Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
1 Samuel 2

Ang Panalangin ni Ana

Ganito(A) ang naging panalangin ni Ana:

“Pinupuri kita, Yahweh,
    dahil sa iyong kaloob sa akin.
Aking mga kaaway, ngayo'y aking pinagtatawanan,
    sapagkat iniligtas mo ako sa lubos na kahihiyan.

“Si Yahweh lamang ang banal.
    Wala siyang katulad,
    walang ibang tagapagtanggol liban sa ating Diyos.
Walang maaaring magyabang sa iyo, Yahweh,
    walang maaaring maghambog,
sapagkat alam mo ang lahat ng bagay,
    ikaw ang hahatol sa lahat ng ginagawa ng tao.
Ginapi mo ang mga makapangyarihan,
    at pinapalakas ninyo ang mahihina.
Kaya't ang dating mayayaman ay nagpapaupa para may makain.
    Masagana ngayon ang dating maralita.
Nagsilang ng pito ang dating baog,
    at ang maraming anak ngayo'y nalulungkot.
Ikaw,(B) O Yahweh, ang may kapangyarihang magbigay o bumawi ng buhay.
    Maaari mo kaming itapon sa daigdig ng mga patay, at maaari ring buhayin muli.
Maaari mo kaming payamanin o paghirapin,
    maaari ring ibaba o itaas.
Mapapadakila mo kahit ang pinakaaba,
    mahahango sa kahirapan kahit ang pinakadukha.
Maihahanay mo sila sa mga maharlika,
    mabibigyan ng karangalan kahit na ang mga hampaslupa.
Hawak mo ang langit na nilikha,
    at sa iyo nasasalig ang lahat ng iyong gawa.

“Papatnubayan mo ang tapat sa iyo,
    ngunit ang masasama ay isasadlak sa karimlan.
    Walang sinumang magtatagumpay sa sariling lakas.
10 Lahat ng lumalaban sa iyo ay manginginig sa takot;
    kapag pinapadagundong mo ang mga kulog.
Hahatulan mo ang buong daigdig,
    at pagtatagumpayin ang hinirang mong hari.”

11 Si Elkana at ang buo niyang sambahayan ay umuwi sa Rama. Ngunit iniwan nila si Samuel upang maglingkod kay Yahweh sa pangangasiwa ng paring si Eli.

Ang Kasalanan ng mga Anak ni Eli

12 Ang dalawang anak ni Eli ay parehong lapastangan at walang takot kay Yahweh. 13 Wala rin silang galang sa regulasyon ng pagkapari. Tuwing may maghahandog, pinapapunta nila ang kanilang mga katulong habang pinapakuluan pa lang ang karne. May dala silang malaking tinidor na may tatlong ngipin 14 at itinutusok sa loob ng malaking kaldero o palayok. Lahat ng matusok o sumama sa tinidor ay itinuturing na nilang para sa pari. Ginagawa nila ito tuwing maghahandog sa Shilo ang mga Israelita. 15 Hindi lamang iyon. Bago pa maihandog ang taba ng karne, nilalapitan na ng mga katulong ang mga naghahandog at sinasabi, “Hilaw na karne ang ibibigay ninyo sa pari. Hindi niya kukunin kapag luto na ang ibibigay ninyo. Hilaw ang gusto niya upang maiihaw niya ito.”

16 Kapag sinabi ng naghahandog na hintayin munang maialay ang taba bago sila kumuha hanggang gusto nila, ganito ang kanilang sinasabi: “Hindi maaari! Bigyan na ninyo kami. Kung hindi'y aagawin namin 'yan sa inyo.”

17 Malaking pagkakasala ang ginagawa nilang ito sapagkat ito'y paglapastangan sa handog para kay Yahweh.

Si Samuel sa Shilo

18 Nagpatuloy ng paglilingkod kay Yahweh ang batang si Samuel, na noo'y nakasuot ng efod. 19 Taun-taon, gumagawa ng balabal ang kanyang ina at ibinibigay ito sa kanya tuwing ang kanyang mga magulang ay naghahandog sa Shilo. 20 Ang mag-asawang Elkana at Ana naman ay laging binabasbasan ni Eli. Sinasabi niya, “Pagpalain nawa kayo ni Yahweh. Nawa'y bigyan pa niya kayo ng mga anak bilang kapalit ng inihandog ninyo sa kanya.” Matapos mabasbasan, umuuwi na sila.

