Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
1 Samuel 17

Ang Hamon ni Goliat

17 Nagsama-sama ang mga hukbong Filisteo sa Soco na sakop ng Juda upang lusubin ang Israel. Nagkampo sila sa Efes-Dammim na nasa pagitan ng Soco at Azeka. Si Saul naman at ang mga Israelita ay nagkampo sa may libis ng Ela, at doo'y naghanda sila sa pakikipaglaban sa mga Filisteo. Magkaharap ang dalawang pangkat: ang mga Filisteo'y nasa isang burol, at nasa kabila naman ang mga Israelita; isang libis ang nakapagitan sa kanila.

Isang pangunahing mandirigma ang lumabas mula sa kampo ng mga Filisteo. Ang pangalan niya'y Goliat, at siya'y mula sa lunsod ng Gat. Ang kanyang taas ay halos tatlong metro. Hinamon niya ang mga Israelita na makipaglaban sa kanya. Tanso ang kanyang helmet, gayundin ang kanyang kasuotang pandigma na tumitimbang ng 57 kilo. Tanso rin ang nakabalot sa kanyang binti at hita, pati ang tabak na nakasakbat sa kanyang balikat. Ang hawakan ng sibat niya'y napakalaki at ang bakal naman na tulis nito ay tumitimbang ng dalawampung libra. Nasa unahan niya ang tagadala ng kanyang kalasag. Sumigaw si Goliat sa mga Israelita, “Bakit nakahanay kayong lahat diyan para lumaban? Ako'y isang Filisteo at kayo nama'y mga alipin ni Saul. Pumili na lang kayo ng ilalaban sa akin. Kapag ako'y natalo, alipinin ninyo kaming lahat; ngunit kapag siya naman ang natalo, kayo ang aalipinin namin. 10 Hinahamon ko ngayon ang hukbo ng Israel. Pumili kayo ng ilalaban ninyo sa akin!” 11 Nang marinig ito ni Saul at ng mga Israelita, nanghina ang kanilang loob at sila'y natakot.

Si David sa Kampo ni Saul

12 Si David ay anak ni Jesse na isang Efratita mula sa Bethlehem, Juda. Nang panahong iyon, si Jesse ay mahina na dahil sa katandaan. Walo ang anak niyang lalaki; si David ang pinakabata. 13 Sina Eliab, Abinadab at Samma, ang tatlong pinakamatatanda niyang anak ay kasama ni Saul sa labanan. 14 Habang sila'y kasama ni Saul, ang bunso namang si David 15 ay pabalik-balik kay Saul at sa Bethlehem para alagaan ang mga tupa ng kanyang ama.

16 Sa loob ng apatnapung araw, umaga't hapong hinahamon ni Goliat ang mga Israelita.

17 Isang araw, inutusan ni Jesse si David, “Anak, dalhin mo agad itong limang salop ng sinangag na trigo at sampung tinapay sa iyong mga kapatid na nasa kampo. 18 Ibigay mo naman ang sampung hiwang kesong ito sa pinuno nila. Tingnan mo na rin ang kalagayan nila at ibalita mo sa akin. Mag-uwi ka ng kahit anong bagay na makapagpapatunay na galing ka nga roon.” 19 Ang tatlong anak ni Jesse ay kasama nga ni Saul at ng mga Israelita sa libis ng Ela at nakikipaglaban sa mga Filisteo.

20 Kinabukasan, maagang bumangon si David. Ipinagbilin niya sa iba ang mga tupang inaalagaan at nagpunta sa lugar ng labanan, dala ang pagkaing ipinabibigay ng kanyang ama. Nang dumating siya sa kampo, palusob na ang buong hukbo at isinisigaw ang kanilang sigaw pandigma. 21 Nagharap na ang mga pangkat ng Israelita at ng mga Filisteo. 22 Iniwan ni David sa tagapag-ingat ng kagamitan ang kanyang dala at tumuloy siya sa lugar ng labanan upang kumustahin ang kanyang mga kapatid. 23 Samantalang sila'y nag-uusap, tumayo na naman si Goliat sa unahan ng mga Filisteo at muling hinamon ang mga Israelita. Narinig ito ni David. 24 Nang makita si Goliat, ang mga Israelita ay nagtakbuhan dahil sa matinding takot. 25 Sinabi nila, “Tingnan ninyo siya! Pakinggan ninyo ang kanyang hamon sa Israel! Sinumang makapatay sa kanya ay gagantimpalaan ng hari: bibigyan ng kayamanan, ipakakasal sa prinsesa, at ang buong sambahayan ng kanyang ama ay hindi na pagbabayarin pa ng buwis.”

