Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
2 Samuel 19

Pinagsabihan ni Joab si Haring David

19 May nagbalita kay Joab na umiiyak at nagluluksa ang hari sa pagkamatay ni Absalom. Kaya't napalitan ng pagluluksa ang dapat sana'y pagdiriwang dahil sa pagtatagumpay ng hukbo. Nabalitaan ng mga kawal na labis na dinamdam ng hari ang nangyari sa kanyang anak. Dahil dito'y tahimik silang pumasok sa lunsod, na parang mga kawal na nahihiyang magpakita sa madla dahil sa pagkatalo sa labanan. Tinakpan ng hari ang kanyang mukha at umiyak nang malakas, “Absalom, anak ko! Absalom, anak ko!”

Pumasok si Joab sa silid at sinabi sa hari, “Sa araw na ito, inilagay ninyo sa kahihiyan ang inyong mga lingkod na nagligtas sa inyo, sa inyong mga anak, mga asawa at asawang-lingkod. Minamahal ninyo ang namumuhi sa inyo at kinamumuhian ang nagmamahal sa inyo. Maliwanag ngayon na walang halaga sa inyo ang inyong mga opisyal at mga tauhan. Matamis pa yata sa inyo ang kami ay masawing lahat, basta't buháy lamang si Absalom. Kaya, lumakad kayo ngayon din at harapin ninyo ang inyong mga tauhan at kilalanin ninyo ang kanilang katapatan. Kung hindi, isinusumpa ko sa pangalan ni Yahweh, sa gabi ring ito'y wala isa mang kawal na mananatili sa inyo. Kapag nangyari ito, ito na ang pinakamalaking kapahamakan sa buong buhay ninyo.” Dahil dito, tumayo ang hari at naupo sa may pintuan ng lunsod. Nang malaman ito ng kanyang mga kawal, sila'y nagsilapit sa kanya.

Nagbalik si David sa Jerusalem

Samantala nagsitakas ang mga Israelita at nag-uwian sa kani-kanilang bayan. At ganito ang naging usapan sa buong lupain: “Iniligtas tayo ni Haring David sa lahat nating kaaway, at pinalaya sa mga Filisteo. Ngunit dahil kay Absalom, napilitan siyang umalis. 10 Kinilala nating hari si Absalom, ngunit siya'y napatay sa labanan. Bakit hindi pa natin pababalikin ang dati nating hari?”

11 Ang usapang ito'y kumalat sa buong Israel, at umabot sa pandinig ni David. Kaya't isinugo niya ang mga paring sina Zadok at Abiatar upang sabihin sa pinuno ng Juda, “Bakit wala pa kayong ginagawang hakbang upang magbalik ang hari sa palasyo? 12 Kayo'y mga tunay na laman at dugo ko. Bakit nahúhulí pa kayo sa paghahangad na ako'y mapabalik doon?” 13 At ipinasabi naman niya kay Amasa, “Ikaw ay tunay kong laman at dugo. Ikaw ngayon ang hinihirang kong pinuno ng hukbo, kapalit ni Joab. Patayin nawa ako ng Diyos kung hindi ito ang gagawin ko!” 14 Buong galak na tinanggap ng mga taga-Juda ang balitang ito, kaya't ipinasundo nila si Haring David at ang lahat ng mga kasama niya.

15 Pumunta na nga sina Haring David at ang mga kasama niya sa Ilog Jordan. Nagtipon naman ang mga taga-Juda sa Gilgal upang salubungin siya at samahan sa pagtawid sa Ilog. 16 Isa(A) sa sumalubong kay David ay si Simei, anak ni Gera na taga-Bahurim. Ang taong ito ay Benjaminita, at nagmamadali ring sumama sa mga taga-Juda. 17 Kasama niya ang may sanlibong katao buhat din sa Benjamin. Nagmamadali ring bumabâ sa Jordan si Ziba, ang alipin ng sambahayan ni Saul, kasama ang kanyang labinlimang anak na lalaki at dalawampung alipin. 18 Tumawid sila sa ilog upang tulungang makatawid ang sambahayan ng hari at upang gawin ang anumang ipag-utos niya.

Pinatawad ni David si Simei

Nang tatawid na lamang sila sa Jordan, nagpatirapa sa harapan ng hari si Simei. 19 Sinabi niya sa hari, “Kalimutan na po sana ninyo ang kasamaang ginawa ko nang kayo'y papaalis noon sa Jerusalem. Patawarin na po ninyo ako sa lahat ng ito. 20 Inaamin ko pong nagkasala ako sa inyo. Kaya po naman ako ang nauna sa mga liping taga-hilaga upang sumalubong sa inyo, Mahal na Hari.”

