Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Hukom 15

15 Hindi nagtagal at dumating ang panahon ng anihan. Dala ang isang batang kambing, dinalaw ni Samson ang kanyang asawa, ngunit ayaw siyang papasukin ng biyenan niyang lalaki. Sa halip ay sinabi, “Akala ko'y galit na galit ka sa kanya, kaya ibinigay ko siya sa kaibigan mo. Ngunit kung gusto mo, nariyan ang mas batang kapatid niya at mas maganda pa sa kanya. Maaari mo na siyang kunin.”

Sumagot si Samson, “Sa ginawa ninyong iyan, hindi ninyo ako maaaring sisihin sa gagawin ko sa inyong mga Filisteo.” Umalis si Samson at humuli ng tatlong daang asong-gubat. Pinagtatali niya ang mga ito sa buntot nang dala-dalawa at kinabitan ng sulo. Pagkatapos ay sinindihan niya ang sulo at pinakawalan sa triguhan ang mga asong-gubat. Kaya nasunog lahat ang trigo, hindi lamang ang mga naani na kundi pati iyong hindi pa naaani. Ganoon din ang ginawa niya sa taniman ng olibo. Ipinagtanong ng mga Filisteo kung sino ang may kagagawan niyon, at nalaman nilang si Samson, sapagkat ibinigay ng biyenan niyang taga-Timna ang kanyang asawa sa kasamahan ni Samson. Kaya't pinuntahan nila ang babae at sinunog siya pati ang ama nito.[a] Sinabi ni Samson sa mga Filisteo, “Dahil sa ginawa ninyong ito sa akin, hindi ako titigil hangga't hindi ako nakakaganti sa inyo.” Sila'y sinalakay niya at marami ang kanyang napatay. Pagkatapos, umalis siya at tumira muna sa yungib ng Etam.

Nilupig ni Samson ang mga Filisteo

Isang araw, kinubkob ng mga Filisteo ang Juda at sinalakay ang bayan ng Lehi. 10 Nagtanong ang mga taga-Juda, “Bakit ninyo kami sinasalakay?”

“Upang hulihin si Samson at gawin sa kanya ang ginawa niya sa amin,” sagot nila. 11 Kaya't ang tatlong libong kalalakihan ng Juda ay nagpunta sa yungib sa Etam. Tinanong nila si Samson, “Hindi mo ba alam na tayo'y sakop ng mga Filisteo? Bakit mo ginawa ito sa kanila? Pati kami'y nadadamay!”

“Ginantihan ko lang sila sa ginawa nila sa akin,” sagot niya.

12 Sinabi nila, “Naparito kami para gapusin ka! Isusuko ka namin sa mga Filisteo.”

Sumagot si Samson, “Payag ako kung ipapangako ninyong hindi ninyo ako papatayin.”

13 Sinabi nila, “Hindi ka namin papatayin. Gagapusin ka lang namin at ibibigay sa kanila.” Kaya't siya'y ginapos nila ng dalawang bagong lubid at inilabas sa yungib.

14 Pagdating nila sa Lehi, sinalubong sila ng naghihiyawang mga Filisteo. Ngunit si Samson ay pinalakas ng Espiritu[b] ni Yahweh at ang kanyang gapos ay pinatid niya na para lamang nasusunog na sinulid. 15 May nakita siyang panga ng asno. Dinampot niya ito at siyang ginamit sa pagpatay sa may sanlibong Filisteo. 16 Pagkatapos, umawit siya ng ganito:

“Sa pamamagitan ng panga ng asno, pumatay ako ng sanlibo;
sa pamamagitan ng panga ng asno, nakabunton ang mga bangkay ng tao.”

17 Pagkatapos, itinapon niya ang panga ng asno; at ang lugar na iyon ay tinawag na Burol ng Panga.

18 Pagkatapos, si Samson ay nakadama ng matinding uhaw. Kaya tumawag siya kay Yahweh at sinabi, “Pinagtagumpay ninyo ako, ngunit ngayo'y mamamatay naman ako sa uhaw at mabibihag ng mga hindi tuling ito.” 19 Kaya't ang Diyos ay nagpabukal ng tubig sa Lehi. Uminom si Samson at nanumbalik ang kanyang lakas. Ang bukal na iyon ay tinawag niyang Bukal ng Tumawag sa Diyos. Naroon pa ito hanggang ngayon.

