M’Cheyne Bible Reading Plan
Ang Kaban sa Loob ng Tolda
16 Ipinasok nila ang Kaban ng Tipan sa toldang inihanda ni David para dito. Nag-alay sila ng mga handog na susunugin at handog pangkapayapaan sa harapan ng Diyos. 2 Matapos makapaghandog, binasbasan ni David ang mga tao sa pangalan ni Yahweh, 3 at binigyan niya ang bawat Israelita ng tinapay, karne at bibingkang may pasas.
4 Naglagay rin siya ng ilang Levita na maglilingkod sa harap ng Kaban ng Tipan ni Yahweh upang manalangin, magpasalamat at magpuri kay Yahweh na Diyos ng Israel. 5 Si Asaf ang pinuno at ang mga katulong niya ay sina Zacarias, Jeiel, Semiramot, Jehiel, Matitias, Eliab, Benaias, Obed-edom, at Jeiel. Ang tinutugtog nila'y mga alpa at lira, at ang kay Asaf naman ay pompiyang. 6 Ang mga paring sina Benaias at Jahaziel ang tumutugtog ng mga trumpeta araw-araw sa harap ng Kaban ng Tipan ng Diyos. 7 Nang araw na iyon, iniatas ni David kay Asaf at sa mga kasama nito ang tungkol sa pag-awit ng pasasalamat kay Yahweh.
Ang Awit ng Papuri(A)
8 Magpasalamat kay Yahweh, tumawag sa kanyang pangalan;
ang lahat ng gawa niya sa lahat ay ipaalam.
9 Umawit ng pagpupuri at siya ay parangalan,
ang kahanga-hangang gawa'y ibalita kahit saan.
10 Dapat kayong magalak, sapagkat kayo'y kanyang bayan,
ang lahat ng sumasamba sa kanya ay magdiwang.
11 Lumapit kayo kay Yahweh upang tulong niya'y hingin,
sa tuwina'y parangalan siya at sambahin.
12 Inyong alalahanin ang mga kamangha-mangha niyang gawa,
ang matuwid na paghatol at gawang kahanga-hanga.
13 Mga supling ni Abraham na kanyang lingkod,
ang mga hinirang niya na mga anak ni Jacob.
14 Si Yahweh ang ating Diyos,
nasa buong mundo ang kanyang mga utos.
15 Tipan niyang walang hangga'y hindi niya lilimutin,
kahit libong salinlahi ito'y kanyang tutuparin.
16 Ang(B) ginawa niyang tipan kay Abraham,
pinagtibay kay Isaac ang pangakong sinumpaan.
17 Kay(C) Jacob ibinigay, pinagtibay na kautusan,
walang hanggang tipan sa Israel, ito ang nilalaman:
18 “Ang lupain ng Canaan sa iyo nakalaan.
Ito'y isang pamana ko sa iyo at sa iyong angkan.”
19 Nang sila ay kakaunti pa at walang halaga,
nangibang-bayan sila't sa Canaan nakitira.
20 Sa maraming bansa sila'y natatagpuan,
nagpalipat-lipat sa iba't ibang kaharian.
21 Di(D) hinayaan ng Diyos sila'y alipinin,
mga hari'y binalaang huwag silang aapihin.
22 Sabi niya, “Huwag sasaktan ang bayan kong hinirang,
ang mga propeta ko ay iyong igalang.”
23 Umawit ka kay Yahweh, buong sanlibutan,
ipahayag araw-araw, bigay niyang kaligtasan.
24 Ipahayag sa mga bansa kanyang kaluwalhatian.
Sabihin sa mga tao gawa niyang makapangyarihan.
25 Si Yahweh ay dakila at karapat-dapat papurihan,
siya ay higit sa mga diyos ng buong sanlibutan.
26 Ang diyos ng mga bansa ay mga diyus-diyosan lamang,
ngunit si Yahweh ang lumikha ng buong kalangitan.
