M’Cheyne Bible Reading Plan
Ang Babala ni Propeta Micaias kay Ahab(A)
18 Nang si Jehoshafat ay yumaman at naging tanyag, nakipagkaibigan siya kay Ahab. Ipinakasal ni Jehoshafat ang isang kabilang sa kanyang pamilya sa isang kabilang sa pamilya ni Ahab. 2 Lumipas ang ilang taon at dinalaw niya si Ahab sa Samaria. Nagpapatay si Ahab ng maraming tupa at baka para sa kanyang mga panauhin. Sa pagkakataong iyon, hinikayat ni Ahab si Jehoshafat na salakayin nila ang Ramot-gilead. 3 Nang tanungin ni Ahab na hari ng Israel si Jehoshafat na hari ng Juda tungkol dito, ganito ang sagot niya, “Handa ako at ang aking mga tauhan. Sasama kami sa inyo sa digmaan. 4 Ngunit bago natin gawin ito, sumangguni muna tayo kay Yahweh.”
5 Tinipon ng hari ng Israel ang apatnaraang propeta at tinanong kung dapat bang salakayin ang Ramot-gilead o hindi. “Sumalakay kayo,” ang nagkakaisang tugon nila, “ibibigay iyon ng Diyos sa inyong mga kamay.” 6 Ngunit nagtanong si Jehoshafat kung wala na bang ibang propeta si Yahweh na maaari nilang mapagtanungan.
7 Sumagot ang hari ng Israel, “Mayroon pang isa. Si Micaias na anak ni Imla. Kaya lang, galit ako sa taong iyon sapagkat wala na siyang mabuting propesiya tungkol sa akin, puro na lang masama.”
“Huwag kayong magsalita nang ganyan, mahal na hari,” sabi ni Jehoshafat.
8 Ipinatawag agad ng hari ng Israel ang isa sa mga opisyal niya upang ipasundo si Micaias. 9 Nakaupo ang dalawang hari sa kani-kanilang trono sa gitna ng giikan sa may pintuan ng Samaria. Nakasuot sila ng mariringal na damit at nasa harapan nila ang mga propeta na nagpapahayag. 10 Naroon din si Zedekias na anak ni Quenaana. May dala itong mga sungay na bakal na ginawa niya at ang sabi, “Ito ang sinasabi ni Yahweh: ‘Sa pamamagitan ng mga sungay na ito, maitataboy ninyo ang mga taga-Siria hanggang sa sila'y malipol.’” 11 Ganito rin ang sinabi ng mga propetang naroon. Iisa ang payo nila, “Salakayin ninyo ang Ramot-gilead at magtatagumpay kayo, sapagkat ibibigay ito ni Yahweh sa kamay ng hari.”
12 Samantala, nakita si Micaias ng sugo ng hari. Sinabi niya, “Ang ibang mga propeta'y nagkaisang magpahayag nang kasiya-siya sa hari. Makakabuting kasiya-siya rin ang ipahayag mo.”
13 Ngunit sinabi ni Micaias, “Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy,[a] kung ano ang sasabihin niya sa akin iyon din ang aking sasabihin.”
14 Pagdating ni Micaias, tinanong siya ng hari, “Dapat ba o hindi dapat na salakayin namin ang Ramot-gilead?”
Ang tugon niya, “Humayo kayo at magtagumpay. Tiyak na ibibigay sila ni Yahweh sa inyong mga kamay.”
15 Ngunit sinabi ng hari, “Hanggang kailan ko ba sasabihin sa iyo na sa pangalan ni Yahweh ay pawang katotohanan lamang ang iyong sasabihin sa akin?”
16 At(B) sumagot si Micaias,
“Nakita kong nagkawatak-watak ang hukbo ng Israel,
Nagkalat sa kabundukan parang tupang walang pastol!
Narinig kong sinabi ni Yahweh, ‘Sila'y walang tagapanguna kaya't pauwiin na silang mapayapa.’”
17 Sinabi ng hari ng Israel kay Jehoshafat, “Hindi ba't sinabi ko sa iyo na ang taong iyan ay walang mabuting propesiya tungkol sa akin, at puro na lang masama?”