20 Si Samson ay naging hukom at pinuno ng Israel sa loob ng dalawampung taon, bagama't sakop pa rin ng mga Filisteo ang lupain ng Israel.

Mga Gawa 19

Si Pablo sa Efeso

19 Habang nasa Corinto si Apolos, tinahak naman ni Pablo ang iba't ibang dako ng lalawigan hanggang sa siya'y makarating sa Efeso. May natagpuan siya roon na ilang alagad at sila'y tinanong niya, “Tinanggap ba ninyo ang Espiritu Santo nang kayo'y sumampalataya?”

“Hindi po, ni hindi namin narinig na may Espiritu Santo pala,” tugon nila.

“Kung gayon, anong uri ng bautismo ang tinanggap ninyo?” tanong niya.

“Bautismo ni Juan,” tugon nila.

Kaya't(A) sinabi ni Pablo, “Binautismuhan ni Juan ang mga nagsisi at tumalikod sa kasalanan. Ipinangaral niya sa mga Israelita na sila'y sumampalataya kay Jesus, ang dumarating na kasunod niya.”

Nang marinig nila iyon, nagpabautismo sila sa pangalan ng Panginoong Jesus. Nang ipatong ni Pablo ang kanyang kamay sa kanila, bumabâ sa kanila ang Espiritu Santo at sila'y nagsalita ng iba't ibang wika at nagpahayag ng mensahe mula sa Diyos. Humigit-kumulang sa labindalawang lalaki ang nagpabautismo.

Sa loob ng tatlong buwan, si Pablo'y pumapasok sa sinagoga at buong tapang na nagpapaliwanag sa mga naroon at hinihikayat sila tungkol sa kaharian ng Diyos.

Ngunit may ilan sa kanila na nagmatigas at ayaw sumampalataya, at nagsalita pa ng masama laban sa Daan sa harap ng kapulungan. Kaya't iniwan ni Pablo ang sinagoga kasama ang mga mananampalataya at nagpatuloy ng kanyang pangangaral araw-araw[a] sa bulwagan ni Tirano. 10 Tumagal siya roon nang dalawang taon, kaya't ang lahat ng naninirahan sa Asia[b], maging Judio o Griego ay nakarinig ng salita ng Panginoon.

Ang mga Anak ni Esceva

11 Gumawa ang Diyos ng mga pambihirang himala sa pamamagitan ni Pablo. 12 Kahit panyo o damit na kanyang ginamit ay dinala sa mga maysakit, at gumaling ang mga ito at lumayas ang masasamang espiritung nagpapahirap sa kanila.

13 May ilang Judio roon na naglilibot at nagpapalayas ng masasamang espiritu. Pinangahasan nilang gamitin ang pangalan ng Panginoong Jesus sa pagpapalayas ng masasamang espiritu sa mga sinasapian ng mga ito. Sinabi nila, “Sa pangalan ni Jesus na ipinapangaral ni Pablo, iniuutos ko sa inyo, lumayas kayo.” 14 Kabilang sa gumagawa nito ay ang pitong anak na lalaki ni Esceva, isang pinakapunong pari ng mga Judio.

15 Subalit sinagot sila ng masamang espiritu, “Kilala ko si Jesus at kilala ko rin si Pablo, ngunit sino kayo?” 16 At sila'y nilundag ng lalaking sinasapian ng masamang espiritu, tinalo silang lahat at malubhang sinaktan, anupa't hubad at sugatan silang tumakas sa bahay na iyon.

17 Nabalitaan iyon ng lahat ng naninirahan sa Efeso, maging Judio o Hentil, kaya't natakot silang lahat at pinuri ang pangalan ng Panginoong Jesus. 18 Marami sa mga sumampalataya ang dumating at nagpahayag ng mga dati nilang gawain. 19 Marami sa mga dating gumagamit ng mahika ang nagtipon ng kanilang mga aklat at sinunog ang mga ito sa harap ng madla. Sa kabuuan, ang halaga ng mga ito ay umabot sa limampung libong salaping pilak. 20 Sa ganitong makapangyarihang paraan ay lumaganap at nagtagumpay ang salita ng Panginoon.

