M’Cheyne Bible Reading Plan
Si Micas at ang Angkan ni Dan
18 Nang panahong iyon ay wala pang hari ang Israel. Ang lipi ni Dan ay naghahanap noon ng lugar na matitirhan. Wala silang tirahan noon sapagkat wala pa silang natatanggap na lupaing mana. 2 Kaya't pumili sila ng limang pangunahing kalalakihan sa kanilang lipi, mula sa Zora at Estaol at pinahanap ng matitirhan nilang lahat. Ang limang inutusan ay nagpunta sa lugar ni Micas at sa bahay nito tumuloy. 3 Samantalang naroon sila, nakilala nilang Levita ang kasama ni Micas dahil sa punto ng salita nito. Kaya, tinanong nila ito, “Anong ginagawa mo rito? Sino ang nagdala sa iyo rito?”
4 “May usapan kami ni Micas at binabayaran niya ako bilang pari,” sagot niya.
5 Sinabi nila sa kanya, “Kung gayon, isangguni mo sa Diyos kung magtatagumpay kami sa lakad naming ito.”
6 Sinabi ng Levita, “Huwag kayong mag-alala. Pinapatnubayan kayo ni Yahweh sa lakad ninyo.”
7 Ang lima ay nagpatuloy sa kanilang lakad at nakarating sa Lais. Nakita nilang tahimik doon. Panatag ang loob ng mga tagaroon, payapa at sapat sa lahat ng pangangailangan. Ang lugar na iyon ay malayo sa mga taga-Sidon at walang pakikiugnay sa ibang tao. 8 Nang magbalik sila sa Zora at Estaol, tinanong sila ng kanilang mga kababayan kung ano ang nakita nila. 9 Ang sabi nila, “Mainam na lugar iyon. Kaya, hindi tayo dapat mag-aksaya ng panahon. Lumusob na tayo at nang masakop natin agad. 10 Malawak ang lupaing iyon at sagana sa lahat ng bagay. Ibinigay na ito ng Diyos sa atin, at hindi nila iisiping sasalakayin natin sila.”
11 Kaya, mula sa Zora at Estaol ay lumakad ang may animnaraang mandirigma ng lipi ni Dan. 12 Nagkampo sila sa may Lunsod ng Jearim sa Juda, at hanggang ngayon, ang lugar na iyo'y tinatawag na Kampo ni Dan. 13 Mula roon, dumaan sila sa kaburulan ng Efraim at nagtuloy sa bahay ni Micas.
14 Sinabi sa kanila ng limang nagsiyasat sa Lais, “Sa bahay na ito ay may isang imaheng balot ng pilak, bukod pa sa ibang diyus-diyosan at efod. Ano sa palagay ninyo ang mainam nating gawin para makuha ang mga iyon?” 15 Kaya't pumunta sila sa bahay ni Micas at kinumusta ang kabataang Levita na nakatira roon. 16 Samantalang naghihintay sa tarangkahan ang kasama nilang animnaraang kawal, 17 ang limang espiya ay tuluy-tuloy na pumasok sa bahay ni Micas at kinuha ang mga diyus-diyosan doon, pati ang nababalot ng pilak. Ang pari naman ay nasa tarangkahan, kasama ng animnaraang kawal.
18 Nang makita ng pari na sinamsam ng limang lalaki ang mga imahen, itinanong niya, “Anong ginagawa ninyo?”
19 Sinabi nila, “Huwag kang maingay. Tumahimik ka lang diyan! Sumama ka sa amin at gagawin ka naming pari at tagapayo. Alin ba ang mas gusto mo, ang maging pari ng isa sa lipi ng Israel o ng isang pamilya lamang?” 20 Nagustuhan ng pari ang alok sa kanya, kaya kinuha niya ang mga imahen at masayang sumama sa kanila.
21 At nagpatuloy sila ng paglalakbay. Nasa unahan nila ang mga bata, mga alagang hayop at mga kagamitan. 22 Hindi pa sila gaanong nakakalayo sa bahay ni Micas ay tinipon nito ang kanyang mga kapitbahay at hinabol nila ang mga Daneo, 23 na kanilang sinisigawan. Nang mag-abot sila, tinanong ng mga Daneo si Micas, “Ano ba ang nangyayari at napakarami ninyo?”
