Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
2 Cronica 22-23

Si Haring Ahazias ng Juda(A)

22 Pagkamatay ni Jehoram, ang bunsong anak nitong si Ahazias ang iniluklok ng mga taga-Jerusalem upang maging hari. Ang ibang mga kapatid niya ay napatay ng pangkat na sumalakay sa Juda kasama ng mga Arabo, kaya siya ang ginawang hari ng Juda. Apatnapu't dalawang taon na si Ahazias nang magsimulang maghari at isang taon siyang namahala sa Juda. Sa Jerusalem siya nanirahan. Ang ina niya'y si Atalia na apo ni Omri.

Sinunod din ni Ahazias ang gawain ng mga hari sa Israel sapagkat ang kanyang ina ang naging tagapayo niya sa paggawa ng masama. Tulad sa angkan ni Ahab, hindi nalugod si Yahweh sa ginawa niya sapagkat ang mga ito ang naging tagapayo niya pagkamatay ng kanyang ama. At ito ang dahilan ng kanyang pagbagsak. Ang mga ito rin ang sinunod niya nang sumama siya kay Joram[a] na anak ni Haring Ahab ng Israel upang labanan sa Ramot-gilead si Hazael na hari ng Siria. Sa labanang iyon nasugatan si Joram.[b] Dahil sa nangyaring ito, ibinalik siya sa Jezreel upang doon magpagaling ng mga sugat. Doon siya dinalaw ni Ahazias. Kalooban ng Diyos na ang pagdalaw niyang ito ang maging pagkakataon para siya bumagsak. Sumama siya kay Joram[c] upang makipagkita kay Jehu na anak ni Namsi. Si Jehu ang pinili ni Yahweh upang lipulin ang sambahayan ni Ahab. Sa pagsasakatuparan nito, natagpuan niya ang mga pinuno ng Juda at ang mga pamangkin ni Ahazias na naglilingkod dito. Kaya't pinagpapatay niya ang mga ito. Ipinahanap nila si Ahazias at natagpuan ito sa Samaria. Dinala nila ito kay Jehu at kanyang ipinapatay. Ipinalibing niya ito at ang sabi, “Apo ito ni Jehoshafat na tapat na naglingkod kay Yahweh.” Walang natira sa sambahayan ni Ahazias na may kakayahang maghari sa Juda.

Si Reyna Atalia ng Juda(B)

10 Nang malaman ni Atalia na ang anak niyang si Ahazias ay patay na, pinagpapatay rin niya ang sambahayan ng hari ng Juda. 11 Ngunit naitakas ni Jehosabet ang anak ni Ahazias na si Joas. Itinago niya ito sa isang silid-tulugan sa Templo kasama ng tagapag-alaga. Sa ganoong paraan iniligtas ni Jehosabet ang kanyang pamangking si Joas. Si Jehosabet ay asawa ng paring si Joiada at kapatid ni Ahazias sapagkat sila'y anak ni Haring Jehoram. 12 Si Joas ay itinago niya sa Templo kaya hindi napatay. Anim na taon siya roon, sa buong panahong namamahala si Atalia bilang reyna.

Ang Paghihimagsik Laban kay Reyna Atalia(C)

23 Noong ikapitong taon, naglakas-loob si Joiada na makipagkasundo sa mga pinuno ng hukbo na sina Azarias na anak ni Jeroham, Ismael na anak ni Jehohanan, Azarias na anak ni Obed, Maasias na anak ni Adaya at Elisafat na anak ni Zicri. Mga pinuno sila ng mga pangkat na daan-daan. Nilibot nila ang buong Juda at tinipon sa Jerusalem ang lahat ng Levita mula sa mga lunsod at ang mga pinuno ng mga angkan ng Israel. Nagtipun-tipon(D) sila sa bulwagan ng Templo ng Diyos at nanumpa ng katapatan sa hari. Sinabi sa kanila ni Joiada: “Narito ang anak ng yumaong hari! Dapat siyang maghari ayon sa pangako ni Yahweh tungkol sa mga anak ni David. Ito ang inyong gagawin: Ang ikatlong bahagi ng mga pari at Levita na naglilingkod kung Araw ng Pamamahinga ay magbabantay sa mga pintuan, ang isa pang ikatlo'y sa palasyo at ang natirang ikatlo'y doon naman sa Pintong Saligan. Ang buong bayan naman ay maghihintay sa mga bulwagan ng Templo ni Yahweh. Walang papasok sa Templo kundi ang mga pari at mga Levitang naglilingkod. Sila lamang ang makakapasok sapagkat sila lamang ang itinalaga ng Diyos para dito. Subalit ang mga taong-bayan ay maghihintay sa labas gaya nang ipinag-uutos ni Yahweh. Sa palibot ng hari'y magbabantay ang mga Levita na ang bawat isa'y may sandata. Papatayin ang sinumang mangahas pumasok sa Templo. Huwag ninyong hihiwalayan ang hari.”

