Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
2 Cronica 36

Si Haring Jehoahaz ng Juda(A)

36 Nagkaisa ang bayan na si Jehoahaz, anak ni Josias, ang ipalit na hari sa Jerusalem. Dalawampu't tatlong taóng gulang siya nang maging hari at tatlong buwan siyang naghari sa Jerusalem. Binihag siya ni Haring Neco ng Egipto at pinagbuwis niya ng 3,500 kilong pilak at 35 kilong ginto ang Juda. Ang(B) ipinalit kay Jehoahaz bilang hari ng Juda ay ang kapatid nitong si Eliakim. Pinalitan ang kanyang pangalan na Jehoiakim. Si Jehoahaz naman ay dinala sa Egipto.

Si Haring Jehoiakim ng Juda(C)

Dalawampu't(D) limang taóng gulang si Jehoiakim nang maging hari at labing-isang taon siyang naghari sa Jerusalem. Ginawa niya ang mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh. Dumating(E) si Nebucadnezar, binihag siya at nakakadenang dinala sa Babilonia. Kinuha ni Nebucadnezar ang mga kagamitan sa Templo ni Yahweh at inilipat sa kanyang palasyo sa Babilonia. Ang iba pang mga pangyayari sa panahon ni Jehoiakim, pati ang mga kasamaang ginawa niya at ang iba pang kasalanan niya ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel at Juda. Pumalit sa kanya bilang hari ang anak niyang si Jehoiakin.

Si Haring Jehoiakin ng Juda(F)

Walong taóng gulang si Jehoiakin nang maging hari at tatlong buwan at sampung araw lamang siyang naghari sa Jerusalem. Ginawa rin niya ang mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh. 10 Sa(G) pagtatapos ng taon, ipinakuha siya ni Haring Nebucadnezar pati ang mahahalagang kagamitan sa Templo at dinala sa Babilonia. Ang ipinalit sa kanya bilang hari ay si Zedekias na kanyang tiyuhin.[a]

Si Haring Zedekias ng Juda(H)

11 Dalawampu't(I) isang taóng gulang si Zedekias nang maging hari ng Juda at labing-isang taon siyang naghari sa Jerusalem. 12 Ginawa rin niya ang mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh. Hindi siya nagpakumbaba at hindi rin sumunod sa ipinangaral ni propeta Jeremias, na nagpahayag ng mensahe ni Yahweh.

Ang Pagbagsak ng Jerusalem(J)

13 Naghimagsik(K) si Zedekias laban kay Haring Nebucadnezar na pinangakuan niya sa pangalan ng Diyos na kanyang susundin. Nagmatigas siya at ayaw magsisi at manumbalik kay Yahweh, ang Diyos ng Israel. 14 Sumamâ nang sumamâ ang mga pinuno ng Juda, ang mga pari at ang mga mamamayan. Tinularan nila ang kasuklam-suklam na gawain ng ibang bansa. Pati ang Templo sa Jerusalem na inilaan ni Yahweh para sa kanyang sarili ay kanilang nilapastangan. 15 Gayunman, dahil sa habag ni Yahweh sa kanila at sa pagmamalasakit niya sa kanyang Templo, nagpatuloy siya sa pagpapadala ng mga sugo upang bigyan sila ng babala. 16 Ngunit hinahamak lamang nila ang mga ito, pinagtatawanan ang mga propeta at binabaliwala ang mga babala ng Diyos. Dahil dito'y umabot sa sukdulan ang galit ni Yahweh sa kanyang bayan at hindi na sila makaiwas sa kanyang pagpaparusa. 17 Dahil(L) dito, ginamit niya ang hari ng Babilonia upang patayin sa tabak maging sa loob ng Templo ang kanilang mga kabataan. Wala itong iginalang, binata man o dalaga, kahit ang matatanda. Ipinaubaya sila ng Diyos sa kapangyarihan ng hari. 18 Lahat ng kagamitan, malalaki at maliliit sa loob ng Templo ni Yahweh, pati ang kayamanang naroon, gayundin ang sa hari at mga opisyal nito ay dinala sa Babilonia. 19 Sinunog(M) nila ang Templo, winasak ang pader ng Jerusalem at ang malalaking gusali. Ang mahahalagang ari-arian doon ay sinunog din, at ang lahat ay iniwan nilang wasak. 20 Ang mga hindi napatay ay dinala nilang bihag sa Babilonia. Inalipin sila roon ng hari at ng kanyang mga anak hanggang ang Babilonia ay masakop ng Persia. 21 Ito(N) ang katuparan ng pahayag ni Jeremias na ang lupain ay mananatiling tiwangwang sa loob ng pitumpung taon upang makapagpahinga.

