Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
2 Mga Hari 23

Ang mga Reporma ni Josias(A)

23 Ipinatawag ni Haring Josias ang lahat ng matatandang pinuno ng Juda at Jerusalem, at sila'y pumunta sa Templo ni Yahweh, kasama ang mga pari, mga propeta at ang lahat ng taga-Jerusalem at Juda, mayaman at dukha. Pagdating doon, ipinabasa niya ang aklat ng kasunduan na natagpuan sa Templo. Pagkabasa, tumayo sa tabi ng haligi ang hari at nanumpang susunod sa kautusan ni Yahweh, at sa lahat ng tuntunin nito. Ang lahat ng naroon ay nakiisa sa hari sa panunumpa nito sa kasunduang ginawa ni Yahweh.

Ang(B) lahat ng kagamitan sa loob ng Templo na may kaugnayan kay Baal, kay Ashera at sa mga bituin ay ipinalabas ng hari kay Hilkias, ang pinakapunong pari, gayundin sa mga katulong na pari at sa mga bantay ng Templo. Ipinasunog niya ang mga iyon sa labas ng Jerusalem, sa Libis ng Kidron, at dinala sa Bethel ang abo. Pinaalis niya ang mga paring itinalaga ng mga unang hari ng Juda upang magsunog ng insenso sa mga dambana ng mga diyus-diyosan sa Juda at sa palibot ng Jerusalem. Pinalayas din niya ang mga paring nagsusunog ng insenso para kay Baal, para sa araw, buwan at mga bituin sa langit. Ang rebulto ni Ashera ay ipinalabas niya sa Templo at ipinadala sa labas ng Jerusalem, sa Libis ng Kidron at doon ipinasunog. Pagkatapos, ipinadurog niya ang uling niyon at ipinasabog sa libingan ng mga karaniwang tao. Ipinagiba rin niya ang tirahan ng mga lalaki at babaing nagbebenta ng panandaliang-aliw sa templo bilang pagsamba kung saan hinahabi rin ng mga babae ang mga toldang ginagamit sa pagsamba sa diyus-diyosang si Ashera. Tinipon ni Josias sa Jerusalem ang lahat ng pari ng mga dambana ng mga diyus-diyosan sa gawing kaliwa ng pintuan ng tirahan ni Josue, na gobernador ng lunsod. Ngunit ang mga paring naglingkod sa mga dambana ng mga diyus-diyosan ay hindi pinayagang maghandog sa altar ni Yahweh. Nakisalo na lamang sila sa kapwa nila pari sa Jerusalem sa pagkain ng tinapay na walang pampaalsa. 10 Ipinagiba(C) rin niya ang dambana sa Libis ng Ben Hinom upang wala nang makapagsunog ng kanilang anak bilang handog kay Molec. 11 Ipinaalis niya sa pintuang papasok sa Templo ang mga kabayong inilaan ng mga naging hari ng Juda para sa pagsamba sa araw. Ang mga ito'y nasa tabi ng tirahan ng opisyal na si Natan-melec, sa bulwagang nasa may likod ng templo. Pagkatapos ipinasunog niya ang mga karwaheng ginagamit sa pagsamba sa araw. 12 Ang(D) mga altar na ipinagawa ng mga naging hari ng Juda sa kaitaasang palapag ng tirahan ni Ahaz, pati ang mga altar na ipinagawa ni Manases sa magkabilang bulwagan ng Templo ay ipinagiba niya at ipinatapon sa Libis ng Kidron ang mga dinurog na bato. 13 Ipinagiba(E) rin niya ang mga altar sa silangan ng Jerusalem sa gawing timog ng Bundok ng mga Olibo. Ang mga ito'y ipinagawa ni Haring Solomon ng Israel para sa mga kasuklam-suklam na mga diyus-diyosan: para kay Astoret, ang diyosa ng mga Sidonio, para kay Quemos, ang diyos ng mga Moabita, at para kay Milcom, ang diyos ng mga Ammonita. 14 Ipinagiba rin niya ang mga rebultong bato at mga sagradong haligi, at ang mga lugar na pinag-alisan sa mga ito ay pinatambakan niya ng kalansay ng mga tao.