Sinunod ng mga Levita at ng mga mamamayan ng Juda ang lahat ng utos ng paring si Joiada. Ang bawat pinuno ay laging kasama ng kanyang mga tauhan pati ang pangkat na pamalit o papalitan sa Araw ng Pamamahinga sapagkat sila'y hindi pinapauwi ni Joiada. Ibinigay niya sa mga pinuno ng hukbo ang mga sibat at ang malalaki at maliliit na panangga ni Haring David na nakatago sa Templo. 10 May sandata ang bawat isa at ang lahat ay nakabantay sa bawat sulok mula sa timog hanggang hilaga ng palasyo at sa palibot ng altar sa harapan ng Templo. 11 Nang maisagawa na ang lahat ng ito, inilabas ni Joiada ang anak ng hari at pinutungan ng korona. Ibinigay sa kanya ang isang kopya ng kasulatan tungkol sa paghahari at ipinahayag siyang hari. Lumapit si Joiada at ang kanyang mga anak at pinahiran siya ng langis. Nagsigawan ang lahat, “Mabuhay ang hari!”

12 Nang marinig ni Atalia ang ingay ng mga taong nagbubunyi sa hari, pumunta siya sa Templo. 13 Nakita niyang nakatayo ang hari sa may haligi sa may pintuan ng Templo. Lahat ay masayang umaawit at may tumutugtog ng trumpeta at ng iba pang mga instrumento. Pinunit ni Atalia ang kanyang kasuotan at sumigaw, “Ito'y isang kataksilan!”

14 “Ilabas ang babaing iyan!” utos ni Joiada sa mga pinuno ng hukbo. “Patayin ang sinumang magtangkang magligtas sa kanya. Huwag ninyo siyang patayin sa loob ng Templo ni Yahweh.”

15 Dinakip nila si Atalia at dinala sa palasyo sa may pintong daanan ng mga kabayo. Doon nila siya pinatay.

Ang mga Repormang Isinagawa ng Paring si Joiada(E)

16 Pagkatapos, nakipagkasunduan si Joiada sa mga tao at sa hari na sila'y magiging sambayanan ni Yahweh. 17 Nagkaisa ang lahat na wasakin ang Templo ni Baal kaya't dinurog nila ang mga altar at ang mga rebultong naroon. Pinatay nila sa harap ng mga altar si Matan, ang pari ni Baal. 18 Naglagay si Joiada ng mga tagapagbantay sa Templo, sa ilalim ng pamamahala ng mga pari at ng mga Levita na inilagay ni David sa tungkuling iyon. Sila ang mag-aalay ng mga handog na susunugin ayon sa nakasulat sa Kautusan ni Moises. Sila rin ang mamamahala sa awitan at sa pagdiriwang ayon sa kaayusang ginawa ni David. 19 Pinabantayan ni Joiada ang lahat ng pintuan ng Templo para hindi makapasok ang sinumang itinuturing na marumi. 20 Pagkatapos, tinawag niya ang mga pinuno ng bawat pangkat na daan-daan, ang mga pangunahing mamamayan, mga pinuno ng bayan at ang lahat ng mamamayan sa lupain. Inihatid nila ang hari mula sa Templo patungo sa palasyo. Dumaan sila sa malaking pintuan at kanilang pinaupo sa trono ang hari. 21 Nagdiwang ang lahat ng tao sa buong lupain. Naging tahimik ang lunsod nang mapatay si Atalia.