27 Kanya ang kaluwalhatian at karangalan,
lakas at kagalakan nasa kanyang tahanan.
28 Si Yahweh ay purihin ng lahat ng mga bansa,
dapat siyang kilalanin na marangal at dakila.
29 Kilalanin ng lahat maluwalhati niyang pangalan,
bawat isa'y lumapit at siya ay handugan.
Sambahin si Yahweh sa diwa ng kabanalan,
30 sa harap niya ay gumalang ang lahat ng mga bansa.
Ang sandigan ng daigdig ay matibay niyang ginawa.
31 Magalak ang kalangitan, ang daigdig ay matuwa.
“Si Yahweh ay naghahari,” ganito ang ibalita.
32 Magpuri ang karagatan at ang lahat ng naroon,
ang lahat sa kabukira'y magpuri kay Yahweh.
33 Umawit ang mga punongkahoy na nasa kagubatan
sa pagdating ni Yahweh upang lahat ay hatulan.
34 Purihin(E) si Yahweh, sa kanyang kabutihan;
pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.
35 Sabihin ding: “Iligtas mo kami, O Diyos ng aming kaligtasan,
tipunin mo kami ngayon at iligtas sa kalaban;
upang aming pasalamatan ang banal mong pangalan
at purihin ka sa iyong kaluwalhatian.”
36 Purihin si Yahweh, ang Diyos ng Israel,
purihin siya ngayon at magpakailanman!
Pagkatapos, ang buong bayan ay sumagot ng “Amen,” at nagpuri kay Yahweh.
Ang Pananambahan sa Jerusalem at Gibeon
37 Si Asaf at ang kanyang mga kamag-anak ay inatasan ni David na mangasiwa sa pagsambang idinaraos araw-araw sa lugar na kinalalagyan ng Kaban ng Tipan. 38 Si Obed-edom kasama ang animnapu't walong kamag-anak niya ang tutulong sa kanila. Si Obed-edom na anak ni Jeduthun at si Hosa naman ang magbabantay sa pinto. 39 Inatasan naman ni David si Zadok at ang mga kamag-anak nitong pari na maglingkod sa tabernakulo ni Yahweh sa Burol ng Gibeon. 40 Umaga't gabi, ayon sa nakasulat sa Kautusan ni Yahweh para sa Israel, patuloy silang nag-aalay ng mga handog na susunugin sa altar. 41 Kasama nila roon sina Heman at Jeduthun at iba pang pinili upang magpasalamat kay Yahweh sapagkat pag-ibig niya'y tunay at laging tapat kailanman. 42 Silang dalawa ang tumutugtog ng trumpeta at pompiyang at iba pang uri ng panugtog na pansaliw sa mga awiting ukol sa Diyos. Ang mga anak naman ni Jeduthun ang ginawang bantay sa pintuan.
43 Pagkatapos,(F) nagsiuwian na ang mga tao. Si David ay umuwi na rin upang makapiling ang kanyang pamilya.
Ang Dila
3 Mga kapatid, huwag maghangad na maging guro ang marami sa inyo, dahil alam ninyo na tayong mga nagtuturo ay hahatulan nang mas mahigpit kaysa iba. 2 Tayong(A) lahat ay nagkakamali sa iba't ibang paraan. Ang sinumang hindi nagkakamali sa kanyang pananalita ay isang taong ganap at marunong magpigil sa sarili.
3 Kapag nilagyan ng renda ang bibig ng kabayo, ito'y napapasunod natin at napapabaling saanman natin naisin. 4 Gayundin ang barko. Kahit na ito'y napakalaki at itinutulak ng malalakas na hangin, naibabaling ito saanman naisin ng piloto sa pamamagitan ng napakaliit na timon. 5 Ganyan din ang dila ng tao; maliit na bahagi lamang ng katawan, ngunit napakalaki ng mga ipinagyayabang.
