Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
2 Samuel 7

Ang Kasunduan ng Diyos kay David(A)

Si David ay panatag nang nakatira sa kanyang palasyo. Sa tulong ni Yahweh, hindi na siya ginambala ng kanyang mga kaaway. Tinawag niya si Natan at sinabi, “Ang tahanan ko'y yari sa sedar, samantalang nasa isang tolda lamang ang Kaban ng Diyos.”

Sumagot si Natan, “Isagawa mo ang iyong iniisip, sapagkat si Yahweh ay sumasaiyo.” Ngunit nang gabi ring iyon, sinabi ni Yahweh kay Natan, “Pumunta ka kay David na aking lingkod at sabihin mo, ‘Ipagtatayo mo ba ako ng tahanan? Mula nang ilabas ko sa Egipto ang Israel, wala pa akong bahay na masasabing akin. Hanggang ngayo'y tolda pa ang aking tahanan. Kahit lagi akong kasama ng Israel, wala akong sinabing anuman sa sinumang pinuno tungkol sa tahanang sedar na dapat kong tirhan, gayong ako ang pumili sa kanila upang mamahala sa aking kawan.’ Sabihin mo rin sa lingkod kong si David ang salitang ito ni Yahweh: ‘Kinuha kita mula sa pagpapastol ng tupa upang gawing pinuno ng bayang Israel. Kasama mo ako saan ka man magtungo at lahat mong mga kaaway ay aking nilipol. Gagawin kong dakila ang iyong pangalan tulad ng mga dakilang tao sa daigdig. 10 Bibigyan ko ang Israel ng kanyang lupa at doon ko papatirahin. Wala nang gagambala sa kanila roon; wala nang taong mararahas na aalipin sa kanila tulad noong una, 11 buhat nang maglagay ako ng hukom nila. Magiging payapa ka sapagkat wala nang gagambala sa iyo. Bukod dito, akong si Yahweh ay nagsasabi sa iyo, papatatagin ko ang iyong sambahayan. 12 Pagkamatay(B) mo, isa sa mga anak mong lalaki ang hahalili sa iyo bilang hari, at papatatagin ko ang kanyang kaharian. 13 Siya ang magtatayo ng templo para sa akin, at sa kanyang angkan magmumula ang maghahari sa aking bayan magpakailanman. 14 Ako'y(C) kanyang magiging ama at siya'y aking magiging anak. Kung siya'y magkasala, paparusahan ko siya tulad ng pagpaparusa ng ama sa nagkakasalang anak. 15 Ngunit ang paglingap ko sa kanya'y hindi magbabago, di tulad ng nangyari kay Saul. 16 Magiging(D) matatag ang iyong sambahayan, ang iyong kaharia'y hindi mawawaglit sa aking paningin at mananatili ang iyong trono magpakailanman.’” 17 Isinaysay nga ni Natan kay David ang lahat ng sinabi sa kanya ni Yahweh.

Ang Panalangin ni David(E)

18 Pagkatapos nito, pumasok sa tolda si Haring David, umupo at nanalangin. Sinabi niya, “Ako po at ang aking pamilya ay hindi karapat-dapat sa lahat ng kabutihang ginawa ninyo sa akin, Panginoong Yahweh. 19 Maaaring maliit na bagay lamang ito sa inyong paningin, O Panginoong Yahweh, subalit napakalaki para sa amin sapagkat tiniyak na ninyo ang magandang kalagayan ng sambahayan ko para sa hinaharap. 20 Wala na akong masasabi sapagkat kilala ninyo ang inyong lingkod. 21 Ayon sa inyong pangako, niloob ninyong maging dakila ang inyong lingkod. 22 Napakadakila mo, O Panginoong Yahweh. Wala pa kaming nababalitaang Diyos na tulad ninyo. Ikaw lamang ang Diyos. 23 Walang(F) bansang maitutulad sa Israel. Ito'y hinango ninyo sa pagkaalipin upang maging inyong bayan. Ito lamang ang bansang pinagpakitaan ninyo ng mga kakila-kilabot at dakilang bagay para sila'y matulungan. Itinaboy ninyo ang ibang mga bansa at inalis ang kanilang mga diyus-diyosan pagdating nila. 24 Yahweh, itinatag ninyo ang bansang Israel upang maging inyo magpakailanman at kayo po ang kanilang naging Diyos.

