Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
2 Samuel 15

Naghimagsik si Absalom kay David

15 Nang makabalik na si Absalom, naghanda siya ng sariling karwahe, mga kabayo at limampung tauhan. Maaga siyang bumabangon tuwing umaga at tumatayo sa tabi ng daang papasok sa lunsod. Ang bawat pumupunta roon na may dalang usapin para isangguni sa hari ay tinatanong niya kung tagasaan. Kapag sinabi ng tinanong ang kanyang liping pinagmulan, sinasabi agad ni Absalom, “May katuwiran ka sa usapin mo, kaya lang, walang inilagay ang hari na mag-aasikaso sa iyo.” Idinaragdag pa niya ang ganito: “Kung ako sana'y isang hukom ng bansa, tatanggapin ko ang bawat kasong dadalhin sa akin ng sinuman, at bibigyan ko siya ng katarungan.” Ang bawat lumapit upang magbigay-galang sa kanya ay agad niyang hinahawakan at hinahagkan. Ganito ang laging ginagawa ni Absalom sa mga Israelitang humihingi ng katarungan sa hari, kaya't nakuha niya ang loob ng mga ito.

Lumipas ang apat[a] na taon at sinabi ni Absalom sa hari, “Pahintulutan ninyong magpunta ako sa Hebron upang tuparin ko ang aking panata kay Yahweh. Nang nakatira pa ako sa Gesur ng Aram ay nangako ako nang ganito: ‘Kung loloobin ni Yahweh na ako'y makabalik sa Jerusalem, pupunta ako[b] at sasamba sa kanya.’” Pinayagan naman siya ng hari. Kaya't naghanda agad si Absalom at nagpunta sa Hebron. 10 Ngunit bago lumakad, siya'y lihim na nagpasugo sa lahat ng angkan ng Israel, at ito ang ipinasabi: “Kung marinig ninyo ang tunog ng trumpeta, isigaw ninyo: ‘Mabuhay si Absalom ang hari ng Hebron!’” 11 Buhat sa Jerusalem, nagsama siya ng dalawandaang lalaki ngunit ang mga ito'y walang nalalaman tungkol sa balak niya. 12 Habang nag-aalay si Absalom ng kanyang mga handog, ipinasundo niya si Ahitofel na taga-Gilo at isang tagapayo ni David. Dumami ang mga kasabwat at naging tagasunod ni Absalom.

Iniwasan ni David si Absalom

13 Dumating kay David ang balitang si Absalom na ang kinikilalang hari ng Israel. 14 Sinabi niya sa mga kasama, “Mabuti pa'y umalis tayo sa Jerusalem. Kung hindi, nanganganib tayo kay Absalom. Magmadali tayo't baka tayo'y abutan niya! Kapahamakan ang sasapitin natin, sapagkat wala siyang igagalang isa man sa lunsod!”

15 Sumang-ayon naman ang mga lingkod ng hari. “Handa po kaming sumunod sa inyo,” sabi nila. 16 Kaya't umalis agad si David, kasama ang lahat sa palasyo maliban sa sampung asawang-lingkod. Iniwan niya ang mga ito upang mangalaga sa palasyo.

17 Pagsapit nila sa kahuli-hulihang bahay sa lunsod, sila'y huminto. 18 Tumayo sa tabi ng hari ang kanyang mga alipin habang minamasdan niya ang dumaraang mga pangkat. Ang mga ito'y binubuo ng personal na mga bantay ng hari at animnaraang taga-Gat na sumusunod sa kanya. 19 Nang makita ng hari si Itai, tinawag ito at sinabi, “Kasama ka rin pala! Mabuti pa'y bumalik ka na sa Jerusalem at hintayin mo roon ang bagong hari. Ikaw ay dayuhan lamang na ipinatapon dito ng inyong bansa. 20 Hindi ka pa nagtatagal dito, at hindi ka dapat sumama sa aming paglalagalag. Hindi ko alam kung saan ito hahantong. Isama mo ang iyong mga kababayan at bumalik na kayo. Nawa'y si Yahweh ang maging matatag at tapat mong kaibigan.”

