Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
1 Samuel 25

Ang Pagkamatay ni Samuel

25 Namatay si Samuel, at ang buong sambayanang Israel ay nagtipon upang magluksa. Inilibing nila ang kanyang bangkay sa kanyang tahanan sa Rama.

Si David, si Nabal, at si Abigail

Si David naman ay lumipat sa ilang ng Paran. Sa Maon ay may isang taong mayaman. Malaki ang kanyang kawan sa Carmel. Mayroon siyang tatlong libong tupa at sanlibong kambing. Nabal[a] ang kanyang pangalan at buhat sa angkan ni Caleb. Ang asawa niya'y si Abigail. Ang babaing ito'y maganda at matalino ngunit si Nabal ay masungit at magaspang ang pag-uugali.

Minsan, nabalitaan ni David na ginugupitan ni Nabal ang kanyang mga tupa. Pinapunta ni David sa Carmel ang sampu sa kanyang tauhan at ipinasabi ang ganito: “Sumainyo ang kapayapaan at sa buo ninyong sambahayan. Nabalitaan naming ikaw ay naggugupit ng balahibo ng tupa. Ang mga pastol mo ay nakasama namin at hindi namin sila ginambala; sa halip ay tinulungan namin sila at hindi naligalig sa buong panahon ng pagpapastol nila rito sa Carmel. Ito'y mapapatunayan nila sa inyo. Dahil dito, tanggapin mo ang aking mga tauhan at ipinapakiusap kong tulungan mo ako. Bigyan mo ako ng anumang maibibigay mo para maihanda sa aming pista.”

Sumunod naman ang mga inutusan ni David. Sinabi nila kay Nabal ang lahat ng ipinapasabi sa kanila at naghintay ng sagot. 10 Sinabi ni Nabal, “Sino ba si David? Sinong anak ni Jesse? Talagang maraming alipin ngayon na lumalayas sa kanilang mga amo. 11 Ang tinapay, inumin at pagkain para sa aking mga manggugupit ay hindi ko maibibigay sa mga taong hindi ko alam kung saang lupalop nanggaling!”

12 Nang marinig ito, nagbalik sila kay David at sinabing lahat ang sinabi ni Nabal. 13 Dahil dito, sinabi ni David sa kanyang mga tauhan, “Ihanda ninyo ang mga tabak ninyo!” Humanda naman ang apatnaraan sa kanyang mga tauhan at sumama sa kanya; naiwan ang dalawandaan upang magbantay sa kanilang mga dala-dalahan.

14 Sinabi ng isang pastol kay Abigail, “Si David po ay nagpadala ng sugo sa inyong asawa at magalang na nakipag-usap ngunit sila'y ininsulto ng inyong asawa. 15 Mababait ang mga taong iyon. Tinulungan nila kami at wala silang kinuhang anuman sa amin sa buong panahong kasama namin sila sa parang. 16 Binantayan po nila kami araw-gabi sa aming pagpapastol. 17 Pag-isipan po ninyo kung ano ang mabuting gawin ngayon, sapagkat ang nangyari ay tiyak na magbubunga ng masama sa aming panginoon at sa buo niyang sambahayan. Hindi naman namin masabi sa kanya ito sapagkat matigas ang ulo niya; tiyak na hindi niya kami papakinggan.”

18 Dali-daling naghanda si Abigail ng dalawandaang tinapay. Pinuno niya ng alak ang dalawang sisidlan, nagpapatay ng limang tupa, nagpakuha ng limang takal ng sinangag na trigo, sandaang kumpol ng pasas at dalawandaang tinapay na igos; lahat ng ito'y ikinarga niya sa mga asno. 19 Pagkatapos, sinabi niya sa ilan niyang tauhan, “Mauna kayo sa akin, at susunod ako.” Hindi niya ito ipinaalam kay Nabal na kanyang asawa.

20 Habang pababa si Abigail sa isang burol, dumarating naman sina David mula sa kabila. 21 Sa galit ni David kay Nabal ay nasabi niya, “Sayang lamang ang pangangalaga natin sa ari-arian ng Nabal na iyon. Tinulungan natin siya at walang nabawas sa kanyang kawan, ngunit ito pa ang iginanti sa atin. 22 Parusahan sana ako ng Diyos kapag hindi ko pinatay bukas ang lahat ng lalaki sa kanyang sambahayan.”

