Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
2 Mga Hari 7

Sinabi ni Eliseo, “Makinig kayo sa ipinapasabi ni Yahweh: ‘Bukas sa ganitong oras, sa may pagpasok ng Samaria ay makakabili ka na ng isang takal[a] na pinong harina o dalawang takal na sebada sa halagang isang pirasong pilak.’”

Sinabi ng opisyal na kanang kamay ng hari, “Hindi magkakatotoo iyang sinasabi mo kahit pa buksan ni Yahweh ang mga bintana ng langit.”

Sinabi naman ni Eliseo, “Makikita mong ito'y mangyayari bukas ngunit hindi mo ito matitikman.”

Umalis ang Hukbo ng Siria

May apat na taong may sakit sa balat na parang ketong noon sa may pasukan ng lunsod. Nag-usap-usap sila, “Bakit nakaupo tayo rito at naghihintay na lang ng kamatayan? Kung papasok tayo ng lunsod, tiyak na mamamatay tayo sa gutom doon. Kung mananatili naman tayo rito, mamamatay rin tayo. Mabuti pa'y pumunta tayo sa kampo ng mga taga-Siria. Kung hindi nila tayo patayin, mabuti. Kung patayin nila tayo, matatapos na ang ating paghihirap.”

Nang palubog na ang araw, pumunta nga sila sa kampo ng mga taga-Siria. Pagdating doon, wala silang dinatnan isa man sapagkat sa kapangyarihan ni Yahweh, ang mga kawal ng Siria ay nakarinig ng mga yabag ng napakaraming kabayo at mga karwahe. Dahil dito, inakala nilang inupahan ng hari ng Israel ang mga hari ng Heteo at Egipcio para digmain sila. Kaya't tumakas sila nang magtatakipsilim. Iniwan nila ang kanilang kampo, pati mga kabayo, asno at lahat ng naroon at kanya-kanya silang takbo para iligtas ang kanilang buhay.

Pumasok ang apat sa unang tolda. Kumain sila at uminom. Pagkabusog, sinamsam nila ang lahat ng ginto, pilak at mga damit na naroon at ito'y itinago. Pagkatapos, pumasok din sila sa ibang tolda, sinamsam din ang lahat ng naroon at itinago.

Ngunit naisip nila, “Hindi tama itong ginagawa natin. Magandang balita ito at hindi natin dapat sarilinin. Hindi natin ito dapat ipagpabukas sapagkat tiyak na mapaparusahan tayo. Ang mabuti'y ipaalam na natin ito sa mga opisyal ng hari.” 10 At lumakad nga sila. Pagdating sa pasukan ng lunsod, sinabi nila sa mga bantay, “Galing kami sa kampo ng mga taga-Siria at isa mang bantay ay wala kaming dinatnan. Ang nakita lang namin ay mga kabayong nakatali, asno at mga tolda.” 11 Isinigaw naman ito ng mga bantay hanggang sa ang balita'y makarating sa palasyo.

12 Nang gabing iyon ay bumangon ang hari at tinipon ang pinuno ng Israel. Sinabi niya, “Pain lang ito ng mga taga-Siria. Alam nilang nagkakagutom tayo rito kaya iniwan nila ang kampo at nagtago sa paligid. Pagpasok natin doon, huhulihin nila tayo nang buháy. Sa ganoong paraan, mapapasok nila itong ating lunsod.”

13 Sinabi ng isa sa mga pinuno, “Pumili kayo ng ilang lalaki at patingnan natin kung ito'y totoo. Ipagamit natin sa kanila ang lima sa mga kabayong natitira pa sa atin. Kung makabalik sila nang buháy, magandang balita ito sa buong Israel. Kung mapatay naman sila, matutulad lamang sila sa mga kasama nating namatay na.”

14 Pumili nga sila ng dalawang karwahe at pinuntahan ang kampo ng mga taga-Siria upang malaman kung ano ang nangyari sa mga iyon. 15 Nakaabot sila hanggang sa Ilog Jordan at wala silang nakitang kaaway. Ang nakita nila'y damit at mga kagamitang naiwan ng mga taga-Siria dahil sa pagmamadali. Nagbalik ang mga inutusan ng hari at ibinalita ang kanilang nakita.

16 Nagpuntahan ang mga Israelita sa kampo ng mga taga-Siria at kinuhang lahat ang laman ng mga tolda. Kaya natupad ang sinabi ni Yahweh na may mabibili nang pagkain, isang pirasong pilak ang bawat takal ng pinong harina o kaya'y dalawang takal na sebada.