Ang Kaguluhan sa Efeso

21 Pagkatapos ng mga pangyayaring ito, sa patnubay ng Espiritu ay nagpasya si Pablo na maglakbay sa Macedonia at Acaya papuntang Jerusalem. “Kailangan ko ring pumunta sa Roma pagkagaling sa Jerusalem,” sabi niya. 22 Pinauna niya sa Macedonia sina Timoteo at Erasto, dalawa sa kanyang mga kamanggagawa, at siya'y tumigil sa Asia nang kaunti pang panahon.

23 Nang panahong iyon ay nagkaroon ng isang malaking kaguluhan dahil sa Daan ng Panginoon. 24 May isang panday-pilak na nagngangalang Demetrio, na gumagawa ng maliliit na templong pilak ng kanilang diyosang si Artemis,[c] at ito'y pinagkakakitaan nang malaki. 25 Tinipon niya ang kanyang mga manggagawa at ang iba pang mga taong ganito rin ang hanapbuhay. Sinabi niya, “Mga kasama, alam ninyong sa gawaing ito nagmumula ang ating masaganang pamumuhay. 26 Nakikita ninyo't naririnig kung ano ang ginagawa ng Pablong iyan. Sinasabi niyang ang mga diyos na ginawa ng kamay ng tao ay hindi raw diyos, at marami siyang napapaniwala, hindi lamang dito sa Efeso kundi sa buong Asia. 27 Nanganganib na magkaroon ng masamang pangalan ang ating hanapbuhay. Hindi lang iyon, nanganganib din na ang templo ng dakilang diyosang si Artemis ay mawalan ng kabuluhan, at ang dakilang diyosa na sinasamba ng Asia at ng buong daigdig ay hindi na igagalang.”

28 Pagkarinig nito, nagsiklab ang kanilang galit at sila'y nagsigawan, “Dakila si Artemis ng mga taga-Efeso!” 29 Kaya't nagkagulo ang mga tao sa buong lungsod; sama-sama silang sumugod sa tanghalan at kinaladkad nila roon sina Gaius at Aristarco, mga taga-Macedoniang kasama ni Pablo sa paglalakbay. 30 Nais sana ni Pablong humarap sa madla, ngunit hindi siya pinayagan ng mga kapatid. 31 Nagpasugo rin sa kanya ang ilang kaibigang mga pinuno sa lalawigang Asia. Mahigpit siyang pinakiusapang huwag pumunta sa tanghalan. 32 Magulung-magulo ang kapulungan; may sumisigaw ng isang bagay, at ang iba'y iba naman. Hindi alam ng karamihan kung bakit sila nagkatipun-tipon doon. 33 Inakala ng ilang naroon na si Alejandro ang dahilan sapagkat siya ang ibinungad ng mga Judio sa madla. Sumenyas si Alejandro sa mga tao na tumahimik upang siya'y makapagpaliwanag. 34 Subalit nang makilala nilang siya'y isang Judio, sabay-sabay silang sumigaw sa loob ng dalawang oras, “Dakila si Artemis ng mga taga-Efeso!”

35 Sa wakas ang mga tao'y napatahimik ng isang opisyal ng lungsod. At kanyang sinabi, “Mga taga-Efeso! Sino ang hindi nakakaalam na ang lungsod ng Efeso ang siyang tagapag-ingat ng templo ng dakilang Artemis at ng banal na batong nahulog mula sa langit? 36 Hindi maaaring pabulaanan ninuman ang mga bagay na ito. Kaya't huminahon kayo! Huwag kayong magpabigla-bigla. 37 Hindi naman nagnanakaw sa templo ang mga taong dinala ninyo rito. Hindi rin nila nilalait ang ating diyosa. 38 Kung si Demetrio at ang mga manggagawang kasama niya ay may reklamo laban sa kaninuman, bukás ang mga hukuman, at may mga pinuno tayo. Doon sila magsakdal. 39 Ngunit kung may iba pa kayong habol, maaaring pag-usapan iyan sa isang pagpupulong ng mga mamamayan na naaayon sa batas. 40 Dahil sa nangyari ngayong araw na ito, maaaring maparatangan tayo na nanggugulo sa bayan, at wala tayong maibibigay na dahilan o katuwiran sa kaguluhang ito.” 41 Pagkatapos, pinauwi na niya ang mga tao.