21 Tumutol si Abisai at ang sabi, “Hindi ba dapat patayin ang taong ito sapagkat nilait niya ang haring pinili ni Yahweh?”

22 Nagsalita ang hari, “Sino bang humihingi ng payo ninyo, mga anak ni Zeruias? Bakit ninyo ako pinangungunahan? Ako ngayon ang hari ng buong Israel, at isinusumpa ko: Walang sinumang papatayin sa Israel ngayon!” 23 Pagkatapos, sinabi ng hari kay Simei, “Nangangako akong hindi ka papatayin.”

Ang Kagandahang-loob ni David kay Mefiboset

24 Si(B) Mefiboset na apo ni Saul ay sumalubong din sa hari. Mula nang umalis si David hanggang sa matagumpay niyang pagbabalik, hindi naghugas ng paa si Mefiboset ni nagputol ng balbas o naglaba ng kanyang damit. 25 Nang dumating siya mula sa Jerusalem, sinabi ng hari, “Bakit hindi ka sumama sa akin, Mefiboset?”

26 “Mahal na hari,” wika niya, “alam po ninyong ako'y pilay. Kaya ipinahanda ko po sa aking katulong ang sasakyan kong asno upang sumama sa inyo. Ngunit hindi niya ako sinunod. 27 Sa halip ay nagpunta siya sa inyo at siniraan ako. Alam kong kayo'y tulad ng anghel ng Diyos, kaya gawin po ninyo sa akin ang sa palagay ninyo'y nararapat. 28 Ang buong sambahayan ng aking ama, ako at ang lahat sa amin ay maaari ninyong ipapatay, ngunit sa halip, binigyan pa ninyo ang inyong alipin ng lugar sa inyong hapag. Wala na po akong mairereklamo sa inyo, Mahal na Hari.”

29 Sumagot ang hari, “Wala ka nang dapat sabihin pa, Mefiboset! Nakapagpasya na ako na maghahati kayo ni Ziba sa ari-arian ni Saul.”

30 Ngunit sinabi ni Mefiboset, “Hayaan na po ninyo sa kanyang lahat. Sapat na sa aking kayo'y mapayapang nakauwi.”

Ang Kagandahang-loob ni David kay Barzilai

31 May(C) isang taga-Gilead na bumabâ mula sa Rogelim at naghatid din sa hari hanggang Jordan; ito'y si Barzilai. 32 Siya'y walumpung taon na at napakalaki ng naitulong sa hari noong ito'y nasa Mahanaim pa. Siya'y isa sa kinikilalang mayaman doon, at siya ang nagbibigay ng pagkain sa hari. 33 Bago tumawid ang hari ay sinabi nito, “Mabuti pa'y sumama ka sa amin sa Jerusalem. Doon ka na tumira sa palasyo at ako ang bahala sa iyo.”

34 Sumagot si Barzilai, “Ilang taon na lang ang itatagal ko, bakit pa po ako sasama sa inyo sa Jerusalem? 35 Walumpung taon na ako at wala nang kasiyahan sa mga kalayawan. Hindi ko na malasahan ang sarap ng pagkain at inumin. Wala nang pang-akit sa akin pati magagandang awitin. Magiging pabigat lamang ako sa inyo, Mahal na Hari. 36 Ihahatid ko na lang kayo hanggang sa makatawid ng Jordan. Hindi na ninyo ako kailangang gantimpalaan nang ganito. 37 Hayaan na ninyo akong magbalik sa aking bayang sinilangan, at doon ko na hihintayin ang aking mga huling araw sa tabi ng puntod ng aking ama at ina. Narito ang lingkod ninyong si Camaam; siya ang isama ninyo, ang katulong kong ito, at kayo na ang bahala sa kanya.”

38 Sumagot ang hari, “Sige, isasama ko siya. Gagawin ko rin ang lahat ng gusto mo para sa ikabubuti niya. Tungkol naman sa iyo, gagawin ko rin ang lahat ng gusto mo.” 39 Tumawid sa Jordan ang lahat. Bago tumawid ang hari, hinagkan muna niya at binasbasan si Barzilai. Pagkatapos, umuwi na si Barzilai sa kanyang tahanan.

Nagtalo ang mga Taga-Juda at Taga-Israel tungkol sa Hari

40 Nagtuloy sa Gilgal ang hari, kasama si Camaam. Kasama rin nila ang lahat ng taga-Juda at kalahati ng mga taga-Israel. 41 Pagdating doon, sama-samang lumapit kay David ang mga Israelita. Sabi nila, “Bakit po kami inunahan ng mga kapatid naming taga-Juda sa pagsundo sa inyo, at sa inyong mga tauhan at sambahayan mula sa kabila ng Jordan?”

