Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
2 Cronica 11-12

Ang Propesiya ni Semaias(A)

11 Pagdating ni Rehoboam sa Jerusalem, tinipon niya ang mga lipi ng Juda at Benjamin. Pumili siya ng 180,000 mahuhusay na mandirigma upang salakayin ang sampung lipi ng Israel at ibalik sila sa kanyang kapangyarihan. Ngunit sinabi ni Yahweh kay propeta Semaias: “Sabihin mo kay Rehoboam na anak ni Solomon at hari ng Juda at sa lahat ng mga Israelitang taga-Juda at Benjamin, na ganito ang ipinapasabi ni Yahweh: ‘Huwag na ninyong salakayin ang inyong mga kapatid. Hayaan na ninyo silang makauwi sa kani-kanilang tahanan. Ako ang may kagustuhan nito.’” Sinunod nga nila ang ipinasabi ni Yahweh. Nag-uwian na sila at hindi na nila dinigma si Jeroboam.

Pinaligiran ng Pader ang mga Lunsod

Sa Jerusalem tumira si Rehoboam at pinalagyan niya ng mga pader ang mga lunsod na ito sa Juda at Benjamin: 6-10 Bethlehem, Etam, Tekoa, Beth-sur, Soco, Adullam, Gat, Maresa, Zif, Adoraim, Laquis, Azeka, Zora, Aijalon, at Hebron. 11 Pinatibay niya ang kuta ng mga ito, nilagyan ng kani-kanilang pinuno at mga imbakan ng pagkain, langis at alak. 12 Naglagay rin siya ng mga sibat at mga panangga sa mga nasabing lunsod. Pinatibay niyang mabuti ang mga lunsod na ito. Sa ganitong paraan, napanatili niya sa ilalim ng kanyang kapangyarihan ang Juda at Benjamin.

Pumunta sa Juda ang mga Pari at Levita

13 Nagdatingan ang mga pari at ang mga Levita mula sa lahat ng panig ng Israel upang maglingkod kay Rehoboam. 14 Iniwan nila ang kanilang mga pastulan at mga ari-arian upang manirahan sa Juda at sa Jerusalem sapagkat inalis sila ni Jeroboam at ng mga anak nito bilang mga pari ni Yahweh. 15 Sa(B) halip, naglagay si Jeroboam ng kanyang mga sariling pari para sa mga sagradong burol, sa mga satiro at sa mga rebultong guya na ipinagawa niya. 16 Subalit mula sa lahat ng lipi, may mga tapat na lingkod si Yahweh, ang Diyos ng Israel. Sila ay sumunod sa mga pari at mga Levitang pumupunta sa Jerusalem upang maghandog kay Yahweh, ang Diyos ng kanilang mga ninuno. 17 Dahil dito, pinatatag nila ang kaharian ng Juda at pinatibay ang kapangyarihan ni Rehoboam na anak ni Solomon sa loob ng tatlong taon, sapagkat sumusunod sila sa magagandang halimbawa ni David at ni Solomon.

Ang Sambahayan ni Rehoboam

18 Napangasawa ni Rehoboam si Mahalat na anak ni Jerimot at ni Abihail. Anak ni David si Jerimot at si Abihail naman ay anak ni Eliab na anak ni Jesse. 19 Sina Jeus, Semarias at Zaham ang mga anak na lalaki ni Rehoboam kay Mahalat. 20 Napangasawa rin ni Rehoboam si Maaca na anak ni Absalom at ang mga anak nila'y sina Abias, Atai, Ziza at Selomit. 21 Mahal na mahal ni Rehoboam si Maaca na anak ni Absalom higit sa iba niyang mga asawa at asawang-lingkod. Labingwalo ang asawa niya at animnapu ang kanyang asawang-lingkod. Dalawampu't walo ang naging anak niyang lalaki at animnapu naman ang mga babae. 22 Sapagkat gusto ni Rehoboam na si Abias ang maging hari pagkamatay niya, inilagay niya itong pinuno at pangunahin sa kanyang mga kapatid. 23 Ipinadala ni Rehoboam ang kanyang mga anak na lalaki sa iba't ibang lugar sa lupain ng Juda at Benjamin, sa mga lunsod na napapaligiran ng pader. Binigyan niya sila ng lahat nilang kailangan at inihanap ng mga asawa.