21 Ngunit sinabi ni Itai, “Kamahalan, hangga't si Yahweh at ang hari ay nabubuhay,[c] sasama kami sa inyo saan man kayo pumaroon kahit ito'y aming ikamatay.”

22 Sinabi ni David, “Mabuti! Kung gayon, magpatuloy ka.”

Nagpatuloy nga siya, kasama ang mga tauhan at ang kanilang mga pamilya. 23 Umiyak ang mga taong-bayan habang umaalis ang hari at ang kanyang mga tauhan. Tumawid sila ng Batis ng Kidron at nagtuloy sa ilang.

24 Kasama rin nila ang paring si Zadok at lahat ng Levitang nagdadala ng Kaban ng Tipan. Ibinabâ muna nila ito hanggang makalabas ng lunsod ang mga tao. Kasama rin nila ang paring si Abiatar. 25 Tinawag ng hari si Zadok at sinabi, “Ibalik mo na sa lunsod ang Kaban ng Tipan. Kung nasisiyahan sa akin ang Diyos, ibabalik niya ako at makikita kong muli ang Kaban sa pinaglagyan nito. 26 Kung ako nama'y hindi na kinalulugdan, mangyari nawa sa akin ang kanyang kalooban.” 27 Sinabi ng hari kay Zadok, “Hindi ba't ikaw ay isang propeta? Bumalik kayo ni Abiatar at isama ninyo ang anak niyang si Jonatan at ang anak mong si Ahimaaz. Mag-iingat kayo! 28 Dito muna ako sa ilang, sa tabi ng batis at maghihintay ako ng iyong balita.” 29 Ang Kaban ng Tipan ay ibinalik nga nina Zadok at Abiatar sa Jerusalem, at doon na muna sila nanatili.

30 Si David ay umiiyak na umakyat sa Bundok ng mga Olibo. Wala siyang sandalyas at nakatalukbong, tanda ng kalungkutan. Lahat ng kasama niya'y nakatalukbong at umiiyak ding umakyat. 31 May nagbalita sa hari na si Ahitofel ay kabilang sa mga kasabwat ni Absalom, kaya't nanalangin siya, “Yahweh, sana'y gawin ninyong kahangalan ang mga payo ni Ahitofel.”

32 Nang sumapit siya sa taluktok ng bundok kung saan sinasamba si Yahweh, sinalubong siya ni Cusai na Arkita. Sira-sira ang damit nito at puno ng alikabok ang ulo. 33 Sinabi ni David, “Kung sasama ka, isa ka pang magiging pasanin ko. 34 Ngunit malaki ang maitutulong mo sa akin kung babalik ka sa lunsod, at pagdating ni Absalom sabihin mo sa kanyang maglilingkod ka sa kanya tulad ng ginawa mo sa akin. Ngunit lagi mong sasalungatin ang payo sa kanya ni Ahitofel. 35 Dalawang pari ang kasama mo roon, sina Zadok at Abiatar. Lahat ng iyong marinig sa palasyo'y sabihin mo agad sa kanila. 36 Si Ahimaaz na anak ni Zadok at si Jonatan na anak naman ni Abiatar ay kasama nila roon. Ang dalawang ito ang gawin mong tagapaghatid sa akin ng anumang balita.” 37 At si Cusai na kaibigan ni David ay bumalik nga sa lunsod habang papasok naman noon si Absalom sa Jerusalem.

2 Corinto 8

Paano Dapat Magbigay ang Isang Cristiano?

