Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
1 Samuel 10

10 Kinuha ni Samuel ang sisidlan ng langis at binuhusan ang ulo ni Saul. Pagkatapos, hinagkan niya ito at sinabi, “Binuhusan kita ng langis ni Yahweh upang maging hari ng Israel. Pamumunuan mo ang kanyang bayan at ililigtas laban sa lahat niyang kaaway. Ito ang magiging palatandaan na ikaw nga ang hinirang ni Yahweh upang mamahala sa kanyang bayan: Paghihiwalay natin ngayon, may masasalubong kang dalawang tao sa tabi ng libingan ni Raquel, sa Selsa na sakop ng Benjamin. Sasabihin nila sa iyo na nakita na ang mga asnong hinahanap mo, at ikaw naman ngayon ang inaalala at ipinagtatanong ng iyong ama. Sa dako pa roon, may masasalubong kang tatlong lalaki sa may malalaking puno sa Tabor. Papunta sila sa Bethel sa altar ng Diyos; ang isa'y may dalang tatlong tupang maliit, ang isa'y tatlong malalaking tinapay at ang isa'y sisidlang balat na puno ng alak. Babatiin ka nila at ibibigay sa iyo ang dalawa sa dala nilang tinapay. Kapag inalok ka, tanggapin mo. Pagdating mo sa Burol ng Diyos, sa may kampo ng mga Filisteo, makakasalubong mo naman ang isang pangkat ng mga propeta na pinangungunahan ng mga manunugtog ng alpa, tamburin, plauta at lira. Sila'y galing sa altar sa burol, at nagpapahayag ng propesiya. Sa oras na iyon, lulukuban ka ng Espiritu[a] ni Yahweh. Ikaw ay sasama sa kanila at gagawin mo rin ang ginagawa nila. Magbabago ang iyong pagkatao. Kapag naganap na ang mga palatandaang ito, gawin mo ang dapat mong gawin sapagkat sasamahan ka ng Diyos. Pagkatapos noon, mauuna ka sa akin sa Gilgal at pupuntahan kita roon para ipaghain ng handog na susunugin at handog pangkapayapaan. Hihintayin mo ako roon nang pitong araw, at sasabihin ko sa iyo ang dapat mong gawin.”

Nang maghiwalay sila ni Samuel, si Saul ay binigyan ng Diyos ng bagong katauhan. At nang araw ring iyon, naganap ang lahat ng sinabi sa kanya ni Samuel. 10 Pagdating nila sa Gibea, nakasalubong nga nila ang isang pangkat ng mga propeta. Lumukob kay Saul ang Espiritu[b] ni Yahweh at siya'y nagpahayag din tulad sa ginagawa ng mga propeta. 11 Nang makita siya ng mga nakakakilala sa kanya, itinanong ng mga ito, “Ano bang nangyari kay Saul na anak ni Kish? Propeta na rin ba si Saul?”

12 Isang(A) tagaroon ang sumagot, “Bakit naman hindi? Baka siya pa nga ang kanilang pinuno.”[c] At dahil dito, nagsimula ang kasabihang, “Propeta na rin ba si Saul?” 13 Pagkatapos ng pangyayaring iyon, si Saul ay nagpunta sa altar sa burol.

14 Pagdating doon, si Saul at ang kasama niyang lingkod ay tinanong ng kanyang tiyo, “Saan ba kayo nagpunta?”

Sumagot siya, “Hinanap po namin ang mga asno. Nang hindi ko makita, nagtuloy kami kay Samuel.”

15 Sinabi ng kanyang tiyo, “Ano ang sinabi sa iyo ni Samuel?”

16 Sumagot si Saul, “Sinabi niyang nakita na raw ang mga asnong hinahanap namin.” Ngunit hindi niya binanggit ang tungkol sa pagkahirang sa kanya bilang hari ng Israel.

Si Saul ay Tinanghal Bilang Hari

17 Ang mga Israelita ay tinawag ni Samuel sa isang banal na pagpupulong sa Mizpa. 18 Sinabi niya, “Ito ang ipinapasabi ni Yahweh: ‘Inilabas ko kayo sa Egipto. Iniligtas ko kayo sa mga Egipcio at sa mga kahariang nagpapahirap sa inyo. 19 Ngunit itinakwil ninyo ako, ang Diyos na humango sa inyo sa kahirapan at nagligtas sa inyo sa maraming kagipitan. Itinakwil ninyo ako nang humingi kayo ng haring mamamahala sa inyo. Kaya nga, lumapit kayo kay Yahweh, sama-sama ang magkakalipi at magkakasambahay.’”

