Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
2 Samuel 2

Si David ay Naging Hari ng Juda

Pagkaraan ng lahat ng ito, sumangguni si David kay Yahweh. “Pupunta po ba ako sa isa sa mga lunsod ng Juda?” tanong niya.

“Lumakad ka,” sagot sa kanya ni Yahweh.

“Saan pong lunsod?” tanong ni David.

“Sa Hebron,” sagot ni Yahweh. Kaya't(A) lumakad si David kasama ang dalawa niyang asawa, sina Ahinoam na Jezreelita, at si Abigail, ang biyuda ni Nabal na taga-Carmel. Isinama rin ni David ang kanyang mga tauhan pati ang kani-kanilang pamilya. Dumating(B) sa Hebron ang mga taga-Juda at binuhusan nila ng langis si David bilang hari ng Juda.

Nang sabihin nila kay David, “Ang mga taga-Jabes-gilead ang naglibing kay Saul,” nagpadala siya ng mga tauhan sa mga taong iyon dala ang pagbating, “Nawa'y pagpalain kayo ni Yahweh sa kagandahang-loob at kabutihang ginawa ninyo sa panginoon ninyong si Saul, nang siya'y inyong ilibing. Kamtan nawa ninyo ang pag-ibig at katapatan ni Yahweh, at ako nama'y handang gumanti sa inyong kabutihang ginawa. Maging matatag at matapang kayo. Patay na ang inyong haring si Saul at ginawa na akong hari ng mga taga-Juda.”

Ginawang Hari ng Israel si Isboset

Samantala, si Isboset[a] na anak ni Saul ay kinuha ni Abner na anak ni Ner, pinuno ng hukbo ni Saul. Siya'y dinala sa Mahanaim, sa kabilang ibayo ng Jordan. Doo'y ginawang hari ni Abner si Isboset upang mamuno sa Gilead, sa mga Asureo, sa Jezreel, sa Efraim, sa Benjamin at sa buong Israel. 10 Si Isboset na anak ni Saul ay apatnapung taon noon at dalawang taóng naghari sa Israel, ngunit si David ang kinilalang hari ng lipi ni Juda. 11 Naghari si David roon sa loob ng pito't kalahating taon habang siya'y nanirahan sa Hebron.

12 Ang hukbo ni Isboset sa pangunguna ni Abner ay lumabas sa Mahanaim upang pasukin ang Gibeon. 13 Ang hukbo naman ni David sa pangunguna ni Joab, na anak ni Zeruias, ay lumabas din mula sa Hebron. Nagtagpo ang dalawang pangkat sa may ipunan ng tubig sa Gibeon at magkatapat na humanay.

14 Sinabi ni Abner kay Joab, “Palabasin mo ang magagaling ninyong tauhan at isa-isang makipagtagisan ng lakas sa mga tauhan namin.”

“Mangyayari ang gusto mo,” sagot ni Joab. 15 Labindalawa sa panig ni David ang isa-isang lumabas at tinapatan naman ng labindalawang Benjaminita sa panig ni Isboset. 16 Bawat isa'y kumuha ng katapat, naghawakan sa ulo at nagsaksakan sa tagiliran. Sama-sama silang nagkamatayan, kaya ang lugar na iyon sa Gibeon ay tinawag na Parang ng Patalim. 17 Pagkatapos nito'y nagkaroon ng mahigpit na labanan sina Abner kasama ang mga taga-Israel laban sa mga tauhan ni David. Nang araw na iyon, natalo ang hukbo ng Israel na pinangungunahan ni Abner.

18 Naroon ang tatlong anak ni Zeruias: sina Joab, Abisai at Asahel. Si Asahel ay simbilis ng usa kung tumakbo. 19 Tuluy-tuloy na hinabol niya si Abner. 20 Lumingon ito at siya'y tinanong, “Ikaw ba si Asahel?”

“Oo, ako nga,” sagot niya.

21 Sinabi sa kanya ni Abner, “Tigilan mo na ako. Iba na ang habulin mo at samsaman ng kanyang dala.” Ngunit hindi ito pinansin ni Asahel. 22 Muling nagsalita si Abner, “Huwag mo na akong habulin, Asahel. At baka mapatay pa kita. Kapag napatay kita, anong mukhang ihaharap ko sa kapatid mong si Joab?” 23 Ngunit hindi pa rin siya pinansin nito kaya't patalikod niyang isinaksak ang kanyang sibat at tumagos sa likod ni Asahel, at ito'y namatay. Ang lahat ng nakakita sa bangkay ni Asahel ay napapahinto.