26 Tinanong ni David sa mga katabi niya, “Ano raw ang gantimpala sa sinumang makakapatay sa Filisteong iyan at sa makakapag-alis ng kahihiyan sa Israel? At sino ba ang paganong ito na humahamon sa hukbo ng Diyos na buháy?”

27 “Tulad ng narinig mo, ganoon ang gagawin ng hari sa makakapatay sa Filisteong iyan,” sagot ng mga kausap niya.

28 Narinig ni Eliab, ang panganay na kapatid ni David ang pakikipag-usap niya sa mga kawal. Nagalit ito kay David at sinabi, “Anong ginagawa mo rito? At kanino mo iniwan ang iilang tupa na pinapaalagaan sa iyo? Alam ko kung anong nasa isip mo! Gusto mo lang manood ng labanan.”

29 Sumagot si David, “Bakit, ano ba ang ginawa ko? Masama bang magtanong?” 30 Tinalikuran niya si Eliab at nagtanong sa iba, ngunit ganoon din ang sagot sa kanya.

31 Nakarating kay Saul ang mga sinabi ni David at ipinatawag niya ito. 32 Pagdating kay Saul, sinabi ni David, “Hindi po tayo dapat masiraan ng loob dahil lang sa Filisteong iyon. Ako po ang lalaban sa kanya.”

33 Sinabi ni Saul, “Hindi mo kaya ang Filisteong iyon! Batambata ka pa, samantalang siya'y isang mahusay na mandirigma mula pa sa kanyang kabataan.”

34 Ngunit sinabi ni David kay Saul, “Ako po ang nag-aalaga sa kawan ng aking ama. Kapag ang isa sa mga tupang inaalagaan ko ay tinatangay ng leon o oso, 35 hinahabol ko po ito at inaagaw ang tupa. Kapag hinarap ako ng leon o ng oso, hinahawakan ko ito sa panga at pinapatay. 36 Nakapatay na po ako ng mga leon at mga oso. Isasama ko po sa mga ito ang Filisteong iyon sapagkat ang nilalait niya'y ang hukbo ng Diyos na buháy.” 37 Idinugtong pa ni David, “Iniligtas ako ni Yahweh mula sa mga mababangis na leon at mga oso. Ililigtas din niya ako sa kamay ng Filisteong iyon.”

Kaya't sinabi ni Saul, “Kung gayon, labanan mo siya at samahan ka nawa ni Yahweh.” 38 At ipinasuot niya kay David ang kanyang kasuotang pandigma: ang helmet at ang tansong pambalot sa katawan. 39 Nang maisakbat na ni David ang tabak ni Saul at sinubukang lumakad, hindi siya halos makahakbang sapagkat hindi siya sanay sa ganoong kasuotan. Kaya sinabi niya kay Saul, “Hindi ko na po gagamitin ang mga ito.” At hinubad niya ang nasabing kasuotang pandigma. 40 Pagkatapos, dinampot niya ang kanyang tungkod. Namulot siya ng limang makikinis na bato sa sapa, inilagay sa kanyang supot na pampastol at lumakad upang harapin si Goliat.

Natalo ni David si Goliat

41 Si Goliat naman ay lumakad ding papalapit kay David, sa hulihan ng tagadala ng kanyang panangga. 42 Nang makita niyang si David ay isa lamang kabataang may maamong hitsura, nilait niya ito, at 43 pakutyang tinanong, “Anong akala mo sa akin? Aso ba ang lalabanan mo at may dala kang patpat?” At si David ay sinumpa ng Filisteo sa pangalan ng kanyang diyos. 44 Sinabi pa niya, “Halika nga rito at nang maipakain ko ang bangkay mo sa mga ibon at mga hayop.”

45 Sumagot si David, “Ang dala mo'y tabak, sibat at pantusok, ngunit lalabanan kita sa pangalan ni Yahweh, ang Makapangyarihang Diyos ng Israel na iyong hinahamak. 46 Ngayong araw na ito'y ibibigay ka ni Yahweh sa aking mga kamay! Pababagsakin kita at pupugutin ko ang ulo mo. At ipapakain ko sa mga ibon at sa mga mababangis na hayop ang mga bangkay ng mga kawal ng hukbong Filisteo. Sa gayon, malalaman ng buong daigdig na may Diyos sa Israel. 47 At makikita ng lahat ng narito na makakapagligtas si Yahweh kahit walang tabak at sibat. Kay Yahweh ang labanang ito at ibinigay na niya kayo sa aming mga kamay.”