25 “At ngayon Panginoong Yahweh, gawin ninyo ang inyong pangako sa inyong alipin at sa kanyang sambahayan. 26 Pararangalan ang inyong pangalan ng lahat ng bansa at sasabihin nila, ‘Si Yahweh, ang Makapangyarihan, ay Diyos ng Israel!’ Sa gayon, magiging matatag sa harapan ninyo ang sambahayan ni David na inyong lingkod. 27 Yahweh, Makapangyarihang Diyos ng Israel, nagkaroon ako ng lakas ng loob na manalangin ng ganito sapagkat kayo na rin ang nagsabi sa inyong lingkod na paghahariin ninyo sa Israel ang aking angkan.

28 “Panginoong Yahweh, kayo'y tapat at tumutupad sa mga pangako ninyo sa akin. 29 Ngayo'y pagpalain ninyo ang sambahayan ng inyong lingkod upang ito'y magpatuloy. Panginoong Yahweh, ikaw rin ang nangako nito kaya manatili nawa sa aking angkan ang iyong pagpapala.”

2 Corinto 1

Mula(A) kay Pablo na isang apostol ni Cristo Jesus ayon sa kalooban ng Diyos, kasama ang kapatid nating si Timoteo—

Para sa iglesya ng Diyos sa Corinto at sa mga hinirang ng Diyos, na nasa buong Acaya.

Sumainyo nawa ang pagpapala at ang kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo.

Pasasalamat ni Pablo

Purihin natin ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo, ang Ama ng kahabagan at Diyos na pinagmumulan ng lahat ng kaaliwan. Inaaliw niya kami sa aming mga kapighatian upang sa pamamagitan ng kaaliwang tinanggap natin sa kanya ay maaliw naman namin sa mga nahahapis. Sapagkat kung gaano karami ang aming paghihirap dahil sa aming pakikipag-isa kay Cristo, gayundin naman karami ang aming kaaliwan kay Cristo. Kung naghihirap man kami, ito'y para sa ikaaaliw at ikaliligtas ninyo. Kapag naaaliw kami, kayo ma'y naaaliw rin at lumalakas upang inyong matiis ang mga kapighatiang dinaranas ninyo tulad namin. Kaya't matibay ang aming pag-asa para sa inyo, sapagkat alam naming kung paanong kahati kayo sa aming kahirapan, magiging kahati rin kayo sa aming kaaliwan.

Mga(B) kapatid, nais naming malaman ninyo ang mga kapighatiang dinanas namin sa Asia. Napakabigat ng aming dinanas, anupa't akala namin ay mamamatay na kami. Para kaming hinatulan ng kamatayan. Subalit nangyari iyon upang huwag kaming manalig sa aming sarili, kundi sa Diyos na muling bumubuhay sa mga patay. 10 Iniligtas niya kami sa malagim na kamatayan, at patuloy na ililigtas. Kami'y umaasa rin na patuloy niya kaming ililigtas 11 sa tulong ng inyong mga panalangin. Sa gayon, marami ang magpapasalamat sa Diyos dahil sa pagpapala niya sa amin bilang tugon sa panalangin ng marami.

Nagbago ng Balak si Pablo

12 Ito ang aming ipinagmamalaki at pinapatunayan naman ng aming budhi: tapat[a] at walang pagkukunwari ang aming pakikisama sa lahat, lalo na sa inyo. Subalit nagawa namin ito sa kagandahang-loob ng Diyos at hindi sa pamamagitan ng karunungan ng tao. 13 Ang isinulat namin sa inyo ay iyon lamang kaya ninyong basahin at unawain. Gayon pa man, hindi pa rin ninyo kami lubos na maunawaan. 14 Ngunit umaasa akong mauunawaan din ninyo kami, upang sa araw ng ating Panginoong Jesus ay maipagmalaki ninyo kami kung paanong maipagmamalaki namin kayo.