18 “Makinig kayo sa sinasabi ni Yahweh,” sabi ni Micaias. “Nakita kong nakaupo si Yahweh sa kanyang trono at ang buong hukbo ng kalangita'y nakahanay sa magkabilang tabi niya. 19 Nagtanong si Yahweh, ‘Sino ang mag-uudyok kay Haring Ahab ng Israel na sumalakay upang mapatay siya sa Ramot-gilead?’ 20 Isa't isa'y may kanyang sinasabi, hanggang may isang espiritu na tumayo sa harapan ni Yahweh at sinabi, ‘Ako ang mag-uudyok sa kanya.’ 21 ‘Paano mo iyan gagawin?’ tanong ni Yahweh. ‘Pupunta ako at uudyukan kong magsinungaling ang lahat ng kanyang mga propeta,’ sagot niya. ‘Gawin mo iyan at magtatagumpay ka,’ sabi ni Yahweh.
22 “Ipinahintulot ni Yahweh na magsinungaling sa iyo ang mga propeta mo. Subalit itinakda na niya na mapapahamak ka!”
23 Lumapit si Zedekias kay Micaias at sinampal niya ito. Sinabi niya, “Kailan pa ako iniwan ng Espiritu ni Yahweh upang magsalita sa iyo?”
24 “Malalaman mo rin iyon kapag nagtago ka na sa loob ng isang silid,” sagot ni Micaias.
25 Iniutos ng hari ng Israel na dakpin si Micaias at ibigay sa kanyang anak na si Joas at kay Ammon na gobernador ng lunsod. 26 “Ikulong ninyo siya at bigyan ng kaunting tinapay at tubig lamang hanggang makauwi akong ligtas,” sabi niya.
27 “Kapag nakauwi kang ligtas, hindi nga ako kinausap ni Yahweh,” sagot naman ni Micaias. Sinabi pa niya, “Tandaan ninyo ang lahat ng sinabi ko.”
Ang Kamatayan ni Ahab(C)
28 Magkasamang lumusob sa Ramot-gilead ang hari ng Israel at si Jehoshafat na hari ng Juda. 29 Sinabi ng hari ng Israel kay Jehoshafat, “Magbabalatkayo ako pagpunta sa labanan ngunit magsuot ka ng damit-hari.” Nakabalatkayo nga ang hari ng Israel na pumunta sa labanan.
30 Iniutos ng hari ng Siria sa kanyang mga pinuno ng mga karwahe na ang hari ng Israel ang tutukan sa pagsalakay. 31 Nang makita nila si Jehoshafat, inisip nilang ito ang hari ng Israel, kaya't dinaluhong nila ito. Nanalangin nang malakas kay Yahweh si Jehoshafat upang siya'y iligtas. Tinulungan naman siya ng Diyos na si Yahweh at itinaboy nito ang mga kaaway. 32 Nang malaman ng mga pinunong nasa karwahe na hindi siya ang hari ng Israel, hindi na nila ito hinabol. 33 Ngunit sinamang-palad naman ang hari ng Israel. Tinamaan siya ng isang ligaw na palaso buhat sa kaaway. Tumagos ang palaso sa pagitan ng kanyang baluti at siya'y nasugatan. Sinabi niya sa nagpapatakbo ng kanyang karwahe, “Umalis na tayo rito! Malubha ang tama ko.” 34 Naging mahigpit ang labanan nang araw na iyon. Nanatiling nakasandal si Ahab sa kanyang karwahe na nakaharap sa mga taga-Siria. Paglubog ng araw ay namatay siya.
Ang 144,000 na Tinatakan sa Israel
7 Pagkatapos(A) nito, may nakita akong apat na anghel na nakatayo sa apat na sulok ng daigdig. Pinipigil nila ang apat na hangin upang huwag umihip sa lupa, sa dagat o sa alinmang punongkahoy. 2 At nakita kong umaakyat sa gawing silangan ang isa pang anghel, taglay ang pantatak ng Diyos na buháy. Sumigaw siya sa apat na anghel na binigyan ng kapangyarihang maminsala sa lupa at sa dagat, 3 “Huwag(B) muna ninyong pinsalain ang lupa, ang dagat o ang mga punongkahoy hangga't hindi pa namin nalalagyan ng tatak sa noo ang mga lingkod ng ating Diyos.” 4 At narinig ko ang bilang ng mga tinatakan, isandaan at apatnapu't apat na libo (144,000) buhat sa labindalawang (12) lipi ng Israel. 5-8 Tig-labindalawang libo (12,000) mula sa bawat lipi ng Israel: Juda, Ruben, Gad, Asher, Neftali, Manases, Simeon, Levi, Isacar, Zebulun, Jose, at Benjamin.
