M’Cheyne Bible Reading Plan
Ang mga Kaloob para sa Templo
29 Ipinahayag(A) ni Haring David sa buong kapulungan, “Ang anak kong si Solomon na pinili ng Diyos upang humalili sa akin ay bata pa at walang sapat na karanasan. Napakalaki ng gawaing kakaharapin niya, sapagkat ang gagawin niya ay hindi isang palasyo para sa tao kundi Templo para sa Panginoong Yahweh. 2 Dahil dito, sinikap kong magtipon ng mga gagamitin para sa Templo ng aking Diyos tulad ng ginto, pilak, tanso, bakal at kahoy. Napakarami ng inihanda kong batong onise at iba pang mahahalagang batong pampalamuti, at lahat ng uri ng mahahalagang bato at marmol. 3 Hindi lang iyan, pati na ang sarili kong pilak at ginto ay inilaan ko na rin sa gawaing ito, sapagkat kasiyahan kong magkaroon ng Templo ang aking Diyos. 4 May nakalaan akong 105,000 kilong ginto na mula pa sa Ofir, at 245,000 kilong purong pilak na ididikit sa mga dingding ng Templo, 5 at sa iba pang bagay na gagawin ng mga mahuhusay na platero. Sino sa inyo ngayon ang kusang-loob na magbibigay para kay Yahweh?”
6 Sumang-ayon agad ang mga pinuno ng mga sambahayan, ang mga pinuno ng mga lipi, ang mga pinuno ng mga hukbo at ang mga katiwala ng hari. 7 Kusang-loob silang nagbigay, at ang natipon para sa gagawing templo ay 175,000 kilong ginto, 350,000 kilong pilak, 630,000 kilong tanso, at 3,500,000 kilong bakal. 8 Ipinagkaloob nila ang kanilang mahahalagang bato sa kabang-yaman ng Templo ni Yahweh na nasa pamamahala ni Jehiel na mula sa angkan ni Gershon. 9 Masayang-masaya ang mga tao sa kanilang mga kusang-loob na panghandog kay Yahweh, at labis din itong ikinatuwa ni Haring David.
Pinuri ni David si Yahweh
10 Sa harapan ng mga tao'y tuwang-tuwa si David na nagpuri kay Yahweh. Sinabi niya, “Purihin kayo magpakailanman, Yahweh, ang Diyos ni Israel na aming ama. 11 Sa(B) inyo ang kadakilaan, ang kapangyarihan, ang karangalan at ang pagtatagumpay sapagkat inyo ang lahat ng nasa langit at nasa lupa. Sa inyo ang kaharian at kayo ang dakila sa lahat. 12 Sa inyo nagmumula ang kayamanan at ang karangalan at kayo ang naghahari sa lahat. Taglay ninyo ang kapangyarihan at kadakilaan, at kayo ang nagbibigay ng lakas at kapangyarihan sa lahat. 13 Pinasasalamatan namin kayo, O Diyos, at pinupuri ang inyong maluwalhating pangalan.
14 “Ngunit sino ako at ang bayang ito? Buong puso kaming nagkakaloob sapagkat ang lahat ng ito ay galing sa inyo at ibinabalik lamang namin. 15 Tulad ng aming mga ninuno, kami nga'y mga dayuhan at naglalakbay lamang. Ang buhay namin sa daigdig na ito ay parang anino at pansamantala lamang. 16 O Yahweh na aming Diyos, ang lahat ng kayamanang ito na aming ibinigay para ipagpagawa ng inyong tahanan ay sa inyo rin nagmula. 17 Alam kong sinasaliksik ninyo ang puso ng bawat tao, at natutuwa kayo sa mga matuwid. O Diyos, buong puso kong ipinagkakaloob sa inyo ang lahat ng ito. Nasaksihan ko rin ang buong puso at may kagalakang pagkakaloob ng inyong bayan na narito ngayon. 18 Yahweh, Diyos nina Abraham, Isaac at Jacob na aming mga ninuno, panatilihin ninyo sa isipan ng inyong bayan ang mga layuning ito, at akayin ninyo silang palapit sa inyo. 19 Tulungan ninyo ang anak kong si Solomon na maging tapat sa pagsunod sa inyong mga utos at tuntunin upang maitayo niya ang Templong aking pinaghandaan.”