Nilusob ng Egipto ang Juda(C)

12 Nang maging matatag na ang paghahari ni Rehoboam, tinalikuran niya at ng buong Israel ang Kautusan ni Yahweh. Subalit nang ikalimang taon ng paghahari ni Rehoboam, sapagkat hindi sila naging tapat kay Yahweh, sinalakay ni Shishak, hari ng Egipto, ang Jerusalem. Ang hukbo ni Shishak ay binubuo ng 1,200 karwahe, 60,000 mangangabayo at di mabilang na mga tauhan pati mga taga-Libya, taga-Sukuim at taga-Etiopia. Nakuha niya ang mga may pader na lunsod ng Juda at nakaabot siya hanggang Jerusalem.

Dahil sa pananalakay ni Shishak, ang mga pinuno ng Israel ay nagtipon sa Jerusalem kasama ni Rehoboam. Dumating naman ang propetang si Semaias at sinabi sa kanila: “Ganito ang ipinapasabi ni Yahweh: ‘Pinabayaan ninyo ako, kaya pinabayaan ko rin kayong mahulog sa kamay ni Shishak.’”

Pagkarinig niyon, nagpakumbaba ang hari at ang mga pinuno ng Israel at sinabi nila: “Makatarungan si Yahweh.”

Nakita ni Yahweh ang kanilang pagpapakumbaba, kaya sinabi niya kay Semaias: “Nagpakumbaba na sila, kaya hindi ko na sila lilipulin. Ililigtas ko sila sa lubos na kapahamakan at hindi ko na ibubuhos ang aking galit sa Jerusalem sa pamamagitan ni Shishak. Gayunman, sila'y masasakop nito upang malaman nila kung alin ang higit na mabuti: ang maglingkod sa akin o ang maglingkod sa mga hari sa lupa.”

Sinalakay(D) ni Haring Shishak ng Egipto ang Lunsod ng Jerusalem at sinamsam ang mga kayamanan sa Templo ni Yahweh at sa palasyo ng hari. Kinuha niya ang lahat, pati ang mga gintong kalasag na ipinagawa ni Solomon. 10 Pinapalitan ni Rehoboam ang mga iyon ng kalasag na tanso. Pinaingatan niya ang nasabing mga panangga sa pinuno ng mga bantay ng palasyo. 11 Tuwing pupunta sa Templo ang hari, inilalabas nila ang mga kalasag at pagkatapos ay ipinababalik sa silid ng mga bantay. 12 Sapagkat nagpakumbaba si Rehoboam, hindi ganap na ibinuhos ng Diyos ang galit nito sa kanya. Hindi sila nalipol nang tuluyan at naging matiwasay na ang kalagayan ng Juda.

Ang Buod ng Kasaysayan ng Paghahari ni Rehoboam

13 Naging matatag ang paghahari ni Rehoboam sa Jerusalem. Apatnapu't isang taóng gulang siya nang magsimulang maghari at labimpitong taon siyang naghari sa Jerusalem, ang lunsod na pinili ni Yahweh sa lahat ng lipi ng Israel upang doon siya sambahin. Ang kanyang ina ay si Naama, na isang Ammonita. 14 Naging masama siya sapagkat hindi niya sinunod ang kalooban ni Yahweh.

15 Ang mga ginawa ni Rehoboam buhat sa simula hanggang sa wakas, ay nakasulat sa Kasaysayan ng propetang si Semaias at sa Kasaysayan ng propetang si Iddo. Patuloy ang digmaan nina Jeroboam at Rehoboam sa buong panahon ng paghahari nila. 16 Nang mamatay si Rehoboam, inilibing siya sa Lunsod ni David at si Abias na anak niya ang humalili sa kanya bilang hari.