48 Nagpatuloy ng paglapit si Goliat. Patakbo siyang sinalubong ni David sa lugar ng labanan. 49 Dumukot siya ng bato sa kanyang supot at tinirador niya si Goliat. Tinamaan ito sa noo at bumaon ang bato roon. Si Goliat ay pasubsob na bumagsak sa lupa. 50 Natalo(A) nga ni David si Goliat sa pamamagitan ng tirador at bato. Napatay niya ito kahit wala siyang tabak. 51 Patakbong(B) lumapit si David, tumayo sa likod ni Goliat, hinugot ang tabak ni Goliat mula sa suksukan nito, at pinugutan ng ulo.

Nang makita ng mga Filisteo na patay na ang kanilang pangunahing mandirigma, sila'y nagtakbuhan. 52 Sumigaw ang mga kawal ng Israel at Juda at hinabol nila ang mga Filisteo hanggang sa Gat, sa may pagpasok ng Ekron. Naghambalang sa daan ang bangkay ng mga Filisteo, mula sa Saaraim hanggang sa Gat at Ekron. 53 At nang magbalik ang mga Israelita buhat sa paghabol sa mga Filisteo, hinalughog nila ang kampo ng mga ito at kinuha ang lahat ng kanilang magustuhan. 54 Dinala ni David sa Jerusalem ang ulo ni Goliat, ngunit iniuwi niya sa kanyang tolda ang mga sandata nito.

Iniharap si David kay Saul

55 Nakita ni Saul nang sinusugod ni David si Goliat. Itinanong niya sa pinuno ng kanyang hukbo, “Abner, kaninong anak ang batang iyon?”

“Hindi ko po alam, Kamahalan,” sagot ni Abner.

56 “Kung gayo'y ipagtanong mo kung sino ang kanyang ama,” utos ng hari.

57 Nang magbalik si David, sinalubong siya ni Abner at sinamahan sa hari, dala pa rin ang ulo ni Goliat. 58 At tinanong siya ni Saul, “Kanino kang anak, binata?”

Sumagot si David, “Anak po ako ni Jesse na taga-Bethlehem.”

Roma 15

Bigyang-kasiyahan ang Kapwa, Huwag ang Sarili

15 Tayong malalakas sa paniniwala ay dapat tumulong sa mahihina at huwag ang pansariling kasiyahan lamang ang ating isipin. Sikapin nating lahat na itaguyod ang kapakanan ng ating kapwa para sa kanyang ikalalakas. Sapagkat(A) maging si Cristo man ay hindi naghangad ng sariling kasiyahan subalit nagpaubaya; tulad ng nasusulat, “Ako ang binagsakan ng mga pag-alipusta na sa iyo ipinapatama.” Anumang(B) nasa Kasulatan noon pang una ay nasulat sa ikatututo natin, upang sa pamamagitan ng pagtitiis at sa pagpapalakas ng loob mula sa kasulatan ay magkaroon tayo ng pag-asa. Ipagkaloob nawa ng Diyos, na siyang nagbibigay sa atin ng katatagan at lakas ng loob, na kayo'y mamuhay nang may pagkakaisa ayon kay Cristo Jesus, upang sa gayon, nagkakaisa kayong magpupuri sa Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo.

Ang Magandang Balita ay para rin sa mga Hentil

Kung paanong kayo'y malugod na tinanggap ni Cristo, tanggapin ninyo ang isa't isa upang mapapurihan ang Diyos. Sinasabi ko sa inyo, si Cristo'y naglingkod sa mga Judio upang patunayang ang Diyos ay tapat, at tumutupad sa mga pangako niya sa kanilang mga ninuno, at(C) upang ang mga Hentil naman ay magpuri sa Diyos dahil sa kanyang habag. Tulad ng nasusulat,

“Kaya't sa gitna ng mga Hentil, ika'y aking pupurihin,
    At aawitan ko ang iyong pangalan.”

10 Sinabi(D) rin,

“Magalak kayo mga Hentil, kasama ng kanyang bayan!”