Isipin na lamang ninyo kung paano napapalagablab ng isang maliit na apoy ang isang malawak na kagubatan. 6 Ang(B) dila ay parang apoy, isang daigdig ng kasamaang nagpaparumi sa ating buong pagkatao. Ang apoy nito ay mula sa impiyerno at sinusunog ang lahat sa buhay ng tao. 7 Lahat ng uri ng ibon at hayop na lumalakad, o gumagapang, o nakatira sa tubig ay kayang paamuin, at napaamo na ng tao, 8 ngunit wala pang nakakapagpaamo sa dila. Ito ay kasamaang hindi mapigil, at puno ng kamandag na nakamamatay. 9 Ito(C) ang ginagamit natin sa pagpupuri sa ating Panginoon at Ama, at ito rin ang ginagamit natin sa panlalait sa taong nilalang na kalarawan ng Diyos. 10 Sa iisang bibig nanggagaling ang pagpupuri at panlalait. Hindi ito dapat mangyari, mga kapatid. 11 Hindi lumalabas sa iisang bukal ang tubig-tabang at tubig-alat. 12 Mga kapatid, hinding-hindi makakapamunga ng olibo ang puno ng igos, o ng igos ang puno ng ubas, at lalong hindi rin bumubukal ang tubig-tabang sa bukal ng tubig-alat.
Ang Karunungang Mula sa Diyos
13 Sino(D) sa inyo ang marunong at nakakaunawa? Ipakita niya ito sa pamamagitan ng wastong pamumuhay na bunga ng kapakumbabaan at karunungan. 14 Ngunit kung ang naghahari sa inyong puso ay inggit at makasariling hangarin, huwag ninyo iyang ipagmalaki at huwag ninyong ikaila ang katotohanan. 15 Ang ganyang karunungan ay hindi galing sa langit, kundi makalupa, makalaman at mula sa demonyo. 16 Sapagkat saanman naghahari ang inggit at makasariling hangarin, naghahari din doon ang kaguluhan at lahat ng uri ng masamang gawa.
17 Ngunit ang karunungang mula sa langit, una sa lahat, ay malinis, mapayapa, maamo, mapagbigay, punô ng awa, masaganang namumunga ng mabubuting gawa, hindi nagtatangi at hindi nagkukunwari. 18 Namumunga ng katuwiran ang binhi ng kapayapaang itinatanim ng taong maibigin sa kapayapaan.
1 Ang aklat na ito ay naglalaman ng pangitaing ibinigay ng Panginoong Yahweh kay Propeta Obadias tungkol sa Edom.
Paparusahan ni Yahweh ang Edom
May narinig kaming ulat buhat sa Panginoong Yahweh;
may isang sugo na ipinadala sa mga bansa:
“Humanda kayo at ang Edom ay salakayin!”
2 Sinabi ni Yahweh sa Edom,
“Gagawin kitang pinakamahinang bansa,
at kamumuhian ka ng lahat ng mga tao.
3 Nilinlang ka ng iyong kayabangan;
dahil ang kapitolyo mo'y nakatayo sa batong buháy;
dahil ang tahanan mo'y nasa matataas na kabundukan.
Kaya't sinasabi mo,
‘Sinong makakapagpabagsak sa akin?’”
4 Kasintaas man ng pugad ng agila ang iyong bahay,
o maging ang mga bituin man ay iyong kapantay,
hahatakin kitang pababa at ikaw ay babagsak.
5 “Kung sa gabi'y dumating ang magnanakaw,
ang kinukuha lamang nila'y ang kanilang magustuhan.
Kapag ang mga tao'y namimitas ng ubas,
kahit kaunting bunga'y nagtitira sila.
Ngunit ang mga kaaway mo'y walang ititira kahit isa.
6 O lahi ni Esau, ang yaman mo'y sasamsamin;
at ang lahat ng sa iyo'y kukuhanin.
7 Nilinlang ka ng iyong mga kapanalig,
itinaboy ka mula sa iyong lupain.