Jeremias 28

Si Jeremias at si Propeta Hananias

28 Nang(A) taon ding iyon, ikalimang buwan ng ikaapat na taon ng paghahari ni Zedekias sa Juda, si Jeremias ay kinausap sa Templo ni Hananias, anak ni Propeta Azur ng Gibeon. Sa harap ng mga pari at ng mga tao, sinabi ni Hananias: “Ito ang sabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel: Winakasan ko na ang kapangyarihan ng hari ng Babilonia. Sa loob ng dalawang taon ay ibabalik ko sa Templong ito ang lahat ng kagamitan na kinuha ni Haring Nebucadnezar at dinala sa Babilonia. Ibabalik ko rin dito si Jeconias, ang anak ni Haring Jehoiakim ng Juda, at ang lahat ng mga taga-Juda na dinalang-bihag sa Babilonia; aalisin ko na kayo sa ilalim ng kapangyarihan ng hari ng Babilonia.”

Nagsalita naman si Propeta Jeremias kay Propeta Hananias sa harap ng mga pari at sa lahat ng mga taong naroon sa patyo ng Templo, “Amen! Ganyan nga sana ang gawin ni Yahweh! Magkatotoo nawa ang ipinahayag mo at maibalik nga sana rito ang lahat ng kagamitan ng Templo mula sa Babilonia at lahat ng mga dinalang-bihag! Ngunit pakinggan ninyo ang sasabihin ko sa inyong lahat. Ang mga propetang nauna sa atin ay nagpahayag na magkakaroon ng digmaan, taggutom at salot sa maraming bansa at sa mga kilalang kaharian. Kung magkatotoo ang pahayag ng isang propeta na magkakaroon ng kapayapaan, saka lamang natin malalamang si Yahweh nga ang nagsugo sa kanya.”

10 Pagkarinig niyon, kinuha ni Propeta Hananias ang pamatok na nasa batok ni Jeremias at binali ito. 11 Pagkatapos, sinabi niya sa lahat ng naroon: “Sinasabi ni Yahweh na ganito ang gagawin niya sa mga pamatok na inilagay ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia sa lahat ng bansa, at ito'y gagawin niya sa loob ng dalawang taon.” At umalis na si Propeta Jeremias.

12 Pagkalipas ng kaunting panahon mula nang baliin ni Propeta Hananias ang pamatok ni Propeta Jeremias, kinausap ni Yahweh si Jeremias: 13 “Pumunta ka kay Hananias at sabihin mo: Nabali mo nga ang pamatok na kahoy ngunit papalitan ko ito ng bakal. 14 Lalagyan ko ng pamatok na bakal ang lahat ng bansang ito upang sila'y maglingkod kay Haring Nebucadnezar, at ito'y siguradong magaganap sapagkat maging hayop sa parang ay ipinasakop ko sa kanya.” 15 At sinabi pa ni Propeta Jeremias, “Hananias, hindi ka sinugo ni Yahweh, at pinapaniwala mo ang mga taong ito sa isang kasinungalingan. 16 Kaya ang sabi ni Yahweh: ‘Ikaw ay mawawala sa daigdig na ito. Mamamatay ka sa taon ding ito, sapagkat tinuruan mo ang bayan na maghimagsik laban kay Yahweh!’”

17 At noong ikapitong buwan ng taóng iyon, si Propeta Hananias ay namatay nga.

Marcos 14

Ang Masamang Balak Laban kay Jesus(A)

14 Dalawang(B) araw na lamang at Pista na ng Paskwa at ng Tinapay na Walang Pampaalsa. Ang mga punong pari at mga tagapagturo ng Kautusan ay patuloy na naghahanap ng paraan upang maipadakip si Jesus nang palihim at maipapatay. “Huwag sa kapistahan at baka magkagulo ang mga tao,” sabi nila.