17 Ang opisyal na kanang kamay ng hari ang pinagbantay sa pintuan ng lunsod. Nang magdagsaan ang mga tao, siya'y natapak-tapakan at namatay tulad ng sinabi ni Eliseo. 18 Sapagkat nang sabihin ni Eliseo sa hari na bukas ay makakabili na ng dalawang takal na sebada o kaya'y isang takal na pinong harina sa halagang isang siklong pilak, 19 ang opisyal na ito ang nagsabing hindi magkakatotoo iyon buksan man ni Yahweh ang mga bintana sa langit. Sinabi rin noon ni Eliseo, “Makikita mong ito'y magkakatotoo ngunit hindi mo matitikman ang pagkaing sinasabi ko.” 20 Iyon nga ang nangyari, natapak-tapakan siya ng mga tao at namatay sa may pintuan ng lunsod.

1 Timoteo 4

Mga Huwad na Guro

Maliwanag ang sinasabi ng Espiritu na sa mga huling araw ay tatalikuran ng ilan ang pananampalataya. Susunod sila sa mga mapanlinlang na espiritu at sa mga katuruan ng mga demonyo. Ang mga katuruang ito'y pinalalaganap ng mga taong sinungaling at may mga manhid na budhi. Ipinagbabawal nila ang pag-aasawa at ang ilang uri ng pagkain, mga pagkaing nilikha ng Diyos upang kaining may pasasalamat ng mga mananampalataya at nakakaunawa ng katotohanan. Ang lahat ng nilikha ng Diyos ay mabuti at walang dapat ipalagay na masama; sa halip ay dapat tanggaping may pagpapasalamat sapagkat ang mga ito'y nililinis ng salita ng Diyos at ng panalangin.

Mabuting Lingkod ni Cristo Jesus

Kung ituturo mo sa mga kapatid ang mga bagay na ito, ikaw ay magiging mabuting lingkod ni Cristo Jesus. At habang itinuturo mo ito, dinudulutan mo rin ang iyong sarili ng pagkaing espirituwal mula sa mga salita ng pananampalataya at sa tunay na aral na sinusunod mo. Huwag mong pag-aksayahan ng panahon ang mga alamat na walang halaga; sa halip, sanayin mo ang iyong sarili sa maka-Diyos na pamumuhay. Sa pagsasanay ng katawan ay mayroon ding pakinabang, ngunit ang maka-Diyos na pamumuhay ay mapapakinabangan sa lahat ng paraan, sapagkat ito'y may pangako hindi lamang para sa buhay na ito ngayon, kundi maging sa buhay na darating. Totoo ang salitang ito at dapat paniwalaan ng lahat. 10 Dahil dito, nagsisikap tayo[a] at nagpapagal, sapagkat umaasa tayo sa Diyos na buháy at Tagapagligtas ng lahat ng mga tao, lalo na ng mga sumasampalataya.

11 Ituro mo't ipatupad ang lahat ng ito. 12 Huwag mong hayaang hamakin ka ninuman dahil sa iyong kabataan. Sa halip, sikapin mong maging halimbawa sa mga mananampalataya, sa iyong pagsasalita, pag-uugali, pag-ibig, pananampalataya at malinis na pamumuhay. 13 Habang wala pa ako riyan, iukol mo ang iyong panahon sa pagbabasa ng Kasulatan sa harap ng mga tao, sa pangangaral at sa pagtuturo. 14 Huwag mong pabayaan ang kaloob na ibinigay sa iyo nang magsalita ang mga propeta at ipatong sa iyo ng mga matatandang pinuno ng iglesya ang kanilang kamay. 15 Isagawa mo ang mga ito at pag-ukulan mo ng panahon upang makita ng lahat ang iyong paglago. 16 Pakaingatan mo ang iyong sarili at ang iyong pagtuturo. Patuloy mong gawin ang mga ito sapagkat sa paggawa mo nito ay maliligtas ka, pati na ang mga nakikinig sa iyo.

Daniel 11

11 “Nang unang taon ng paghahari ni Dario na taga-Media, pinalakas ni Miguel ang aking kalooban at tinulungan niya ako.

