Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
1 Samuel 5-6

Dinala ang Kaban sa Templo ni Dagon

Mula sa Ebenezer, ang Kaban ng Diyos ay dinala ng mga Filisteo sa Asdod. Ipinasok nila ito sa templo ng kanilang diyos na si Dagon at inilagay sa tabi nito. Kinaumagahan, nakita ng mga taga-Asdod na nakasubsob ang rebulto ni Dagon sa harap ng Kaban ng Tipan ni Yahweh. Kaya, binuhat nila ito at ibinalik sa dating lugar. Nang magbalik sila kinabukasan, nakita nilang nakasubsob na naman si Dagon sa harap ng Kaban ng Tipan. Ang ulo at mga kamay nito ay putul-putol at nagkalat sa may pintuan; walang natirang buo kundi ang katawan. (Ito ang dahilan kung bakit hanggang ngayon, ang mga pari ni Dagon at ang lahat ng sumasamba sa Asdod ay hindi tumutuntong kahit sa may pintuan ng templo nito.)

Pinarusahan ang mga Filisteo

Pinarusahan ni Yahweh ang mga mamamayan ng Asdod at kanilang karatig-bayan. Sila'y natadtad ng bukol bilang parusa ni Yahweh. Dahil dito'y sinabi nila, “Kailangang alisin natin dito ang Kaban ng Diyos ng mga Israelita sapagkat pinaparusahan niya tayo at ang diyos nating si Dagon.” Kaya ipinatawag nila ang mga pinuno ng mga Filisteo at pinag-usapan nila kung ano ang dapat gawin sa Kaban ng Diyos ng Israel.

Nagkaisa silang dalhin iyon sa Lunsod ng Gat, at ganoon nga ang kanilang ginawa. Ngunit ang lunsod na iyon ay pinarusahan din ni Yahweh. Nagulo ang buong bayan sapagkat natadtad rin ng bukol ang mga tagaroon, bata man o matanda. 10 Dahil dito, dinala nila sa Ekron ang Kaban, ngunit tumutol ang mga tagaroon. Sinabi nila, “Dinala nila rito ang Kabang ito para tayo naman ang ipapatay sa Diyos ng Israel.” 11 Kaya, nakipagpulong sila sa mga Filisteo at kanilang sinabi, “Alisin ninyo rito ang Kaban ng Diyos ng Israel. Ibalik ninyo ito sa pinanggalingan bago tayo mamatay lahat.” Gulung-gulo ang lahat dahil sa takot sa parusa ng Diyos. 12 Ang mga natirang buháy ay natadtad ng bukol. Abot hanggang langit ang paghingi nila ng saklolo.

Ibinalik ang Kaban ng Tipan

Makalipas ang pitong buwan mula nang dalhin sa lupain ng mga Filisteo ang Kaban ni Yahweh, sumangguni ang mga ito sa kanilang mga pari at mga salamangkero. Itinanong nila kung ano ang dapat gawin sa Kaban ng Tipan at kung ano ang kailangang isama sa pagsasauli niyon.

Ang sagot ng mga pari at mga salamangkero, “Kung ibabalik ninyo ang Kaban ng Diyos ng Israel, samahan ninyo ng handog na pambayad sa kasalanan. Sa ganitong paraan, patatawarin kayo ng Diyos at hindi na paparusahan.”

Itinanong nila, “Anong handog na pambayad sa kasalanan ang kailangan?”

Sumagot sila, “Sampung pirasong ginto—limang hugis bukol at limang hugis daga—isa para sa bawat haring Filisteo, sapagkat pare-pareho ang bukol na ipinadala sa inyo, hari man o hindi. Ang mga bukol at dagang ginto ay gawin nga ninyong kamukha ng mga bukol at dagang nagpahirap sa inyo. Parangalan ninyo ang Diyos ng Israel at baka sakaling tigilan na niya ang pagpaparusa sa inyo, sa inyong mga diyos at sa buong bayan. Huwag na ninyong gayahin ang pagmamatigas ng Faraon at ng mga Egipcio. Hindi ba't pinayagan na rin nilang umalis ang mga Israelita nang sila'y pahirapan ng Diyos ng Israel? Kaya't maghanda kayo ng isang bagong kariton, at dalawang gatasang baka na may bisiro at hindi pa napagtatrabaho kahit kailan. Ikulong ninyo ang mga guya, at ipahila ang kariton sa dalawang baka. Isakay ninyo sa kariton ang Kaban ng Tipan ni Yahweh, at itabi ninyo rito ang kahon ng mga bukol at dagang ginto. Pagkatapos, palakarin ninyo ang mga baka nang walang umaakay. Tingnan ninyo kung saan pupunta. Kapag dumiretso sa Beth-semes, si Yahweh nga ang nagparusa sa inyo. Kapag hindi nagtuloy sa Beth-semes, hindi siya ang may kagagawan ng nangyari sa atin, kundi nagkataon lamang.”