Pahayag 2

Ang Mensahe para sa Iglesya sa Efeso

“Isulat mo sa anghel ng iglesya sa Efeso:

“Ito ang sinasabi ng may hawak ng pitong bituin sa kanyang kanang kamay at lumalakad sa gitna ng pitong ilawang ginto. Alam ko ang mga ginagawa mo, ang iyong mga pagpapagal at matiyagang pagtitiis. Alam kong hindi mo kinukunsinti ang masasamang tao. Sinubok mo ang mga nagsasabing sila'y apostol, at napatunayan mong sila'y huwad. Alam ko ring matiyaga ka, nagtiis ng maraming hirap alang-alang sa akin at hindi ka sumuko. Subalit may isang bagay na ayaw ko sa iyo: iniwan mo na ang pag-ibig mo noong una. Alalahanin mo ang dati mong kalagayan; pagsisihan mo at talikuran ang iyong masasamang gawa, at gawin mong muli ang mga ginagawa mo noong una. Kapag hindi ka nagsisi, pupunta ako diyan at aalisin ko sa kinalalagyan ang iyong ilawan. Ngunit ito naman ang napupuri ko sa iyo; kinapopootan mo ring tulad ko ang mga ginagawa ng mga Nicolaita.

“Ang(A) lahat ng may pandinig ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesya!

“Sa magtatagumpay ay ibibigay ko ang karapatang kumain ng bunga ng punongkahoy ng buhay na nasa Paraiso ng Diyos.”

Ang Mensahe para sa Iglesya sa Esmirna

“Isulat(B) mo sa anghel ng iglesya sa Esmirna:

“Ito ang sinasabi sa iyo ng simula at wakas, ang namatay at muling nabuhay. Alam ko ang mga kapighatian na dinaranas mo. Alam kong mahirap ka, ngunit ang totoo'y mayaman ka. Nalalaman ko rin ang mga paninirang-puri sa iyo ng mga nagpapanggap na mga Judio; ngunit ang totoo, sila'y mga kampon ni Satanas. 10 Huwag kang matakot sa mga pag-uusig na malapit mo nang danasin. Makinig ka! Ipabibilanggo ng diyablo ang ilan sa inyo bilang pagsubok; magdurusa kayo sa loob ng sampung araw. Manatili kang tapat hanggang kamatayan, at gagantimpalaan kita ng korona ng buhay.

11 “Ang(C) lahat ng may pandinig ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesya!

“Ang magtatagumpay ay hindi masasaktan ng pangalawang kamatayan.”

Ang Mensahe para sa Iglesya sa Pergamo

12 “Isulat mo sa anghel ng iglesya sa Pergamo:

“Ito ang sinasabi ng may hawak ng matalas na tabak na sa magkabila'y may talim. 13 Alam ko kung saan ka nakatira, sa kinaroroonan ng trono ni Satanas. Gayunma'y nananatili kang tapat sa akin. Hindi mo tinalikuran ang iyong pananampalataya sa akin kahit noong si Antipas na tapat kong lingkod ay patayin diyan sa kalagitnaan ninyo sa lugar na tinitirhan ni Satanas. 14 Subalit(D) may ilang bagay na ayaw ko sa iyo: may ilan sa inyo na sumusunod sa katuruan ni Balaam na nagturo kay Balac upang mahikayat ang mga Israelita na magkasala. Kaya't kumain sila ng mga pagkaing inihandog sa mga diyus-diyosan at nakiapid. 15 May ilan din sa inyong sumusunod sa katuruan ng mga Nicolaita. 16 Kaya magsisi na kayo't talikuran ang inyong mga kasalanan! Kung hindi, pupunta ako diyan sa lalong madaling panahon at pupuksain ko ang mga taong iyon sa pamamagitan ng tabak na lumalabas sa aking bibig.

17 “Ang(E) lahat ng may pandinig ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesya!

“Ang magtatagumpay ay bibigyan ko ng nakatagong pagkain[a]. Bibigyan ko rin siya ng batong puti na kinasusulatan ng isang bagong pangalan, na walang sinumang nakakaalam maliban sa tatanggap niyon.”

