Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
1 Samuel 12

Ang Talumpati ni Samuel

12 Sinabi ni Samuel sa sambayanang Israel, “Ngayon, nasunod ko na ang gusto ninyo, nabigyan ko na kayo ng hari. Narito na siya upang mamuno sa inyo. Ako nama'y matanda na at ang aking mga anak ay kasa-kasama ninyo. Mula sa aking kabataan hanggang ngayon ay ako ang namuno sa inyo. Kung(A) mayroon kayong anumang reklamo laban sa akin, sabihin ninyo sa harapan ni Yahweh at sa hinirang niyang hari. Mayroon ba akong kinuha sa inyo kahit isang baka o asno? Mayroon ba akong dinaya o inapi? Nasuhulan ba ako ng sinuman para ipikit ko ang aking mga mata sa kamalian? Sabihin ninyo ngayon at pananagutan ko kung mayroon.”

“Hindi mo kami dinaya o inapi. Wala kang kinuhang anuman sa amin,” sagot nila.

Sinabi ni Samuel, “Kung gayon, si Yahweh ang saksi ko. Saksi ko rin ang kanyang hinirang na ako'y walang ginawang masama sa inyo.”

Sumagot sila, “Iyan ay alam ni Yahweh.”

Sinabi(B) ni Samuel, “Siya nga ang saksi,[a] si Yahweh na pumili kina Moises at Aaron, at siya rin ang nagligtas sa inyong mga ninuno mula sa kamay ng mga Egipcio. Kaya nga, tumayo kayong lahat sa harapan niya at iisa-isahin ko ang mga kabutihan niyang ginawa sa inyo at sa inyong mga ninuno. Nang(C) si Jacob at ang buo niyang sambahayan ay manirahan sa Egipto, sila'y inalipin ng mga Egipcio.[b] Humingi ng tulong kay Yahweh ang inyong mga magulang at ibinigay sa kanila sina Moises at Aaron. Sa pangunguna ng mga ito, sila'y inilabas niya sa Egipto at dinala sa lupaing ito. Ngunit(D) si Yahweh ay tinalikuran ng sambayanan. Kaya't sila'y ipinalupig niya kay Sisera, ang pinuno ng hukbo ni Jabin na hari ng Hazor, gayundin sa mga Filisteo at sa mga Moabita. 10 Pagkatapos(E) ay dumaing sila kay Yahweh at kanilang sinabi, ‘Nagkasala kami sapagkat tinalikuran ka namin. Naglingkod kami kay Baal at kay Astarot. Iligtas mo kami ngayon sa aming mga kaaway at maglilingkod kami sa iyo.’ 11 At(F) ipinadala sa kanila ni Yahweh sina Gideon,[c] Barak,[d] Jefte, at Samuel; iniligtas nila kayo at pinangalagaan laban sa inyong mga kaaway kaya't mapayapa kayong nakapamuhay. 12 Ngunit(G) nang kayo'y sasalakayin ni Nahas na hari ng mga Ammonita, ipinagpilitan ninyong, “Basta, gusto naming isang hari ang mamuno sa amin,” bagama't alam ninyong si Yahweh na inyong Diyos ang inyong hari.

13 “Narito ngayon ang haring hiningi ninyo, ibinigay na sa inyo ni Yahweh. 14 Kung mamumuhay kayong may takot kay Yahweh, kung maglilingkod kayo sa kanya at susundin ang kanyang kalooban, kung hindi kayo susuway sa kanyang mga utos, at kung kayo at ang inyong hari ay susunod kay Yahweh na inyong Diyos, magiging maayos ang inyong pamumuhay. 15 Ngunit kapag hindi kayo sumunod sa kanya, sa halip ay lumabag sa kanyang utos, paparusahan niya kayo. 16 Ngayon, tingnan ninyo ang kababalaghang gagawin ni Yahweh. 17 Ngayon ay anihan ng trigo. Idadalangin ko sa kanya na kumulog at umulan para makita ninyo kung gaano kalaki ang pagkakasalang ginawa ninyo kay Yahweh nang humingi kayo ng hari.”

18 Nanalangin nga si Samuel. Noon di'y kumulog at umulan. Silang lahat ay napuno ng matinding takot kay Yahweh, at kay Samuel. 19 Sinabi nila kay Samuel, “Ipanalangin mo kay Yahweh na huwag kaming mamatay dahil sa paghingi namin ng hari. Malaking kasalanan ang idinagdag namin sa marami na naming pagkakasala.”