Ang mga Nagtagumpay Mula sa Lahat ng Bansa
9 Pagkatapos nito'y nakita ko ang napakaraming tao na di kayang bilangin ninuman! Sila'y mula sa bawat bansa, lipi, bayan, at wika. Nakatayo sila sa harap ng trono at ng Kordero, nakadamit ng puti at may hawak na mga palaspas. 10 Isinisigaw nila, “Ang kaligtasan ay nagmumula sa ating Diyos na nakaluklok sa trono, at sa Kordero!” 11 Tumayo ang lahat ng anghel sa palibot ng trono, ng matatandang pinuno, at ng apat na nilalang na buháy. Sila'y nagpatirapa sa harap ng trono at sumamba sa Diyos 12 na nagsasabi, “Amen! Sa ating Diyos ang papuri, kaluwalhatian, karunungan, pasasalamat, karangalan, kapangyarihan, at kalakasan magpakailanman! Amen.”
13 Tinanong ako ng isa sa matatandang pinuno, “Sino ang mga taong nakadamit ng puti, at saan sila nanggaling?”
14 “Ginoo,(C) kayo po ang nakakaalam,” ang sagot ko.
At sinabi niya sa akin, “Sila ang mga nanggaling sa matinding kapighatian. Nilinis nila at pinaputi ang kanilang damit sa dugo ng Kordero. 15 Iyan ang dahilan kung bakit sila ay nasa harap ng trono ng Diyos at naglilingkod sa kanya sa templo araw at gabi. At ang nakaupo sa trono ang siyang kukupkop sa kanila. 16 Hindi(D) na sila magugutom ni mauuhaw man; hindi na rin sila mabibilad sa araw ni mapapaso ng anumang matinding init, 17 sapagkat(E) ang Korderong nasa gitna ng trono ang magiging pastol nila. Siya ang gagabay sa kanila sa mga bukal ng tubig na nagbibigay-buhay, at papahirin ng Diyos ang bawat luha sa kanilang mga mata.”
Ang Pangitain tungkol kay Josue
3 Ipinakita(A) sa akin ni Yahweh ang pinakapunong paring si Josue na nakatayo sa harapan ng anghel ni Yahweh. Siya ay paparatangan ni Satanas na noo'y nasa kanyang kanan. 2 Sinabi(B) ng anghel ni Yahweh kay Satanas,[a] “Hatulan ka nawa ni Yahweh, Satanas. Hatulan ka nawa ni Yahweh na pumili sa Jerusalem. Ang taong ito ay gaya ng isang patpat na inagaw sa apoy.”
3 Nakatayo si Josue sa harapan ng anghel at ang suot ay maruming damit. 4 Sinabi ng anghel sa mga naroon, “Hubarin ang gulanit niyang kasuotan.” Bumaling siya kay Josue at sinabi, “Nilinis na kita sa iyong kasamaan at ngayo'y bibihisan ng magarang kasuotan.”
5 Bumaling muli ang anghel sa kanyang mga inutusan at sinabi, “Suotan ninyo siya ng malinis na turbante.” Gayon nga ang ginawa nila. At binihisan nila si Josue habang nakamasid ang anghel ni Yahweh.