Pinabalik ni Ciro ang mga Judio(O)

22 Upang matupad ang sinabi niyang ito sa pamamagitan ni Jeremias, inudyukan ni Yahweh si Ciro, hari ng Persia noong unang taon ng kanyang paghahari. Nagpalabas ang haring ito ng isang pahayag sa buong kaharian na ganito ang isinasaad:

23 “Ito(P) ang pahayag ni Haring Ciro ng Persia: ‘Ipinaubaya sa akin ni Yahweh, ang Diyos ng kalangitan, ang lahat ng kaharian sa daigdig at inutusan niya akong magtayo para sa kanya ng Templo sa Jerusalem ng Juda. Kaya, ang sinuman sa inyo na kabilang sa kanyang bayan ay pinahihintulutan kong pumunta sa Jerusalem. Samahan nawa kayo ng Diyos ninyong si Yahweh.’”

Pahayag 22

22 Ipinakita(A) rin sa akin ng anghel ang ilog ng tubig na nagbibigay-buhay. Ang tubig nito na sinlinaw ng kristal ay bumubukal mula sa trono ng Diyos at ng Kordero, at(B) umaagos sa gitna ng lansangan ng lungsod. Sa magkabilang panig ng ilog ay ang punongkahoy na nagbibigay-buhay. Ito'y namumunga ng labindalawang (12) uri ng bunga, isang uri sa bawat buwan. Nakapagpapagaling sa sakit ng mga tao ang mga dahon nito. Wala(C) roong makikitang anumang isinumpa ng Diyos.

Makikita sa lungsod ang trono ng Diyos at ng Kordero, at sasambahin siya ng kanyang mga lingkod. Makikita nila ang kanyang mukha, at isusulat sa kanilang noo ang kanyang pangalan. Doo'y(D) wala nang gabi, kaya't hindi na sila mangangailangan pa ng mga ilawan o ng liwanag ng araw, sapagkat ang Panginoong Diyos ang magiging liwanag nila, at maghahari sila magpakailanman.

Ang Pagdating ni Jesus

At sinabi sa akin ng anghel, “Maaasahan at totoo ang mga salitang ito. Ang Panginoon, ang Diyos ng mga espiritu ng mga propeta, ang siyang nagsugo sa kanyang anghel upang ihayag sa mga lingkod niya ang mga bagay na magaganap sa lalong madaling panahon.”

At sinabi ni Jesus, “Makinig kayo! Darating na ako! Pinagpala ang sumusunod sa mga salita ng propesiya na nasa aklat na ito!”

Akong si Juan ang nakarinig at nakakita sa lahat ng ito. Matapos kong marinig at makita ang lahat, ako'y nagpatirapa sa paanan ng anghel na nagpakita sa akin ng mga ito upang siya'y sambahin. Ngunit sinabi niya, “Huwag mong gawin iyan! Ako ma'y aliping tulad mo, at tulad din ng iyong mga kapatid na propeta at ng lahat ng sumusunod sa mga salita sa aklat na ito. Ang Diyos ang sambahin mo!”

10 At sinabi rin niya sa akin, “Huwag mong ililihim ang mga propesiya na nasa aklat na ito, sapagkat malapit nang maganap ang mga ito. 11 Magpatuloy(E) sa pagpapakasama ang masasama, magpatuloy sa pagpapakarumi ang marurumi, ngunit ang namumuhay sa kalooban ng Diyos ay magpatuloy sa gayong pamumuhay at ang banal sa pagiging banal.”

12 At(F) sinabi ni Jesus, “Makinig kayo! Darating na ako! Dala ko ang mga gantimpalang ibibigay sa bawat isa ayon sa kanyang ginawa! 13 Ako(G) ang Alpha at ang Omega, ang una at ang huli, ang simula at ang wakas.”