Pahayag 10

Ang Anghel at ang Maliit na Kasulatan

10 Pagkaraan nito, nakita ko ang isa pang makapangyarihang anghel na bumababa mula sa langit. Siya'y nababalot ng ulap at may bahaghari sa kanyang ulunan. Nagniningning na parang araw ang kanyang mukha, at parang mga haliging apoy ang kanyang mga binti. May hawak siyang isang maliit na aklat na nakabukas. Itinuntong niya sa dagat ang kanyang kanang paa, at sa lupa naman ang kaliwa. Sumigaw siya, at ang kanyang tinig ay parang atungal ng leon. Tinugon siya ng dagundong ng pitong kulog. Isusulat ko sana ang aking nasaksihan nang matapos ang dagundong. Ngunit narinig ko mula sa langit ang isang tinig na nagsabi, “Ilihim mo ang sinabi ng pitong kulog, huwag mo nang isulat!”

At(A) itinaas ng anghel na nakita kong nakatuntong sa dagat at sa lupa ang kanyang kanang kamay at nanumpa sa pangalan ng Diyos na nabubuhay magpakailanman na siyang lumikha ng langit, lupa, dagat, at ng lahat ng naroroon. Sinabi ng anghel, “Hindi na magtatagal! Sa araw na hipan ng ikapitong anghel ang kanyang trumpeta, isasagawa na ng Diyos ang lihim niyang plano, gaya ng ipinahayag niya sa mga propeta na kanyang mga lingkod.”

Pagkatapos(B) ay kinausap akong muli ng tinig na narinig kong nagsasalita mula sa langit, “Lumapit ka sa anghel na nakatuntong sa dagat at sa lupa, at kunin mo ang hawak niyang aklat na nakabukas.” Nilapitan ko nga ang anghel at hiningi ang aklat. Sinabi niya sa akin, “Kunin mo ito at kainin; mapait iyan sa sikmura, ngunit sa iyong bibig ay kasingtamis ng pulot-pukyutan.” 10 Kinuha ko nga mula sa kamay ng anghel ang maliit na aklat at kinain ko ito. Matamis nga iyon, parang pulot-pukyutan sa bibig, ngunit nang malunok ko na'y pumait ang aking sikmura.

11 At sinabi nila sa akin, “Kailangang ipahayag mong muli ang mga propesiya tungkol sa mga tao, bansa, wika, at mga hari.”

Zacarias 6

Ang Pangitain tungkol sa Apat na Karwahe

Muli akong tumingin at may nakita akong apat na karwaheng lumabas sa pagitan ng dalawang malalaking bundok na tanso. Pula ang mga kabayong humihila sa unang karwahe, kulay itim naman sa pangalawa, mga(A) kabayong kulay puti ang sa pangatlo, at mga kabayong batik-batik ang sa pang-apat. Itinanong ko sa anghel, “Ano po ang kahulugan ng mga karwaheng ito?”

Sumagot(B) siya, “Ang mga iyan ay ang apat na hangin ng himpapawid na nagmula kay Yahweh na Panginoon ng buong daigdig. Ang hila ng mga kabayong kulay itim ay pupunta sa hilaga, sa kanluran naman ang hila ng puti, at sa timog naman ang hila ng may batik-batik.” Nang lumabas ang mga kabayong may batik-batik na pula, sila'y nagpipiglas upang siyasatin ang daigdig. Kaya sinabi ng anghel, “Sulong, siyasatin na ninyo ang daigdig!” At gayon nga ang ginawa ng mga ito. Walang anu-ano, isinigaw sa akin ng anghel, “Ang poot ni Yahweh ay pinayapa na ng mga kabayong nagpunta sa Babilonia!”