20 “Huwag kayong matakot,” sabi ni Samuel. “Kahit malaki ang pagkakasala ninyo kay Yahweh, huwag kayong lalayo sa kanya. Ang kailangan ay paglingkuran ninyo siya nang buong puso. Huwag ninyo siyang tatalikuran. 21 Lumayo kayo sa mga diyus-diyosan. Hindi kayo maililigtas ni matutulungan ng mga iyan sapagkat hindi sila tunay na Diyos. 22 Hindi kayo pababayaan ni Yahweh, sapagkat iyon ang kanyang pangako. Kayo'y pinili niya bilang kanyang bayan. 23 Ipapanalangin ko kayo at tuturuan ng dapat ninyong gawin. 24 Subalit matakot kayo kay Yahweh. Manatili kayong tapat sa kanya, paglingkuran ninyo siya nang buong puso at lagi ninyong alalahanin ang mga kabutihang ginawa niya sa inyo. 25 Ngunit kung mananatili kayo sa inyong kasamaan, malilipol kayong lahat, pati ang inyong hari.”

Roma 10

10 Mga kapatid, ang pinakananais ng puso ko at idinadalangin ko sa Diyos ay ang maligtas ang Israel. Sapagkat saksi ako na sila'y masigasig na maging kalugud-lugod sa Diyos. Hindi nga lamang batay sa tamang kaalaman. Dahil hindi nila kinilala ang pamamaraan ng Diyos upang gawing matuwid ang tao, at nagsikap silang gumawa ng sarili nilang pamamaraan; hindi sila nagpasakop sa pamamaraang itinakda ng Diyos. Sapagkat si Cristo ang kaganapan ng Kautusan, upang ituring na matuwid ng Diyos ang sinumang sumasampalataya sa kanya.

Ang Kaligtasan ay para sa Lahat

Ganito(A) ang isinulat ni Moises tungkol sa pagiging matuwid batay sa Kautusan, “Ang tumutupad sa Kautusan ay mabubuhay ayon dito.” Ngunit(B) ganito naman ang sinasabi tungkol sa pagiging matuwid batay sa pananampalataya, “Huwag mong sabihin sa iyong sarili, ‘Sino ang aakyat sa langit?’” upang pababain si Cristo. “Huwag mo ring sabihin, ‘Sino ang bababâ sa kailaliman?’” upang muling buhayin si Cristo. Sapagkat ganito ang sinasabi, “Malapit sa iyo ang mensahe, nasa iyong bibig at nasa iyong puso.” Ang tinutukoy dito'y ang salitang ipinapangaral namin tungkol sa pananampalataya. Kung ipahahayag ng iyong bibig na si Jesus ay Panginoon at buong puso kang sasampalataya na siya'y muling binuhay ng Diyos, maliligtas ka. 10 Sapagkat sumasampalataya ang tao sa pamamagitan ng kanyang puso at sa gayon ay itinuturing na matuwid ng Diyos. Nagpapahayag naman siya sa pamamagitan ng kanyang bibig at sa gayon ay naliligtas. 11 Sinabi(C) nga ng kasulatan, “Ang sinumang sumasampalataya sa kanya ay hindi mapapahiya.” 12 Kaya't walang pagkakaiba ang katayuan ng Judio at ng Hentil. Iisa ang Panginoon ng lahat at siya'y masaganang nagbibigay sa lahat ng tumatawag sa kanya, 13 dahil(D) sinasabi sa kasulatan, “Maliligtas ang lahat ng tumatawag sa pangalan ng Panginoon.”

14 Paano naman sila tatawag sa kanya kung hindi sila sumasampalataya? Paano sila sasampalataya kung wala pa silang napakinggan tungkol sa kanya? Paano naman sila makakapakinig kung walang mangangaral sa kanila? 15 At(E) paanong makakapangaral ang sinuman kung hindi siya isinugo? Tulad ng nasusulat, “O kay gandang pagmasdan ang pagdating ng mga nagdadala ng Magandang Balita!” 16 Ngunit(F) hindi lahat ay sumunod sa Magandang Balita, gaya ng sinulat ni Isaias, “Panginoon, sino ang naniwala sa aming ibinalita?” 17 Kaya't ang pananampalataya ay bunga ng pakikinig, at ang pakikinig naman ay bunga ng pangangaral tungkol kay Cristo.

18 Subalit(G) ang tanong ko'y ganito: Hindi kaya sila nakapakinig? Oo, sila'y nakapakinig! Sapagkat nasusulat,

“Abot sa lahat ng dako ang kanilang tinig,
    ang sinasabi nila'y nakarating hanggang sa dulo ng daigdig.”

