M’Cheyne Bible Reading Plan
7 Kinuha(A) ng mga taga-Lunsod ng Jearim ang Kaban ng Tipan ni Yahweh at dinala sa bahay ni Abinadab na nasa isang burol. At si Eleazar na anak ni Abinadab ang inatasan nilang tagapag-ingat ng Kaban.
Ang Pamamahala ni Samuel sa Israel
2 Pagkalipas ng dalawampung taon mula nang dalhin sa Lunsod ng Jearim ang Kaban, nalungkot ang buong Israel at humingi ng tulong kay Yahweh.
3 Sinabi sa kanila ni Samuel, “Kung talagang buong pusong nanunumbalik na kayo kay Yahweh, alisin ninyong lahat ang mga diyus-diyosan at ang imahen ni Astarte. Italaga ninyo kay Yahweh ang inyong sarili at siya lamang ang inyong paglingkuran. Kapag ginawa ninyo ito, ililigtas niya kayo sa kapangyarihan ng mga Filisteo.” 4 Kaya, itinapon ng mga Israelita ang kanilang mga imahen nina Baal at Astarte, at si Yahweh na lamang ang kanilang sinamba.
5 Sinabi pa ni Samuel, “Tipunin ninyo sa Mizpa ang buong Israel at doo'y ipapanalangin ko kayo kay Yahweh.”
6 Nang matipon sila sa Mizpa, kumuha sila ng tubig at ibinuhos sa harapan ni Yahweh bilang handog. Maghapon silang nag-ayuno at nanangis ng ganito: “Nagkasala kami kay Yahweh.” Doon sa Mizpa ay nanungkulan si Samuel bilang hukom sa sambayanang Israel.
7 Nabalitaan ng mga Filisteo ang pagkakatipon ng mga Israelita, kaya't humanda sila upang digmain ang Israel. Natakot ang mga Israelita nang mabalitaan nilang sasalakayin sila ng mga Filisteo. 8 Sinabi nila kay Samuel, “Huwag kang titigil sa pagtawag kay Yahweh upang iligtas kami sa mga Filisteo.” 9 Nagpatay(B) si Samuel ng isang pasusuhing tupa at sinunog niya ito nang buo bilang handog kay Yahweh. Nanalangin siya na tulungan ang Israel, at dininig naman ni Yahweh ang kanyang panalangin. 10 Samantalang naghahandog si Samuel, palapit naman nang palapit ang mga Filisteo. Ngunit ginulo sila ni Yahweh sa pamamagitan ng malalakas na kulog at nagapi sila ng mga Israelita. 11 Mula sa Mizpa, hinabol ng mga Israelita ang mga Filisteo hanggang sa Beth-car, at pinapatay nila ang bawat mahuling kalaban.
12 Pagkatapos, naglagay si Samuel ng isang malaking bato sa pagitan ng Mizpa at ng Sen bilang alaala. Tinawag niya itong Ebenezer na ang ibig sabihi'y, “Tinulungan kami ni Yahweh hanggang dito.” 13 Natalo nila ang mga Filisteo at hindi na nangahas pang magbalik ang mga ito sa lupaing sakop ng Israel. 14 Nabawi ng Israel ang mga lunsod at lahat nilang lupain na nasakop ng mga Filisteo, mula sa Ekron hanggang sa Gat. Nakipagkasundo rin sa mga Israelita ang mga Amoreo.
15 Habang buhay na nanungkulan si Samuel bilang hukom sa Israel. 16 Taun-taon, nagpapalipat-lipat siya sa Bethel, Gilgal at Mizpa upang lutasin ang mga usapin ng mga Israelita. 17 Pagkatapos, umuuwi siya sa Rama at doon ipinagpapatuloy ang kanyang pamamahala bilang hukom. At doo'y nagtayo siya ng altar para kay Yahweh.