24 Sumagot si Micas, “Itinatanong pa ninyo gayong tinangay ninyo ang aking pari at kinuhang lahat ang aking mga diyus-diyosan! Wala na kayong itinira sa akin.”
25 Sinabi nila, “Mabuti pa'y manahimik ka na lang! Baka marinig ka ng mga kasama namin, magalit sila at patayin ka pati ang iyong pamilya.” 26 At nagpatuloy ang lipi ni Dan sa paglakad. Nakita ni Micas na hindi niya kaya ang mga Daneo kaya umuwi na lamang siya.
27 Nagtuloy ang mga Daneo sa Lais, dala ang diyus-diyosan ni Micas pati ang pari. Sinalakay nila ang Lais, isang bayang tahimik at payapa. Pinatay nila ang mga tagaroon, at sinunog ang buong lunsod. 28 Walang nagtanggol sa mga tagaroon sapagkat malayo ito sa Sidon at walang pakikiugnay sa ibang tao. Ang lugar na ito ay nasa kapatagan ng Beth-rehob. Matapos sunugin, muli itong itinayo ng mga Daneo at kanilang tinirhan. 29 Ang dating pangalang Lais ay pinalitan nila ng Dan, batay sa pangalan ng kanilang ninuno na isa sa mga anak ni Jacob. 30 Ipinagtayo nila ng altar ang diyus-diyosan ni Micas at kanilang sinamba. Si Jonatan na anak ni Gersom, apo ni Moises,[a] ang ginawa nilang pari. Mula noon, ang lahi nito ang nagsilbing pari nila hanggang sa sila'y dalhing-bihag ng kanilang mga kaaway. 31 Ang diyus-diyosan naman ni Micas ay nanatili roon habang nasa Shilo pa ang tabernakulo ng Diyos.
22 “Mga magulang at mga kapatid, pakinggan ninyo ang sasabihin ko ngayon bilang pagtatanggol sa aking sarili.” 2 Nang siya'y marinig nilang nagsasalita sa wikang Hebreo, lalo silang tumahimik. Kaya't nagpatuloy si Pablo,
3 “Ako'y(A) isang Judiong ipinanganak sa Tarso, sa lalawigan ng Cilicia, ngunit lumaki rito sa Jerusalem. Ang aking guro ay si Gamaliel at buong higpit niya akong tinuruan sa Kautusan ng ating mga ninuno. Ako'y masugid na naglilingkod sa Diyos tulad ninyong lahat na naririto ngayon. 4 Inusig(B) ko at ipinapatay ang mga sumusunod sa Daang ito. Ipinagapos ko sila't ipinabilanggo, maging lalaki o maging babae. 5 Makakapagpatotoo tungkol dito ang pinakapunong pari at ang buong kapulungan ng mga matatandang pinuno ng bayan. Binigyan pa nga nila ako ng mga sulat para sa mga Judio sa Damasco, kaya't pumunta ako roon upang dakpin ang mga kaanib ng Daang ito at dalhin sila dito sa Jerusalem nang nakagapos upang parusahan.”
Isinalaysay ni Pablo Kung Paano Siya Sumampalataya(C)
6 “Nang malapit na ako sa Damasco, magtatanghaling-tapat noon, may biglang kumislap sa aking paligid na isang matinding liwanag mula sa langit. 7 Bumagsak ako sa lupa at narinig ko ang isang tinig na nagsalita sa akin, ‘Saulo, Saulo! Bakit mo ako inuusig?’ 8 Ako'y sumagot, ‘Sino po kayo, Panginoon?’ ‘Ako ang iyong pinag-uusig na si Jesus na taga-Nazaret,’ tugon ng tinig. 9 Nakita ng mga kasama ko ang liwanag, ngunit hindi nila narinig ang tinig na nagsasalita sa akin. 10 ‘Ano po ang gagawin ko, Panginoon?’ tanong ko. At tumugon ang Panginoon, ‘Tumayo ka at pumunta sa Damasco. Sasabihin sa iyo roon ang lahat ng itinakda na dapat mong gawin.’ 11 Nabulag ako dahil sa matinding liwanag na iyon, kaya't ako'y inakay na lamang ng mga kasama ko at dinala sa Damasco.