Ang Kahulugan ng Pagpuputong kay Josue

Sinabi sa akin ni Yahweh, 10 “Puntahan mo sina Heldai, Tobias at Jedaias na kasama ng mga bihag na dinala sa Babilonia. Pagkatapos, tumuloy ka kay Josias na anak ni Sefanias. Kunin mo ang kanilang mga handog na pilak at ginto, 11 at gawin mong korona para sa pinakapunong paring si Josue na anak ni Jehozadak. 12 Sabihin(C) mo sa kanya, ‘Narito ang isang taong ang pangala'y Sanga. Tutubo siya mula sa kanyang kinalalagyan at ipatatayo niya ang templo ni Yahweh. 13 Siya nga ang magtatayo ng templo, uupo sa trono, at manunungkulan bilang hari. Tutulungan siya ng isang pari at maghahari sa kanila ang mabuting pag-uunawaan. 14 Ang korona ay mananatili sa templo bilang pag-alala kina Heldai,[a] Tobias, Jedaias at Josias.’”[b]

15 Magsisiparito ang mga taong taga-malayong lupain upang tumulong sa pagtatayo ng templo ni Yahweh. Sa gayon, mapapatunayan ninyong isinugo nga ako ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat. Mangyayari ang lahat ng ito kung tutuparin ninyo ang kanyang mga utos.

Juan 9

Pinagaling ni Jesus ang Isang Bulag

Sa paglalakad ni Jesus, nakita niya ang isang lalaking bulag mula pa nang ipanganak. Tinanong siya ng kanyang mga alagad, “Rabi, sino po ang nagkasala at ipinanganak na bulag ang lalaking ito, siya ba o ang kanyang mga magulang?”

Sumagot si Jesus, “Ipinanganak siyang bulag, hindi dahil sa nagkasala siya, o ang kanyang mga magulang, kundi upang mahayag ang kapangyarihan ng Diyos sa pamamagitan niya. Kailangang gawin natin[a] ang mga ipinapagawa ng nagsugo sa akin[b] habang may araw pa; darating ang gabi, kung kailan wala nang makakapagtrabaho. Habang(A) ako'y nasa sanlibutan, ako ang ilaw ng sanlibutan.”

Pagkasabi nito, dumura si Jesus sa lupa at gumawa ng putik. Pagkatapos, ipinahid niya ito sa mata ng bulag. Sinabi ni Jesus sa bulag, “Pumunta ka sa imbakan ng tubig sa Siloe at maghilamos ka roon.” (Ang kahulugan ng salitang Siloe ay Sinugo.) Pumunta nga ang bulag, naghilamos doon, at pagbalik niya ay nakakakita na.

Sinabi ng mga kapitbahay niya at ng mga nakakita sa kanya noong siya'y namamalimos pa, “Hindi ba iyan ang lalaking dating nakaupo at namamalimos?”

Sumagot ang ilan, “Iyan nga!” Sabi naman ng iba, “Hindi! Kamukha lang.” Kaya't nagsalita ang dating bulag, “Ako nga po iyon.”

10 “Paano kang nakakita?” tanong nila.

11 Sumagot siya, “Ang lalaking tinatawag na Jesus ay gumawa ng putik at ipinahid iyon sa aking mata. Pagkatapos, sinabi niya sa akin, ‘Pumunta ka sa Siloe at maghilamos.’ Pumunta nga ako doon at naghilamos, at nakakita na ako!”

12 “Nasaan siya?” tanong nila sa kanya. “Hindi ko alam,” sagot niya.

Nagsiyasat ang mga Pariseo tungkol sa Pagpapagaling

13 Dinala ng mga tao sa mga Pariseo ang dating bulag. 14 Araw ng Pamamahinga nang gumawa si Jesus ng putik at nang pinagaling niya ang bulag. 15 Tinanong din siya ng mga Pariseo kung paano siya nakakita. Kaya't sinabi niya sa kanila, “Pinahiran niya ng putik ang aking mga mata, ako'y naghilamos at ngayo'y nakakakita na ako.”

16 Ang sabi ng ilang Pariseo, “Hindi maaaring mula sa Diyos ang taong iyon, sapagkat hindi niya ipinapangilin ang Araw ng Pamamahinga.” Ngunit sinabi naman ng iba, “Paanong makakagawa ng ganitong mga himala ang isang makasalanan?” At hindi sila magkaisa.

17 Kaya't tinanong nilang muli ang dating bulag, “At ikaw, ano naman ang masasabi mo tungkol sa kanya, dahil pinagaling niya ang iyong mga mata?”

“Isa siyang propeta!” sagot niya.

