M’Cheyne Bible Reading Plan
Ang Pagdiriwang ng Paskwa sa Panahon ni Haring Josias(A)
35 Iniutos ni Josias na ang Paskwa ni Yahweh ay ipagdiwang sa Jerusalem noong ikalabing apat na araw ng unang buwan. Kaya't pinatay nila ang mga korderong pampaskwa. 2 Ibinalik niya ang mga pari sa kani-kanilang tungkulin at pinagbilinang pagbutihin ang paglilingkod sa loob ng Templo ni Yahweh. 3 Sinabi naman niya sa mga Levita, na mga tagapagturo sa mga Israelita at matatapat kay Yahweh: “Dalhin ninyo ang Kaban ng Tipan sa Templong ipinagawa ni Solomon na anak ni David. Hindi na ninyo ito papasanin ngayon. Panahon na upang paglingkuran ninyo ang Diyos ninyong si Yahweh at ang bayang Israel. 4 Ayusin(B) ninyo ang inyong mga pangkat na manunungkulan ayon sa kani-kanilang sambahayan batay sa mga tagubilin ni Haring David at ng anak niyang si Solomon. 5 Pagbukud-bukurin ninyo sa bulwagan ng Templo ang inyong mga kababayang hindi Levita ayon din sa sambahayan. Bawat pangkat ay pasasamahan ninyo ng isang pangkat ng mga Levita. 6 Patayin ninyo ang korderong pampaskwa, linisin ninyo ang inyong mga sarili ayon sa Kautusan at ihanda ang mga handog upang magampanan ng inyong mga kababayan ang ayon sa mga bilin ni Yahweh sa pamamagitan ni Moises.”
7 Nagbigay si Josias ng 30,000 kordero at mga batang kambing bilang handog na susunugin bukod pa sa 3,000 torong panghandog para pagsalu-saluhan. 8 Ang mga pinuno sa ilalim niya ay buong puso ring nagkaloob ng handog para sa bayan, sa mga pari at sa mga Levita. Ang mga punong-katiwala naman sa Templo na sina Hilkias, Zacarias at Jehiel ay nagbigay ng dalawang libo at animnaraang tupa para sa mga pari at tatlong daang toro bilang handog pampaskwa. 9 Ang mga pinuno naman ng mga Levita na sina Conanias, Semaya, Nathanael, Hosabias, Jehiel at Jozabad ay nagbigay ng limanlibong kordero at batang kambing para sa mga Levita at limandaang toro bilang handog na pampaskwa.
10 Matapos ihanda ang lahat, tumayo na sa kanya-kanyang puwesto ang mga pari. Ang mga Levita nama'y kasama ng kani-kanilang pangkat ayon sa utos ng hari. 11 Pinatay nila ang mga korderong pampaskwa at ang dugo nito ay ibinuhos ng mga pari sa ibabaw ng altar samantalang binabalatan naman ng mga Levita ang mga hayop. 12 Pagkatapos, kinuha nila ang taba nito at ipinamahagi sa mga tao ayon sa kani-kanilang sambahayan upang ihandog kay Yahweh ayon sa nakasulat sa Aklat ni Moises. Ganoon din ang ginawa nila sa mga toro. 13 Nilitson(C) nila ang korderong pampaskwa ayon sa tuntunin. Ang iba namang karneng handog ay inilaga sa mga palayok, kaldero at kawa at ipinamigay sa mga tao. 14 Pagkatapos nito, naghanda ang mga Levita ng pagkain para sa kanila at sa mga paring mula sa angkan ni Aaron. Sila rin ang naghanda ng pagkain ng mga pari sapagkat hanggang sa gabi ang mga ito'y abalang-abala sa pag-aalay ng mga handog na susunugin at ng mga taba. 15 Nanatili(D) sa kanilang mga puwesto ang mga mang-aawit, ang mga anak ni Asaf ayon sa tuntuning itinakda ni Haring David at ng mga lingkod niyang sina Asaf, Heman at Jeduthun na propeta ng hari. Hindi na rin kailangang umalis ang mga bantay sa pinto sapagkat lahat sila'y dinadalhan ng pagkain ng mga Levita.