20 Nang matipon ni Samuel ang buong Israel sa harap ng altar ni Yahweh, nagpalabunutan sila at nakuha ang lipi ni Benjamin. 21 Pinalapit naman niya ang mga angkan sa lipi ni Benjamin at nabunot ang pamilya ni Matri. Sa kahuli-hulihan, pinalapit niya ang lahat ng anak ni Matri at ang nabunot ay si Saul na anak ni Kish. Ngunit wala roon si Saul. 22 Dahil dito, itinanong nila kay Yahweh, “Pupunta po kaya siya rito?”

Sumagot si Yahweh, “Naroon siya sa bunton ng mga dala-dalahan at nagtatago.”

23 Siya'y patakbo nilang pinuntahan at dinala sa mga tao. Nang mapagitna siya sa karamihan, si Saul ang pinakamatangkad. 24 Sinabi ni Samuel sa mga tao, “Ito ang pinili ni Yahweh. Wala siyang katulad sa buong bayan.”

Sabay-sabay silang sumigaw, “Mabuhay ang hari!”

25 Inisa-isa ni Samuel sa mga taong-bayan ang mga karapatan at pananagutan ng isang hari. Pagkatapos, isinulat niya ang mga ito at inilagay sa harap ng altar ni Yahweh. Pagkatapos, pinauwi na niya ang mga Israelita. 26 Pati si Saul ay umuwi na sa Gibea, kasama ang ilang matatapang na Israelita, mga lalaking ang puso'y hinipo ng Diyos. 27 Ngunit may ilang tao roon na pakutyang nagtanong, “Paano tayo maililigtas niyan?” Nilait nila si Saul at hindi sila nagbigay ng handog sa kanya. Ngunit tumahimik lamang si Saul.

Roma 8

Pamumuhay Ayon sa Espiritu

Kaya nga, wala nang kahatulang parusa sa mga taong nakipag-isa na kay Cristo Jesus. Sa pamamagitan ng kautusan ng Espiritung nagbibigay-buhay dahil sa pakikiisa natin kay Cristo-Jesus, pinalaya na ako[a] mula sa kautusan ng kasalanan at kamatayan. Ginawa ng Diyos ang hindi kayang gawin ng Kautusan dahil sa kahinaan ng tao. Isinugo niya ang kanyang sariling Anak sa anyo ng taong makasalanan upang pawiin ang kasalanan. Sa gayon, hinatulan na niya ang kasalanang umaalipin sa tao. Ginawa ito ng Diyos upang ang itinatakda ng Kautusan ay matupad sa atin na namumuhay ayon sa Espiritu at hindi ayon sa hilig ng laman.

Ang mga namumuhay ayon sa hilig ng laman ay walang pinapahalagahan kundi ang mga bagay na ukol sa laman; ngunit ang mga namumuhay ayon sa Espiritu ay nagpapahalaga sa mga bagay na espirituwal. Ang pagsunod sa hilig ng laman ay naghahatid sa kamatayan, ngunit ang pagsunod sa Espiritu ay nagdudulot ng buhay at kapayapaan. Kaya nga, kapag itinutuon ng tao ang kanyang pag-iisip sa mga hilig ng laman, siya'y nagiging kaaway ng Diyos sapagkat hindi siya nagpapasakop sa batas ng Diyos, at sadyang hindi niya ito magagawa. At ang nabubuhay ayon sa hilig ng laman ay hindi maaaring kalugdan ng Diyos.

Ngunit hindi na kayo namumuhay ayon sa laman, kundi ayon sa Espiritu. Sa katunayan, naninirahan sa inyo ang Espiritu ng Diyos. Kung wala sa isang tao ang Espiritu ni Cristo, hindi kay Cristo ang taong iyon. 10 Ngunit dahil naninirahan sa inyo si Cristo, mamatay man ang inyong mga katawan dahil sa kasalanan, ang espiritu naman ninyo ay buháy sapagkat itinuring na kayong matuwid ng Diyos. 11 Kung(A) naninirahan sa inyo ang Espiritu ng Diyos na siyang muling bumuhay kay Jesu-Cristo, siya ang muling bubuhay sa inyong mga katawang may kamatayan, sa pamamagitan din ng kanyang Espiritung naninirahan sa inyo.

