M’Cheyne Bible Reading Plan
Ang Gawain ng mga Pari
24 Ito ang mga pangkat ng mga angkan ni Aaron: ang mga anak niya ay sina Nadab, Abihu, Eleazar, at Itamar. 2 Sina(A) Nadab at Abihu ay naunang namatay kaysa kay Aaron at wala silang anak kaya sina Eleazar at Itamar lamang ang naging mga pari. 3 Sa tulong nina Zadok na anak ni Eleazar, at ni Ahimelec na anak ni Itamar, ang mga kabilang sa angkan ni Aaron ay hinati ni David sa mga pangkat at binigyan ng kani-kanilang tungkulin. 4 Marami ang pinuno ng mga sambahayan sa angkan ni Eleazar kaysa kay Itamar. Kaya sa dalawampu't apat na pangkat, labing-anim ang napili mula sa angkan ni Eleazar at walo naman ang kay Itamar. 5 Pinili sila ni David sa pamamagitan ng palabunutan sapagkat maging sa angkan ni Eleazar at ni Itamar ay may mga tagapangasiwa sa loob ng dakong banal at may mga tagapanguna sa pagsamba. 6 Si Semaias na anak ng Levitang si Netanel ang naglista ng mga pangalan, at ginawa niya ito sa harapan ng hari. Nasaksihan din ito ng mga prinsipe, ni Zadok na pari, ni Ahimelec na anak ni Abiatar, at ng mga pinuno ng angkan ng mga pari at Levita. Isang sambahayan ng mga pari ang inilista sa panig ni Eleazar at isa rin kay Itamar.
7-18 Ito ang pagkakasunud-sunod ng paglilingkod mula sa una hanggang sa ikadalawampu't apat na pangkat ayon sa palabunutan: Jehoiarib, Jedaias, Harim, Seorim, Malaquias, Mijamin, Hacos, Abias, Jeshua, Secanias, Eliasib, Jaquim, Jupa, Jesebeab, Bilga, Imer, Hezer, Afses, Petaya, Hazaquiel, Jaquin, Gamul, Delaias, Maasias.
19 Ito ang kaayusan at takdang panahon ng paglilingkod nila sa Templo ni Yahweh ayon sa itinatag ng kanilang ninunong si Aaron, gaya ng utos sa kanya ni Yahweh, ang Diyos ng Israel.
Ang Listahan ng mga Levita
20 Ito ang iba pang mga pinuno ng mga angkan sa lipi ni Levi: si Subael sa angkan ni Amram at si Jehedias sa angkan ni Subael; 21 si Isias na isang pinuno sa angkan ni Rehabias; 22 si Zelomot sa angkan ng Isharita, at si Jahat sa angkan ni Zelomot; 23 sina Jerias, Amarias, Jahaziel, at Jecamiam sa angkan ni Hebron; 24 si Micas sa angkan ni Uziel; si Samir sa angkan ni Micas; 25 si Isias na kapatid ni Micas at si Zacarias sa angkan ni Isias; 26 sina Mahli at Musi sa angkan ni Merari; si Beno sa angkan ni Jaazias; 27 sina Beno, Soham, Zacur at Ibri, mga anak ni Jaazias sa angkan ni Merari. 28-29 Si Mahli ay may dalawang anak, sina Eleazar at Kish. Si Eleazar ay walang anak, ngunit si Kish ay mayroong isang anak, si Jerameel. 30 Sina Mahli, Eder at Jerimot ay mga anak ni Musi.
Sila ang mga angkan ng mga Levita. 31 Ang mga ito, tulad ng mga kamag-anak nila mula sa angkan ni Aaron ay nagpalabunutan din maging sila'y pinuno ng sambahayan o hindi. Sinaksihan ito ni Haring David, nina Zadok at Ahimelec, at ng mga pinuno ng sambahayan ng mga pari at mga Levita.