16 Ang lahat ay ginawa ayon sa tagubilin ni Haring Josias: ang pagpupuri kay Yahweh, ang pagdiriwang ng Paskwa at ang paghahandog. 17 Pitong(E) araw na ipinagdiwang ng mga Israelita ang Paskwa at ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa. 18 Mula pa noong panahon ni propeta Samuel, wala pang ganitong pagdiriwang ng Paskwa na naganap sa Israel. Wala ring ibang hari sa Israel na nakagawa ng ginawang ito ni Haring Josias. Siya lamang ang nakapagtipon ng lahat ng pari, Levita at ng mga taga-Juda at taga-Israel kasama ang mga taga-Jerusalem upang ipagdiwang ang Paskwa. 19 Naganap ito noong ikalabing walong taon ng kanyang paghahari.
Ang Buod ng Kasaysayan ni Haring Josias(F)
20 Nang maisaayos na ni Josias ang lahat ng nauukol sa Templo, sinalakay ni Haring Neco ng Egipto ang Carquemis sa may Ilog Eufrates. Hindi ito nagustuhan ni Josias kaya't hinarap niya ito. 21 Dahil dito, nagpadala ng sugo si Neco at sinabi, “Wala tayong dapat pag-awayan, mahal na hari ng Juda. Hindi ikaw ang pinuntahan ko rito kundi ang aking mga kaaway. Sinabi sa akin ng Diyos na tapusin ko agad ito. Kakampi ko ang Diyos kaya't huwag mo na akong hadlangan kung ayaw mong puksain ka niya.” 22 Ngunit hindi nagbago ng isip si Josias. Ipinasiya niyang lumaban. Hindi siya naniwala sa sinabi ng Diyos sa pamamagitan ni Neco. Nagbalatkayo siya at pumunta sa labanan sa kapatagan ng Megido. 23 Sa kainitan ng labanan ay tinamaan si Haring Josias ng palaso at malubhang nasugatan. Kaya't iniutos niya sa kanyang mga tauhan na ilayo na siya roon. 24 Inilipat siya ng mga ito sa ikalawang karwahe at dinala sa Jerusalem. Subalit namatay din siya at inilibing sa libingan ng kanyang mga ninuno. Nagluksa ang buong Juda at Jerusalem dahil sa kanyang pagkamatay. 25 Nagluksa rin si Jeremias at lumikha pa siya ng isang awit ng pagluluksa sa pagkamatay ni Josias. Inaawit pa ito hanggang ngayon ng mga mang-aawit bilang pag-alala sa kanya. Naging kaugalian na ito sa Israel at ang awiting ito'y matatagpuan sa Aklat ng mga Pagluluksa.
26 Ang iba pang mga ginawa ni Josias at ang kanyang paglilingkod sa Diyos, pagsunod sa Kautusan ni Yahweh, 27 buhat sa simula hanggang wakas, ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel at Juda.
Ang Bagong Langit at ang Bagong Lupa
21 Pagkatapos(A) nito, nakita ko ang isang bagong langit at isang bagong lupa. Wala na ang dating langit at lupa, wala na rin ang dagat. 2 At(B) nakita ko ang Banal na Lungsod, ang bagong Jerusalem na bumababa mula sa langit buhat sa Diyos, gaya ng isang babaing ikakasal. Siya'y nakabihis at nakahanda sa pagsalubong sa kanyang mapapangasawa. 3 Narinig(C) ko ang isang malakas na tinig mula sa trono, “Tingnan ninyo, ang tahanan ng Diyos ay nasa piling na ng mga tao! Maninirahan siyang kasama nila, at sila'y magiging bayan niya. Diyos mismo ang makakapiling nila at siya ang magiging Diyos nila. 4 At(D) papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata. Wala nang kamatayan, dalamhati, pagtangis, at paghihirap sapagkat lumipas na ang dating mga bagay.”
