Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
1 Samuel 26

Hindi na Naman Pinatay ni David si Saul

26 Samantala,(A) nagbalik kay Saul sa Gibea ang mga Zifeo at sinabi nilang si David ay nagtatago sa kaburulan ng Haquila, sa silangan ng Jesimon. Kaya lumakad si Saul, kasama ang tatlong libong pinakamahusay na kawal na Israelita, patungo sa ilang ng Zif upang hanapin si David. Nagkampo sila sa tabing daan sa may kaburulan ng Haquila; sina David naman ay nasa ilang. Nang mabalitaan ni David na hinahanap na naman siya ni Saul, pinalakad niya ang ilan sa kanyang mga tauhan upang lihim na magsiyasat. Sa pamamagitan nila, natiyak niyang hinahanap nga siya ni Saul. Pumunta si David sa kampo ni Saul upang alamin ang kinalalagyan ni Saul. Nakita niyang napapaligiran si Saul ng mga kawal at natutulog sa tabi nito ang pinuno ng kanyang hukbo na si Abner na anak ni Ner.

Tinanong ni David ang Heteong si Ahimelec at si Abisai na kapatid ni Joab at anak ni Sarvia, “Sino ang sasama sa akin sa kampo ni Saul?”

“Ako,” sagot ni Abisai.

Kinagabihan, lihim na pinasok nina David at Abisai ang kampo ni Saul. Dinatnan nila itong tulog na tulog at napapaligiran ni Abner at ng buong hukbo. Ang sibat nito ay nakatusok sa gawing ulunan. Sinabi ni Abisai kay David, “Niloob ng Diyos na mahulog ngayon sa mga kamay mo ang iyong kaaway. Kung gusto mo, tatarakan ko na siya ng sibat. Isang saksak lang iyan at hindi na kailangang ulitin pa.”

Ngunit sinabi ni David, “Huwag mong gagawin iyan. Malaking kasalanan na pagbuhatan ng kamay ang haring pinili ni Yahweh. 10 Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy,[a] darating ang araw na mamamatay rin siya, maaaring sa sakit o sa digmaan. 11 Huwag(B) nawang itulot ni Yahweh na patayin ko ang kanyang piniling hari. Kunin na lang natin ang kanyang sibat, pati ang lalagyan niya ng inumin, at umalis na tayo.” 12 Kinuha nga ni David ang sibat sa ulunan ni Saul at ang lalagyan nito ng inumin, at sila'y umalis. Isa man kina Saul ay walang nagising sapagkat niloob ni Yahweh na makatulog sila nang mahimbing. Dumating at umalis sina David nang walang nakaalam.

13 Pagdating ni David sa kabilang gulod, tumayo siya sa isang mataas na lugar. 14 Sinigawan niya si Abner, “Abner, naririnig mo ba ako?” Ang sigaw niya'y dinig ng buong hukbo.

Sumagot si Abner, “Sino kang nambubulahaw sa hari?”

15 Sumagot naman si David, “Di ba't ikaw ang pinakamagaling na lalaki sa Israel? Bakit hindi mo binantayang mabuti ang mahal na hari? May nakapasok diyan upang patayin ang hari ngunit hindi mo man lamang namalayan. 16 Nagpabaya ka sa iyong tungkulin. Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy,[b] dapat kang mamatay sapagkat hindi mo binantayang mabuti ang haring pinili ni Yahweh. Nasaan ang sibat at ang lalagyan ng tubig ng hari?”

17 Nakilala ni Saul ang tinig ni David. “David, anak ko, ikaw ba iyan?” tanong niya.

“Ako nga po, mahal kong hari,” sagot ni David. 18 Sinabi pa niya, “Bakit ninyo ako inuusig hanggang ngayon? Ano po ba ang nagawa kong kasalanan? 19 Isinasamo ko, mahal na hari, pakinggan po sana ninyo ang aking sasabihin. Kung si Yahweh po ang may gusto na ako'y usigin ninyo, maghandog po kayo sa kanya para mabago ang kanyang pasya. Kung tao naman po ang may udyok nito, sumpain nawa siya ni Yahweh. Dahil sa ginagawa nilang ito, napalayo ako sa bayan ni Yahweh at napadpad sa lupaing diyus-diyosan lamang ang maaari kong sambahin. 20 Huwag ninyo sanang hayaang mapatay ako sa ibang lupain, at malayo kay Yahweh. Bakit ako, na pulgas lamang ang katulad ay gustong patayin ng hari? Bakit kailangan pa niya akong habulin na parang isang mailap na ibon?”