10 Kumuha nga sila ng dalawang babaing baka na may guya, ipinahila sa mga ito ang kariton, at ikinulong ang mga guya nito. 11 Isinakay nila sa kariton ang Kaban ng Tipan at ang kahon ng mga daga at bukol na ginto. 12 Lumakad ang mga baka tuluy-tuloy sa Beth-semes, umuunga pa ang mga ito habang daan. Ang mga ito'y hindi lumiko sa kanan o sa kaliwa. Ang mga pinunong Filisteo naman ay sumunod hanggang sa hangganan ng Beth-semes.

13 Nag-aani noon ng trigo ang mga taga-Beth-semes at napasigaw sila sa tuwa nang makita ang Kaban. 14 Ang kariton ay itinigil sa tabi ng isang malaking bato sa bukid ni Josue na taga-Beth-semes. Nilansag ng mga tagaroon ang kariton at sinindihan. Pagkatapos, pinatay nila ang dalawang baka at inialay bilang handog kay Yahweh. 15 Kinuha ng mga Levita ang Kaban ng Tipan ni Yahweh at ang kahon ng mga daga at bukol na ginto. Ipinatong nila ito sa malaking batong naroon. Nang araw ring iyon, ang mga taga-Beth-semes ay naghandog kay Yahweh. 16 Nang makita ng limang haring Filisteo ang nangyari, nagbalik na ang mga ito sa Ekron.

17 Ito ang mga bayang pinag-ukulan ng mga gintong bukol na inihandog ng mga Filisteo kay Yahweh bilang handog na pambayad sa kasalanan: Asdod, Gaza, Ashkelon, Gat at Ekron. 18 Ang limang dagang ginto naman ay para rin sa limang bayang ito at sa mga lupaing sakop ng limang haring Filisteo. At hanggang ngayon, naroroon pa sa bukid ni Josue sa Beth-semes ang malaking batong pinagpatungan ng Kaban ng Tipan ni Yahweh bilang saksi sa lahat ng nangyari.

19 May pitumpung[a] taga-Beth-semes na nangahas na sumilip sa Kaban ng Tipan, kaya't sila'y pinatay ni Yahweh. Nagluksa ang mga taga-Beth-semes nang makita nila ang malagim na kamatayan ng kanilang mga kababayan.

Dinala ang Kaban sa Lunsod ng Jearim

20 Sinabi ng mga taga-Beth-semes, “Sino ang makakaharap kay Yahweh, sa banal na Diyos? Saan kaya mabuting ipadala ang kanyang Kaban para mapalayo sa atin?” 21 Nagpadala sila ng mga sugo sa Lunsod ng Jearim. Ipinasabi nilang kunin doon ang Kaban ng Tipan ni Yahweh sapagkat ibinalik na ito ng mga Filisteo.

Roma 5

Mga Bunga ng Pagtanggap ng Diyos

Sapagkat napawalang-sala na tayo sa pamamagitan ng ating pananampalataya, mayroon na tayong mapayapang ugnayan sa Diyos sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Sa pamamagitan ng [pagsampalataya][a] kay Jesu-Cristo, tinamasa natin ang kagandahang-loob ng Diyos, at tayo'y nagagalak dahil sa pag-asang tayo'y makakabahagi sa kanyang kaluwalhatian. Hindi lamang iyan. Ikinagagalak din natin ang mga kahirapang ating tinitiis, dahil alam nating ito'y nagbubunga ng pagtitiyaga. At ang pagtitiyaga ay nagbubunga ng mabuting pagkatao, at ang mabuting pagkatao ay nagbubunga ng pag-asa. At hindi tayo binibigo ng pag-asang ito sapagkat ang pag-ibig ng Diyos ay ibinuhos na sa ating mga puso sa pamamagitan ng Espiritu Santo na ipinagkaloob sa atin.

