M’Cheyne Bible Reading Plan
28 Nang panahong iyon, inihahanda ng mga Filisteo ang kanilang hukbong sandatahan upang digmain ang Israel. Sinabi ni Aquis kay David, “Inaasahan kong ikaw at ang mga tauhan mo'y sasanib sa aking hukbo.”
2 Sumagot si David, “Maaasahan po ninyo. Ngayon ko ipapakita sa inyo kung ano ang magagawa ko.”
Sinabi ni Aquis, “Mabuti kung gayon. Ikaw ang gagawin kong pansariling bantay ko habang buhay.”
Sumangguni si Saul sa Isang Kumakausap sa Espiritu ng mga Namatay na
3 Patay(A) na noon si Samuel at ipinagluksa siya ng buong Israel. Siya'y inilibing nila sa Rama, sa kanyang sariling bayan. Noon ay pinalayas na ni Saul ang mga sumasangguni sa espiritu ng mga namatay na at ang mga manghuhula.
4 Ang mga Filisteo ay nagkampo sa Sunem at sina Saul naman ay sa Gilboa. 5 Nanginig sa takot si Saul nang makita niya ang hukbo ng mga Filisteo. 6 Nang(B) sumangguni siya kay Yahweh, hindi sumagot si Yahweh kahit sa pamamagitan ng panaginip, ni sa pamamagitan man ng Urim o ng mga propeta. 7 Dahil dito, iniutos niya sa kanyang mga tagapaglingkod na ihanap siya ng isang babaing kumakausap sa mga espiritu ng namatay na upang siya'y tanungin. Sinabi naman sa kanya ng kanyang mga lingkod na mayroong ganoong babae sa Endor.
8 Nagbalatkayo si Saul, isinama ang dalawa niyang tagapaglingkod at sila'y lumakad. Gabi na nang dumating sila sa Endor. Sinabi niya sa babae, “Tingnan mo nga kung ano ang magiging kapalaran ko; kausapin mo ang espiritu ng sinumang sasabihin ko sa iyo.”
9 Sinabi sa kanya ng babae, “Hindi mo ba alam na pinalayas na ni Saul sa Israel ang mga sumasangguni sa mga espiritu ng patay at ang mga manghuhula? Bakit mo inilalagay sa panganib ang aking buhay?”
10 Kaya't nangako si Saul sa pangalan ni Yahweh. Sinabi niya, “Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy,[a] hindi ka mapaparusahan dahil sa gagawin mong ito.”
11 Itinanong(C) ng babae, “Kaninong espiritu ang gusto mong tawagin ko?”
“Kay Samuel,” sagot niya.
12 Nang makita ng babae si Samuel, napasigaw ito. Sinabi niya kay Saul, “Bakit ninyo ako nilinlang? Kayo pala si Haring Saul!”
13 Sinabi ni Saul, “Huwag kang matakot. Ano ba ang nakita mo?”
“Isang espiritu na lumilitaw mula sa lupa,” sagot ng babae.
14 Itinanong ni Saul, “Ano ang hitsura?”
“Isa siyang matandang lalaking nakabalabal,” sagot ng babae. Natiyak ni Saul na si Samuel ang tinutukoy ng babae, kaya siya'y nagpatirapa at nagbigay-galang.
15 Itinanong ni Samuel kay Saul, “Bakit mo ginagambala ang aking pamamahinga?”
Sumagot siya, “May malaki akong suliranin. Sinasalakay kami ng mga Filisteo. Tinalikuran na ako ng Diyos at ayaw na niyang magpahayag sa akin, maging sa mga propeta o sa mga panaginip. Ipinatawag nga kita upang itanong kung ano ang dapat kong gawin.”
