M’Cheyne Bible Reading Plan
5 Nang(A) matapos na ang lahat ng ipinagawa ni Solomon para sa Templo, ipinasok niya sa kabang-yaman ng Templo ang lahat ng bagay na inilaan para dito ng kanyang amang si David: ginto, pilak, mga lalagyan at iba pang kagamitan.
Dinala sa Templo ang Kaban ng Tipan(B)
2 Pinulong(C) ni Solomon sa Jerusalem ang matatandang pinuno ng Israel, ang lahat ng pinuno ng mga lipi at ng mga angkan upang kunin sa Zion, sa Lunsod ni David, ang Kaban ng Tipan. 3 Kaya't nagtipun-tipon ang kalalakihan ng Israel noong ikapitong buwan, Pista ng mga Tolda. 4 Pagdating ng pinuno ng Israel, binuhat ng mga Levita ang Kaban ng Tipan 5 at dinala sa Templo. Ipinasok din ng mga pari at ng mga Levita ang Toldang Tipanan pati ang mga banal na kagamitan nito sa loob ng Templo.
6 Pagkatapos, si Haring Solomon at ang buong kapulungan ng Israel na nagkakatipon sa harap ng kaban ay naghandog ng mga baka at mga tupa na sa dami ay hindi na mabilang. 7 At ipinasok ng mga pari ang Kaban ng Tipan sa Dakong Kabanal-banalan. Inilagay nila ito sa ilalim ng mga pakpak ng mga kerubin. 8 Nakabuka ang mga pakpak ng mga kerubin kaya't nalulukuban ng mga iyon ang Kaban ng Tipan at ang mga pasanan nito. 9 Ang mga pasanan ay lampas sa magkabilang dulo ng Kaban at nakikita ito mula sa Dakong Kabanal-banalan. Ngunit hindi ito nakikita sa labas. Ganito pa rin ang ayos ng lahat ng iyon hanggang ngayon. 10 Walang(D) laman ang Kaban kundi ang dalawang tapyas ng batong inilagay roon ni Moises noong sila'y nasa Sinai.[a] Ito ang mga tapyas ng batong kinasusulatan ng kasunduang ginawa ni Yahweh sa bayang Israel noong umalis sila sa Egipto.
Ang Kaluwalhatian ni Yahweh
11 Ang lahat ng paring naroon, kahit na iba't ibang pangkat ay naghanda ng kani-kanilang sarili sa paglilingkod. At paglabas nila mula sa Templo, 12 nakatayo naman sa gawing silangan ng altar ang mga mang-aawit na Levita: sina Asaf, Heman at Jeduthun, kasama ang kanilang mga anak at mga kapatid. Nakadamit sila ng mamahaling lino at tumutugtog ng pompiyang, alpa at lira, kasaliw ng mga trumpeta na hinihipan ng 120 pari. 13 Ang(E) (F) mga umiihip ng trumpeta at ang mga mang-aawit ay sama-samang nagpupuri at nagpapasalamat kay Yahweh. Sa saliw ng mga trumpeta, pompiyang at iba pang mga instrumento ay inaawit nila ang ganito: “Purihin si Yahweh sa kanyang kabutihan! Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.” At ang Templo, ang tahanan ng Diyos, ay napuno ng ulap. 14 Kaya't ang mga pari'y hindi nakatagal sa loob upang maglingkod. Napuno ng kaluwalhatian ni Yahweh ang buong Templo.
Binasbasan ni Solomon ang Buong Israel(G)
6 Sinabi noon ni Solomon:
“Sinabi ninyo, Yahweh, na ibig ninyong manirahan sa makapal na ulap.
2 Ipinagtayo ko kayo ng isang maringal na bahay,
isang lugar na titirhan ninyo magpakailanman.”
3 Pagkatapos ay humarap ang hari at binasbasan ang buong sambayanang Israel. 4 Sinabi(H) niya: “Purihin si Yahweh, ang Diyos ng Israel. Tinupad niya ang kanyang pangako kay David na aking ama. Sinabi niya noon: 5 ‘Mula nang ilabas ko sa Egipto ang aking bayan hanggang ngayon, hindi ako pumili ng alinmang lunsod sa mga lipi ng Israel upang ipagtayo ako roon ng isang Templo kung saan ako'y sasambahin. Hindi pa rin ako pumipili ng sinuman upang mamuno sa Israel. 6 Ngunit pinili ko ang Jerusalem upang doon ako sambahin at hinirang ko si David upang mamuno sa aking bayang Israel.’