Ang mga Mang-aawit sa Templo
25 Pinili ni David at ng mga pinuno ng mga Levita ang mga anak nina Asaf, Heman at Jeduthun upang manguna sa pagsamba. Tungkulin nilang magpahayag ng salita ng Diyos sa saliw ng lira, alpa, at pompiyang. Ito ang listahan ng kanilang mga pangalan at ang kani-kanilang tungkulin: 2 sina Zacur, Jose, Netanias at Asarela. Sila ay pinangunahan ni Asaf na kanilang ama sa pagpapahayag ng salita ng Diyos sa ilalim ng pamamahala ng hari. 3 Sina Gedalias, Zeri, Jesaias, Hashabias, Matitias at Simei ay pinangunahan ng ama nilang si Jeduthun sa pagpapahayag ng salita ng Diyos nang may pagpupuri at pasasalamat kay Yahweh sa saliw ng lira. 4 Sina Bukias, Matanias, Uziel, Sebuel, Jerimot, Hananias, Hanani, Eliata, Gedalti, Romamti-ezer, Josbecasa, Maloti, Hotir at Mahaziot 5 ay mga anak ni Heman na propeta ng hari—labing-apat na lalaki at tatlong babae. Ang mga ito ang itinalaga ng Diyos kay Heman upang tumugtog ng tambuli. 6 Ang kanilang ama ang namahala sa kanilang pag-awit sa Templo ni Yahweh, gayundin sa pagtugtog ng pompiyang, alpa, at lira. Sina Asaf, Jeduthun at Heman na namamahala sa kani-kanilang mga anak ay nasa ilalim ng pamamahala ng hari. 7 Ang bilang ng mga ito kasama na ang iba pa nilang mga kamag-anak na pawang nagsanay sa pag-awit kay Yahweh ay 288.
8 Sama-sama silang nagpalabunutan para malaman ang kanilang tungkulin, bata at matanda, guro at mag-aaral.
9-31 Ang 288 na ito ay hinati, ayon sa kani-kanilang sambahayan, sa dalawampu't apat na pangkat na tiglalabindalawa. Ang bawat isa ay pinamahalaan ng isang pinuno. Ito ang pagkakasunud-sunod nila ayon sa kani-kanilang tungkulin: 1) Si Jose sa sambahayan ni Asaf; 2) si Gedalia; 3) si Zocur; 4) si Zeri; 5) si Netanias; 6) si Bukias; 7) si Azarel; 8) si Jesaias; 9) si Matanias; 10) si Simei; 11) si Uziel; 12) si Hashabias; 13) si Sebuel; 14) si Matitias; 15) si Jerimot; 16) si Hananias; 17) si Josbecasa; 18) si Honani; 19) si Maloti; 20) si Eliata; 21) si Hotir; 22) si Gidalti; 23) si Mahaziot; at 24) si Romamti-ezer.
Pangangalaga at Pagiging Handa
5 Sa matatandang namumuno sa inyo, nananawagan ako bilang isa ring matandang pinuno ng iglesya na tulad ninyo, bilang saksi sa mga paghihirap ni Cristo at sapagkat makakabahagi ako sa karangalang malapit nang ipahayag. 2 Pangalagaan(A) ninyo ang kawan ng Diyos na ipinagkatiwala sa inyo. Gawin ninyo ito nang maluwag sa loob at hindi napipilitan lamang. [Iyan ang nais ng Diyos].[a] Gampanan ninyo ang inyong tungkulin, hindi dahil sa kabayaran kundi dahil gusto ninyong makapaglingkod, 3 hindi bilang panginoon ng inyong nasasakupan, kundi maging halimbawa kayo sa kawan. 4 At pagparito ng Pinunong Pastol ay tatanggap kayo ng maluwalhating koronang di kukupas kailanman.
5 At(B) kayo namang mga kabataan, pasakop kayo sa matatandang pinuno ng iglesya. At kayong lahat ay magpakumbaba sapagkat, “Sinasalungat ng Diyos ang mapagmataas, ngunit pinagpapala niya ang mababang-loob.” 6 Kaya(C) nga, pasakop kayo sa kapangyarihan ng Diyos at dadakilain niya kayo pagdating ng takdang panahon. 7 Ipagkatiwala(D) ninyo sa kanya ang inyong mga alalahanin sa buhay sapagkat siya ay nagmamalasakit sa inyo.