Humingi ng Hari ang Israel
8 Nang matanda na si Samuel, ginawa niyang mga hukom ng Israel ang kanyang mga anak na lalaki. 2 Ang panganay niya ay si Joel at ang pangalawa'y si Abias. Sila'y nagsilbing hukom sa Beer-seba. 3 Ngunit hindi sila sumunod sa halimbawa ng kanilang ama. Naging gahaman sila sa salapi, tumanggap ng suhol, at hindi pinairal ang katarungan.
4 Dahil dito, ang pinuno ng Israel ay sama-samang nagsadya kay Samuel sa Rama at 5 kanilang(C) sinabi, “Matanda na po kayo. Ang mga anak naman ninyo'y hindi sumusunod sa inyong mga yapak. Kaya't ipili ninyo kami ng isang haring mamumuno sa amin tulad ng ibang mga bansa.”
6 Nalungkot si Samuel dahil sa kahilingan ng mga tao, kaya't nanalangin siya kay Yahweh. 7 Sinabi naman sa kanya ni Yahweh, “Sundin mong lahat ang sinasabi nila sapagkat hindi ikaw kundi ako ang itinatakwil nila bilang hari nila. 8 Ang ginagawa nila sa iyo ngayon ay ginagawa na nila sa akin mula pa nang ilabas ko sila sa Egipto. Noon pa'y tumalikod na sila sa akin, at naglingkod sa mga diyus-diyosan. 9 Sundin mo sila, ngunit bigyan mo sila ng babala at ipaliwanag mo sa kanila kung ano ang gagawin ng hari na nais nilang mamahala sa kanila.”
10 Lahat ng sinabi ni Yahweh kay Samuel ay sinabi nito sa mga Israelita. 11 Ito ang sabi niya, “Ganito ang gagawin sa inyo ng magiging hari ninyo: Kukunin niya ang mga anak ninyong lalaki upang gawing kanyang mga kawal; ang iba'y sasakay sa kanyang karwaheng pandigma, ang iba nama'y sa hukbong kabayuhan at ang iba nama'y maglalakad sa unahan ng mga karwahe. 12 Ang iba'y gagawin niyang opisyal para sa libu-libo at sa lima-limampu. Ang iba'y pagtatrabahuhin niya sa kanyang bukirin at sa pagawaan ng mga sandata at sasakyang pandigma. 13 Ang inyong mga anak na babae naman ay gagawin niyang manggagawa ng pabango, mga tagapagluto at tagagawa ng tinapay. 14 Kukunin din niya ang pinakamagaganda ninyong bukirin, ubasan, taniman ng olibo at ibibigay sa kanyang mga opisyal. 15 Kukunin din niya ang ikasampung bahagi ng inyong ani sa bukid at ubasan para ibigay sa kanyang mga pinuno at mga opisyal sa palasyo. 16 Kukunin niya pati ang inyong mga alila, babae't lalaki, ang pinakamagaganda ninyong baka, kabayo at asno upang magtrabaho para sa kanya. 17 Kukunin din ang ikasampung bahagi ng inyong kawan at kayo'y gagawin niyang alipin. 18 Pagdating ng araw na iyon, irereklamo ninyo kay Yahweh ang inyong hari na kayo mismo ang pumili ngunit hindi kayo papakinggan ni Yahweh.”
19 Hindi pinansin ng mga Israelita ang mga sinabi ni Samuel. Sa halip, sinabi nila, “Basta, gusto naming magkaroon ng hari 20 upang kami'y maging katulad ng ibang bansa, at upang ang aming hari ang siyang mamamahala at mangunguna sa amin sa digmaan laban sa aming mga kaaway.” 21 Nang mapakinggan ni Samuel ang kahilingan ng mga tao, sinabi niya ang mga ito kay Yahweh.
22 Sinabi naman sa kanya ni Yahweh, “Pagbigyan mo na ang gusto nila. Bigyan mo sila ng hari.”
Pagkatapos nito'y pinauwi na ni Samuel ang mga Israelita sa kani-kanilang bayan.
