M’Cheyne Bible Reading Plan
Ang Diyus-diyosan ni Micas
17 Sa kaburulan ng Efraim ay may nakatirang isang tao na Micas ang pangalan. 2 Minsan, sinabi niya sa kanyang ina, “Nang mawala ang 1,100 ninyong pilak, narinig kong sinumpa ninyo ang nagnakaw. Ako po ang kumuha. Heto po, isinasauli ko na sa inyo.”
Pagkatanggap sa mga pilak, sinabi ng ina, “Pagpalain ka ni Yahweh, anak ko. 3 Ang mga pilak na ito'y inihahandog ko kay Yahweh upang gawing imahen para hindi mangyari sa aking anak ang sumpa.” “Kaya nga po ibinabalik ko sa inyo,” sagot ni Micas. 4 Nang ibalik ni Micas ang pilak ng kanyang ina, kinuha nito ang dalawandaang piraso at ibinigay sa isang platero upang gawing imahen. Pagkayari, inilagay niya ito sa bahay ni Micas.
5 Ang lalaking si Micas ay may sariling altar. Mayroon din siyang iba't ibang diyus-diyosan, at ginawa niyang pari ang isa sa kanyang mga anak na lalaki. 6 Nang(A) panahong iyon ay wala pang hari ang Israel; ginagawa ng bawat isa ang lahat ng kanilang magustuhan.
7 Samantala sa Bethlehem, Juda ay may isang kabataang Levita. 8 Isang araw, umalis ito at naghanap ng tirahan sa ibang lugar. Sa kanyang paglalakbay, napadaan siya sa bahay ni Micas sa kaburulan ng Efraim. 9 Tinanong siya ni Micas, “Tagasaan ka?”
“Ako po'y taga-Bethlehem, Juda at isang Levita. Naghahanap po ako ng matitirhan,” sagot niya.
10 Sinabi ni Micas, “Kung gayon, dito ka na. Gagawin kitang tagapayo at pari. Bibigyan kita ng sampung pirasong pilak taun-taon, bukod sa damit at pagkain.” 11 Pumayag ang Levita sa alok ni Micas at siya'y itinuring nitong parang tunay na anak. 12 Hinirang siya ni Micas bilang pari, at doon pinatira. 13 Sinabi ni Micas, “Ngayon, sigurado kong ako'y pagpapalain ni Yahweh sapagkat mayroon na akong isang paring Levita.”
Ang Pagpunta ni Pablo sa Jerusalem
21 Pagkatapos naming magpaalam sa kanila, kami'y naglakbay papuntang Cos. Kinabukasan, dumating kami sa Rodas at mula roo'y nagpatuloy kami sa Patara. 2 Dinatnan namin doon ang isang barkong papuntang Fenicia, kaya't lumipat kami sa nasabing sasakyan. 3 Dumaan kami sa tapat ng Cyprus na natatanaw sa gawing kaliwa. Nagpatuloy kami papuntang Siria, ngunit huminto muna sa Tiro ang barko sapagkat magbababâ roon ng kargamento. 4 Hinanap namin ang mga alagad na naroon at nakituloy kami sa kanila sa loob ng pitong araw. Sa patnubay ng Espiritu, sinabi nila kay Pablo na huwag pumunta sa Jerusalem. 5 Nang dumating ang araw ng aming pag-alis, nagpatuloy kami sa paglalakbay. Kami ay inihatid nilang lahat, kasama ang kanilang mga asawa't mga anak, hanggang sa labas ng lungsod. Pagdating sa tabing-dagat, lumuhod kaming lahat at nanalangin. 6 Pagkatapos naming magpaalam, sumakay na kami sa barko, at sila'y nagsiuwi na.
7 Mula sa Tiro, nagpatuloy kami ng paglalakbay at nakarating kami sa Tolemaida. Kinumusta namin ang mga kapatid at tumigil kami doon nang isang araw. 8 Kinabukasan,(A) tumuloy kami sa Cesarea sa bahay ng ebanghelistang si Felipe, isa sa pitong lalaking hinirang noong una sa Jerusalem. 9 Siya'y may apat na anak na dalaga na pawang mga propeta. 10 Makalipas(B) ang ilang araw, dumating mula sa Judea ang isang propetang ang pangala'y Agabo. 11 Pinuntahan niya kami, kinuha ang pamigkis ni Pablo at ginapos ang sariling paa at kamay. Sabi niya, “Ito ang sabi ng Espiritu Santo, ‘Ganito gagapusin ng mga Judio sa Jerusalem ang may-ari ng pamigkis na ito, at siya'y ibibigay sa kamay ng mga Hentil.’”
