Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
2 Mga Hari 13

Ang Paghahari ni Jehoahaz sa Israel

13 Nang ikadalawampu't tatlong taon nang paghahari sa Juda ni Joas na anak ni Ahazias, nagsimula namang maghari sa Israel si Jehoahaz na anak ni Jehu. Naghari siya sa Samaria sa loob ng labimpitong taon. Ginawa rin niya ang mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh. Sinundan rin niya ang mga masasamang gawain ni Jeroboam na anak ni Nebat, na nanguna sa Israel para magkasala. Nagpakasama rin siyang tulad nila. Dahil dito, nagalit si Yahweh sa Israel kaya hinayaan niyang matalo ito ni Haring Hazael ng Siria at ng anak nitong si Ben-hadad. Nanalangin si Jehoahaz kay Yahweh at pinakinggan naman siya sapagkat nakita ni Yahweh ang kalupitang dinaranas ng Israel sa kamay ng hari ng Siria. Binigyan sila ni Yahweh ng isang tagapagligtas na siyang nagpalaya sa kanila sa kapangyarihan ng Siria. At muling namuhay nang mapayapa ang mga Israelita sa kani-kanilang tahanan. Ngunit hindi pa rin nila tinalikuran ang kasamaan ni Jeroboam na umakay sa Israel para magkasala. Hinayaan nilang manatili sa Samaria ang haliging simbolo ng diyus-diyosang si Ashera. Walang natira sa hukbo ni Jehoahaz maliban sa limampung mangangabayo, sampung karwahe at 10,000 kawal. Parang alikabok na dinurog ni Hazael ang buong hukbo ni Jehoahaz. Ang iba pang ginawa ni Jehoahaz ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel. Namatay siya at inilibing sa Samaria, sa libingan ng kanyang mga ninuno. Humalili sa kanya ang anak niyang si Jehoas.

Ang Paghahari ni Jehoas sa Israel

10 Nang ikatatlumpu't pitong taon ng paghahari ni Joas sa Juda, si Jehoas na anak ni Jehoahaz naman ay nagsimulang maghari sa Israel. Naghari siya sa Samaria sa loob ng labing-anim na taon. 11 Ginawa rin niya ang mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh. Nagpakasama rin siyang tulad ni Jeroboam, na anak ni Nebat, na nagbulid sa Israel sa pagkakasala. Wala siyang pinag-iba sa kanila. 12 Ang iba pang ginawa ni Jehoas, pati ang pakikipaglaban niya kay Haring Amazias ng Juda ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel. 13 Namatay si Jehoas at inilibing sa Samaria, sa libingan ng mga hari ng Israel. Si Jeroboam ang humalili sa kanya bilang hari.

Ang Pagkamatay ni Eliseo

14 Si(A) Eliseo ay nagkasakit nang malubha at dinalaw siya ni Haring Jehoas ng Israel. Lumuluha nitong sinabi, “Ama ko, ama ko! Magiting na tagapagtanggol ng Israel!”

15 Iniutos ni Eliseo sa hari, “Kumuha ka ng pana at mga palaso.” Kumuha naman si Jehoas. Muling nag-utos si Eliseo, “Humanda ka sa pagtudla.” 16 Sinabi uli ni Eliseo, “Banatin mo ang pana.” Binanat ng hari ang pana at ipinatong ni Eliseo sa kamay ni Jehoas ang kanyang mga kamay. 17 Pagkatapos, iniutos ni Eliseo, “Buksan mo ang bintanang nakaharap sa Siria at itudla mo ang palaso.” Sinunod naman ito ni Jehoas. Sinabi ni Eliseo, “Iyan ang palaso ng tagumpay ni Yahweh laban sa mga taga-Siria. Lalabanan mo sila sa Afec hanggang sa sila'y malipol. 18 Ngayon, kumuha ka muli ng mga palaso at itudla mo sa lupa.” Sumunod muli si Jehoas. Tatlong beses siyang tumudla sa lupa. 19 Dahil dito'y pagalit na sinabi ni Eliseo, “Bakit tatlong beses ka lamang tumudla? Sana'y lima o anim na beses para lubusan mong malupig ang Siria. Sa ginawa mong iyan, tatlong beses ka lang magtatagumpay laban sa Siria.”

20 Namatay si Eliseo at inilibing.

Nang panahong iyon, nakagawian na ng mga Moabita na salakayin ang Israel taun-taon tuwing tagsibol. 21 Minsan, may mga Israelitang naglilibing ng isang lalaki. Walang anu-ano, may natanawan silang pangkat ng mga tulisan na palapit sa kanila. Kaya't sa pagmamadali ay naitapon na lamang nila ang bangkay sa libingan ni Eliseo. Nang ito'y sumayad sa kalansay ni Eliseo, nabuhay ang bangkay at bumangon.

