M’Cheyne Bible Reading Plan
Si David at Batsheba
11 Nang(A) sumapit ang tagsibol, panahon na karaniwang nakikipagdigma ang mga hari, pinalabas ni David ang buong hukbo ng Israel. Sa pangunguna ni Joab at ng iba pang mga pinuno, pinuksa nila ang mga Ammonita at kinubkob ang Rabba. Subalit si David ay nagpaiwan sa Jerusalem.
2 Isang hapon, pagkagising ni David, umakyat siya sa bubungan ng palasyo at naglakad-lakad. Mula roon, may natanaw siyang isang babaing naliligo. Napakaganda ng babae. 3 Ipinagtanong niya kung sino iyon. Sinabi sa kanya na iyo'y si Batsheba, anak ni Eliam at asawa ni Urias na isang Heteo. 4 Ipinakuha niya si Batsheba na noo'y katatapos pa lamang ng kanyang paglilinis ayon sa tuntunin para sa mga babaing nireregla. Sinipingan siya ni David, at pinauwi pagkatapos. 5 Dahil sa nangyaring ito, si Batsheba'y nabuntis, at ipinasabi niya ito kay David.
6 Inutusan agad ni David si Joab na papuntahin sa kanya si Urias na Heteo. Iyon nga ang ginawa ni Joab. 7 Nang dumating ito, tinanong siya ni David, “Kumusta si Joab at ang hukbo? Ano ang lagay ng labanan?” 8 Sinabi pa niya kay Urias, “Umuwi ka na at sipingan ang iyong asawa sapagkat nanggaling ka pa sa malayong paglalakbay.” Lumakad nga si Urias. Ang hari ay nagpadala pa ng regalo para sa tahanan nito. 9 Ngunit hindi pala ito nagtuloy sa kanila. Sa halip, doon siya natulog sa may tarangkahan ng palasyo, kasama ng mga bantay. 10 Nalaman ito ni David at sinabi niya kay Urias, “Hindi ba't kararating mo lang buhat sa isang mahabang paglalakbay? Bakit hindi ka umuwi?”
11 Sumagot siya, “Ang Kaban ng Tipan at ang mga kawal ng Israel at Juda ay nasa mga tolda lamang, at sa labas naman natutulog ang aking pinunong si Joab at ang inyong mga punong-kawal. Sa ganitong kalagayan, hindi po maaatim ng aking kaloobang ako'y umuwi upang magpakaligaya sa piling ng aking asawa. Sa harapan ng Diyos, hindi ko po magagawa iyon.”
12 Sinabi ni David kay Urias, “Dumito ka muna ng isa pang araw at bukas ka na umalis.” Kaya nanatili siya sa Jerusalem nang araw na iyon. 13 Kinabukasan, inanyayahan ni David sa pagkain si Urias at ito'y kanyang nilasing. Hindi rin ito umuwi nang gabing iyon, bagkus natulog na kasama rin ng mga bantay.
14 Kinabukasan, sumulat si David kay Joab at ipinadala kay Urias. 15 Ganito ang nilalaman: “Ilagay mo si Urias sa unahan kung saan mainit ang labanan. Pagkatapos, iwan mo siya roon at bayaan mo siyang mapatay.” 16 Habang pinapaligiran nina Joab ang lunsod, inilagay niya si Urias sa gawing malalakas ang kaaway. 17 Lumabas ang mga kaaway mula sa lunsod, at sinalakay ang mga kawal ni Joab. Napatay ang ilang pinuno ni David, kasama si Urias. 18 Ipinadala ni Joab kay David ang ulat tungkol sa labanan. 19 Ngunit ito ang ipinagbilin niya, “Matapos mong ibalita sa hari ang tungkol sa labanan, 20 maaaring siya'y magalit at itanong, ‘Bakit kayo nagpakalapit sa lunsod? Hindi ba ninyo alam na maaari kayong panain mula sa itaas ng pader? 21 Hindi(B) ba ninyo alam ang dahilan ng pagkamatay ni Abimelec na anak ni Gideon?[a] Siya'y nabagsakan ng batong gilingan na inihulog ng isang babae mula sa itaas ng pader sa Tebez. Bakit masyado kayong lumapit sa pader?’ Kung magkagayon, saka mo sabihing napatay rin si Urias.”
22 Lumakad ang sugo at nag-ulat kay David ayon sa sinabi ni Joab. 23 Sinabi niya sa hari, “Lumabas po ang maraming mga kaaway at nilusob kami, ngunit napaurong namin sila hanggang sa may pasukan ng lunsod. 24 Noon po nila kami tinudla mula sa pader at ilan sa inyong mga pinuno ang napatay. Napatay rin po si Urias.”