Mga(A) kapatid, nais naming malaman ninyo ang ipinakitang kagandahang-loob ng Diyos sa mga iglesya sa Macedonia. Dumanas sila ng matinding kahirapan at ito'y isang mahigpit na pagsubok sa kanila. Ngunit sa kabila ng kanilang paghihikahos, masayang-masaya pa rin sila at bukás ang palad sa pagbibigay. Sila'y kusang-loob na nagbigay, hindi lamang sa abot ng kanilang kaya, kundi higit pa. Alam ko ito sapagkat mahigpit nilang ipinakiusap sa amin na sila'y bigyan ng pagkakataong makatulong sa mga kapatid na nangangailangan, at higit pa sa inaasahan namin. Ibinigay nila ang kanilang sarili, una sa Panginoon, at pagkatapos ay sa amin, ayon sa kalooban ng Diyos. Kaya't pinakiusapan namin si Tito, dahil siya ang nagsimula ng gawaing ito, na kayo'y tulungan niya hanggang sa malubos ang pagkakawanggawa ninyong ito. Masagana kayo sa lahat ng bagay: sa pananampalataya, sa pagpapahayag, sa kaalaman, sa kasipagan, at sa inyong pag-ibig sa amin.[a] Sikapin ninyong maging masagana rin sa pagkakawanggawang ito.

Hindi sa inuutusan ko kayo. Sinasabi ko lamang sa inyo ang pagsisikap ng iba upang masubok ang katapatan ng inyong pag-ibig. Hindi kaila sa inyo ang kagandahang-loob ng ating Panginoong Jesu-Cristo, na kahit na mayaman ay naging dukha upang maging mayaman kayo sa pamamagitan ng kanyang pagiging dukha.

10 Kaya ito ang payo ko: mas mabuting ipagpatuloy ninyo ang inyong pag-iipon ng kaloob na sinimulan ninyo noon pang isang taon. Kayo ang nanguna, hindi lamang sa pagsasagawa nito kundi maging sa paghahangad. 11 Kaya't tapusin na ninyo ito! Ang sigasig ninyo noon sa paghahangad ay tumbasan ninyo ng sigasig na tapusin ang bagay na ito. Magbigay kayo ayon sa inyong makakaya. 12 Sapagkat kung may hangaring magbigay, tatanggapin ng Diyos ang inyong kaloob ayon sa inyong makakaya at hindi ayon sa hindi ninyo kaya.

13 Hindi sa ibig kong guminhawa ang iba at mabigatan naman kayo. 14 Ang ibig ko ay matulungan ninyo ang isa't isa. Masagana kayo ngayon; marapat lamang na tulungan ninyo ang mga nangangailangan. Kung kayo naman ang mangailangan at sila'y sumagana, sila naman ang tutulong sa inyo. Sa gayon, magkakapantay-pantay ang kalagayan ninyo. 15 Tulad(B) ng nasusulat,

“Ang kumuha ng marami ay hindi lumabis,
    at ang kumuha ng kaunti ay hindi naman kinulang.”

Si Tito at ang Kanyang mga Kasama

16 Salamat sa Diyos dahil inilagay niya sa puso ni Tito ang gayunding pagmamalasakit. 17 Hindi lamang niya pinaunlakan ang aming pakiusap, kundi sa kagustuhang makatulong sa inyo, nagprisinta pang siya ang pupunta riyan. 18 Pinasama namin sa kanya ang kapatid na kilala sa lahat ng iglesya dahil sa kanyang pangangaral ng Magandang Balita. 19 Hindi lamang iyan! Siya'y pinili ng mga iglesya upang maglakbay kasama namin at tulungan kami sa pangangasiwa sa gawaing ito. Ang ganitong pagkakawanggawa ay para sa ikaluluwalhati ng Panginoon at upang maipakita ang aming hangaring makatulong.

20 Nag-iingat kami upang walang masabi ang sinuman tungkol sa pangangasiwa namin sa masaganang kaloob na ito. 21 Ang(C) layunin namin ay gawin kung ano ang marangal, hindi lamang sa paningin ng Panginoon kundi maging sa paningin ng mga tao.