15 Dahil sa natitiyak ko ito, binalak kong pumunta muna diyan upang dalawang ulit kayong pagpalain. 16 Binalak(C) kong dalawin muna kayo diyan bago pumunta sa Macedonia, at dumaan muli sa pagbabalik ko galing doon upang matulungan ninyo ako sa pagpunta ko sa Judea. 17 Ako ba'y nagdadalawang-isip nang balakin ko ito? Ako ba'y nagpaplanong tulad ng mga taga-sanlibutan, na nagsasabi ng “Oo” at pagkatapos ay hindi naman pala? 18 Kung paanong ang Diyos ay tapat, gayundin ang aming salita sa inyo ay “Oo” kung “Oo” at “Hindi” kung “Hindi”. 19 Ang(D) Anak ng Diyos, na si Jesu-Cristo, na ipinangaral namin nina Silvano at Timoteo, ay hindi “Oo” at “Hindi” dahil lagi siyang “Oo,” 20 sapagkat kay Cristo, ang lahat ng pangako ng Diyos ay palaging “Oo”. Dahil dito, nakakasagot tayo ng “Amen” sa pamamagitan niya para sa ikaluluwalhati ng Diyos. 21 Ang Diyos ang nagpapatibay sa amin at sa inyo sa pamamagitan ng pakikipag-isa kay Cristo, at siya rin ang humirang sa amin. 22 Nilagyan niya kami ng kanyang tatak at pinagkalooban ng kanyang Espiritu bilang patunay na tutuparin niya ang kanyang mga ipinangako.

23 Saksi ko ang Diyos, alam niya ang laman ng aking puso. Hindi muna ako pumunta riyan sa Corinto sapagkat kayo rin ang inaalala ko. 24 Hindi sa nais naming pangunahan kayo sapagkat alam naming sinisikap ninyong maging matatag sa pananampalataya. Nais lamang naming tumulong upang maging maligaya kayo.

Ezekiel 15

Itinulad sa Baging na Ligaw ang Jerusalem

15 Sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, ano ba ang kahigtan ng puno ng ubas kaysa punongkahoy sa gubat? Mayroon ba itong ibang mapaggagamitan? Maaari ba itong gawing tulos o sabitan ng kagamitan? Hindi! Ito ay panggatong lamang. At kung masunog na ito'y wala nang silbi. Kung noong buo pa ito ay wala nang mapaggamitan, gaano pa kung uling na. Lalong wala nang gamit!”

Kaya naman ipinapasabi ni Yahweh: “Kung paanong ang baging ay kinukuha sa gubat upang igatong, gayon ang gagawin ko sa mga taga-Jerusalem. Tatalikuran ko sila. Makatakas man sila sa apoy, ito rin ang papatay sa kanila. At makikilala ninyong ako si Yahweh kapag naparusahan ko na sila. Ang lupaing iyon ay gagawin kong pook ng lagim pagkat hindi sila naging tapat sa akin.”

Mga Awit 56-57

Panalangin ng Pagtitiwala sa Diyos

Katha(A) ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit: sa tono ng “Isang Tahimik na Kalapati sa Malayong Lugar”. Isang Miktam,[a] nang siya'y dakpin ng mga Filisteo sa Gat.