25 Sumagot si David, “Kung gayon, sabihin mo kay Joab na huwag ikalungkot ang nangyari, sapagkat talagang ganyan ang labanan, may napapatay. Ipagpatuloy ninyo ang paglusob hanggang sa mawasak ang lunsod. Sabihin mong huwag masisira ang kanyang loob.”
26 Nang mabalitaan ni Batsheba na napatay si Urias, siya'y nagluksa. Pagkatapos ng pagluluksa, 27 ipinatawag siya ni David at naging asawa nito. Nagkaanak siya ng isang lalaki, ngunit hindi nalugod si Yahweh sa ginawang ito ni David.
Kayamanang Espirituwal sa Sisidlang Yari sa Putik
4 Dahil sa habag ng Diyos, ibinigay niya sa amin ang paglilingkod na ito kaya't hindi humihina ang aming loob. 2 Tinalikuran namin ang lahat ng lihim at kahiya-hiyang gawain. Hindi kami nanloloko ng mga tao, at hindi namin pinipilipit ang salita ng Diyos. Sa halip, hayagan naming ipinapangaral ang katotohanan. Kaya't maaari kaming suriin ninuman sa harapan ng Diyos.
3 Kung may talukbong pa ang Magandang Balitang ipinapahayag namin, ito'y may talukbong lamang sa mga napapahamak. 4 Hindi sila sumasampalataya sapagkat ang kanilang isip ay binulag ng diyos ng kasamaan sa daigdig na ito, upang hindi nila makita ang liwanag ng Magandang Balita tungkol sa kaluwalhatian ni Cristo na siyang larawan ng Diyos. 5 Hindi namin ipinapangaral ang aming sarili, kundi si Cristo Jesus bilang Panginoon. At kami ay lingkod ninyo alang-alang kay Jesus. 6 Sapagkat(A) ang Diyos na nag-utos na magkaroon ng liwanag sa gitna ng kadiliman ay siya ring nagbigay liwanag sa aming isip upang makilala namin ang kaluwalhatian ng Diyos na nahahayag sa mukha ni Cristo.
7 Ngunit kaming pinagkalooban ng kayamanang espirituwal na ito ay tulad sa mga palayok na gawa sa putik, upang ipakilala na ang dakilang kapangyarihang ito ay sa Diyos, at hindi sa amin. 8 Kabi-kabilaan ang pagpapahirap sa amin, ngunit hindi kami nalulupig. Kung minsa'y nababagabag, ngunit hindi kami nawawalan ng pag-asa. 9 Inuusig kami, ngunit hindi pinababayaan. Napapatumba kami, ngunit hindi lubusang nailulugmok. 10 Lagi naming taglay sa aming katawan ang kamatayan ni Jesus, upang sa pamamagitan ng aming katawan ay mahayag ang kanyang buhay. 11 Habang kami'y nabubuhay, lagi kaming nabibingit sa kamatayan alang-alang kay Jesus upang sa aming katawang may kamatayan ay mahayag ang kanyang buhay. 12 Kaya't habang nagwawagi sa amin ang kamatayan, nagwawagi naman sa inyo ang buhay.
13 Sinasabi(B) ng kasulatan, “Nagsalita ako sapagkat ako'y sumampalataya.” Sa ganoon ding diwa ng pananampalataya, nagsasalita kami dahil kami'y sumasampalataya. 14 Sapagkat alam naming ang Diyos na muling bumuhay sa Panginoong Jesus ay siya ring bubuhay sa amin kasama si Jesus, at magdadala sa atin sa kanyang piling. 15 Ang lahat ng pagtitiis ko ay para sa kapakanan ninyo upang sa pagdami ng mga nakakatanggap ng kagandahang-loob ng Diyos, lalo pang dumami ang magpapasalamat sa ikaluluwalhati niya.
Nabubuhay sa Pananampalataya
16 Kaya't hindi kami nasisiraan ng loob. Kahit na humihina ang aming katawang-lupa, patuloy namang pinalalakas ang aming espiritu araw-araw. 17 Ang bahagya at panandaliang kapighatiang dinaranas namin ngayon ay magbubunga ng kagalakang walang hanggan at walang katulad. 18 Kaya't ang paningin namin ay nakatuon sa mga bagay na di-nakikita, at hindi sa mga bagay na nakikita. Sapagkat panandalian lamang ang mga bagay na nakikita, ngunit walang hanggan ang mga bagay na di-nakikita.
Kamatayan sa Nagkasala
18 Sinabi sa akin ni Yahweh, 2 “Ano(A) ba ang ibig ninyong sabihin sa kasabihan ninyong, ‘Mga magulang ang kumain ng ubas na maasim, ngunit mga anak ang nangingilo ang mga ngipin’?”
