M’Cheyne Bible Reading Plan
Tinulungan ni Eliseo ang Isang Biyuda
4 Minsan, ang asawa ng isa sa mga propeta ay lumapit kay Eliseo. Sinabi niya, “Hindi po kaila sa inyo na ang asawa ko'y namuhay nang may takot kay Yahweh hanggang sa mamatay. Ngayon po, ang dalawa kong anak na lalaki ay gustong gawing alipin ng isa sa mga pinagkakautangan namin.”
2 “Ano ang maitutulong ko sa iyo?” tanong ni Eliseo. “Ano bang mayroon ka sa bahay mo?”
“Wala po, maliban sa isang boteng langis,” sagot niya.
3 Sinabi ni Eliseo, “Puntahan mo ang iyong mga kapitbahay at humiram ka ng mga lalagyan ng langis hangga't mayroon kang mahihiram. 4 Pagkatapos, magkulong kayong mag-iina sa inyong bahay at lahat ng lalagyang nahiram mo'y punuin mo ng langis na nasa bahay mo. Itabi mo ang mga napuno na.” 5 Umuwi nga ang babae at pagdating sa bahay ay nagkulong silang mag-iina at isa-isang pinuno ng langis ang mga lalagyan habang ang mga ito'y dinadala sa kanya ng kanyang mga anak.
6 Hindi alam ng ina na puno nang lahat kaya sinabi niya: “Abutan pa ninyo ako ng lalagyan.”
“Puno na pong lahat,” sagot ng kanyang mga anak. At tumigil na ang pagdaloy ng langis.
7 Pumunta siya kay Eliseo, ang lingkod ng Diyos at isinalaysay ang nangyari. Sinabi ni Eliseo sa babae, “Ipagbili mo ang langis at bayaran mo ang iyong mga utang. Ang matitira ay gamitin ninyong mag-iina.”
Si Eliseo at ang Sunamita
8 Minsan, si Eliseo'y pumunta sa Sunem. May isang mayamang babae roon at siya'y inanyayahang kumain sa kanila. Mula noon, doon siya kumakain tuwing pupunta sa lugar na iyon. 9 Sinabi ng babae sa kanyang asawa, “Natitiyak kong isang banal na lingkod ng Diyos ang taong ito. 10 Bakit di natin siya ipagpagawa ng isang silid para matuluyan niya tuwing pupunta rito? Bigyan natin siya ng higaan, mesa, upuan at ilawan.”
11 Isang araw, bumalik nga roon si Eliseo at doon siya nagpahinga sa silid na inihanda para sa kanya. 12 Tinawag niya ang katulong niyang si Gehazi at sinabi, “Tawagin mo ang babaing Sunamita.” Tinawag nga nito ang babae at di nagtagal ay dumating ang babae. 13 Sinabi niya sa kanyang katulong, “Sabihin mong pinasasalamatan natin ang pagpapagawa niya ng tuluyan nating ito. Itanong mo kung ano ang maitutulong natin sa kanya bilang ganti sa kaabalahan niya sa atin. Baka may gusto siyang ipasabi sa hari o sa pinuno ng hukbo.”
“Wala kayong dapat alalahanin. Nasisiyahan na po kami sa pamumuhay rito sa piling ng aming mga kababayan,” sagot ng babae.
14 Pagkaalis ng babae, tinanong ni Eliseo si Gehazi, “Ano kaya ang maitutulong natin sa kanya?”
Sumagot si Gehazi, “Wala po siyang anak at matanda na ang kanyang asawa.”
15 “Tawagin mo siyang muli,” utos ni Eliseo. Kaya't bumalik ang babae at tumayo sa may pintuan. 16 Sinabi(A) sa kanya ni Eliseo, “Isang taon mula ngayon ay mayroon ka nang anak na lalaking kakalungin.”
Sinabi ng babae, “Mahal na lingkod ng Diyos, huwag na po ninyo akong paasahin.”