12 “Doon ay nakatira si Ananias. Siya ay tapat na sumusunod sa Kautusan at iginagalang ng mga Judiong naninirahan doon. 13 Pinuntahan niya ako, tumayo sa tabi ko at sinabi sa akin, ‘Kapatid na Saulo, makakita kang muli.’ Noon di'y nakakita akong muli at tumingin ako sa kanya, 14 at sinabi niya sa akin, ‘Pinili ka ng Diyos ng ating mga ninuno upang malaman mo ang kanyang kalooban, makita ang kanyang Matuwid na Lingkod at marinig ang kanyang tinig. 15 Sapagkat ikaw ay magiging saksi niya upang patotohanan sa lahat ng tao ang iyong nakita at narinig. 16 At ngayon, ano pa ang hinihintay mo? Tumayo ka na, magpabautismo at tumawag ka sa kanyang pangalan upang mapatawad ka sa iyong mga kasalanan.’”
Isinugo si Pablo sa mga Hentil
17 “Nagbalik ako rito sa Jerusalem, at habang ako'y nananalangin sa Templo, nagkaroon ako ng isang pangitain. 18 Nakita ko ang Panginoon na nagsasalita sa akin, ‘Madali ka! Lisanin mo agad ang Jerusalem sapagkat hindi tatanggapin ng mga tao rito ang iyong patotoo tungkol sa akin.’ 19 Sabi ko naman, ‘Panginoon, alam na alam nilang isa-isa kong pinuntahan ang mga sinagoga upang ipabilanggo at ipahagupit ang mga nananalig sa iyo. 20 At(D) nang patayin si Esteban na iyong saksi, ako ay naroon at sumang-ayon pa sa ginawa nila. Ako pa nga ang nagbantay sa mga balabal ng mga pumatay sa kanya.’ 21 Ngunit sinabi sa akin ng Panginoon, ‘Humayo ka, sapagkat isusugo kita sa malayo, sa mga Hentil.’”
22 Hanggang sa mga sandaling iyon, ang mga tao'y nakikinig kay Pablo. Ngunit pagkarinig sa huli niyang sinabi, sila'y nagsigawan, “Patayin ang taong iyan! Hindi siya dapat mabuhay!”
23 Patuloy sila sa pagsigaw, sa pagsaboy ng alikabok sa hangin at sa paghahagis ng kanilang mga balabal. 24 Kaya't iniutos ng pinuno ng mga sundalo na dalhin si Pablo sa himpilan at hagupitin upang malaman kung bakit ganoon na lamang ang sigawan ng mga Judio laban sa kanya. 25 Ngunit nang siya'y magapos na nila ng panaling balat, sinabi ni Pablo sa kapitang naroon, “Ipinapahintulot ba ng batas na hagupitin ang isang mamamayang Romano kahit wala pang hatol ang hukuman?”
26 Nang marinig ito ng kapitan, pumunta siya sa pinuno at sinabi, “Ano ang gagawin mong iyan? Mamamayang Romano ang taong iyon!”
27 Kaya't lumapit kay Pablo ang pinuno ng mga sundalo at siya'y tinanong, “Ikaw nga ba'y Romano?”
“Opo,” sagot niya.
28 Sinabi ng pinuno, “Malaki ang ibinayad ko para maging mamamayang Romano.”
“Ngunit ako'y isinilang na mamamayang Romano,” sabi naman ni Pablo.
29 Kaagad lumayo ang mga magsisiyasat sa kanya. Natakot din ang pinuno ng mga sundalo sapagkat ipinagapos niya si Pablo, gayong ito pala ay isang Romano.