21 Nagkatotoo ang sinabi sa kanila ni Eli. Si Ana'y pinagpala ni Yahweh, at paglipas ng ilang taon siya'y nanganak pa ng tatlong lalaki at dalawang babae. Samantala, lumaki naman si Samuel sa paglilingkod kay Yahweh.

Si Eli at ang Kanyang mga Anak

22 Matanda na noon si Eli. Umabot na sa kanyang kaalaman ang kasamaang ginagawa ng kanyang mga anak sa mga Israelita. Alam na rin niya ang pagsiping nila sa mga babaing naglilingkod sa pintuan ng Toldang Tipanan. 23 Kaya, pinangaralan niya ang mga ito, “Mga anak, nababalitaan ko ang kasamaang ginagawa ninyo sa mga tao. Bakit ninyo ginagawa iyon? 24 Tigilan na ninyo iyan. Napakapangit ng usap-usapang kumakalat tungkol sa inyo. 25 Kung ang isang tao'y magkasala sa kanyang kapwa, maaaring mamagitan sa kanila si Yahweh, ngunit sino ang mamamagitan kung kay Yahweh siya nagkasala?” Ngunit hindi siya pinakinggan ng kanyang mga anak sapagkat nais na silang parusahan ni Yahweh. 26 Si(C) Samuel nama'y patuloy na lumaking kalugud-lugod kay Yahweh at sa mga tao.

Ang Pahayag tungkol sa Pamilya ni Eli

27 Minsan, si Eli ay nilapitan ng isang propeta ng Diyos. Sinabi sa kanya, “Ganito ang ipinapasabi ni Yahweh: ‘Nangusap ako sa ninuno mong si Aaron nang sila'y alipin pa ng Faraon, ang hari ng Egipto. 28 Sa(D) mga lipi ni Israel ay siya ang pinili kong maging pari. Siya ang mangangasiwa sa altar, magsusunog ng insenso, magsusuot ng linong efod, at maglilingkod sa akin bilang kinatawan ng Israel. At lahat ng handog sa akin ng mga Israelita'y ibinibigay ko sa kanyang sambahayan. 29 Bakit ninyo pinagnanasaang maangkin ang mga alay at handog sa akin? Mas iginagalang mo pa yata ang iyong mga anak kaysa sa akin? Bakit mo sila pinababayaang magpasasa sa pinakapiling bahagi ng mga handog para sa akin? 30 Ipinangako ko noon na tanging ang sambahayan mo lamang ang makakalapit sa akin habang panahon. Ngunit hindi na ngayon. Pararangalan ko ang nagpaparangal sa akin, ngunit pababayaan ko ang nagtatakwil sa akin. 31 Darating ang araw na papatayin ko ang mga kabataan sa iyong sambahayan at sa iyong angkan. Paiikliin ko ang inyong buhay at maaga kayong mamamatay. 32 Maghihirap kayo at di ninyo matitikman ang kasaganaang ibibigay ko sa Israel. Paiikliin ko nga ang inyong buhay. 33 Hindi ko kayo aalising lahat sa paglilingkod sa altar, ngunit ang ititira ko'y daranas ng katakut-takot na paghihirap ng kalooban. Mamamatay sa tabak ang iyong buong pamilya. 34 Bilang(E) katunayan nito, sabay na mamamatay ang mga anak mong sina Hofni at Finehas. 35 Samantala, pipili ako ng isang paring magiging tapat sa akin at susunod sa aking kalooban. Bibigyan ko siya ng sambahayan na maglilingkod sa akin habang panahon sa harapan ng mga haring aking hihirangin. 36 Ngunit ang matitira sa iyong sambahayan ay mamamalimos sa kanya. Magmamakaawa siyang gawing katulong ng pari para lamang mabuhay.’”