Sapagkat noong tayo'y mahihina pa, namatay si Cristo sa takdang panahon para sa mga makasalanan. Mahirap mangyaring ialay ninuman ang kanyang buhay alang-alang sa isang taong matuwid, kahit na maaaring may mangahas na gumawa nito alang-alang sa isang taong mabuti. Ngunit pinatunayan ng Diyos ang kanyang pag-ibig sa atin nang mamatay si Cristo para sa atin noong tayo'y makasalanan pa. Yamang sa pamamagitan ng kanyang dugo, tayo ngayon ay napawalang-sala, lalong tiyak na maliligtas tayo sa poot ng Diyos. 10 Dati, tayo'y mga kaaway ng Diyos, ngunit tinanggap na niya tayo bilang mga kaibigan sa pamamagitan ng pagkamatay ng kanyang Anak. At dahil dito, tiyak na maliligtas tayo sapagkat si Cristo ay buháy. 11 At hindi lamang iyan! Tayo'y nagagalak dahil sa ginawa ng Diyos sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo, sapagkat dahil sa kanya ay tinanggap tayo bilang mga kaibigan ng Diyos.

Si Adan at si Cristo

12 Ang(A) kasalanan ay pumasok sa sanlibutan sa pamamagitan ng isang tao, at ang kamatayan ay pumasok sa pamamagitan ng kasalanan. Dahil dito, lumaganap ang kamatayan sa lahat ng tao sapagkat ang lahat ay nagkasala. 13 Nasa sanlibutan na ang kasalanan bago ibigay ang Kautusan, ngunit kung walang kautusan, ang kasalanan ay hindi itinuturing na kasalanan. 14 Gayunman, naghari pa rin ang kamatayan mula kay Adan hanggang kay Moises, pati sa mga taong hindi nagkasala tulad ng pagsuway ni Adan sa utos ng Diyos.

Si Adan ay anyo ng isang darating. 15 Subalit magkaiba ang dalawang ito dahil ang walang bayad na kaloob ng Diyos ay hindi katulad ng kasalanan ni Adan. Totoong maraming tao ang namatay dahil sa kasalanan ng isang tao. Ngunit ang kagandahang-loob ng Diyos ay mas dakila, gayundin ang kanyang walang bayad na kaloob sa maraming tao sa pamamagitan ng kagandahang-loob ng isang tao, si Jesu-Cristo. 16 Ang kaloob na ito ay hindi katulad ng ibinunga ng pagsuway ni Adan. Sapagkat hatol na kaparusahan ang idinulot matapos na magawâ ang isang pagsuway, subalit kaloob na nagpapawalang-sala naman ang idinulot matapos magawâ ang maraming pagsuway. 17 Sa pamamagitan ng pagsuway ng isang tao, naghari ang kamatayan. Ngunit sa pamamagitan din ng isang tao, si Jesu-Cristo, ang mga taong pinagpala nang sagana at itinuring na matuwid ng Diyos ay maghahari sa buhay.

18 At kung paanong ang pagsuway ng isang tao ay nagdulot ng kaparusahan sa lahat, ang matuwid na ginawa rin ng isang tao ay nagdudulot ng pagpapawalang-sala at buhay sa lahat. 19 Sapagkat kung naging makasalanan ang marami dahil sa pagsuway ng isang tao, marami rin ang mapapawalang-sala dahil sa pagsunod ng isang tao.

20 Nang magkaroon ng Kautusan, dumami ang pagsuway; ngunit sa pagdami naman ng mga pagsuway ay lalong sumagana ang kagandahang-loob ng Diyos. 21 Kaya nga, kung paanong naghari ang kasalanan sa pamamagitan ng kamatayan, gayundin naman maghahari ang kagandahang-loob ng Diyos sa pamamagitan ng pagpapawalang-sala. Ito'y magdudulot ng buhay na walang hanggan sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo.

Jeremias 43

Si Jeremias ay Dinala sa Egipto

43 Nang masabi na ni Jeremias ang lahat ng ipinapasabi ni Yahweh sa mga tao, sinabi sa kanya nina Azarias, anak ni Hosaias, Johanan na anak ni Karea, at ng mga lalaking mayayabang, “Sinungaling! Ikaw ay hindi sinugo ni Yahweh upang sabihin sa amin na huwag kaming manirahan sa Egipto. Sinulsulan ka lamang ni Baruc na anak ni Nerias laban sa amin, upang ibigay kami sa kamay ng mga taga-Babilonia; sa gayon, papatayin nila kami o kaya'y dadalhing-bihag.” Si Johanan, ang lahat ng pinuno ng hukbo, at ang mga tao'y hindi nakinig sa mensahe ni Yahweh; ipinasiya nilang umalis sa Juda. Kaya,(A) tinipon ni Johanan at ng mga pinuno ng hukbo ang lahat ng nalabi na nagbalik sa Juda mula sa mga bansang pinagtapunan sa kanila, mga lalaki, mga babae, mga bata, mga anak na babae ng hari, at ang mga taong ipinagkatiwala ni Nebuzaradan, ang pinuno ng mga bantay, kay Gedalias na anak ni Ahicam at apo ni Safan; kabilang din dito sina Propeta Jeremias at Baruc. Hindi sila nakinig sa mensahe ni Yahweh at sila'y nagpunta sa Egipto; una nilang narating ang Tafnes.