15 Ipinagiba(F) rin niya ang dambana sa Bethel na ipinagawa ni Jeroboam na anak ni Nebat na nanguna sa Israel upang magkasala. Ipinadurog din niya ang mga bato at ipinasunog ang rebulto ni Ashera. 16 Nang(G) makita niya ang libingan sa isang bundok sa di-kalayuan, ipinahukay niya ang mga kalansay doon at ipinasunog sa dating kinatatayuan ng mga altar upang hamakin ang mga ito. Ang lahat ng ito'y ginawa ayon sa salita ni Yahweh na ipinahayag sa pamamagitan ng kanyang propeta. 17 Nang(H) makita niya ang isang puntod, itinanong niya, “Kaninong puntod iyon?”

“Puntod po iyon ng propetang mula sa Juda. Siya po ang nagpahayag noon ng tungkol sa pagwasak na ginawa ninyo ngayon sa altar sa Bethel,” sagot ng mga tagaroon.

18 Sinabi niya, “Kung ganoon, huwag ninyong gagalawin ang kanyang kalansay.” Kaya hindi nila ginalaw ang mga buto niyon pati ang kalansay ng propeta mula sa Samaria.

19 Pati ang mga dambana ng mga diyus-diyosan sa mga lunsod ng Samaria na ipinagawa ng mga naging hari ng Israel at siyang naging dahilan ng galit ni Yahweh ay ipinagiba ni Haring Josias. Ginawa rin niya rito ang ginawa niya sa Bethel. 20 Pinatay niya ang mga paring naglilingkod sa mga altar ng mga diyus-diyosan. Pinatambakan din niya ng kalansay ng mga tao ang mga altar at sinunog. Pagkatapos bumalik siya sa Jerusalem.

Ipinagdiwang ni Josias ang Paskwa(I)

21 Ipinag-utos ni Haring Josias sa mga tao, “Ipagdiwang natin ang Paskwa ni Yahweh, ayon sa nakasulat sa aklat ng tipan.” 22 Sapagkat mula pa sa panahon ng mga hukom ay wala pang hari sa Juda at sa Israel na nagdiwang ng Paskwa. 23 Ngunit nang ikalabing walong taon ng paghahari ni Josias, ipinagdiwang sa Jerusalem ang Paskwa ni Yahweh.

Iba Pang mga Repormang Ginawa ni Josias

24 Pinaalis ni Josias ang mga sumasangguni sa mga espiritu ng namatay na, ang mga manghuhula, ang mga diyus-diyosan at ang lahat ng kasuklam-suklam na mga bagay sa buong Juda at Jerusalem bilang pagtupad sa mga kautusang nasa aklat na natagpuan ni Hilkias sa Templo. 25 Sa mga haring nauna sa kanya at maging sa mga sumunod ay walang maitutulad sa kanyang katapatan kay Yahweh. Pinaglingkuran niya si Yahweh nang buong puso, buong kaluluwa at buong lakas at sumunod sa buong Kautusan ni Moises.

26 Ngunit hindi pa rin napawi ang matinding galit ni Yahweh sa Juda dahil sa mga kasamaang ginawa ni Manases. 27 Kaya't sinabi ni Yahweh, “Itatakwil ko ang Juda tulad ng ginawa ko sa Israel. Ganoon din ang gagawin ko sa Lunsod ng Jerusalem na aking pinili, pati sa Templong sinabi ko na doo'y sasambahin ang aking pangalan.”

Ang Pagwawakas ng Paghahari ni Josias(J)

28 Ang iba pang ginawa ni Josias ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Juda. 29 Nang panahong iyon, ang bahagi ng Asiria sa gawing Ilog Eufrates ay sinalakay ni Neco na Faraon ng Egipto. Sumaklolo si Haring Josias sa hari ng Asiria, ngunit napatay siya sa Megido. 30 Ang kanyang bangkay ay kinuha ng kanyang mga kasama at inilibing sa kanyang libingan sa Jerusalem. At si Jehoahaz na anak niya ang pinili ng mga taong-bayan bilang hari, kapalit ng kanyang ama.