11 At(E) muling sinabi,

“Magpuri kayo sa Panginoon, kayong mga Hentil,
    lahat ng bansa ay magpuri sa kanya!”

12 Sinabi pa ni Isaias,

“May isisilang sa angkan ni Jesse,
    upang maghari sa mga Hentil;
    siya ang kanilang magiging pag-asa.”

13 Puspusin nawa kayo ng Diyos na siyang bukal ng pag-asa, at nawa ay pagkalooban niya kayo ng kagalakan at kapayapaan sa pamamagitan ng inyong pananampalataya, upang mag-umapaw ang inyong pag-asa sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.

Ang Dahilan ng Pagsulat ni Pablo

14 Mga kapatid, lubos akong naniniwalang kayo mismo ay puspos ng kabutihan at punô ng kaalaman, kaya't matuturuan na ninyo ang isa't isa. 15 Gayunman, sa sulat na ito'y naglakas-loob akong paalalahanan kayo tungkol sa ilang bagay. Ginawa ko ito dahil sa kagandahang-loob ng Diyos sa akin 16 upang maging lingkod ni Cristo Jesus at gumanap ng tungkulin gaya ng isang pari sa mga Hentil. Ipinapangaral ko sa kanila ang Magandang Balita ng Diyos upang sila'y maging handog na kalugud-lugod sa kanya, dahil sila ay ginawang banal ng Espiritu Santo. 17 Kaya't sa pakikiisa ko kay Cristo Jesus, maipagmamalaki ko ang aking paglilingkod sa Diyos. 18 Wala akong pinapangahasang ipagmalaki kundi ang ginawa ni Cristo upang maakit ang mga Hentil na sumunod sa Diyos sa pamamagitan ng aking mga salita at gawa, 19 sa tulong ng mga himala at mga kababalaghan, at sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu ng Diyos.[a] Kaya't mula sa Jerusalem hanggang sa Ilirico, ipinangaral ko ang Magandang Balita tungkol kay Cristo. 20 Ang hangad ko'y ipangaral ito sa mga lugar na hindi pa nakikilala si Cristo, upang hindi ako magtayo sa pundasyon ng iba. 21 Subalit(F) tulad ng nasusulat,

“Makakakilala ang hindi pa nakakabalita tungkol sa kanya.
    Makakaunawa ang hindi pa nakakarinig tungkol sa kanya.”

Ang Balak ni Pablong Dumalaw sa Roma

22 Iyan(G) ang dahilan kung bakit hindi ako matuluy-tuloy sa pagpunta sa inyo. 23 Ngunit ngayong tapos na ang gawain ko sa lupaing ito, at dahil matagal ko na ring gustong pumunta riyan, 24 inaasahan kong magkikita-kita tayo pagdaan ko riyan papuntang Espanya. Inaasahan ko ring ako'y tutulungan ninyong makarating doon matapos nating magkasama-sama nang sandaling panahon. 25 Ngunit(H) sa ngayon ay pupunta muna ako sa Jerusalem upang dalhin ang tulong sa mga kapatid roon. 26 Sapagkat minabuti ng mga taga-Macedonia at taga-Acaya na magpadala ng tulong para sa mga mahihirap na kapatid sa Jerusalem. 27 Malugod(I) nilang ginawa iyon, at talaga namang dapat nilang gawin. Dahil ang mga Hentil ay nakabahagi sa mga pagpapalang espirituwal ng mga Judio, marapat lamang na bahaginan nila ang mga Judio sa pamamagitan ng mga pagpapalang materyal. 28 Kaya't pagkabigay ko ng nasabing tulong sa mga kapatid sa Jerusalem, daraan ako riyan pagpunta ko sa Espanya. 29 Naniniwala akong pagpunta ko riyan ay taglay ko ang masaganang pagpapala ni Cristo.

30 Mga kapatid, nakikiusap ako sa inyo, alang-alang sa ating Panginoong Jesu-Cristo at sa pag-ibig ng Espiritu, tulungan ninyo ako sa pamamagitan ng inyong taimtim na pananalangin para sa akin. 31 Idalangin ninyong maligtas ako mula sa mga taga-Judea na ayaw sumampalataya, at nawa'y tanggapin ng mga kapatid sa Jerusalem ang paglilingkod ko para sa kanila. 32 Sa gayon, kung loloobin ng Diyos,[b] masaya akong makakarating diyan at muling pasiglahin sa inyong piling. 33 Sumainyo nawa ang Diyos na pinagmumulan ng kapayapaan. Amen.