12 Pagkarinig nito, kami naman at ang mga tagaroon ay nakiusap kay Pablo na huwag na siyang pumunta sa Jerusalem. 13 Ngunit sumagot siya, “Ano ang ginagawa ninyo? Sa pag-iyak ninyong iyan ay dinudurog ninyo ang aking puso. Handa ako, hindi lamang magpagapos, kundi kahit mamatay doon sa Jerusalem alang-alang sa pangalan ng Panginoong Jesus.”
14 Tumigil na kami nang hindi namin siya mapigilan. Nasabi na lamang namin, “Masunod ang kalooban ng Panginoon.”
15 Makalipas ang ilang araw, gumayak kami at umalis papuntang Jerusalem. 16 Sumama sa amin ang ilan sa mga alagad na taga-Cesarea at dinala nila kami sa bahay ni Mnason na taga-Cyprus, kung saan kami makikituloy. Si Mnason ay matagal nang mananampalataya.
Ang Pagdalaw ni Pablo kay Santiago
17 Pagdating sa Jerusalem, malugod kaming tinanggap ng mga kapatid. 18 Kinabukasan, kami nina Pablo'y nakipagkita kay Santiago; naroon din ang mga matatandang pinuno ng iglesya. 19 Binati ni Pablo ang mga naroon at isa-isa niyang isinalaysay ang mga bagay na ginawa ng Diyos sa mga Hentil sa pamamagitan ng kanyang paglilingkod.
20 Nang marinig nila ito, sila'y nagpuri sa Diyos at kanilang sinabi kay Pablo, “Alam mo, kapatid, may ilang libo na ang mga Judiong nananalig kay Jesus, at silang lahat ay masigasig sa pagtupad ng Kautusan. 21 May nakapagbalita sa kanila na itinuturo mo raw sa lahat ng Judiong naninirahan sa mga bansang Hentil na tumalikod sa katuruan ni Moises. At sinasabi mo raw na huwag na nilang tuliin ang kanilang mga anak, ni sundin ang kaugalian ng mga Judio. 22 Ano ngayon ang nararapat nating gawin? Tiyak na mababalitaan nilang dumating ka. 23 Ito(C) ang gawin mo. Mayroon ditong apat na lalaking may panata, 24 isama mo sila at tuparin ninyo ang paglilinis ayon sa Kautusan. Ikaw na ang bahala sa magagastos, at nang sa gayon ay mapaahitan na nila ang kanilang ulo. Sa ganitong paraa'y malalaman ng lahat na hindi totoo ang balita tungkol sa iyo, kundi sumusunod ka pa rin sa Kautusan ni Moises. 25 Tungkol(D) naman sa mga mananampalatayang Hentil, nagpadala na kami ng liham sa kanila kung saan sinabi namin ang aming pasya. Sinabi naming huwag silang kakain ng anumang inihandog sa diyus-diyosan, huwag kakain ng dugo at ng hayop na binigti, at huwag makikiapid.”
26 Kinabukasan, isinama nga ni Pablo ang mga lalaki at isinagawa nila ang seremonya ng paglilinis. Pagkatapos, siya'y pumasok sa Templo at ipinagbigay-alam kung kailan matatapos ang takdang panahon ng paglilinis upang maialay ang handog para sa bawat isa sa kanila.
Ang Pagdakip kay Pablo
27 Nang matatapos na ang takdang pitong araw, si Pablo'y nakita sa Templo ng ilang Judiong taga-Asia. Sinunggaban nila si Pablo at inudyukan ang mga tao. 28 “Mga kababayan, tulungan ninyo kami!” sigaw nila. “Ang taong ito ang nagtuturo sa lahat saan man siya makarating ng mga bagay laban sa bansang Israel, laban sa Kautusan ni Moises, at laban sa Templong ito. Bukod pa diyan, nagsama pa siya ng mga Hentil sa loob ng Templo, at nilapastangan niya ang banal na lugar na ito!” 29 Ganoon(E) ang sinabi nila sapagkat nakita nilang kasama ni Pablo sa lungsod si Trofimo na taga-Efeso. Inakala nilang isinama siya ni Pablo sa loob ng Templo.