Si Haring Jehoahaz ng Juda(K)

31 Si Jehoahaz ay dalawampu't tatlong taóng gulang nang maging hari ng Juda. Tatlong buwan lamang siyang naghari sa Jerusalem. Ang ina niya ay si Hamutal na anak ni Jeremias na taga-Libna. 32 Hindi siya naging kalugud-lugod kay Yahweh sapagkat tinularan niya ang masasamang halimbawa ng kanyang mga ninuno. 33 Ikinulong siya ng Faraon Neco ng Egipto sa Ribla, sa lupain ng Hamat at ang Juda'y hiningan niya ng buwis na 3,500 kilong pilak at 35 kilong ginto. 34 Inilagay(L) ni Neco si Eliakim na anak ni Josias bilang hari at pinalitan niya ng Jehoiakim ang pangalan nito. Si Jehoahaz naman ay dinalang-bihag sa Egipto at doon na ito namatay.

Si Haring Jehoiakim ng Juda(M)

35 Si Haring Jehoiakim ng Juda ay nagbabayad ng buwis na pilak at ginto kay Neco. Kaya't pinatawan niya ng buwis ang buong bayan ayon sa makakaya ng bawat isa upang may maibigay siya kay Neco.

36 Si(N) Jehoiakim ay dalawampu't limang taóng gulang nang maghari sa Jerusalem at ito'y tumagal nang labing-isang taon. Ang kanyang ina ay si Zebida na anak ni Pedaias na taga-Ruma. 37 Tulad ng masamang halimbawa ng kanyang mga ninuno, ginawa rin niya ang mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh.

Mga Hebreo 5

Ang bawat pinakapunong pari ay pinili mula sa mga tao at inilagay sa ganoong tungkulin upang maglingkod sa Diyos para sa mga tao. Siya ang nag-aalay ng mga kaloob at mga handog para mapatawad ang mga kasalanan. Mahinahon niyang napapakitunguhan ang mga mangmang at naliligaw ng landas, sapagkat siya'y mahina ring tulad nila. At(A) dahil sa kanyang kahinaan, kinakailangang siya'y mag-alay ng handog, hindi lamang para sa kasalanan ng iba, kundi para rin sa kanyang mga kasalanan. Ang(B) karangalan ng pagiging pinakapunong pari ay hindi maaaring makuha ninuman sa kanyang sariling kagustuhan. Ang Diyos ang pumipili sa kanya, tulad ng pagkapili kay Aaron.

Gayundin(C) naman, hindi itinaas ni Cristo ang kanyang sarili upang maging Pinakapunong Pari. Siya'y pinili ng Diyos na nagsabi sa kanya,

“Ikaw ang aking Anak,
    mula ngayo'y ako na ang iyong Ama.”

Sinabi(D) rin niya sa ibang bahagi ng kasulatan,

“Ikaw ay pari magpakailanman,
    ayon sa pagkapari ni Melquisedec.”

Noong(E) si Jesus ay namumuhay pa rito sa lupa, siya'y nanalangin at lumuluhang nakiusap sa Diyos na makakapagligtas sa kanya sa kamatayan. At dininig siya ng Diyos dahil lubusan siyang nagpakumbaba. Kahit na siya'y Anak ng Diyos, natutunan niya ang tunay na kahulugan ng pagsunod sa pamamagitan ng pagtitiis. At nang siya'y maging ganap, siya ang naging sanhi upang magkamit ng walang hanggang kaligtasan ang lahat ng mga masunurin sa kanya. 10 Ginawa siya ng Diyos na Pinakapunong Pari ayon sa pagkapari ni Melquisedec.

Babala Laban sa Pagtalikod

11 Marami pa kaming masasabi tungkol sa bagay na ito, ngunit mahirap ipaliwanag sa inyo sapagkat napakabagal ninyong umunawa. 12 Dapat(F) sana'y mga tagapagturo na kayo, subalit hanggang ngayo'y kailangan pa kayong turuan ng mga panimulang aralin ng Salita ng Diyos. Dapat sana'y kumakain na kayo ng matigas na pagkain ngunit hanggang ngayon, gatas pa lamang ang inyong kaya. 13 Ang sanggol pa ay nabubuhay sa gatas at wala pang karanasan tungkol sa mabuti at masama. 14 Ang matigas na pagkain ay para sa may sapat na gulang at dahil sa pagsasanay ay marunong nang kumilala ng pagkakaiba ng mabuti at masama.

