M’Cheyne Bible Reading Plan
Tinalo ni Saul ang mga Ammonita
11 Ang Jabes-gilead ay kinubkob ni Nahas na hari ng mga Ammonita. Nang mapaligiran niya ang lunsod, nagpadala ng sugo sa kanya ang mga tagaroon. Sinabi ng mga sugo, “Kung magkakasundo tayo, pasasakop kami sa inyo.”
2 Sumagot si Nahas, “Makikipagkasundo ako sa inyo kung ipadudukit ninyo sa akin ang kanang mata ng bawat isa sa inyo. Sa gayon, mapapahiya ang buong Israel.”
3 Sinabi ng mga pinuno ng Jabes, “Bigyan po ninyo kami ng pitong araw para maibalita sa buong Israel ang aming kalagayan. Kung wala pong tutulong sa amin, susuko na kami sa inyo.”
4 Umabot sa Gibea ang mga sugo. Nang marinig ang balita, nag-iyakan nang malakas ang buong bayan. 5 Si Saul ay papauwi noon mula sa bukid, kasama ang kanyang mga baka. Nang makita niyang nag-iiyakan ang mga tao, nagtanong siya, “Ano bang nangyayari? Bakit nag-iiyakan ang mga tao?” At sinabi nila sa kanya ang balita ng mga taga-Jabes.
6 Pagkarinig nito, nilukuban siya ng Espiritu[a] ng Diyos at nagsiklab ang kanyang galit. 7 Kumuha siya ng dalawang baka at pinagpira-piraso ang mga iyon. Pagkatapos, ibinigay iyon sa mga sugo at iniutos na ipakita sa buong Israel lakip ang ganitong bilin: “Ganito ang gagawin sa mga baka ng sinumang hindi sasama kay Saul at kay Samuel sa pakikidigma.”
Ang mga Israelita'y nakadama ng matinding takot kay Yahweh kaya silang lahat ay nagkaisang sumama sa labanan. 8 Tinipon ni Saul sa Bezek ang mga tao; umabot sa 300,000 ang galing sa Israel at 30,000 naman ang galing sa Juda. 9 Sinabi nila sa mga sugo, “Ito ang sabihin ninyo sa mga taga-Jabes-gilead: ‘Bukas ng tanghali, darating ang magliligtas sa inyo.’” Nang marinig ito ng mga taga-Jabes, natuwa sila.
10 At sinabi nila sa mga Ammonita, “Bukas, susuko na kami sa inyo at gawin na ninyo sa amin ang gusto ninyo.”
11 Kinabukasan, hinati ni Saul sa tatlong pangkat ang kanyang mga mandirigma. Nang mag-uumaga na, pinasok nila ang kampo ng mga Ammonita at pinagpapatay nila ang mga ito bago tumanghali. Ang mga natirang buháy ay nagkanya-kanya ng pagtakas.
12 Pagkatapos nito, itinanong ng mga tao kay Samuel, “Nasaan ang mga nagsasabing hindi si Saul ang dapat maghari sa amin? Dalhin ninyo sila rito at papatayin namin!”
13 Ngunit sinabi ni Saul, “Huwag! Isa man sa ati'y walang mamamatay sapagkat sa araw na ito'y iniligtas ni Yahweh ang buong Israel.” 14 At sinabi ni Samuel sa mga tao, “Magpunta tayo sa Gilgal at doo'y muli nating ipahayag na hari natin si Saul.” 15 Lahat ay sama-samang nagpunta sa Gilgal at kinilala si Saul bilang hari. Pagkatapos, naghandog sila kay Yahweh ng mga haing pangkapayapaan, at nagdiwang silang lahat.
Ang Pagkapili ng Diyos sa Israel
9 Sa ngalan ni Cristo, ako'y nagsasabi ng totoo. Hindi ako nagsisinungaling. Ang aking budhi ay nagpapatunay na totoo ang sinasabi ko at saksi ko ang Espiritu Santo. 2 Matindi ang aking kalungkutan at di mapawi ang pagdaramdam ng aking puso, 3 dahil sa mga kalahi kong Judio. Mas mamatamisin ko pang ako'y sumpain at mapahiwalay kay Cristo, kung ito'y sa ikabubuti nila. 4 Sila'y(A) mga Israelita na binigyan ng Diyos ng karapatang maging mga anak niya. Ipinakita rin niya sa kanila ang kanyang kaluwalhatian. Sa kanila nakipagtipan ang Diyos. Sa kanila rin ibinigay ang Kautusan, ang panuntunan sa pagsamba, at ang kanyang mga pangako. 5 Sa kanila rin nagmula ang mga patriyarka, at tungkol sa kanyang pagiging tao, si Cristo ay nagmula sa kanilang lahi. Ang Kataas-taasang Diyos ay purihin magpakailanman![a] Amen.