17 Ngunit dumating ang araw at naglihi ang Sunamita. At tulad ng sinabi ni Eliseo, nanganak siya ng isang lalaki makalipas ng halos isang taon mula nang sabihin ito sa kanya.
18 At lumaki ang bata. Isang araw, sumunod ito sa kanyang ama kasama ang iba pang gumagapas sa bukid. 19 Bigla na lamang dumaing ang bata na masakit ang kanyang ulo. Sinabi ng ama sa isang katulong, “Iuwi mo na siya sa kanyang ina.” 20 Sumunod naman ang inutusan at inilagay ang bata sa kandungan ng ina nito. Ngunit nang magtatanghaling-tapat, namatay ang bata. 21 Ang bangkay ay ipinasok ng ina sa silid ni Eliseo. Inilagay niya ito sa higaan, isinara ang pinto at dali-daling lumabas.
22 Tinawag niya ang kanyang asawa at sinabi, “Madali ka! Pagayakin mo ang isang utusan at ipahanda ang isang asnong masasakyan ko. Pupunta ako sa lingkod ng Diyos.”
23 “Anong gagawin mo roon?” tanong ng asawa. “Hindi ngayon Araw ng Pamamahinga at hindi rin Kapistahan ng Bagong Buwan.”
“Kahit na. Kailangan ko siyang makausap,” sagot ng babae. 24 Nang maihanda na ang asno, dali-dali siyang sumakay at sinabi sa kanyang katulong, “Sige, pabilisin mo ang asno at huwag mong pababagalin hanggang hindi ko sinasabi sa iyo.” 25 At naglakbay sila, papunta sa Bundok ng Carmel sa kinaroroonan ni Eliseo.
Nasa daan pa lamang, natanaw na sila ni Eliseo. Sinabi nito kay Gehazi, “Dumarating ang Sunamita. 26 Salubungin mo. Kumustahin mo siya, ang kanyang asawa at ang kanyang anak.”
Nang kumustahin ni Gehazi, sumagot ang babae, “Mabuti po.” 27 Paglapit niya kay Eliseo, nagpatirapa ang babae at hinawakan ang mga paa ni Eliseo.
Itutulak sanang palayo ni Gehazi ang babae ngunit sinabi ni Eliseo, “Pabayaan mo siya. Tiyak na may malaki siyang problema. Hindi pa lang ipinapaalam sa akin ni Yahweh.”
28 Sinabi ng babae, “Humingi ba ako sa inyo ng anak? Hindi ba't sinabi kong huwag na ninyo akong paasahin?”
29 Nilingon ni Eliseo si Gehazi at sinabi, “Magbalabal ka. Dalhin mo ang aking tungkod at tumakbo ka. Kapag may nakasalubong ka sa daan, huwag mong babatiin. Kapag may bumati sa iyo, huwag mong papansinin. Tumuloy ka sa bahay nila at ipatong mo ang tungkod sa mukha ng bata.”
30 Sinabi ng Sunamita, “Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy,[a] at hangga't buháy ka, hindi ako aalis nang hindi ka kasama.” Pagkasabi nito'y lumakad siyang papalabas ng bahay. Kaya, tumindig na si Eliseo at sumunod sa kanya.
31 Samantala, nauna si Gehazi sa bahay ng Sunamita at ipinatong sa bangkay ng bata ang tungkod ni Eliseo. Ngunit walang palatandaang ito'y mabubuhay. Kaya, bumalik siya at sinalubong si Eliseo. Sinabi niya, “Hindi po nagising ang bata.”