21 Sinabi ni Saul, “Nagkamali nga ako, David, aking anak. Magbalik ka na at hindi na kita gagawan ng masama sapagkat sa araw na ito'y hindi mo na naman ako pinatay. Naging hangal ako! Napakalaki ng kasalanan ko!”

22 Sumagot si David, “Narito ang inyong sibat, mahal na hari. Ipakuha ninyo rito sa isa ninyong tauhan. 23 Ang taong tapat at matuwid ay ginagantimpalaan ni Yahweh. Sa araw na ito'y niloob niyang mahulog kayo sa aking mga kamay ngunit hindi ko maaaring pagbuhatan ng kamay ang haring pinili ni Yahweh. 24 Pinahalagahan ko ngayon ang inyong buhay at nawa'y ganoon din ang gawin sa akin ni Yahweh. Nawa'y iligtas niya ako sa lahat ng kaguluhan.”

25 Sinabi ni Saul kay David, “Pagpalain ka ng Diyos, anak. Marami pang gawaing naghihintay sa iyo at tiyak kong magtatagumpay ka.”

Pagkatapos nito'y lumakad na si David at umuwi naman si Saul.

1 Corinto 7

Mga Katanungan tungkol sa Pag-aasawa

Tungkol naman sa inyong sulat, ganito ang masasabi ko: Mabuti sa isang tao na huwag makipagtalik[a]. Ngunit dahil sa lumalaganap na pakikiapid, bawat lalaki o babae ay dapat magkaroon ng sariling asawa. Dapat tuparin ng lalaki ang tungkulin niya sa kanyang asawa, at gayundin naman ang babae. Sapagkat hindi na ang babae ang may karapatan sa sarili niyang katawan kundi ang kanyang asawa. Gayundin naman, hindi na ang lalaki ang may karapatan sa sarili niyang katawan kundi ang kanyang asawa. Huwag ninyong ipagkait ang inyong sarili sa isa't isa, maliban na lamang kung napagkasunduan ninyong huwag munang magsiping sa maikling panahon upang maiukol ninyo ang inyong mga sarili sa pananalangin. Ngunit pagkatapos, muli kayong magsiping upang hindi kayo matukso ni Satanas dahil sa hindi na kayo makapagpigil.

Ang sinabi ko'y hindi utos kundi pag-unawa sa inyong kalagayan. Nais ko sanang ang bawat isa ay makatulad ko. Ngunit ang bawat tao'y may kanya-kanyang kaloob mula sa Diyos at ang mga ito'y hindi pare-pareho.

Ito naman ang masasabi ko sa mga walang asawa at sa mga biyuda: mabuti pa sa kanila ang manatiling katulad ko na walang asawa. Ngunit kung hindi sila makapagpigil sa sarili, mag-asawa na lang sila; mas mabuting mag-asawa kaysa hindi makapagpigil sa matinding pagnanasa.

10 Sa(A) mga may asawa, ito ang iniuutos ng Panginoon, hindi ako: huwag makipaghiwalay ang babae sa kanyang asawa. 11 Ngunit kung siya'y hihiwalay, manatili siyang walang asawa, o kaya'y muling makipagkasundo sa kanyang asawa. At huwag din namang hihiwalayan ng lalaki ang kanyang asawa.

12 Sa iba naman, ito ang sinasabi ko, ako ang nagsasabi at hindi ang Panginoon: kung ang isang lalaking mananampalataya ay may asawang di-mananampalataya at nais nitong patuloy na makisama sa kanya, huwag niya itong hiwalayan. 13 Kung ang isang babaing sumasampalataya ay may asawang hindi sumasampalataya at nais ng lalaking magpatuloy ng pakikisama sa kanya, huwag siyang makipaghiwalay. 14 Sapagkat ang lalaking hindi pa sumasampalataya ay itinatalaga sa Diyos sa pamamagitan ng kanyang asawa, at ang babaing hindi pa sumasampalataya ay itinatalaga sa Diyos sa pamamagitan ng kanyang asawa. Kung hindi gayon ay magiging marumi sa paningin ng Diyos ang kanilang mga anak; ngunit ang totoo, ang mga ito ay itinatalaga sa Diyos. 15 Kung nais namang humiwalay ng asawang di-mananampalataya sa kanyang asawang sumasampalataya, hayaan ninyo siyang humiwalay. Sa gayong mga pagkakataon, ang naturang kapatid ay malaya. Tinawag kayo ng Diyos upang mamuhay nang mapayapa. 16 Anong malay ninyo, mga babae, baka kayo ang maging kasangkapan sa ikaliligtas ng inyong asawa? At kayong mga lalaki, anong malay ninyo, baka kayo ang maging kasangkapan sa ikaliligtas ng inyong asawa?

