanan, “Pumarito ka't harapin mo ako.”

Ganito naman ang sagot na ipinadala ni Jehoas sa hari ng Juda, “May isang maliit na puno sa Lebanon na nagpasabi sa isang malaking puno ng sedar sa Lebanon, ‘Ibigay mo ang anak mong babae para maging asawa ng anak ko.’ Dumating ang isang mabangis na hayop sa Lebanon at tinapakan ang maliit na puno. 10 Nang matalo mo ang Edom ay naging palalo ka na. Masiyahan ka na sana sa kasikatan mo at manatili ka na lang sa bahay mo. Bakit naghahanap ka pa ng gulo na ikapapahamak mo at ng buong Juda?”

11 Ngunit hindi pinansin ni Haring Amazias ang sinabi ni Haring Jehoas. Kaya sumalakay ang hukbo ni Jehoas sa Beth-semes na sakop ng Juda. 12 Natalo ng Israel ang Juda at ang mga tauhan nito'y nagkanya-kanyang takas pauwi. 13 Binihag ni Haring Jehoas si Amazias at sinalakay ang Jerusalem. Iginuho niya ang pader nito mula sa Pintuang Efraim hanggang sa Pintuang Sulok; ito'y may habang halos 180 metro. 14 Sinamsam niya ang mga pilak at ginto at ang mga kagamitan sa Templo ni Yahweh at sa kabang-yaman ng palasyo. Nagdala rin siya ng mga bihag nang magbalik siya sa Samaria.

15 Ang iba pang ginawa ni Jehoas pati ang kagitingan sa kanyang pakikidigma kay Haring Amazias ng Juda ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel. 16 Siya'y namatay at inilibing sa Samaria, sa libingan ng mga hari ng Israel. Pumalit sa kanya bilang hari ang anak niyang si Jeroboam.

Ang Kamatayan ni Haring Amazias ng Juda(C)

17 Si Haring Amazias ng Juda ay nabuhay pa ng labinlimang taon mula nang mamatay si Haring Jehoas ng Israel. 18 Ang iba pang ginawa ni Amazias ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Juda.

19 Mayroong pangkat sa Jerusalem na nagkaisang patayin si Amazias kaya tumakas siya sa Laquis. Ngunit siya'y sinundan nila roon at pinatay. 20 Iniuwi sa Jerusalem ang kanyang bangkay sakay ng kabayo at inilibing sa lunsod ni David, sa libingan ng kanyang mga ninuno. 21 Pagkatapos, kinuha ng mga taga-Juda si Azarias na labing-anim na taon pa lamang noon, at ginawang hari bilang kapalit ng kanyang amang si Amazias. 22 Muli niyang ipinatayo ang Elat at ibinalik niya ito sa Juda nang mamatay si Haring Amazias.

Ang Paghahari ni Jeroboam sa Israel

23 Nang ikalabing limang taon ng paghahari ni Amazias sa Juda, naging hari ng Israel sa Samaria si Jeroboam. Apatnapu't isang taon siyang naghari. 24 Ginawa rin niya ang mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh; wala rin siyang pinag-iba sa mga kasalanan ni Jeroboam, na anak ni Nebat, na nagbulid sa Israel para magkasala. 25 Bilang(D) katuparan ng sinabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel sa pamamagitan ng lingkod niyang si propeta Jonas na anak ni Amitai ng Gat-hefer, nabawi ni Jeroboam ang dating sakop ng Israel mula sa may pasukan ng Hamat sa hilaga hanggang sa Dagat ng Araba sa timog. 26 Nakita ni Yahweh ang matinding kahirapang dinaranas ng Israel. Halos wala nang ligtas sa kanila, maging malaya o alipin at wala namang ibang maaaring asahan. 27 Ayaw naman ni Yahweh na lubusang mawala sa daigdig ang Israel, kaya iniligtas niya ito sa pamamagitan ni Jeroboam na anak ni Jehoas.

28 Ang iba pang ginawa ni Jeroboam, ang kanyang mga pakikidigma pati ang pagbawi niya sa Damasco at Hamat para sa Israel ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel. 29 Nang mamatay si Jeroboam, inilibing siya sa Samaria sa libingan ng kanyang mga ninunong hari. Ang anak niyang si Zacarias ang humalili sa kanya bilang hari.

2 Timoteo 4

Sa harap ng Diyos at ni Cristo Jesus na hahatol sa mga buháy at sa mga patay, alang-alang sa kanyang pagdating bilang hari, inaatasan kita: ipangaral mo ang salita ng Diyos; pagsikapan mong gawin iyan napapanahon man o hindi. Himukin mo at pagsabihan ang mga tao, at palakasin ang kanilang loob sa pamamagitan ng matiyagang pagtuturo. Sapagkat darating ang panahong hindi na sila makikinig sa wastong katuruan; sa halip, susundin nila ang kanilang hilig. Maghahanap sila ng mga tagapagturo na walang ituturo kundi ang ibig lamang nilang marinig. Hindi na sila makikinig sa katotohanan, sa halip ay ibabaling ang kanilang pansin sa mga kathang-isip. Ngunit ikaw, maging mahinahon ka sa lahat ng oras, magtiis ka sa panahon ng kahirapan. Gampanan mo ang tungkulin ng isang mangangaral ng Magandang Balita at tuparin mo nang lubos ang iyong paglilingkod.