Patay sa Kasalanan Ngunit Buháy kay Cristo
6 Ano ngayon ang sasabihin natin? Patuloy ba tayong magkakasala upang sumagana sa atin ang kagandahang-loob ng Diyos? 2 Hinding-hindi! Tayo'y patay na sa kasalanan, paano pa tayo mamumuhay sa pagkakasala? 3 Hindi ba ninyo alam na tayong lahat na nabautismuhan kay Cristo Jesus ay nabautismuhan sa kanyang kamatayan? 4 Samakatuwid,(A) tayo'y namatay na at nalibing na kasama niya sa pamamagitan ng bautismo upang kung paanong binuhay muli si Cristo sa pamamagitan ng dakilang kapangyarihan ng Ama, tayo rin ay magkaroon ng panibagong buhay.
5 Sapagkat kung nakasama tayo ni Cristo sa isang kamatayang katulad ng kanyang kamatayan, tiyak na tayo ay makakasama rin niya sa muling pagkabuhay na katulad ng kanyang muling pagkabuhay. 6 Alam natin na ang dati nating pagkatao ay naipako na sa krus kasama niya, upang mamatay ang ating makasalanang pagkatao at nang hindi na tayo maalipin pa ng kasalanan. 7 Sapagkat ang namatay na ay pinalaya mula sa kapangyarihan ng kasalanan. 8 Kung tayo'y namatay nang kasama ni Cristo, naniniwala tayong mabubuhay rin tayong kasama niya. 9 Alam nating si Cristo na muling binuhay ay hindi na muling mamamatay. Wala nang kapangyarihan sa kanya ang kamatayan. 10 Nang siya'y mamatay, namatay siya nang minsanan para sa lahat ng panahon dahil sa kasalanan; at ang buhay niya ngayon ay para sa Diyos. 11 Kaya dapat din ninyong ituring ang inyong sarili bilang patay na sa kasalanan ngunit buháy para sa Diyos, sapagkat kayo'y nakipag-isa na kay Cristo Jesus.
12 Huwag na ninyong paghariin ang kasalanan sa inyong mga katawang may kamatayan upang hindi na ninyo sundin ang masasamang hilig nito. 13 Huwag na ninyong ipailalim sa kapangyarihan ng kasalanan ang alinmang bahagi ng inyong katawan bilang kasangkapan sa paggawa ng kasamaan. Sa halip, pasakop kayo sa Diyos bilang mga taong namatay na at muling binuhay, at ihandog ninyo sa kanya ang inyong katawan bilang kasangkapan sa kabutihan. 14 Sapagkat hindi na dapat maghari sa inyo ang kasalanan, dahil kayo'y wala na sa ilalim ng kautusan kundi nasa ilalim ng kagandahang-loob ng Diyos.
Mga Alipin ng Katuwiran
15 Ngayon, malaya na ba tayong magkasala dahil wala na tayo sa ilalim ng kautusan kundi nasa ilalim ng kagandahang-loob ng Diyos?
Hinding-hindi! 16 Hindi ba ninyo alam na kapag nagpasakop kayo sa sinumang inyong sinusunod, kayo'y nagiging alipin nito, maging ito'y kasalanang hahantong sa kamatayan, o ang pagsunod sa Diyos na hahantong sa pagiging matuwid? 17 Ngunit salamat sa Diyos, kayong dating mga alipin ng kasalanan ay taos pusong sumunod sa katotohanan na nasa aral na ibinigay sa inyo. 18 Pinalaya na kayo sa kasalanan at kayo ngayon ay mga alipin na ng katuwiran. 19 Gumagamit ako ng karaniwang pangungusap dahil sa inyong likas na kahinaan. Kung paanong ipinailalim ninyo noong una ang inyong sarili sa karumihan at sa kasamaang palala nang palala, isuko ninyo ngayon ang inyong sarili bilang alipin ng katuwiran para sa mga banal na layunin.
