M’Cheyne Bible Reading Plan
Umalis si David sa Keila
23 Dumating ang araw na sinalakay ng isang pangkat ng mga Filisteo ang Keila at sinamsam ang trigo sa giikan. Nalaman ito ni David 2 kaya siya'y sumangguni kay Yahweh, “Lalabanan ko po ba ang mga Filisteong ito?”
“Oo,” sagot ni Yahweh. “Labanan mo sila at iligtas mo ang Keila.”
3 Ngunit sinabi ng mga kawal kay David, “Kung kay Saul lang ay takot tayo, kaya tayo nagtatago dito sa Juda, paano natin malalabanan ang napakaraming Filisteong ito?” 4 Kaya't muling sumangguni si David kay Yahweh.
Ang sagot naman sa kanya, “Pumunta kayo sa Keila at pagtatagumpayin ko kayo laban sa mga Filisteo.” 5 Kaya't nagpunta si David at ang kanyang mga tauhan sa Keila at nilabanan ang mga Filisteo. Marami silang napatay sa mga ito; sinamsam nila ang mga kawan at nailigtas ni David ang bayan ng Keila.
6 Nang si Abiatar ay tumakas at magpunta kay David sa Keila, dala niya ang efod.
7 Nabalitaan naman ni Saul na si David ay nasa Keila at sinabi nito, “Sa wakas, niloob din ng Diyos na mahulog sa mga kamay ko si David sapagkat pumasok siya sa isang lugar na napapaligiran ng pader at bakal ang mga pintuan.” 8 Tinipon niya ang lahat niyang tauhan at pinapunta sa Keila upang palibutan si David at ang mga tauhan nito.
9 Nalaman ito ni David kaya sinabi niya sa paring si Abiatar, “Dalhin mo rito ang efod.” 10 At sumangguni siya sa Diyos, “Yahweh, Diyos ng Israel, nabalitaan ko pong wawasakin ni Saul ang Keila sapagkat nalaman niyang narito ako. 11 Totoo po ba ito? Pababayaan po kaya ng mga taga-Keila na dakpin ako ni Saul? Isinasamo ko po, Yahweh, Diyos ng mga Israelita, na sagutin n'yo ako sa bagay na ito.”
Sumagot si Yahweh, “Oo, lulusubin nga ni Saul ang Keila.”
12 Nagtanong muli si David, “Pababayaan po ba ng mga taga-Keila na ako'y dakpin ni Saul, pati ang aking mga kasama?”
“Oo, pababayaan nila kayo,” sagot ni Yahweh.
13 Dahil dito, iniutos niya sa kanyang mga tauhan na noo'y halos animnaraang katao na umalis na doon at magpalipat-lipat ng lugar. Nang malaman ni Saul na si David ay nakatakas, hindi na niya itinuloy ang balak na pagsalakay sa Keila.
Si David sa Ilang
14 Si David ay nagtago sa ilang at maburol na lugar ng Zif. Araw-araw, hinahanap siya ni Saul, ngunit hindi itinulot ng Diyos na makita siya nito.
15 Nanatili ang pangamba ni David sapagkat alam niyang siya'y talagang gustong patayin ni Saul. Nang siya'y nasa Hores sa ilang ng Zif, 16 pinuntahan siya ni Jonatan at pinalakas ang kanyang loob sa pangalan ni Yahweh. 17 Sinabi nito, “David, huwag kang matakot at hindi ka mapapatay ng aking ama. Ikaw ay magiging hari ng Israel, magiging kanang kamay mo naman ako; alam na ito ng aking ama.” 18 At(A) ang kanilang pagiging magkaibigan ay muli nilang pinagtibay sa harapan ni Yahweh. Pagkatapos, umuwi na si Jonatan at naiwan naman sa Hores si David.
19 Ang(B) mga taga-Zif ay nagpunta kay Saul sa Gibea. Sinabi nila, “Si David po ay doon nagtatago sa lugar namin sa Hores, sa kaburulan ng Haquila sa gawing timog ng kagubatan ng Jesimon. 20 Alam po naming gustung-gusto ninyo siyang mahuli. Puntahan ninyo siya roon kung kailan ninyo gusto at tutulungan namin kayo sa paghuli sa kanya.”
21 At sinabi ni Saul, “Pagpalain nawa kayo ni Yahweh dahil sa pagmamalasakit ninyong ito sa akin. 22 Mauna kayo roon at tiyakin ninyo kung saan siya nagtatago at kung sino ang nakakita sa kanya. Alam kong mahirap siyang hulihin, 23 kaya't tiyakin ninyong mabuti kung saan siya nagtatago, saka ninyo ibalita sa akin. Kung naroon pa siya, sasama ako sa inyo para dakpin siya kahit na halughugin ko ang buong Juda.”