Nasasakop ka na ngayon ng iyong mga kakampi.
Ang iyong mga kaibigang noo'y kasalo, ngayo'y naglagay ng patibong para sa iyo;
at kanila pang sinasabi, ‘Nasaan na ang kanyang katusuhan?’”
8 Sinabi ni Yahweh:
“Darating ang araw na paparusahan ko ang Edom,
lilipulin ko ang kanyang mga matatalinong tao,
at ang kaalaman nila'y aking papawiin.
9 Mga mandirigma ng Teman ay pawang nasisindak,
at ang mga kawal ng Edom ay malilipol na lahat.
Bakit Pinarusahan ang Edom
10 “Dahil sa ginawa mong karahasan sa angkan ng kapatid mong si Jacob,
sa kahihiya'y malalagay ka,
at mahihiwalay sa akin magpakailanman.
11 Pinanood mo lamang sila,
nang araw na pasukin ng mga kaaway.
Kasinsama ka ng mga dayuhan
na nananamsam at naghahati-hati
sa kayamanan ng Jerusalem na kanilang tinangay.
12 Hindi mo dapat ikinatuwa ang[a] kapahamakang sinapit
ng iyong mga kapatid sa lupain ng Juda.
Hindi ka dapat nagalak sa araw ng kanilang pagkawasak;
hindi ka dapat naging palalo sa araw ng kanilang kasawian.
13 Hindi mo dapat pinasok ang lunsod ng aking bayan,
ni pinagtawanan ang kanilang kasawian.
At sinamsam mo pa ang kanilang kayamanan
sa panahon ng kanilang kapahamakan.
14 Hindi(A) ka dapat nag-abang sa mga sangang-daan
upang ang mga pugante doon ay hadlangan.
Hindi mo na dapat sila ibinigay sa kalaban
sa araw na iyon ng kanilang kapahamakan.
Hahatulan ng Diyos ang mga Bansa
15 “Malapit na ang araw ng aking paghatol sa lahat ng bansa,” sabi ni Yahweh.
“Ang ginawa mo Edom, sa iyo'y gagawin din;
ang ibinigay mo sa iba, siya mo ring tatanggapin.
16 Sa banal na bundok ko ay nalasap ng aking bayan
ang mapait na alak na sa kanila'y kaparusahan.
Ngunit ang mga bayan na dito'y nakapaligid,
higit na parusa ang kanilang matitikman;
iinom sila nito at lubos na mapaparam.
Ang Tagumpay ng Israel
17 “Ngunit sa Bundok Zion ay may ilang makakatakas,
at ang bundok na ito'y magiging banal na dako.
Muling aariin ng lahi ni Jacob
ang lupaing sa kanila ay ipinagkaloob.
18 At maglalagablab naman ang lahi ni Jose.
Lilipulin nila ang lahi ni Esau,
at susunugin ito na parang dayami.
Walang matitira isa man sa kanila.
Akong si Yahweh ang maysabi nito.
19 “Sasakupin ng mga taga-Negeb ang Bundok ng Edom.
Sasakupin ng mga nasa kapatagan ang lupain ng mga Filisteo.
Makukuha nila ang lupain ng Efraim at Samaria.
Ang Gilead nama'y sasakupin ng lahi ni Benjamin.
20 Magbabalik ang hukbong binubuo ng mga dinalang-bihag, sila na nagmula sa hilagang Israel.
Sila ang sasakop sa lupain ng Fenicia hanggang sa Zarefat doon sa hilaga.
Ang mga taga-Jerusalem na itinapon sa Sardis[b]
ang siya namang sasakop sa mga lunsod sa timog ng Juda.
21 Ang matagumpay na hukbo ng Jerusalem,
sasalakay sa Edom at doo'y mamamahala.
Si Yahweh mismo ang doo'y maghahari.”