20 At sinabi ni David sa sambayanan, “Purihin ninyo ang Diyos ninyong si Yahweh!” Pinuri nga ng buong kapulungan si Yahweh, ang Diyos ng kanilang mga ninuno. Yumuko ang lahat, sumamba kay Yahweh, at nagbigay-galang sa hari. 21 Kinabukasan, ang dinala nilang handog na susunugin ay 1,000 toro, 1,000 tupang lalaki, 1,000 kordero at mga alak na handog, at napakaraming handog para sa buong Israel. 22 Masasaya silang nagsalu-salo sa harapan ni Yahweh noong araw na iyon.
Minsan pa nilang ipinahayag na si Solomon na anak ni David ay hari, at binuhusan ito ng langis sa pangalan ni Yahweh. Si Zadok naman ay hinirang bilang pari. 23 Mula(C) noon, umupo si Solomon sa tronong itinatag ni Yahweh bilang kahalili ng kanyang amang si David. Naging matagumpay siya at sumunod sa kanya ang buong Israel. 24 Nanumpa ng katapatan kay Haring Solomon ang mga pinuno at mandirigma, pati na ang iba pang anak ni Haring David. 25 Binigyan ni Yahweh si Solomon ng dakilang karangalan at katanyagang higit sa mga naging hari sa Israel.
Ang Buod ng Paghahari ni David
26 Si David na anak ni Jesse ay naghari sa buong Israel. 27 Apatnapung(D) taon siyang naghari: pitong taon sa Hebron, at tatlumpu't tatlong taon naman sa Jerusalem. 28 Nabuhay siya nang matagal, at namatay na mayaman at marangal. Si Solomon ang humalili sa kanya bilang hari. 29 Ang lahat ng pangyayari sa buong panahon ng paghahari ni David ay nakasulat sa mga aklat ng mga propetang sina Samuel, Natan at Gad. 30 Sa mga aklat na iyon nakasulat kung paano siya namahala, gaano kalawak ang kanyang kapangyarihan at ang mga nangyari sa kanya sa Israel, at sa lahat ng mga kaharian sa paligid.
Ang Pangakong Pagdating ng Panginoon
3 Mga minamahal, ito ang ikalawang sulat ko sa inyo. Sa dalawang sulat na ito ay sinikap kong gisingin ang malinis ninyong isipan sa pamamagitan ng pagpapaalala ng ilang mga bagay. 2 Alalahanin ninyo ang mga sinabi noon ng mga banal na propeta at ang utos na ibinigay sa inyo ng Panginoon at Tagapagligtas sa pamamagitan ng mga apostol na isinugo sa inyo. 3 Una(A) sa lahat, dapat ninyong malaman na sa mga huling araw ay pagtatawanan kayo ng mga taong namumuhay ayon sa sarili nilang pagnanasa. 4 Sasabihin nila, “Nangako siyang darating, hindi ba? Nasaan na siya? Namatay na ang ating mga ninuno ngunit wala pa ring pagbabago buhat nang likhain ang mundong ito.” 5 Sinasadya nilang hindi pahalagahan ang katotohanang ang langit at lupa ay nilikha ng Diyos sa pamamagitan ng kanyang salita. Nilikha ang lupa buhat sa tubig at sa pamamagitan ng tubig. 6 Sa(B) pamamagitan din ng tubig—ng Malaking Baha—ginunaw ang daigdig nang panahong iyon. 7 Sa pamamagitan din ng salitang iyon ay nananatili ang mga langit at ang lupa upang tupukin sa apoy pagdating ng Araw ng Paghuhukom at pagpaparusa sa masasama.