24 At sila'y nauna kay Saul papuntang Zif. Si David naman at ang kanyang mga kasama ay nasa ilang noon ng Maon, sa Araba, gawing timog ng Jesimon. 25 Lumakad si Saul at ang kanyang mga tauhan upang hanapin si David. Hindi lingid kay David na hinahanap siya ni Saul kaya nagtago siya sa ilang ng Maon, ngunit sinundan pa rin siya ni Saul. 26 Samantalang nasa kabilang panig ng bundok sina Saul, sina David naman ay nasa kabila at walang ibang mapuntahan. Masusukol na lamang sila nina Saul, 27 nang dumating ang isang tagabalita at sinabi kay Saul, “Magbalik na po kayo at sinasalakay tayo ng mga Filisteo.” 28 Kaya, tinigilan ni Saul ang paghabol kay David at hinarap ang mga Filisteo. Kaya't ang lugar na iyon ay tinawag na Bato ng Paghihiwalay. 29 Mula roon, si David ay nagpunta sa En-gedi at doon muna nanirahan.
Mga Apostol ni Cristo
4 Dapat ninyong kilalanin na kami'y mga lingkod ni Cristo at katiwala ng mga hiwaga ng Diyos. 2 Ang katiwala'y kailangang maging tapat sa kanyang panginoon. 3 Walang anuman sa akin kung ako'y hatulan ninyo, o ng alinmang hukuman ng tao; ako man ay hindi humahatol sa aking sarili. 4 Malinis(A) ang aking budhi, subalit hindi iyon katibayan na ako'y walang kasalanan. Ang Panginoon ang humahatol sa akin. 5 Kaya't huwag kayong humatol nang wala pa sa panahon; maghintay kayo sa pagdating ng Panginoon. Siya ang maglalantad ng mga bagay na ngayo'y natatago sa kadiliman at maghahayag ng mga lihim na hangarin ng bawat isa. Sa panahong iyon, bawat isa'y bibigyan ng Diyos ng angkop na parangal.
6 Mga kapatid, kami ni Apolos ang ginamit kong halimbawa para sa inyong kapakinabangan, upang matutuhan ninyo ang kahulugan ng kasabihang, “Huwag lalampas sa nasusulat.” Huwag ninyong ipagmalaki ang isang tao upang hamakin ang iba. 7 Paano kayo nakakahigit sa iba? Hindi ba't lahat ng nasa inyo'y ibinigay lamang sa inyo ng Diyos? Kung gayon, bakit ninyo ipinagyayabang iyon na parang hindi kaloob sa inyo?
8 Kayo pala'y nasisiyahan na! Mayayaman na pala kayo! Kayo pala'y mga hari na, at kami'y hindi. Sana nga'y naging hari na kayo upang kami man ay maghari ding kasama ninyo. 9 Sa palagay ko, kaming mga apostol ang ginawa ng Diyos na pinakahamak sa lahat ng tao. Ang katulad namin ay mga taong nahatulan ng kamatayan; isang panoorin para sa sanlibutan, ng mga anghel at ng mga tao. 10 Kami'y mga hangal alang-alang kay Cristo; kayo nama'y marurunong dahil kay Cristo! Mahihina kami; kayo nama'y malalakas. Hinahamak kami; kayo nama'y pinaparangalan! 11 Hanggang sa oras na ito, kami'y nagugutom, nauuhaw, at halos hubad; kami'y pinapahirapan at walang matirhan. 12 Nagpapakahirap(B) kami at nagbabanat ng buto para kumita ng ikabubuhay. Idinadalangin namin ang mga lumalait sa amin; kapag kami'y inuusig, nagtitiis kami. 13 Kapag kami'y sinisiraan, mahinahon kaming sumasagot. Hanggang ngayon, kami'y parang maruming basahan, pinakahamak sa lahat ng tao sa mundo.
14 Ito'y isinusulat ko, hindi upang hiyain kayo, kundi upang pangaralan bilang minamahal kong mga anak. 15 Kahit magkaroon pa kayo ng napakaraming tagapagturo sa pamumuhay Cristiano, iisa lamang ang inyong ama. Sapagkat kayo'y naging mga anak ko sa pananampalataya kay Cristo Jesus sa pamamagitan ng Magandang Balitang ipinangaral ko sa inyo. 16 Kaya't(C) isinasamo ko sa inyo, tularan ninyo ako.
17 Dahil dito, pinapunta ko riyan si Timoteo, ang aking minamahal at tapat na anak sa Panginoon. Ipapaalala niya sa inyo ang mga patakaran ko sa buhay sa pagsunod kay Cristo Jesus.[a] Ang mga patakaran ding iyon ang itinuturo ko sa bawat iglesya sa lahat ng dako.