Ang Mensahe para sa Iglesya sa Tiatira

18 “Isulat mo sa anghel ng iglesya sa Tiatira:

“Ito ang sinasabi ng Anak ng Diyos na may mga matang parang apoy na nagliliyab at mga paang kumikinang na parang tansong pinakintab. 19 Alam ko ang mga ginagawa mo: ang iyong pag-ibig, katapatan, paglilingkod at pagtitiyaga. Nalalaman kong ang mga ginagawa mo ngayon ay higit kaysa noong una. 20 Ngunit(F) ito ang ayaw ko sa iyo: pinapayagan mo si Jezebel, ang babaing nagpapanggap na propeta, na turuan at linlangin ang aking mga lingkod upang makiapid at kumain ng pagkaing inihandog sa mga diyus-diyosan. 21 Binigyan ko siya ng sapat na panahon upang pagsisihan at talikuran ang kanyang pakikiapid, ngunit ayaw niya. 22 Kaya nga bibigyan ko siya ng malubhang sakit, pati ang mga kasama niya sa pangangalunya. Daranas sila ng matinding kapighatian kung hindi nila pagsisisihan at tatalikuran ang kahalayang ginawa nila sa piling ng babaing iyan. 23 Papatayin(G) ko ang kanyang mga anak upang malaman ng mga iglesya na sinisiyasat ko ang puso't isip ng mga tao at gagantihan ko ang bawat isa sa inyo ayon sa inyong mga gawa.

24 “Ngunit para sa ibang mga taga-Tiatira, na hindi sumusunod sa katuruan ni Jezebel at hindi natuto ng tinatawag na ‘malalalim na lihim ni Satanas,’ ito ang sinasabi ko sa inyo: hindi ko kayo bibigyan ng ibang pasanin, 25 ngunit panghawakan ninyo kung anong mayroon kayo hanggang ako'y dumating. 26 Sa(H) magtatagumpay at tutupad ng ipinapagawa ko hanggang wakas, ibibigay ko sa kanya ang pamamahala sa mga bansa. 27 Mamamahala siya sa pamamagitan ng tungkod na bakal at dudurugin niya ang mga bansa na parang mga palayok. 28 Ibinibigay ko ito kung paanong ibinigay ito sa akin ng Ama. Ibibigay ko rin sa mga magtatagumpay ang bituin sa umaga.

29 “Ang lahat ng may pandinig ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesya!”

Zefanias 3

Ang Kapahamakan at Katubusan ng Israel

Mapapahamak ang mapaghimagsik na lunsod ng Jerusalem,
    punung-puno ng mga makasalanan at ng mga pinunong mapang-api.
Hindi ito sumusunod kay Yahweh
    at ayaw tumanggap ng kanyang pagtutuwid.
Wala itong tiwala sa kanya,
    at ayaw nitong lumapit sa Diyos upang humingi ng tulong.

Ang kanyang mga pinuno ay parang mga leong umuungal;
ang mga hukom nama'y parang mga asong-gubat sa gabi,
    na sa pagsapit ng umaga'y walang itinitira kahit na buto.
Ang kanyang mga propeta ay di mapagkakatiwalaan at mapanganib;
ang kanyang mga pari ay lapastangan sa mga bagay na sagrado;
    at binabaluktot ang kautusan para sa kanilang kapakinabangan.
Ngunit nasa lunsod pa rin si Yahweh;
    doo'y pawang tama ang kanyang ginawa
at kailanma'y hindi siya nagkakamali.
    Araw-araw ay walang tigil niyang ipinapakita
ang kanyang katarungan sa kanyang bayan,
    ngunit hindi pa rin nahihiya ang masasama sa paggawa ng kasalanan.

“Nilipol ko na ang mga bansa;
    winasak ko na ang kanilang mga tore at kuta.
Sinira ko na ang kanilang mga lansangan,
    kaya't wala ni isa mang doo'y dumaraan.
Giba na ang mga lunsod nila,
    wala nang naninirahan doon,” sabi ni Yahweh.
Kaya't nasabi ko, “Tiyak na matatakot na siya sa akin,
    tatanggap na siya ng aking pagtutuwid.
Hindi na niya ipagwawalang-bahala ang mga paalala ko.
Ngunit lalo pa siyang nasabik gumawa ng masama.”