5 Pagkatapos ay sinabi ng nakaupo sa trono, “Pagmasdan ninyo, ginagawa kong bago ang lahat ng bagay!” At sinabi niya sa akin, “Isulat mo, sapagkat maaasahan at totoo ang mga salitang ito.” 6 Sinabi(E) rin niya sa akin, “Naganap na! Ako ang Alpha at ang Omega, ang simula at ang wakas. Ang sinumang nauuhaw ay bibigyan ko ng tubig na walang bayad mula sa bukal na nagbibigay-buhay. 7 Ito(F) ang makakamtan ng magtatagumpay: ako'y magiging Diyos niya at siya nama'y magiging anak ko. 8 Subalit para naman sa mga duwag, mga taksil, mga gumagawa ng mga kasuklam-suklam na bagay, mga mamamatay-tao, mga nakikiapid, mga mangkukulam, mga sumasamba sa diyus-diyosan, at sa lahat ng mga sinungaling—ang magiging bahagi nila'y sa lawa ng nagliliyab na apoy at asupre. Ito ang pangalawang kamatayan.”
Ang Bagong Jerusalem
9 Ang isa sa pitong anghel na may dalang pitong mangkok na punô ng pitong huling salot ay lumapit sa akin. Sabi niya, “Halika, at ipapakita ko sa iyo ang babaing mapapangasawa ng Kordero.” 10 Napasailalim(G) ako sa kapangyarihan ng Espiritu, at ako'y dinala ng anghel sa ibabaw ng isang napakataas na bundok. Ipinakita niya sa akin ang Jerusalem, ang Banal na Lungsod, na bumababa mula sa langit buhat sa Diyos. 11 Nagliliwanag ito dahil sa kaluwalhatian ng Diyos; kumikislap na parang batong hiyas, gaya ng jasper, at sinlinaw ng kristal. 12 Ang(H) pader nito'y makapal, mataas at may labindalawang (12) pinto, at sa bawat pinto ay may isang anghel. Nakasulat sa mga pinto ang mga pangalan ng labindalawang (12) lipi ng Israel, isang pangalan bawat pinto. 13 May tatlong pinto ang bawat panig: tatlo sa silangan, tatlo sa timog, tatlo sa hilaga, at tatlo sa kanluran. 14 Ang pader ng lungsod ay may labindalawang (12) pundasyon at nakasulat sa mga ito ang mga pangalan ng labindalawang (12) apostol ng Kordero.
15 Ang(I) anghel na nagsalita sa akin ay may hawak na gintong panukat upang sukatin ang lungsod, gayundin ang mga pinto at ang pader nito. 16 Parisukat ang ayos ng lungsod, kung ano ang haba, ganoon din ang luwang. Sinukat ng anghel ang lungsod, at ang lumabas na sukat ng lungsod ay dalawang libo apatnaraang (2,400) kilometro ang haba at ang luwang, gayundin ang taas. 17 Sinukat din niya ang pader at animnapu't limang (65) metro naman ang taas nito, ayon sa panukat na dala ng anghel. 18 Batong(J)(K) jasper ang pader, at ang lungsod ay lantay na gintong kumikinang na parang kristal. 19 Ang saligan ng pader ay punô ng lahat ng uri ng mamahaling bato. Jasper ang una, safiro ang ikalawa, kalsedonia ang ikatlo, esmeralda ang ikaapat, 20 onise ang ikalima, kornalina ang ikaanim, krisolito ang ikapito, berilo ang ikawalo, topaz ang ikasiyam, krisopraso ang ikasampu, hasinto ang ikalabing-isa, at amatista ang ikalabindalawa. 21 Perlas ang labindalawang (12) pinto, bawat pinto ay yari sa iisang perlas. Purong ginto ang lansangan ng lungsod at kumikinang na parang kristal.