Binuhusan ng Pabango si Jesus(C)

Nasa(D) Bethania noon si Jesus, sa bahay ni Simon na may ketong.[a] Habang siya'y kumakain, dumating ang isang babaing may dalang isang sisidlang alabastro na puno ng napakamahal na pabango mula sa katas ng purong nardo. Binasag niya ang sisidlan at ibinuhos ang pabango sa ulo ni Jesus. Nagalit ang ilang naroroon at sila'y nag-usap-usap, “Bakit niya inaksaya ang pabango? Maaaring ipagbili iyon nang mahigit sa tatlong daang salaping pilak at maibigay sa mga dukha ang pinagbilhan!” At pinagalitan nila ang babae.

Ngunit sinabi naman ni Jesus, “Bakit ninyo siya ginugulo? Pabayaan ninyo siya! Isang mabuting bagay ang ginawa niyang ito sa akin. Sapagkat(E) habang panaho'y kasama ninyo ang mga dukha, at anumang oras ninyong naisin ay makakagawa kayo sa kanila ng mabuti. Ngunit ako'y hindi ninyo kasama habang panahon. Ginawa niya ang kanyang makakaya; hindi pa ma'y binuhusan na niya ng pabango ang aking katawan bilang paghahanda sa paglilibing sa akin. Tandaan ninyo, saanman sa buong mundo ipangaral ang Magandang Balita, ang ginawa ng babaing ito ay ipahahayag bilang pag-alaala sa kanya.”

Nakipagsabwatan si Judas(F)

10 Si Judas Iscariote, na kabilang sa Labindalawa, ay pumunta sa mga punong pari upang ipagkanulo si Jesus. 11 Natuwa sila nang marinig nila ang alok ni Judas at nangakong bibigyan siya ng salapi. Mula noo'y humanap na si Judas ng pagkakataong maipagkanulo si Jesus.

Ang Huling Hapunan(G)

12 Unang araw noon ng Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa, araw ng paghahain ng korderong pampaskwa. Tinanong si Jesus ng kanyang mga alagad, “Saan po ninyo nais na maghanda kami ng hapunang pampaskwa?”

13 Inutusan niya ang dalawa sa kanyang mga alagad, “Pumunta kayo sa bayan at may masasalubong kayong isang lalaking may dalang banga ng tubig. Sundan ninyo siya 14 sa bahay na kanyang papasukan at sabihin ninyo sa may-ari, ‘Ipinapatanong po ng Guro kung mayroon kayong silid na maaaring magamit niya at ng kanyang mga alagad para sa hapunang pampaskwa.’ 15 At ituturo niya sa inyo ang isang malaking silid sa itaas na mayroon nang kagamitan. Doon kayo maghanda para sa atin.”

16 Nagpunta nga sa bayan ang mga alagad at natagpuan nila roon ang lahat, gaya ng sinabi ni Jesus sa kanila. At inihanda nila ang hapunang pampaskwa.

17 Kinagabihan, dumating si Jesus na kasama ang Labindalawa. 18 Habang(H) sila'y kumakain, sinabi ni Jesus, “Tandaan ninyo ito: isa sa inyo na kasalo ko ngayon ay magkakanulo sa akin.”

19 Nalungkot ang mga alagad, at ang bawat isa ay nagtanong sa kanya, “Hindi ako iyon, di po ba, Panginoon?”

20 Sumagot siya, “Isa siya sa inyong labindalawa, na kasabay ko sa pagsawsaw ng tinapay sa mangkok. 21 Papanaw ang Anak ng Tao ayon sa nasusulat tungkol sa kanya, subalit kahabag-habag ang taong magkakanulo sa kanya! Mabuti pa sa taong iyon ang hindi na siya ipinanganak.”

Ang Banal na Hapunan ng Panginoon(I)

22 Habang kumakain sila, si Jesus ay dumampot ng tinapay at nagpasalamat sa Diyos. Pagkatapos, kanyang pinaghati-hati ang tinapay at iniabot sa mga alagad. Sinabi niya, “Kunin ninyo ito; ito ang aking katawan.” 23 Dumampot din siya ng kopa at matapos magpasalamat sa Diyos ay iniabot din niya iyon sa mga alagad, at uminom silang lahat. 24 Sinabi(J) niya, “Ito ang aking dugo; pinapagtibay nito ang tipan ng Diyos. Ang aking dugo ay mabubuhos para sa marami. 25 Tandaan ninyo: hinding-hindi na ako muling iinom pa ng katas ng ubas hanggang sa araw na inumin kong panibago sa kaharian ng Diyos.”