Roma 2

Matuwid ang Hatol ng Diyos

Kaya(A) nga, sino ka mang humahatol sa iba, wala kang maidadahilan. Sapagkat sa paghatol mo sa iba, hinahatulan mo rin ang iyong sarili, dahil ikaw na humahatol ay gumagawa rin ng ganoon. Nalalaman nating makatarungan ang hatol ng Diyos laban sa mga gumagawa ng mga iyon. Hinahatulan mo ang mga gumagawa ng mga bagay na ginagawa mo rin. Akala mo ba'y makakaiwas ka sa hatol ng Diyos? O(B) hinahamak mo ang Diyos, sapagkat siya'y napakabait, matiisin, at mapagpasensya? Hindi mo ba alam na ang kabutihan ng Diyos ang umaakay sa iyo upang magsisi at tumalikod sa kasalanan? Ngunit dahil matigas ang iyong ulo at ayaw mong magsisi, lalo mong pinapabigat ang parusang igagawad sa iyo sa Araw na iyon, kung kailan ihahayag ang poot at makatarungang paghatol ng Diyos. Sapagkat(C) igagawad niya sa lahat ng tao ang naaayon sa kanilang mga ginawa. Buhay na walang hanggan ang ibibigay niya sa mga taong nagpapatuloy sa paggawa ng mabuti, at naghahangad ng karangalan, kadakilaan at kawalang kamatayan. Ngunit matinding galit at poot ang sasapitin ng mga taong makasarili at ayaw sumunod sa katotohanan kundi sumusunod sa kasamaan. Paghihirap at kapighatian ang daranasin ng bawat gumagawa ng masama, una ang mga Judio at gayundin ang mga Hentil. 10 Ngunit kapurihan, karangalan at kapayapaan naman ang tatamuhin ng bawat gumagawa ng mabuti, una ang mga Judio at gayundin ang mga Hentil 11 sapagkat(D) walang kinikilingan ang Diyos.

12 Ang mga Hentil ay walang Kautusan ni Moises. Sila ay nagkakasala at paparusahan nang hindi batay sa Kautusan. Ang mga Judio ay mayroong Kautusan. Sila ay nagkakasala at hahatulan batay sa Kautusan. 13 Sapagkat hindi ang mga nakikinig sa Kautusan, kundi ang sumusunod dito, ang siyang pawawalang-sala ng Diyos.

14 Kapag ang mga Hentil na hindi saklaw ng Kautusan ay gumagawa batay sa panuntunan nito ayon sa kanilang likas na pag-iisip, ito'y nagiging kautusan na para sa kanila. 15 Ipinapakita ng kanilang mga gawa na nakasulat sa kanilang puso ang panuntunan ng Kautusan. Pinapatunayan din ito ng kanilang budhi, sapagkat kung minsan sila'y sinusumbatan nito; at kung minsan naman, sila'y ipinagtatanggol nito sa kanilang isipan.

16 Ayon sa Magandang Balitang aking ipinapangaral, gayon ang mangyayari sa Araw na ang mga lihim ng mga tao'y hahatulan ng Diyos sa pamamagitan ni Cristo Jesus.[a]

Ang mga Judio at ang Kautusan

17 Ngunit ikaw na nagsasabing ikaw ay Judio at nananalig sa Kautusan, ipinagmamalaki mong may kaugnayan ka sa Diyos. 18 Sabi mo'y alam mo ang kanyang kalooban at sumasang-ayon ka sa mabubuting bagay, sapagkat ito ang natutunan mo sa Kautusan. 19 Ang palagay mo'y taga-akay ka ng bulag, tanglaw ng mga nasa kadiliman, 20 tagapayo ng mga hangal, at tagapagturo ng mga bata, dahil natuklasan mo sa Kautusan ang buong kaalaman at katotohanan. 21 Nagtuturo ka sa iba, bakit di mo turuan ang iyong sarili? Nangangaral kang masama ang magnakaw, bakit ka nagnanakaw? 22 Sinasabi mong huwag mangangalunya, bakit ka nangangalunya? Nasusuklam ka sa mga diyus-diyosan, bakit ninanakawan mo ang mga templo nila? 23 Ipinagmamalaki mong saklaw ka ng Kautusan, ngunit nilalapastangan mo naman ang Diyos sa pamamagitan ng paglabag mo sa Kautusan! 24 Ayon nga sa nasusulat, “Ang pangalan ng Diyos ay nilalait ng mga Hentil dahil sa inyo.”