24 Gayunman, patuloy ring tinugis si Abner ng magkapatid na Joab at Abisai. Nang palubog na ang araw, narating nila ang burol ng Amma, tapat ng Giah, sa daang patungo sa pastulan ng Gibeon. 25 Ang mga Benjaminita'y pumanig kay Abner; nagbuo sila ng isang pangkat at humanay sa ibabaw ng burol na iyon. 26 Sumigaw si Abner kay Joab, “Itigil na natin ang patayang ito! Wala itong magandang ibubunga. Patigilin mo na ang iyong mga tauhan sa paghabol sa kanilang mga kamag-anak.”

27 Sumagot si Joab, “Saksi ko ang Diyos na buháy. Kung hindi ka nagsalita, hindi ka nila titigilan hanggang umaga.” 28 Kaya't hinipan ni Joab ang trumpeta at ang lahat niyang tauhan ay huminto sa pagtugis sa hukbo ng Israel. At huminto na ang kanilang labanan.

29 Pagkatapos, si Abner at ang kanyang mga tauha'y magdamag at hanggang tanghaling naglakad sa Araba. Tumawid sila ng Jordan hanggang sa makarating sa Mahanaim. 30 Nagbalik naman si Joab at hindi na itinuloy ang paghabol kay Abner. Nang tipunin ang kanyang hukbo, nalaman niyang kulang ng labingsiyam ang kanyang mga tauhan, bukod pa kay Asahel. 31 Sa panig naman ng mga Benjaminita na pinangunahan ni Abner ay 360 ang napatay. 32 Inilibing nila si Asahel sa libingan ng kanyang ama sa Bethlehem. Magdamag na naglakad ang mga tauhan ni Joab at mag-uumaga na nang dumating sila sa Hebron.

1 Corinto 13

Ang Pag-ibig

13 Makapagsalita man ako sa mga wika ng mga tao at ng mga anghel, kung wala naman akong pag-ibig, para lamang akong kampanang umaalingawngaw o pompiyang na maingay. Kung(A) ako man ay may kakayahang magsalita ng mensahe mula sa Diyos at umunawa sa lahat ng hiwaga, kung nasa akin man ang lahat ng kaalaman at lahat ng pananampalataya, anupa't nakakapagpalipat ako ng mga bundok, ngunit wala naman akong pag-ibig, wala akong kabuluhan. At kung ipamigay ko man ang lahat ng aking mga ari-arian at ialay ang aking katawan upang sunugin,[a] ngunit wala naman akong pag-ibig, wala rin akong mapapala!

Ang pag-ibig ay matiyaga at magandang-loob, hindi maiinggitin, hindi mayabang ni mapagmataas man, hindi magaspang ang pag-uugali, hindi makasarili, hindi magagalitin, o mapagtanim ng sama ng loob sa kapwa. Hindi ito natutuwa sa masama, sa halip ay nagagalak sa katotohanan. Ang pag-ibig ay matiisin, mapagtiwala, puno ng pag-asa, at nagtitiyaga hanggang wakas.

Matatapos ang kakayahang magsalita ng mensahe mula sa Diyos, titigil rin ang kakayahang magsalita sa iba't ibang mga wika, at lilipas ang kaalaman, ngunit ang pag-ibig ay walang katapusan. Hindi pa ganap ang ating kaalaman at hindi rin ganap ang kakayahan nating magsalita ng mensahe mula sa Diyos, 10 ngunit pagdating ng ganap, maglalaho na ang di-ganap.

11 Noong ako'y bata pa, ako'y nagsasalita, nag-iisip at nangangatuwirang tulad ng bata. Ngayong ako'y mayroon nang sapat na gulang, iniwanan ko na ang mga asal ng bata. 12 Sa kasalukuyan ang ating nakikita ay tila malabong larawan sa salamin, subalit darating ang araw na ang lahat ay makikita natin nang harapan. Bahagya lamang ang nalalaman ko ngayon, ngunit darating ang araw na malulubos ang kaalamang ito, tulad ng lubos na pagkakilala niya sa akin.