16 Sinabi ni Samuel, “Bakit magtatanong ka pa sa akin gayong tinalikuran ka na ni Yahweh at siya'y kaaway mo na? 17 Iyan(D) na ang katuparan ng ipinasabi niya sa iyo. Inalis na sa iyo ang pagiging hari, at ibinigay na kay David. 18 Hindi(E) mo sinunod ang kanyang utos na lipulin ang mga Amalekita, kaya ginagawa niya ito sa iyo. 19 Ikaw at ang buong Israel ay ibibigay ni Yahweh sa kamay ng mga Filisteo. Bukas, ikaw at ang iyong mga anak ay mamamatay rin sapagkat niloob na ni Yahweh na mahulog kayo sa kamay ng mga Filisteo.”
20 Dahil sa matinding takot sa sinabi ni Samuel, biglang nabuwal si Saul sa lupa. Bukod dito, hinang-hina na siya dahil sa pagod at gutom sapagkat maghapo't magdamag na siyang hindi kumakain. 21 Nilapitan siya ng babae at nakita niyang takot na takot si Saul. Kaya, sinabi niya, “Pinagbigyan ko po ang inyong kahilingan kahit alam kong nakataya ang aking buhay. 22 Ngayon po, ako naman ang hihiling sa inyo. Ipaghahanda ko kayo ng pagkain para lumakas kayo at makapagpatuloy sa inyong lakad.”
23 Sumagot si Saul, “Ayokong kumain.” Ngunit pinilit siya ng kanyang mga tauhan at ng babae. Pumayag na rin siya at pagkatapos ay naupo sa isang higaan. 24 Ang babae ay may isang pinatabang guya. Dali-dali niya itong kinatay. Nagmasa siya ng harina, ginawa itong tinapay na walang pampaalsa, 25 saka inihain kay Saul at sa mga kasamahan nito. Pagkakain, nagmamadali silang umalis.
Mga Karapatan at Tungkulin ng Isang Apostol
9 Hindi ba ako malaya? Hindi ba ako apostol? Hindi ba't nakita ko si Jesus na ating Panginoon? Hindi ba kayo ang bunga ng aking paglilingkod sa kanya? 2 Ang iba'y ayaw kilalanin ang aking pagka-apostol, subalit para sa inyo, ako'y isang apostol, at kayo ang katibayang ako'y apostol nga ng Panginoon.
3 Ito ang sagot ko sa mga pumupuna sa akin. 4 Wala ba kaming karapatang tustusan ng iglesya sa aming pangangailangan?[a] 5 Wala ba kaming karapatang magsama ng asawang Cristiano, tulad ng ginagawa ng ibang mga apostol, at ng mga kapatid ng Panginoon, at gayundin ni Pedro? 6 Kami lamang ba ni Bernabe ang walang karapatang tumigil sa paghahanapbuhay? 7 Ang kawal ba ang gumagastos para sa kanyang pangangailangan habang naglilingkod siya? Sinong tao ang nagtatanim ng ubas at hindi nakikinabang sa mga bunga nito? Sinong pastol ang nag-aalaga ng tupa at hindi nakikinabang sa gatas nito?
8 Ang sinasabi ko ay hindi nababatay sa kaisipan lamang ng tao. Ganoon din ang sinasabi ng Kautusan. 9 Sapagkat(A) nasusulat sa Kautusan ni Moises, “Huwag mong bubusalan ang bibig ng baka habang ito'y gumigiik.” Mga baka nga kaya ang inaalala ng Diyos? 10 Hindi ba tayo ang tinutukoy niya? Alang-alang sa atin kaya iyon isinulat, sapagkat ang magsasakang nag-aararo at ang naghihiwalay ng mga butil sa uhay ay gumagawa sa pag-asang may bahagi sila sa aanihin. 11 Naghasik(B) kami sa inyo ng pagpapalang espirituwal; malaking bagay ba naman kung umani kami ng mga materyal na pakinabang mula sa inyo? 12 Kung ang iba'y may ganitong karapatan, lalo na kami!