23 Nang makita ni Abigail si David, nagmamadali siyang bumabâ sa kanyang asno at nagpatirapa sa harapan ni David. 24 Sinabi niya, “Ako na po ang inyong sisihin. Pakinggan po muna sana ninyo ang aking sasabihin. 25 Huwag po ninyong pansinin si Nabal. Wala pong kuwentang tao iyon. Tamang-tama po sa kanya ang kanyang pangalan, siya po'y luku-luko. Hindi ko po kasi nakita ang mga tauhan ninyong pinapunta sa amin. 26 Ngayon po'y niloob ni Yahweh na huwag matuloy ang inyong paghihiganti upang hindi mabahiran ng dugo ang inyong mga kamay. Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy,[b] lahat ng naghahangad ng masama laban sa inyo ay mapapahamak, tulad ni Nabal. 27 Narito po, tanggapin po ninyo ang nakayanan ng inyong lingkod at ipamigay ninyo sa inyong mga tauhan. 28 At patawarin po ninyo ang anumang pagkakamali ko. Sigurado kong loloobin ni Yahweh na kayo'y maging hari, pati ng inyong lahi sapagkat nakikipaglaban kayo para sa kanya, at hindi kayo gagawa ng anumang kasamaan habang kayo'y nabubuhay. 29 Kung may magtatangka man sa inyong buhay, iingatan kayo ni Yahweh na inyong Diyos. Ang mga kaaway naman ninyo ay ihahagis na parang bato ng tirador. 30 At kung loobin ni Yahweh na maging hari na kayo sa Israel tulad ng kanyang ipinangako, 31 wala kayong pagsisisihan. Hindi kayo uusigin ng inyong budhi sapagkat hindi kayo pumatay nang walang sapat na dahilan o kaya'y naghiganti sa inyong kaaway. At sana'y maalala ninyo ako sa sandaling marapatin na ni Yahweh na maitatag na ang inyong sambahayan.”

32 Sinabi ni David kay Abigail, “Purihin si Yahweh na nagpapunta sa iyo rito. 33 Salamat sa kanya dahil sa iyong kabutihan, sapagkat sa ginawa mo'y nakaiwas ako sa pagpatay ng tao at magsagawa ng sariling paghihiganti. 34 Niloob niyang huwag ko kayong pagbuhatan ng kamay. Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy,[c] kung hindi ka naparito ngayon, bukas ng umaga ay patay na sanang lahat ang lalaki sa inyong sambahayan.” 35 Tinanggap ni David ang mga dala ni Abigail. Pagkatapos, sinabi niya rito, “Umuwi ka na. Huwag ka nang mag-alala at gagawin ko ang kahilingan mo.”

36 At umuwi na si Abigail. Pagdating ng bahay, nakita niya ang handaan ni Nabal, walang iniwan sa papista ng isang hari. Naratnan niyang lasing na lasing ito kaya't wala siyang sinabing anuman nang gabing iyon. 37 Kinabukasan, nang wala na ang pagkalasing nito, isinalaysay niya ang buong pangyayari. Nang marinig ni Nabal ang lahat, inatake siya sa puso at nanigas ang buong katawan. 38 Pagkaraan pa ng sampung araw, pinarusahan ni Yahweh si Nabal at ito'y namatay.

39 Nang mabalitaan ni David ang nangyari kay Nabal, sinabi niya, “Purihin si Yahweh. Ipinaghiganti niya ako sa paghamak na ginawa sa akin ni Nabal at inilayo niya ako sa pagkakasala. Pinagbayad ni Yahweh si Nabal sa kanyang kasamaan.”

Si David ay nagpasugo kay Abigail at ipinasabing nais niya itong maging asawa. 40 Nang dumating sa Carmel ang mga inutusan ni David, sinabi nila, “Ipinapasabi po ni David na nais niya kayong mapangasawa.”

41 Yumukod si Abigail, ang mukha'y halos sayad sa lupa, at sinabi, “Narito ang inyong lingkod, handa po akong maghugas ng paa ng inyong mga tauhan.” 42 Nagmamadali siyang tumayo, sumakay sa asno at sumama sa mga tauhan ni David, kasama ang lima sa kanyang mga katulong. At siya'y naging asawa ni David.

43 Asawa na noon ni David si Ahinoam na taga-Jezreel, at ngayo'y naging asawa rin niya si Abigail. 44 Si(A) Mical naman na asawa ni David ay ibinigay ni Saul kay Palti na anak ni Lais ng Gallim.