13 Samantala, nananatili ang tatlong ito: ang pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig, ngunit ang pinakadakila sa mga ito ay ang pag-ibig.

Ezekiel 11

Pinatay ang Masasamang Pinuno

11 Pagkatapos, dinala ako ng Espiritu sa pintuan ng Templo sa gawing silangan. May dalawampu't limang tao roon, kasama si Jaazanias na anak ni Azur, at si Pelatia na anak ni Benaias; sila'y mga pinuno ng bayan. Sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, sila ang nagpupunla ng masamang kaisipan sa lunsod na ito. Sinasabi nila sa mga tao na hindi na dapat magtayo muli ng mga bahay sapagkat ang siyudad na ito ang matibay na tanggulan. Kaya, magpahayag ka laban sa kanila.”

Nilukuban ako ng Espiritu[a] ni Yahweh at sinabi sa akin, “Sabihin mong ipinapasabi ni Yahweh: Mga Israelita, hindi lingid sa akin ang inyong mga pinagsasabi. Alam ko ang binabalak ninyo. Patuloy ang patayan ninyo sa lunsod na ito at nagkalat ang bangkay sa mga lansangan. Kaya, ito ang sinasabi ko: Ang lunsod ay natulad sa kaldero at ang karne ay ang mga bangkay. Hindi kayo dapat manatili rito. Takot kayo sa tabak kaya ipasasalakay ko kayo sa mga taong bihasa sa paggamit ng tabak. Iaalis ko kayo sa lunsod na ito at ipapabihag sa mga taga-ibang bayan bilang parusa. 10 Mamamatay kayo sa tabak sa may hangganan ng Israel. Sa gayon, makikilala ninyong ako si Yahweh. 11 Kailanma'y hindi ninyo magiging tanggulan ang Jerusalem at hindi kayo magiging ligtas sa loob nito. Paparusahan ko kayo kahit saan kayo magpunta. 12 Ipapakilala ko sa inyo kung sino ako sapagkat hindi kayo lumakad ayon sa aking mga tuntunin at hindi ninyo sinunod ang aking mga utos. Sa halip, namuhay kayo ayon sa tuntunin ng mga bansang nakapaligid sa inyo.”

13 Nang kasalukuyan akong nagpapahayag, patay na bumagsak si Pelatia. Dahil dito'y tumatangis akong nagpatirapa. Itinanong ko, “Panginoong Yahweh, uubusin mo rin ba ang natitira pang Israelita?”

Muling Titipunin ang mga Natirang Israelita

14 Sinabi sa akin ni Yahweh, 15 “Ezekiel, anak ng tao, ang mga kapatid mo at mga dinalang-bihag tulad mo, ang buong sambahayan ni Israel, ay pinagsabihan ng mga nakatira ngayon sa Jerusalem ng, ‘Lumayo kayo kay Yahweh, ang lupaing ito'y ibinigay na sa amin.’ 16 Kaya, ganito ang sabihin mo sa kanila: ‘Pinangalat ko sila sa iba't ibang dako kaya maaari nila akong sambahing pansamantala saanman sila napatapon.’ 17 Sabihin mo na muli ko silang titipunin mula sa mga bansang kinatapunan nila at ibibigay kong muli sa kanila ang lupain. 18 At pagbalik nila roon, aalisin nila ang mga kasuklam-suklam na mga bagay roon. 19 Bibigyan(A) ko sila ng bagong puso at bagong espiritu. Ang masuwayin nilang puso ay papalitan ko ng pusong masunurin 20 upang lumakad sila ayon sa aking mga tuntunin at sumunod sa aking mga utos. Sa gayon, magiging bayan ko sila at ako ang kanilang magiging Diyos. 21 Ngunit pagbabayarin ko ang mga gumawa ng karumal-dumal at kasuklam-suklam na bagay.” Ito ang sabi ng Panginoong Yahweh.