6 Hindi ito nangangahulugang nawalan na ng kabuluhan ang salita ng Diyos, sapagkat hindi lahat ng mga Israelita ay kabilang sa bayang pinili niya. 7 At(B) hindi rin naman ibinibilang na anak ni Abraham ang lahat ng nagmula sa kanya. Ganito ang sinabi ng Diyos, “Magmumula kay Isaac ang ibibilang na lahi mo.” 8 Kaya nga, hindi lahat ng anak ni Abraham ay ibinibilang na anak ng Diyos, kundi iyon lamang mga ayon sa pangako ng Diyos. 9 Sapagkat(C) ganito ang pangako, “Babalik ako sa isang taon, sa ganito ring panahon, at magkakaanak ng isang lalaki si Sara.”
10 At hindi lamang iyon. Kahit na iisa lamang ang ama ng dalawang anak ni Rebecca, na walang iba kundi ang ating ninunong si Isaac, 11-12 ipinakilala(D) ng Diyos na ang kanyang pagpili ay ayon sa sarili niyang layunin at hindi batay sa gawa ng tao. Kaya't bago pa ipanganak ang mga bata, at bago pa sila makagawa ng anumang mabuti o masama, sinabi na ng Diyos kay Rebecca, “Maglilingkod ang mas matanda sa nakababata.” 13 Ayon(E) sa nasusulat, “Minahal ko si Jacob, at kinapootan ko si Esau.”
14 Masasabi ba nating hindi makatarungan ang Diyos dahil dito? Hinding-hindi! 15 Sapagkat(F) ganito ang sabi niya kay Moises, “Mahahabag ako sa nais kong kahabagan at maaawa ako sa nais kong kaawaan.” 16 Maliwanag kung gayon, na ang pasya ng Diyos ay nababatay sa kanyang habag, at hindi sa kagustuhan o pagsisikap ng tao. 17 Sapagkat(G) ayon sa kasulatan ay sinabi niya sa hari ng Egipto, “Ginawa kitang hari upang sa pamamagitan mo'y maipakita ko ang aking kapangyarihan, at maipahayag ang aking pangalan sa buong daigdig.” 18 Kaya nga't kinahahabagan ng Diyos ang sinumang nais niyang kahabagan, at pinagmamatigas ang nais niyang maging matigas ang ulo.
Ang Poot at Habag ng Diyos
19 Sasabihin mo naman sa akin, “Kung gayon, bakit pa sinisisi ng Diyos ang tao? Sino ba ang makakasalungat sa kanyang kalooban?” 20 Tao(H) ka lamang, sino kang mangangahas na sumagot nang ganoon sa Diyos? Masasabi kaya ng isang hinuhubog sa kanyang manghuhubog, “Bakit ninyo ako ginawang ganito?” 21 Wala(I) bang karapatan ang gumagawa ng palayok na bumuo ng mamahalin o mumurahing sisidlan mula sa iisang tumpok ng putik?
22 Kaya,(J) kahit nais nang ipakita noon ng Diyos ang kanyang poot at ipakilala ang kanyang kapangyarihan, buong tiyaga pa rin niyang pinagtiisan ang mga taong dapat sana'y parusahan at lipulin. 23 Ginawa niya iyon upang ipakilala ang kanyang walang kapantay na kadakilaan sa mga taong kanyang kinahabagan, na noong una pa'y inihanda na niya para sa kaluwalhatian. 24 Tayo ang mga taong iyon na tinawag niya hindi lamang mula sa mga Judio subalit mula rin sa mga Hentil. 25 Ganito(K) ang sinasabi niya sa aklat ni Oseas,
“Ang dating hindi ko bayan
ay tatawaging ‘Bayan ko,’
at ang dating hindi ko mahal
ay tatawaging ‘Mahal ko.’
26 At(L) sa lugar kung saan sinabing ‘Kayo'y hindi ko bayan,’
sila'y tatawaging mga anak ng Diyos na buháy.”
27 Ito(M) naman ang ipinahayag ni Isaias tungkol sa Israel, “Kahit na maging kasindami ng buhangin sa dagat ang bilang ng mga anak ni Israel, kaunti lamang ang matitira sa kanila na maliligtas. 28 Sapagkat mahigpit at mabilis na hahatulan ng Panginoon ang daigdig.” 29 Si(N) Isaias din ang nagsabi, “Kung ang Makapangyarihang Panginoon ay hindi nagtira ng ilan sa ating lahi, tayo sana'y naging katulad ng Sodoma at Gomorra.”