22 Wala akong nakitang templo sa lungsod sapagkat ang nagsisilbing templo roon ay ang Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat at ang Kordero. 23 Hindi(L) na kailangan ang araw o ang buwan upang bigyang liwanag ang lungsod, sapagkat ang kaluwalhatian ng Diyos ang nagbibigay ng liwanag doon at ang Kordero ang siyang ilawan. 24 Sa(M) liwanag nito'y lalakad ang lahat ng tao, at dadalhin doon ng mga hari sa lupa ang kanilang kayamanan. 25 Hindi isasara ang mga pinto ng lungsod sa buong maghapon, at hindi na sasapit doon ang gabi. 26 Dadalhin sa lungsod ang yaman at dangal ng mga bansa, 27 ngunit(N) hindi makakapasok doon ang anumang bagay na marumi, ni ang mga gumagawa ng kasuklam-suklam, ni ang mga sinungaling. Ang mga tao lamang na ang pangalan ay nakasulat sa aklat ng buhay na iniingatan ng Kordero ang makakapasok sa lungsod.
3 Sabi(A) ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, “Ipadadala ko ang aking sugo upang ihanda ang daraanan ko. At si Yahweh na inyong hinahanap ay biglang darating sa kanyang templo. Darating ang pinakahihintay ninyong sugo at ipahahayag ang aking tipan.”
2 Ngunit(B) sino ang makakatagal pagdating ng araw na iyon? Sino ang makakaharap kapag napakita na siya? Para siyang apoy na nagpapadalisay sa bakal at parang sabon na may matapang na sangkap. 3 Darating siya at mauupong tulad ng isang tagapagdalisay ng pilak. Dadalisayin niya ang mga anak na lalaki ni Levi katulad ng ginto at pilak at sa pamamagitan nito'y magiging karapat-dapat ang kanilang handog kay Yahweh. 4 Dahil dito, ang mga handog na dadalhin ng mga taga-Juda at Jerusalem ay magiging kalugud-lugod kay Yahweh, tulad ng dati.
5 Sinabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, “Darating ako upang hatulan ang mga mangkukulam, ang mga mangangalunya, ang mga bulaang saksi, ang mga nandaraya sa kanilang mga manggagawa, ang mga nagsasamantala sa mga biyuda, sa mga ulila't mga dayuhan at ang mga hindi gumagalang sa akin.”
Ang Pagbibigay ng Ikasampung Bahagi
6 “Ako(C) si Yahweh. Hindi pa kayo lubusang nalilipol sapagkat hindi ako nagbabago sa aking pangako. 7 Subalit tulad ng inyong mga ninuno, tumalikod kayo at sinuway ninyo ang aking mga kautusan. Manumbalik kayo sa akin at manunumbalik din ako sa inyo,” sabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat. Itinatanong ninyo, ‘Paano kami manunumbalik sa inyo?’
8 “Ang tanong ko nama'y, matuwid bang pagnakawan ng tao ang Diyos? Hindi! Ngunit pinagnanakawan ninyo ako. Sa paanong paraan? Sa mga ikasampung bahagi at mga handog. 9 Isinumpa ko kayong lahat sapagkat ako'y pinagnanakawan ng buong bansa. 10 Dalhin(D) ninyo nang buong-buo ang inyong mga ikasampung bahagi sa tahanan ng Diyos upang matugunan ang pangangailangan sa aking tahanan. Subukin ninyo ako sa bagay na ito, kung hindi ko buksan ang mga bintana ng langit at ibuhos sa inyo ang masaganang pagpapala. 11 Hindi ko rin hahayaang salantain ng mga balang ang inyong mga pananim at mamumunga na nang sagana ang inyong mga ubasan. 12 Dahil dito'y sasabihin ng lahat ng bansa na kayo'y mapalad sapagkat napakainam manirahan sa inyong lupain,” sabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat.