7 “Binalak ni David na aking ama na ipagtayo ng templo si Yahweh, ang Diyos ng Israel, upang doon siya sambahin. 8 Ngunit sinabi sa kanya ni Yahweh, ‘Mabuti ang binabalak mong magtayo ng isang Templo para sa akin. 9 Subalit hindi ikaw ang magtatayo niyon, kundi ang isa sa magiging anak mo.’
10 “Natupad ngayon ang pangako ni Yahweh. Humalili ako sa aking amang si David at ngayo'y nakaupo ako sa trono ng Israel gaya ng pangako ni Yahweh. Naitayo ko na ang Templo kung saan ay sasambahin si Yahweh, ang Diyos ng Israel. 11 Nailagay ko na roon ang Kaban ng Tipan na kinalalagyan ng kasunduang ginawa ni Yahweh sa sambayanang Israel.”
Makikilala ang Espiritung Mula sa Diyos
4 Mga minamahal, huwag ninyong paniwalaan ang bawat nagsasabing nasa kanila ang Espiritu. Sa halip, subukin ninyo sila upang malaman kung talagang mula sa Diyos ang espiritung nasa kanila, sapagkat marami nang huwad na propeta sa mundong ito. 2 Ito ang palatandaan na ang Espiritu ng Diyos nga ang nasa kanila: kung ipinapahayag nila na si Jesu-Cristo ay dumating bilang tao. 3 Kung hindi gayon ang kanilang ipinapahayag tungkol kay Jesus, hindi mula sa Diyos ang espiritung nasa kanila. Ang espiritu ng Kaaway ni Cristo ang nasa kanila. Narinig na ninyong ito'y darating at ngayon nga'y nasa sanlibutan na.
4 Mga anak, kayo nga'y sa Diyos at napagtagumpayan na ninyo ang mga huwad na propeta, sapagkat ang Espiritung nasa inyo ay mas makapangyarihan kaysa espiritung nasa mga makasanlibutan. 5 Sila'y makasanlibutan, kaya't mula rin sa sanlibutan ang itinuturo nila, at nakikinig sa kanila ang mga makasanlibutan. 6 Ngunit tayo'y sa Diyos. Ang sinumang kumikilala sa Diyos ay nakikinig sa atin[a]; ngunit hindi nakikinig sa atin[b] ang sinumang hindi sa Diyos. Sa ganito nga natin nakikilala ang Espiritu ng katotohanan at ang espiritu ng kasinungalingan.
Ang Diyos ay Pag-ibig
7 Mga minamahal, mag-ibigan tayo sapagkat mula sa Diyos ang pag-ibig. Ang bawat umiibig ay anak ng Diyos at kumikilala sa Diyos. 8 Ang hindi umiibig ay hindi kumikilala sa Diyos, sapagkat ang Diyos ay pag-ibig. 9 Inihayag ng Diyos ang kanyang pag-ibig sa atin nang isugo niya sa mundo ang kanyang kaisa-isang Anak upang magkaroon tayo ng buhay sa pamamagitan niya. 10 Ito ang pag-ibig: hindi sa inibig natin ang Diyos, kundi tayo ang inibig niya at isinugo niya ang kanyang Anak upang maging handog para mapatawad ang ating mga kasalanan.
11 Mga minamahal, kung ganoon kadakila ang pag-ibig ng Diyos sa atin, dapat din tayong magmahalan. 12 Kailanma'y(A) wala pang taong nakakita sa Diyos, ngunit kung tayo'y nagmamahalan, nasa atin ang Diyos at nagiging ganap sa atin ang kanyang pag-ibig.
13 Nalalaman nating nananatili tayo sa Diyos at siya naman sa atin, sapagkat pinagkalooban niya tayo ng kanyang Espiritu. 14 Nakita namin at pinapatotohanang isinugo ng Ama ang kanyang Anak upang iligtas ang sanlibutan. 15 Ang nagpapahayag na si Jesus ang Anak ng Diyos ay nananatili sa Diyos, at ang Diyos nama'y nananatili sa kanya. 16 Nalalaman nating tayo'y iniibig ng Diyos at lubos tayong nananalig sa katotohanang ito.