22 Kaya isinusugo naming kasama nila ang isa pa nating kapatid na subok na namin sa maraming pagkakataon, at lalong masigasig sa pagtulong ngayon dahil sa malaking tiwala niya sa inyo. 23 Tungkol kay Tito, siya ang kasama ko at kamanggagawa sa pagtulong sa inyo. Tungkol naman sa mga kapatid na kasama niya, sila'y mga kinatawan ng mga iglesya sa ikararangal ni Cristo. 24 Kaya't ipadama ninyo sa kanila ang matapat ninyong pag-ibig upang makita ng mga iglesya na hindi kami nagkamali sa pagmamalaki tungkol sa inyo.

Ezekiel 22

Ang Kasamaan ng Jerusalem

22 Sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, ikaw na ang humatol sa lunsod na itong puno ng mamamatay-tao. Ipamukha mo sa kanila ang kasuklam-suklam nilang gawain. Sabihin mong ito ang ipinapasabi ko sa kanila: Darating na ang iyong wakas dahil sa pagpatay mo sa maraming tao at pagsamba sa mga diyus-diyosan. Malaki ang pagkakasala mo dahil sa pagdanak ng dugo at sa pagkahumaling sa pagsamba sa diyus-diyosang ikaw na rin ang gumawa. Dumating na ang iyong wakas. Ikaw ay lalaitin at kukutyain ng lahat ng bansa. Aalipustain ka ng lahat ng bansa, malayo o malapit man, dahil sa labis mong kasamaan.

“Ang mga pinuno ng Israel ay nagtiwala sa kanilang lakas at walang awang pumapatay. Nawala(A) na ang paggalang sa mga magulang. Inapi ninyo ang mga dayuhan, gayon din ang mga ulila at balo. Winalang-halaga(B) ninyo ang mga bagay na itinalaga para sa akin, pati ang Araw ng Pamamahinga. Nagsinungaling ang ilan upang maipapatay ang kanilang magustuhan. May mga kasamahan kayong kumain ng handog sa mga diyus-diyosan. Ang iba nama'y gumagawa ng mahahalay na gawain. 10 Sa(C) kapulungan ninyo'y may sumisiping sa asawa ng kanilang ama. Ang iba nama'y sumisiping sa babaing kasalukuyang nireregla. 11 Mayroon namang humahalay sa asawa ng kanyang kapwa. May biyenang lalaki na sumisiping sa kanyang manugang at ang iba nama'y sa kanilang kapatid sa ina o sa ama. 12 May(D) nagpapaupa naman upang pumatay ng kapwa, at mayroon pang nagpapatubo nang malaki kung magpautang. Ako'y lubusan na ninyong kinalimutan.

13 “Ngayon, paparusahan ko kayo dahil sa inyong pagnanakaw at pagpatay. 14 Tingnan ko lang kung matatagalan ninyo ang gagawin ko sa inyo. Akong si Yahweh ang maysabi nito at ito'y gagawin ko. 15 Ipapatapon ko kayo sa lahat ng dako, pangangalatin sa iba't ibang bayan. Sa gayon ko puputulin ang inyong kasamaan. 16 Lalapastanganin kayo ng ibang bansa. Sa gayon, makikilala ninyong ako si Yahweh.”

Ang Pugon ni Yahweh

17 Sinabi sa akin ni Yahweh, 18 “Ezekiel, anak ng tao, mababa na ang tingin ko sa Israel. Siya'y tulad ng latak ng pinagtunawan ng pilak, tanso, lata, bakal, at tingga, matapos dalisayin sa pugon ang pilak. 19 Kaya nga, sabihin mong ito ang ipinapasabi ko: Kayo ay nahaluan, kaya titipunin ko kayo sa Jerusalem. 20 Kung paanong ang pilak, tanso, bakal, tingga, at lata ay inilalagay sa tunawan upang dalisayin, gayon ang gagawin ko sa inyo. Tutunawin ko kayo sa init ng nag-aalab kong poot. 21 Titipunin ko kayo para ibuhos sa inyo ang aking matinding poot, hanggang sa kayo'y matunaw. 22 Kung paanong ang pilak ay tinutunaw sa pugon, gayon ang gagawin ko sa inyo sa Jerusalem. Kapag naibuhos ko na sa inyo ang matindi kong poot, makikilala ninyong ako si Yahweh.”