18 Ayaw maniwala ng mga Judio na siya'y talagang dating bulag na ngayo'y nakakakita na kaya't ipinatawag nila ang kanyang mga magulang. 19 “Anak nga ba ninyo ito? Talaga bang siya'y ipinanganak na bulag? Ano'ng nangyari at nakakakita na siya ngayon?” tanong nila.

20 Sumagot ang kanyang mga magulang, “Alam naming anak namin siya at alam din naming siya'y ipinanganak na bulag. 21 Ngunit hindi po namin alam kung ano ang nangyari at nakakakita na siya ngayon, o kung sino ang nagpagaling sa kanya. Siya na po ang tanungin ninyo. Nasa hustong gulang na siya. Makakapagsalita na siya para sa kanyang sarili.”

22 Ganito ang sinabi ng kanyang mga magulang dahil sa kanilang takot sa mga pinuno ng mga Judio. Sapagkat pinagkaisahan na ng mga Judio na ang sinumang magpahayag na si Jesus ang Cristo ay ititiwalag sa sinagoga. 23 Ito ang dahilan kung bakit sinabi ng kanyang mga magulang, “Siya'y nasa hustong gulang na, siya ang tanungin ninyo.”

24 Muli nilang ipinatawag ang dating bulag at sinabi sa kanya, “Sa ngalan ng Diyos, magsabi ka ng totoo. Alam naming ang taong iyon ay makasalanan.”

25 Sumagot siya, “Hindi ko po alam kung siya'y makasalanan, o hindi. Isang bagay po ang alam ko; ako'y dating bulag, subalit ngayo'y nakakakita na.”

26 “Ano ang ginawa niya sa iyo? Paano niya pinagaling ang iyong mga mata?” tanong nila.

27 Sumagot siya, “Sinabi ko na po sa inyo, at ayaw naman ninyo akong paniwalaan. Bakit gusto ninyong marinig muli? Nais ba ninyong maging alagad din niya?”

28 At siya'y kanilang nilait, “Ikaw ang alagad niya! Kami'y mga alagad ni Moises. 29 Nalalaman naming nagsalita ang Diyos kay Moises ngunit ang taong iyon, ni hindi namin alam kung saan siya nanggaling!”

30 Sumagot ang lalaki, “Iyan nga po ang nakapagtataka! Hindi ninyo alam kung saan siya nanggaling, gayunma'y pinagaling niya ang aking mga mata. 31 Alam nating hindi pinapakinggan ng Diyos ang mga makasalanan, ngunit pinapakinggan niya ang mga sumasamba sa kanya at sumusunod sa kanyang kalooban. 32 Mula pa nang likhain ang mundo ay wala pa tayong nabalitaang nakapagpagaling ng mata ng taong ipinanganak na bulag. 33 Wala pong magagawa ang taong iyon kung siya'y hindi mula sa Diyos!”

34 Sumagot sila, “Ipinanganak kang lubos na makasalanan at ngayo'y nais mo pa kaming turuan!” At siya'y kanilang itiniwalag.

Mga Bulag sa Espiritu

35 Nabalitaan ni Jesus na ang lalaking pinagaling niya ay itiniwalag ng mga Pariseo. Kaya't nang matagpuan niya ito ay kanyang tinanong, “Sumasampalataya ka ba sa Anak ng Tao?”

36 Sumagot ang lalaki, “Sino po ba siya, Ginoo? Sabihin ninyo sa akin upang ako'y sumampalataya sa kanya.”

37 “Siya'y nakita mo na. Siya ang kausap mo ngayon,” wika ni Jesus.

38 “Sumasampalataya po ako, Panginoon!” sabi ng lalaki. At sinamba niya si Jesus.

39 Sinabi ni Jesus, “Naparito ako sa mundong ito upang humatol, at nang sa gayo'y makakita ang mga bulag at mabulag naman ang mga nakakakita.”

40 Narinig ito ng ilang Pariseong naroon at siya'y kanilang tinanong, “Ibig mo bang sabihi'y mga bulag din kami?”

41 Sumagot si Jesus, “Kung kayo nga'y bulag, hindi sana kayo hahatulang maysala. Ngunit dahil sinasabi ninyong nakakakita kayo, nananatili kayong maysala.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.