42 Sumagot ang mga taga-Juda, “Ginawa namin iyon sapagkat ang hari ay malapit naming kamag-anak. Anong ikinasasama ng loob ninyo? Hindi naman kami palamunin ng hari! Hindi rin niya kami binayaran!”

43 Sumagot ang mga taga-Israel, “Sampung beses ang karapatan namin kay Haring David, kahit pa kamag-anak ninyo siya. Bakit naman minamaliit ninyo kami? Nakakalimutan yata ninyo na kami ang unang nakaisip na ibalik ang hari.”

Ngunit mas magagaspang ang pananalita ng mga taga-Juda kaysa mga taga-Israel.

2 Corinto 12

Mga Pangitain at mga Pahayag

12 Kailangan ko pang magmalaki, kahit wala akong mapapala dito. Ang sasabihin ko naman ngayo'y ang mga pangitain at mga pahayag mula sa Panginoon. May kilala akong isang Cristiano na dinala sa ikatlong langit, labing-apat na taon na ang nakakalipas. Hindi ko lang matiyak kung iyo'y isang pangitain lamang, o tunay na pangyayari; ang Diyos lamang ang nakakaalam. Alam kong ang taong iyon ay dinala sa Paraiso. Hindi ko lang alam kung iyon ay isang pangitain o tunay na pangyayari. Tanging Diyos ang nakakaalam. Nakarinig siya ng mga bagay na hindi kayang ilarawan ng salita at hindi maaaring sabihin ninuman. Ipagmamalaki ko ang taong iyon, at hindi ang aking sarili, maliban sa aking mga kahinaan. At kung ako'y magmalaki man, hindi ako lalabas na hangal, sapagkat totoo ang sasabihin ko. Ngunit hindi ko ito gagawin, sapagkat ayaw kong mag-isip ang sinuman nang higit tungkol sa akin kaysa kanyang nakita o narinig sa akin. Ngunit upang hindi ako magyabang sa dami ng kamangha-manghang mga bagay na nasaksihan ko, ako'y binigyan ng pahirap sa aking katawan na nagsisilbing sugo ni Satanas upang pahirapan ako, at nang sa gayo'y hindi ako maging palalo. Tatlong beses kong idinalangin sa Panginoon na alisin ito, ngunit ganito ang kanyang sagot, “Ang kagandahang-loob ko ay sapat na para sa iyo, sapagkat lubusang nahahayag ang aking kapangyarihan kapag ikaw ay mahina.” Kaya't buong galak kong ipagmamalaki ang aking mga kahinaan upang manatili sa akin ang kapangyarihan ni Cristo. 10 Alang-alang kay Cristo, ako'y may kasiyahan sa gitna ng mga kahinaan, mga pagkutya, mga kahirapan, pag-uusig at kagipitan. Sapagkat kapag ako ay mahina, doon ako nagiging malakas.

Ang Malasakit ni Pablo sa mga Taga-Corinto

11 Ako'y naging hangal, ngunit kayo ang nagtulak sa akin na magkaganoon. Kayo sana ang dapat pumuri sa akin, dahil kahit na wala akong kuwenta, hindi naman ako nahúhulí sa magagaling na apostol na iyan. 12 Buong tiyaga kong pinatotohanan sa inyo na ako'y isang tunay na apostol sa pamamagitan ng mga himala at iba pang mga kamangha-manghang bagay. 13 Paano nakalamang sa inyo ang ibang mga iglesya? Sila'y nakalamang dahil hindi ako naging pabigat sa inyo. Ipagpatawad ninyo ang pagkukulang kong iyon.

14 Ito ang ikatlong pagpunta ko riyan, at hindi pa rin ako magiging pabigat sa inyo. Sapagkat kayo ang nais ko, at hindi kung anong mayroon kayo. Ang mga magulang ang dapat mag-impok para sa mga anak, at hindi ang mga anak para sa mga magulang. 15 At ikaliligaya kong gugulin ang lahat pati ang aking sarili upang kayo'y mabuhay. Kung madagdagan ang pagmamahal ko sa inyo, dapat bang mabawasan ang pagmamahal ninyo sa akin? 16 Alam ninyong hindi ako nakabigat kaninuman sa inyo. Subalit sinasabi ng ilan na ako'y tuso at dinadaya ko kayo. 17 Bakit? Pinagsamantalahan ko ba ang inyong kabutihan sa pamamagitan ng mga isinugo ko riyan? 18 Pinakiusapan ko si Tito na pumunta riyan at pinasama ko sa kanya ang isang kapatid. Si Tito ba'y nagsamantala sa inyo? Hindi ba't namuhay kami ayon sa iisang espiritu, at iisa ang aming pamamaraan?