30 Nagulo ang buong lungsod, at dumagsa ang mga taong-bayan. Sinunggaban nila si Pablo at kinaladkad palabas sa Templo, at agad isinara ang pintuan. 31 Balak nilang patayin si Pablo, ngunit nabalitaan ng pinuno ng mga sundalo na nagkakagulo sa buong Jerusalem. 32 Kaya't nagsama agad ito ng mga opisyal at mga kawal, at dali-daling nagtungo sa kinaroroonan ng mga tao. Pagkakita sa kanila, itinigil ng mga tao ang pagbugbog kay Pablo. 33 Lumapit ang pinuno, dinakip si Pablo at ipinagapos ng dalawang tanikala. “Sino ang taong ito? Ano ang kanyang ginawa?” tanong niya.
34 Iba-iba ang isinisigaw ng mga tao. Dahil sa sobrang gulo ng mga tao, hindi maunawaan ng pinuno kung ano talaga ang nangyari, kaya't ipinadala niya si Pablo sa himpilan. 35 Pagdating nila sa hagdanan, si Pablo'y binuhat na ng mga kawal sapagkat naging marahas ang mga tao 36 na sumusunod sa kanila at sumisigaw, “Patayin siya!”
Ang Pagtatanggol ni Pablo sa Sarili
37 Nang ipapasok na si Pablo sa himpilan, sinabi niya sa pinuno, “Maaari ko po ba kayong makausap?”
“Marunong ka palang magsalita ng wikang Griego?” tugon ng pinuno. 38 “Kung gayon, hindi ikaw ang Egipciong kailan lamang ay nanguna sa paghihimagsik at namuno sa apat na libong armadong lalaki sa ilang.”
39 Sumagot si Pablo, “Ako po'y isang Judio, tubo sa Tarso ng Cilicia at mamamayan ng kilalang lungsod na iyon. Ipinapakiusap ko sa inyo na ako'y payagan ninyong makapagsalita sa mga tao.” 40 Pinayagan naman siya ng pinuno, kaya't tumayo si Pablo sa baytang at sumenyas sa mga tao. At nang sila'y tumahimik, nagsalita si Pablo sa wikang Hebreo,
Ang mga Pangako ni Yahweh para sa Israel
30 Kinausap ni Yahweh, ang Diyos ng Israel, si Jeremias, 2 at sinabi: “Isulat mo sa isang aklat ang lahat ng sinabi ko sa iyo. 3 Sapagkat darating na ang panahon na palalayain ko ang aking bayan, ang Israel at ang Juda, at ibabalik ko sila sa lupaing ibinigay ko sa kanilang mga ninuno; ito'y magiging kanila muli.” 4 Ito ang mga sinabi ni Yahweh tungkol sa Israel at sa Juda:
5 “Narinig ko ang sigaw ng isang takot na takot,
ng isang nasindak at walang kapayapaan.
6 Isipin mong mabuti:
Maaari bang manganak ang isang lalaki?
Bakit hawak-hawak ng bawat lalaki ang kanyang tiyan,
tulad ng isang babaing manganganak?
Bakit namumutla ang kanilang mga mukha?
7 Nakakatakot ang araw na iyon.
Wala itong katulad;
ito'y panahon ng paghihirap para kay Jacob,
ngunit siya'y makakaligtas.
8 “Sa araw na iyon,” sabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, “babaliin ko ang pamatok sa kanilang mga leeg at kakalagin ko ang kanilang tali; hindi na sila aalipinin ng mga dayuhan. 9 Sa halip, sila'y maglilingkod kay Yahweh na kanilang Diyos, at kay David na kanilang magiging hari.
10 “Ngunit(A) huwag kang matakot, lingkod kong Jacob;
at huwag kang manlupaypay, Israel.
Ililigtas ko kayo, kahit saan kayo naroon;
kahit nasa lupain ng pagkabihag ang inyong mga anak.