19 Ito(H) pa ang isa kong tanong: Hindi kaya nakaunawa ang bansang Israel? Noon pa man ay sinabi na ni Moises,

“Gagamitin ko ang mga taong di man lamang isang bansa
    upang kayo'y inggitin,
gagamitin ko ang isang bansang hangal
    upang kayo'y galitin.”

20 Buong(I) tapang namang ipinahayag ni Isaias,

“Natagpuan ako ng mga hindi naghanap sa akin.
    Nagpahayag ako sa mga hindi nag-usisa tungkol sa akin.”

21 Subalit(J) tungkol naman sa Israel ay sinabi niya,

“Buong maghapon akong nanawagan
    sa isang suwail at mapaghimagsik na bayan!”

Jeremias 49

Ang Hatol ni Yahweh sa Ammon

49 Tungkol(A) naman sa mga Ammonita, ganito ang sinasabi ni Yahweh: “Wala bang mga anak na lalaki si Israel? Wala ba siyang tagapagmana? Kung gayo'y bakit inagawan ng mga sumasamba kay Milcom si Gad, at nanirahan sila sa mga lunsod nito? Kaya nga, darating ang panahon na maririnig ng mga taga-Rabba ang sigaw ng digmaan. Ang lunsod na ito'y iiwang wasak at susunugin ang mga nayon. At mababalik sa Israel ang lupaing inagaw sa kanya. Ito ang sabi ni Yahweh. Tumangis kayo, mga taga-Hesbon, sapagkat wasak na ang Ai! Umiyak kayo, mga kababaihan ng Rabba! Magsuot kayo ng damit-panluksa at manangis kayo. Magpabalik-balik kayo na hinahampas ang sarili! Sapagkat ang diyus-diyosan ninyong si Milcom ay dadalhing-bihag, kasama ang kanyang mga pari at mga pinuno. Huwag ninyong ipagyabang ang inyong mga lakas, kayong walang pananalig. Nagtiwala kayo sa inyong mga kayamanan. Ang sabi ninyo, ‘Walang maaaring lumaban sa amin!’ Padadalhan ko kayo ng katatakutan; kayo'y itataboy ng lahat ng nasa palibot ninyo. Bawat isa'y tutugisin, at walang magtitipon sa mga pugante.

“Subalit pagkaraan nito, ibabalik kong muli ang kayamanan ng mga Ammonita,” ang sabi ni Yahweh.

Ang Hatol ni Yahweh sa Edom

Tungkol(B) (C) sa Edom, ito ang sabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat: “Wala na bang masumpungang marunong sa Teman? Hindi na ba nagpapayo ang mga tagapayo doon? Napawi na ba ang kanilang karunungan? Mga taga-Dedan, tumakas kayo at magtago! Ipararanas ko sa inyo ang kapahamakang inabot ni Esau nang siya'y aking parusahan. Kung namimitas ng mga ubas, tiyak na may naiiwan. Kung sumasalakay sa gabi ang mga magnanakaw, kinukuha lamang nila ang magustuhan. 10 Subalit inubos ko ang kayamanan ni Esau, inilantad ko ang kanyang mga taguan, kaya wala na siyang mapagtataguan kahit saan. Nilipol na ang kanyang mga anak, mga kapatid, gayon din ang kanyang mga kapitbahay. 11 Ako ang kakalinga sa inyong mga anak na naulila sa ama. Ang inyong mga babaing balo ay makakaasa sa akin.”

12 Sapagkat sabi ni Yahweh, “Kahit ang hindi nararapat parusahan ay paiinumin din sa baso ng kaparusahan. Kayo lamang ba ang hindi paparusahan? Hindi! Dapat din kayong uminom! 13 Isinumpa ko sa aking sarili, na ang Bozra ay magiging katatakutan, isang disyerto, tampulan ng paghamak at gagamitin sa pagsumpa. Ang lahat ng nayon sa palibot nito ay mananatiling wasak habang panahon. Akong si Yahweh ang nagsabi nito.”

14 Narinig ko ang pahayag na ito ni Yahweh. Pinapunta niya sa mga bansa ang isang sugo upang sabihin, “Magsama-sama kayo at salakayin siya. Humanda kayong makipagdigma! 15 Ikaw ay gagawin niyang mahinang bansa, tampulan ng paghamak ng lahat. 16 Dinaya kayo ng inyong kapalaluan at kataasan. Walang natatakot sa inyo, tulad ng akala ninyo, kayo na nakatira sa mga guwang ng kabatuhan, at nagkukuta sa mataas na kaburulan. Ngunit gumawa man kayo ng inyong pugad sa dakong mataas, gaya ng agila, kayo'y aking ibababa. Ito ang salita ni Yahweh.”