Si Pablo sa Harap ng Kataas-taasang Kapulungan ng mga Judio
30 Nais matiyak ng pinuno kung ano nga ang paratang ng mga Judio laban kay Pablo. Kaya't kinabukasan, pinakalagan niya si Pablo, ipinatawag sa isang pulong ang mga punong pari at ang buong Kataas-taasang Kapulungan ng mga Judio, at iniharap si Pablo sa kanila.
Si Jeremias ay Bumili ng Bukid sa Anatot
32 Nagpahayag(A) si Yahweh kay Jeremias noong ika-10 taon ng paghahari sa Juda ni Zedekias, at ika-18 taon naman ni Nebucadnezar ng Babilonia. 2 Nang panahong iyon, na sinasalakay ng hukbo ng hari ng Babilonia ang Jerusalem, si Propeta Jeremias nama'y mahigpit na binabantayan sa bilangguan ng palasyo. 3 Ipinabilanggo siya ni Haring Zedekias dahil sa kanyang patuloy na pagpapahayag at pagsasabing, “Ito ang ipinapasabi ni Yahweh: Ipapasakop ko ang lunsod na ito sa hari ng Babilonia. 4 Si Haring Zedekias ay hindi makakaligtas sa mga taga-Babilonia, at ihaharap siya sa hari nito. Makakausap niya ito at makikita nang harap-harapan. 5 Dadalhin siyang bihag sa Babilonia at mananatili roon hanggang sa muli ko siyang maalala. Kahit anong pakikipaglaban ang gawin ninyo, hindi kayo magtatagumpay laban sa kanila.”
6 Sinabi pa ni Jeremias, “Ito ang pahayag sa akin ni Yahweh: 7 Si Hanamel na anak ng iyong amaing si Sallum ay lalapit sa iyo upang ipagbili ang kanyang bukirin sa Anatot sapagkat ikaw ang malapit niyang kamag-anak at may karapatang bumili niyon.” 8 Gaya nga ng sinabi ni Yahweh, si Hanamel ay pumunta sa akin at sinabi: “Bilhin mo na ang bukid ko sa Anatot, sa lupain ng Benjamin. Ikaw ang may karapatang bumili niyon bilang pinakamalapit kong kamag-anak.” Naalala ko ang sinabi ni Yahweh, 9 kaya binili ko ang bukid ng pinsan kong si Hanamel, sa halagang labimpitong pirasong pilak. 10 Nilagdaan ko ang kasulatan ng pagkabili at tinatakan; tumawag siya ng mga saksi, at tinimbang sa harapan nila ang salaping kabayaran. 11 Pagkatapos, kinuha ko ang kasulatan ng pagkabili, na tinatakan, at isang kopyang nakabukas, 12 at aking ibinigay kay Baruc na anak ni Nerias at apo ni Maaseias. Ito'y nasaksihan ni Hanamel, ng mga saksing lumagda sa kasulatan ng pagkabili, at ng mga Judiong nasa himpilan ng mga bantay. 13 Sa harapan nilang lahat, tinagubilinan ni Jeremias si Baruc ng ganito: 14 “Ito ang utos ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel: Kunin mo ang mga kasulatang ito—ang tinatakan at ang nakabukas—at ilagay mo sa isang tapayan para hindi masira agad. 15 Sapagkat ganito ang sabi ni Yahweh: Darating ang panahon na muling bibilhin ang mga bahay, bukirin, at ubasan sa lupaing ito.”
