Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
2 Cronica 26

Si Haring Uzias ng Juda(A)

26 Ginawang hari ng buong Juda si Uzias sa gulang na labing-anim bilang kahalili ng namatay niyang amang si Amazias. Sa panahon ng kanyang paghahari, nabawi niya ang lunsod ng Elat at muli itong itinatag para sa Juda.

Labing-anim na taóng gulang si Uzias nang maging hari at limampu't dalawang taon siyang naghari sa Jerusalem. Ang ina niya'y si Jecolias na taga-Jerusalem. Si Uzias ay naging kalugud-lugod kay Yahweh tulad ni Amazias. Habang nabubuhay si Zacarias, na nagturo sa kanya na matakot sa Diyos, naglingkod siya nang tapat kay Yahweh, at pinagpapala siya ng Diyos.

Sinalakay ni Uzias ang mga Filisteo at winasak ang mga kuta sa Gat, Jabne at Asdod. Nagtayo siya ng mga lunsod sa nasasakupan ng Asdod at ng mga Filisteo. Tinulungan siya ng Diyos laban sa mga Filisteo at mga Arabo na naninirahan sa Gurbaal at laban sa mga Meunita. Nagbabayad sa kanya ng buwis ang mga Ammonita at nakilala siya hanggang sa Egipto dahil sa kanyang kapangyarihan. Nagtayo rin siya ng mga kuta sa Jerusalem: isa sa may Pintuan sa Sulok, isa sa Pintuan sa Libis at isa sa Panulukan ng Zion at ng Ofel. 10 Nagpagawa rin siya ng mga toreng bantayan sa ilang at nagpahukay ng maraming mga balon para sa kanyang mga kawan sa mga paanan ng burol at sa kapatagan. Palibhasa'y mahilig siya sa pagbubukid, kumuha siya ng mga magsasaka sa kanyang bukirin at mga tagapag-alaga ng ubasan sa kapatagan at kaburulan.

11 Si Uzias ay mayroon ding hukbo ng mga kawal na handa sa labanan. Nasa ilalim ito ng pamamahala ni Hananias. Nahahati ito sa maraming pangkat ayon sa listahang ginawa ni Jeiel na kalihim at ng tagapagtalang si Maasias. 12 May 2,600 pinuno ng sambahayan ang namamahala sa kanyang hukbo. 13 Binubuo ito ng may 300,750, magigiting na mandirigma na laging handang lumaban at magtanggol sa hari. 14 Silang lahat ay binigyan ni Uzias ng iba't ibang sandata tulad ng panangga, sibat, helmet, pana at tirador. 15 Sa mga tore at mga panulukan ng Jerusalem, naglagay siya ng mga kasangkapang ginawa ng mahuhusay na panday upang ipanghagis ng sibat at ng malalaking bato. Naging tanyag si Uzias at naging makapangyarihan dahil sa tulong na nagmumula sa Diyos.

Pinarusahan si Uzias Dahil sa Kapalaluan

16 Subalit nang maging makapangyarihan si Uzias, naging palalo siya na siyang dahilan ng kanyang pagbagsak. Nilapastangan niya ang Diyos niyang si Yahweh nang pumasok siya sa Templo upang maghandog sa altar na sunugan ng insenso. 17 Sinundan siya ng paring si Azarias, kasama ang walumpung matatapang na pari ni Yahweh. 18 Nang(B) makita siya ay sinabi nila, “Haring Uzias, wala po kayong karapatang magsunog ng insenso para kay Yahweh. Tanging ang mga paring mula sa angkan ni Aaron lamang ang inatasan ng Diyos sa katungkulang ito. Lumabas na kayo rito sa banal na dako. Nagkakasala kayo sa ginagawa ninyong iyan. Hindi sinasang-ayunan ng Panginoong Yahweh ang ginagawa ninyo.”

19 Nagalit si Haring Uzias sa mga pari. Siya ay nakatayo noon sa tabi ng altar na sunugan ng insenso. Ngunit nang sandaling iyon ay nagkaroon siya ng sakit sa balat na parang ketong sa noo. 20 Nang makita ni Azarias at ng mga pari ang nangyari kay Uzias, pinalabas nila ito agad. Hindi naman ito tumutol sapagkat naramdaman niyang siya'y pinarusahan na ni Yahweh.

21 Hindi na gumaling ang sakit sa balat ni Haring Uzias hanggang sa siya'y mamatay. Ibinukod siya ng tahanan, inalisan ng lahat ng katungkulan at pinagbawalang pumasok sa Templo ni Yahweh. Ang anak niyang si Jotam ang namahala sa palasyo at sa buong lupain.