19 Akala ba ninyo'y ipinagtatanggol namin ang aming sarili? Hindi! Mga minamahal, lahat ng ginagawa namin ay para sa ikabubuti ninyo. Nagsasalita kami sa harapan ng Diyos ayon sa kalooban ni Cristo.

20 Nangangamba akong baka pagpunta ko riyan ay may makita ako sa inyong hindi ko magustuhan, at kayo naman ay may makita sa aking hindi ninyo magustuhan. Baka ang matagpuan ko'y pag-aaway-away, pag-iinggitan, pag-aalitan, pagmamaramot, pagsisiraan, pagtsitsismisan, pagmamataas at kaguluhan. 21 Nangangamba ako na pagpunta kong muli riyan, hiyain ako ng aking Diyos sa harapan ninyo, at itatangis ko ang karumihan, pakikiapid at kahalayang hindi pa pinagsisihan at tinatalikuran ng marami sa inyo.

Ezekiel 26

Ang Pahayag Laban sa Tiro

26 Noong(A) unang araw ng buwan,[a] ng ika-11 taon ng aming pagkabihag, sinabi sa akin ni Yahweh: “Ezekiel, anak ng tao, nang mawasak ang Jerusalem, sinabi ng Tiro: ‘Ngayong bagsak na ang pangunahing bansa, ako naman ang uunlad.’ Dahil dito, sabihin mo sa kanyang ito ang ipinapasabi ko: Tiro, ako'y laban sa iyo. Ipapalusob kita sa maraming bansa, tulad ng paghampas ng maraming alon sa dagat. Iguguho nila ang iyong kuta at ibabagsak ang iyong mga toreng bantayan. Kakalkalin ko ang iyong lupa hanggang sa bato ang matira. Magiging bilaran ka na lamang ng lambat sa gitna ng dagat at hahamakin ka ng kapwa mo bansa. Akong si Yahweh ang maysabi nito. Ang mga mamamayan sa kalakhan ng bansa ay papatayin sa tabak. Sa gayon, makikilala mong ako si Yahweh.”

Ipinapasabi nga ni Yahweh: “Ang Tiro ay ipasasalakay kay Haring Nebucadnezar ng Babilonia, ang pinakamakapangyarihang hari. Mula sa hilaga, darating siya kasama ang isang malaking hukbo at maraming karwahe at mangangabayo. Mapapatay sa digmaan ang mga nakatira sa kalakhang bahagi ng bansa. Gagawa sila ng mga hukay na pagkukublihan at iba pang kanlungan. Kukubkubin ka ng mga kawal na ang mga kalasag ay parang matibay na pader. Ang iyong pader ay iguguho sa pamamagitan ng malalaking pambayo at ang toreng bantayan ay ibubuwal sa pamamagitan ng kagamitang bakal. 10 Hindi ka makikita sa kapal ng alikabok dahil sa dami ng kanyang kabayong gagamitin sa pagsalakay sa iyo. Mayayanig ang iyong pader sa yabag ng mga kabayo, karwahe at kawal. 11 Ang mga lansangan mo'y mapupuno ng kanyang mga kabayo, at papatayin sa tabak ang iyong mga mamamayan. Anupa't mabubuwal pati ang pinakamalalaki mong haligi. 12 Sasamsamin niya ang iyong ari-arian. Iguguho niya ang iyong mga tanggulan, gigibain ang iyong magagarang bahay, at itatambak sa dagat ang mga bato at kahoy na gumuho. 13 Dahil(B) diyan, matitigil na ang iyong masasayang awitan gayon din ang pagtugtog mo sa iyong mga lira. 14 Mag-iiwan lamang ako ng malapad na batong bilaran ng mga lambat, at hindi ka na muling itatayo bilang isang lunsod. Akong si Yahweh ang maysabi nito.”

15 Ipinapasabi ni Yahweh sa Tiro: “Ang mga lupain sa baybayin ay mayayanig sa balita ng iyong pagbagsak, sa nakakapangilabot na daing ng mga sugatan, at sa dami ng mamamatay sa iyong mamamayan. 16 Dahil(C) dito, ang mga hari ng mga pulo sa karagatan ay aalis sa kanilang luklukan, maghuhubad ng magagara nilang kasuotan, maglulupasay na nanginginig, at masisindak sa nangyari sa iyo. 17 Aawitin nila para sa iyo ang panaghoy na ito:

‘Ang bantog na lunsod ay nawasak,
pinalubog sa karagatan ang kanyang mga sasakyang-dagat.
Dati, ang mga mamamayan niya ang kinasisindakan sa karagatan.
Sila ay naghasik ng takot sa mga bayan sa baybay-dagat.
18 Ngayon, ang lahat ng pulo ay nangingilabot dahil sa kanyang sinapit.
Oo, ang mga mamamayan nito'y pawang natatakot dahil sa balita ng kanyang pagkawasak.’”