Ang Kasamaan ng mga Pinuno ng Israel

23 Muling nagsalita sa akin si Yahweh, 24 “Ezekiel, anak ng tao, sabihin mo sa mga Israelita na ang lupain ay marumi dahil sa kanilang kasalanan kaya paparusahan ko ito dahil sa pagkapoot ko. 25 Ang mga pinuno niya ay parang leong umuungal habang nilalapa ang kanyang biktima. Pumapatay sila ng maraming tao, nananamsam ng mga kayamanan, at maraming babae ang nabalo dahil sa kanila. 26 Ang(E) mga utos ko'y nilabag ng kanilang mga pari. Winawalang-halaga nila ang mga bagay na itinalaga para sa akin. Pinagsama-sama na nila ang sagrado at ang karaniwang mga bagay. Hindi na rin nila itinuro kung alin ang malinis at kung alin ang marumi. Winalang-halaga nila ang Araw ng Pamamahinga. Dahil dito, hindi na rin nila ako iginagalang. 27 Ang mga pinuno nila'y parang hayok na asong-gubat kung lumapa ng kanilang biktima. Sila'y walang awang pumapatay upang yumaman. 28 Pinagtatakpan pa ng mga propeta ang ganitong kasamaan, tulad ng maruming pader na pinipinturahan ng kalburo. Mga huwad ang kanilang pangitain at pawang kasinungalingan ang kanilang ipinapahayag. Sinasabi nilang, ‘Ito ang ipinapasabi ni Yahweh,’ kahit hindi ko ipinapasabi. 29 Ang mayayaman ay nandadaya at nagnanakaw. Inaapi nila ang mahihirap, at walang tigil ang panghuhuthot sa mga taga-ibang bayan. 30 Humanap ako ng isang taong makakapaglagay ng pader upang ipagsanggalang ang lunsod sa araw na ibuhos ko ang aking poot, ngunit wala akong makita. 31 Kaya, ibubuhos ko na sa kanila ang nag-aalab kong poot at sila'y aking lilipulin. Sisingilin ko na sila sa masasama nilang gawain.”

Mga Awit 69

Panalangin Upang Tulungan

Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit: ayon sa tono ng “Liryo”.

69 O Diyos! Iligtas mo, iahon sa tubig
    sa pagkalubog kong abot na sa leeg;
lumulubog ako sa burak at putik,
    at sa malalaking along nagngangalit.
Ako ay malat na sa aking pagtawag,
    ang lalamunan ko, damdam ko'y may sugat;
pati ang mata ko'y di na maidilat,
    sa paghihintay ko sa iyong paglingap.

Silang(A) napopoot nang walang dahilan,
    higit na marami sa buhok kong taglay;
mga sinungaling na nagpaparatang,
    ang hangad sa akin, ako ay mapatay.
Ang pag-aari kong di naman ninakaw,
    nais nilang kuni't dapat daw ibigay.
Batid mo, O Diyos, naging baliw ako,
    ako'y nagkasala, di pa lingid sa iyo.

Huwag mo pong tulutan na dahil sa akin,
    ang nagtitiwala sa iyo'y hiyain;
Yahweh, Makapangyarihang Panginoon ng Israel!
    Huwag mo ring itulot, bigyang kahihiyan ang nagsisisamba sa iyong pangalan.
Ako ay nilait nang dahil sa iyo,
    napahiyang lubos sa kabiguan ko.
Sa mga kapatid parang ako'y iba,
    kasambahay ko na'y di pa ako kilala.