Ang Digmaan ng Israel at Siria

22 Ang Israel ay pinahirapan ni Haring Hazael ng Siria sa buong panahon ng paghahari ni Jehoahaz. 23 Ngunit kinahabagan sila ni Yahweh dahil sa kasunduan niya kina Abraham, Isaac at Jacob. Kaya hanggang ngayo'y hindi niya ito hinayaang lubusang nililipol ni pinababayaan man.

24 Nang mamatay si Haring Hazael ng Siria, ang anak niyang si Ben-hadad ang humalili sa kanya. 25 Tatlong beses siyang natalo ni Jehoas at nabawi nito ang lahat ng bayan ng Israel na nasakop ni Hazael sa panahon ng paghahari ni Jehoahaz na ama ni Jehoas.

2 Timoteo 3

Ang mga Huling Araw

Dapat mong malaman na sa mga huling araw ay darating ang mga panahon ng kaguluhan. Sapagkat ang mga tao'y magiging maibigin sa sarili, maibigin sa salapi, palalo, mapagmataas, mapagsamantala, suwail sa magulang, walang utang na loob at lapastangan sa Diyos. Sila'y magiging walang pagmamahal sa kapwa, walang habag, mapanirang-puri, walang pagpipigil sa sarili, marahas, at walang pagpapahalaga sa mabuti. Sila'y magiging mga taksil, padalus-dalos, mayayabang, maibigin sa kalayawan sa halip na maibigin sa Diyos. Sila'y may anyo ng pagiging maka-Diyos, ngunit hindi naman nakikita ang kapangyarihan nito sa kanilang pamumuhay. Iwasan mo ang ganyang uri ng mga tao. May ilan sa kanila na gagamit ng panlilinlang upang makapasok sa mga bahay ng mga babaing madaling malinlang. Ang mga babaing ito'y inuusig ng bigat ng kanilang mga pagkakasala at itinutulak sa sari-saring pagnanasa. Lahat na'y gustong matutunan ng mga babaing ito ngunit kailanma'y hindi nila nauunawaan ang katotohanan. At(A) tulad nina Janes at Jambres na sumalungat kay Moises, sila ay sumasalungat din sa katotohanan. Wala silang iniisip na kabutihan at hindi tunay ang kanilang pananampalataya. Ngunit hindi magpapatuloy ang kanilang kasamaan, sapagkat makikita ng lahat ang kanilang kahangalan, gaya ng nangyari kina Janes at Jambres.

Mga Huling Tagubilin

10 Ngunit sinunod mo ang aking itinuro sa iyo, ang aking ugali at layunin sa buhay. Tinularan mo ang aking pananampalataya, pagtitiyaga, pag-ibig at katapatan. 11 Nasaksihan(B) mo ang mga pag-uusig at paghihirap na dinanas ko sa Antioquia, Iconio at Listra. Napagtiisan ko ang mga ito! At sa lahat ng ito ay iniligtas ako ng Panginoon. 12 Gayundin naman, ang lahat ng nagnanais mamuhay nang matuwid bilang tagasunod ni Cristo Jesus ay daranas ng mga pag-uusig, 13 samantalang ang masasama ay lalo namang magpapakasama, at ang manlilinlang ay patuloy na manlilinlang at sila man ay malilinlang din.

14 Ngunit ikaw, magpatuloy ka sa mga aral na natutunan mo at matibay mong pinaniwalaan, sapagkat kilala mo ang mga nagturo nito sa iyo. 15 Mula pa sa pagkabata alam mo na ang Banal na Kasulatan, na may kapangyarihang magbigay sa iyo ng karunungan tungo sa kaligtasan sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo Jesus. 16 Ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos, at kapaki-pakinabang sa pagtuturo ng katotohanan, sa pagsaway sa kamalian, sa pagtutuwid sa likong gawain at sa pagsasanay para sa matuwid na pamumuhay, 17 upang ang lingkod ng Diyos ay maging ganap at handa sa lahat ng mabubuting gawain.

Hosea 5-6

“Pakinggan ninyo ito, mga pari!
    Dinggin ninyo ito, sambahayan ni Israel!
Makinig kayo, sambahayan ng hari!
    Sapagkat kayo ang tinutukoy sa kahatulan.
Kayo'y naging bitag sa Mizpa,
    at lambat na nakalatag sa Bundok Tabor.
Kayo'y naghimagsik at nagpakagumon sa kasalanan,
    kaya't paparusahan ko kayong lahat.
Kilala ko si Efraim;
    walang lihim sa akin ang Israel;
sapagkat ikaw ngayon Efraim ay naging babaing masama,
    at ang Israel naman ay naging marumi.”