Panaghoy 2

Pinarusahan ni Yahweh ang Jerusalem

Sa matinding galit ni Yahweh, ipinahiya niya ang Zion!
    Ibinagsak niya ang karangalan ng Israel;
    sa araw ng kanyang poot nakalimutan niyang Zion ang kanyang tuntungan.

Walang awang winasak ni Yahweh ang lahat ng nayon ni Jacob;
    sinira niya ang matitibay na kuta ng Juda;
    ang kaharian at mga pinuno nito'y kanyang ibinagsak at inilagay sa kahihiyan.

Sa tindi ng kanyang galit ay iginupo niya ang hukbo ng Israel;
    hindi niya kami tinulungan nang dumating ang kaaway.
    Nag-aalab ang galit niya sa amin, gaya ng paglamon ng apoy sa buong paligid.

Para siyang kaaway, tinudla niya kami ng pana,
    at nilipol ang lahat ng kinalulugdan nami't ipinagmamalaking mamamayan.
    Ibinuhos niya sa Jerusalem ang tindi ng kanyang galit, parang isang apoy na sa kanya'y tumupok.

Tulad ng kaaway, winasak ni Yahweh ang Israel.
    Giniba niya ang mga palasyo at lahat ng kuta;
    inilagay niya ang Juda sa walang katapusang pagdadalamhati.

Pinaguho niya ang tabernakulo nito gaya ng isang halamanan;
    winakasan ni Yahweh ang mga itinakdang pista at Araw ng Pamamahinga,
    at itinakwil niya ang mga hari at mga pari dahil ang kanyang galit ay matindi.

Itinakwil ni Yahweh ang kanyang altar, tinalikuran ang kanyang templo;
    ipinagiba niya sa mga kaaway ang mga pader nito.
    Dahil sa kanilang tagumpay, nagkaingay sa tuwa ang mga kaaway sa lugar na dati'y buong galak naming pinagdarausan ng pagsamba.

Ipinasya ni Yahweh na wasakin ang pader ng Zion,
    itinakda niya ang ganap na pagkasira nito; hindi niya iniurong ang kanyang balak na pagwasak.
    Ngayon, ang muog at ang kuta ay nakaguho.

Gumuho na rin ang mga pintuang-bayan, bali ang mga panara nito, pati na rin ang mga tarangkahan.
    Nangalat sa mga bansa ang kanyang hari at mga pinuno; wala nang kautusang umiiral,
    at wala na ring pangitain mula kay Yahweh ang kanyang mga propeta.

10 Tahimik na nakalugmok sa lupa
    ang pinuno ng Jerusalem;
    naglagay sila ng abo sa ulo at nakasuot ng damit-panluksa.
    Ang mga dalaga sa Jerusalem ay nakaluhod, ang mukha'y halos sayad sa lupa.

11 Namumugto ang mga mata ko sa kaiiyak. Bagbag na bagbag ang aking kalooban.
    Matindi ang pagdadalamhati ko dahil sa kapahamakang sinapit ng aking bayan;
    nakahandusay sa mga lansangan ang mga bata at ang mga sanggol.

12 Nag-iiyakan sila at patuloy na humihingi ng pagkain at inumin.
    Nanlulupaypay sila na parang mga sugatan sa mga lansangan.
    Unti-unting nangangapos ang mga hininga sa kandungan ng kanilang mga ina.

13 Ano ang masasabi ko sa iyo, O Jerusalem, Jerusalem, lunsod na pinakamamahal ko?
    Saan kita maitutulad upang ika'y aking maaliw?
    Sapagkat sinlawak ng dagat ang iyong kasiraan; tila wala nang pag-asa.

14 Ang sinasabi ng inyong mga propeta ay pawang kasinungalingan.
    Dinadaya nila kayo sa hindi nila paglalantad ng inyong kasamaan.
    Pinapaniwala nila kayo na hindi na ninyo kailangang magsisi sa inyong mga kasalanan.

15 O lunsod ng Jerusalem,
    hinahamak ka't pinagtatawanan ng lahat ng nagdaraan.
    Sinasabi nila, “Ito ba ang lunsod na huwaran ng kagandahan? Ito ba ang kagalakan ng lahat ng bansa?”