8 Mga(C) minamahal, huwag ninyong kalilimutan na sa Panginoon, ang isang araw ay tulad ng sanlibong taon, at ang sanlibong taon ay tulad ng isang araw lamang. 9 Ang Panginoon ay hindi nagpapabaya sa kanyang pangako gaya ng inaakala ng ilan. Sa halip, nagbibigay siya ng pagkakataon sa lahat sapagkat hindi niya nais na may mapahamak, kundi ang lahat ay makapagsisi at tumalikod sa kasalanan.
10 Ngunit(D) ang Araw ng Panginoon ay darating tulad ng isang magnanakaw. Sa araw na iyon, ang kalangitan ay biglang mawawala kasabay ng isang malakas na ugong. Matutupok ang araw, buwan at mga bituin. Ang mundo at ang lahat ng mga bagay na naririto ay mawawala.[a] 11 At dahil ganito ang magiging wakas ng lahat ng bagay, mamuhay kayo nang may kabanalan at sikapin ninyong maging maka-Diyos 12 habang hinihintay ninyo ang Araw ng Diyos. Magsikap kayong mabuti upang dumating agad ang araw na ang kalangitan ay matutupok at ang mga bagay na naroroon ay matutunaw sa matinding init. 13 Subalit ayon sa pangako ng Diyos, naghihintay(E) tayo ng bagong langit at ng bagong lupa na paghaharian ng katuwiran.
14 Kaya nga, mga minamahal, habang naghihintay kayo, sikapin ninyong kayo'y madatnang namumuhay nang mapayapa, walang dungis at walang kapintasan. 15 Isipin ninyong kaya nagtitimpi ang Panginoon ay upang bigyan kayo ng pagkakataong maligtas. Iyan ang isinulat sa inyo ng kapatid nating si Pablo, taglay ang karunungang kaloob sa kanya ng Diyos. 16 Sa lahat ng sulat niya tungkol sa paksang ito, ganito ang lagi niyang paalala. May ilang bahagi sa kanyang mga sulat ay mahirap unawain, at binibigyan ng maling kahulugan ng mga mangmang at maguguló ang pag-iisip. Ganyan din ang kanilang ginagawa sa ibang mga Kasulatan, kaya nga't ipinapahamak nila ang kanilang sarili.
17 Ngayong ito'y alam na ninyo, mga kapatid, dapat kayong mag-ingat upang huwag kayong mailigaw ng mga taong walang sinusunod na batas. Sa gayon, hindi kayo matitinag sa inyong mabuting kalagayan. 18 Sa halip, patuloy kayong lumago sa kagandahang-loob ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo, at sa pagkakilala sa kanya. Sa kanya ang kaluwalhatian, ngayon at magpakailanman! Amen.
Ang Paratang sa Israel
6 Pakinggan ninyo ang paratang ni Yahweh laban sa Israel.
Tumayo kayo, O Yahweh, at ilahad ninyo ang inyong paratang. Hayaan ninyong marinig ng mga bundok at ng mga burol ang inyong sasabihin. 2 Mga bundok, mga di natitinag na pundasyon ng daigdig, pakinggan ninyo ang paratang ni Yahweh laban sa Israel na kanyang bayan.
3 Sinabi niya, “Bayan ko, sagutin ninyo ako. Ano ba ang nagawa ko sa inyo? Paano ba ako naging pabigat sa inyo? 4 Inilabas(A) ko kayo sa lupain ng Egipto at tinubos sa pagkaalipin. Isinugo ko sa inyo sina Moises, Aaron at Miriam upang kayo'y pangunahan. 5 Bayan(B) ko, gunitain ninyo ang plano ni Balac na hari ng Moab, at ang tugon sa kanya ni Balaam na anak ni Beor, at ang nangyari mula sa Sitim hanggang sa Gilgal. Alalahanin ninyo ang mga ito at malalaman ninyo ang ginawa ni Yahweh upang iligtas kayo.”