Ngunit hindi namin ginamit ang karapatang ito. Tiniis namin ang lahat upang hindi kami maging hadlang sa Magandang Balita tungkol kay Cristo. 13 Hindi(C) ba ninyo alam na ang mga naglilingkod sa Templo ay tumatanggap ng pagkain mula sa Templo, at ang mga naglilingkod sa dambana ay may bahagi sa mga handog na nasa dambana? 14 Sa(D) ganyan ding paraan, ipinag-utos ng Panginoon na ang mga nangangaral ng Magandang Balita ay dapat matustusan ang ikabubuhay sa pamamagitan ng Magandang Balita.
15 Ngunit hindi ko ginamit ang alinman sa mga karapatang ito, at hindi ko kayo sinusulatan ngayon upang hingan ng tulong. Mas iibigin ko pang mamatay kaysa mawala sa akin ang bagay na maipagmamalaki ko! 16 Hindi ngayo't nangangaral ako ng Magandang Balita ay maaari na akong magmalaki. Sapagkat iyan ay tungkuling iniatang sa akin, sumpain ako kung hindi ko ipangaral ang Magandang Balita! 17 Kung ginagawa ko ito nang kusang-loob, ako'y may maaasahang kabayaran, ngunit ginagawa ko ito bilang pagtupad sa tungkuling ipinagkatiwala sa akin ng Diyos. 18 Ano ngayon ang aking kabayaran? Ang maipangaral ko nang walang-bayad ang Magandang Balita, at ang hindi ko paggamit ng karapatang nauukol sa akin bilang tagapangaral.
19 Malaya ako at di alipin ninuman; ngunit nagpaalipin ako sa lahat upang makahikayat ako ng mas marami sa Panginoon. 20 Sa piling ng mga Judio, ako'y namuhay tulad ng isang Judio upang mahikayat ko sila. Kahit hindi ako saklaw ng Kautusan, nagpailalim ako rito alang-alang sa mga nasa ilalim ng Kautusan, upang mailapit ko sila sa Diyos. 21 Sa piling naman ng mga Hentil, na hindi saklaw ng Kautusan, ako'y naging parang Hentil upang sila'y mahikayat ko rin. Subalit hindi ito nangangahulugang hindi ko sinusunod ang mga utos ng Diyos, sapagkat ako'y nasa ilalim ng kautusan ni Cristo. 22 Sa piling ng mahihina, ako'y naging parang mahina rin upang mahikayat ko sila. Ako'y nakibagay sa lahat ng tao upang sa lahat ng paraan ay makapagligtas ako ng kahit ilan man lamang.
23 Ginagawa ko ang lahat ng ito alang-alang sa Magandang Balita, upang makabahagi ako sa mga pagpapala nito. 24 Alam ninyong ang mga kalahok sa paligsahan ay tumatakbong lahat, ngunit iisa lamang ang nagkakamit ng gantimpala! Kaya't pagbutihin ninyo ang pagtakbo upang kamtan ninyo ang gantimpala. 25 Lahat(E) ng manlalarong nagsasanay ay may disiplina sa lahat ng bagay upang magkamit ng isang gantimpalang panandalian lamang. Ngunit ang gantimpalang hinahangad natin ay panghabang panahon. 26 Hindi ako tumatakbo nang walang patutunguhan at hindi ako sumusuntok sa hangin. 27 Subalit pinahihirapan ko ang aking katawan at sinusupil ito, upang sa gayo'y hindi ako maalis sa paligsahan pagkatapos kong mangaral sa iba.
Dumating na ang Wakas
7 Sinabi sa akin ni Yahweh, 2 “Sabihin mo sa bayang Israel: Dumating na ang wakas! Dumating na ang wakas sa apat na sulok ng daigdig. 3 Dumating na ngayon ang inyong katapusan. Ibubuhos ko na sa inyo ang aking matinding poot at hahatulan ko kayo ayon sa inyong mga gawa. Paparusahan ko kayo dahil sa inyong kasamaan. 4 Wala akong patatawarin isa man. Paparusahan ko kayo dahil sa inyong kasamaan. Sa gayon, makikilala ninyong ako si Yahweh.”