56 Maawa ka, Panginoon, ako'y iyong kahabagan,
    lagi akong inuusig, nilulusob ng kaaway;
nilulusob nila ako, walang tigil, buong araw,
    O kay rami nila ngayong sa akin ay lumalaban.
Kapag ako'y natatakot, O aking Diyos na Dakila;
    sa iyo ko ilalagak, pag-asa ko at tiwala.
Pangako niyang binitiwa'y pinupuri ko nang lubos,
    tanging sa iyo, umaasa't nananalig ako, O Diyos;
    sa tao ring katulad ko, hindi ako matatakot.
Ang lahat ng kaaway ko'y lagi akong ginugulo,
    ang palaging iniisip ay kanilang saktan ako;
Lagi silang sama-sama sa kublihan nilang dako,
    naghihintay ng sandali upang kitlin ang buhay ko.
Sa masama nilang gawa, O Diyos, sila'y parusahan,
    sa tindi ng iyong galit gapiin mo silang tunay!

Ang taglay kong sulirani'y nababatid mo nang lahat,
    pati mga pagluha ko'y nakasulat sa iyong aklat.
Kapag sumapit ang sandaling tumawag ako sa iyo,
    tiyak na malulupig ang lahat ng kalaban ko;
pagkat aking nalalamang, “Ang Diyos ay nasa panig ko.”
10     May tiwala ako sa Diyos, pangako niya'y iingatan,
    pupurihin ko si Yahweh sa pangakong binitiwan.
11 Lubos akong umaasa't may tiwala ako sa Diyos;
    sa tao ring katulad ko, hindi ako matatakot.

12 Ang anumang pangako ko'y dadalhin ko sa iyo, O Diyos,
    ang alay ng pasalamat ay sa iyo ihahandog.
13 Pagkat ako'y iniligtas sa bingit ng kamatayan,
    iniligtas mo rin ako sa ganap na kasiraan.
Upang ako ay lumakad sa presensya mo, O Diyos,
    sa landas nitong liwanag na ikaw ang nagdudulot!

Panalangin Upang Tulungan ng Diyos

Katha(B) ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit: ayon sa tono ng “Huwag Mong Sirain”. Isang Miktam,[b] nang si David ay tumakas kay Saul sa kuweba.

57 Mahabag ka, O aking Diyos, ikaw sana ay mahabag;
    sa iyo ako lumalapit upang ako ay maligtas,
pagkat aking nasumpungan sa lilim ng iyong pakpak,
    ligtas ako sa panganib hanggang ito ay lumipas.

Yaong aking tinatawag, ang Diyos na Kataas-taasan,
    ang Diyos na nagbibigay ng lahat kong kailangan.
Magmula sa kalangitan, diringgin ang aking hibik,
    ang lahat ng kaaway ko'y lubos niyang magagapi;
    ang tapat niyang pagmamahal at matatag na pag-ibig, ihahayag ito ng Diyos, sa aki'y di ikakait. (Selah)[c]

Kasama ko'y mga leon, kapiling ko sa paghimlay,
    mabangis na mga hayop na sisila sa sinuman;
parang sibat at palaso yaong ngipin nilang taglay,
    matulis ang mga dila na animo'y mga sundang.

Purihin ka nawa, O Diyos, sa rurok ng kalangitan;
    dito naman sa daigdig ay ang iyong karangalan!

Nadarama ng sarili, lagi na lang pagdurusa;
hinuhuli ng kaaway; masilo ako, nais nila,
    ngunit sila ang nahulog sa bitag na inihanda. (Selah)[d]

Panatag na ako, O Diyos, ako ngayo'y matatag,
    purihin ka at awitan, ng awiting masisigla.
Gumising ka, kaluluwa, gumising ka't purihin siya!
    Gumising ka't tugtugin mo yaong lumang lira't alpa;
    tumugtog ka at hintayin ang liwayway ng umaga.
Sa gitna ng mga bansa, kita'y pasasalamatan;
    Yahweh, ika'y pupurihin sa gitna ng iyong bayan.
10 Pag-ibig mong walang maliw ay abot sa kalangitan,
    nadarama sa itaas ang lubos mong katapatan.
11 Purihin ka nawa, O Diyos, sa rurok ng kalangitan;
    dito naman sa daigdig ay ang iyong karangalan!

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.