Manunumbalik ang payapang pamumuhay ni Jacob,
at siya'y sasagana at wala nang katatakutan.
11 Ako'y sasainyo at ililigtas ko kayo.
Lilipulin ko ang lahat ng bansang pinagkalatan ko sa inyo;
subalit kayo'y hindi malilipol.
Paparusahan ko kayo nang marapat,
ngunit ako'y magiging makatarungan sa inyo.”
12 Ito ang sabi ni Yahweh sa kanyang bayan:
“Wala nang lunas ang iyong sakit,
malalâ na ang iyong sugat.
13 Walang mag-aalaga sa iyo,
walang kagamutan sa iyong sugat;
wala ka nang pag-asang gumaling pa.
14 Nilimot ka na ng lahat mong mangingibig;
wala na silang malasakit sa iyo.
Sinaktan kita, gaya ng isang kaaway,
buong lupit kitang pinarusahan;
sapagkat matindi ang iyong kasamaan
at napakarami mong kasalanan.
15 Huwag ka nang umiyak dahil sa iyong sakit;
wala nang lunas ang sugat mo.
Ginawa ko ito sa iyo
sapagkat matindi ang iyong kasamaan
at napakarami mong kasalanan.
16 Gayunman, lahat ng umapi sa iyo ay aapihin;
lahat ng iyong kaaway ay bibihagin din.
Nanakawan ang nagnakaw ng kayamanan mo.
Ang bumiktima sa iyo ay bibiktimahin din.
17 Ibabalik ko ang kalusugan mo,
at pagagalingin ang iyong mga sugat.
Kayo'y tinawag nilang mga itinakwil,
ang Zion na walang nagmamalasakit.”
18 Sinabi pa ni Yahweh:
“Muli kong ibabalik ang kasaganaan sa lipi ni Jacob.
Kahahabagan ko ang buong sambahayan niya.
Ang lunsod na winasak ay muling itatayo,
at muling itatayo ang bawat gusali.
19 Ang mga tao roon ay aawit ng pasasalamat
at magkakaingay sa kagalakan.
Sila'y aking pararamihin;
pararangalan ko sila at wala nang hahamak sa kanila.
20 Ibabalik ko ang kanilang dating kapangyarihan,
at sila'y magiging matatag sa aking harapan.
Paparusahan ko ang lahat ng mang-aapi sa kanila.
21 Lilitaw ang isang pinuno na mula rin sa kanila.
Aanyayahan ko siya kaya siya nama'y lalapit sa akin,
sapagkat walang mangangahas na lumapit sa akin kung hindi inanyayahan.
22 Sila'y magiging bayan ko,
at ako ang kanilang magiging Diyos.”
Ito ang sabi ni Yahweh.
23 Ang poot ni Yahweh ay parang bagyo, parang nag-aalimpuyong hangin na hahampas sa ulo ng masasama. 24 Hindi magbabago ang matinding poot ni Yahweh hangga't hindi niya naisasagawa ang kanyang balak. Mauunawaan ninyo ito sa mga araw na darating.
Ang Pagbabalik ng mga Israelita
31 “Sa araw na iyon,” sabi ni Yahweh, “ako'y magiging Diyos ng buong Israel at magiging bayan ko sila.”
2 Ang sabi pa ni Yahweh, “Ang mga taong nakaligtas sa digmaan ay nakatagpo naman ng awa sa ilang. Nang ang Israel ay naghahanap ng kapahingahan, 3 napakita ako sa kanila mula sa malayo; sa simula pa'y inibig ko na sila kaya patuloy akong magiging tapat sa kanila. 4 Muli kitang itatayo, marilag na Israel. Hahawakan mong muli ang iyong mga tamburin, at makikisayaw sa mga nagkakasayahan. 5 Muli kang magtatanim ng ubas sa mga burol ng Samaria; magtatanim ang mga magsasaka, at masisiyahan sa ibubunga niyon. 6 Sapagkat darating ang araw na hihiyaw ang mga bantay mula sa kaburulan ng Efraim, ‘Halikayo, umakyat tayo sa Zion, kay Yahweh na ating Diyos.’”