Ang Pangako
13 “Masasakit ang sinabi ninyo tungkol sa akin,” sabi ni Yahweh. “Ngunit ang tanong ninyo, ‘Ano ba ang sinabi namin laban sa inyo?’ 14 Sabi ninyo, ‘Walang saysay ang maglingkod sa Diyos. Ano ba ang mapapala natin sa pagsunod sa kanyang mga utos o sa pagpapakita natin kay Yahweh na nagsisisi tayo sa nagawa nating kasalanan? 15 Hindi ba't kung sino ang palalo ay siya pang pinagpapala? Hindi lamang nananagana ang masasama kundi sinusubok pa nila ang Diyos sa paggawa nila ng kasamaan ngunit hindi sila pinaparusahan.’”
16 Pagkatapos, nag-usap-usap ang mga taong may paggalang kay Yahweh. Pinakinggan niyang mabuti ang kanilang usapan, kaya ipinatala niya sa isang aklat ang mga pangalan ng mga gumagalang sa kanya. 17 “Magiging akin sila,” sabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat. “Sa araw na ako'y kumilos, itatangi ko sila bilang sariling akin. Ililigtas ko sila, tulad ng pagliligtas ng isang ama sa anak na naglilingkod sa kanya. 18 Muli ninyong makikita ang pagkakaiba ng mabuti at ng masama, ng taong naglilingkod sa Diyos at ng hindi naglilingkod sa kanya.”
Ang Muling Pagkabuhay ni Jesus(A)
20 Madilim-dilim pa nang unang araw ng sanlinggo, pumunta si Maria Magdalena sa libingan. Naratnan niyang naalis na ang batong nakatakip sa libingan. 2 Dahil dito, patakbo siyang pumunta kay Simon Pedro at sa alagad na mahal ni Jesus, at sinabi sa kanila, “Kinuha nila ang Panginoon mula sa libingan, at hindi namin alam kung saan siya inilagay!”
3 Sina Pedro at ang nasabing alagad ay nagpunta sa libingan. 4 Kapwa sila tumakbo ngunit si Pedro'y naunahan noong isa. 5 Yumuko ito at sumilip sa loob ng libingan ngunit hindi pumasok. Nakita niyang nakalagay doon ang mga telang lino. 6 Nang dumating si Simon Pedro, tuluy-tuloy itong pumasok sa libingan at nakita nito ang mga telang lino, 7 at ang panyong ibinalot sa ulo ni Jesus. Ang panyo ay hindi kasama ng mga telang lino, kundi hiwalay na nakatiklop sa isang tabi. 8 Pumasok din ang alagad na naunang dumating at nakita niya ito, at siya'y naniwala. 9 Hindi pa nila nauunawaan noon na si Jesus ay kailangang muling mabuhay ayon sa kasulatan. 10 At umuwi ang mga alagad sa kanilang mga tahanan.
Nagpakita si Jesus kay Maria Magdalena(B)
11 Si Maria ay nakatayong umiiyak sa labas ng libingan. Habang umiiyak ay yumuko siya at sumilip sa loob. 12 May nakita siyang dalawang anghel na nakadamit ng puti at nakaupo sa pinaglagyan ng bangkay ni Jesus, ang isa'y sa gawing ulunan at ang isa nama'y sa paanan. 13 Tinanong nila si Maria, “Babae, bakit ka umiiyak?”
Sumagot siya, “Kinuha nila ang aking Panginoon at hindi ko alam kung saan siya inilagay.”
14 Pagkasabi nito'y napalingon siya at nakita niya si Jesus na nakatayo roon, ngunit hindi niya nakilalang si Jesus iyon.