Ang Pagtawag ni Jesus sa Unang Apat na Alagad(A)
5 Minsan,(B) habang nakatayo si Jesus sa tabi ng Lawa ng Genesaret, nagsiksikan ang napakaraming tao sa paglapit sa kanya upang makinig ng salita ng Diyos. 2 May nakita siyang dalawang bangka sa baybayin; nililinisan ng mga mangingisda ang kanilang mga lambat at wala sila sa kanilang mga bangka. 3 Sumakay siya sa isa sa mga ito na pag-aari ni Simon. Hiniling niya rito na ilayo nang kaunti ang bangka mula sa baybayin. Naupo siya sa bangka at nangaral sa mga tao.
4 Pagkatapos niyang mangaral, sinabi niya kay Simon, “Pumalaot kayo at ihulog ang mga lambat upang manghuli.”
5 Sumagot(C) si Simon, “Guro, magdamag po kaming nagpagod ngunit wala kaming nahuli! Ngunit dahil sa sinabi ninyo, ihuhulog ko ang mga lambat.” 6 Ganoon(D) nga ang ginawa nila, at nakahuli sila ng maraming isda, kaya't halos mapunit ang kanilang mga lambat. 7 Kinawayan nila ang kanilang mga kasamahang nasa kabilang bangka upang magpatulong. Lumapit naman ang mga ito at napuno nila ang dalawang bangka, anupa't halos lumubog ang mga ito. 8 Nang makita iyon ni Simon Pedro, siya'y lumuhod sa harap ni Jesus at sinabi, “Lumayo kayo sa akin, Panginoon, sapagkat ako'y isang makasalanan.”
9 Nanggilalas siya at ang kanyang mga kasama dahil sa dami ng kanilang huli, 10 gayundin sina Santiago at Juan na mga anak ni Zebedeo at mga kasosyo ni Simon. Sinabi ni Jesus kay Simon, “Huwag kang matakot. Mula ngayo'y mga tao na, sa halip na mga isda, ang iyong huhulihin.”
11 Nang maitabi na nila ang mga bangka sa pampang, iniwan nila ang lahat at sumunod kay Jesus.
Pinagaling ni Jesus ang Isang Ketongin(E)
12 Nang si Jesus ay nasa isang bayan, nakita siya ng isang lalaking ketongin. Nagpatirapa ito at nakiusap, “Panginoon, kung nais po ninyo, ako'y inyong mapapagaling at magagawang malinis.”[a]
13 Hinawakan siya ni Jesus at sinabi, “Nais ko. Gumaling ka at luminis!” At noon di'y nawala ang kanyang ketong. 14 Pinagbilinan(F) siya ni Jesus, “Huwag mong sasabihin ito kaninuman. Sa halip ay pumunta ka sa pari at magpasuri sa kanya. Pagkatapos, mag-alay ka ng handog ayon sa iniuutos ni Moises bilang patotoo sa mga tao na ikaw nga'y magaling na.”
15 Ngunit lalo pang kumalat ang balita tungkol kay Jesus, kaya't dumaragsa ang napakaraming tao upang makinig sa kanya at mapagaling sa kanilang mga sakit. 16 Ngunit si Jesus naman ay pumupunta sa mga ilang na lugar upang manalangin.
Pinagaling ang Isang Paralitiko(G)
17 Minsan, habang si Jesus ay nagtuturo, may mga Pariseo at mga tagapagturo ng Kautusan na nakaupo doon. Sila'y galing sa bawat bayan ng Galilea at Judea, at sa Jerusalem. Taglay ni Jesus ang kapangyarihan ng Panginoon upang siya'y magpagaling ng mga maysakit. 18 Dumating ang ilang lalaking may dalang isang paralitiko na nakaratay sa higaan. Sinikap nilang makapasok sa bahay upang mailagay ang maysakit sa harapan ni Jesus. 19 Ngunit wala silang madaanan dahil sa dami ng tao, kaya't umakyat sila sa bubungan, binakbak ito at ibinabâ sa harapan ni Jesus ang paralitikong nasa higaan. 20 Nang makita ni Jesus ang kanilang pananampalataya, sinabi niya sa paralitiko, “Kaibigan, pinapatawad na ang iyong mga kasalanan.”
