Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
2 Mga Hari 17

Si Haring Oseas ng Israel

17 Nang ikalabindalawang taon ng paghahari ni Ahaz sa Juda, naging hari ng Israel si Oseas na anak ni Ela. Siya'y naghari sa Samaria nang siyam na taon. Bagama't hindi tulad ng mga hari ng Israel na nauna sa kanya, ginawa rin niya ang mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh. Sinalakay siya at sinakop ni Haring Salmaneser ng Asiria. Napasailalim sa Asiria ang kanyang kaharian at pinagbuwis taun-taon. Natuklasan ni Haring Salmaneser ng Asiria na si Haring Oseas ay hindi tapat sa kanya: ito'y nakipagsabwatan kay Haring So ng Egipto at hindi na nagbayad ng buwis. Kaya, ipinadakip niya si Haring Oseas at ipinabilanggo.

Ang Pagbagsak ng Samaria

Nilusob ni Salmaneser ang Israel, at tatlong taóng kinubkob ng mga hukbo ang Samaria. Nang ikasiyam na taon ng paghahari ni Oseas, ang Samaria ay sinakop ng hari ng Asiria. Dinala niyang bihag ang mga Israelita sa Asiria at ikinalat sa Hala, ang iba'y sa Ilog Habor, sa Gozan, at sa mga lunsod ng Medes.

Nangyari ito sa mga Israelita sapagkat nagkasala sila kay Yahweh na kanilang Diyos na naglabas sa kanila sa Egipto, mula sa pagpapahirap ng Faraon na hari ng Egipto. Sumamba rin sila sa ibang mga diyos at ginaya ang mga kaugalian ng mga bansang itinaboy ni Yahweh mula sa lupaing sinakop nila. Bukod dito, sumunod sila sa mga kaugaliang pinasimulan ng mga hari ng Israel. Sila'y gumawa ng mga bagay na labag sa kalooban ni Yahweh. Pumili sila ng mga sagradong burol sa bawat bayan, mula sa pinakamaliit na nayon hanggang sa pinakamalaking lunsod. 10 Naglagay(A) din sila ng mga haligi at mga rebulto ni Ashera sa mga burol at sa bawat lilim ng mga punongkahoy. 11 Doon sila nagsusunog ng insenso tulad ng ginagawa ng mga bansang pinalayas ni Yahweh sa mga lupaing sinakop nila. Nagalit si Yahweh sa kanila dahil sa mga kasamaang ito. 12 Naglingkod sila sa mga diyus-diyosan na mahigpit na ipinagbabawal ni Yahweh. 13 Kahit na binalaan ni Yahweh ang Israel at ang Juda sa pamamagitan ng kanyang mga sugo at mga propeta nang sabihin niya, “Talikuran ninyo ang inyong mga kasamaan at mamuhay kayo ayon sa kautusang ibinigay ko sa inyong mga ninuno sa pamamagitan ng aking mga lingkod na propeta,” 14 hindi nila ito pinakinggan. Sa halip, nagmatigas sila tulad ng kanilang mga ninuno na hindi nagtiwala kay Yahweh na kanilang Diyos. 15 Itinakwil nila ang kanyang mga utos, sinira ang kasunduang ginawa ni Yahweh sa kanilang mga ninuno, at binaliwala ang mga babala niya sa kanila. Sila'y naglingkod sa mga diyos na walang kabuluhan kaya nawalan din sila ng kabuluhan. Tinularan nila ang mga kaugalian ng mga bansang nakapaligid sa kanila na sa simula pa'y ipinagbawal na ni Yahweh. 16 Nilabag(B) nilang lahat ang mga utos ni Yahweh na kanilang Diyos at gumawa ng dalawang guyang metal. Iginawa rin nila ng rebulto ang diyus-diyosang si Ashera. Sinamba nila ang araw, buwan at mga bituin at naglingkod din kay Baal. 17 Sinunog(C) nila bilang handog ang kanilang mga anak na lalaki't babae. Sumangguni sila sa mga manghuhula at sa mga nakikipag-ugnay sa espiritu ng mga patay. Nalulong sila sa paggawa ng masama. Dahil dito, labis na napoot sa kanila si Yahweh, 18 kaya itinaboy silang lahat mula sa kanyang paningin, maliban sa lipi ni Juda.

19 Ngunit hindi rin sumunod ang Juda sa mga utos ni Yahweh na kanilang Diyos at tinularan nila ang mga kaugalian ng Israel. 20 Itinakwil ni Yahweh ang lahat ng mga Israelita at pinabayaan niya sila sa malulupit na kaaway hanggang sila'y lubusang malupig.