17 Sinabi pa ni Yahweh: “Ang Edom ay magiging malagim na tanawin; mangingilabot at masisindak ang lahat ng magdaraan doon. 18 Siya'y(D) ibinagsak, gaya ng Sodoma at Gomorra, at mga kalapit na bansa. Walang sinumang maninirahan doon. 19 Masdan(E) ninyo, tulad ng leong nanggagaling sa kagubatan ng Jordan at patungo sa luntiang pastulan, hahabulin ko ang mga taga-Edom at sila'y magtatakbuhan. Pamamahalaan sila ng sinumang pinunong aking pipiliin. Sino ang katulad ko? Sino ang aking kapantay? Sinong pinuno ang makakalaban sa akin? 20 Kaya pakinggan ninyo ang buong layunin ni Yahweh laban sa Edom at lahat ng kanyang balak laban sa taga-Teman: Pati ang maliliit na bata ay kukunin, at masisindak ang lahat. 21 Sa tindi ng pagbagsak ng Edom ay mayayanig ang daigdig; tatangis ang lupa at maririnig hanggang sa Dagat na Pula.[a] 22 Ang kaaway ay lulusob sa Bozra, parang isang agila na biglang mandaragit. Sa araw na iyon, matatakot ang mga kawal ng Edom, tulad ng pagkatakot ng isang babaing malapit nang manganak.”

Ang Hatol sa Damasco

23 Tungkol(F) sa Damasco, ito naman ang sabi ni Yahweh: “Nagugulo ang Hamat at ang Arpad, sapagkat nakarinig sila ng masamang balita. Hindi sila mapalagay dahil sa pag-aalala, sila'y tila nag-aalimpuyong dagat. 24 Natakot ang Damasco at tumakas; sinaklot siya ng pangamba, gaya ng pagdaramdam ng isang babaing manganganak. 25 Napakalungkot ngayon ng bayang dati'y puspos ng galak at awitan, ang dating masayang bayan. 26 Kaya nga, mabubuwal sa kanyang lansangan ang mga binata, at magiging malamig na bangkay ang lahat ng kanyang mandirigma sa araw na iyon. 27 Tutupukin ko ang pader ng Damasco, maging ang mga palasyo ni Haring Ben-hadad.”

Ang Hatol sa Lipi ni Kedar at sa Lunsod ng Hazor

28 Tungkol sa Kedar at sa mga kaharian ng Hazor na nasakop ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia, ganito ang sabi ni Yahweh: “Magbangon kayo, salakayin ninyo ang Kedar! Lipulin ninyo ang mga naninirahan sa silanganan! 29 Kunin ninyo ang kanilang mga tolda at mga kawan, ang mga kurtina, ang mga kasangkapang naroon at ang mga kamelyo. Sabihin ninyo sa mga tao, ‘Nakakapangilabot sa lahat ng dako!’

30 “Kayong mga taga-Hazor, tumakas kayo at lumayo! Magtago kayo sa mga liblib na lugar, sapagkat may balak laban sa inyo si Haring Nebucadnezar ng Babilonia; may nabuo na siyang layunin laban sa inyo,” sabi ni Yahweh. 31 “Bumangon kayo, at salakayin ang isang bansang namumuhay na payapa at sagana, na walang kandado ang mga pintuang-bayan at nag-iisang namumuhay.

32 “Sasamsamin ang kanilang mga kamelyo at mga baka. Pangangalatin ko sa disyerto ang mga nagpaputol ng buhok. Darating ang kapahamakan sa lahat ng panig,” sabi ni Yahweh. 33 “Magiging tirahan ng mga asong-gubat ang Hazor at ito'y mananatiling tiwangwang. Wala nang taong maninirahan doon, o makikipamayan sa kanila.”

Ang Hatol sa Elam

34 Tinanggap ni Propeta Jeremias ang pahayag ni Yahweh tungkol sa Elam, nang magpasimulang maghari si Zedekias sa Juda. 35 Ganito ang sabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat: “Babaliin ko ang pana ng Elam, ang pangunahing sandatang sagisag ng kanilang lakas; 36 paiihipin ko ang hangin mula sa lahat ng panig ng kalangitan at pangangalatin ko sila sa lahat ng dako. 37 Masisindak ang mga taga-Elam sa harap ng kanilang kalaban; padadalhan ko sila ng kapahamakan dahil sa matinding galit ko. Ipadadala ko sa kanila ang tabak hanggang malipol silang lahat; 38 at itatayo ko sa Elam ang aking trono. Lilipulin ko ang kanilang hari at mga pinuno. 39 Ngunit darating din ang panahon na ibabalik ko ang kayamanan ng Elam. Akong si Yahweh ang nagsabi nito.”