32 Nagtuloy si Eliseo sa kanyang silid at nakita niya ang bangkay sa kanyang higaan. 33 Isinara niya ang pinto at nanalangin kay Yahweh. 34 Dinapaan(B) niya ang bangkay at hinawakan ang mga kamay nito. Pagkatapos, itinapat niya sa bibig at mata ng bangkay ang kanyang bibig at mata. At unti-unting uminit ang bangkay. 35 Tumayo si Eliseo at nagpabalik-balik sa loob ng silid. Muli niyang dinapaan ang bangkay. At ang bata'y bumahin nang pitong beses, saka idinilat ang mga mata. 36 Ipinatawag niya kay Gehazi ang Sunamita at nang pumasok ito, sinabi niya, “Kunin mo na ang iyong anak.” 37 Ang babae'y nagpatirapa sa paanan ni Eliseo. Pagkatapos, kinuha ang kanyang anak at dinala sa kanyang silid.
Ang Kababalaghang Ginawa ni Eliseo para sa mga Propeta
38 Kasalukuyang taggutom sa Gilgal nang magbalik doon si Eliseo. Isang araw, samantalang nakaupo sa paligid niya ang pangkat ng mga propeta, sinabi niya sa kanyang katulong, “Isalang mo ang malaking palayok at ipagluto mo ang mga propetang ito.” 39 Tumayo ang isa sa mga naroon at lumabas ng bukid upang manguha ng gulay. Nakakita siya ng isang ligaw na baging na parang upo at maraming bunga. Kumuha siya ng makakaya niyang dalhin. Pagbabalik niya'y pinagputul-putol ang mga iyon at inilagay sa palayok na nakasalang.
40 Pagkaluto, inihain niya ito ngunit nang tikman nila'y napasigaw sila, “Lingkod ng Diyos, lason po ito!” Hindi nila ito makain.
41 Sinabi ni Eliseo, “Magdala kayo rito ng kaunting harina.” Inabutan nga siya at ito'y ibinuhos sa palayok saka sinabi, “Ihain ninyo ngayon.” Nang kainin nila, wala namang masamang nangyari sa kanila.
42 Isang lalaking taga-Baal-salisa ang lumapit kay Eliseo. May dala siyang bagong aning trigo at dalawampung tinapay na yari sa unang ani niya ng sebada. Sinabi ni Eliseo, “Ihain ninyo iyan sa mga tao.”
43 Sumagot ang kanyang katulong, “Hindi po ito magkakasya sa sandaang katao.”
Iniutos niya muli, “Ihain ninyo iyan sa mga tao sapagkat sinabi ni Yahweh: Mabubusog sila at may matitira pa.” 44 At inihain nga nila iyon. Kumain ang lahat at nabusog, at marami pang natira, tulad ng sabi ni Yahweh.
1 Mula kay Pablo na apostol ni Cristo Jesus ayon sa utos ng Diyos na ating Tagapagligtas at ni Cristo Jesus na ating pag-asa—
2 Kay(A) Timoteo na tunay kong anak sa pananampalataya.
Sumaiyo nawa ang kagandahang-loob, habag at kapayapaang buhat sa Diyos Ama at kay Cristo Jesus na ating Panginoon.
Babala tungkol sa Maling Katuruan
3 Gaya ng ipinakiusap ko sa iyo bago ako pumunta sa Macedonia, nais kong manatili ka sa Efeso upang utusan mo ang ilang tao diyan na huwag magturo ng maling aral, 4 at huwag nilang pag-aksayahan ng panahon ang mga alamat at mahahabang talaan ng mga angkan. Iyan ay pinagmumulan lamang ng mga pagtatalo at hindi nakakatulong sa tao upang matupad ang plano ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya. 5 Ang layunin ng tagubiling ito ay upang magkaroon kayo ng pag-ibig na nagmumula sa pusong dalisay, malinis na budhi at tapat na pananampalataya. 6 May ilang tumalikod sa mga bagay na ito at nalulong sa walang kabuluhang talakayan. 7 Nais nilang maging tagapagturo ng kautusan gayong hindi naman nila nauunawaan ang kanilang sinasabi at ang kanilang mga itinuturo nang may buong tiwala sa sarili.