Ang Diyos ay pag-ibig. Ang nagpapatuloy sa pag-ibig ay nananatili sa Diyos, at ang Diyos ay nananatili naman sa kanya. 17 Ang pag-ibig ay nagiging ganap sa atin kaya't panatag ang ating kalooban para sa Araw ng Paghuhukom, sapagkat tayo'y tulad ni Cristo, kahit nasa daigdig pang ito. 18 Walang kasamang takot ang pag-ibig at pinapawi ng ganap na pag-ibig ang anumang takot. Hindi pa ganap ang pag-ibig ng sinumang natatakot, sapagkat ang takot ay kaugnay ng parusa.
19 Tayo'y umiibig[c] sapagkat ang Diyos ang unang umibig sa atin. 20 Ang nagsasabing, “Iniibig ko ang Diyos,” subalit napopoot naman sa kanyang kapatid ay sinungaling. Kung ang kapatid na kanyang nakikita ay hindi niya magawang ibigin, paano niya maiibig ang Diyos na hindi niya nakikita? 21 Ito ang utos na ibinigay sa atin ni Cristo: ang umiibig sa Diyos ay dapat ding umibig sa kanyang mga kapatid.
3 Tiyak na ang iyong pagkawasak!
Lunsod ng mga sinungaling at mamamatay-tao,
puno ng kayamanang mananakaw at masasamsam.
2 Lumalagapak ang mga latigo,
dumadagundong ang mga gulong,
humahagibis ang mga kabayo,
rumaragasa ang mga karwahe!
3 Sumusugod ang mga mangangabayo,
kumikinang ang kanilang espada, kumikislap ang dulo ng sibat!
Nakabunton ang mga bangkay,
di mabilang ang mga patay,
sa mga ito'y natatalisod ang mga nagdaraan!
4 Ang Nineve ay katulad ng isang mahalay na babae,
mapanukso at puno ng kamandag.
Binighani niya ang ibang mga bansa at inalipin ang mga ito.
5 Sinabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat,
“Paparusahan kita, Nineve!
Huhubaran kita nang makita ka ng ibang mga bansa.
Dahil dito'y mapapahiya ka.
6 Tatabunan kita ng dumi,
at gagawing hamak.
Mandidiri sa iyo ang mga tao.
7 Lalayuan ka ng lahat ng makakakita sa iyo.
Sasabihin nila, ‘Wasak na ang Nineve!
Sino ang magmamalasakit sa kanya?
Sino ang aaliw sa kanya?’”
Hindi Maipagtatanggol ng Nineve ang Kanyang Sarili
8 Nakahihigit ka ba sa Tebez?
Siya rin naman ay may ilog
na nakapalibot gaya ng isang pader,
ang Ilog Nilo na kanyang tanggulan.
9 Pinangunahan niya ang Etiopia[a] at Egipto,
walang hanggan ang kanyang kapangyarihan;
ang Libya ay kapanalig ng Tebez.
10 Gayunma'y dinala siyang bihag ng kanyang kaaway.
Ipinaghampasan sa mga panulukang daan ang kanilang mga anak.
Ginapos ng tanikala ang magigiting nilang lalaki,
at ang mga ito'y pinaghati-hatian ng mga bumihag sa kanila.
11 Nineve, ikaw man ay malalasing at mahihilo.
Sisikapin mo ring tumakas sa iyong mga kaaway.
12 Ang lahat ng iyong kuta ay magiging parang mga puno ng igos
na hinog na ang mga bunga.
Kapag inuga ang mga puno, malalaglag ang mga bunga
sa mismong bibig ng gustong kumain.
13 Parang mga babae ang iyong mga hukbo,
at ang iyong bansa ay hindi kayang magtanggol laban sa kaaway.
Lalamunin ng apoy ang mga panara sa iyong mga pintuan.
14 Mag-ipon ka na ng tubig para sa panahon ng pagkubkob sa iyo.
Tibayan mo ang iyong mga tanggulan.
Simulan mo na ang pagmamasa ng luwad,
at hulmahin ang mga tisa.
15 Anuman ang gawin mo, matutupok ka pa rin
at mamamatay sa labanan.
Malilipol ka tulad ng pananim na kinain ng mga balang.
Magpakarami kang gaya ng mga balang!
16 Pinarami mo ang iyong mangangalakal;
higit pa sila sa mga bituin sa kalangitan!
Ngunit wala na sila ngayon,
tulad ng mga balang na nagbubuka ng kanilang mga pakpak upang lumipad palayo.
17 Ang mga pinuno mo ay parang mga balang,
na nakadapo sa mga pader kung malamig ang panahon,
ngunit nagliliparan pagsikat ng araw,
at walang nakakaalam kung saan sila pupunta.