“Kaya't hintayin ninyo ako,” sabi ni Yahweh,
    “hintayin ninyo ang araw ng aking pag-uusig.
Sapagkat ipinasya kong tipunin,
    ang mga bansa at ang mga kaharian,
upang idarang sila sa init ng aking galit,
    sa tindi ng aking poot;
at ang buong lupa ay matutupok sa apoy ng aking poot.

“Oo, sa panahong iyon ay babaguhin ko ang pananalita ng mga tao,
    at bibigyan ko sila ng dilang malinis,
upang sa kay Yahweh lamang manalangin at sumamba
    at buong pagkakaisang maglingkod sa kanya.
10 Mula sa kabilang panig ng mga ilog ng Etiopia,[a]
    ang aking nangalat na bayan,
    ay sasamba sa akin at magdadala ng kanilang handog.

11 “Sa araw na iyon ay hindi na kayo mapapahiya
    sa ginawa ninyong paghihimagsik sa akin,
sapagkat aalisin ko ang mga mapagmataas,
    at hindi na kayo maghihimagsik sa aking banal na bundok.
12 Iiwan ko roon
    ang mga taong mapagpakumbaba;
lalapit sila sa akin upang magpatulong.
13 Hindi(A) na gagawa ng kasamaan ang mga nakaligtas sa Israel;
    hindi na sila magsisinungaling ni mandaraya man.
Uunlad ang kanilang buhay at magiging panatag;
    wala na silang katatakutan.”

Isang Awit ng Kagalakan

14 Umawit ka nang malakas, Lunsod ng Zion! Sumigaw ka, Israel!
    Magalak ka ng buong puso, Lunsod ng Jerusalem!
15 Ang iyong kaparusahan ay inalis na ni Yahweh,
    at pinalayas na niya ang iyong mga kaaway.
Nasa kalagitnaan mo si Yahweh, ang Hari ng Israel,
    wala nang kasawiang dapat pang katakutan.
16 Sa araw na iyon ay sasabihin sa Jerusalem,
    “Huwag kang matakot, Zion;
    huwag kang panghinaan ng loob.
17 Nasa piling mo si Yahweh na iyong Diyos,
    at ang kanyang kapangyarihan ang magbibigay sa iyo ng tagumpay.
Siya ay magagalak sa iyo
    at ang pag-ibig niya ang magbibigay sa iyo ng bagong buhay.
Masaya siyang aawit sa laki ng kagalakan,
18     gaya ng nagdiriwang sa isang kapistahan.
Ililigtas kita sa iyong kapahamakan,
    upang huwag mo nang maranasan ang kahihiyan.
19 Sa panahong iyon ay haharapin ko ang mga umapi sa iyo.
Titipunin ko ang mga itinakwil,
    papalitan ko ng karangalan ang kanilang mga kahihiyan,
    at gagawin ko silang tanyag sa buong daigdig.
20 Sa panahong iyon, kayo'y aking titipunin at ibabalik sa inyong tahanan.
    Gagawin ko kayong bantog sa buong daigdig,
    at muli kong ibabalik ang inyong kayamanan at kasaganaan.”

Si Yahweh ang nagsabi nito.

Juan 1

Ang Salita ng Buhay

Nang pasimula ay naroon na ang Salita; ang Salita ay kasama ng Diyos, at ang Salita ay Diyos. Sa pasimula ay kasama na ng Diyos ang Salita. Nilikha ang lahat ng bagay sa pamamagitan niya, at walang anumang nalikha nang hindi sa pamamagitan niya. Nasa kanya ang buhay,[a] at ang buhay ay siyang ilaw ng sangkatauhan. Nagliliwanag sa kadiliman ang ilaw, at hindi ito nagapi kailanman ng kadiliman.