19 Sapagkat sabi ni Yahweh: “Gagawin kitang pook na mapanglaw, tulad ng isang lugar na walang nakatira. 20 Palulubugin kita sa tubig, tulad ng itinapon sa pusod ng dagat, tulad ng mga namatay noong unang panahon. Pananatilihin kita sa walang hanggang kalaliman para hindi na mapanahanan ninuman. 21 Daranasin(D) mo ang kakila-kilabot na wakas at ganap kang mawawala. Hahanapin ka ngunit hindi na matatagpuan.”

Mga Awit 74

Panalangin Upang Iligtas ang Buong Bansa

Isang Maskil[a] ni Asaf.

74 Panginoon, bakit kami'y itinakwil habang buhay?
    Bakit ka ba nagagalit sa tupa ng iyong kawan?
Iyo sanang gunitain ang tinipon mo no'ng una,
    itong lahing tinubos mo't itinakda na magmana;
    pati ang Zion na iyong dating tirahan.
Lapitan mo ang naiwan sa winasak ng kaaway.
    Ang guho ng santuwaryo mo na sinira nang lubusan.

Ang loob ng iyong templo'y hindi nila iginalang,
    sumisigaw na nagtayo ng kanilang diyus-diyosan.
Ang lahat ng nasa loob na yari sa mga kahoy,
    magmula sa pintuan mo'y sinibak at pinalakol.
Ang lahat ng inukitang mga kahoy sa paligid,
    pinalakol at dinurog ng kaaway na malupit.
Ang iyong banal na santuwaryo ay kanilang sinigaan,
    nilapastangan nila't winasak ang templong banal.
Sa kanilang pag-uusap ay nagpasya ng ganito, “Hindi natin sila titigilan hanggang di pa natatalo;”
    kaya sa buong lupain, ang tagpuan ng bayan mo, para ikaw ay sambahin, sinunog at naging abo.

Wala kaming pangitain, ni propetang naglilingkod,
    ang ganitong kalagaya'y hindi namin maunawaan,
    hindi namin nalalaman kung kailan matatapos.
10 Hanggang kailan, aming Diyos, magtatawa ang kaaway,
    ang paghamak nila sa iyo, ito ba ay walang hanggan?
11 Huwag mo nang pipigilan, gamitin mo ang iyong bisig,
    kanang kamay mo'y ikilos, kaaway mo ay iligpit.

12 Simula pa noong una ikaw na ang aming Hari, O Diyos.
    Sa daigdig ay maraming iniligtas ka't tinubos.
13 Sa(A) lakas na iyong taglay hinati mo yaong dagat,
    at ang mga naroroong dambuhala ay inutas;
14 ikaw(B) na rin ang dumurog sa mga ulo ng Leviatan,[b]
    at ginawa mong pagkain ng mga nilikhang nasa ilang.
15 Mga batis, mga bukal, ikaw rin ang nagpadaloy,
    ginawa mong tuyong lupa ang maraming ilog doon.
16 Nilikha mo yaong araw, nilikha mo pati gabi,
    nilikha mo yaong araw, buwa't talang anong dami.
17 Ang hangganan ng daigdig ay ikaw rin ang naglagay,
    at ikaw rin ang lumikha ng taglamig at tag-araw.

18 Ngunit iyong gunitaing nagtatawa ang kaaway,
    yaong mga masasama'y dumudusta sa iyong ngalan;
19 huwag mo sanang tutulutan na ang iyong mga lingkod maiwan sa kaaway na ang kamay walang taros,
    sa kanilang pagdurusa'y gunitain silang lubos.

20 Yaong tipang ginawa mo ay huwag mong lilimutin,
    ang masama'y naglipana sa pook na madidilim, laganap ang karahasan kahit saan sa lupain!
21 Huwag mo sanang itutulot na ang api'y mapahiya,
    bayaan mong ang ngalan mo'y purihin ng dukha't abâ.

22 Kami'y iyong ipaglaban, aming Diyos, bumangon ka!
    Pagmasdan mo yaong hangal na maghapong nagtatawa.
23 Ang hangarin ng kaaway ay huwag mong lilimutin,
    ang sigaw ng kaaway mo'y patuloy at walang tigil.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.