1 Corinto 6

Ayusin ang Awayan ng Kapatiran

Kung may reklamo ang sinuman sa inyo laban sa kanyang kapatid sa pananampalataya, bakit siya nagsasakdal sa mga hukom na di-mananampalataya, sa halip na ipaubaya sa mga hinirang ng Diyos ang pag-aayos ng usapin nila? Hindi ba ninyo alam na ang mga hinirang ng Diyos ang hahatol sa sanlibutan? Kung kayo ang hahatol sa sanlibutan, hindi ba ninyo kayang hatulan ang ganyang kaliit na bagay? Hindi ba ninyo alam na hahatulan natin ang mga anghel? Gaano na lang ang mga bagay na may kinalaman sa buhay na ito! Kung may mga usapin kayo, bakit ninyo ito idinudulog sa mga taong hindi kinikilala ng iglesya? Dapat kayong mahiya! Wala bang isa man lang sa inyo na marunong mag-ayos ng awayan ng magkakapatid? Bakit nagsasakdal kayo sa hukuman, kapatid laban sa kapatid, at sa harap pa naman ng mga di-mananampalataya?

Ang pagkakaroon ninyo ng usapin laban sa isa't isa ay isa nang kabiguan sa inyo. Bakit hindi na lang ninyo hayaang gawan kayo ng masama? Bakit hindi na lamang ninyo hayaang madaya kayo? Subalit kayo mismo ang gumagawa ng masama at nandaraya, kahit na sa mga sarili ninyong mga kapatid sa pananampalataya. Hindi ba ninyo alam na ang mga makasalanan ay walang bahagi sa kaharian ng Diyos? Huwag ninyong dayain ang inyong sarili! Ang mga nakikiapid, sumasamba sa diyus-diyosan, nangangalunya, nakikipagtalik sa kapwa lalaki o kapwa babae, 10 nagnanakaw, sakim, naglalasing, nanlalait ng kapwa, o nandaraya, ay walang bahagi sa kaharian ng Diyos. 11 Ganyan ang ilan sa inyo noon. Subalit nilinis na kayo sa inyong mga kasalanan at ginawa na kayong banal ng Diyos. Pinawalang-sala na kayo sa pangalan ng Panginoong Jesu-Cristo at sa pamamagitan ng Espiritu ng ating Diyos.

Ang Katawan Ninyo'y Templo ng Diyos

12 May(A) magsasabi, “Malaya akong makagagawa ng kahit ano,” ngunit ang sagot ko naman ay “Hindi lahat ng bagay ay nakakabuti.” Maaari ko ring sabihin, “Malaya akong gumawa ng kahit ano,” ngunit hindi ako magpapaalipin sa anumang bagay. 13 Sasabihin naman ng iba, “Ang pagkain ay para sa tiyan at ang tiyan ay para sa pagkain.” Totoo iyan, ngunit parehong sisirain ng Diyos ang mga ito. Ang katawan ay hindi para sa imoralidad sapagkat ito'y para sa paglilingkod sa Panginoon, at ang Panginoon naman ang nag-aalaga sa katawan. 14 Muling binuhay ng Diyos si Jesu-Cristo, at tayo man ay muling bubuhayin sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan.

15 Hindi ba ninyo alam na ang inyong mga katawan ay mga bahagi ng katawan ni Cristo? Kukunin ko ba ang bahagi ng katawan ni Cristo upang gawing bahagi ng katawan ng isang babaing nagbebenta ng aliw? Hinding-hindi! 16 Hindi(B) ba ninyo alam na nagiging isa ang katawan ng bayarang babae at ng nakikipagtalik sa kanya? Sapagkat sinasabi sa kasulatan, “Ang dalawa'y magiging isa.” 17 Ang nakikipag-isa sa Panginoon ay nakikipag-isa sa kanya sa espiritu.

18 Iwasan ninyo ang imoralidad. Ang ibang kasalanang nagagawa ng tao ay hindi nakakasira sa katawan, ngunit ang gumagawa ng imoralidad ay nagkakasala laban sa sarili niyang katawan. 19 Hindi(C) ba ninyo alam na ang inyong katawan ay templo ng Espiritu Santo na nasa inyo at ipinagkaloob ng Diyos sa inyo? Hindi ninyo pag-aari ang inyong katawan; 20 sapagkat binili na kayo sa isang halaga. Kaya't gamitin ninyo ang inyong katawan upang maparangalan ang Diyos.