7 Ang sabi ni Yahweh:
“Umawit kayo sa kagalakan alang-alang kay Jacob,
ipagbunyi ninyo ang pinakadakilang bansa;
magpuri kayo at inyong ipahayag
na iniligtas ni Yahweh ang kanyang bayan,
ang mga nalabi sa Israel.
8 Narito, sila'y ibabalik ko mula sa hilaga;
titipunin ko sila mula sa mga sulok ng sanlibutan,
kasama ang mga bulag at mga pilay,
ang mga inang may anak na pasusuhin, pati ang malapit nang manganak;
sila'y babalik na talagang napakarami!
9 Uuwi silang nag-iiyakan habang daan,
nananalangin samantalang inaakay ko pabalik.
Dadalhin ko sila sa mga bukal ng tubig,
pararaanin sa patag na landas upang hindi sila madapa.
Sapagkat ang Israel ay aking anak,
at si Efraim ang aking panganay.”
10 “Mga bansa, pakinggan ninyo ang sabi ni Yahweh,
at ipahayag ninyo sa malalayong lupain:
‘Pinapangalat ko ang mga anak ni Israel, ngunit sila'y muli kong titipunin at aalagaan,
gaya ng pagbabantay ng isang pastol sa kanyang mga tupa.’
11 Sapagkat tinubos ni Yahweh si Jacob,
at pinalaya sa kapangyarihan ng kaaway na higit na malakas sa kanya.
12 Aakyat silang nagsisigawan sa tuwa patungo sa Bundok ng Zion,
puspos ng kaligayahan dahil sa mga pagpapala ni Yahweh:
saganang trigo, bagong alak at langis,
at maraming bakahan at kawan ng tupa.
Matutulad sila sa isang halamanang dinidilig,
hindi na sila muling magkukulang.
13 Kung magkagayon, sasayaw sa katuwaan ang mga dalaga,
makikigalak pati mga binata't matatanda;
ang kanilang dalamhati ay magiging tuwa,
aaliwin ko sila at papalitan ng kagalakan ang kanilang kalungkutan.
14 Bubusugin ko ng pinakamainam na pagkain ang mga pari,
at masisiyahan ang buong bayan sa kasaganaang aking ibibigay.”
Ito ang sabi ni Yahweh.
Ang Pagkahabag ni Yahweh sa Israel
15 Sinabi(B) ni Yahweh:
“Narinig sa Rama ang isang tinig—
panaghoy at mapait na pagtangis
tinatangisan ni Raquel ang kanyang mga anak.
Ayaw niyang paaliw sapagkat patay na sila.”
16 Sinasabi ni Yahweh:
“Itigil na ninyo ang inyong pag-iyak,
huwag na kayong lumuha;
sapagkat gagantimpalaan ang inyong mga ginawa,
babalik sila mula sa lupain ng kaaway.
17 May pag-asa sa hinaharap, sabi ni Yahweh,
magbabalik sa sariling bayan ang inyong mga anak.
18 “Narinig kong nananaghoy ang mga taga-Efraim:
‘Pinarusahan ninyo kami
na parang mga guyang hindi pa natuturuan.
Ibalik ninyo kami nang kami'y gumaling,
sapagkat kayo si Yahweh na aming Diyos.
19 Tumalikod kami sa inyo ngunit ngayo'y nagsisisi na;
natuto kami matapos ninyong parusahan.
Napahiya kami't nalungkot dahil nagkasala kami
sa panahon ng aming kabataan.’
20 “Si Efraim ang aking anak na minamahal,
ang anak na aking kinalulugdan.
Kung gaano kadalas ko siyang pinaparusahan,
gayon ko siya naaalaala.
Kaya hinahanap ko siya,
at ako'y nahahabag sa kanya.”
Ito ang sabi ni Yahweh.
21 “Maglagay ka ng mga batong pananda sa iyong landas;
hanapin mo ang daang iyong nilakaran.
Magbalik ka, Israel, sa mga lunsod na dati mong tinirhan.
22 Anak ko, hanggang kailan ka pa mag-aalinlangan?
Ako, si Yahweh, ay nagtatag ng isang bagong kaayusan:
ang babae ang siyang magtatanggol sa lalaki.”