Ang Hinihingi ni Yahweh
6 Ano ang dapat kong dalhin sa aking pagsamba kay Yahweh, ang Diyos ng kalangitan? Magdadala ba ako ng guyang isang taon ang gulang bilang handog na sinusunog sa kanyang harapan? 7 Malugod kaya siya kung handugan ko ng libu-libong tupa o umaapaw na langis ng olibo? Ihahandog ko ba sa kanya ang aking anak na panganay, ang laman ng aking laman, bilang kabayaran ng aking mga kasalanan? 8 Itinuro na niya sa iyo, kung ano ang mabuti. Ito ang nais ni Yahweh: Maging makatarungan ka sa lahat ng bagay, patuloy mong mahalin ang iyong kapwa, at buong pagpapakumbabang sumunod ka sa iyong Diyos.
9 Mainam ang magkaroon ng takot kay Yahweh. Ito ang kanyang panawagan sa lunsod: “Makinig kayo, bayang nagtitipun-tipon sa lunsod! 10 Sa mga bahay ng masasamang tao ay matatagpuan ang mga kayamanang nakuha nila sa masamang paraan. Gumagamit sila ng madayang takalan na aking kinasusuklaman. 11 Mapapatawad ko ba ang mga taong gumagamit ng madayang timbangan? 12 Mapang-api ang inyong mayayaman, at kayong lahat ay sinungaling. Ang kanilang dila'y mahusay sa panlilinlang. 13 Kaya't sinimulan ko na ang inyong pagbagsak at pagkawasak dahil sa inyong mga kasalanan. 14 Kayo'y kakain ngunit hindi mabubusog, sa halip; gutom pa rin ang inyong madarama. Mag-iimpok kayo ngunit wala ring mangyayari, at ang inyong inipon ay masisira sa digmaan.
15 “Kayo'y maghahasik subalit hindi mag-aani. Magpipisa kayo ng olibo ngunit hindi makikinabang sa langis nito. Magpipisa kayo ng ubas ngunit hindi makakatikim ng alak na katas nito. 16 Mangyayari(C) ito dahil sumunod kayo sa masasamang gawain ni Haring Omri at ng kanyang anak na si Haring Ahab. Ipinagpatuloy ninyo ang kanilang mga patakaran kaya't wawasakin ko kayo at hahamakin kayo ng lahat. Kukutyain kayo ng lahat ng bansa.”
Ang Nawala at Natagpuang Tupa(A)
15 Isang(B) araw, ang mga maniningil ng buwis at ang mga makasalanan ay lumapit kay Jesus upang makinig. 2 Nagbulung-bulungan ang mga Pariseo at mga tagapagturo ng Kautusan. Sabi nila, “Ang taong ito'y nakikisama at nakikisalo sa mga makasalanan.” 3 Dahil dito, sinabi sa kanila ni Jesus ang talinghagang ito.
4 “Kung ang sinuman sa inyo ay may isandaang tupa at mawalan ng isa, ano ang gagawin niya? Hindi ba't iiwan niya ang siyamnapu't siyam sa pastulan at hahanapin ang nawawala hanggang sa ito'y matagpuan? 5 Kapag nakita na niya ang tupa ay masaya niya itong papasanin. 6 Pagdating sa bahay, aanyayahan niya ang kanyang mga kaibigan at mga kapitbahay at sasabihin sa kanila, ‘Makipagsaya kayo sa akin dahil nakita ko na ang tupa kong nawawala!’ 7 Sinasabi ko sa inyo, magkakaroon ng higit na kagalakan sa langit dahil sa isang makasalanang tumatalikod sa kasalanan kaysa sa siyamnapu't siyam na matuwid na di nangangailangang magsisi.”
Ang Nawala at Natagpuang Salaping Pilak
8 “O kaya, kung ang isang babae ay may sampung salaping pilak at mawala ang isa, ano ang gagawin niya? Hindi ba't magsisindi siya ng ilawan, wawalisan ang buong bahay at hahanaping mabuti ang nawawalang salapi hanggang sa ito'y kanyang makita? 9 Kapag nakita na niya ito, aanyayahan niya ang kanyang mga kaibigan at mga kapitbahay at sasabihin sa kanila, ‘Makipagsaya kayo sa akin, sapagkat nakita ko na ang nawawala kong salaping pilak!’ 10 Sinasabi ko sa inyo, gayundin ang kagalakan ng mga anghel ng Diyos dahil sa isang makasalanang tumatalikod sa kasalanan.”