5 Ipinapasabi ng Panginoong Yahweh, “Hindi na magtatagal at sunud-sunod na kasawian ang aabot sa inyo. 6 Dumating na ang wakas! Ito na ang inyong katapusan. 7 Dumating na ang inyong katapusan, mga mamamayan ng lupain. Dumating na ang panahon, malapit na ang araw ng kaguluhan. Tapos na ang masasayang araw sa tuktok ng bundok. 8 Ibubuhos ko ngayon sa inyo ang aking poot. Uubusin ko sa inyo ang matinding galit ko. Hahatulan ko kayo ayon sa inyong mga gawa. Paparusahan ko kayo dahil sa inyong kasamaan. 9 Wala akong patatawarin ni isa man. Paparusahan ko nga kayo dahil sa inyong kasamaan. Sa gayo'y malalaman ninyo na akong si Yahweh ay talagang nagpaparusa.
10 “Ngayon na ang araw! Ito na ang inyong katapusan. Sukdulan na ang inyong kapalaluan. Laganap na ang karahasan. 11 Laganap na ang karahasan at kasamaan. Walang ititira sa kanila, lahat ay mawawala: kasaganaan, kayamanan, kabantugan. 12 Dumarating na ang panahon. Malapit na ang araw. Nagsisisi ang mga namili at natutuwa ang nagbenta; ang poot ng Diyos ay nag-aalab sa kanila at sila'y pare-parehong babagsakan ng poot ng Diyos. 13 Ang mga ipinagbili ay di na maisasauli sa nagbenta kahit sila mabuhay; wala nang saulian dahil sa kaguluhan. Sila'y pare-parehong babagsakan ng poot ng Diyos at dahil sa kanilang kasamaan, walang matitirang buháy.
Ang Parusa sa Israel
14 “Humudyat na ang tambuli at handa na ang lahat ngunit walang lumabas upang makipagbaka pagkat pare-pareho silang inabot ng aking poot. 15 Nasa labas ng bayan ang digmaan, nasa loob naman ang salot at taggutom. Ang nasa bukid ay namamatay sa digmaan. Ang nasa loob ng bayan ay nauubos sa salot at taggutom. 16 Kung may makatakas man sa bundok, sila'y matatagpuan sa mga bundok, na parang mga kalapating lumisan sa mga libis; sila'y nangangatog[a] sa takot dahil sa kanilang kasamaan. 17 Lahat ng kamay ay nanghihina at bawat tuhod ay nangangatog. 18 Bawat isa'y nakabalot ng sako, pinaghaharian ng matinding takot. Ang kanilang mga ulo'y naahitan, nakatungo dahil sa laki ng kahihiyan. 19 Ipinagtatapon na sa lupa ang kanilang pilak. Ang mga ginto'y wala nang halaga. Ang pilak at ginto nila'y walang maitulong sa kanila sa araw ng poot ni Yahweh. Hindi mapawi ng mga ito ang kanilang gutom, hindi nila ito makain. Ibinagsak sila ng sariling kasamaan. 20 Ang naggagandahan nilang hiyas na ginamit sa kapalaluan at ginawang diyus-diyosan at iba pang kasuklam-suklam na mga bagay ay ginawa kong walang kabuluhan. 21 Ang pilak at ginto nila'y pababayaan kong nakawin ng ibang tao at ipasasamsam sa mga taong walang Diyos, pati itinuturing nilang sagrado upang ipasalaula sa mga ito. 22 Sila'y tatalikuran ko. Pababayaan kong salaulain pati ang aking Templo. Papasukin ito ng mga magnanakaw, sasalaulain, at gagawing isang dakong mapanglaw.