Sa Tafnes ay nagpahayag si Yahweh kay Jeremias: “Kumuha ka ng ilang malalaking bato at ibaon mo sa daanang papasok sa palasyo ng Faraon sa Tafnes; gawin mo itong nakikita ng mga Judio. 10 Sabihin mo sa kanila, ‘Sinasabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel: Dadalhin ko ang aking lingkod na si Haring Nebucadnezar ng Babilonia, at ang kanyang trono ay ilalagay niya sa ibabaw ng mga batong ito na aking ibinaon; ilalatag niya sa ibabaw nito ang kanyang tolda. 11 Pagkatapos ay sasalakayin niya ang Egipto at papatayin ang mga dapat mamatay, bibihagin ang dapat bihagin, at papatayin ang itinakdang mamatay sa digmaan. 12 Susunugin niya ang mga templo ng mga diyus-diyosan ng Egipto, gayon din ang mga gusali, at bibihagin ang mga diyos. Lilinisin niya ang lupain ng Egipto, gaya ng paglilinis ng isang pastol sa kanyang kasuotan upang maalis ang mga pulgas. Kung maganap na niyang lahat ito, matagumpay niyang lilisanin ang Egipto. 13 Gigibain din niya ang mga haliging itinuturing na sagrado sa Egipto, at susunugin ang lahat ng templo ng mga diyus-diyosan doon.’”

Mga Awit 19

Ang Paglilikha at ang Kadakilaan ng Diyos

Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.

19 Ang kaluwalhatian ng Diyos ay ipinapahayag ng kalangitan!
    Ang ginawa ng kanyang kamay, ipinapakita ng kalawakan!
Sa bawat araw at gabi, pahayag ay walang patlang,
    patuloy na nagbibigay ng dunong at kaalaman.
Wala silang tinig o salitang ginagamit,
    wala rin silang tunog na ating naririnig;
ngunit(A) abot sa lahat ng dako ang kanilang tinig,
    balita ay umaabot hanggang sa dulo ng daigdig.
Gumawa ang Diyos sa langit ng tahanan para sa araw,
    tuwing umaga'y lumalabas ito na parang masayang kasintahan,
    tulad ng masiglang manlalaro na handang-handa sa takbuhan.
Sa silangan sumisikat, lumulubog sa kanluran,
    walang nakapagtatago sa init nitong taglay.

Ang Batas ni Yahweh

Ang batas ni Yahweh, walang labis walang kulang,
    ito'y nagbibigay sa tao ng panibagong kalakasan.
Ang mga tuntunin ni Yahweh'y mapagkakatiwalaan,
    nagbibigay ng talino sa payak na isipan.
Ang mga utos ni Yahweh ay makatuwiran,
    ito'y nagpapasaya ng puso at kalooban.
Ang mga tagubilin ni Yahweh ay tama,
    nagbibigay sa isipan ng hustong pang-unawa.
Paggalang at pagsunod kay Yahweh ay dalisay,
    magpapatuloy ito magpakailanman;
ang mga hatol ni Yahweh ay tunay na makatarungan,
    patas at walang kinikilingan.
10 Mas kanaisnais pa ito kaysa gintong lantay,
    mas matamis pa kaysa pulot ng pukyutan.
11 Ang mga utos mo, Yahweh, ay babala sa iyong lingkod,
    may malaking gantimpala kapag aking sinusunod.

12 Walang taong pumupuna sa sarili niyang kamalian,
    iligtas mo ako, Yahweh, sa lihim na kasalanan.
13 Ilayo mo ang iyong lingkod sa mapangahas na kasalanan,
    huwag mong itulot na maghari sa akin ang kasamaan.
Sa gayo'y mamumuhay akong walang kapintasan,
    at walang bahid ng masama ang aking mga kamay.

14 Nawa'y ang mga salita ko at kaisipan,
    kaluguran mo, Yahweh, manunubos ko at kanlungan.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.