Ezekiel 4

Ang Halimbawa ng Pagkubkob sa Israel

Sinabi pa sa akin ng Diyos, “Ezekiel, anak ng tao, kumuha ka ng tisa. Ilagay mo iyon sa iyong harapan, at iguhit mo roon ang lunsod ng Jerusalem. Upang ipakita ang isang pagkubkob, paligiran mo ito ng muog at mga tanggulan, at umangan ng malalaking trosong pambayo. Kumuha ka ng platong bakal at ilagay mo na parang pader sa pagitan mo at ng lunsod. Huwag mo itong iiwan ng tingin. Ito ay kukubkubin at ikaw ang kukubkob. Magiging palatandaan ito sa bansang Israel.

“Pagkatapos, mahiga ka nang nakatagilid sa kaliwa at ipapataw ko sa iyo ang bigat ng parusa sa Israel. Kung gaano katagal kong ipataw sa iyo ang parusa, ganoon din ang pagpaparusa sa kanila. Sa loob ng 390 araw, mananatili ka sa ganoong ayos; bawat araw ay katumbas ng isang taon. Pagkatapos, bumiling ka sa kanan upang dalhin ang kaparusahan ng Juda sa loob ng apatnapung araw. Bawat araw ay katumbas ng isang taon. Pagkatapos, humarap ka sa Jerusalem. Iunat mong paharap doon ang iyong kamay na nakalilis ang manggas ng iyong baro, at magpahayag ka laban sa lunsod na iyon. Ngunit gagapusin kita hanggang hindi natatapos ang gagawin mong pagkubkob, para hindi ka makabiling.

“Ngayon, kumuha ka ng trigo, sebada, bitsuwelas, lentil, batad, at espelta. Paghalu-haluin mo ito sa isang sisidlan at lutuin. Ito ang kakanin mo sa loob ng 390 araw habang ikaw ay nakahigang patagilid sa kaliwa. 10 May takda ang pagkain mo araw-araw: isang beses maghapon at mahigit na isang kilo lamang araw-araw. 11 May takda rin ang iyong pag-inom: isang beses maghapon at halos isang litro lang sa isang araw. 12 Magluto ka ng bibingkang sebada na dumi ng tao ang panggatong. Kanin mo nang nakikita ng mga tao. 13 Ganyan ang magiging pagkain ng Israel saan ko man sila itapon.”

14 Sumagot ako, “Ngunit Panginoong Yahweh, alam mong hindi ako nagpapakarumi sa aking sarili. Mula sa aking pagkabata ay hindi ako tumikim ng anumang namatay nang kusa o nilapa ng hayop. Hindi rin ako tumikim ng anumang karumal-dumal na karne.”

15 Sinabi niya sa akin, “Kung gayon, dumi ng baka ang igatong mo sa halip na dumi ng tao.”

16 Sinabi pa niya sa akin, “Ezekiel, anak ng tao, babawasan ko na ang tinapay na kinakain araw-araw sa Jerusalem. Tatakalin na nila ang kanilang kakanin at iinumin. Paghaharian na sila ng pangamba at kabalisahan. 17 Gagawin ko ito sa kanila hanggang sa sila'y pagharian ng sindak. Gayon sila pahihirapan dahil sa kanilang kasamaan.”

Mga Awit 40-41

Awit ng Pagpupuri

Awit na katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.

40 Sa Diyos na si Yahweh, mat'yagang naghintay,
    ang aking panaghoy, kanyang pinakinggan;
sa balong malalim na lubhang maputik,
    iniahon niya at doo'y inalis.
Ligtas na dinala sa malaking bato,
    at naging panatag, taglay na buhay ko.
Isang bagong awit, sa aki'y itinuro,
    papuri sa Diyos, ang awit ng puso;
matatakot ang bawat makakasaksi,
    at magtitiwala sa Diyos na si Yahweh.
Mapalad ang taong, kay Yahweh'y tiwala,
    at sa diyus-diyosa'y hindi dumadapa;
    hindi sumasama sa nananambahan, sa mga nagkalat na diyus-diyosan.
Yahweh, aking Diyos, wala kang katulad
    sa maraming bagay na iyong ginanap;
kung pangahasan kong sabihin ang lahat,
    nangangamba akong may makalimutan.