Sinugo(A) ng Diyos ang isang tao na nagngangalang Juan. Naparito siya upang magpatotoo tungkol sa ilaw at upang ang lahat ay sumampalataya sa pamamagitan niya. Hindi siya ang ilaw subalit naparito siya upang magpatotoo tungkol sa ilaw. Ito ang tunay na ilaw: dumarating ito sa sanlibutan upang magbigay liwanag sa lahat ng tao.[b]

10 Dumating ang Salita sa sanlibutan ngunit hindi siya kinilala ng sanlibutang ito na nilikha sa pamamagitan niya. 11 Pumunta siya sa kanyang bayan ngunit hindi siya tinanggap ng sarili niyang kababayan. 12 Subalit ang lahat ng tumanggap at sumampalataya sa kanya ay binigyan niya ng karapatang maging mga anak ng Diyos. 13 Sila ay naging mga anak ng Diyos, hindi dahil sa isinilang sila ayon sa kalikasan o sa kagustuhan o sa kagagawan ng tao, kundi ayon sa kalooban ng Diyos.

14 Naging tao ang Salita at nanirahan sa piling namin. Nakita namin ang kaluwalhatiang tunay na kanya bilang kaisa-isang Anak ng Ama. Siya ay puspos ng kagandahang-loob at ng katotohanan.

15 Nagpatotoo si Juan tungkol sa kanya, na isinisigaw, “Siya ang tinutukoy ko nang aking sabihin, ‘Ang dumarating na kasunod ko'y higit kaysa sa akin, sapagkat siya ay naroon na bago pa man ako ipanganak.’”

16 Mula sa kapuspusan ng kanyang kagandahang-loob, tumanggap tayong lahat ng abut-abot na kagandahang-loob. 17 Ibinigay ang Kautusan sa pamamagitan ni Moises; ngunit dumating ang kagandahang-loob at katotohanan sa pamamagitan ni Jesu-Cristo. 18 Kailanma'y wala pang taong nakakita sa Diyos, ngunit ang natatanging Diyos[c] na pinakamamahal ng Ama, ang nagpakilala sa Ama.

Ang Patotoo ni Juan na Tagapagbautismo(B)

19 Ang mga pinuno ng mga Judio sa Jerusalem ay nagsugo ng mga pari at Levita upang itanong kay Juan kung sino nga ba siya. 20 Hindi nagkaila si Juan; sa halip ay maliwanag niyang sinabi, “Hindi ako ang Cristo.”

21 “Sino(C) ka kung gayon?” tanong nila. “Ikaw ba si Elias?”

“Hindi ako si Elias,” tugon niya.

“Ikaw ba ang Propeta?”

Sumagot siya, “Hindi rin.”

22 “Sino ka kung gayon? Sabihin mo kung sino ka upang may masabi kami sa mga nagsugo sa amin. Ano ang masasabi mo tungkol sa iyong sarili?” tanong nilang muli.

23 Sumagot(D) si Juan ayon sa nasusulat sa aklat ni Propeta Isaias,

    “Ako ang tinig ng isang taong sumisigaw sa ilang,
    ‘Tuwirin ninyo ang daraanan ng Panginoon.’”

24 Ang mga nagtanong ay sugo ng mga Pariseo. 25 Muli nilang tinanong si Juan, “Bakit ka nagbabautismo, gayong hindi naman pala ikaw ang Cristo, o si Elias, o ang Propeta?”

26 Sumagot si Juan, “Ako'y nagbabautismo sa tubig, ngunit nasa inyong kalagitnaan ang isang hindi ninyo nakikilala. 27 Dumarating siyang kasunod ko subalit hindi man lamang ako karapat-dapat na magkalag ng tali ng kanyang sandalyas.”

28 Ang mga ito'y nangyari sa Bethania, sa silangan ng Ilog Jordan na pinagbabautismuhan ni Juan.

Ang Kordero ng Diyos

29 Kinabukasan, nakita ni Juan si Jesus na lumalapit sa kanya. Sinabi niya, “Tingnan ninyo, siya ang Kordero ng Diyos na nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan. 30 Siya ang tinutukoy ko nang sabihin kong ang dumarating na kasunod ko ay higit sa akin, sapagkat siya'y naroon na bago pa man ako ipanganak. 31 Hindi ko rin siya kilala noon subalit ako'y naparitong nagbabautismo sa tubig upang ipakilala siya sa Israel.”