12 Mga kapatid, wala tayong pananagutang sundin ang mga hilig ng laman upang mamuhay ayon sa katawang makalaman. 13 Sapagkat mamamatay kayo kung namumuhay kayo ayon sa katawang makalaman, ngunit kung pinapatay ninyo sa pamamagitan ng Espiritu ang mga gawa ng katawang makalaman, mabubuhay kayo. 14 Ang lahat ng pinapatnubayan ng Espiritu ng Diyos ay mga anak ng Diyos. 15 Sapagkat(B)(C) hindi espiritu ng pagkaalipin ang inyong tinanggap upang kayo'y mamuhay sa takot. Sa halip, ang inyong tinanggap ay ang Espiritu ng pagkupkop upang kayo'y gawing mga anak ng Diyos, kaya tayo'y tumatawag sa kanya ng, “Ama, Ama ko!” 16 Ang Espiritu ang nagpapatotoo, kasama ng ating espiritu, na tayo'y mga anak ng Diyos. 17 At yamang mga anak, tayo'y mga tagapagmana ng Diyos at kasamang tagapagmana ni Cristo. Sapagkat kung tayo'y kasama niya sa pagtitiis, tayo'y makakasama niya sa kanyang kaluwalhatian.

Ang Kaluwalhatiang Sasaatin

18 Para(D) sa akin, ang mga pagtitiis natin sa kasalukuyan ay hindi maihahambing sa kaluwalhatiang ipahahayag sa atin balang araw. 19 Sapagkat nananabik ang sangnilikha na ihayag ng Diyos ang kanyang mga anak. 20 Nabigo(E) ang sangnilikha, hindi dahil sa kagustuhan nito, kundi dahil itinulot iyon ng Diyos. Gayunman, nagbigay rin siya ng pag-asa 21 na ang lahat ng nilikha ay pinalaya ng Diyos upang hindi na ito mabulok, at upang makabahagi ito sa maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos. 22 Alam nating hanggang ngayo'y dumaraing ang sangnilikha dahil sa matinding hirap na tulad ng isang nanganganak. 23 At(F) hindi lamang ang sangnilikha, kundi tayong mga tumanggap na ng Espiritu bilang unang kaloob mula sa Diyos ay dumaraing din habang hinihintay natin ang paghahayag ng ating pagiging mga anak ng Diyos at ang pagpapalaya sa ating mga katawan. 24 Naligtas tayo dahil sa pag-asang ito. Ngunit hindi iyon matatawag na pag-asa kung nakikita na natin ang ating inaasahan. Sapagkat sinong tao ang aasa pa kung ito'y nakikita na niya? 25 Ngunit kung umaasa tayo sa hindi natin nakikita, hinihintay natin iyon nang buong tiyaga.

26 Gayundin naman, tinutulungan tayo ng Espiritu sa ating kahinaan sapagkat hindi tayo marunong manalangin nang nararapat, kaya't ang Espiritu ang namamagitan para sa atin, at dumaraing sa paraang hindi natin kayang sambitin. 27 At ang Diyos na siyang nakakasaliksik sa puso ng tao, ang siyang nakakaalam kung ano ang kalooban ng Espiritu, sapagkat ang Espiritu ang namamagitan para sa atin, ayon sa kalooban ng Diyos.

28 Alam nating sa lahat ng bagay ay gumagawa ang Diyos para sa mabuti kasama ang mga nagmamahal sa kanya,[b] silang mga tinawag ayon sa kanyang layunin. 29 Sapagkat sa mula't mula pa'y alam na ng Diyos kung sino ang magiging kanya at ang mga ito'y pinili niya upang maging katulad ng kanyang Anak. Sa gayon, siya ang naging panganay sa lahat ng maraming magkakapatid. 30 Ang mga pinili niya noon pang una ay kanyang tinawag; at ang mga tinawag ay kanya ring pinawalang-sala, at ang mga pinawalang-sala ay kanyang binahaginan ng kanyang kaluwalhatian.

Ang Pag-ibig ng Diyos

31 Ano pa ang masasabi natin tungkol dito? Kung ang Diyos ay panig sa atin, sino ang makakalaban sa atin? 32 Kung ang sarili niyang Anak ay hindi niya ipinagkait, sa halip ay ibinigay para sa ating lahat, hindi kaya niya ibibigay nang masagana sa atin ang lahat ng bagay? 33 Sino ang makakapagharap ng paratang laban sa mga hinirang ng Diyos, gayong ang Diyos ang nagpapawalang-sala sa kanila? 34 Sino ang hahatol upang sila'y parusahan? Si Cristo Jesus ba na namatay, ngunit higit sa lahat ay muling binuhay, at ngayon ay nasa kanan ng Diyos upang mamagitan para sa atin? 35 Sino ang makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ni Cristo? Ang kaguluhan kaya, ang kapighatian, pag-uusig, pagkagutom, kahirapan, panganib, o kamatayan? 36 Ayon(G) sa nasusulat,

“Dahil sa inyo'y buong araw kaming pinapatay,
    turing nila sa amin ay mga tupang kakatayin lamang.”