6 Pagkatapos, tinagubilinan si Josue ng anghel ni Yahweh. 7 Ito ang ipinapasabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat: “Kung lalakad ka sa aking mga landas at susundin mo ang aking mga utos, pamamahalain kita sa aking templo at sa buong paligid nito. Bukod dito, diringgin ko ang mga dalangin mo tulad ng pagdinig ko sa dalangin ng mga anghel na ito. 8 Makinig(C) ka, Josue na pinakapunong pari! Ikaw at ang iyong mga kasamahang pari ay mabuting palatandaan ng mga mangyayari sa hinaharap. Palilitawin ko ang Sanga na aking lingkod. 9 At ang batong ibibigay ko sa iyo, na may pitong tapyas ay uukitan ko ng aking mga salita, at sa loob ng isang araw ay aalisin ko ang kasamaan sa buong lupain. 10 Sa(D) araw na iyon, sabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, aanyayahan ng bawat isa sa inyo ang kanyang kaibigan upang magsama-sama sa ubasan ninyo at sa ilalim ng inyong mga punong igos.”
Ang Pagpapakain sa Limanlibo(A)
6 Pagkatapos nito, tumawid si Jesus sa ibayo ng Lawa ng Galilea, na tinatawag ding Lawa ng Tiberias. 2 Sinundan siya ng napakaraming tao sapagkat nakita nila ang mga himalang ginawa niya sa pagpapagaling sa mga maysakit. 3 Umakyat si Jesus sa bundok kasama ang kanyang mga alagad at naupo roon. 4 Noon ay malapit na ang Paskwa ng mga Judio. 5 Tumanaw si Jesus at nang makita niyang dumarating ang napakaraming tao, tinanong niya si Felipe, “Saan kaya tayo makakabili ng tinapay upang makakain ang mga taong ito?” 6 Sinabi niya iyon upang subukin si Felipe, sapagkat alam na niya ang kanyang gagawin.
7 Sumagot naman si Felipe, “Kahit na po halagang dalawandaang salaping pilak[a] ng tinapay ay di sasapat para makakain sila nang tigkakaunti.”
8 Sinabi ni Andres na isa sa kanyang mga alagad at kapatid ni Simon Pedro, 9 “Mayroon po ritong isang batang lalaki na may dalang limang tinapay na sebada at dalawang isda. Subalit sasapat kaya ang mga ito?” 10 “Paupuin ninyo ang mga tao,” sabi ni Jesus. Madamo sa lugar na iyon. Umupo nga ang mga tao; sa kanila'y may humigit-kumulang sa limanlibo ang mga lalaki. 11 Kinuha ni Jesus ang tinapay at matapos magpasalamat sa Diyos ay ipinamahagi iyon sa mga taong nakaupo. Gayundin ang ginawa niya sa mga isda. Nakakain ang lahat at nabusog. 12 Nang makakain na ang mga tao, sinabi ni Jesus sa mga alagad, “Ipunin ninyo ang lumabis nang di masayang.” 13 Ganoon nga ang ginawa nila, at nakapuno sila ng labindalawang kaing mula sa limang tinapay na sebada.
14 Nang makita ng mga tao ang himalang ginawa ni Jesus, sinabi nila, “Tunay na ito ang Propetang darating sa sanlibutan!” 15 Napansin ni Jesus na lalapitan siya ng mga tao at pipilitin siyang gawing hari, kaya't umalis siyang muli at mag-isang umakyat sa bundok.
Lumakad si Jesus sa Ibabaw ng Tubig(B)
16 Nang magtatakipsilim na, ang mga alagad ay pumunta sa tabi ng lawa. 17 Sumakay sila sa bangka at naglayag papuntang Capernaum. Madilim na'y wala pa si Jesus. 18 Lumakas ang hangin at lumaki ang alon. 19 Nang makasagwan na sila nang may lima o anim na kilometro, nakita nila si Jesus na lumalakad sa ibabaw ng tubig papalapit sa bangka, at sila'y natakot. 20 Ngunit sinabi ni Jesus sa kanila, “Huwag kayong matakot. Ako ito!” 21 Tuwang-tuwa nilang pinasakay si Jesus; at kaagad na nakarating ang bangka sa kanilang pupuntahan.
Hinanap ng mga Tao si Jesus
22 Kinabukasan, nakita ng mga taong naiwan sa dalampasigan na iisa lamang ang bangkang naroon. Nalaman nilang si Jesus ay hindi kasama ng mga alagad nang ang mga ito'y sumakay sa bangka dahil ang mga ito lamang ang umalis. 23 Dumating naman ang ilang bangkang galing sa Tiberias at dumaong sa lugar na malapit sa kinainan nila ng tinapay matapos magpasalamat ang Panginoon. 24 Kaya't nang makita nilang wala roon si Jesus at ang kanyang mga alagad, sila'y sumakay sa mga bangka at pumunta sa Capernaum upang hanapin si Jesus.