22 Ang iba pang mga ginawa ni Uzias mula sa simula hanggang katapusan ay itinala ni Isaias na anak ni Amoz. 23 Nang(C) ito'y mamatay, inilibing lamang siya sa puntod na malapit sa libingan ng mga hari, sapagkat siya'y nagkaroon ng sakit sa balat na parang ketong. Ang anak niyang si Jotam ang humalili sa kanya bilang hari.

Pahayag 13

Ang Unang Halimaw

13 Pagkatapos(A) ay nakita kong umaahon sa dagat ang isang halimaw na may pitong ulo at sampung sungay. May korona ang bawat sungay nito at sa bawat ulo ay nakasulat ang mga pangalang[a] lumalapastangan sa Diyos. Ang(B) halimaw ay parang leopardo, ang mga paa nito'y tulad ng mga paa ng oso, at ang bibig ay parang bibig ng leon. Ibinigay ng dragon sa halimaw ang kanyang sariling lakas, trono at malawak na kapangyarihan. Ang isa sa mga ulo ng halimaw ay parang may sugat na nakamamatay, ngunit ito'y gumaling. Namangha ang buong daigdig sa nangyaring ito, at nagsisunod sila sa halimaw. Sinamba ng lahat ng tao ang dragon sapagkat ibinigay nito ang kanyang kapangyarihan sa halimaw. Sinamba rin nila ang halimaw at sinabi nila, “Sino ang katulad ng halimaw? Sino ang makakalaban sa kanya?”

Pinahintulutang(C) magsalita ng kayabangan ang halimaw, lumapastangan sa Diyos, at maghari sa loob ng apatnapu't dalawang (42) buwan. Nilapastangan nga niya ang Diyos, ang pangalan ng Diyos, ang tahanan ng Diyos, at ang lahat ng nakatira doon. Pinahintulutan(D) din siyang digmain at lupigin ang mga hinirang ng Diyos, at binigyan siya ng karapatang mamahala sa bawat lahi, lipi, wika, at bansa. Sasamba(E) sa kanya ang lahat ng nabubuhay sa ibabaw ng lupa, maliban sa mga taong ang mga pangalan ay nakasulat sa aklat ng buhay bago pa likhain ang sanlibutan. Ang aklat na ito'y pag-aari ng Korderong pinatay.

“Ang lahat ng may pandinig ay makinig! 10 Ang(F) sinumang itinakdang mabihag ay mabibihag nga; ang itinakdang mamatay sa tabak ay sa tabak nga mamamatay. Ito'y isang panawagan na magpakatatag at manatiling tapat ang mga hinirang ng Diyos.”

Ang Ikalawang Halimaw

11 At nakita ko ang isa pang halimaw na lumilitaw mula sa lupa. May dalawang sungay ito na tulad ng mga sungay ng isang batang tupa, ngunit nagsalita ito na parang dragon. 12 Ginamit niya ang lahat ng kapangyarihan ng unang halimaw upang ipatupad ang kagustuhan nito. Ang lahat ng tao sa lupa ay pinilit niyang sumamba sa unang halimaw na nagkaroon ng sugat na nakamamatay ngunit gumaling na. 13 Kahanga-hanga ang mga kababalaghang ginawa ng pangalawang halimaw; nagpaulan siya ng apoy mula sa langit, at ito'y nasaksihan ng mga tao. 14 Nalinlang niya ang lahat ng tao sa lupa sa pamamagitan ng mga kababalaghang kanyang ginawa sa harapan ng unang halimaw. Nahikayat niya ang mga taong gumawa ng isang larawan ng unang halimaw na nasugatan ng tabak ngunit nabuhay. 15 Ipinahintulot din sa kanya na bigyan niya ng hininga ang larawan ng unang halimaw. Kaya't nakapagsalita ang larawan at ipinapatay nito ang lahat ng ayaw sumamba sa kanya. 16 Sapilitang pinatatakan ng ikalawang halimaw ang lahat ng tao sa kanilang kanang kamay o sa noo, maging sila'y dakila o hamak, mayaman o mahirap, alipin o malaya. 17 At walang maaaring magtinda o bumili malibang sila'y may tatak ng pangalan ng halimaw o ng bilang na katumbas ng pangalan niyon. 18 Kailangan dito ang karunungan: maaaring malaman ng sinumang matalino ang kahulugan ng bilang ng halimaw, sapagkat ito'y bilang ng isang tao. Ang bilang ay animnaraan at animnapu't anim (666).