32 Ganito ang patotoo ni Juan: “Nakita ko ang Espiritu na bumababa na parang isang kalapati na buhat sa langit at nanatili sa kanya. 33 Hindi ko nga siya kilala noon. Ngunit ang nagsugo sa akin upang magbautismo sa tubig ang siyang nagsabi sa akin, ‘Kung kanino mo makitang bumabâ at manatili ang Espiritu, siya ang magbabautismo sa pamamagitan ng Espiritu Santo.’ 34 Ngayon ay nakita ko siya, at pinapatotohanan kong siya ang Anak ng Diyos.”

Ang Unang Apat na Alagad ni Jesus

35 Kinabukasan, naroon muli si Juan kasama ang dalawa sa kanyang mga alagad. 36 Nang makita niya si Jesus na nagdaraan ay kanyang sinabi, “Tingnan ninyo, siya ang Kordero ng Diyos!”

37 Narinig ng dalawang alagad ang sinabi niya, kaya't sumunod sila kay Jesus. 38 Lumingon si Jesus, at nang makita niyang sumusunod sa kanya ang mga ito, sila'y tinanong niya, “Ano ang kailangan ninyo?”

Sumagot sila, “Saan po kayo nakatira, Rabi?” Ang kahulugan ng salitang ito'y Guro.

39 “Halikayo at tingnan ninyo,” sabi ni Jesus.

Sumama sila kay Jesus at nakita nila ang kanyang tinitirhan; at tumuloy sila roon nang araw na iyon. Noo'y mag-aalas kuwatro na ng hapon.

40 Ang isa sa dalawang alagad na nakarinig kay Juan at sumunod kay Jesus ay si Andres na kapatid ni Simon Pedro. 41 Unang hinanap ni Andres ang kanyang kapatid na si Simon. Sinabi niya rito, “Nakita na namin ang Mesiyas!” Ang kahulugan ng salitang ito'y Cristo. 42 At isinama ni Andres si Simon kay Jesus.

Tiningnan ni Jesus si Simon at sinabi sa kanya, “Ikaw ay si Simon na anak ni Juan. Ikaw ay tatawaging Cefas”[d] (na ang katumbas ay Pedro[e]).

Ang Pagkatawag kina Felipe at Nathanael

43 Kinabukasan, minabuti ni Jesus na pumunta sa Galilea. Nakita niya roon si Felipe at sinabi ni Jesus sa kanya, “Sumunod ka sa akin.” 44 Si Felipe ay taga-Bethsaida, tulad nina Andres at Pedro.

45 Nakita ni Felipe si Nathanael at sinabi niya dito, “Natagpuan na namin ang tinutukoy ni Moises sa kanyang isinulat sa aklat ng Kautusan at gayundin ng mga propeta. Siya'y si Jesus na taga-Nazaret, na anak ni Jose.”

46 “May mabuti bang maaaring magmula sa Nazaret?” tanong ni Nathanael.

Sumagot si Felipe, “Halika't tingnan mo.”

47 Nang malapit na si Nathanael ay sinabi ni Jesus, “Masdan ninyo ang isang tunay na Israelita. Wala siyang anumang pagkukunwari.”

48 Tinanong siya ni Nathanael, “Paano ninyo ako nakilala?”

Sumagot si Jesus, “Bago ka pa tawagin ni Felipe, nakita na kita nang ikaw ay nasa ilalim ng puno ng igos.”

49 Sumagot si Nathanael, “Rabi, kayo nga po ang Anak ng Diyos! Kayo ang Hari ng Israel!”

50 Sinabi ni Jesus, “Sumampalataya ka ba dahil sa sinabi ko sa iyong nakita kita sa ilalim ng puno ng igos? Higit pa riyan ang masasaksihan mo.” 51 At(E) sinabi niya sa kanya, “Pakatandaan mo: makikita ninyong bukás ang langit, at ang mga anghel ng Diyos ay manhik-manaog sa kinaroroonan ng Anak ng Tao!”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.