Si Jesus ang Tinapay na Nagbibigay-buhay
25 Nang makita nila si Jesus sa ibayo ng lawa, siya'y tinanong nila, “Guro, kailan pa kayo rito?”
26 Sumagot si Jesus, “Totoo ang sinasabi kong ito: hinahanap ninyo ako, hindi dahil sa mga himalang nakita ninyo, kundi dahil nakakain kayo ng tinapay at nabusog. 27 Huwag(C) ang pagkaing nasisira ang inyong pagsikapang kamtan, kundi ang pagkaing hindi nasisira na nagbibigay ng buhay na walang hanggan. Iyan ang ibibigay sa inyo ng Anak ng Tao, sapagkat ipinapakita ng Diyos Ama na siya ang may ganitong karapatan.”
28 Kaya't siya'y tinanong nila, “Ano po ang dapat naming gawin upang aming matupad ang ipinapagawa ng Diyos?”
29 “Ito ang ipinapagawa sa inyo ng Diyos, sumampalataya kayo sa sinugo niya,” tugon ni Jesus.
30 “Ano pong himala ang maipapakita ninyo upang sumampalataya kami sa inyo? Ano po ang inyong gagawin? 31 Ang(D) aming mga ninuno ay kumain ng manna sa ilang; ayon sa nasusulat, ‘Sila'y binigyan niya ng tinapay na galing sa langit,’” sabi nila.
32 Sumagot si Jesus, “Pakatandaan ninyo: hindi si Moises ang nagbigay sa inyo ng tinapay na galing sa langit. Ang aking Ama ang nagbibigay sa inyo ng tunay na tinapay na galing sa langit. 33 Sapagkat ang tinapay na galing sa Diyos ay ang bumabâ mula sa langit at nagbibigay-buhay sa sangkatauhan.”
34 Sumagot sila, “Ginoo, bigyan po ninyo kaming lagi ng tinapay na ito.”
35 Sinabi ni Jesus, “Ako ang tinapay ng buhay. Ang lumalapit sa akin ay hindi na magugutom kailanman, at ang sumasampalataya sa akin ay hindi na mauuhaw kailanman. 36 Ngunit sinabi ko na sa inyo, nakita na ninyo ako, ngunit hindi pa rin kayo sumasampalataya sa akin. 37 Lalapit sa akin ang lahat ng ibinibigay sa akin ng Ama, at hinding-hindi ko itataboy kailanman ang sinumang lumalapit sa akin. 38 Ako'y bumabâ mula sa langit, hindi upang gawin ang sarili kong kalooban, kundi ang kalooban niya na nagsugo sa akin. 39 At ito ang kanyang kalooban: ang huwag kong hayaang mapahamak ang kahit sinuman sa mga ibinigay niya sa akin, kundi ang buhayin ko silang muli sa huling araw. 40 Sapagkat ito ang kalooban ng aking Ama: ang lahat ng nakakakita sa Anak at sumasampalataya sa kanya ay magkaroon ng buhay na walang hanggan. At sila'y muli kong bubuhayin sa huling araw.”