8 Maging handa kayo at magbantay. Ang diyablo, ang kaaway ninyo, ay parang leong umuungal at aali-aligid na naghahanap ng malalapa. 9 Labanan ninyo siya at magpakatatag kayo sa inyong pananampalataya sa Diyos. Tulad ng alam ninyo, hindi lamang kayo ang nagtitiis ng mga kahirapan, kundi gayundin ang inyong mga kapatid sa buong daigdig. 10 Pagkatapos ninyong magtiis sa loob ng maikling panahon, ang Diyos, na siyang pinanggagalingan ng lahat ng pagpapala, ang siyang magbibigay sa inyo ng kagalingan, katatagan, at lakas ng loob at isang pundasyong di matitinag. Siya ang tumawag sa inyo upang makibahagi kayo sa kanyang walang hanggang kaluwalhatian, kasama ni Cristo. 11 Sa kanya ang kapangyarihan magpakailanman! Amen.
Pangwakas na Tagubilin
12 Sinulatan(E) ko kayo sa tulong ni Silas,[b] na isa nating kapatid at lubos kong pinagkakatiwalaan. Sa pamamagitan ng maikling sulat na ito ay nais kong palakasin ang inyong loob at magpatotoo na ito nga ang kagandahang-loob ng Diyos. Manatili kayo sa pagpapalang ito.
13 Kinukumusta(F) kayo ng mga kapatid na nasa Babilonia, mga pinili ring katulad ninyo; kinukumusta rin kayo ni Marcos, na aking anak sa pananampalataya. 14 Magbatian kayo bilang magkakapatid na nagmamahalan.[c]
Ang kapayapaan ay sumainyong lahat na mga nakipag-isa kay Cristo.
Ang mga Katiwalian ng mga Pinuno sa Israel
3 At sinabi ko, “Makinig kayo, lahat ng mga pinuno ng Israel! Katarungan ang dapat ninyong pairalin. 2 Ngunit ayaw ninyo ng mabuti at ang nais ninyo'y kasamaan. Binabalatan ninyo nang buháy ang aking bayan at unti-unting hinihimay ang kanilang mga laman. 3 Kinakain ninyo ang kanilang laman, binabakbak ang kanilang balat, binabali ang mga buto, at tinatadtad na parang karneng iluluto. 4 Darating ang araw na kayo'y dadaing kay Yahweh, ngunit hindi niya kayo tutugunin. Hindi niya kayo papakinggan dahil sa inyong mga kasamaang ginawa.”
5 Ganito ang sinasabi ni Yahweh tungkol sa mga bulaang propeta na naging dahilan ng pagkaligaw ng bayang Israel: “Nangangako sila ng kapayapaan sa mga nagsusuhol sa kanila, ngunit pinagbabantaan nilang didigmain ang ayaw magsuhol sa kanila.”
6 “Sasapit ang gabi ngunit hindi kayo magkakaroon ng pangitain; lalaganap ang dilim subalit hindi kayo tatanggap ng pahayag mula sa Diyos. Lulubog na ang araw para sa mga propeta; malagim ang kahihinatnan nila. 7 Mapapahiya ang mga manghuhula, pagtatawanan ang kanilang mga pahayag, sapagkat hindi na sila sinasagot ng Diyos.
8 “Subalit ako'y puspos ng kapangyarihan, ng espiritu ni Yahweh, ng katarungan at kapangyarihan upang ipahayag sa mga Israelita ang kanilang mga kasalanan. 9 Makinig kayo, lahat ng mga pinuno ng Israel. Nasusuklam kayo sa katarungan at binabaluktot ninyo ang katuwiran! 10 Itinayo ninyo ang Zion sa pamamagitan ng pagpatay; itinatag ninyo ang Jerusalem sa pamamagitan ng kasamaan. 11 Ang kanyang mga pinuno'y nagpapasuhol muna bago humatol, nagpapaupa ang mga pari para magturo, at ang mga propeta nama'y nanghuhula dahil sa salapi. Gayunman, umaasa sila kay Yahweh at sinasabi, ‘Nasa kalagitnaan natin si Yahweh kaya walang kasamaang darating sa atin.’”