Zacarias 9

Ang Parusa sa mga Bansa sa Paligid

Ito(A) (B) ang ipinapasabi ni Yahweh: “Itinakda ko na ang parusa sa lupain ng Hadrac at sa lunsod ng Damasco. Ang mga lunsod ng Aram ay akin, kung paanong ang lahat ng lipi ni Israel ay akin. Akin din ang Hamat na nasa hangganan ng Hadrac, gayon din ang Tiro at Sidon, bagaman sila'y napakarunong. Ang Tiro ay napapaligiran ng matibay na pader. Nag-ipon siya ng makapal na pilak at gintong sindami ng alabok sa lansangan. Ngunit ngayon, kukunin ni Yahweh ang lahat niyang ari-arian at ihahagis lahat sa dagat. Ang lunsod naman ay ipatutupok niya sa apoy.

“Makikita(C) ito ng Ashkelon at siya ay mangingilabot. Manginginig rin sa takot ang Gaza, at mawawalan ng pag-asa ang Ekron. Mawawalan ng hari ang Gaza at wala nang maninirahan pa sa Ashkelon. Paghaharian ng mga dayuhan ang Asdod. Ibabagsak ko ang palalong Filistia. Hindi na sila kakain ng dugo o anumang ipinagbabawal na pagkain. Ang matitira ay mapapabilang sa aking bayan at ituturing na isa sa mga angkan ni Juda. Ang mga taga-Ekron ay mapapabilang din sa aking bayan, tulad ng nangyari sa mga Jebuseo. Babantayan ko ang aking bayan upang hindi ito mapasok ng kaaway. Hindi ko na papahintulutang lupigin pa sila ng iba, sapagkat nakita ko na ang kanilang paghihirap.”

Ang Magiging Hari ng Zion

O(D) Zion, magdiwang ka sa kagalakan!
    O Jerusalem, ilakas mo ang awitan!
Pagkat dumarating na ang iyong hari
    na mapagtagumpay at mapagwagi.
Dumarating siyang may kapakumbabaan,
    batang asno ang kanyang sinasakyan.
10 “Ipapaalis(E) niya ang mga karwahe sa Efraim,
    gayundin ang mga kabayong pandigma ng Jerusalem.
Panudla ng mga mandirigma ay mawawala,
    pagkat paiiralin niya'y ang pagkakasundo ng mga bansa.
Hangganan ng kaharian niya'y dagat magkabila,
    mula sa Ilog Eufrates hanggang dulo ng lupa.”

Muling Aayusin ang Zion

11 Sinabi(F) pa ni Yahweh,
“Alang-alang sa ating tipan na pinagtibay ng dugo,
    ibabalik ko ang mga anak mong itinapon sa balong tuyo.
12 Kayo, mga bilanggo, na di nawalan ng pag-asa,
    ay maaari nang bumalik sa inyong lupain.
Ang magandang kalagayan ninyo noong unang panahon,
    ay aking hihigitan at pag-iibayuhin.
13 Binanat ko ang Juda gaya ng isang pana,
    at ang Efraim naman ang aking panudla.
Kayong mga taga-Zion ay aking isasagupa
    laban sa mga anak ng mga taga-Grecia;
gaya ng tabak ng isang mandirigma,
    sila'y gagawin kong aking sandata.”

14 Si Yahweh ay magpapakita sa kanyang bayan,
    at ang palaso niya'y parang kidlat na sisibat;
trumpeta ng Panginoong Yahweh, kanyang hihipan
    at sila'y parang ipu-ipong sasalakay sa katimugan.
15 Si Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, sa kanila'y mag-iingat;
    sa pagdumog sa kaaway sila'y di maaawat.
Dugo ng mga ito'y kanilang paaagusin,
    gaya ng mga handog na sa altar inihain.

16 Sa araw na iyon, ililigtas sila ni Yahweh na kanilang Diyos
    pagkat sila'y kanyang kawan, iniibig na lubos.
Sa buong lupain ay magniningning sila,
    parang batong hiyas ng isang korona.
17 Mararanasan nila'y kagandaha't kasaganaan;
    pagkain at alak, may taglay na kalakasan,
    para sa kabinataan at mga kadalagahan.