15 Tinanong siya ni Jesus, “Babae, bakit ka umiiyak? Sino ang hinahanap mo?”
Akala ni Maria, ang kausap niya'y ang hardinero kaya't sinabi niya, “Ginoo, kung kayo po ang kumuha sa kanya, pakituro nga po ninyo sa akin kung saan ninyo siya inilagay at kukunin ko.”
16 “Maria!” sabi ni Jesus.
Humarap siya at kanyang sinabi sa wikang Hebreo, “Raboni!” na ang ibig sabihi'y “Guro.”
17 Sabi ni Jesus, “Huwag mo akong hawakan sapagkat hindi pa ako nakakapunta sa Ama. Sa halip, pumunta ka sa aking mga kapatid at sabihin mo sa kanila na aakyat ako sa aking Ama at inyong Ama, sa aking Diyos at inyong Diyos.”
18 Kaya't si Maria Magdalena ay pumunta sa mga alagad at ibinalita sa kanila, “Nakita ko ang Panginoon!” At sinabi rin niya sa kanila ang mga sinabi sa kanya ni Jesus.
Nagpakita si Jesus sa Kanyang mga Alagad(C)
19 Kinagabihan ng araw ding iyon na unang araw ng linggo, habang nakasara ang mga pinto ng bahay na kinaroroonan ng mga alagad dahil sa takot nila sa mga Judio, dumating si Jesus. Tumayo siya sa kalagitnaan nila at sinabi, “Sumainyo ang kapayapaan!” 20 Pagkasabi nito, ipinakita niya ang kanyang mga kamay at ang kanyang tagiliran. Tuwang-tuwa ang mga alagad nang makita nila ang Panginoon. 21 Muling sinabi ni Jesus, “Sumainyo ang kapayapaan! Kung paanong isinugo ako ng Ama, isinusugo ko rin kayo.” 22 Pagkatapos, sila'y hiningahan niya at sinabi, “Tanggapin ninyo ang Espiritu Santo. 23 Kung(D) patatawarin ninyo ang mga kasalanan ninuman ay pinatawad na ang mga iyon, subalit ang hindi ninyo patatawarin ay hindi nga pinatawad.”
Ang Pag-aalinlangan ni Tomas
24 Ngunit si Tomas, na tinatawag na Kambal at kabilang sa Labindalawa, ay wala roon nang dumating si Jesus. 25 Kaya't sinabi sa kanya ng ibang mga alagad, “Nakita namin ang Panginoon!”
Sumagot si Tomas, “Hindi ako maniniwala hangga't hindi ko nakikita ang mga butas ng mga pako sa kanyang mga kamay, at hangga't hindi ko nailalagay ang aking daliri sa mga iyon at nahahawakan ang kanyang tagiliran.”
26 Makalipas ang isang linggo, muling nagkatipon sa loob ng bahay ang mga alagad at kasama nila si Tomas. Nakasara ang mga pinto, ngunit pumasok si Jesus at tumayo sa kalagitnaan nila. Sinabi niya, “Sumainyo ang kapayapaan!” 27 At sinabi niya kay Tomas, “Ilagay mo ang iyong daliri dito at tingnan mo ang aking mga kamay. Ilagay mo ang iyong kamay sa aking tagiliran. Huwag ka nang mag-alinlangan pa, sa halip ay maniwala ka.”
28 Sumagot si Tomas, “Panginoon ko at Diyos ko!”
29 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Naniniwala ka na ba dahil nakita mo ako? Pinagpala silang hindi nakakita gayunma'y naniniwala.”
Ang Layunin ng Aklat na Ito
30 Marami pang mga himalang ginawa si Jesus na nasaksihan ng mga alagad na hindi nakasulat sa aklat na ito. 31 Ngunit ang mga nakasulat dito ay isinulat upang kayo'y sumampalataya[a] na si Jesus ang Cristo, ang Anak ng Diyos, at sa pagsampalatayang iyon ay magkaroon kayo ng buhay sa pamamagitan niya.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.