21 Matapos paghiwalayin ni Yahweh ang Israel at ang Juda na kaharian ni David, ginawa ng Israel na hari si Jeroboam na anak ni Nebat. Siya ang nag-udyok sa Israel na talikuran si Yahweh at gumawa ng mga karumal-dumal na kasalanan. 22 Tinularan ng Israel ang mga kasamaan ni Jeroboam, at hindi sila nagbago 23 kaya itinakwil sila ni Yahweh, tulad ng babala sa kanila ng mga propeta. Ang mga Israelita ay dinalang-bihag sa Asiria kung saan sila ay nanirahan mula noon.

Nanirahan sa Israel ang mga Taga-Asiria

24 Ang Samaria ay pinatirhan ng hari ng Asiria sa mga taga-Babilonia, Cuta, Ava, Hamat at Sefarvaim. 25 Nang bago pa lamang sila roon, hindi sila sumasamba kay Yahweh kaya sila'y ipinalusob niya at ipinalapa sa mga leon. 26 May nagsabi sa hari ng Asiria, “Hindi alam ng mga taong pinatira mo sa mga lunsod ng Samaria kung ano ang batas ng diyos doon. Dahil dito, sila'y ipinakakain niya sa mga leon.” 27 Kaya, ipinasundo ng hari ng Asiria ang isa sa mga paring kasama ng mga Israelitang dinalang-bihag, at pinatira sa Samaria upang ituro sa mga tao ang kautusan ng diyos ng lupaing iyon. 28 At ibinalik nga nila sa Samaria ang isa sa mga paring dinalang-bihag at ito ay nanirahan sa Bethel. Itinuro niya sa mga tao kung paano nila sasambahin si Yahweh.

29 Ngunit ang mga taong pinatira sa Samaria ay nagpatuloy na gumawa ng kanilang mga diyus-diyosan at inilagay nila ang mga iyon sa mga dambana sa mga sagradong burol na ginawa ng mga Israelita. 30 Si Sucot-benot ang diyos na ginawa ng mga taga-Babilonia; si Nergal ang ginawa ng mga taga-Cuta; si Asima ang sa mga taga-Hamat; 31 si Nibkaz at Tartak ang sa mga taga-Abas; si Adramelec at Anamelec naman ang sa mga taga-Sefarvaim. Nagsunog sila ng kanilang mga anak bilang handog sa mga diyus-diyosang ito. 32 Sinamba rin ng mga taong ito si Yahweh at sila'y pumili ng iba't ibang uri ng tao bilang mga pari, at ang mga ito ang naghahandog sa mga dambana sa mga sagradong burol. 33 Ngunit patuloy pa rin sila sa pagsamba sa kanilang mga diyus-diyosan, tulad ng kaugalian sa mga bansang pinanggalingan nila.

34 Simula(D) noon, iyon na ang naging paraan ng kanilang pagsamba. Hindi nila sinasamba si Yahweh sa tamang paraan. Hindi rin nila sinusunod ang mga tuntunin at kautusang ibinigay sa mga anak ni Jacob na pinangalanan niyang Israel. 35 Gumawa(E) si Yahweh ng kasunduan sa kanila at inutusan sila na, “Huwag kayong sasamba sa ibang diyos, ni yuyukod o maglilingkod o maghahandog sa kanila. 36 Ang(F) sasambahin ninyo ay si Yahweh na siyang naglabas sa inyo sa Egipto sa pamamagitan ng dakilang kapangyarihan. Siya lamang ang inyong paglilingkuran at hahandugan. 37 Susundin ninyong mabuti ang lahat ng mga utos at mga tuntuning ibinigay sa inyo. Huwag kayong sasamba sa ibang diyos, 38 at huwag ninyong kalilimutan ang kasunduang ginawa ko sa inyo. 39 Si Yahweh lamang ang inyong sambahin at ililigtas niya kayo sa inyong mga kaaway.” 40 Ngunit ayaw nilang sumunod kundi nagpatuloy sila sa dati nilang mga kaugalian.

41 Sumamba nga sila kay Yahweh ngunit sumamba rin sila sa kanilang mga diyus-diyosan. Hanggang ngayo'y ganoon pa rin ang kanilang ginagawa maging ng kanilang mga kaapu-apuhan.