26 Umawit sila ng isang himno, at pagkatapos ay nagpunta sila sa Bundok ng mga Olibo.

Ipagkakaila ni Pedro si Jesus(K)

27 Sinabi(L) ni Jesus sa kanila, “Ako'y iiwan ninyong lahat, sapagkat sinasabi sa kasulatan, ‘Papatayin ko ang pastol at magkakawatak-watak ang mga tupa.’ 28 Ngunit(M) pagkatapos na ako'y muling buhayin, mauuna ako sa inyo sa Galilea.”

29 Sumagot si Pedro, “Kahit na po kayo iwan ng lahat, hindi ko kayo iiwan.”

30 Sabi ni Jesus sa kanya, “Tandaan mo, sa gabi ring ito, bago tumilaok ang manok nang makalawa, tatlong beses mo akong ikakaila.”

31 Subalit lalong ipinagdiinan ni Pedro, “Kahit ako'y pataying kasama ninyo, hindi ko kayo ikakaila.” Ganoon din ang sinabi ng lahat.

Ang Panalangin sa Getsemani(N)

32 Dumating sila sa isang lugar na tinatawag na Getsemani. Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Maupo muna kayo rito habang ako'y nananalangin.” 33 At isinama niya sina Pedro, Santiago at Juan. Nagsimulang mabagabag at maghirap ang kanyang kalooban. 34 Sinabi niya sa kanila, “Ang puso ko'y labis na nalulungkot at ako'y halos mamatay na! Maghintay kayo rito at magbantay.”

35 Lumayo siya nang kaunti, at pagkatapos ay nagpatirapa upang manalangin na kung maaari'y huwag nang sumapit sa kanya ang oras ng paghihirap. 36 Nanalangin siya, “Ama ko, Ama ko! Magagawa mo ang lahat ng bagay. Alisin mo sa akin ang paghihirap na ito, ngunit hindi ang kalooban ko kundi ang kalooban mo ang masunod.”

37 Nagbalik siya at dinatnan niyang natutulog ang tatlong alagad. Sinabi niya kay Pedro, “Natutulog ka ba, Simon? Hindi ka ba makapagbantay kahit isang oras man lamang? 38 Magbantay kayo at manalangin upang huwag kayong madaig ng tukso. Ang espiritu'y nakahanda ngunit ang laman ay mahina.”

39 Muling lumayo si Jesus upang manalangin at inulit niya ang kanyang kahilingan. 40 Nagbalik siyang muli sa kanyang mga alagad, at sila'y naratnan niyang natutulog dahil sila'y antok na antok. At hindi nila malaman kung ano ang kanilang isasagot sa kanya.

41 Sa ikatlo niyang pagbabalik ay sinabi niya sa kanila, “Natutulog pa ba kayo at namamahinga? Tama na, sapagkat dumating na ang oras upang ang Anak ng Tao'y ibigay sa kamay ng mga makasalanan. 42 Bumangon kayo! Narito na ang magkakanulo sa akin.”

Ang Pagdakip kay Jesus(O)

43 Nagsasalita pa si Jesus nang dumating si Judas na kabilang sa Labindalawa. May kasama siyang maraming tao na may mga dalang tabak at pamalo. Sila'y isinugo ng mga punong pari, mga tagapagturo ng Kautusan, at mga pinuno ng bayan. 44 Bago pa man dumating, nagbigay na si Judas ng isang hudyat, “Kung sino ang hahalikan ko, siya iyon. Dakpin ninyo siya at bantayang mabuti.”

45 Pagdating ni Judas, agad siyang lumapit kay Jesus. “Guro!” ang bati niya, at ito'y kanyang hinalikan. 46 Agad ngang sinunggaban at dinakip ng mga tao si Jesus. 47 Bumunot ng tabak ang isa sa mga nakatayo roon at tinaga ang alipin ng pinakapunong pari, at natagpas ang tainga niyon. 48 Sinabi ni Jesus sa mga tao, “Ako ba'y tulisan at naparito kayong may dalang tabak at pamalo upang ako'y dakpin? 49 Araw-araw(P) akong nagtuturo sa Templo at naroon din kayo, ngunit hindi ninyo ako dinakip. Subalit kailangang matupad ang sinasabi ng Kasulatan!”