20 Noong alipin pa kayo ng kasalanan, hindi kayo saklaw ng katuwiran. 21 Ano ang napala ninyo sa mga bagay na iyon na ikinahihiya ninyo ngayon? Kamatayan ang ibinubunga ng mga iyon. 22 Ngunit ngayong pinalaya na kayo mula sa kasalanan at naging alipin na ng Diyos, ang natamo ninyo'y isang buhay na banal at ang ibinubunga nito'y buhay na walang hanggan. 23 Sapagkat kamatayan ang kabayaran ng kasalanan, ngunit ang walang bayad na kaloob ng Diyos ay buhay na walang hanggan sa pamamagitan ni Cristo Jesus na ating Panginoon.
Ang Pahayag ni Yahweh sa mga Judio sa Egipto
44 Si Jeremias ay kinausap ni Yahweh tungkol sa mga Judiong naninirahan sa Egipto, sa Migdol, sa Tafnes, sa Memfis, at sa lupain ng Patros. 2 Ito ang kanyang sinabi: “Nakita ninyo ang kapahamakang nangyari sa Jerusalem at sa mga lunsod ng Juda. Ngayon ay wasak na ang mga ito, at wala nang naninirahan doon. 3 Ginawa ko ito dahil sa kasamaan nila. Nagsunog sila ng insenso at naglingkod sa mga diyos na hindi nila nakikilala, maging kayo o ng inyong mga ninuno. 4 Gayunman, patuloy kong sinugo sa inyo ang aking mga lingkod na propeta. Sinabi nila sa inyo, ‘Huwag ninyong gawin ang kasuklam-suklam na bagay na iyan.’ 5 Subalit hindi sila nakinig; hindi nila pinagsisihan at tinalikuran ang kanilang kasamaan at patuloy rin silang nagsunog ng handog sa mga diyus-diyosan. 6 Napoot ako sa kanila kaya winasak ko ang kanilang mga lunsod hanggang ngayon.”
7 Ngayon nga'y sinasabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel: “Bakit ninyo ginawa ang kasamaang ito? Nais ba ninyong mamatay ang mga lalaki't babae, mga bata at sanggol? Nais ba ninyong lubusang maubos ang mga taga-Juda? 8 Bakit ninyo ako ginagalit sa pamamagitan ng inyong pagsamba at pagsusunog ng handog sa mga diyus-diyosan sa Egipto na inyong tinatahanan? Winawasak ninyo ang inyong sarili at kayo'y magiging tampulan ng paghamak at pagsumpa ng lahat ng bansa. 9 Nakalimutan na ba ninyo ang kasamaang ginawa ng inyong mga ninuno, ng mga hari at ng kanilang mga asawa, ang mga ginawa ninyo at ng inyong mga asawa, sa lupain ng Juda at sa mga lansangan ng Jerusalem? 10 Hanggang ngayo'y hindi kayo nagpapakumbaba o natatakot man, hindi sumusunod sa aking utos at mga tuntuning ibinigay sa inyo at sa inyong mga magulang.
11 “Kaya akong si Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel, ang nagsasabi: Nakapagpasya na akong kayo'y padalhan ng kapahamakan upang wakasan na ang buong Juda. 12 Paparusahan ko rin ang mga nalabi sa Juda na nagpumilit na manirahan sa Egipto; doon nila sasapitin ang kanilang wakas. Ang iba'y mamamatay sa digmaan; sa gutom naman ang iba. Dakila't hamak ay sama-samang mamamatay sa labanan, sa gutom o sa salot. At pagtatawanan, pandidirihan, hahamakin at susumpain. 13 Paparusahan ko ang mga nakatira sa Egipto, tulad ng ginawa kong parusa sa mga taga-Jerusalem; ito'y sa pamamagitan ng digmaan, taggutom, at salot. 14 Ang mga nalabi sa Juda ay nagpunta upang manirahan sa Egipto, at nagtitiwala silang makakabalik upang muling manirahan sa Juda. Ngunit hindi na sila makakabalik; isa man sa kanila'y walang mabubuhay o makakatakas.”