Ang Panalangin ni Jeremias
16 Nang maibigay na kay Baruc ang kasulatan ng pagkakabili, 17 si Jeremias ay nanalangin: “Panginoong Yahweh, nilikha mo ang langit at ang lupa sa pamamagitan ng iyong kapangyarihan. Walang bagay na mahirap para sa iyo. 18 Nagpamalas ka ng kagandahang-loob sa libu-libo ngunit pinaparusahan mo ang mga anak dahil sa kasalanan ng mga magulang. O dakila at makapangyarihang Diyos na ang pangala'y Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, 19 dakila ang iyong mga panukala at kahanga-hanga ang iyong mga gawa. Nakikita mo ang ginagawa ng lahat ng tao, at ginagantihan ang bawat isa ayon sa kanyang pamumuhay at gawa. 20 Gumawa ka ng mga tanda at kababalaghan sa Egipto, at hanggang ngayo'y patuloy kang gumagawa ng mga kababalaghan sa Israel at sa ibang mga bansa, kaya kilala na ngayon ang iyong pangalan sa lahat ng dako. 21 Inilabas mo sa Egipto ang iyong bayang Israel, kasabay ng mga tanda at kababalaghan; ikaw ang umakay sa kanila, sa pamamagitan ng iyong lakas at taglay na kapangyarihan. 22 Ibinigay mo sa kanila ang lupaing ito na mayaman at sagana sa lahat ng bagay, gaya ng ipinangako mo sa kanilang mga ninuno; 23 pinasok nila ito at sinakop. Ngunit hindi nila sinunod ang iyong utos o namuhay man ayon sa iyong kautusan. Hindi nila tinupad ang alinman sa mga utos, kaya nga ipinadala mo sa kanila ang lahat ng kapahamakang gaya nito. 24 Sasalakay na ang mga taga-Babilonia; marami ang masasawi sa labanan, sa gutom, at sa salot. Ang lunsod ay mahuhulog sa kamay ng kaaway. Matutupad na ang lahat ng iyong sinabi. 25 Ngunit ikaw ang nag-utos sa akin, Panginoong Yahweh, na bilhin ko sa harapan ng mga saksi ang bukirin, bagaman ang lunsod na ito ay naibigay na sa mga taga-Babilonia.”
26 At sinabi ni Yahweh kay Jeremias, 27 “Ako si Yahweh, ang Diyos ng lahat ng tao; walang bagay na mahirap para sa akin. 28 Kaya(B) nga, tandaan mo ang sinasabi ko: Ibibigay ko sa mga sundalo ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia ang lunsod na ito. 29 Ito'y papasukin ng hukbo niya at susunugin; kasamang matutupok ang mga bahay ng mga taong kinapopootan ko. Sapagkat ang mga bubungan nila'y ginamit na sunugan ng insenso para kay Baal, at dito rin ibinubuhos ang mga alak na handog sa ibang diyos.
30 “Buhat pa sa pasimula, wala nang ginawa ang Israel at ang Juda kundi puro kasamaan, kaya nagagalit ako sa kanilang ginagawa,” ang sabi ni Yahweh. 31 “Mula nang itayo ang lunsod na ito, lagi na lamang nila akong ginagalit, kaya wawasakin ko na ito. 32 Suklam na suklam na ako sa likong gawain ng mga taga-Israel at Juda, ng kanilang mga hari, mga pinuno, mga pari, mga propeta, at lahat ng naninirahan dito. 33 Ako'y tinalikuran nila; bagama't patuloy ko silang tinuruan, ayaw nilang makinig o tumanggap man ng payo. 34 Inilagay(C) pa nila ang kanilang mga kasuklam-suklam na diyus-diyosan sa aking Templo, at sa gayo'y dinumihan ito. 35 Gumawa(D) pa sila ng mga altar para kay Baal sa Libis ng Ben Hinom, at doon sinusunog bilang handog kay Molec ang kanilang mga anak. Hindi ko ito iniutos o inisip man lamang na ipagawa sa kanila upang magkasala ang Juda.”
Ang Pangako ni Yahweh
36 Kaya nga, sinabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel, kay Jeremias, “Ipahayag mo na ang lunsod na ito'y ibibigay sa kamay ng hari ng Babilonia, sa pamamagitan ng digmaan, gutom at salot. 37 Ngunit ngayon, titipunin ko sila mula sa lahat ng lupaing pinagtapunan ko sa kanila nang ako'y magalit. Ibabalik ko sila sa lupaing ito, at ligtas na maninirahan dito. 38 At sila'y magiging aking bayan at ako ang magiging kanilang Diyos. 39 Magkakaisa sila ng puso at layunin sa pagsunod sa akin para sa kanilang kabutihan at ng kanilang mga anak. 40 Makikipagtipan ako sa kanila ng isang walang hanggang tipan; pagpapalain ko sila habang panahon at tuturuang sumunod sa akin nang buong puso upang hindi na sila tumalikod pa sa akin. 41 Ikagagalak ko ang gawan sila ng kabutihan. Ipinapangako kong patatatagin ko sila sa lupaing ito, at gagawin ko ito nang buong puso't kaluluwa.”