14 Pinagpala(H) ang naglilinis ng kanilang kasuotan sapagkat bibigyan sila ng karapatang pumasok sa lungsod at kumain ng bunga ng punongkahoy na nagbibigay-buhay. 15 Subalit maiiwan sa labas ng lungsod ang mga asal-aso, ang mga mangkukulam, ang mga nakikiapid, ang mga mamamatay-tao, ang mga sumasamba sa diyus-diyosan, at ang mga mahilig magsinungaling at mandaya.

16 “Akong(I) si Jesus ang nagsugo sa aking anghel upang ang mga bagay na ito'y ipahayag sa inyo na nasa mga iglesya. Ako ang ugat at supling ni David; ako ang maningning na bituin sa umaga.”

17 Sinasabi(J) ng Espiritu at ng babaing ikakasal, “Halikayo!”

Lahat ng nakakarinig nito ay magsabi rin, “Halikayo!”

Lumapit ang sinumang nauuhaw; kumuha ang may gusto ng tubig na nagbibigay-buhay; ito'y walang bayad.

Pagwawakas

18 Akong(K) si Juan ay nagbibigay ng babala sa sinumang makarinig sa mga propesiya na nasa aklat na ito: sa sinumang magdaragdag sa nilalaman ng aklat na ito ay idaragdag ng Diyos sa kanya ang mga salot na nakasulat dito. 19 Ang sinumang mag-alis ng anuman sa mga salita ng aklat ng propesiyang ito, ay aalisan ng Diyos ng karapatang makibahagi sa bunga ng punongkahoy na nagbibigay-buhay at sa Banal na Lungsod na binabanggit dito.

20 Sinasabi ng nagpapatotoo sa lahat ng ito, “Tiyak na nga! Darating na ako!”

Amen! Dumating ka nawa, Panginoong Jesus!

21 Nawa'y makamtan ng lahat[a] ang kagandahang-loob ng Panginoong Jesus.

Amen.

Malakias 4

Ang Darating na Araw ni Yahweh

“Darating ang araw na gaya ng isang nagbabagang hurno, tutupukin ang mga palalo at masasama gaya ng dayami at walang matitira sa kanila,” sabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat. “Ngunit sa inyo na nagpaparangal sa akin ay sisikat ang aking katarungan na tulad ng araw, at ang sinag nito'y magpapagaling sa inyo. Lulundag kayo sa tuwa na parang mga guyang pinalaya sa kulungan. Sa araw na ako'y kumilos, magtatagumpay kayo laban sa masasama at sila'y tatapakan ninyo na parang alabok,” sabi ni Yahweh.

“Alalahanin ninyo ang mga itinuro ni Moises, ang mga tuntunin at kautusang ibinigay ko sa kanya sa Bundok ng Sinai,[a] upang sundin ng bansang Israel.

“Ngunit(A) bago dumating ang kakila-kilabot na araw ni Yahweh, isusugo ko sa inyo si Propeta Elias. Muling magkakasundo ang mga ama at ang mga anak. Kung hindi'y mapipilitan akong magtungo riyan at ganap na wasakin ang inyong bayan.”

Juan 21

Ang Ikatlong Pagpapakita ni Jesus

21 Pagkatapos nito, muling nagpakita si Jesus sa mga alagad sa tabi ng Lawa ng Tiberias. Ganito ang nangyari: magkakasama sina Simon Pedro, Tomas na tinatawag na Kambal, Nathanael na taga-Cana sa Galilea, ang mga anak ni Zebedeo, at dalawa pang alagad. Sinabi(A) sa kanila ni Simon Pedro, “Mangingisda ako.”

“Sasama kami,” sabi nila.

Umalis nga sila at sumakay sa isang bangka. Magdamag silang nangisda, subalit wala silang nahuli. Nang mag-uumaga na, tumayo si Jesus sa pampang ngunit siya'y hindi nila nakilala. Sinabi niya, “Mga anak, mayroon ba kayong huli?”

“Wala po,” sagot nila.

“Ihulog(B) ninyo ang lambat sa gawing kanan ng bangka at makakahuli kayo,” sabi ni Jesus.

Inihulog nga nila ang lambat at nang hilahin nila ito ay hindi nila makaya sa dami ng huli. Sinabi kay Pedro ng alagad na minamahal ni Jesus, “Ang Panginoon iyon!”