Ang Israel at ang Magandang Balita
30 Ano ngayon ang masasabi natin? Ang mga Hentil na hindi nagsikap na maging matuwid sa harapan ng Diyos ay itinuring na matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya. 31 Ngunit ang Israel naman, na nagsikap na maging matuwid sa harapan ng Diyos sa pamamagitan ng Kautusan, ay nabigo. 32 Bakit? Dahil sinikap nilang kalugdan sila ng Diyos sa pamamagitan ng mga gawa, at hindi sa pamamagitan ng pananampalataya. Natisod sila sa batong katitisuran, 33 tulad(O) ng nasusulat,
“Tingnan ninyo, naglalagay ako sa Zion ng batong katitisuran,
isang malaking bato na sa kanila'y magpapabuwal.
Ngunit ang sumasampalataya sa batong ito ay hindi mapapahiya.”
Ang Pagwasak sa Moab
48 Tungkol(A) sa Moab, ganito ang sinasabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel:
“Kahabag-habag ang Nebo, sapagkat ito'y ganap na mawawasak.
Nalupig ang Kiryataim, nawasak ang kanyang pader,
at nalagay sa kahihiyan ang mga mamamayan.
2 Wala na ang katanyagan ng Moab;
ang Hesbon ay nasakop na ng kaaway.
Sinabi pa nila,
‘Halikayo, wasakin natin ang Moab hanggang hindi na ito matawag na isang bansa!’
At kayong nakatira sa Dibon, kayo'y patatahimikin;
hahabulin ng tabak ang inyong mamamayan.
3 Dinggin ninyo ang pagtangis sa Horonaim;
dahil sa karahasan at pagkawasak.
4 “Wasak na ang Moab.
Iyakan ng mga bata ang siyang maririnig.
5 Sa pag-akyat sa Luhit,
mapait na tumatangis ang mga mamamayan;
pagbaba sa Horonaim,
naririnig ang paghiyaw ng ‘Kapahamakan!’
6 Tumakas kayo, iligtas ninyo ang inyong buhay,
gaya ng mailap na asno sa disyerto.
7 “Mga taga-Moab, dahil nagtiwala kayo sa inyong lakas at kayamanan,
kayo'y malulupig din;
at dadalhing-bihag ang diyus-diyosan ninyong si Quemos,
pati ang kanyang mga pari at mga lingkod.
8 Papasukin ng tagawasak ang bawat lunsod;
at walang makakatakas.
Mawawasak ang kapatagan at ang libis ay guguho.
9 Lagyan ninyo ng puntod ang Moab,
sapagkat tiyak ang kanyang pagbagsak;
mawawasak ang kanyang mga lunsod,
at wala nang maninirahan doon.”
10 Sumpain siya na pabaya sa pagtupad sa gawain ni Yahweh!
Sumpain siya na ayaw gumamit ng kanyang tabak sa pagpatay.
Nawasak ang mga Lunsod ng Moab
11 “Namuhay na panatag ang Moab mula sa kanyang kabataan,” sabi ni Yahweh. “Siya'y gaya ng alak na hindi nagagalaw ang latak. Hindi siya isinasalin sa ibang sisidlan; hindi pa siya nadadalang-bihag. Kaya hindi pa nagbabago ang kanyang lasa, at ang kanyang amoy ay hindi pa nawawala.
12 “Kaya, tiyak na darating ang panahon na magsusugo ako ng mga lalaking magtutumba sa mga sisidlan; itatapon nila ang laman nito, at saka babasagin hanggang sa madurog. 13 At ikakahiya ng mga taga-Moab si Quemos, na kanilang diyus-diyosan, katulad ng Bethel, ang diyus-diyosang ikinahiya ng Israel matapos niyang pagtiwalaan.
14 “Kayong mga lalaki sa Moab, paano ninyo masasabing kayo'y mga bayani,
at mga matatapang na mandirigma?
15 Dumating na ang wawasak sa Moab at sa kanyang mga lunsod,
at ang magigiting niyang kabataan ay masasawi.”
Ito ang pahayag ng Hari na ang pangalan ay Yahweh na Makapangyarihan sa lahat:
16 “Nalalapit na ang pagbagsak ng Moab,
mabilis na dumarating ang kanyang pagkawasak.