15 Ang lahat ng kalalakihang naroon na nakakaalam na ang kanilang mga asawa'y nagsusunog ng handog sa ibang diyos, gayon din ang mga kababaihang nakatayo sa malapit, at lahat ng naninirahan sa Patros, sakop ng Egipto, ay nagsabi kay Jeremias, 16 “Hindi namin papakinggan ang sinasabi mo sa amin sa pangalan ni Yahweh. 17 Sa halip, gagawin namin ang lahat ng aming ipinangako sa aming sarili: magsusunog kami ng handog sa reyna ng kalangitan, mag-aalay kami ng handog na alak para sa kanya, gaya ng ginagawa ng aming mga ninuno, mga hari, at mga pinuno, at gaya ng ginawa namin sa mga lunsod ng Juda at sa mga lansangan sa Jerusalem. Noon ay sagana kami sa pagkain, payapa kami, at walang anumang kapahamakang dumating sa amin. 18 Ngunit simula nang ihinto namin ang pagsusunog ng handog sa reyna ng kalangitan at ang pag-aalay ng handog na alak sa kanya, dumanas kami ng matinding paghihirap. Marami sa amin ang nasawi sa digmaan at sa gutom.”
19 At sumagot ang mga babae, “Pinausukan namin ng insenso ang reyna ng kalangitan at kami'y naghandog ng alak sa kanya. Alam ng aming mga asawa na gumagawa kami ng mga tinapay na inukitan ng larawan niya. Nag-alay din kami ng alak na handog sa kanya.”
20 Kaya sumagot si Jeremias sa lahat ng mga nagsabi sa kanya nito, 21 “Hindi nakakalimutan ni Yahweh ang mga sinunog ninyong handog sa mga lunsod ng Juda at sa mga lansangan ng Jerusalem, kayo at ang inyong mga ninuno, mga hari, mga pinuno, at lahat ng nasa lupain. 22 Umabot na sa sukdulan ang inyong kasamaan kaya winasak ni Yahweh ang inyong lupain. 23 Dumating sa inyo ang kapahamakang ito sapagkat nagsunog kayo ng mga handog na ito, at iyan ay kasalanan kay Yahweh. Hindi rin ninyo sinunod si Yahweh o tinupad ang kanyang mga utos at tuntunin.”
24 Sinabi pa ni Jeremias sa mga tao, “Pakinggan ninyo ang pahayag ni Yahweh, lahat kayong taga-Juda na nakatira sa Egipto. Ito'y mga mensahe ni Yahweh, ang Makapangyarihang Diyos ng Israel. 25 Kayo at ang inyong mga asawang babae ay nagsabi ng ganito: ‘Gagawin namin ang aming ipinangako; magsusunog kami ng mga handog sa reyna ng kalangitan, at mag-aalay ng handog na alak sa kanya.’ Patunayan ninyo at tuparin ang inyong mga ipinangako. 26 Ngunit pakinggan ninyo ang sabi ng Panginoong Yahweh, kayong taga-Juda na naninirahan sa Egipto, “Isinusumpa ko sa aking dakilang pangalan na ang pangalan ko'y hindi na muling sasambitin ng mga taga-Juda. Hindi ko na ipapahintulot na gamitin ang aking pangalan sa panunumpa sa lupain ng Egipto. 27 Magbabantay ako upang padalhan kayo ng kasamaan at hindi kabutihan; lahat ng lalaking taga-Juda na nasa Egipto ay mamamatay sa digmaan at sa gutom, hanggang maubos silang lahat. 28 Pagkatapos noon, saka mapapatunayan ng lahat ng nalabi sa Juda, na naninirahan sa Egipto, kung kaninong salita ang natupad, ang sa kanila o ang sa akin. 29 Ito ang palatandaang ibibigay ko sa inyo na kayo'y aking paparusahan sa lugar na ito upang malaman ninyo na magaganap nga ang kasamaang sinalita ko laban sa inyo. 30 Ito'y(A) mga salita ni Yahweh: si Faraon Hofra, hari sa Egipto, ay ibibigay ko sa kanyang mga kaaway na nagnanais pumatay sa kanya, katulad ng ginawa ko kay Haring Zedekias ng Juda, na ibinigay ko kay Haring Nebucadnezar na kaaway niya at nais siyang patayin.”