Babala Laban sa Pagsamba sa mga Diyus-diyosan

Dahil sa kanilang mga ginawa,
    hindi na sila makapanumbalik sa Diyos.
Sapagkat nasa kanila ang espiritu ng kasamaan,
    at hindi nila nakikilala si Yahweh.
Ang kapalaluan ng Israel ay sumasaksi laban sa kanya.
    Matitisod ang Efraim sa kanyang kasalanan;
    at kasama niyang matitisod ang Juda.
Dadalhin nila ang kanilang mga kawan ng tupa at baka
    upang hanapin si Yahweh,
subalit siya'y hindi nila matatagpuan;
    lumayo na siya sa kanila.
Naging taksil sila kay Yahweh;
    kaya't nagkaanak sila sa labas.
    Masisira ang kanilang mga pananim at sila'y malilipol pagdating ng bagong buwan.

Digmaan ng Juda at ng Israel

“Hipan ang tambuli sa Gibea!
    Hipan ang trumpeta sa Rama!
Ibigay ang hudyat sa Beth-aven!
    Nasa likuran mo na sila, Benjamin!
Mawawasak ang Efraim sa araw ng pag-uusig.
Ang ipinapahayag kong ito'y tiyak na mangyayari.

10 “Nangangamkam ng lupa ang mga pinuno ng Juda;
    binago nila ang palatandaan ng pagbabahagi sa kanilang lupain.
Kaya parang bahang ibubuhos ko sa kanila ang aking poot.
11 Ang Efraim ay inaapi at tadtad sa kahatulan,
    sapagkat patuloy siyang umaasa sa mga diyus-diyosan.
12 Ako'y parang kalawang sa Efraim,
    at bukbok sa sambahayan ni Juda.

13 “Nang makita ni Efraim ang maselan niyang karamdaman,
    at ni Juda ang kanyang mga sugat,
si Efraim ay nagpasugo sa hari ng Asiria.
Subalit hindi na siya kayang pagalingin,
    hindi na mabibigyang-lunas ang kanyang mga sugat.
14 Sapagkat parang leon akong sasalakay sa Efraim,
    parang isang mabangis na batang leon na gugutay sa Juda.
Lalapain ko ang Juda saka iiwan,
    at walang makakapagligtas sa kanila.

15 “Pagkatapos ay babalik ako sa aking tahanan
    hanggang sa harapin nila ang kanilang pananagutan,
    at sa kanilang paghihirap ako ay hanapin.”

Hindi Taos ang Pagsisisi ng Israel

“Halikayo, tayo'y manumbalik kay Yahweh;
    sapagkat ang nanakit ay siya ring magpapagaling.
Siya ang nanugat, kaya't siya rin ang gagamot.
Sa loob ng dalawang araw ay mapapalakas niya tayo;
    sa ikatlong araw, tayo'y kanyang ibabangon,
    upang tayo'y mabuhay sa kanyang harapan.
Halikayo't kilalanin natin si Yahweh, sikapin nating siya'y makilala.
    Kasintiyak ng pagdating ng bukang-liwayway, darating siyang walang pagsala,
tulad ng patak ng ulan sa panahon ng taglamig,
    tulad ng tubig-ulan na nagpapasibol sa mga halaman.”

Ang Tugon ni Yahweh

“Ano ang gagawin ko sa iyo, Efraim?
    Ano ang gagawin ko sa iyo, Juda?
Ang pag-ibig ninyo sa akin ay tulad ng ulap sa umaga,
    gaya ng hamog na dagling napapawi.
Kaya nga, pinarusahan ko kayo sa pamamagitan ng mga propeta,
    at pinagpapatay sa pamamagitan ng aking mga salita;
    simbilis ng kidlat ang katuparan ng aking[a] hatol.
Sapagkat(A) wagas na pag-ibig ang nais ko at hindi handog,
    pagkilala sa Diyos sa halip na handog na sinusunog.

“Ngunit tulad ni Adan ay sumira kayo sa ating kasunduan,
    nagtaksil kayo sa aking pag-ibig.
Ang Gilead ay lunsod ng mga makasalanan,
    tigmak sa dugo ang mga lansangan nito.
Nagkakaisa ang mga pari,
    parang mga tulisang nag-aabang sa bibiktimahin.
Pumapatay sila sa daang patungo sa Shekem;
    mabigat na kasalanan ang ginagawa nila.
10 Kahindik-hindik ang nakita ko sa sambahayan ni Israel.
    Ang Efraim ay nalulong na sa kalaswaan; ang Israel naman ay nahandusay sa putikan.

11 “Nakatakda na rin ang parusa sa iyo, Juda,
    sa sandaling ibalik ko ang kasaganaan ng aking bayan.