Tito 3

Ang Dapat na Maging Ugali ng mga Cristiano

Paalalahanan mo ang mga kapatid na magpasakop sa mga pinuno at maykapangyarihan; sundin ang mga ito at laging maging handa sa paggawa ng mabuti. Sabihan mo silang huwag magsalita ng masama laban kaninuman, umiwas sa pakikipag-away, at maging mahinahon at magalang sa lahat ng tao. Noong una, tayo rin mismo ay mga hangal, hindi masunurin, naliligaw at naging alipin ng mga makamundong damdamin at lahat ng uri ng kalayawan. Naghari sa atin ang masamang isipan at pagkainggit. Tayo'y kinapootan ng iba at sila'y kinapootan din natin. Ngunit nang mahayag ang kabutihan at pag-ibig ng Diyos na ating Tagapagligtas, iniligtas niya tayo, hindi dahil sa ating mabubuting gawa kundi dahil sa kanyang habag sa atin. Tayo'y iniligtas niya sa pamamagitan ng Espiritu Santo na naghugas sa atin upang tayo'y ipanganak na muli at magkaroon ng bagong buhay. Masaganang ipinagkaloob ng Diyos sa atin ang Espiritu Santo sa pamamagitan ng ating Tagapagligtas na si Jesu-Cristo, upang tayo'y gawing matuwid sa pamamagitan ng kanyang kagandahang-loob, at tayo'y maging tagapagmana ng inaasahan nating buhay na walang hanggan.

Mapagkakatiwalaan ang aral na ito. Kaya't ang nais ko'y buong tiyaga mong ituro ito sa mga nananalig sa Diyos upang ilaan nila ang kanilang sarili sa paggawa ng mabuti, na siyang karapat-dapat at kapaki-pakinabang sa mga tao. Iwasan mo ang mga walang kabuluhang pagtatalo, ang di matapus-tapos na talaan ng mga ninuno, at ang mga away at alitan tungkol sa Kautusan. Ang mga ito ay walang pakinabang

at walang halaga. 10 Pagkatapos mong sawaying minsan o makalawa, iwasan mo na ang taong lumilikha ng pagkakabaha-bahagi, 11 dahil alam mong ang ganyang tao ay masama at ang kanyang sariling mga kasalanan ang nagpapakilalang siya'y mali.

Pangwakas na Paalala

12 Papupuntahin(A) ko riyan si Artemas o si Tiquico. Pagdating nila diyan, pilitin mong makapunta sa Nicopolis. Doon ako magpapalipas ng taglamig. 13 Sikapin(B) mong mapadali ang paglalakbay ni Apolos at ng abogadong si Zenas. Tiyakin mong hindi sila magkukulang sa anumang pangangailangan. 14 Turuan mo ang ating mga kapatid sa pananampalataya na ilaan ang kanilang sarili sa paggawa ng mabuti upang makatulong sila sa mga nangangailangan, at maging kapaki-pakinabang.

15 Kinukumusta ka ng mga kasama ko rito. Ikumusta mo rin kami sa lahat ng kapatid sa pananampalataya na nagmamahal sa atin.

Nawa'y sumainyong lahat ang kagandahang-loob ng Diyos.

Hosea 10

10 Ang Israel ay tulad ng punong ubas na mayabong
    at hitik sa bunga ang mga sanga.
Habang dumarami ang kanyang bunga,
    dumarami rin naman ang itinatayo niyang altar.
Habang umuunlad ang kanyang lupain,
    lalo niyang pinapaganda ang mga haliging sinasamba.
Marumi ang kanilang puso
    at ngayo'y dapat silang magdusa.
Wawasakin ni Yahweh ang kanilang mga altar,
    at sisirain ang mga haliging sinasamba.
Ngayon nama'y sasabihin nila,
    “Wala kaming hari,
sapagkat hindi kami sumasamba kay Yahweh.
    Ngunit ano nga ba naman ang magagawa ng isang hari para sa amin?”
Puro siya salita ngunit walang gawa;
    puro pangako ngunit laging napapako;
ang katarungan ay pinalitan ng kawalang-katarungan,
    at ito'y naging damong lason na sumisibol sa buong lupain.
Matatakot at mananaghoy ang mga taga-Samaria
    dahil sa pagkawala ng mga guya sa Beth-aven.
Ipagluluksa ito ng sambayanan;
    mananangis pati mga paring sumasamba sa diyus-diyosan,
    dahil sa naglaho nitong kaningningan.
Ang diyus-diyosang ito'y dadalhin sa Asiria
    bilang kaloob sa dakilang hari.
Mapapahiya ang Efraim,
    at ikakahiya ng Israel ang mga itinuring nilang diyos.

Ang hari ng Samaria ay mapapahamak
    tulad ng sanga na tinatangay ng tubig.
Wawasakin(A) ang mga altar sa burol ng Aven,
    na naging dahilan ng pagkakasala ng Israel.
Tutubo ang mga tinik at dawag sa mga altar,
    at sasabihin nila sa kabundukan, “Itago ninyo kami,”
    at sa kaburulan, “Tabunan ninyo kami.”