8 Alam naman nating ang Kautusan ay mabuti kung ginagamit sa tamang paraan. 9 Alalahanin nating ang Kautusan ay hindi ginawa para sa mabubuting tao, kundi para sa mga walang kinikilalang batas at mga kriminal, para sa mga hindi kumikilala sa Diyos at sa mga makasalanan, para sa mga lapastangan sa Diyos at walang hilig sa kabanalan, para sa mga mamamatay-tao at pumapatay ng sariling ama o ina. 10 Ibinigay rin ang Kautusan para sa mga mahihilig sa kahalayan at nakikipagtalik sa kapwa lalaki, para sa mga kidnaper, para sa mga sinungaling at sa mga bulaang saksi. Ang Kautusan ay ibinigay para sa lahat ng mga sumasalungat sa mabuting aral. 11 Ang aral na ito'y ayon sa Magandang Balita na ipinagkatiwala sa akin ng maluwalhati
at mapagpalang Diyos.
Pagkilala sa Habag ng Diyos
12 Nagpapasalamat ako sa ating Panginoong Jesu-Cristo na nagbibigay sa akin ng lakas, dahil itinuring niya akong karapat-dapat na maglingkod sa kanya, 13 kahit(B) na noong una'y nilapastangan, inusig at nilait ko siya. Sa kabila nito'y nahabag sa akin ang Diyos sapagkat hindi ko nalalaman ang aking ginagawa noong ako'y hindi pa sumasampalataya. 14 Pinasagana sa akin ang kagandahang-loob ng ating Panginoon at ipinagkaloob niya sa akin ang pananampalataya at pag-ibig na natatagpuan sa ating pakikipag-isa kay Cristo Jesus. 15 Totoo ang pahayag na ito at dapat paniwalaan ng lahat: Si Cristo Jesus ay dumating sa sanlibutan upang iligtas ang mga makasalanan. At ako ang pinakamasama sa kanila. 16 Ngunit akong pinakamasama ay kinahabagan, upang ipakita ni Cristo Jesus sa pamamagitan ko, ang kanyang lubos na pagtitiyaga, at upang ito'y maging halimbawa sa mga sasampalataya at bibigyan ng buhay na walang hanggan.
17 Purihin natin at luwalhatiin magpakailanman ang iisang Diyos, Haring walang hanggan, walang kamatayan at di-nakikita! Amen.
18 Timoteo, anak ko, ang mga bagay na ito'y itinatagubilin ko sa iyo ayon sa mga pahayag na sinabi tungkol sa iyo upang sa pamamagitan ng mga ito ay makipaglaban kang mabuti, 19 taglay ang matibay na pananampalataya at malinis na budhi. May mga taong hindi sumunod sa kanilang budhi, at dahil dito, ang pananampalataya nila ay natulad sa isang barkong nawasak. 20 Kabilang sa mga iyon sina Himeneo at Alejandro, na ipinaubaya ko na sa kapangyarihan ni Satanas upang turuan silang huwag lumapastangan sa Diyos.
Ang Pangitain tungkol sa Barakong Tupa at Kambing
8 Nang ikatlong taon ng paghahari ni Belsazar, akong si Daniel ay nagkaroon ng ikalawang pangitain.[a] 2 Sa pangitaing iyon ako'y nasa pampang ng Ilog Ulai, sa napapaderang lunsod ng Susa, lalawigan ng Elam. 3 Nakita kong nakatayo sa pampang ng ilog ang isang barakong tupa. May dalawang sungay ito na parehong mahaba ngunit mas mahaba ang sungay na huling tumubo. 4 Nakita kong ito'y nanunuwag pakanluran, pahilaga, at patimog. Walang ibang hayop na makalaban sa kanya, ni walang makalapit upang saklolohan ang sinumang daluhungin nito. Nagagawa niya ang gusto niyang gawin, kaya naging palalo siya.