Nang marinig ni Simon Pedro na ang Panginoon iyon, nagsuot siya ng damit dahil nakahubad siya noon at saka lumusong sa tubig. Dumating sa pampang ang kasama niyang mga alagad, sakay ng bangka at hila-hila ang lambat na puno ng isda. Hindi sila gaanong malayo sa pampang, mga siyamnapung metro lamang. Pagkaahon nila sa pampang, nakakita sila roon ng isdang iniihaw sa nagbabagang uling, at ilang tinapay. 10 “Magdala kayo rito ng ilang isdang nahuli ninyo,” sabi ni Jesus. 11 Kaya't sumampa sa bangka si Simon Pedro at hinila sa pampang ang lambat na puno ng malalaking isda; isandaan at limampu't tatlo lahat ang nahuli nila. Hindi nasira ang lambat, kahit ganoon karami ang mga isda. 12 “Halikayo at mag-agahan kayo,” sabi ni Jesus. Isa man sa mga alagad ay hindi nangahas magtanong sa kanya kung sino siya sapagkat alam nila na siya ang Panginoon. 13 Lumapit si Jesus, kinuha ang tinapay at ibinigay sa kanila. Ganoon din ang kanyang ginawa sa isda.

14 Ito ang ikatlong pagpapakita ni Jesus sa mga alagad pagkatapos na siya'y muling mabuhay.

Pakainin Mo ang Aking mga Tupa

15 Pagkakain nila, tinanong ni Jesus si Simon Pedro, “Simon, anak ni Juan, iniibig mo ba ako nang higit sa mga ito?”

“Opo, Panginoon, alam ninyong mahal ko kayo,” tugon niya.

Sinabi sa kanya ni Jesus, “Kung gayon pakainin mo ang aking mga batang tupa.” 16 Muli siyang tinanong ni Jesus, “Simon, anak ni Juan, iniibig mo ba ako?”

Sumagot si Pedro, “Opo, Panginoon, alam ninyong mahal ko kayo.” Sabi ni Jesus, “Alagaan mo ang aking mga tupa.”

17 Pangatlong ulit na tinanong siya ni Jesus, “Simon, anak ni Juan, mahal mo ba ako?”

Nalungkot si Pedro sapagkat tatlong beses siyang tinanong ng, “Mahal mo ba ako?”

At sumagot siya, “Panginoon, alam po ninyo ang lahat ng bagay; alam ninyong mahal ko kayo.”

Sinabi sa kanya ni Jesus, “Pakainin mo ang aking mga tupa. 18 Pakatandaan mo: noong bata ka pa, ikaw ang nagbibihis sa iyong sarili at pumupunta ka kung saan mo gusto. Ngunit pagtanda mo, iuunat mo ang iyong mga kamay at iba ang magbibihis sa iyo at dadalhin ka kung saan hindi mo gusto.” 19 Sinabi niya ito upang ipahiwatig kung paano mamamatay si Pedro at kung paano niya luluwalhatiin ang Diyos. Pagkatapos, sinabi sa kanya ni Jesus, “Sumunod ka sa akin!”

Ang Alagad na Minamahal ni Jesus

20 Lumingon(C) si Pedro at nakita niyang sumusunod ang alagad na minamahal ni Jesus, ang siyang humilig sa dibdib ni Jesus nang sila'y naghahapunan at nagtanong, “Panginoon, sino po ang magkakanulo sa inyo?” 21 Nang makita siya ni Pedro ay tinanong nito si Jesus, “Panginoon, paano po naman ang taong ito?”

22 Sumagot si Jesus, “Kung nais kong mabuhay siya hanggang sa pagbabalik ko, ano sa iyo? Sumunod ka sa akin!” 23 Kumalat sa mga kapatid sa pananampalataya ang balitang hindi mamamatay ang alagad na ito. Ngunit hindi naman sinabi ni Jesus na hindi siya mamamatay, kundi, “Kung nais kong mabuhay siya hanggang sa pagbabalik ko, [ano sa iyo]?[a]

24 Siya ang alagad na nagpapatotoo tungkol sa mga bagay na ito; siya rin ang sumulat ng mga ito at alam naming totoo ang kanyang pahayag.

Pagwawakas

25 At marami pang ginawa si Jesus na kung isusulat lahat, sa palagay ko'y hindi magkakasya kahit sa buong daigdig ang mga aklat na maisusulat.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.