21 Pagkarinig nito'y nag-usap-usap ang mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo, “Sino itong nagsasalita ng kalapastanganan sa Diyos? Hindi ba't Diyos lamang ang makakapagpatawad ng mga kasalanan?”
22 Palibhasa'y alam ni Jesus ang kanilang pag-uusap, sinabi niya sa kanila, “Bakit kayo nag-iisip nang ganyan? 23 Alin ba ang mas madaling sabihin, ‘Pinapatawad na ang iyong mga kasalanan,’ o ‘Tumayo ka at lumakad’? 24 Ngunit upang malaman ninyo na ang Anak ng Tao ay may kapangyarihang magpatawad ng mga kasalanan dito sa lupa…” sinabi niya sa paralitiko, “Tumayo ka, buhatin mo ang iyong higaan, at umuwi ka na!” 25 Agad namang tumayo ang lalaki, at sa harap ng lahat ay binuhat niya ang kanyang higaan at umuwing nagpupuri sa Diyos. 26 Nanggilalas ang mga naroroon at nagpuri sila sa Diyos. Sa pagkamangha ay sinabi nila, “Nakakita tayo ngayon ng mga kahanga-hangang bagay!”
Ang Pagtawag kay Levi(H)
27 Pagkatapos nito'y lumabas si Jesus at nakita niya si Levi, isang maniningil ng buwis, na nakaupo sa tanggapan ng buwis. Sinabi sa kanya ni Jesus, “Sumunod ka sa akin.” 28 Tumayo nga si Levi, iniwan ang lahat, at sumunod kay Jesus.
29 Si Jesus ay hinandugan ni Levi ng isang malaking handaan sa kanyang bahay. Kasalo niya roon ang maraming maniningil ng buwis at iba pang mga tao. 30 Kaya't(I) nagbulung-bulungan ang mga Pariseo at ang mga kasamahan nilang tagapagturo ng Kautusan. Sinabi nila sa mga alagad ni Jesus, “Bakit kayo kumakain at umiinom na kasalo ng mga maniningil ng buwis at ng mga makasalanan?”
31 Sinagot sila ni Jesus, “Hindi nangangailangan ng manggagamot ang walang sakit kundi ang maysakit. 32 Hindi ako naparito upang tawagin ang mga matuwid, kundi ang mga makasalanan upang sila'y magsisi.”
Katanungan tungkol sa Pag-aayuno(J)
33 May ilan namang nagsabi kay Jesus ng ganito: “Ang mga alagad ni Juan ay malimit mag-ayuno at manalangin, gayundin ang mga alagad ng mga Pariseo. Subalit ang mga alagad mo'y patuloy sa pagkain at pag-inom.”
34 Sumagot si Jesus, “Hinahayaan ba ninyong hindi kumain ang mga panauhin sa kasalan habang kasama pa nila ang lalaking ikinasal? Di ba hindi? 35 Darating ang araw na kukunin sa kanila ang lalaking ikinasal, at saka sila mag-aayuno.”
36 Sinabi rin niya sa kanila ang isang talinghaga, “Walang pumipiraso sa bagong damit upang itagpi sa luma. Kapag ganoon ang ginawa, masasayang ang bagong damit at ang tagping mula rito ay hindi naman babagay sa damit na luma. 37 Wala ring naglalagay ng bagong alak sa lumang sisidlang-balat. Kapag ganoon ang ginawa, papuputukin ng bagong alak ang lumang sisidlan, matatapon ang alak at masisira ang sisidlan. 38 Sa bagong sisidlang-balat dapat ilagay ang bagong alak. 39 Kapag nakainom ka na ng lumang alak, hindi mo na gugustuhing uminom ng bagong alak. Ang sasabihin mo, ‘Mas masarap ang lumang alak.’”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.