Joel 2

Ang mga Balang na Babala sa Pagdating ng Araw ni Yahweh

Hipan ninyo ang trumpeta sa Zion

    at ibigay ang hudyat sa banal na bundok ng Diyos.
Manginig kayong mga taga-Juda,
    sapagkat malapit nang dumating ang araw ni Yahweh.
Ito'y makulimlim at malungkot na araw,
    madilim ang buong kapaligiran;
at lilitaw ang napakakapal na balang
    tulad ng paglaganap ng dilim sa kabundukan.
Hindi pa nangyayari ang ganito nang mga nakaraang panahon,
    at hindi na mangyayari pang muli maging sa darating na panahon.

Nilalamon nilang tulad ng apoy ang mga halaman.
    Parang halamanan ng Eden ang lupain bago sila dumating,
    ngunit naging malungkot na ilang nang kanilang iwan;
    wala silang itinira.
Parang(A) mga kabayo ang kanilang anyo,
    waring mga kabayong pandigma kung sila'y tumakbo.
Kapag dumaraan sila sa ibabaw ng mga bundok,
    ang ingay nila ay parang rumaragasang karwahe,
    parang tuyong damo na sinusunog.
Nakahanay sila, tulad ng isang hukbo na handang makipagdigma.
Habang sila'y papalapit, nasisindak ang lahat;
    namumutla sa takot ang bawat isa.
Sumasalakay sila, gaya ng mga mandirigma;
    inaakyat nila ang mga pader gaya ng mga kawal.
Walang lingun-lingon silang sumusugod.
    Walang lumilihis sa landas na tinatahak.
Lumulusot sila sa mga tanggulan
    at walang makakapigil sa kanila.
Sinasalakay nila ang lunsod,
    inaakyat ang mga pader;
    pinapasok ang mga bahay,
    lumulusot sila sa mga bintana, gaya ng mga magnanakaw.

10 Sa(B) pagdaan nila'y nayayanig ang lupa;
    at umuuga ang langit.
Nagdidilim ang araw at ang buwan,
    at pati mga bitui'y ayaw nang magliwanag.
11 Parang(C) kulog ang tinig ni Yahweh, kung mag-utos sa kanyang hukbo.
    Ang mga pangkat na tumatalima sa kanya
    ay marami at malalakas.
Nakakapangilabot ang araw ni Yahweh!
    Sino ang makakatagal dito?

Panawagan Upang Magsisi

12 “Gayunman,” sabi ni Yahweh,
    “mataimtim kayong magsisi at manumbalik sa akin;
    mag-ayuno kayo, manangis at magdalamhati.
13 Magsisi kayo nang taos sa puso,
    at hindi pakitang-tao lamang.”

Magbalik-loob kayo kay Yahweh na inyong Diyos!
    Siya'y mahabagin at mapagmahal,
    hindi madaling magalit at wagas ang pag-ibig;
    laging handang magpatawad at hindi nagpaparusa sa nagsisisi.
14 Maaaring lingapin kayong muli ni Yahweh na inyong Diyos
    at bigyan kayo ng masaganang ani.
Kung magkagayon, mahahandugan ninyo siya ng handog na pagkaing butil at alak.

15 Hipan ninyo ang trumpeta sa ibabaw ng Bundok ng Zion!
    Tipunin ninyo ang mga tao at ipag-utos ninyo na mag-ayuno ang lahat!
16 Tawagin ninyo ang mga tao
    para sa isang banal na pagtitipon.
    Tipunin ninyo ang lahat, matatanda at bata,
    pati mga sanggol at maging ang mga bagong kasal.
17 Mga(D) pari, tumayo kayo
    sa pagitan ng altar at ng pasukan ng Templo,
manangis kayo't manalangin nang ganito:
    “Mahabag ka sa iyong bayan, O Yahweh!
    Huwag mong hayaang kami'y hamakin at pagtawanan ng ibang mga bansa
    at tanungin, ‘Nasaan ang inyong Diyos?’”

Pinanumbalik ng Diyos ang Kasaganaan sa Lupain

18 Pagkatapos, ipinakita niya ang malasakit niya sa lupain,
    at naawa siya sa kanyang bayan.
19 Ganito ang kanyang tugon:
“Bibigyan ko kayo ngayon ng butil, alak at langis,
    upang kayo'y mabusog.
    Hindi na kayo hahamakin ng ibang bansa.
20 Paaalisin ko na ang mga hukbong waring buhat sa hilaga;
    itataboy ko ang iba sa disyerto.
At ang mga pangunahing hanay nila ay itataboy ko naman sa dagat sa silangan;
    sa dagat sa hilaga naman ang nasa hulihan.
    Aalingasaw ang baho ng kanilang mga bangkay.
Lilipulin ko sila dahil sa lahat ng ginawa nila sa inyo.”