3 “Ako ang buháy na Diyos,” sabi pa ni Yahweh, “hindi ninyo magagamit ngayon ang kasabihang ito sa Israel. 4 Akin ang buhay ng lahat ng tao, maging sa ama o sa anak, at ang kaluluwang magkasala ay mamamatay.
5 “Halimbawa na may isang taong masunurin sa Kautusan, tapat at lumalakad sa katuwiran. 6 Hindi siya nakikisalo sa handog na inihain sa mga sagradong burol, hindi sumasamba sa mga diyus-diyosan ng Israel. Hindi siya nangangalunya ni sumisiping sa babaing kasalukuyang nireregla. 7 Hindi siya nandadaya ng kapwa o nagnanakaw. Ibinabalik niya agad sa may-ari ang sangla ng nangungutang sa kanya. Marunong siyang tumulong sa nangangailangan. 8 Hindi siya nagpapatubo sa pagpapahiram ng pera. Siya ay makatarungan. 9 Sinusunod(B) niya ang aking mga utos at mga tuntunin. Ang ganitong tao ay matuwid at mabubuhay siya.
10 “Sakaling magkaanak siya ng magnanakaw, mamamatay-tao at hindi sumunod sa alinman sa mga tuntuning ito, 11 bagkus ay nakikisalo sa mga handaan sa mga sagradong burol, sumisiping sa asawa ng iba, 12 nang-aapi ng mahihirap, nagnanakaw, hindi marunong magbayad ng utang, sumasamba sa diyus-diyosan, gumagawa ng mga kasuklam-suklam na gawain, 13 at nagpapatubo. Palagay ba ninyo'y mabubuhay ang anak na ito? Hindi! Tiyak na mamamatay siya dahil sa mga kasuklam-suklam niyang gawain. Kung magkagayon, walang ibang dapat sisihin kundi siya.
14 “Halimbawa namang siya ay may anak. Nasaksihan ng anak na ito ang kasamaan ng kanyang ama, ngunit hindi niya ito pinarisan. 15 Hindi siya nakisalo sa mga handaan sa sagradong burol, hindi sumamba sa mga diyus-diyosan, hindi sumiping sa asawa ng iba. 16 Hindi rin siya gumawa ng masama kaninuman, hindi nanamsam ng sangla, at hindi nagnakaw. Siya ay matulungin sa nangangailangan, 17 lumalayo sa kasamaan, hindi nagpapatubo sa pautang, sumusunod sa aking Kautusan at lumalakad ayon sa aking mga tuntunin. Mabubuhay ang anak na iyon. Hindi siya mamamatay dahil sa kasamaan ng kanyang ama. 18 Ang kanyang ama ay mamamatay sapagkat nagnakaw at gumawa ng masama sa kanyang kapwa.
19 “Maaaring itanong mo kung bakit hindi dapat pagdusahan ng anak ang kasalanan ng ama. Sapagkat matuwid ang mga gawa ng anak, sumunod siyang mabuti sa aking mga tuntunin, kaya dapat siyang mabuhay. 20 Ang(C) nagkasala ang dapat mamatay. Ang anak ay di dapat magdusa dahil sa kasalanan ng ama, at ang ama ay di dapat magdusa dahil sa kasamaan ng anak. Ang matuwid ay mabubuhay dahil sa kanyang pagiging matuwid at ang masama ay mamamatay sa kanyang kasamaan.”
Matuwid ang Tuntunin ng Diyos
21 “Kung ang isang taong masama ay tumalikod sa kanyang kasamaan, sumunod sa aking mga tuntunin, at gumawa ng mabuti, siya ay mabubuhay. 22 Kakalimutan na ang lahat ng nagawa niyang kasalanan at mabubuhay siya dahil sa kabutihang ginawa niya sa bandang huli. 23 Hindi ko ikinasisiya ang kamatayan ng masama,” sabi pa ni Yahweh. “Ang ibig ko nga, siya'y magsisi at magbagong-buhay. 24 Ngunit kung ang isang taong matuwid ay magpakasama at gumawa ng mga kasuklam-suklam na gawain, hindi siya mabubuhay. Mamamatay siya dahil sa kanyang pagtataksil at sa kasalanang nagawa. Mawawalan ng kabuluhan ang lahat ng kabutihang ginawa niya noong una.
25 “Marahil ay sasabihin ninyong hindi tama itong ginagawa ko. Makinig kayo, mga Israelita: Matuwid ang aking tuntunin, ang pamantayan ninyo ang baluktot. 26 Kapag ang isang taong matuwid ay nagpakasama, mamamatay siya dahil sa kasamaang ginawa niya. 27 At ang masamang nagpakabuti at gumawa ng mga bagay na matuwid ay mabubuhay. 28 Dahil sa pagtalikod sa nagawa niyang kasamaan noong una, mabubuhay siya, hindi mamamatay. 29 Maaari ngang sabihin ninyong hindi tama ang ginagawa ko. Sasabihin ko namang ang ginagawa ninyo ang hindi tama.