Ang(A) mga pang-alay, pati mga handog, at ang mga hayop na handang sunugin,
    hindi mo na ibig sa dambana dalhin, handog na sinusunog at mga kaloob
    hindi mo naisin, upang sala'y iyong patawarin.
Sa halip, ang iyong kaloob sa akin ay pandinig ko upang ika'y dinggin.
    Kaya ang tugon ko, “Ako'y naririto;
    nasa Kautusan ang mga turo mo.
Ang nais kong sundi'y iyong kalooban;
    aking itatago sa puso ang aral.”

Ang pagliligtas mo'y aking inihayag,
    saanman magtipon ang iyong mga anak;
    di ako titigil ng pagpapahayag.
10 Ang pagliligtas mo'y ipinagsasabi,
    di ko inilihim, hindi ko sinarili;
pati pagtulong mo't pag-ibig na tapat,
    sa mga lingkod mo'y isinisiwalat.

11 Aking nalalamang di mo puputulin, Yahweh, ang iyong pagtingin sa akin;
    wagas mong pag-ibig at iyong katapatan, mag-iingat sa akin magpakailanpaman.

Panalangin Upang Tulungan ng Diyos(B)

12 Kay rami na nitong mga suliranin,
    na sa karamiha'y di kayang bilangin.
Alipin na ako ng pagkakasala,
    na sa dami, ako'y di na makakita;
higit pa ang dami sa buhok sa ulo,
    kaya nasira na pati ang loob ko.
13 Nawa ay kalugdan, na ako'y tulungan! Yahweh, ngayon na, ako'y pakinggan.
14 Nawa ang may hangad na ako'y patayin,
    bayaang malito't ganap na talunin.
Yaong nagagalak sa suliranin ko,
    hiyain mo sila't bayaang malito!
15 Silang nangungutya sa aki'y bayaang
    manlumo nang labis, nang di magtagumpay!

16 Silang lumalapit sa iyo'y dulutan
    ng ligaya't galak na walang kapantay;
bayaang sabihing: “Si Yahweh ay Dakila!”
    ng nangaghahangad maligtas na kusa.

17 Ako ma'y mahirap at maraming kailangan,
    subalit hindi mo kinalilimutan.
Ikaw ang tulong ko, at tagapagligtas—
    Yahweh, aking Diyos, huwag ka nang magtagal!

Panalangin ng Isang Maysakit

Awit na katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.

41 Mapalad ang isang taong tumutulong sa mahirap,
    si Yahweh ang kakalinga kung siya nama'y mabagabag.
Buhay niya'y iingatan, si Yahweh lang ang may hawak,
    sa kamay man ng kaaway, hindi siya masasadlak,
    at doon sa bayan niya'y ituturing na mapalad.
Si Yahweh rin ang tutulong kung siya ay magkasakit,
    ang nanghina niyang lakas ay ganap na ibabalik.

Ang pahayag ko kay Yahweh, “Tunay akong nagkasala,
    iyo akong pagalingin, sa akin ay mahabag ka!”
Yaong mga kaaway ko, ang palaging binabadya,
    “Kailan ka mamamatay, ganap na mawawala?”
Yaong mga dumadalaw sa akin ay hindi tapat;
    ang balitang masasama ang palaging sinasagap,
    at saan ma'y sinasabi upang ako ay mawasak.
Ang lahat ng namumuhi'y ang lagi nilang usapan,
    ako raw ay ubod sama, ang panabi sa bulungan.
Ang sakit ko, sabi nila, ay wala nang kagamutan,
    hindi na makakabangon sa banig ng karamdaman.
Lubos(C) akong nagtiwala sa tapat kong kaibigan
    kasalo ko sa tuwina, karamay sa anuman;
    ngunit ngayon, lubos siyang naging taksil na kalaban.

10 Sa akin ay mahabag ka, Yahweh, ako'y kaawaan;
    ibalik mo ang lakas ko't kaaway ko'y babalingan.
11 Kung ikaw ay nalulugod, ganito ko malalaman,
    sa aki'y di magwawagi kahit sino ang kaaway.
12 Tulungan mo ako ngayon, yamang ako'y naging tapat.
    Sa piling mo ay patuloy na ingatan akong ganap.

13 Purihin(D) si Yahweh, ang Diyos ng Israel!
Purihin siya, ngayon at magpakailanman!

    Amen! Amen!

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.