Ang Kasaganaang Mararanasan ng Israel
23 Ito ang sabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel: “Muling sasabihin ang mga salitang ito sa lupain ng Juda at sa kanyang mga lunsod, kapag ibinalik ko na sila sa kanilang tahanan:
‘Pagpapalain ni Yahweh
ang bundok na banal ng Jerusalem, na kanyang tinatahanan.’
24 Ang mga nagsasaka at mga pastol ay muling magkakasamang maninirahan sa Juda. 25 Bibigyan ko ng inumin ang nauuhaw, at bubusugin ang nanlulupaypay dahil sa matinding gutom. 26 At masasabi ng sinumang tao: ‘Ako'y natulog at nagising na maginhawa.’”
27 Sabi ni Yahweh, “Darating ang panahon na pararamihin ko ang mga tao at mga hayop sa Israel at sa Juda. 28 Kung paano ako naging maingat nang sila'y aking ibagsak, bunutin, sirain, saktan, at lipulin, buong ingat ko rin silang itatanim at itatatag. Akong si Yahweh ang nagsabi nito. 29 Pagdating(C) ng panahong iyon, hindi na nila sasabihin, ‘Mga magulang ang kumain ng ubas na maasim, ngunit mga anak ang nangingilo ang mga ngipin.’ 30 Sa halip, kung sino ang kumain ng maasim na ubas ang siyang mangingilo; mamamatay ang isang tao dahil sa kanyang kasalanan.”
31 Sinasabi(D) (E) ni Yahweh, “Darating ang panahon na gagawa ako ng bagong tipan sa Israel at sa Juda. 32 Ito'y hindi tulad ng kasunduang ginawa ko sa kanilang mga ninuno, nang ilabas ko sila sa Egipto. Bagama't para akong isang asawa sa kanila, sinira nila ang kasunduang ito. 33 Ganito(F) ang gagawin kong kasunduan sa bayan ng Israel pagdating ng panahon: Itatanim ko sa kanilang kalooban ang aking kautusan; isusulat ko ito sa kanilang mga puso. Ako ang kanilang magiging Diyos at sila ang aking magiging bayan. 34 Hindi(G) na nila kailangang turuan ang isa't isa at sabihing, ‘Kilalanin mo si Yahweh’; sapagkat ako'y makikilala nilang lahat, mula sa pinakaaba hanggang sa pinakadakila, sapagkat patatawarin ko sila sa kanilang kasalanan at kalilimutan ko na ang kanilang kasamaan.”
35 Si Yahweh ang naglagay ng araw upang lumiwanag sa maghapon,
at ng buwan at mga bituin upang tumanglaw sa magdamag;
siya ang nagpapagalaw sa dagat kaya umuugong ang mga alon;
ang pangalan niya'y Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat!
36 “Habang ang kaayusang ito'y nananatili,
hindi mawawala kailanman ang bansang Israel,” ito ang sabi ni Yahweh.
37 “Kung masusukat ang kalangitan
o maaarok ang kalaliman ng lupa,
maaari kong itakwil ang buong Israel
dahil sa lahat ng kanilang ginawa.”
Ito'y nagmula sa bibig ni Yahweh.
38 “Darating ang panahon na muling itatatag ang lunsod ng Jerusalem para sa karangalan ni Yahweh, mula sa Tore ng Hananel hanggang sa Panulukang Pinto. 39 Ang hangganan nito'y lalampas sa burol ng Gareb saka liliko sa Goa. 40 Ang buong libis na pinagtatapunan ng mga bangkay at abo, gayon din ang lahat ng bukirin sa itaas ng batis ng Kidron hanggang sa Pintuang Labasan ng mga Kabayo sa gawing silangan, ay itatalaga sa akin. Hindi na mawawasak o masasakop ninuman ang lunsod na ito.”
Ang Muling Pagkabuhay ni Jesus(A)
16 Pagkaraan ng Araw ng Pamamahinga, si Maria Magdalena, si Maria na ina ni Santiago at si Salome ay bumili ng pabango upang sila ay magpunta sa libingan at lagyan ng pabango ang bangkay ni Jesus. 2 Kinaumagahan ng Linggo, sa pagsikat ng araw, sila'y nagpunta sa libingan. 3 Ngunit sila ay nagtanong sa isa't isa, “Sino kaya ang maaari nating mapakiusapang maggulong ng batong nakatakip sa pintuan ng libingan?” 4 Nasabi nila iyon dahil napakalaki ng bato. Ngunit nang matanaw nila ito, nakita nilang naigulong na ang bato. 5 At pagpasok nila sa libingan, may nakita silang isang binatang nakasuot ng mahaba at maputing damit, at nakaupo sa gawing kanan. At sila'y natakot.