Sapagkat dumating na ang panahon ng pagpanaw ko sa buhay na ito. Ako'y mistulang isang handog na ibinubuhos sa dambana. Pinagbuti ko ang aking pakikipaglaban, natapos ko na ang dapat kong takbuhin, at nanatili akong tapat sa pananampalataya. Kaya naghihintay sa akin ang koronang gantimpala para sa mga namuhay ayon sa kalooban ng Diyos. Sa Araw na iyon, ang Panginoon na siyang makatarungang Hukom, ang siyang magpuputong sa akin ng korona; hindi lamang sa akin, kundi sa lahat ng nananabik sa kanyang pagbabalik.

Mga Personal na Tagubilin

Sikapin mong makapunta dito sa lalong madaling panahon. 10 Iniwan(A) na ako ni Demas dahil sa kanyang pag-ibig sa daigdig na ito; pumunta siya sa Tesalonica. Si Cresente naman ay nagpunta sa Galacia, at si Tito sa Dalmacia. 11 Si(B) Lucas na lamang ang kasama ko rito. Hanapin mo si Marcos at isama mo rito, sapagkat malaki ang maitutulong niya sa aking mga gawain. 12 Pinapunta(C) ko sa Efeso si Tiquico. 13 Pagpunta(D) mo rito, dalhin mo ang aking balabal na naiwan ko sa Troas sa bahay ni Carpo. Dalhin mo rin ang mga aklat, lalo na iyong mga gawa sa balat ng hayop.

14 Napakasama(E) ng ginawa sa akin ng panday na si Alejandro. Pagbabayarin siya ng Panginoon sa kanyang mga ginawa. 15 Mag-ingat ka sa kanya, sapagkat mahigpit niyang sinalungat ang ipinapangaral natin.

16 Sa unang pagharap ko sa hukuman ay walang sumama sa akin; pinabayaan nila akong mag-isa. Patawarin nawa sila ng Diyos. 17 Ngunit sinamahan ako ng Panginoon at binigyan ng lakas upang makapangaral nang lubusan sa lahat ng Hentil, at ako'y naligtas sa tiyak na kamatayan. 18 Ang Panginoon ang magliligtas sa akin sa lahat ng kasamaan at siya rin ang maghahatid sa akin nang ligtas sa kanyang kaharian sa langit. Purihin nawa siya magpakailanman! Amen.

Pangwakas na Pagbati

19 Ikumusta(F) mo ako kina Priscila at Aquila, at sa sambahayan ni Onesiforo. 20 Nagpaiwan(G) sa Corinto si Erasto; si Trofimo nama'y iniwan ko sa Mileto na may sakit. 21 Pilitin mong makapunta dito bago magtaglamig.

Kinukumusta ka nina Eubulo, Pudente, Lino, Claudia at lahat ng mga kapatid.

22 Samahan nawa ng Panginoon ang iyong espiritu. Sumainyo nawang lahat ang kagandahang-loob ng Diyos.

Hosea 7

Nais ko sanang pagalingin ang Israel,
    ngunit nakikita ko naman ang kabulukan ng Efraim,
    at ang masasamang gawa ng Samaria.
Sila'y manlilinlang, magnanakaw at tulisan.
Hindi nila naiisip na hindi ko nakakalimutan
    ang lahat ng kanilang masasamang gawain.
Sila'y lipos ng kasamaan,
    at nakikita ko ang lahat ng ito.”

Sabwatan sa Palasyo

“Napapaniwala nila ang hari sa kanilang kasamaan,
    at maging ang mga pinuno ay kanilang nalinlang.
Lahat sila'y mangangalunya;
    para silang nag-aapoy na pugon
na pinababayaan ng panadero,
    mula sa panahon ng pagmamasa hanggang sa panahon ng pag-alsa.
Nang dumating ang araw ng ating hari,
    nalasing sa alak ang mga pinuno,
    at pati ang hari'y nakipag-inuman sa mga manlilibak.
Nag-aalab[a] na parang pugon ang kanilang mga puso;
    pawang kasamaan ang kanilang binabalak.
    Magdamag na nag-aalimpuyo ang kanilang galit,
    at kinaumagaha'y nagliliyab na parang apoy.
Lahat sila'y parang pugon na nag-iinit sa galit,
    pinatay nila ang kanilang mga pinuno.
Bumagsak ang lahat ng mga hari nila;
    at wala ni isa mang nakaisip na sa aki'y tumawag.”