50 Tumakas ang lahat ng mga alagad at iniwan siya.

51 Sinundan si Jesus ng isang binatang walang damit maliban sa balabal niyang lino. Sinunggaban ito ng mga tao 52 ngunit iniwan niya ang kanyang balabal at tumakas na hubad.

Si Jesus sa Harap ng Kataas-taasang Kapulungan ng mga Judio(Q)

53 Dinala nila si Jesus sa bahay ng pinakapunong pari na kung saan ay nagkakatipon na doon ang lahat ng mga punong pari, mga pinuno ng bayan at mga tagapagturo ng Kautusan. 54 Si Pedro'y sumunod kay Jesus, ngunit malayo ang agwat niya sa kanya. Nagtuloy siya hanggang sa patyo ng pinakapunong pari at naupo upang magpainit sa tabi ng apoy. Katabi niya roon ang mga bantay. 55 Ang mga punong pari at ang buong Kataas-taasang Kapulungan ng mga Judio ay naghanap ng maipaparatang kay Jesus upang siya'y maipapatay, ngunit wala silang makita. 56 Maraming saksi ang nagsabi ng kasinungalingan laban sa kanya, ngunit hindi nagkatugma-tugma ang kanilang mga patotoo.

57 May ilang sumaksi ng kasinungalingan laban sa kanya na nagsasabi, 58 “Narinig(R) naming sinabi ng taong iyan, ‘Gigibain ko ang Templong ito na gawa ng tao at sa loob ng tatlong araw ay magtatayo ako ng iba na di gawa ng tao.’” 59 Ngunit hindi rin nagkatugma-tugma ang kanilang mga patotoo tungkol dito.

60 Tumayo ang pinakapunong pari sa harap ng kapulungan at tinanong si Jesus, “Wala ka bang isasagot sa paratang nila sa iyo?” 61 Ngunit hindi umimik si Jesus at hindi sumagot ng anuman. Muli siyang tinanong ng pinakapunong pari, “Ikaw nga ba ang Cristo, ang Anak ng Kapuri-puri?”

62 Sumagot(S) si Jesus, “Ako nga. Makikita ninyo ang Anak ng Tao na nakaupo sa kanan ng Makapangyarihan at dumarating na nasa mga ulap ng kalangitan.”

63 Pinunit ng pinakapunong pari ang kanyang kasuotan at sinabi, “Kailangan pa ba natin ng mga saksi? 64 Narinig(T) ninyo ang kanyang paglapastangan sa Diyos! Ano ang inyong pasya?”

At nagkaisa silang lahat na hatulan siya ng kamatayan.

65 At siya'y sinimulan nilang pahirapan; dinuraan siya ng ilan, piniringan at pinagsusuntok. “Hulaan mo nga, sino ang sumuntok sa iyo?” sabi nila. At siya'y binugbog ng mga bantay.

Ang Pagkakaila ni Pedro kay Jesus(U)

66 Samantala, si Pedro naman ay nasa patyo sa ibaba nang lumapit ang isang babaing katulong ng pinakapunong pari. 67 Nakita nito si Pedro na nagpapainit sa apoy, pinagmasdang mabuti at pagkatapos ay sinabi, “Kasama ka rin ni Jesus na taga-Nazaret!”

68 Ngunit nagkaila si Pedro, “Wala akong nalalaman sa sinasabi mo.” Umalis siya at nagpunta sa labasan [at tumilaok ang manok].[b]

69 Nakita na naman siya ng babaing katulong at sinabi sa mga naroon, “Ang taong ito'y isa sa kanila!” 70 At muling nagkaila si Pedro.

Makalipas ang ilang sandali, sinabi kay Pedro ng mga nakatayo roon, “Talagang isa ka nga sa kanila. Taga-Galilea ka rin, hindi ba?”

71 “Parusahan nawa ako ng Diyos kung nagsisinungaling ako! Hindi ko kilala ang taong iyan,” sagot ni Pedro.

72 Siya namang pagtilaok muli ng manok. Naalala ni Pedro ang sinabi sa kanya ni Jesus, “Bago tumilaok ang manok nang dalawang beses, tatlong beses mo akong ikakaila.” Nanlumo siya at nanangis.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.