25 Mahalaga lamang ang iyong pagiging tuli kung tumutupad ka sa Kautusan, subalit kung lumalabag ka sa Kautusan, para ka ring hindi tinuli. 26 Kung ang hindi tuli ay gumagawa batay sa panuntunan ng Kautusan, hindi ba siya ituturing na tuli? 27 Kaya, ikaw na Judiong nasa ilalim ng Kautusan ngunit hindi naman tumutupad nito, ay hahatulan ng mga tumutupad sa Kautusan bagaman hindi sila tinuli. 28 Sapagkat ang pagiging isang tunay na Judio ay hindi dahil sa panlabas na kaanyuan o dahil sa pagtutuli sa laman. 29 Ang(E) tunay na Judio ay ang taong nabago sa puso't kalooban ayon sa Espiritu at hindi ayon sa Kautusang nasusulat. Ang papuri sa taong iyon ay mula sa Diyos at hindi mula sa mga tao.

Jeremias 40

Si Jeremias at ang mga Nalabing Kasama ni Gedalias

40 Nagpahayag muli si Yahweh kay Jeremias matapos itong palayain sa Rama ni Nebuzaradan, ang pinuno ng bantay ng Babilonia. Dinala kami ditong nakagapos, kasama ng iba pang mga taga-Jerusalem at taga-Juda upang dalhing-bihag sa Babilonia.

Sinabi sa kanya ni Nebuzaradan, “Ibinabala ng Diyos mong si Yahweh na wawasakin ang lupaing ito. Ang babalang iyon ay isinagawa niya ngayon sapagkat nagkasala at sumuway kay Yahweh ang bayang ito. Subalit ikaw, Jeremias, ay pawawalan ko na. Kung ibig mo'y sumama ka sa akin sa Babilonia, at kakalingain kita. Ngunit kung ayaw mo, ikaw ang bahala. Masdan mo ang buong lupain sa harapan mo; maaari kang magpunta kung saan mo nais.”

Hindi sumagot si Jeremias, kaya nagpatuloy si Nebuzaradan. “Kung gusto mo naman, pumunta ka kay Gedalias; siya ang inilagay ng hari ng Babilonia bilang gobernador sa buong lupain ng Juda. Malaya kang makakapanirahan doon o kahit saan na iniisip mong mabuti.” Pagkatapos, binigyan niya si Jeremias ng pagkain at kaloob, at pinaalis na. Si Jeremias nama'y pumunta kay Gedalias sa Mizpa, at doon nakipamayan kasama ng mga taong naiwan sa lupain ng Juda.

Naging Gobernador si Gedalias(A)

May(B) mga pinuno at mga kawal ng Juda na hindi sumuko sa mga taga-Babilonia. Nabalitaan nila ang pagkahirang kay Gedalias bilang gobernador ng lupain at tagapamahala sa pinakamahihirap na mamamayan na hindi dinala sa Babilonia. Kaya pinuntahan nila si Gedalias sa Mizpa. Kabilang sa mga pinunong ito sina Ismael na anak ni Netanias, Johanan na anak ni Karea, Seraias na anak ni Tanhumet, ang mga anak ni Efai na taga-Metofat, Jezanias na anak ng taga-Maaca. At sinabi sa kanila ni Gedalias, “Huwag kayong matakot na maglingkod sa mga taga-Babilonia. Manirahan kayo sa lupaing ito, paglingkuran ninyo ang hari ng Babilonia, at kayo'y mapapabuti. 10 Ako ay mananatili rito sa Mizpa upang maging kinatawan ninyo sa mga sugo ng Babilonia na maaaring dumating dito. Kayo'y manirahan sa mga nayong inyong magustuhan. Anihin ninyo ang mga ubas, olibo at iba pang bungangkahoy, at mag-imbak kayo ng langis at alak.” 11 Nabalitaan din ng mga Judio sa Moab, Ammon, Edom, at iba pang bansa, na may mga kababayan silang naiwan sa Juda, at si Gedalias ang inilagay ng hari ng Babilonia para mamahala sa kanila. 12 Kaya sila'y umalis sa lupaing pinagtapunan sa kanila at nakipagkita kay Gedalias sa Mizpa. Nakapagtipon sila ng napakaraming prutas at alak doon.