Ang Dalawang Anak
11 Sinabi pa ni Jesus, “May isang tao na may dalawang anak na lalaki. 12 Sinabi sa kanya ng bunso, ‘Ama, ibigay na po ninyo sa akin ang mamanahin ko.’ At hinati nga ng ama ang kanyang ari-arian. 13 Pagkalipas ng ilang araw, ipinagbili[a] ng bunso ang kanyang bahagi at nagpunta sa malayong lupain. Nilustay niya roon sa mga bisyo ang lahat niyang kayamanan. 14 Nang maubos na ito, nagkaroon ng matinding taggutom sa lupaing iyon, kaya't siya'y nagsimulang maghirap. 15 Namasukan siya sa isang tagaroon, at siya'y pinagtrabaho nito sa isang babuyan. 16 Sa tindi ng kanyang gutom, at dahil sa wala namang nagbibigay sa kanya ng pagkain, halos kainin na niya ang mga pinagbalatan ng mga bungangkahoy na pinapakain sa mga baboy. 17 Ngunit napag-isip-isip niya ang kanyang ginawa at nasabi niya sa sarili, ‘Labis-labis ang pagkain ng mga alila ng aking ama, samantalang ako'y namamatay dito sa gutom! 18 Babalik ako sa aking ama at sasabihin ko sa kanya, “Ama, nagkasala po ako sa Diyos at sa inyo. 19 Hindi na po ako karapat-dapat na tawaging anak ninyo; ibilang na lamang ninyo akong isa sa inyong mga alila.”’ 20 At siya'y nagpasyang umuwi sa kanila.
“Malayo pa'y natanaw na siya ng kanyang ama, at dahil sa matinding awa ay patakbo siyang sinalubong, niyakap, at hinalikan. 21 Sinabi ng anak, ‘Ama, nagkasala po ako sa Diyos at sa inyo. Hindi na po ako karapat-dapat na tawaging anak ninyo.’ 22 Ngunit tinawag ng ama ang kanyang mga alila, ‘Dali! Kunin ninyo ang pinakamagandang damit at bihisan ninyo siya! Suotan ninyo siya ng singsing at ng sandalyas. 23 Katayin ninyo ang pinatabang guya at tayo'y kumain at magdiwang. 24 Sapagkat ang anak kong ito ay namatay na, ngunit siya ay nabuhay; nawala, ngunit muling natagpuan.’ At sila nga'y nagdiwang.
25 “Nasa bukid noon ang anak na panganay. Nang umuwi siya at malapit na sa bahay, narinig niya ang tugtugan at sayawan. 26 Tinawag niya ang isang utusan at tinanong, ‘Bakit? Ano'ng mayroon sa atin?’ 27 ‘Dumating po ang inyong kapatid!’ sagot ng alila. ‘Ipinapatay po ng inyong ama ang pinatabang guya dahil ang inyong kapatid ay nakabalik nang buháy at walang sakit.’ 28 Nagalit ang panganay at ayaw niyang pumasok sa bahay. Pinuntahan siya ng kanyang ama at pinakiusapan. 29 Ngunit sumagot siya, ‘Pinaglingkuran ko kayo sa loob ng maraming taon at kailanma'y hindi ko kayo sinuway. Ngunit ni minsa'y hindi ninyo ako binigyan ng kahit isang maliit na kambing para magkasayahan kami ng aking mga kaibigan. 30 Subalit nang dumating ang anak ninyong ito, na lumustay ng inyong kayamanan sa masasamang babae, ipinagpatay pa ninyo siya ng pinatabang guya!’ 31 Sumagot ang ama, ‘Anak, lagi kitang kapiling at ang lahat ng aking ari-arian ay sa iyo. 32 Nararapat lang na tayo'y magsaya at magdiwang, sapagkat namatay na ang kapatid mo, ngunit nabuhay; nawala, ngunit muling natagpuan.’”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.