18 Ang mga pinuno mo'y patay na, Asiria, gayon din ang iyong mga maharlika. Nagkalat sa parang ang iyong mamamayan at walang magtipon sa kanila. 19 Wala man lang gumamot sa iyong sugat na malubha at nagnanaknak. Lahat ng makabalita sa sinapit mo ay natutuwa't pumapalakpak, sapagkat ginawan mo silang lahat nang napakasama.
Nakilala ni Zaqueo si Jesus
19 Pumasok si Jesus sa Jerico at naglakad sa kabayanan. 2 May isang tao roong ang pangalan ay Zaqueo, isang pinuno ng mga maniningil ng buwis at siya'y mayaman. 3 Sinikap niyang makita si Jesus upang makilala kung sino ito, ngunit sa dami ng tao, hindi niya ito makita dahil siya'y pandak. 4 Kaya't patakbo siyang nauna sa dadaanan ni Jesus at umakyat sa isang puno ng sikamoro. 5 Pagtapat ni Jesus sa lugar na iyon, tumingala siya kay Zaqueo at sinabi, “Zaqueo, bumabâ ka agad sapagkat kailangan kong tumuloy ngayon sa iyong bahay.”
6 Nagmamadaling bumabâ si Zaqueo, at tuwang-tuwang tinanggap si Jesus sa kanyang bahay. 7 Lahat ng nakakita nito ay nagbulung-bulungan. “Nakikituloy siya sa isang makasalanan,” sabi nila.
8 Tumayo si Zaqueo at sinabi niya kay Jesus, “Panginoon, ipamimigay ko po sa mga mahihirap ang kalahati ng aking mga kayamanan. At kung ako'y may nadayang sinuman, isasauli ko ito sa kanya ng maka-apat na beses.”
9 At sinabi sa kanya ni Jesus, “Ang kaligtasan ay dumating ngayon sa sambahayang ito sapagkat anak din ni Abraham ang taong ito. 10 Ang(A) Anak ng Tao ay naparito upang hanapin at iligtas ang naligaw.”
Ang Talinghaga ng Salaping Ginto(B)
11 Habang(C) ang mga tao ay nakikinig, nagpatuloy si Jesus sa pagsasalita at isinalaysay niya sa kanila ang isang talinghaga. Si Jesus ay malapit na noon sa Jerusalem at inakala ng mga tao na darating na agad ang kaharian ng Diyos. 12 Kaya't sinabi niya, “May isang maharlikang pumunta sa malayong lupain upang siya'y gawing hari, at pagkatapos nito, siya ay babalik. 13 Subalit bago siya umalis, tinawag niya ang sampu sa kanyang mga alipin at binigyan ang mga ito ng tig-iisang gintong salapi.[a] Sinabi niya sa kanila, ‘Ipangalakal ninyo iyan hanggang sa aking pagbabalik.’ 14 Ngunit galit sa kanya ang kanyang mga nasasakupan, kaya't nagsugo sila ng kinatawan upang sabihin sa kinauukulan, ‘Ayaw naming maghari sa amin ang taong iyon.’ 15 Gayunpaman ay ginawa rin siyang hari.
“Nang makabalik na siya at nagsimulang maghari, ipinatawag niya ang mga aliping binigyan ng gintong salapi, upang malaman kung magkano ang tinubo ng bawat isa. 16 Lumapit sa kanya ang una at ganito ang sinabi, ‘Panginoon, ang isang gintong salaping ibinigay ninyo ay tumubo ng sampu.’ 17 ‘Magaling,’ sagot niya. ‘Mabuting alipin! Dahil naging tapat ka sa kakaunting ipinagkatiwala sa iyo, pamamahalain kita sa sampung lungsod.’ 18 Lumapit naman ang ikalawa at ang sabi, ‘Panginoon, ang gintong salaping iniwan ninyo sa akin ay tumubo ng lima.’ 19 At sinabi niya sa alipin, ‘Mamamahala ka sa limang lungsod.’ 20 Lumapit ang isa pang alipin at ganito naman ang sinabi, ‘Panginoon, narito po ang inyong gintong salapi. Binalot ko po ito sa panyo at itinago. 21 Natatakot po ako sa inyo dahil kayo'y napakahigpit; kinukuha ninyo ang hindi sa inyo at inaani ang hindi ninyo itinanim.’ 22 Sinagot siya ng hari, ‘Masamang alipin! Sa salita mong iyan ay hahatulan kita. Alam mo palang ako'y mahigpit at sinasabi mo pang kinukuha ko ang hindi sa akin at inaani ko ang hindi ko itinanim. 23 Bakit hindi mo na lamang idineposito sa bangko ang aking salapi? May tinubo sana iyan bago ako dumating.’ 24 At sinabi niya sa mga naroon, ‘Kunin ninyo sa kanya ang gintong salapi at ibigay sa may sampu.’ 25 ‘Panginoon, siya po'y mayroon nang sampung gintong salapi,’ sabi nila. 26 ‘Sinasabi(D) ko sa inyo, ang mayroon ay bibigyan pa, ngunit ang wala, kahit ang kaunting nasa kanya ay kukunin pa. 27 Tungkol naman sa mga kaaway kong ayaw na ako'y maghari sa kanila, dalhin ninyo sila rito at patayin sa harap ko!’”