41 Nagbulung-bulungan ang mga Judio dahil sa sinabi niyang, “Ako ang tinapay na bumabâ mula sa langit.” 42 Sinabi nila, “Hindi ba ito si Jesus na anak ni Jose? Kilala natin ang kanyang ama't ina. Paano niya masasabi ngayong bumabâ siya mula sa langit?” 43 Kaya't sinabi ni Jesus, “Tigilan ninyo ang inyong bulung-bulungan. 44 Walang makakalapit sa akin malibang dalhin siya sa akin ng Ama na nagsugo sa akin. At ang lumalapit sa akin ay muli kong bubuhayin sa huling araw. 45 Nasusulat(E) sa aklat ng mga propeta, ‘At silang lahat ay tuturuan ng Diyos.’ Ang bawat nakikinig sa Ama at natututo sa kanya ay lumalapit sa akin. 46 Hindi ito nangangahulugang may nakakita na sa Ama; ang nagmula sa Diyos ang tanging nakakita sa Ama. 47 Pakatandaan ninyo: ang sumasampalataya sa akin ay may buhay na walang hanggan. 48 Ako ang tinapay ng buhay. 49 Kumain ng manna ang inyong mga ninuno nang sila'y nasa ilang, ngunit sila'y namatay. 50 Narito ang tinapay na bumabâ mula sa langit upang ang sinumang kumain nito ay hindi na mamatay. 51 Ako nga ang tinapay na nagbibigay-buhay na bumabâ mula sa langit. Mabubuhay magpakailanman ang sinumang kumain ng tinapay na ito. At ang tinapay na ibibigay ko upang mabuhay ang sanlibutan ay ang aking laman.”
52 Dahil dito'y nagtalu-talo ang mga Judio, “Paanong maibibigay sa atin ng taong ito ang kanyang laman upang makain natin?”
53 Sinabi ni Jesus, “Pakatandaan ninyo: malibang kainin ninyo ang laman ng Anak ng Tao at inumin ang kanyang dugo, hindi kayo magkakaroon ng buhay. 54 Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay may buhay na walang hanggan at muli ko siyang bubuhayin sa huling araw. 55 Sapagkat ang aking laman ay tunay na pagkain, at ang aking dugo ay tunay na inumin. 56 Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay nananatili sa akin, at ako naman sa kanya. 57 Isinugo ako ng buháy na Ama at ako'y nabubuhay dahil sa kanya. Gayundin naman, ang sinumang kumakain sa akin ay mabubuhay dahil sa akin. 58 Ito ang tinapay na bumabâ mula sa langit. Hindi ito katulad ng kinain ng inyong mga ninuno sa ilang; namatay sila kahit na kumain niyon. Ang kumakain ng tinapay na ito ay mabubuhay magpakailanman.”
59 Sinabi ito ni Jesus sa sinagoga habang siya'y nagtuturo sa Capernaum.
Mga Salita tungkol sa Buhay na Walang Hanggan
60 Narinig ito ng kanyang mga alagad at marami sa kanila ang nagsabi, “Mabigat na pananalita ito; sino ang makakatanggap nito?”
61 Kahit walang nagsasabi kay Jesus, alam niya na nagbubulung-bulungan ang kanyang mga alagad tungkol dito. Kaya't sinabi niya, “Dahil ba rito'y tatalikuran na ninyo ako? 62 Gaano pa kaya kung makita ninyong umaakyat ang Anak ng Tao papunta sa dati niyang kinaroroonan? 63 Ang(F) Espiritu ang nagbibigay-buhay; hindi ito magagawa ng laman. Ang mga salitang sinabi ko sa inyo ay espiritu at ito ang nagbibigay-buhay. 64 Ngunit may ilan sa inyong hindi sumasampalataya.” Alam na ni Jesus buhat pa noong una kung sinu-sino ang hindi mananalig sa kanya, at kung sino ang magkakanulo sa kanya. 65 Idinugtong pa niya, “Iyan ang dahilan kaya ko sinabi sa inyo na walang makakalapit sa akin malibang ito'y loobin ng Ama.”
66 Mula noo'y marami sa kanyang mga alagad ang tumalikod at hindi na sumama sa kanya. 67 Tinanong ni Jesus ang Labindalawa, “At kayo, gusto rin ba ninyong umalis?”
68 Sumagot(G) si Simon Pedro, “Panginoon, kanino pa po kami pupunta? Nasa inyo ang mga salitang nagbibigay ng buhay na walang hanggan. 69 Naniniwala kami at natitiyak namin na kayo nga ang Banal na mula sa Diyos.”
70 Sumagot si Jesus, “Hindi ba't ako ang humirang sa inyong Labindalawa at ang isa sa inyo ay diyablo!” 71 Ang tinutukoy niya'y si Judas na anak ni Simon Iscariote, sapagkat siya na kabilang sa Labindalawa ay magkakanulo sa kanya.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.