Hinatulan ni Yahweh ang Israel

Sinabi(B) ni Yahweh, “Ang Israel ay patuloy sa pagkakasala;
    mula pa noong sila'y nasa Gibea.
    Dahil dito'y aabutan siya ng digmaan sa Gibea.
10 Sasalakayin[a] ko ang bayan,
    at magsasanib ang mga bansa laban sa inyo.
    Kayo'y pinarusahan ko dahil sa patung-patong na kasalanan.

11 “Ang Efraim ay parang dumalagang baka
    na sanay at mahilig sa gawang paggiik,
ngunit ngayo'y isisingkaw ko na siya;
    ang Juda ang dapat humila ng araro;
    at ang Israel naman ang hihila ng suyod.
12 Maghasik(C) kayo ng katuwiran,
    at mag-aani kayo ng tapat na pag-ibig.
    Bungkalin ninyong muli ang napabayaang lupa,
sapagkat panahon na upang hanapin natin si Yahweh.
    Lalapit siya sa inyo at pauulanan kayo ng pagpapala.
13 Ngunit naghasik kayo ng kalikuan,
    at kawalang-katarungan ang inyong inani,
    kumain din kayo ng bunga ng kasinungalingan.

“Dahil sa pagtitiwala ninyo sa inyong mga kapangyarihan,
    at sa lakas ng marami ninyong mandirigma,
14 masasangkot sa digmaan ang inyong bayan,
    at mawawasak lahat ng inyong mga kuta,
gaya ng ginawa ni Salman sa Beth-arbel nang salakayin niya ito
    at patayin ang mga ina at mga bata.
15 Ganito ang gagawin sa sambahayan ng Israel,
    sapagkat malaki ang inyong kasalanan.
Sa pagsapit ng bukang-liwayway,
    ang hari ng Israel ay ganap na mamamatay.”

Mga Awit 129-131

Panalangin Laban sa mga Kaaway ng Israel

Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba.

129 Ihayag mo, O Israel, ang ginawa ng kaaway,
    sa simulang usigin ka, mula pa nang kabataan!

“Simula pa noong bata, ako'y di na nilubayan,
    mahigpit na pinag-usig, bagaman di nagtagumpay.
Ako ay sinaktan nila, ang likod ko'y sinugatan,
    mga sugat na malalim, parang bukid na binungkal.
Ngunit ang Diyos na si Yahweh, palibhasa ay matuwid,
    pinalaya niya ako at sa hirap ay inalis.”

Nawa itong mga bansang laging namumuhi sa Zion,
    sa labanan ay malupig, mapahiya't mapaurong!
Matulad sa mga damong tumubo sa mga bubong,
    natutuyong lahat ito, kahit ito'y bagong sibol,
    di na ito binibigkis at hindi na tinitipon.
Kahit isang dumaraa'y di man lamang banggitin,
    “Nawa ang pagpapala ni Yahweh ay iyong tanggapin!
    Sa pangalan ni Yahweh, pagpapala ay iyong tanggapin!”

Panalangin Upang Tulungan ng Diyos

Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba.

130 Sa gitna ng paghihirap, kay Yahweh ay dumalangin.
Panginoon, ako'y dinggin kapag ako'y tumataghoy,
    dinggin mo ang pagtawag ko't paghingi ng iyong tulong.
Kung ikaw ay may talaan nitong aming kasalanan,
    lahat kami ay tatanggap ng hatol mong nakalaan.
Ngunit iyong pinatawad, kasalanan ay nilimot,
    pinatawad mo nga kami upang sa iyo ay matakot.

Sabik akong naghihintay, O Yahweh, sa iyong tugon,
    pagkat ako'y may tiwala sa pangako mong pagtulong.
Yaring aking pananabik, Panginoon, ay higit pa
    sa bantay na naghihintay ng pagsapit ng umaga.

Magtiwala ka, Israel, magtiwala ka kay Yahweh,
    matatag at di kukupas ang pag-ibig niyang dulot,
    lagi siyang nakahandang sa sinuman ay tumubos.
Ililigtas(A) ang Israel, bansang kanyang minamahal,
    ililigtas niya sila sa kanilang kasalanan.

Ang Mapagpakumbabang Dalangin

Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba; katha ni David.

131 Yahweh aking Diyos, ang pagmamataas,
    tinalikuran ko't iniwan nang ganap;
ang mga gawain na magpapatanyag
    iniwan ko na rin, di ko na hinangad.
Mapayapa ako at nasisiyahan,
    tulad niyong sanggol sa bisig ni Inay.
Kaya mula ngayon, at magpakailanman,
    si Yahweh lang Israel, ang dapat sandigan!

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.