17 Magdalamhati kayo dahil sa kanya, mga karatig-bayan,
at kayong lahat na nakakakilala sa kanya;
sabihin ninyo, ‘Nabali ang matibay na setro,
ang setro ng karangalan at kapangyarihan.’
18 Kayong mga taga-Dibon, bumabâ kayo mula sa inyong kataasan
at maupo kayo sa tigang na lupa,
sapagkat dumating na ang wawasak sa Moab
at iniwang wasak ang inyong mga tanggulan.
19 Kayong naninirahan sa Aroer,
tumayo kayo sa tabing-daan at magmasid,
tanungin ninyo ang mga lalaking tumatakbo, ang babaing tumatakas,
‘Ano ang nangyari?’
20 Ang Moab ay napahiya at nanlupaypay;
humiyaw kayo at tumangis,
ipahayag ninyo hanggang sa Ilog Arnon na winasak na ang Moab!
21 “At ang hatol ay dumating na sa mga lunsod sa mataas na kapatagan: sa Holon, sa Jaza, sa Mefaat, 22 sa Dibon, sa Nebo, sa Beth-diblataim, 23 sa Kiryataim, sa Bethgamul, sa Bethmeon, 24 sa Keriot, sa Bozra at sa lahat ng lunsod ng Moab, malayo man o malapit. 25 Bagsak na ang kapangyarihan ng Moab at siya'y mahina na ngayon, sabi ni Yahweh.”
Mapapahiya ang Moab
26 “Lasingin ninyo ang Moab,” sabi ni Yahweh, “sapagkat naghimagsik siya laban sa akin. Bayaan ninyong siya'y gumulong sa sariling suka, at maging tampulan ng katatawanan. 27 Hindi ba't pinagtawanan mo ang Israel? Itinuring mo sila na parang nahuling kasama ng mga magnanakaw at napapailing ka tuwing siya'y babanggitin mo.
28 “Iwan ninyo ang mga lunsod, at doon kayo manirahan sa kabatuhan, kayong taga-Moab! Tumulad kayo sa kalapating nagpupugad sa gilid ng bangin. 29 Nabalitaan na namin ang kapalaluan ng Moab. Napakayabang niya: mapangmata, palalo, hambog at mapagmataas. 30 Akong si Yahweh ay hindi mapaglilihiman ng kanyang kataasan; pawang kabulaanan ang kanyang sinasabi at ginagawa. 31 Kaya nga, tatangisan ko ang Moab; iiyakan ko ang lahat ng taga-Moab; magdadalamhati ako para sa mga taga-Kir-heres. 32 Tinangisan kita, O baging ng Sibma, nang higit sa pagtangis ko para sa Jazer. Ang mga sanga mo'y lumampas sa dagat, at umabot hanggang sa Jazer; dumaluhong ang maninira sa iyong mga bungangkahoy at ubasan nang panahon ng tag-araw. 33 Napawi na ang kagalakan at kasayahan sa mabungang lupain ng Moab. Pinahinto ko na ang pag-agos ng alak sa pisaan ng alak; wala nang pumipisa rito na may sigawan at katuwaan; ang sigawan ngayon ay hindi na dahil sa kagalakan.
34 “Sumisigaw ang Hesbon at Eleale at ito'y umaabot hanggang sa Jahaz; abot ang kanilang tinig mula sa Zoar hanggang Horonaim at Eglat-selisiya. Sapagkat matutuyo rin pati ang mga tubig sa Nimrim. 35 Papatigilin ko ang pag-aalay sa mga altar sa kaburulan, at ang pagsusunog ng handog sa kanilang mga diyos. Akong si Yahweh ang nagsabi nito.
36 “Kaya tumatangis ang aking puso dahil sa Moab, gaya ng tunog ng plauta; tumatangis din akong parang plauta dahil sa mga taga-Kir-heres. Wala na ang kayamanang pinagsumikapan nilang ipunin! 37 Inahit ng mga lalaki ang kanilang buhok; gayon din ang kanilang balbas; hiniwaan ang kanilang mga kamay, at nagdamit sila ng damit-panluksa, tanda ng pagdadalamhati. 38 Ang pagtangis ay maririnig mula sa mga bubungan ng bahay sa Moab, at sa malalapad na liwasan niya; sapagkat winasak ko ang Moab, tulad sa isang tapayang wala nang may gusto. 39 Wasak na wasak ang Moab. Sa laki ng kanyang kahihiyan, siya ay naging tampulan ng paghamak at panghihinayang ng lahat ng bansa.”