5 Habang ito'y pinagmamasdan ko, isang barakong kambing ang sumulpot na humahagibis mula sa kanluran na hindi na halos sumasayad sa lupa ang mga paa. Kapansin-pansin ang sungay nito sa pagitan ng dalawang mata. 6 Galit na galit na sinugod niya ang barakong tupa na nakita kong nakatayo sa pampang ng ilog. 7 Walang pakundangan niya itong pinagsusuwag hanggang sa mabali ang dalawang sungay ng tupa. Hindi naman ito makalaban. Ibinuwal ito ng kambing at niyurakan. Walang makasaklolo sa tupa.
8 Kaya naging palalo ang barakong kambing. Nang nasa sukdulan na ang kanyang lakas, nabali ang sungay niyang malaki ngunit may pumalit na apat na kapansin-pansing sungay na nakatutok sa iba't ibang apat na direksiyon ng kalangitan. 9 Ang isa sa apat niyang sungay ay nagkaroon ng maliit na sanga. Ito ay lumaki nang lumaki hanggang umabot sa timog, sa silangan at sa lupang pangako. 10 Umabot(A) ang kapangyarihan nito hanggang sa kalangitan, at pinabagsak sa lupa ang ilan sa mga bituin at tinapakan ang mga iyon. 11 Kaya naging sobrang yabang ang maliit na sungay at kinalaban nito pati ang pinuno ng hukbo ng kalangitan. Inalis nito ang araw-araw na paghahandog at winasak ang dakong doo'y sinasamba ang pinuno ng hukbo ng kalangitan. 12 Dinaig din nito ang hukbo ng kalangitan at ang araw-araw na paghahandog ay napalitan ng kasamaan. Ang katotohanan ay niyurakan at nagawa ng sungay ang lahat ng gusto niyang gawin. 13 May narinig akong nag-uusap na dalawang anghel. Ang tanong ng isa, “Hanggang kailan tatagal ang mga pangyayaring ito sa pangitain? Hanggang kailan tatagal ang pagpigil sa araw-araw na paghahandog, ang paghahari ng kasamaan, at ang pagyurak sa Templo at sa hukbo ng kalangitan?”
14 “Mangyayari ang mga ito sa loob ng 2,300 gabi at umaga. Pagkatapos, muling itatalaga at gagamitin ang Templo,” sagot ng ikalawa.
Ipinaliwanag ni Gabriel ang Pangitain
15 Habang akong si Daniel na nakakita ng pangitaing ito ay nagsisikap na maunawaan ang kahulugan nito, biglang lumitaw sa harapan ko ang tulad ng isang tao. 16 At(B) mula sa pampang ng Ilog Ulai ay narinig ko ang isang tinig ng tao na nagsabi, “Gabriel, ipaliwanag mo sa taong ito ang pangitain.” 17 Nang lumapit siya sa akin, dumapa ako sa lupa dahil sa matinding takot.
Sinabi niya sa akin, “Tao, unawain mo ito: ang pangitain ay tungkol sa katapusan ng panahon.”