16 Iniismiran ka ng iyong mga kaaway at kanilang sinasabi,
    “Nawasak na rin natin siya!
    Sa wakas bumagsak din siya sa ating mga kamay.”

17 Isinagawa nga ni Yahweh ang kanyang balak; tinupad niya ang kanyang banta.
    Walang awa niya tayong winasak;
    pinagtagumpay niya ang ating kaaway at dinulutan ng kagalakan sa paglupig sa atin.

18 Dumaing ka nang malakas kay Yahweh, Jerusalem.
    Araw-gabi, hayaan mong umagos ang iyong luha gaya ng ilog;
    huwag kang tumigil sa iyong pag-iyak.

19 Bumangon ka't humiyaw nang paulit-ulit sa magdamag, sa bawat pagsisimula ng oras ng pagbabantay.
    Tulad ng tubig, ibuhos mo sa harapan ni Yahweh ang laman ng iyong puso!
    Itaas mo sa kanya ang iyong mga kamay alang-alang sa iyong mga anak; nanlulupaypay sila sa gutom, nakahandusay sa mga lansangan.

20 Yahweh, tingnan mo kung sino ang iyong pinaparusahan.
    Matuwid bang kainin ng mga babae ang kanilang supling, na sa kanila rin naman nanggaling?
    O dapat bang patayin sa templo ang pari at ang propeta?

21 Naghambalang sa mga lansangan ang patay, bata't matanda, dalaga't binata.
Nilipol mo sila nang araw na ikaw ay magalit; walang awa mo silang pinatay.

22 Aking mga kalaban iyong inanyayahan; tuwang-tuwa sila na para bang nasa pistahan.
    Kaya ang mga anak kong inaruga sa mga kaaway ko'y pinapuksa,
    dahil sa araw na iyon galit mo'y matindi.

Mga Awit 33

Awit ng Pagpupuri

33 Lahat ng matuwid dapat na magsaya,
    dahil sa ginawa ng Diyos sa kanila;
    kayong masunuri'y magpuri sa kanya!
Ang Diyos na si Yahweh ay pasalamatan,
    tugtugin ang alpa't awit ay saliwan;
Isang bagong awit, awiting malakas,
    kasaliw ang tugtog ng alpang marilag!

Si Yahweh ay tapat sa kanyang salita,
    at maaasahan ang kanyang ginawa.
Ang nais niya ay kat'wira't katarungan,
    ang pag-ibig niya sa mundo'y laganap.

Sa utos ni Yahweh, nalikha ang langit,
    ang araw, ang buwa't talang maririkit;
sa iisang dako, tubig ay tinipon,
    at sa kalaliman ay doon kinulong.

Matakot kay Yahweh ang lahat sa lupa!
    Dapat katakutan ng buong nilikha!
Ang buong daigdig, kanyang nilikha,
    sa kanyang salita, lumitaw na kusa.

10 Ang binabalangkas niyong mga bansa,
    kanyang nababago't winawalang-bisa.
11 Ngunit ang mga panukala ni Yahweh,
    hindi masisira, ito'y mananatili.
12 Mapalad ang bansang si Yahweh ang Diyos;
    mapalad ang bayang kanyang ibinukod.

13 Magmula sa langit, kanyang minamasdan
    ang lahat ng tao na kanyang nilalang.
14 Nagmamasid siya at namamahala
    sa lahat ng tao sa balat ng lupa.
15 Ang isip nila'y sa kanya nagmula
    walang nalilingid sa kanilang gawa.

16 Di(A) dahil sa hukbo, hari'y nagtagumpay,
    ni dahil sa lakas, nagwagi ang kawal;
17 kabayong pandigma'y di na kailangan,
    upang sa digmaa'y kamtin ang tagumpay;
    di makakapagligtas, lakas nilang taglay.

18 Ang nagmamahal kay Yahweh, at nagtitiwala
    sa kanyang pag-ibig, ay kinakalinga.
19 Hindi hahayaang sila ay mamatay,
    kahit magtaggutom sila'y binubuhay.

20 Tanging si Yahweh lang ang ating pag-asa;
    tulong na malaki at sanggalang siya.
21 Dahil nga sa kanya, kami'y natutuwa;
    sa kanyang pangalan ay nagtitiwala.

22 Ipagkaloob mo na aming makamit, O Yahweh, ang iyong wagas na pag-ibig,
    yamang ang pag-asa'y sa iyo nasasalig!

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.