21 “Lupain, huwag kayong matakot;
    kayo ay magsaya't lubos na magalak
    dahil sa lahat ng ginawa ni Yahweh para sa inyo.”
22 Mga hayop, huwag kayong matakot,
    luntian na ang mga pastulan.
    Namumunga na ang mga punongkahoy,
    hitik na sa bunga ang igos at ang ubas.

23 “Magalak kayo, mga taga-Zion!
    Matuwa kayo dahil sa ginawa ni Yahweh na inyong Diyos.
    Pinaulan niya nang sapat sa taglagas,
    at gayundin sa taglamig;
    tulad ng dati, uulan din sa tagsibol.
24 Mapupuno ng ani ang mga giikan;
    aapaw ang alak at langis sa mga pisaan.
25 Ibabalik ko ang lahat ng nawala sa inyo
    nang pinsalain ng katakut-takot na balang ang inyong mga pananim.
    Ako ang nagpadala ng hukbong ito laban sa inyo.
26 Magkakaroon kayo ngayon ng saganang pagkain at kayo'y mabubusog.
    Pupurihin ninyo si Yahweh na inyong Diyos,
    na gumawa ng mga kahanga-hangang bagay para sa inyo.
    Hindi na muli pang kukutyain ang aking bayan.
27 Kaya nga malalaman ninyo na ako'y sumasainyo
    at akong si Yahweh lamang ang inyong Diyos.
    Hindi na muling hahamakin ang aking bayan.

Ang Araw ni Yahweh at ang Kanyang Espiritu

28 “Pagkatapos(E) nito, ipagkakaloob ko ang aking Espiritu[a] sa lahat ng tao:
    ipahahayag ng inyong mga anak na lalaki't babae ang aking mga mensahe.
    Magkakaroon ng mga panaginip ang inyong matatandang lalaki,
    at makakakita ng mga pangitain ang inyong mga kabataang lalaki.
29 Sa panahong iyon, ibubuhos ko rin ang aking Espiritu
    maging sa mga alipin, lalaki man o babae.
30 “Magpapakita ako ng mga kababalaghan
    sa langit at sa lupa;
    dugo, apoy at makapal na usok.
31 Ang(F) araw ay magdidilim,
    at ang buwan ay pupulang parang dugo
    bago dumating ang dakila at nakakatakot na araw ni Yahweh.
32 At(G) sa panahong iyon, ang lahat ng hihingi ng tulong kay Yahweh ay maliligtas.
Gaya ng kanyang sinabi,
    may ilang makakatakas sa Bundok ng Zion
    at ang aking mga pinili'y makakaligtas sa Jerusalem.”

Mga Awit 142

Panalangin Upang Tulungan ng Diyos

Isang(A) Maskil[a] ni David, nang siya'y nasa kuweba. Ito'y isa ring panalangin.

142 O Yahweh, ako ay humingi ng tulong,
    ako'y maghihintay sa iyong pagtugon;
ang aking dinala'y lahat kong hinaing,
    at ang sinabi ko'y pawang suliranin.
Nang ako ay halos wala nang pag-asa,
    ang dapat kong gawi'y nalalaman niya.
Sa landas na aking pinagdaraanan,
    may handang patibong ang aking kaaway.
Sa aking paligid, nang ako'y lumingon,
    wala ni isa man akong makatulong;
    wala kahit isa na magsasanggalang,
ni magmalasakit na kahit sinuman.

Ako ay humibik, kay Yahweh dumaing,
    sa Tagapagligtas, ako'y dumalangin;
    tunay na ikaw lang mahalaga sa akin.
Dinggin ang hibik ko, ako ay tulungan,
    pagkat halos ako'y di makagulapay;
iligtas mo ako sa mga kaaway,
    na mas malalakas ang mga katawan.
Sa suliranin ko, ako ay hanguin,
    at ang pangalan mo'y aking pupurihin, sa gitna ng madlang mga lingkod mo rin
    sa kabutihan mong ginawa sa akin!

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.