18 Samantalang nagsasalita siya, walang malay-tao akong bumagsak sa lupa. Ngunit hinawakan at itinayo niya ako. 19 Sinabi niya sa akin, “Sasabihin ko sa iyo kung ano ang mangyayari sa katapusan ng panahon kapag ipinakita na ng Diyos ang kanyang poot. 20 Ang dalawang sungay ng barakong tupa na nakita mo ay ang mga hari ng Media at Persia. 21 Ang barakong kambing ay ang hari ng Grecia at ang malaking sungay sa pagitan ng kanyang mga mata ay ang unang hari. 22 Tungkol naman sa apat na sungay na humalili sa unang sungay, nangangahulugan itong mahahati sa apat ang kaharian ngunit hindi magiging makapangyarihang tulad noong una. 23 Sa bandang huli, kapag nasa sukdulan na ang kanilang kasamaan, isang malupit at tusong hari ang lilitaw. 24 Magiging makapangyarihan siya at katatakutan ng lahat sapagkat magagawa niya ang lahat niyang magustuhan; lulupigin niya pati ang malalakas at ang mga hinirang ng Diyos. 25 Dahil sa kanyang katusuhan, lahat ng balakin niya ay magtatagumpay. Magiging palalo siya at walang pakundangan niyang yuyurakan ang marami. Walang sinumang taong makakahadlang sa kanya; pati ang Pinuno ng mga pinuno ay lalabanan niya. Ngunit pababagsakin siya hindi sa pamamagitan ng kapangyarihan ng tao. 26 Ang pangitaing nakita mo tungkol sa paghahandog sa gabi at sa umaga ay totoo ngunit ilihim mo muna ito sapagkat matatagalan pa bago ito maganap.”
27 Akong si Daniel ay nanghina at nagkasakit nang ilang araw. Pagkatapos, nagbalik ako sa gawain ko sa palasyo ng hari. Nabagabag ako ng pangitaing iyon sapagkat hindi ko iyon maunawaan.
Pagpupuri ng Taong Naligtas sa Kamatayan
116 Minamahal ko si Yahweh, pagkat ako'y dinirinig,
dinirinig niya ako, sa dalangin ko at hibik;
2 ako'y kanyang dinirinig tuwing ako'y tumatawag,
kaya nga't habang buhay ko'y sa iyo lagi tatawag.
3 Noong ako'y mahuhulog sa bingit ng kamatayan,
nadarama ko ang tindi ng takot ko sa libingan;
lipos ako ng pangamba at masidhing katakutan.
4 Sa ganoong kalagayan, si Yahweh ang tinawag ko,
at ako ay nagsumamo na iligtas niya ako.
5 Si Yahweh'y napakabuti, mahal niya ang katuwiran,
Diyos siyang mahabagin, sa awa ay mayaman.
6 Si Yahweh ang nag-iingat sa wala nang sumaklolo;
noong ako ay manganib, iniligtas niya ako.
7 Manalig ka, O puso ko, kay Yahweh ka magtiwala,
pagkat siya ay mabuti't hindi siya nagpapabaya.
8 Ako'y kanyang iniligtas sa kuko ng kamatayan,
tinubos sa pagkatalo, at luha ko'y pinahiran.
9 Sa presensya ni Yahweh doon ako mananahan,
doon ako mananahan sa daigdig nitong buháy.
10 Laging(A) buháy ang pag-asa, patuloy ang pananalig,
bagama't ang aking sabi'y, “Ako'y ganap nang nalupig.”
11 Bagama't ako'y takot, nasasabi ko kung minsan,
“Wala kahit isang tao na dapat pagtiwalaan.”
12 Kay Yahweh na aking Diyos, anong aking ihahandog,
sa lahat ng kabutihan na sa akin ay kaloob?
13 Ang handog ko sa dambana, ay inumin na masarap,
bilang aking pagkilala sa ginawang pagliligtas.
14 Sa tuwinang magtitipon ang lahat ng kanyang hirang,
ang anumang pangako ko, ay doon ko ibibigay.
15 Tunay ngang itong si Yahweh, malasakit ay malaki,
kung ang isang taong tapat, kamatayan ay masabat.
16 O Yahweh, naririto akong inyong abang lingkod,
katulad ng aking ina, maglilingkod akong lubos;
yamang ako'y iniligtas, kinalinga at tinubos.
17 Ako ngayo'y maghahandog ng haing pasasalamat,
ang handog kong panalangi'y sa iyo ko ilalagak.
18-19 Kapag nagsasama-sama ang lahat ng iyong hirang,
sa templo sa Jerusalem, ay doon ko ibibigay
ang anumang pangako kong sa iyo ay binitiwan.
Purihin si Yahweh!
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.