Juan 12

Binuhusan ng Pabango ang mga Paa ni Jesus(A)

12 Anim na araw bago sumapit ang Pista ng Paskwa, si Jesus ay nagpunta sa Bethania, kung saan nakatira si Lazaro na kanyang muling binuhay. Isang hapunan ang inihanda roon para sa kanya. Si Lazaro ay isa sa mga kasalo ni Jesus samantalang si Martha naman ay tumutulong sa paglilingkod sa kanila. Kumuha(B) naman si Maria ng isang bote ng mamahaling pabangong galing sa katas ng dalisay na nardo, at ibinuhos sa mga paa ni Jesus. Pagkatapos, pinunasan niya ang mga ito ng kanyang buhok. At napuno ang buong bahay ng halimuyak ng pabango. Ito'y pinuna ni Judas Iscariote, ang alagad na magkakanulo sa kanya. Sinabi niya, “Bakit hindi na lamang ipinagbili ang pabango at ibinigay sa mga dukha ang pinagbilhan? Maaaring umabot sa tatlong daang salaping pilak ang halaga ng pabangong iyan!” Sinabi iyon ni Judas, hindi dahil sa siya'y may malasakit sa mga dukha, kundi dahil sa siya'y magnanakaw. Siya ang tagapagdala ng kanilang salapi, at madalas niyang kinukupitan ito.

Ngunit sinabi ni Jesus, “Pabayaan ninyo siya! Hayaan ninyong ilaan niya ito para sa araw ng aking libing. Habang(C) panaho'y kasama ninyo ang mga dukha, ngunit ako'y hindi ninyo kasama habang panahon.”

Ang Balak Laban kay Lazaro

Nabalitaan ng maraming Judio na si Jesus ay nasa Bethania kaya't nagpunta sila roon upang makita siya at si Lazaro, na kanyang muling binuhay. 10 Kaya't binalak ng mga punong pari na ipapatay din si Lazaro, 11 sapagkat dahil sa kanya'y maraming Judio ang humihiwalay na sa kanila at sumasampalataya kay Jesus.

Ang Matagumpay na Pagpasok sa Jerusalem(D)

12 Kinabukasan, nabalitaan ng maraming taong dumalo sa pista na si Jesus ay papunta sa Jerusalem. 13 Kumuha(E) sila ng mga palapa ng palmera, at lumabas sila sa lungsod upang siya'y salubungin. Sila'y sumisigaw, “Purihin ang Diyos.[a] Pinagpala ang dumarating sa pangalan ng Panginoon! Purihin ang Hari ng Israel!”

14 Nakakita si Jesus ng isang batang asno at sinakyan niya ito, gaya ng nasusulat,

15 “Huwag(F) kang matakot, lungsod ng Zion!
Masdan mo, dumarating ang iyong hari,
    nakasakay sa isang batang asno!”

16 Hindi ito naunawaan noon ng kanyang mga alagad. Ngunit matapos na si Jesus ay maluwalhating nabuhay muli, naalala nilang ganoon nga ang sinasabi sa kasulatan tungkol sa kanya, kaya't gayon nga ang nangyari.

17 Ang mga taong kasama ni Jesus noong tawagin niya si Lazaro mula sa libingan at muli niya itong binuhay ay nagpatotoo tungkol sa nangyari. 18 At ito ang dahilan kaya siya sinalubong ng napakaraming tao—nabalitaan nila ang himalang ginawa niya.

19 Kaya't nasabi ng mga Pariseo, “Nakikita ninyong walang nangyayari sa mga ginagawa natin. Tingnan ninyo, sumusunod sa kanya ang buong mundo!”

Hinanap ng Ilang Griego si Jesus

20 May ilang Griegong dumalo sa pista upang sumamba. 21 Lumapit sila kay Felipe na taga-Bethsaida sa Galilea, at nakiusap, “Ginoo, nais po naming makita si Jesus.”

22 Ito'y sinabi ni Felipe kay Andres, at magkasama silang nagsabi nito kay Jesus. 23 Sumagot si Jesus, “Dumating na ang oras upang luwalhatiin ang Anak ng Tao. 24 Pakatandaan ninyo: hangga't hindi nahuhulog sa lupa ang butil ng trigo at mamatay, mananatili itong nag-iisa. Ngunit kung ito'y mamatay, mamumunga ito nang sagana. 25 Ang(G) taong nagpapahalaga sa kanyang buhay ay siyang mawawalan nito, ngunit ang taong hindi nagpapahalaga sa kanyang buhay sa daigdig na ito ay siyang magkakaroon ng buhay na walang hanggan. 26 Ang naghahangad na maglingkod sa akin ay dapat sumunod sa akin, at saanman ako naroroon ay naroroon din siya. Pararangalan ng Ama ang sinumang naglilingkod sa akin.”