Panalangin Upang Magtagumpay
Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.
20 Pakinggan ka sana ni Yahweh kapag ika'y nagdurusa!
At ang Diyos ni Jacob ingatan ka sana.
2 Mula sa Templo, ikaw sana'y kanyang tulungan,
at mula sa Zion, ikaw ay kanyang alalayan.
3 Ang handog mo nawa ay kanyang tanggapin,
at pahalagahan niya ang lahat ng iyong haing susunugin. (Selah)[a]
4 Nawa'y ipagkaloob niya ang iyong hangarin,
at sa iyong mga plano, ika'y pagtagumpayin.
5 Sa pagtatagumpay mo kami ay magbubunyi,
magpupuri sa Diyos sa aming pagdiriwang.
Ibigay nawa ni Yahweh ang lahat mong kahilingan.
6 Ngayon ko nalalaman na si Yahweh ang nagbigay, sa pinili niyang hari, ng kanyang tagumpay!
Siya'y tinutugon niya mula sa kalangitan,
mga dakilang tagumpay kanyang makakamtan.
7 Mayroong umaasa sa karwaheng pandigma,
at mayroon ding sa kabayo nagtitiwala;
ngunit sa kapangyarihan ni Yahweh na aming Diyos, nananalig kami at umaasang lubos.
8 Sila'y manghihina at tuluyang babagsak,
ngunit tayo'y tatayo at mananatiling matatag.
9 O Yahweh, ang hari'y iyong pagtagumpayin;
ang aming panawagan, ay iyong sagutin.
Pagpupuri sa Pagtatagumpay
Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.
21 Natutuwa ang hari, Yahweh, dahil sa bigay mong lakas,
dahil sa iyong tulong siya ay nagagalak.
2 Iyong ibinigay ang kanyang inaasam,
ipinagkaloob mo ang kanyang kahilingan. (Selah)[b]
3 Nilapitan mo siya't lubos na binasbasan,
dalisay na gintong korona, sa ulo niya'y inilagay.
4 Humiling siya ng buhay at iyong ibinigay,
ng mahabang buhay, na magpakailanman.
5 Dahil sa tulong mo, dakila ang kanyang karangalan,
dangal at kadakilaan sa kanya'y iyong ibinigay.
6 Pagpapala mo'y nasa kanya magpakailanman,
ang iyong patnubay, dulot sa kanya'y kagalakan.
7 Sa Kataas-taasang Diyos ang hari ay nagtitiwala,
dahil sa tapat na pag-ibig ni Yahweh, di siya nababahala.
8 Dadakpin ng hari ang lahat niyang mga kaaway,
bibihagin niya ang bawat isa na sa kanya'y nasusuklam.
9 Sa kanyang pagdating, sa apoy sila'y susunugin,
sa galit ni Yahweh, sa apoy sila'y tutupukin.
10 Walang matitira sa kanilang lahi,
sapagkat sila'y lilipulin ng hari.
11 Sa masasamang balak nilang gawin laban sa kanya,
walang anumang magtatagumpay sa mga plano nila.
12 Sila'y kanyang papanain,
sila'y uurong at patatakbuhin.
13 Pinupuri ka namin, Yahweh, sa taglay mong kalakasan!
Aawit kami at magpupuri dahil sa iyong kapangyarihan.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.