Mga Awit 119:145-176

Panalangin Upang Iligtas ng Diyos

(Qof)

145 Buong pusong tumatawag itong iyong abang lingkod;
    ako'y iyong dinggin, Yahweh, at susundin ko ang utos.
146 Tumatawag ako, Yahweh, sa iyo ay dumaraing,
    iligtas mo ako ngayon nang ang utos mo ay sundin.
147 Madilim pa, ang lingkod mo ay gising na't tumatawag,
    sa pangako mong iniwan, pag-asa ko'y nakalagak.
148 Hindi ako makatulog, magdamag na laging gising,
    at ang aking binubulay ay ang bigay mong aralin.
149 Ako'y dinggin mo, O Yahweh, ayon sa iyong pag-ibig,
    iligtas mo ang buhay ko yamang ikaw ay matuwid.
150 Palapit na nang palapit ang sa aki'y umuusig,
    mga taong walang galang sa utos mong sakdal tuwid.
151 Ngunit ikaw, O Yahweh, ay malapit sa piling ko,
    ang pangakong binitiwan mo sa akin ay totoo.
152 Iyang mga tuntunin mo'y matagal nang aking talos,
    ang utos na ginawa mo'y walang hanggang mga utos.

Panalangin Upang Maligtas

(Resh)

153 Ang taglay kong paghihirap ay masdan mo at lunasan,
    pagkat aking sinusunod ang banal mong kautusan.
154 Ako'y iyong ipagtanggol at ako ay tubusin,
    dahil iyan ang pangakong binitiwan mo sa akin.
155 Iyang mga masasama'y tiyak na di maliligtas,
    dahilan sa kautusang hindi nila ginaganap.
156 Sa iyong habag, O Yahweh, ay wala nang makapantay,
    kaya ako ay iligtas, ayon sa iyong kapasyahan.
157 Kay rami ng kaaway ko, at mga mapang-alipin,
    ngunit ang iyong kautusan ay patuloy kong susundin.
158 Nagdaramdam akong labis kapag aking namamasdan,
    yaong mga taong taksil na laban sa kautusan.
159 Nalalaman mo, O Yahweh, mahal ko ang iyong utos,
    iligtas mo ako ayon sa pag-ibig mong taos.
160 Ang buod ng kautusa'y batay sa katotohanan,
    ang lahat ng tuntunin mo'y pawang walang katapusan.

Pagtatalaga sa Kautusan ni Yahweh

(Shin)

161 Mga taong namumuno na kulang sa katarungan,
    usigin man nila ako, susundin ko'y iyong aral.
162 Dahilan sa pangako mo, nagagalak yaring buhay,
    katulad ko ay taong nakatuklas noong yaman.
163 Sa anumang di totoo muhi ako't nasusuklam,
    ang tunay kong iniibig ay ang iyong kautusan.
164 Araw-araw, pitong beses akong nagpapasalamat,
    sa lahat ng kahatulang matuwid mong iginawad.
165 Ang magmahal sa utos mo'y mapayapa yaong buhay,
    matatag ang taong ito at hindi na mabubuwal.
166 Hinihintay kita, O Yahweh, upang ako ay iligtas,
    ang lahat ng iyong utos ay akin ngang tinutupad.
167 Tinutupad ko ang utos at lahat mong mga aral,
    buong pusong iniibig ang buo mong kautusan.
168 Sinusunod ko ang iyong kautusa't mga aral,
    ang anumang gawain ko ay kita mo't namamasdan.

Panalangin Upang Tulungan ng Diyos

(Taw)

169 O Yahweh, tanggapin mo ang daing ko na tulungan,
    at ayon sa pangako mo, pang-unawa ako'y bigyan.
170 Hayaan ang dalangin ko ay dumating sa iyo, O Diyos,
    sang-ayon sa pangako mo, iligtas ang iyong lingkod.
171 Ako'y laging magpupuri, lagi kitang pupurihin,
    pagkat ako'y tinuruan ng aral mo at tuntunin.
172 Dahilan sa pangako mo, ako ngayon ay aawit,
    sapagkat ang iyong utos ay marapat at matuwid.
173 Humanda ka sa pagtulong, ito'y aking kailangan,
    sapagkat ang susundin ko'y ang utos mong ibinigay.
174 Nasasabik ako, Yahweh, sa pangakong pagliligtas,
    natamo ko sa utos mo, ang ligaya at ang galak.
175 Upang ako ay magpuri, ako'y bigyan mo ng buhay,
    matulungan nawa ako ng tuntunin mo at aral.
176 Para akong isang tupa na nawala at nawalay,
    hanapin mo ang lingkod mo, ako ngayon ay lapitan,
    pagkat ako ay sumunod sa lahat mong kautusan.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.