Hindi Makakatakas ang Moab
40 Ganito ang sabi ni Yahweh: “Darating ang isang bansang simbilis ng agila at lulukuban ng kanyang pakpak ang lupain ng Moab. 41 Sasakupin ang mga bayan, babagsak ang lahat ng pader; at sa araw na iyon, manghihina ang mga kawal ng Moab, gaya ng panghihina ng isang babaing malapit nang manganak. 42 Gayon mawawasak ang Moab, at hindi na siya kikilalaning isang bansa; sapagkat naghimagsik siya laban kay Yahweh. 43 Nakaamba na sa Moab ang kapahamakan, ang hukay, at ang bitag. 44 Pagtakbo ng isang tao palayo sa kapahamakan, mahuhulog siya sa hukay; kung siya'y umahon mula rito'y mahuhuli naman siya sa bitag. Lahat ng ito'y mangyayari sa Moab pagdating ng taon ng kanilang pagsusulit. Ito ang sinasabi ni Yahweh. 45 Magtatago sa Hesbon ang mga pagod na pagod na pugante; ito ang lunsod na dating pinamahalaan ni Haring Sihon. Subalit lumaganap ang apoy mula sa palasyo; nilamon ang bayan ng Moab at ang kabundukang pinagkukublihan ng mga taong mahilig sa pakikidigma. 46 Kahabag-habag ka, Moab! Wala na ang diyus-diyosan mong si Quemos, at dinalang-bihag ang iyong mga anak.
47 “Gayunman, pagdating ng araw, ibabalik ko sa dati ang kayamanan ng Moab. Ito ang hatol sa kanya,” ang sabi ni Yahweh.
Panalangin Upang Patnubayan at Ingatan
Katha ni David.
25 Sa iyo, Yahweh, dalangin ko'y ipinapaabot;
2 sa iyo, O Diyos, ako'y tiwalang lubos.
Huwag hayaang malagay ako sa kahihiyan,
at pagtawanan ako ng aking mga kaaway!
3 Mga may tiwala sa iyo'y huwag malagay sa kahihiyan,
at ang mga taksil sa iyo'y magdanas ng kasawian.
4 Ituro mo sa akin, Yahweh, ang iyong kalooban,
at ang iyong landas, sa akin ay ipaalam.
5 Turuan mo akong mamuhay ayon sa katotohanan,
sapagkat ikaw ang Diyos ng aking kaligtasan;
sa buong maghapo'y ikaw ang inaasahan.
6 Alalahanin mo, Yahweh, ang pag-ibig mong wagas,
na ipinakita mo na noong panahong lumipas.
7 Patawarin mo ako sa aking mga kasalanan, sa mga kamalian ko noong aking kabataan;
ayon sa pag-ibig mong walang katapusan,
ako sana, Yahweh, ay huwag kalimutan!
8 Si Yahweh ay mabuti at siya'y makatarungan,
itinuturo niya sa makasalanan ang tamang daan.
9 Sa mapagpakumbaba siya ang gumagabay,
sa kanyang kalooban kanyang inaakay.
10 Tapat ang pag-ibig, siya ang patnubay,
sa lahat ng mga taong sumusunod, sa utos at tipan siya'ng sumusubaybay.
11 Ang iyong pangako, Yahweh, sana'y tuparin,
ang marami kong sala'y iyong patawarin.
12 Ang taong kay Yahweh ay gumagalang,
matututo ng landas na dapat niyang lakaran.
13 Ang buhay nila'y palaging sasagana,
mga anak nila'y magmamana sa lupa.
14 Sa mga masunurin, si Yahweh'y isang kaibigan,
ipinapaunawa niya sa kanila, kanyang kasunduan.
15 Si Yahweh lang ang laging inaasahan,
na magliligtas sa akin sa kapahamakan.
16 Lingapin mo ako, at ako'y kahabagan,
pagkat nangungulila at nanlulupaypay.
17 Pagaanin mo ang aking mga pasanin,
mga gulo sa buhay ko'y iyong payapain.
18 Alalahanin mo ang hirap ko at suliranin,
at lahat ng sala ko ay iyong patawarin.
19 Tingnan mo't napakarami ng aking kaaway,
at labis nila akong kinamumuhian!
20 Ipagtanggol mo ako't iligtas ang aking buhay,
huwag tulutang ako'y malagay sa kahihiyan,
pagkat kaligtasan ko'y sa iyo nakasalalay.
21 Iligtas nawa ako ng kabutihan ko't katapatan,
sapagkat ikaw ang aking pinagtitiwalaan.
22 Hanguin mo, O Diyos, ang bayang Israel,
sa kanilang kaguluhan at mga suliranin!
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.