12 Kaya't(A) dahil sa inyo, ang Zion ay bubungkalin tulad ng isang bukirin, magiging isang bunton ng gumuhong bato ang Jerusalem, at ang burol na kinatatayuan ng Templo'y magiging gubat.
Babala Laban sa Pagkukunwari(A)
12 Samantala,(B) dumaragsa ang libu-libong tao, at sa sobrang dami ay nagkakatapakan na sila. Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Mag-ingat kayo sa pampaalsang ginagamit ng mga Pariseo. Ang tinutukoy ko ay ang kanilang pagkukunwari. 2 Walang(C) natatago na di malalantad at walang nalilihim na di mabubunyag. 3 Ang sinabi ninyo sa dilim ay maririnig sa liwanag at ang ibinulong ninyo sa loob ng silid ay ipagsisigawan sa lansangan.
Ang Dapat Katakutan(D)
4 “Sinasabi ko sa inyo, mga kaibigan, huwag kayong matakot sa mga taong pumapatay ng katawan at wala nang kayang gawin higit pa rito. 5 Sasabihin ko sa inyo kung sino ang dapat ninyong katakutan. Katakutan ninyo siya na pagkatapos pumatay ay may kapangyarihan ding magtapon sa impiyerno. Sinasabi ko sa inyo, ang Diyos ang dapat ninyong katakutan!
6 “Hindi ba't ipinagbibili ang limang maya sa halaga lamang ng dalawang salaping tanso? Gayunman, kahit isa sa kanila'y hindi kinakalimutan ng Diyos. 7 Maging ang buhok ninyo'y bilang niyang lahat. Kaya't huwag kayong matakot; higit kayong mahalaga kaysa maraming maya.”
Pagkilala kay Cristo(E)
8 “Sinasabi ko rin sa inyo, ang sinumang kumilala sa akin sa harapan ng mga tao ay kikilalanin din naman ng Anak ng Tao sa harapan ng mga anghel ng Diyos. 9 Ngunit ang magkaila sa akin sa harap ng mga tao ay ikakaila ko rin naman sa harap ng mga anghel ng Diyos.
10 “Ang(F) sinumang magsalita laban sa Anak ng Tao ay patatawarin, ngunit ang sinumang lumapastangan sa Espiritu Santo ay hindi patatawarin.
11 “Kapag(G) kayo'y dinala nila sa sinagoga, o sa harap ng mga pinuno at ng mga may kapangyarihan upang litisin, huwag kayong mabahala kung paano ninyo ipagtatanggol ang inyong sarili o kung ano ang inyong sasabihin 12 sapagkat sa oras na iyon, ang Espiritu Santo ang magtuturo sa inyo kung ano ang dapat ninyong sabihin.”
Maling Pag-iipon ng Kayamanan
13 Sinabi kay Jesus ng isa sa mga naroroon, “Guro, iutos nga po ninyo sa kapatid ko na paghatian namin ang aming mana.”
14 Sumagot siya, “Sino ang naglagay sa akin bilang hukom o tagapaghati ng mana ninyo?” 15 At sinabi niya sa kanilang lahat, “Mag-ingat kayo sa lahat ng uri ng kasakiman; sapagkat ang buhay ng tao ay wala sa dami ng kanyang kayamanan.”
16 Pagkatapos, isinalaysay ni Jesus ang isang talinghaga. “Isang mayaman ang umani nang sagana sa kanyang bukirin. 17 Kaya't nasabi niya sa sarili, ‘Ano ang gagawin ko ngayon? Wala na akong paglagyan ng aking mga ani! 18 Alam ko na! Ipagigiba ko ang aking mga kamalig at magpapatayo ako ng mas malalaki. Doon ko ilalagay ang aking ani at ibang ari-arian. 19 Pagkatapos,(H) ay sasabihin ko sa aking sarili, marami ka nang naipon para sa mahabang panahon. Kaya't magpahinga ka na lamang, kumain, uminom, at magpakasaya!’