37 Hindi! Sa lahat ng mga ito, tayo'y lalong higit pang magtatagumpay sa pamamagitan niya na nagmamahal sa atin. 38 Sapagkat natitiyak kong walang makapaghihiwalay sa atin sa kanyang pag-ibig. Kahit ang kamatayan o ang buhay, ang mga anghel o ang mga pamunuan at ang mga kapangyarihan, ang kasalukuyan o ang hinaharap, 39 ang kataasan o ang kalaliman, o alinmang nilalang ay hindi makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos na ipinagkaloob sa atin sa pamamagitan ni Cristo Jesus na ating Panginoon.

Jeremias 47

Ang Pahayag ni Yahweh tungkol sa mga Filisteo

47 Ito(A) ang pahayag na tinanggap ni Jeremias kay Yahweh tungkol sa mga Filisteo bago sinalakay ni Faraon ang Gaza:

“Tumataas ang tubig sa hilaga,
    at babaha, ito'y aapaw sa buong lupain;
magpapasaklolo ang mga tao,
    maghihiyawan sa matinding takot.
Maririnig ang ingay ng yabag ng mga kabayo,
    ang paghagibis ng mga karwahe!
Hindi na maaalala ng mga magulang ang kanilang mga anak;
    manghihina ang kanilang mga kamay,
sapagkat dumating na ang araw ng pagkawasak ng mga Filisteo.
Ang pinakahuling magtatanggol sa Tiro at Sidon ay babagsak;
    sapagkat lilipulin ni Yahweh ang mga Filisteo,
    ang nalabi sa baybayin ng Caftor.
Parang kinalbo ang Gaza;
    pinatahimik ang Ashkelon.
    Hanggang kailan magluluksa ang mga Filisteo?
Kailan pa magpapahinga ang tabak ni Yahweh?
Lumigpit ka na sa kaluban, at doon manahimik!
Paano naman itong mapapahinga?
    Hindi pa tapos ang gawaing itinakda sa kanya ni Yahweh
laban sa Ashkelon at sa kapatagang malapit sa dagat;
    doon nakatakda ang gawain nito.”

Mga Awit 23-24

Si Yahweh ang Ating Pastol

Awit ni David.

23 Si Yahweh ang aking pastol, hindi ako magkukulang;
pinapahimlay(A) niya ako sa luntiang pastulan,
    at inaakay niya sa tahimik na batisan.
Pinapanumbalik ang aking kalakasan,
at pinapatnubayan niya sa tamang daan,
    upang aking parangalan ang kanyang pangalan.
Dumaan man ako sa madilim na libis ng kamatayan,
    wala akong katatakutan, pagkat ika'y aking kaagapay.
Ang tungkod mo at pamalo, aking gabay at sanggalang.

Ipinaghahanda mo ako ng salu-salo,
    na nakikita pa nitong mga kalaban ko;
sa aking ulo langis ay ibinubuhos,
    sa aking saro, pagpapala'y lubus-lubos.
Kabutiha't pag-ibig mo sa aki'y di magkukulang, siyang makakasama ko habang ako'y nabubuhay;
    at magpakailanma'y sa bahay ni Yahweh mananahan.

Ang Dakilang Hari

Awit ni David.

24 Ang(B) buong daigdig at ang lahat ng naroon,
    ang may-ari'y si Yahweh na ating Panginoon.
Itinayo niya ang daigdig sa ibabaw ng karagatan,
    inilagay ang pundasyon sa mga tubig sa kalaliman.
Sa burol ni Yahweh, sinong nararapat umahon?
    Sa banal niyang Templo, sinong dapat pumaroon?
Ang(C) taong malinis ang buhay pati ang isipan,
    hindi sumasamba sa mga diyus-diyosan;
    at hindi sumusumpa ng kasinungalingan.
Bibigyan siya ni Yahweh ng pagpapala't kaligtasan,
    ipahahayag siya ng Diyos na walang kasalanan.
Ganoon ang mga taong lumalapit sa Diyos,
    silang dumudulog sa Diyos ni Jacob. (Selah)[a]

Buksan n'yong mabuti ang mga tarangkahan,
    buksan ninyo pati mga lumang pintuan,
    at ang dakilang hari'y papasok at daraan.
Sino ba itong dakilang hari?
Siya si Yahweh na malakas at makapangyarihan,
    si Yahweh, matagumpay sa labanan.

Buksan n'yong mabuti ang mga tarangkahan,
    buksan ninyo pati mga lumang pintuan,
    at ang dakilang hari'y papasok at daraan.

10 Sino ba itong dakilang hari?
Ang makapangyarihang si Yahweh, siya ang dakilang hari! (Selah)[b]

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.