18 Nagmamalaki ang ilan sa inyo dahil ang akala nila'y hindi na ako pupunta riyan. 19 Ngunit kung loloobin ng Panginoon, ako'y pupunta riyan sa lalong madaling panahon. Titingnan ko kung anong kapangyarihan ang ipinagmamalaki ng mga iyan, at hindi lamang ang kanilang sinasabi. 20 Sapagkat ang paghahari ng Diyos ay hindi sa salita, kundi sa kapangyarihan. 21 Alin ang gusto ninyo? Dumating ako riyan na may dalang pamalo, o mayroong diwa ng pag-ibig at kahinahunan?
Ang Pagsusugo kay Ezekiel
2 Sinabi sa akin ng tinig, “Ezekiel, anak ng tao, tumayo ka at may sasabihin ako sa iyo.” 2 Kasabay noon, nilukuban ako ng kanyang Espiritu at itinayo ako upang pakinggan ang kanyang sasabihin. 3 Ang sabi niya, “Ezekiel, anak ng tao, susuguin kita sa Israel, sa bansang suwail. Pagkat mula sa kanilang ninuno, naghihimagsik na sila sa akin hanggang ngayon. 4 Matigas ang kanilang ulo at walang pitagan. Kaya puntahan mo sila at sabihin mong ito ang ipinapasabi ng Panginoong Yahweh. 5 Makinig man sila o hindi, malalaman nilang may isang propeta sa kanilang kalagitnaan. 6 Huwag kang matatakot sa kanila kahit pagbantaan ka nila, kahit na paligiran ka nila na waring nakaupo ka sa gitna ng mga alakdan. Huwag ka ngang masisindak sa kanila bagama't sila'y talagang mapaghimagsik. 7 Sa makinig sila o sa hindi, sabihin mo sa kanila ang ipinapasabi ko sa iyo, pagkat sila'y talagang mapaghimagsik.
8 “Ezekiel, anak ng tao, pakinggan mo ang sinasabi ko sa iyo. Huwag kang tutulad sa kanila na naghimagsik sa akin. Ngumanga ka. Kainin mo ito.” 9 Nang(A) ako'y tumingala, may isang kamay na nag-abot sa akin ng isang kasulatan. 10 Iniladlad ito at nabasa ko sa magkabila ang mga panaghoy, pagdadalamhati, at paghihirap.
Panalangin ng Taong Nagdaranas ng Hirap
Awit ni David; inaawit tuwing mag-aalay ng handog pang-alaala.
38 Yahweh, huwag mo po akong kagalitan!
O kung galit ka ma'y huwag pong parusahan.
2 Ang iyong palaso'y tumama sa akin;
at iyong mga kamay, hinampas sa akin.
3 Ako'y nilalagnat dahil sa iyong galit;
dahil sa sala ko, ako'y nagkasakit.
4 Ako'y nalulunod sa taglay kong sala, sa dinami-rami ay para nang baha;
mabigat na lubha itong aking dala.
5 Malabis ang paglala nitong aking sugat,
dahil ginawa ko ang hindi nararapat;
6 Wasak at kuba na ang aking katawan;
sa buong maghapo'y puspos ng kalungkutan.
7 Dumapong lagnat ko'y apoy na sa init,
lumulubhang lalo ang taglay kong sakit.
8 Ako'y nanghihina at nanlulupaypay,
puso'y dumaraing sa sakit na taglay.
9 O Yahweh, hangad ko'y iyong nababatid;
ang mga daing ko'y iyong dinirinig.
10 Ang aking puso ay mabilis ang tibok, ang taglay kong lakas, pumapanaw na halos;
ningning ng mata ko'y pawa nang naubos.
11 Mga kaibiga't mga kapitbahay ay nagsisilayo, ayaw nang dumalaw
dahil sa sugat ko sa aking katawan;
lumalayo pati aking sambahayan.
12 Silang nagnanais na ako'y patayin, nag-umang ng bitag upang ako'y dakpin;
ang may bantang ako'y saktan at wasakin,
maghapon kung sila'y mag-abang sa akin.
13 Para akong bingi na di makarinig,
at para ring pipi na di makaimik;
14 sa pagsasanggalang ay walang masabi,
walang marinig katulad ng isang bingi.
15 Ngunit sa iyo, Yahweh, ako'y may tiwala,
aking Diyos, ika'y tiyak na tutugon.
16 Aking panalangin, iyong pakinggan, itong mga hambog, huwag mong hayaan,
sa aking kabiguan, sila'y magtawanan.
17 Sa pakiramdam ko, ako'y mabubuwal,
mahapdi't makirot ang aking katawan.
18 Aking ihahayag ang kasalanan ko,
mga kasalanang sa aki'y gumugulo.
19 Mga kaaway ko'y malakas, masigla;
wala mang dahila'y namumuhi sila.
20 Ang ganting masama ang sukli sa akin,
dahil sa hangad kong buhay ko'y tuwirin.
21 Yahweh, huwag akong iiwan;
maawaing Diyos, huwag akong layuan;
22 aking Panginoon, aking kaligtasan, iyo ngang dalian, ako ay tulungan!
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.