Inalis ng Panginoong Yahweh ang Kanyang Kaluwalhatian sa Jerusalem

22 Pumaitaas(B) ang mga kerubin, kasama ang mga gulong, at ang kaluwalhatian ng Diyos ng Israel ay nasa itaas nila. 23 Ang kaluwalhatian ni Yahweh ay umalis sa lunsod at nagpunta sa ibabaw ng bundok sa gawing silangan. 24 Inilipad ako ng Espiritu[b] at sa pamamagitan ng pangitain ay dinala ako sa Babilonia, sa lugar ng mga dinalang-bihag. Doon natapos ang pangitain. 25 At sinabi ko sa mga dinalang-bihag ang lahat ng ipinakita sa akin ni Yahweh sa pamamagitan ng pangitain.

Mga Awit 50

Tunay na Pagsamba

Awit ni Asaf.

50 Ang Makapangyarihang Diyos, si Yahweh ay nagsasaysay,
    ang lahat ay tinatawag sa silangan at kanluran.
Magmula sa dakong Zion, ang lunsod ng kagandahan,
    makikita siyang nagniningning sa kaluwalhatian.

Ang Diyos natin ay darating, ngunit hindi matahimik;
    sa unaha'y nangunguna ang apoy na nagngangalit,
    bumabagyong ubod-lakas, humahangin sa paligid.
Ginagawa niyang saksi ang lupa at kalangitan,
    upang masdan ang ganitong paghatol sa mga hirang:
“Ang lahat ng matatapat na lingkod ko ay tipunin,
    silang tapat sa kasunduan at nag-aalay ng handog.”
Ang buong kalangita'y naghahayag na ang Diyos,
    isang hukom na matuwid, kung humatol ay maayos. (Selah)[a]

“Kayong aking mga lingkod, makinig sa sasabihin;
    ako ay Diyos, ang inyong Diyos, salita ko'y unawain;
    ako'y mayroong patotoo't saksi laban sa Israel.
Hindi ako nagagalit dahilan sa inyong handog,
    ni sa inyong mga haing sa dambana'y sinusunog,
bagaman ang mga toro'y hindi ko na kailangan,
    maging iyang mga kambing at ang inyong mga kawan.
10 Pagkat akin iyang hayop sa gitna ng kagubatan,
    maging bakang naglipana sa maraming kaburulan.
11 Akin din ang mga ibong lumilipad sa itaas,
    at ang lahat na may buhay sa parang ay akin lahat.

12 “Kung ako ma'y nagugutom, hindi ko na sasabihin,
    yamang lahat sa daigdig na narito'y pawang akin.
13 Ang karne ng mga toro, iyon ba'y aking pagkain?
    At ang inumin ko ba'y dugo ng mga kambing?
14 Ang ihandog ninyo sa Diyos ay ang inyong pasalamat;
    ang pangakong handog ninyo ay tuparin ninyong lahat.
15 Kung kayo ay may bagabag, ako lagi ang tawagin;
    kayo'y aking ililigtas,
    ako'y inyong pupurihin.”

16 Ang tanong ng Panginoon sa masama't mga buktot,
    “Bakit ninyo inuusal ang aking mga utos?
    Gayundin ang kasunduang hindi ninyo sinusunod?
17 Kapag kayo ay tinutuwid, agad kayong napopoot,
    at ni ayaw na tanggapin ang aking mga utos;
18 ang makitang magnanakaw ang nagiging kaibigan,
    at taong mapang-apid ang siya ninyong kasamahan.

19 “Mabilis ang inyong dila sa masamang sasabihin;
    sa inyo ay balewala ang gawaing pagsisinungaling.
20 Handa ninyong paratangan maging tunay na kapatid,
    at kay daming kapintasang sa kanila'y nasisilip.
21 Kahit ito ay ginawa hindi kayo pinupuna,
    kaya naman ang akala, kayo't ako'y magkaisa.
Ngunit ngayon, panahon nang kayo'y aking pagwikaan,
    upang inyong maunawa ang ginawang kamalian.

22 “Kaya ngayo'y dinggin ito, kayong sa aki'y di pumapansin,
    kapag ako'y di dininig, kayo'y aking wawasakin;
    walang sinumang sa inyo'y makakaligtas sa akin.
23 Ang parangal na nais ko na sa aki'y ihahain,
    ay handog ng pasalamat, pagpupuring walang maliw;
    akin namang ililigtas ang lahat na masunurin.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.