42 Sabi ni Yahweh, “Kung paanong pinadalhan ko ng kapahamakan ang bayang ito; gayon ko ipagkakaloob ang kasaganaang aking ipinangako. 43 Muling magbebentahan ng mga bukirin sa lupaing ito na ngayo'y wala nang naninirahan kahit tao o hayop, at nasa kamay ng mga taga-Babilonia. 44 At sa pagbibilihang muli ng mga bukirin, lalagdaan at tatatakan ang mga kasulatan ng pagkabili, sa harapan ng mga saksi. Ito'y magaganap sa Benjamin, sa paligid ng Jerusalem, sa mga lunsod ng Juda, sa kaburulan, sa Sefela, at sa mga lunsod sa timog ng Juda; sapagkat ibabalik ko ang kanilang kayamanan.”
UNANG AKLAT
Ang Tunay na Kagalakan
1 Mapalad ang taong hindi nakikinig sa payo ng masama,
at hindi sumusunod sa masama nilang halimbawa.
Hindi siya nakikisama sa mga kumukutya
at hindi nakikisangkot sa gawaing masama.
2 Sa halip, kasiyahan niyang sumunod sa kautusan ni Yahweh.
Binubulay-bulay niya ito sa araw at gabi.
3 Katulad(A) niya'y punongkahoy sa tabi ng isang batisan,
laging sariwa ang dahon at namumunga sa takdang panahon.
Ano man ang kanyang gawin, siya'y nagtatagumpay.
4 Hindi gayon ang sinumang gumagawa ng masama,
ito ay tulad ng ipa, hangin ang siyang nagtatangay.
5 Sa araw ng paghuhukom, parusa niya'y nakalaan
siya'y ihihiwalay sa grupo ng mga banal.
6 Sa taong matuwid, si Yahweh ang pumapatnubay,
ngunit ang taong masama, kapahamakan ang hantungan.
Ang Haring Pinili ni Yahweh
2 Bakit(B) nagbabalak maghimagsik ang mga bansa?
Sa sabwatan nilang ito'y anong kanilang mapapala?
2 Mga hari ng lupa'y nagkasundo at sama-samang lumalaban,
hinahamon si Yahweh at ang kanyang hinirang:
3 Sinasabi nila: “Ang paghahari nila sa atin ay dapat nang matapos;
dapat na tayong lumaya at kumawala sa gapos.”
4 Si Yahweh na nakaupo sa langit ay natatawa lamang,
lahat ng plano nila ay wala namang katuturan.
5 Sa tindi ng kanyang galit, sila'y kanyang binalaan;
sa tindi ng poot, sila'y kanyang sinabihan,
6 “Doon sa Zion, sa bundok na banal,
ang haring pinili ko'y aking itinalaga.”
7 “Ipahahayag(C) ko ang sinabi sa akin ni Yahweh,
‘Ikaw ang aking anak,
mula ngayo'y ako na ang iyong ama.
8 Hingin mo ang mga bansa't ibibigay ko sa iyo,
maging ang buong daigdig ay ipapamana ko.
9 Dudurugin(D) mo sila ng tungkod na bakal;
tulad ng palayok, sila'y magkakabasag-basag.’”
10 Kaya't magpakatalino kayo, mga hari ng mundo,
ang babalang ito'y unawain ninyo:
11 Paglingkuran ninyo si Yahweh nang may takot at paggalang,
sa paanan ng kanyang anak
12 yumukod kayo't magparangal,
baka magalit siya't bigla kayong parusahan.
Mapalad ang taong ang Diyos ang kanlungan.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.