Ang Israel at ang mga Bansa

“Nakikisama ang Efraim sa mga sumasamba sa mga diyus-diyosan;
    ang katulad nila'y tinapay na hindi lubusang luto.
Inuubos ng mga dayuhan ang lakas ni Efraim,
    ngunit hindi niya ito namamalayan.
Pumuputi ang kanyang buhok,
    at hindi niya ito napapansin.
10 Ang kapalaluan ng Israel ang magpapahamak sa kanila.
    Gayunman, ayaw nilang manumbalik kay Yahweh na kanilang Diyos,
    ayaw nilang hanapin ang kanilang Diyos.
11 Ang Efraim ay katulad ng isang kalapati,
    mangmang at walang pang-unawa;
    tumatawag sa Egipto, at sumasangguni sa Asiria.
12 Sa kanilang pag-alis, lambat ko sa kanila'y ihahagis,
    huhulihin ko sila na parang mga ibon sa papawirin.
    Paparusahan ko sila dahil sa masasama nilang gawain.

13 “Mapapahamak sila dahil sa paglayo sa akin!
    Lilipulin sila sapagkat naghimagsik sila laban sa akin!
Tutubusin ko sana sila,
    ngunit nagsasalita sila ng kasinungalingan laban sa akin.
14 Tumatangis sila sa kanilang mga higaan,
    ngunit hindi taos puso ang kanilang pagtawag sa akin.
Sinasaktan nila ang sarili dahil sa pagkain at sa alak,
    pagkatapos ay naghihimagsik sila laban sa akin.
15 Bagama't sinanay ko sila at pinalakas,
    nagbalak pa sila ng masama laban sa akin.
16 Humihingi sila ng tulong kay Baal;
    ang katulad nila'y taksil na mandirigma.
Masasawi sa espada ang mga pinuno nila
    dahil sa kanilang palalong dila.
Ito ang dahilan ng panlilibak sa kanila sa lupain ng Egipto.”

Mga Awit 120-122

Panalangin Upang Tulungan ng Diyos

Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba.

120 Nang ako'y manganib, kay Yahweh dumaing,
    dininig niya ako sa aking dalangin.
Sa taong di tapat, gawai'y manlinlang,
    Yahweh, iligtas mo't ako'y isanggalang.

Sa kamay ng Diyos, kayong sinungaling,
    ano kayang parusa ang inyong kakamtin?
Tutudlain kayo ng panang matalim,
    at idadarang pa sa may bagang uling.

Ako ay kawawa; ako ay dayuhan,
    sa Meshec at Kedar, ako ay namuhay.
Matagal-tagal ding ako'y nakapisan
    ng hindi mahilig sa kapayapaan.
Kung kapayapaan ang binabanggit ko,
    pakikipagbaka ang laman ng ulo.

Si Yahweh ang Ating Tagapagtanggol

Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba.

121 Do'n sa mga burol, ako'y napatingin—
    sasaklolo sa akin, saan manggagaling?
Ang hangad kong tulong, kay Yahweh magmumula,
    sa Diyos na lumikha ng langit at ng lupa.

Di niya ako hahayaang mabuwal,
    siya'y di matutulog, ako'y babantayan.
Ang tagapagtanggol ng bayang Israel,
    hindi natutulog at palaging gising!
Si Yahweh ang ating Tagapag-ingat,
    laging nasa piling, upang magsanggalang.
Di ka maaano sa init ng araw,
    kung gabi ay di ka sasaktan ng buwan.

Si Yahweh ang siyang sa iyo'y mag-iingat,
    sa mga panganib, ika'y ililigtas.
Si Yahweh ang siyang sa iyo'y mag-iingat
    saanman naroon, ika'y iingatan, di ka maaano kahit na kailan.

Awit ng Parangal para sa Jerusalem

Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba; katha ni David.

122 Ako ay nagalak nang sabihin nila:
    “Pumunta na tayo sa bahay ni Yahweh.”
Sama-sama kami matapos sapitin,
    ang pintuang-lunsod nitong Jerusalem.

Itong Jerusalem ay napakaganda,
    matatag at maayos na lunsod siya.
Dito umaahon ang lahat ng angkan,
    lipi ni Israel upang manambahan,
ang hangad, si Yahweh ay pasalamatan,
    pagkat ito'y utos na dapat gampanan.
Doon din naroon ang mga hukuman
    at trono ng haring hahatol sa tanan.

Ang kapayapaan nitong Jerusalem, sikaping kay Yahweh ito'y idalangin:
    “Ang nangagmamahal sa iyo'y pagpalain.
    Pumayapa nawa ang banal na bayan,
    at ang palasyo mo ay maging tiwasay.”
Alang-alang sa kasama at pamilya ko,
    sa iyo Jerusalem, ang sabi ko'y ito: “Ang kapayapaa'y laging sumaiyo.”
Dahilan sa bahay ni Yahweh, ating Diyos,
    ang aking dalangi'y umunlad kang lubos.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.