Pinatay ni Ismael si Gedalias(C)

13 Si Johanan na anak ni Karea, at lahat ng namumuno sa hukbong hindi sumuko ay nagpunta kay Gedalias sa Mizpa. 14 Ang sabi nila, “Alam ba ninyong si Ismael na anak ni Netanias ay sinugo ni Baalis na hari ng mga Ammonita upang patayin kayo?” Subalit ayaw maniwala ni Gedalias. 15 Pagkatapos, palihim na sinabi ni Johanan sa kanya, “Bayaan po ninyong patayin ko si Ismael. Hindi kayo dapat masawi sa kamay ng taong iyon. Kapag kayo'y namatay, mangangalat ang lahat ng Judio na nasa inyong pamamahala; mapapahamak pati ang mga nalabi sa Juda.”

16 Ngunit sumagot si Gedalias, “Johanan, huwag mong gawin iyan. Hindi totoo ang sinasabi mo tungkol kay Ismael.”

Mga Awit 15-16

Ang Hinihiling ng Diyos

Awit ni David.

15 O Yahweh, sino kayang makakapasok sa iyong Templo?
    Sinong karapat-dapat sumamba sa iyong burol na sagrado?

Ang taong masunurin sa iyo sa lahat ng bagay,
    at laging gumagawa ayon sa katuwiran,
mga salita'y bukal sa loob at pawang katotohanan,
    at ang kapwa'y hindi niya sisiraan.
Di siya gumagawa ng masama sa kanyang kaibigan,
    tungkol sa kapwa'y di nagkakalat ng kasinungalingan.
Ang itinakwil ng Diyos ay di niya pinapakisamahan,
    mga may takot kay Yahweh, kanyang pinaparangalan.
Sa pangakong binitiwan, siya'y laging tapat,
    anuman ang mangyari, salita'y tinutupad.
Hindi nagpapatubo sa kanyang mga pinautang,
    di nasusuhulan para ipahamak ang walang kasalanan.

Ang ganitong tao'y di matitinag kailanman.

Panalangin ng Pagtitiwala sa Diyos

Miktam[a] ni David.

16 Ingatan mo sana ako, O Diyos, sa iyo ako nanganganlong at nagtitiwalang lubos.

Ang sabi ko kay Yahweh, “Ikaw ang Panginoon ko,
    kabutihang tinatamasa ko, lahat ay mula sa iyo.”

Mga lingkod ng Panginoon ay dakila't mararangal!
    Sila'y nagmumula sa iba't ibang bayan; ligaya ng sarili ang sila'y aking makapisan.

Ang mga bumabaling sa ibang diyos, sulirani'y sunud-sunod,
    sa mga paghahandog nila'y hindi ako sasama;
at sa kanilang mga diyos, ako'y hindi sasamba,
    hindi rin maglilingkod, ni pupuri sa kanila.

Ikaw lamang, Yahweh, ang lahat sa aking buhay,
    lahat ng kailangan ko'y iyong ibinibigay,
    kinabukasan ko'y nasa iyong mga kamay.
Mga kaloob mo sa akin ay kahanga-hanga,
    napakaganda ng iyong pamana!

Pinupuri ko si Yahweh na sa aki'y pumapatnubay,
    at sa gabi, sa budhi ko siya ang gumagabay.
Alam(A) kong kasama ko siya sa tuwina;
    hindi ako matitinag pagkat kapiling siya.

Kaya't ako'y nagdiriwang, puso't diwa ko'y nagagalak,
    hindi ako matitinag sapagkat ako'y panatag.
10 Pagkat(B) di mo tutulutang ang mahal mo ay masadlak,
    sa daigdig ng mga patay at doon ay maagnas.
11 Ituturo mo ang landas na patungo sa buhay,
    sa piling mo'y madarama ang lubos na kagalakan;
    ang tulong mo'y nagdudulot ng ligayang walang hanggan.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.