Ipinahiwatig ni Jesus ang Kanyang Pagkamatay

27 “Ako'y nababagabag ngayon. Sasabihin ko bang, ‘Ama, huwag mong hayaang sumapit sa akin ang oras na ito ng paghihirap’? Hindi! Sapagkat ito ang dahilan kung bakit ako naparito—upang danasin ang oras na ito. 28 Ama, luwalhatiin mo ang iyong pangalan.”

Isang tinig mula sa langit ang nagsabi, “Niluwalhati ko na ito, at muli kong luluwalhatiin.”

29 Narinig iyon ng mga taong naroon kaya't sinabi nila, “Kumulog!” Sabi naman ng iba, “Nagsalita sa kanya ang isang anghel!”

30 Sinabi sa kanila ni Jesus, “Ang tinig na iyon ay ipinarinig para sa inyo at hindi para sa akin. 31 Panahon na upang hatulan ang mundong ito. Panahon na rin upang hatulan ang pinuno ng mundong ito. 32 At kung ako'y maitaas na, ilalapit ko sa aking sarili ang lahat ng tao.” 33 Sinabi niya ito upang ipahiwatig kung paano siya mamamatay.

34 Sinagot(H) siya ng mga tao, “Sinasabi sa amin ng Kautusan na ang Cristo ay mananatili magpakailanman. Bakit mo sinasabing dapat maitaas ang Anak ng Tao? Sino ba ang Anak ng Taong ito?”

35 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Kaunting panahon na lamang ninyong makakasama ang ilaw. Lumakad kayo habang kasama pa ninyo ang ilaw upang hindi kayo abutan ng dilim. Hindi alam ng lumalakad sa dilim kung saan siya pupunta. 36 Sumampalataya kayo sa ilaw habang kasama pa ninyo ang ilaw, upang kayo'y maging mga anak ng liwanag.”

Hindi Sumampalataya kay Jesus ang mga Judio

Pagkasabi nito, si Jesus ay umalis doon at hindi na muling nagpakita sa kanila. 37 Kahit na nasaksihan nila ang maraming himalang ginawa niya, hindi pa rin sila naniwala sa kanya. 38 Nangyari(I) ito upang matupad ang sinabi ni Propeta Isaias,

“Panginoon, sino ang naniwala sa aming ibinalita?
    Kanino ipinakita ng Panginoon ang kanyang kapangyarihan?”

39 Hindi nga sila makapaniwala sapagkat tulad ng sinabi ni Isaias,

40 “Binulag(J) ng Diyos ang kanilang mga mata
    at pinatigas ang kanilang mga puso,
upang sila'y hindi makakita,
    ni makaunawa ang kanilang mga isip,
    baka pa sila'y manumbalik sa akin
    at sila'y pagalingin ko.”

41 Sinabi ito ni Isaias sapagkat nakita niya ang kaluwalhatian ni Jesus, at nagpahayag siya tungkol kay Jesus.[b]

42 Gayunman, marami ring pinuno ng mga Judio ang naniwala sa kanya. Subalit hindi nila maipahayag ito dahil sa takot sa mga Pariseo, na baka sila'y itiwalag sa sinagoga. 43 Mas ginusto nilang parangalan sila ng tao kaysa parangalan ng Diyos.

Ang Salita ni Jesus ang Hahatol

44 Malakas na sinabi ni Jesus, “Ang nananalig sa akin ay hindi lamang sa akin nananalig, kundi pati sa nagsugo sa akin. 45 At ang nakakita sa akin ay nakakita na rin sa nagsugo sa akin. 46 Ako'y naparito bilang ilaw ng sanlibutan, upang ang manalig sa akin ay huwag manatili sa kadiliman. 47 Hindi ako ang humahatol sa taong dumirinig ng aking salita, ngunit ayaw namang sumunod dito. Sapagkat hindi ako naparito upang hatulan ang sanlibutan, kundi upang iligtas ito. 48 May ibang hahatol sa mga ayaw tumanggap sa akin at sa aking mga salita. Ang salitang ipinahayag ko ang hahatol sa kanila sa huling araw. 49 Sapagkat hindi ako nagsalita nang mula sa sarili ko lamang; ang Ama na nagsugo sa akin ang siyang nag-utos kung ano ang aking sasabihin at ipahahayag. 50 At alam kong ang kanyang utos ay nagbibigay ng buhay na walang hanggan. Kaya't ang ipinapasabi ng Ama ang siya kong ipinapahayag.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.