Magpatuloy sa Dating Kalagayan sa Buhay

17 Mamuhay ang bawat isa ayon sa ipinagkaloob sa kanya ng Panginoon, at magpatuloy sa dati niyang kalagayan noong siya'y tawagin ng Diyos. Ito ang itinuturo ko sa lahat ng iglesya. 18 Kung(B) ang isang lalaki ay tuli na nang siya'y tawagin ng Diyos, huwag na niyang alisin ang mga palatandaan ng kanyang pagiging tuli. At kung hindi naman siya tuli nang tawagin, huwag na siyang mag-asam na magpatuli pa. 19 Hindi mahalaga kung ang isang tao ay tuli o hindi; subalit ang mahalaga ay ang pagsunod sa mga utos ng Diyos. 20 Manatili ang bawat isa sa kalagayan niya nang siya'y tawagin ng Diyos. 21 Ikaw ba'y isang alipin nang tawagin ka ng Diyos? Huwag kang mag-alala tungkol doon. Ngunit kung may pagkakataon kang maging isang malaya, samantalahin mo.[b] 22 Ang taong alipin nang tawagin ng Panginoon ay malaya na dahil sa Panginoon. Gayundin naman, ang taong malaya nang siya'y tawagin ni Cristo ay naging alipin ni Cristo. 23 Nabili na at bayád na kayo; huwag na kayong paalipin sa mga tao. 24 Mga kapatid, anuman ang kalagayan ninyo sa buhay nang kayo'y tawagin, manatili kayo roong kasama ng Diyos.

Tungkol sa mga Walang Asawa at mga Biyuda

25 Tungkol naman sa mga walang asawa, wala akong maibibigay na utos mula sa Panginoon. Ngunit magbibigay ako ng aking opinyon bilang isang taong dahil sa habag ng Diyos ay mapagkakatiwalaan.

26 Dahil sa matinding kahirapan sa kasalukuyan, inaakala kong mabuti pa sa isang tao ang manatili sa kanyang kalagayan. 27 Ikaw ba'y isang lalaking may asawa na? Huwag kang makipaghiwalay. Wala ka pa bang asawa? Huwag mo nang hangaring magkaasawa. 28 Ngunit kung ikaw ay mag-aasawa, hindi ka nagkakasala. Kung ang isang dalaga[c] ay mag-asawa, hindi rin siya nagkakasala. Ngunit ang nag-aasawa ay magdaranas ng mga kahirapan sa buhay na ito, at iyan ang nais kong maiwasan ninyo.

29 Mga kapatid, ito ang ibig kong sabihin: malapit na ang wakas ng panahon, kaya't mula ngayon, ang may asawa ay mamuhay na parang walang asawa; 30 ang mga nananangis, na parang di nananangis; ang mga nagagalak, na parang di nagagalak; ang mga bumibili, na parang walang ari-arian, 31 at ang mga gumagamit ng mga bagay ng sanlibutan, na para bang hindi nangangailangang gamitin ang mga ito. Sapagkat ang lahat ng bagay sa daigdig na ito'y hindi na magtatagal.

32 Nais kong mailayo kayo sa mga alalahanin sa buhay. Ang pinagkakaabalahan ng lalaking walang asawa ay ang mga gawaing ukol sa Panginoon—kung paano niya mabibigyan ng kaluguran ang Panginoon. 33 Ngunit ang pinagkakaabalahan ng lalaking may asawa ay ang mga bagay ng sanlibutang ito—kung paano niya mabibigyang kaluguran ang kanyang asawa. 34 Dahil dito'y hati ang kanyang malasakit. Gayundin naman, ang pinagkakaabalahan ng isang babaing walang asawa o ng isang dalaga ay ang mga bagay ukol sa Panginoon, sapagkat nais niyang maitalaga ang kanyang katawan at espiritu sa Panginoon. Subalit ang pinagkakaabalahan ng babaing may-asawa ay ang mga bagay ng sanlibutang ito—kung paano niya mabibigyang kaluguran ang kanyang asawa.