Ang(B) malasakit ko sa iyong tahanan, matinding-matindi sa aking kalooban;
    ako ang nakaranas, paghamak sa iyong pangalan.
10 Nagpapakumbaba akong nag-ayuno,
    at ako'y hinamak ng maraming tao;
11 ang suot kong damit, na aking panluksa,
    ay pinagtawana't hinamak na lubha.
12 Sa mga lansanga'y ako ang usapan,
    ang awit ng lasing sa aki'y pag-uyam.

13 Ngunit sa ganang akin, ako'y dadalangin,
    sa iyo, O Yahweh, sana'y iyong dinggin sa mga panahon na iyong ibigin.
Dahil sa dakilang pag-ibig sa akin,
    ang iyong pangakong pagtubos ay gawin.
14 Iligtas mo ako, ako ay sagipin,
    sa putik na ito't tubig na malalim;
    sa mga kaaway, ako'y iligtas din.
15 Huwag mong tulutang ako ay maanod,
    o dalhin sa malalim at baka malunod;
    hahantong sa libing, ako pagkatapos.

16 Yahweh, sa buti mo't pag-ibig sa akin, sa aking pagtawag ako sana'y dinggin,
    sa pagkahabag mo, ako ay lingapin.
17 Ang iyong alipi'y huwag mong pagkublihan,
    ibsan mo na ako sa bigat ng pasan.
18 Iligtas mo ako, ako ay lapitan;
    sagipin mo ako sa mga kaaway.

19 Kinukutya ako, iya'y iyong alam,
    sinisiraang-puri't nilalapastangan;
    di lingid sa iyo, lahat kong kaaway.
20 Puso ko'y durog na dahilan sa kutya,
    kaya naman ako'y wala nang magawâ;
ang inasahan kong awa ay nawala,
    ni walang umaliw sa buhay kong abâ.
21 Sa(C) halip na pagkain, nang ako'y magutom, ang dulot sa aki'y mabagsik na lason.
    Suka at di tubig ang ipinainom.

22 O(D) bumagsak sana sila at masira,
    habang nagdiriwang sila't naghahanda.
23 Bulagin mo sila't nang di makakita,
    papanghinain mo ang katawan nila.
24 Ibuhos ang iyong galit sa kanila,
    bayaan mong ito'y kanilang madama.
25 Mga(E) kampo nila sana ay iwanan,
    at walang matira na isa mang buháy.
26 Ang mga nagtamo ng iyong parusa, nilalait-lait, inuusig nila;
    pinag-uusapan sa tuwi-tuwina, ang sinugatan mo't hirap na sa dusa.
27 Itala mong lahat ang kanilang sala,
    sa mangaliligtas, huwag silang isama.
28 Sa(F) aklat ng buhay, burahin ang ngalan,
    at huwag mong isama sa iyong talaan.

29 Naghihirap ako't mahapdi ang sugat,
    O Diyos, ingatan mo, ako ay iligtas!

30 Pupurihin ang Diyos, aking aawitan,
    dadakilain ko't pasasalamatan.
31 Sa ganitong diwa ika'y nalulugod, higit pa sa haing torong ihahandog,
    higit pa sa bakang ipagkakaloob.
32 Kung makita ito nitong mga dukha,
    sila ay sasamba sa laki ng tuwa.
33 Dinirinig ng Diyos ang may kailangan,
    lingkod na bilanggo'y di nalilimutan.

34 Ang Diyos ay purihin ng langit at lupa,
    maging karagata't naroong nilikha!
35 Ang Lunsod ng Zion, kanyang ililigtas,
    bayang nasa Juda'y muling itatatag;
doon mananahan ang mga hinirang, ang lupain doo'y aariing tunay.
36     Magmamana nito'y yaong lahi nila,
    may pag-ibig sa Diyos ang doo'y titira.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.