Ang Matagumpay na Pagpasok sa Jerusalem(E)
28 Pagkasabi(F) nito, nauna si Jesus papuntang Jerusalem. 29 Nang malapit na siya sa Bethfage at Bethania, sa Bundok ng mga Olibo, isinugo niya ang dalawa sa kanyang mga alagad. 30 Sinabi niya sa kanila, “Pumunta kayo sa susunod na nayon. Sa pagpasok doo'y matatagpuan ninyo ang isang batang asno na nakatali; hindi pa iyon nasasakyan ninuman. Kalagan ninyo at dalhin dito. 31 Kapag may nagtanong kung bakit ninyo iyon kinakalagan, sabihin ninyong kailangan iyon ng Panginoon.”
32 Lumakad nga ang mga inutusan at natagpuan nila ang asno, ayon sa sinabi ni Jesus. 33 Habang kinakalagan nila ang batang asno, tinanong sila ng mga may-ari, “Bakit ninyo kinakalagan iyan?”
34 “Kailangan po ito ng Panginoon,” tugon nila.
35 Dinala nila kay Jesus ang asno, at matapos isapin sa likod nito ang kanilang mga balabal, siya'y pinasakay nila. 36 Habang siya'y nakasakay sa asno, inilalatag naman ng mga tao ang kanilang mga balabal sa kanyang dinaraanan. 37 Nang siya'y malapit na sa lungsod, palusong na sa libis ng Bundok ng mga Olibo, nagsigawan sa tuwa ang lahat ng alagad niya at malakas na nagpuri sa Diyos dahil sa mga kahanga-hangang pangyayaring kanilang nasaksihan. 38 Sinabi nila, “Pinagpala ang haring dumarating sa pangalan ng Panginoon! Kapayapaan sa langit! Papuri sa Kataas-taasan!”
39 Sinabi naman sa kanya ng ilang Pariseong kasama ng karamihan, “Guro, patigilin ninyo ang inyong mga alagad.”
40 Sumagot siya, “Sinasabi ko sa inyo, kapag tumahimik sila, ang mga bato na ang sisigaw.”
Tinangisan ni Jesus ang Jerusalem
41 Nang malapit na siya sa Jerusalem at natatanaw na niya ang lungsod, ito'y kanyang tinangisan. 42 Sinabi niya, “Kung nalalaman mo lamang sa araw na ito kung ano ang makakapagdulot sa iyo ng kapayapaan! Ngunit ito'y lingid ngayon sa iyong paningin. 43 Darating ang mga araw na magkakampo sa paligid mo ang iyong mga kaaway, palilibutan ka nila at gigipitin sa kabi-kabila. 44 Wawasakin ka nila at lilipulin ang lahat ng iyong mamamayan. Wala silang iiwanang magkapatong na bato sapagkat hindi mo pinansin ang pagdalaw sa iyo ng Diyos.”
Si Jesus sa Templo(G)
45 Pumasok si Jesus sa Templo at sinimulang ipagtabuyan ang mga nagtitinda roon. 46 Sinabi(H) niya sa kanila, “Nasusulat, ‘Ang aking bahay ay tatawaging bahay-dalanginan.’ Ngunit ginawa ninyo itong lungga ng mga magnanakaw.”
47 Araw-araw,(I) si Jesus ay nagtuturo sa loob ng Templo. Pinagsikapan siyang ipapatay ng mga punong pari, mga tagapagturo ng Kautusan at mga pinuno ng bayan. 48 Subalit wala silang makitang paraan upang maisagawa ito dahil taimtim na nakikinig sa kanya ang buong bayan.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.