35 Sinasabi ko ito upang matulungan kayo. Hindi ko kayo hinihigpitan; ang nais ko'y maakay kayo sa maayos na pamumuhay at nang lubusan kayong makapaglingkod sa Panginoon.

36 Kung inaakala ng isang lalaki na nagkakaroon siya ng masidhing pagnanasa sa kanyang katipan, at dahil dito'y kailangang pakasal sila, pakasal na sila. Ito ay hindi kasalanan. 37 Ngunit kung ipinasya niyang huwag pakasalan ang kanyang kasintahan at hindi naman siya napipilitan lamang at siya'y may lubusang pagpipigil sa sarili, mabuti ang ganitong kapasyahan. 38 Kaya nga, mabuti ang magpasyang pakasalan ang kanyang kasintahan, ngunit mas mabuti ang hindi mag-asawa.[d]

39 Ang babae ay nakatali sa kanyang asawa habang nabubuhay ito. Kapag namatay ang lalaki, ang babae ay malaya nang mag-asawa sa sinumang maibigan niya, ngunit dapat ay sa isa ring nananampalataya sa Panginoon. 40 Subalit sa aking palagay, higit siyang magiging maligaya kung mananatili siya sa kanyang kalagayan bilang biyuda. Iyan ang palagay ko, at sa palagay ko nama'y nasa akin din ang Espiritu ng Diyos.

Ezekiel 5

Inahit ni Ezekiel ang Kanyang Buhok at Balbas

Sinabi sa akin ng Diyos, “Ezekiel, anak ng tao, kumuha ka ng isang matalim na tabak at ahitin mo ang iyong buhok at balbas. Pagkatapos, timbangin mo iyon at pagtatluhing bahagi. Sunugin mo sa gitna ng lunsod ang unang bahagi matapos itong kubkubin. Ang ikalawang bahagi ay tadtarin mo habang naglalakad ka sa buong lunsod. Ihagis mo naman sa hangin ang ikatlong bahagi at pasusundan ko ng tabak. Kumuha ka ng ilang hibla ng buhok at itali mo sa laylayan ng iyong kasuotan. Kapag naitali mo na, kumuha ka pa ng ilang hibla at sunugin mo. Ang apoy nito ay kakalat at susunog sa buong Israel.”

Sinabi ng Panginoong Yahweh, “Ang lunsod ng Jerusalem ay ginawa kong pinakasentro ng mga bansa. Ngunit nilabag niya ang aking Kautusan at mga tuntunin. Nagpakasama siya nang higit pa sa mga bansa sa kanyang paligid. Tinalikuran nga niya ang aking Kautusan at iniwan ang aking mga tuntunin. Kaya, ganito ang sabihin mo sa kanila: Dahil sa kaguluhan mong higit pa sa bansa sa inyong paligid, sa pagtalikod ng mamamayan mo sa aking mga tuntunin at Kautusan, at sa inyong paglakad ayon sa tuntunin ng mga bansang iyon, ako ay laban sa inyo ngayon. Paparusahan ko kayo sa harapan ng inyong mga kaaway. At dahil sa inyong kasamaan, gagawin ko sa inyo ang isang bagay na hindi ko pa ginagawa at hindi ko na gagawin pa. 10 Kakainin(A) ng magulang ang kanilang mga sariling anak, at ng mga anak ang kanilang mga sariling magulang. Paparusahan ko nga kayo, at ang matirang buháy ay pangangalatin ko sa lahat ng dako. 11 Kayong lahat ay buong lupit kong ibabagsak dahil sa inyong kasamaan at paglapastangan sa aking Templo sa pamamagitan ng kasuklam-suklam ninyong gawain. 12 Hahatiin ko kayo sa tatlo. Ang unang bahagi ay papatayin ko sa salot at sa matinding taggutom. Ang ikalawa'y sa pamamagitan ng tabak. Ang ikatlo'y ikakalat ko sa lahat ng dako, at patuloy kong uusigin.