30 “Kaya nga, bawat isa sa inyo ay hahatulan ko ayon sa kanyang ginawa. Magsisi nga kayo't tumalikod sa inyong kasamaan bago bumagsak sa inyo ang parusa. 31 Lumayo kayo sa inyong kasamaan at magbagong-buhay sapagkat di kayo dapat mamatay, mga Israelita. 32 Hindi(D) ko gustong mamatay ang sinuman, kaya magpakabuti na kayo upang mabuhay.”
Pagtitiwala sa Pag-iingat ng Diyos
Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit na si Jeduthun.
62 Tanging sa Diyos lamang ako ay aasa;
ang kaligtasa'y nagbubuhat sa kanya.
2 Tanging siya lamang ang tagapagligtas,
tagapagtanggol ko at aking kalasag;
akin ang tagumpay sa lahat ng oras!
3 Hanggang kailan ba ninyo lulupigin ang sinuman na nais ninyong patayin?
Tulad ng isang pader siya'y ibagsak, gaya ng bakod siya'y mawawasak.
4 Nais lamang ninyong siya ay siraan, sa inyong adhikang ibaba ang dangal;
ang magsinungaling, inyong kasiyahan.
Pangungusap ninyo, kunwa'y pagpapala,
subalit sa puso'y inyong sinusumpa. (Selah)[a]
5 Tanging sa Diyos lang ako umaasa;
ang aking pag-asa'y tanging nasa kanya.
6 Tanging siya lamang ang tagapagligtas,
tagapagtanggol ko at aking kalasag;
akin ang tagumpay sa lahat ng oras!
7 Ang kaligtasan ko't aking karangalan ay buhat sa Diyos, nasa kanya lamang.
Siya'y malakas kong tagapagsanggalang,
matibay na muog na aking kanlungan.
8 Mga kababayan, sa lahat ng oras magtiwala sa Diyos; sa kanya ilagak
ang inyong pasaning ngayo'y dinaranas;
siya ang kublihang may dulot na lunas. (Selah)[b]
9 Ang taong nilalang ay katulad lamang
ng ating hiningang madaling mapatid.
Pagsamahin mo ma't dalhin sa timbangan,
katumbas na bigat ay hininga lamang.
10 Huwag kang magtiwala sa gawang marahas,
ni sa panghaharang, umasang uunlad;
kahit umunlad pa ang iyong kabuhayan
ang lahat ng ito'y di dapat asahan.
11 Hindi na miminsang aking napakinggan
na taglay ng Diyos ang kapangyarihan,
12 at(A) di magbabago kanyang pagmamahal.
Ayon sa ginawa ng sinumang tao, doon nababatay ang gantimpala mo.
Pananabik sa Presensya ng Diyos
Awit(B) ni David, nang siya'y nasa ilang ng Juda.
63 O Diyos, ikaw ang aking Diyos na lagi kong hinahanap;
ang uhaw kong kaluluwa'y tanging ikaw nga ang hangad;
para akong tuyong lupa na tubig ang siyang lunas.
2 Hayaan mong sa santuwaryo ika'y aking mapagmasdan,
at ang likas mong kaluwalhatian at kapangyarihan.
3 Ang wagas na pag-ibig mo'y mainam pa kaysa buhay,
kaya pupurihin kita, O Diyos, at pararangalan.
4 Habang ako'y nabubuhay, ako'y magpapasalamat,
at ako ay dadalangin na kamay ko'y nakataas.
5 Itong aking kaluluwa'y tunay na masisiyahan,
magagalak na umawit ng papuring iaalay.
6 Laman ka ng gunita ko samantalang nahihimlay,
magdamag na ang palaging iniisip ko ay ikaw;
7 ikaw ang sa aki'y tumutulong sa tuwina,
kaya sa iyong pagkupkop ligaya kong awitan ka.
8 Itong aking kaluluwa'y sa iyo lang nananalig,
kaligtasan ko'y tiyak, dahil sa iyo'y nakasandig.
9 Ngunit silang nagbabantang kumitil sa aking buhay,
sila nga ang masasadlak sa malamig na libingan.
10 Mamamatay silang lahat sa larangan ng digmaan,
kakanin ng asong-gubat ang kanilang mga bangkay.
11 Dahilan sa iyo, O Diyos,
ang hari ay magdiriwang,
kasama ng mga tapat magpupuring walang hanggan.
Ngunit silang sinungaling, bibig nila ay tatakpan.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.