20 “Ngunit sinabi sa kanya ng Diyos, ‘Hangal! Sa gabi ring ito'y babawian ka na ng buhay. Kanino ngayon mapupunta ang mga inilaan mo para sa iyong sarili?’ 21 Ganyan ang sasapitin ng sinumang nag-iipon ng kayamanan para sa sarili, ngunit dukha naman sa paningin ng Diyos.”
Pananalig sa Diyos(I)
22 Sinabi pa ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Kaya't sinasabi ko sa inyo: huwag kayong mabalisa tungkol sa inyong buhay, sa inyong kakainin, o tungkol sa damit na kailangan ng inyong katawan. 23 Sapagkat ang buhay ay higit pa kaysa pagkain at ang katawan kaysa damit. 24 Tingnan ninyo ang mga uwak, hindi sila nagtatanim ni umaani man; wala rin silang imbakan o kamalig; ngunit pinapakain sila ng Diyos. Higit kayong mahalaga kaysa mga ibon! 25 Sino sa inyo ang makakapagdagdag sa kanyang buhay[a] ng kahit isang oras dahil sa pagkabalisa? 26 Kung hindi ninyo magawâ ang ganoong kaliit na bagay, bakit kayo nababalisa tungkol sa ibang mga bagay? 27 Tingnan(J) ninyo ang mga bulaklak sa parang kung paano sila lumalago. Hindi sila nagtatrabaho ni humahabi man. Ngunit sinasabi ko sa inyo, kahit si Solomon sa kanyang karangyaan ay hindi nakapagdamit ng singganda ng isa sa mga bulaklak na ito. 28 Kung dinadamitan ng Diyos ang mga damo sa parang na buháy ngayon at kinabukasa'y iginagatong sa kalan, kayo pa kaya? Kay liit ng inyong pananampalataya! 29 Kaya't huwag kayong labis na mag-isip kung saan kayo kukuha ng kakainin at iinumin. Huwag na kayong mangamba. 30 Ang mga bagay na ito ang pinagkakaabalahan ng mga taong di nananalig sa Diyos. Alam ng inyong Ama na kailangan ninyo ang lahat ng iyan. 31 Subalit, bigyang halaga ninyo nang higit sa lahat ang kaharian ng Diyos, at ibibigay niya sa inyo ang mga bagay na ito.”
Ang Kayamanang Hindi Mawawala(K)
32 “Huwag kayong matakot, munting kawan, sapagkat ikinalulugod ng inyong Ama na ibigay sa inyo ang kaharian. 33 Ipagbili ninyo ang inyong ari-arian, at ipamahagi sa mga dukha ang pinagbilhan! Gumawa kayo ng mga sisidlang hindi naluluma at mag-ipon kayo sa langit ng kayamanang hindi nauubos. Doo'y walang magnanakaw na pumapasok at insektong sumisira. 34 Sapagkat kung nasaan ang inyong kayamanan ay naroon din ang inyong puso.”
Mga Aliping Laging Handa
35 “Maging(L) handa kayong lagi at panatilihing maliwanag ang inyong mga ilawan. 36 Tumulad(M) kayo sa mga aliping naghihintay sa pag-uwi ng kanilang panginoon buhat sa kasalan, upang kung ito'y dumating at kumatok ay mabuksan nila agad ang pinto. 37 Pinagpala ang mga aliping aabutang nagbabantay pagdating ng kanilang panginoon. Tandaan ninyo: magbibihis siya at pauupuin sila, ipaghahanda sila ng pagkain at pagsisilbihan. 38 Pinagpala sila kung maratnan silang handa pagdating ng Panginoon, maging sa hatinggabi o sa madaling-araw man. 39 Sinasabi(N) ko sa inyo, kung alam lamang ng may-ari ng bahay kung anong oras darating ang magnanakaw, hindi niya pababayaang makapasok ito. 40 Kayo man ay dapat na humanda, sapagkat darating ang Anak ng Tao sa oras na hindi ninyo inaasahan.”