13 “Ibubuhos ko sa inyo ang aking poot hanggang sa gumaan ang aking loob. Kung madama ninyo ang bigat ng aking parusa, makikilala ninyo na akong si Yahweh ay marunong mapoot dahil sa matinding panibugho. 14 Gagawin ko kayong isang pook ng lagim, at katatawanan ng lahat ng bansa sa paligid, ng lahat ng makakakita sa inyo. 15 Mabibilad kayo sa kahihiyan at lilibakin. Magsisilbi kayong babala sa mga bansa sa inyong paligid sa sandaling ipataw ko sa inyo ang mabigat na parusa bunga ng matinding poot ko sa inyo. Akong si Yahweh ang nagsabi nito. 16 Mangyayari ito sa sandaling padalhan ko kayo ng matinding taggutom at iba't ibang kahirapan. 17 Padadalhan(B) ko kayo ng taggutom at mababangis na hayop na siyang lalapa sa inyong mga anak. Makakaranas kayo ng salot at digmaan; hahayaan ko rin kayong usigin. Akong si Yahweh ang maysabi nito.”

Mga Awit 42-43

IKALAWANG AKLAT

Panaghoy ng Isang Dinalang-bihag

Isang Maskil[a] ng angkan ni Korah, upang awitin ng Punong Mang-aawit.

42 Kung paanong batis ang siyang hanap ng isang usa;
    gayon hinahanap ang Diyos ng uhaw kong kaluluwa.
Nananabik ako sa Diyos, sa Diyos na buháy, walang iba;
    kailan kaya maaaring sa presensya mo'y sumamba?
Araw-gabi'y tumataghoy, gabi't araw tumatangis;
    naging tanging pagkain ko'y mga luha sa paghibik.
Itong mga kaaway ko, sa tuwina'y yaong sambit,
    “Nasaan ba ang iyong Diyos? Hindi namin namamasid.”

Nagdurugo ang puso ko, kapag aking maalala
    ang lumipas na kahapong lagi kaming sama-sama,
    papunta sa templo ng Diyos na ako ang nangunguna;
    pinupuri namin ang Diyos sa pag-awit na masaya!
Bakit ako nanlulumo, bakit ako nagdaramdam?
Sa Diyos ako may tiwala, siyang aking aasahan;
    Diyos na Tagapagligtas, muli ko siyang aawitan.

Siya ay gugunitain ng puso kong tigib-hirap,
    habang ako'y nasa Jordan, sa Hermon, at sa Mizar
    di ko siya malilimot, gugunitain oras-oras.
Ang dagat na kalaliman pakinggan at umuugong,
    at doon ay maririnig, lagaslas ng mga talon;
    ang katulad: nagagalit, malalaking mga alon,
    na sa aking kaluluwa ay ganap na tumatabon.
Nawa ang pag-ibig ni Yahweh ay mahayag araw-araw,
    gabi-gabi siya nawa'y purihin ko at awitan;
    dadalangin ako sa Diyos, na sa aki'y bumubuhay.

Sa Diyos na sanggalang ko ganito ang aking wika,
    “Bakit ako ay nilimot, nilimot mo akong kusa?
Bakit ako nagdurusa sa kamay ng masasama?”
10 Kalooban ko'y nanghihina sa pagkutya ng kalaban,
    habang sila'y nagtatanong,
    “Ang Diyos mo ba ay nasaan?”

11 Bakit ako nalulungkot, bakit ako nagdaramdam?
Sa Diyos ako'y may tiwala, siyang aking aasahan;
    magpupuri akong muli, pupurihing walang humpay,
    ang aking Tagapagligtas, ang Diyos na walang hanggan.

Panalangin ng Isang Dinalang-bihag(A)

43 Hatulan mong ako'y walang kasalanan, Panginoon,
    at laban sa masasama, ako'y iyong ipagtanggol;
    sa masama't sinungaling, ilayo mo ako ngayon!
Diyos na aking sanggalang, bakit mo ako iniwan?
Bakit ako nagdurusa sa pahirap ng kaaway?

Ang totoo't ang liwanag, buhat sa iyo ay pakamtan,
    upang sa Zion ay mabalik, sa bundok mong dakong banal
    sa bundok mong pinagpala, at sa templo mong tirahan.
Sa dambana mo, O Diyos, ako naman ay dudulog,
    yamang galak at ligaya ang sa aki'y iyong dulot;
sa saliw ng aking alpa'y magpupuri akong lubos,
    buong lugod na aawit ako sa Diyos, na aking Diyos!

Bakit ako nababahala, bakit ako nahahapis?
    Sa Diyos ako ay aasa at sa kanya mananalig.
Muli akong magpupuri sa Diyos ko't Tagapagligtas,
    itong aking pagpupuri sa kanya ko ihahayag!

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.