Mga Awit 26-27

Panalangin ng Isang Mabuting Tao

Katha ni David.

26 Ipahayag mo ako, Yahweh, na walang sala,
    pagkat ako'y matuwid at sa iyo'y lubos na umaasa.
Yahweh, ako'y siyasatin mo at subukin,
    hatulan mo ang iniisip at ang aking hangarin.
Pag-ibig mong wagas ang aking patnubay,
    ang iyong katapatan ang lagi kong kaagapay.
Di ako nakikisama sa walang kuwentang tao,
    hindi ako nakikiisa sa mga hipokrito.
Ang nakikisama sa kanila ay aking kinamumuhian,
    at ang makihalo sa kanila'y aking iniiwasan.

Kamay ko'y malinis pagkat ako'y walang kasalanan,
    ako'y lumalakad, Yahweh, sa paligid ng iyong altar.
Awit ng pasasalamat ay aking inaawit,
    gawa mong kahanga-hanga, ay aking sinasambit.

Mahal ko, Yahweh, ang Templo mong tahanan,
    sapagkat naroroon ang iyong kaluwalhatian.
Sa parusa ng masasama, huwag mo akong idamay,
    ilayo rin sa parusa ng mahihilig sa pagpatay—
10     mga taong walang magawâ kundi kasamaan,
    at palaging naghihintay na sila ay suhulan.

11 Ngunit para sa akin, gagawin ko ang tama,
    kaya iligtas mo ako at sa akin ay maawa.
12 Ako ay ligtas sa lahat ng kapahamakan;
    pupurihin ko si Yahweh sa gitna ng kapulungan!

Panalangin ng Pagpupuri

Katha ni David.

27 Si Yahweh ang ilaw ko at kaligtasan;
    sino pa ba ang aking katatakutan?
Si Yahweh ang muog ng aking buhay,
    sino pa ba ang aking kasisindakan?

Kung buhay ko'y pagtangkaan ng taong masasama,
    sila'y mga kalaban ko at mga kaaway nga,
    mabubuwal lamang sila at mapapariwara.
Kahit isang hukbo ang sa aki'y pumalibot,
    hindi pa rin ako sa kanila matatakot;
salakayin man ako ng mga kaaway,
    magtitiwala pa rin ako sa Maykapal.

Kay Yahweh ay isang bagay lang ang aking hiniling,
    iisa lamang talaga ang aking hangarin:
ang tumira sa Templo niya habang buhay,
    upang kagandahan ni Yahweh'y aking mapagmasdan,
    at doo'y humingi sa kanya ng patnubay.
Itatago niya ako kapag may kaguluhan,
    sa loob ng kanyang Templo ako'y iingatan;
    sa ibabaw ng batong malaki ako'y ilalagay.
Matatalo ko ang mga nakapaligid kong kaaway.
    Sa Templo'y sisigaw nang may kagalakan, habang mga handog ko'y iniaalay;
    aawitan ko si Yahweh at papupurihan.

Pakinggan mo ako, Yahweh, sa aking panawagan,
    sagutin mo ako at iyong kahabagan.
Nang sabihin mo, Yahweh, “Lumapit ka sa akin,”
sagot ko'y, “Nariyan na ako at kita'y sasambahin.”
Huwag ka sanang magagalit sa akin;
    ang iyong lingkod, huwag mo sanang palayasin.
Tinulungan mo ako, Diyos ng aking kaligtasan,
    huwag mo po akong iwan, at huwag pabayaan!
10 Itakwil man ako ng aking ama at ina,
    si Yahweh ang sa akin ay mag-aaruga.

11 Ituro mo sa akin, Yahweh, ang iyong kagustuhan,
    sa ligtas na landas ako'y iyong samahan,
    pagkat naglipana ang aking mga kaaway.
12 Sa mga kaaway ay huwag akong ipaubaya,
    na kung lumulusob ay mga pagbabanta at kasinungalingan ang dalang sandata.

13 Naniniwala akong bago ako mamatay,
    kabutihan ni Yahweh'y aking masasaksihan.
14 Kay Yahweh tayo'y magtiwala!
    Manalig sa kanya at huwag manghinawa.
Kay Yahweh tayo magtiwala!

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.