Ang Tapat at Di Tapat na Alipin(O)
41 Nagtanong si Pedro, “Panginoon, sinasabi po ba ninyo ang talinghagang ito para sa amin o para sa lahat?”
42 Sumagot ang Panginoon, “Sino nga ba ang tapat at matalinong katiwala? Sino ang katiwalang pamamahalain ng kanyang panginoon sa kanyang sambahayan upang magbigay sa ibang mga alipin ng kanilang pagkain sa takdang oras? 43 Pinagpala ang aliping madaratnang gumaganap ng tungkulin pag-uwi ng kanyang panginoon. 44 Sinasabi ko sa inyo, pamamahalain siya ng kanyang panginoon sa lahat ng ari-arian nito. 45 Ngunit kung sasabihin ng aliping iyon sa kanyang sarili, ‘Matatagalan pa ang pag-uwi ng aking panginoon,’ bubugbugin niya ang mga kapwa niya aliping lalaki at babae, at siya'y kakain, iinom at maglalasing, 46 darating ang kanyang panginoon sa araw na hindi niya inaasahan at sa oras na hindi niya alam. Buong lupit siyang paparusahan[b] ng kanyang panginoon, at isasama sa mga suwail.
47 “Ang aliping nakakaalam ng kalooban ng kanyang panginoon ngunit nagpapabaya, o ayaw tumupad sa ipinapagawa nito ay paparusahan nang mabigat. 48 Ngunit ang aliping hindi nakakaalam ng kalooban ng kanyang panginoon, magkulang man siya sa kanyang tungkulin, ay paparusahan lamang nang magaan. Ang binigyan ng maraming bagay ay hahanapan ng marami; at ang pinagkatiwalaan ng lalong maraming bagay ay pananagutin ng lalong marami.”
Pagkabaha-bahagi ng Sambahayan(P)
49 “Naparito ako upang magdala ng apoy sa lupa at sana'y nagliliyab na ito! 50 May(Q) isang bautismo na dapat kong danasin, at ako'y nababagabag hangga't hindi ito nagaganap. 51 Akala ba ninyo'y naparito ako upang magdala ng kapayapaan sa lupa? Sinasabi ko sa inyo, hindi kapayapaan ang dala ko kundi pagkabaha-bahagi. 52 Mula ngayon, ang lima sa isang sambahayan ay mahahati, tatlo laban sa dalawa at dalawa laban sa tatlo.
53 Ang(R) ama laban sa anak na lalaki,
at ang anak na lalaki laban sa ama;
ang ina laban sa anak na babae,
at ang anak na babae laban sa ina;
ang biyenang babae laban sa manugang na babae,
at ang manugang na babae laban sa biyenang babae.”
Pagkilala sa mga Palatandaan(S)
54 Sinabi rin ni Jesus sa mga tao, “Kapag nakita ninyong kumakapal ang ulap sa kanluran, sinasabi ninyo agad na uulan, at ganoon nga ang nangyayari. 55 At kung umiihip ang hangin mula sa katimugan ay sinasabi ninyong iinit, at nagkakaganoon nga. 56 Mga mapagkunwari! Marunong kayong umunawa ng palatandaan sa lupa at sa langit, bakit hindi ninyo nauunawaan ang mga tanda ng kasalukuyang panahon?”
Makipagkasundo sa Kaaway(T)
57 “Bakit hindi ninyo mapagpasyahan kung ano ang tamang gawin? 58 Kapag ikaw ay isinakdal, sikapin mong makipagkasundo ka sa nagsakdal sa iyo bago dumating sa hukuman; baka kaladkarin ka niya sa hukom, at ibigay ka ng hukom sa tanod, at ibilanggo ka naman nito. 59 Sinasabi ko sa iyo, hindi ka makakalabas doon hangga't hindi mo nababayaran ang kahuli-hulihang sentimo.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.