6 Ngunit sinabi nito sa kanila, “Huwag kayong matakot. Hinahanap ninyo si Jesus na taga-Nazaret na ipinako sa krus. Wala na siya rito; siya'y binuhay ng Diyos! Tingnan ninyo ang pinaglagyan sa kanya. 7 Bumalik(B) kayo at sabihin ninyo sa kanyang mga alagad at kay Pedro, ‘Mauuna siya sa inyo sa Galilea. Makikita ninyo siya roon, gaya ng sinabi niya sa inyo.’”
8 Lumabas sila ng libingan at patakbong umalis na nanginginig at litung-lito. At dahil sa matinding takot, wala silang sinabi kaninuman.
ANG MAHABANG PAGWAWAKAS NG MAGANDANG BALITA AYON KAY MARCOS[a]
Nagpakita si Jesus kay Maria Magdalena(C)
[9 Maagang-maaga ng unang araw ng linggo, matapos na siya'y muling mabuhay, si Jesus ay unang nagpakita kay Maria Magdalena. Pitong demonyo ang pinalayas ni Jesus mula sa kanya. 10 Nagpunta si Maria Magdalena sa mga tagasunod ni Jesus upang ibalita sa mga ito ang kanyang nakita. Sila noon ay kasalukuyang nagluluksa at umiiyak. 11 Ngunit ayaw nilang maniwala nang sabihin ni Maria na si Jesus ay buháy at nakita niya.
Nagpakita si Jesus sa Dalawang Alagad(D)
12 Pagkatapos, nagpakita rin si Jesus sa dalawang alagad na naglalakad papuntang bukid, subalit iba ang kanyang anyo noon. 13 Bumalik agad sila at ibinalita sa kanilang mga kasamahan ang nangyari, ngunit ayaw din silang paniwalaan ng mga ito.
Pinagalitan ni Jesus ang Labing-isa(E)
14 Pagkatapos, nagpakita si Jesus sa labing-isang alagad habang kumakain ang mga ito. Sila ay pinagalitan niya dahil sa hindi nila pananalig sa kanya at dahil sa katigasan ng kanilang ulo, dahil ayaw nilang maniwala sa mga nakakita sa kanya pagkatapos na siya'y muling mabuhay.
15 At(F) sinabi ni Jesus sa kanila, “Humayo kayo sa buong mundo at ipangaral ang Magandang Balita sa lahat ng tao. 16 Ang sinumang sumasampalataya at mabautismuhan ay maliligtas, ngunit ang ayaw sumampalataya ay paparusahan. 17 Ang mga sumasampalataya ay bibigyan ng kapangyarihang gumawa ng mga himala: sa pangalan ko'y magpapalayas sila ng mga demonyo at magsasalita ng iba't ibang wika. 18 Hindi sila mapapahamak kahit dumampot sila ng ahas o makainom ng lason; at gagaling ang mga maysakit na papatungan nila ng kamay.”
Ang Pag-akyat kay Jesus sa Langit(G)
19 Pagkatapos(H) niyang magsalita sa kanila, ang Panginoong Jesus ay iniakyat sa langit at umupo sa kanan ng Diyos. 20 Humayo nga at nangaral ang mga alagad sa lahat ng dako. Tinulungan sila ng Panginoon sa gawaing ito. Pinatunayan niyang totoo ang kanilang ipinapangaral sa pamamagitan ng mga himala na ipinagkaloob niya sa kanila.]
ANG MAIKLING PAGWAWAKAS NG MAGANDANG BALITA AYON KAY MARCOS[b]
[9 Pumunta ang mga babae kay Pedro at sa mga kasama niya, at isinalaysay ang lahat ng sinabi ng binatang nasa libingan. 10 Pagkatapos, isinugo ni Jesus ang kanyang mga alagad upang ipangaral sa lahat ng dako ng daigdig ang banal at di lilipas na balita ng walang hanggang kaligtasan.]
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.