23 “Naghahari ang kaguluhan; laganap ang patayan sa lunsod at ito'y pinaghaharian ng karahasan. 24 Ang mga tirahan nila'y ipasasamsam ko sa pinakamasasamang bayan. Wawakasan ko na ang kanilang pagpapalalo at hahayaan kong masalaula ang kanilang banal na dako. 25 Darating sa kanila ang kaguluhan. Hahanapin nila ang kapanatagan ngunit hindi nila ito makikita. 26 Darating din sa kanila ang sapin-saping kapahamakan at nakakapangilabot na balita. Kaya't sasangguni sila sa propeta ngunit wala itong maipapahayag sa kanila. Hihingi sila ng payo sa mga pari ngunit wala itong maisasagot sa kanila. Pati ang matatanda'y walang masasabi sa kanila. 27 Mananaghoy ang hari, sasakmalin ng takot ang mga pinuno at manginginig sa takot ang mga karaniwang tao. Gagawin ko sa kanila ang nararapat sa kanilang gawa at hahatulan sila ayon sa kanilang pamumuhay. Sa gayon, malalaman nilang ako si Yahweh.”
Awit sa Maharlikang Kasalan
Isang Maskil[a] ng angkan ni Korah, upang awitin ng Punong Mang-aawit; isang awit ng pag-ibig.
45 Kay gagandang pangungusap ang naroon sa isipan,
habang aking hinahabi ang awit sa haring mahal;
ang katulad ng dila ko ay panulat ng maalam,
panulat ng dalubhasang sumulat ng kasaysayan.
2 Sa lahat nga ng nilikha, makisig kang hindi hamak,
kapag nagtatalumpati'y pambihira kung mangusap;
ikaw nga ay pinagpala ng Diyos sa tuwi-t’wina.
3 O ikaw na haring bantog, isakbat mo ang sandata;
sagisag mo'y maharlika, malakas nga't dakila ka!
4 Maglakbay kang mayro'ng dangal tinataglay ang tagumpay,
alang-alang sa matuwid, ipagtanggol ang katuwiran;
tagumpay ay matatamo sa lakas mong tinataglay.
5 Palaso mo'y matatalim, pumapatay ng kaaway;
susuko ang mga bansa at sa iyo'y magpupugay.
6 Iyang(A) tronong tinanggap mo na kaloob ng Diyos,[b]
isang tronong magtatagal at hindi na matatapos;
matuwid kang maghahari sa bansa mong nasasakop.
7 Katarunga'y iyong mahal, sa masama'y namumuhi;
kaya naman ang iyong Diyos, tanging ikaw ang pinili;
higit sa sinumang hari, kagalakang tanging-tangi.
8 Sa damit mo'y nalalanghap, tatlong uri ng pabango,
mira, aloe saka kasia na buhat sa ibang dako;
inaaliw ka ng tugtog sa garing na palasyo mo.
9 O kay gagandang prinsesa ang katulong na dalaga,
samantalang sa kanan mo, nakatayo yaong reyna,
palamuti'y gintong lantay sa damit na suot niya.
10 O kabiyak nitong hari, ang payo ko'y ulinigin;
ang lahat mong kamag-anak at ang madla ay limutin.
11 Sa taglay mong kagandahan ang hari ang paibigin;
siya'y iyong Panginoon, marapat na iyong sundin.
12 Yaong mga taga-Tiro, handog nila ay dadalhin,
pati mga mayayaman sa iyo ay susuyo rin.
13 Ang prinsesa sa palasyo'y pagmasdan mo't anong ganda;
sinulid na gintung-ginto ang hinabing damit niya.
14 Sa magara niyang damit, sa hari ay pinapunta,
mga abay ay kasama, haharap sa hari nila.
15 Sama-samang masasaya, ang lahat ay nagagalak
nagsipasok sa palasyo, kanyang hari ay hinanap.
16 Darami ang iyong supling, sa daigdig maghahari,
kapalit ng ninuno mo sa sinundang mga lahi.
17 Dahilan sa aking awit, ikaw nama'y dadakila,
kailanma'y pupurihin nitong lahat na nilikha!
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.