Ang mga Hari ng Egipto at Siria

“Ngayon, sasabihin ko sa iyo ang katotohanan: Magkakaroon pa ng tatlong hari ang Persia. Pagkatapos, lilitaw naman ang ikaapat na hari na magiging mas mayaman kaysa sa kanilang lahat. Dahil sa kanyang kayamanan, siya'y magiging makapangyarihan at hahamunin niya ang kaharian ng Grecia. Pagkatapos, lilitaw ang isa na namang makapangyarihang hari. Ito ay maghahari sa isang malawak na nasasakupan at gagawin niya ang anumang kanyang maibigan. Kapag naghahari na siya, mahahati sa apat ang kanyang kaharian ngunit isa ma'y walang mauuwi sa kanyang mga kaanak. Ang kaharian niya'y masasakop ng mga taga-ibang bayan, ngunit sinuman sa kanila'y hindi magkakaroon ng kapangyarihang mamahala tulad ng sa kanya.

“Ang hari sa Egipto ay magiging makapangyarihan. Ngunit magiging mas makapangyarihan kaysa kanya ang isa niyang pinuno, at mas magiging malawak ang kaharian nito. Pagkalipas ng ilang taon, ang hari ng Egipto ay makikipagkasundo sa hari ng Siria at ipakakasal sa kanya ang anak nitong babae. Ngunit ang pagkakasundo ay di magtatagal. Siya, ang kanyang asawa't anak at ang mga lingkod na sumama sa kanya ay papataying lahat.

“Hindi magtatagal at isa sa kanyang mga kamag-anak ang magiging hari. Sisirain nito ang tanggulan ng kaharian sa hilaga. Papasukin niya ito at siya'y magtatagumpay. Sasamsamin din niya at iuuwi sa Egipto ang kanilang mga diyus-diyosan, pati ang mga kagamitang pilak at ginto. Pagkalipas noon, hindi na niya muling sasalakayin ang kaharian sa hilaga sa loob ng maraming taon. At sila naman ang sasalakayin ng mga taga-hilaga. Madadaig sila ngunit babalik din ang mga iyon sa kanilang lupain.

10 “Ang mga anak ng hari ng Siria ay magtitipon ng maraming kawal at maghahanda sa pakikipagdigma. Parang baha na sasalakayin ng isa sa kanila ang tanggulan ng hari ng Egipto. 11 Dahil dito, galit na haharapin sila ng hari ng Egipto, kasama ang marami nitong kawal na lulupig sa kanila. 12 Bunga nito, magiging palalo ang hari ng Egipto dahil sa libu-libong kawal na napatay niya, ngunit hindi magtatagal ang kanyang pagtatagumpay. 13 Ang hari ng Siria ay muling magtatayo ng hukbo na mas malaki kaysa una nitong hukbo. Pagkalipas ng ilang taon, muli itong sasalakay kasama ang mas maraming kawal na may dalang napakaraming kagamitang pandigma.

14 “Sa panahong iyon, marami ang maghihimagsik laban sa hari ng Egipto, kabilang na ang mga kababayan mong mapupusok. Mag-aalsa rin sila upang matupad ang kanilang hangarin, ngunit mabibigo silang lahat. 15 Ang hari ng Siria ay darating upang kubkubin at salakayin ang isang matibay na lunsod. Walang magagawa ang hukbo ng hari ng Egipto pati ang mga pinakamahuhusay na kawal nito. 16 Kaya't magagawa ng Asirianong manlulupig ang lahat ng gusto niya at walang sinumang makakahadlang sa kanya. Sasakupin niya ang lupang pangako at lubusan itong mapapasailalim sa kanyang kapangyarihan.

17 “Pipilitin niyang sakupin ang buong kaharian ng Egipto. Makikipagkasundo siya sa hari doon at iaalok ang kanyang anak na babae upang maging asawa nito sa layuning wasakin ang kaharian ng Egipto. Ngunit hindi magtatagumpay ang kanyang layunin. 18 Pagkaraan niyon, haharapin niya ang mga bansa sa baybay-dagat at bibihagin ang marami sa mga tagaroon. Ngunit matatalo siya ng isang pinuno at ito ang puputol sa kanyang kapalaluan upang hindi siya makaganti. 19 Ang haring ito ay babalik sa mga kuta ng kanyang lupain ngunit matatalo rin at mamamatay.

20 “Ang papalit sa haring ito ay magsusugo ng mga taong sapilitang maniningil ng buwis para sa karangalan ng kaharian. Ngunit hindi magtatagal, siya'y mamamatay nang hindi dahil sa labanan o sa digmaan.

Ang Masamang Hari ng Siria

21 “May lilitaw na isang malupit at kinapopootang tao na gustong maging hari. Ngunit hindi ibibigay sa kanya ang karapatan sa trono. Kaya, bigla niyang aagawin ang kaharian sa pamamagitan ng pandaraya at katusuhan. 22 Gagapiin niya at dudurugin ang mga hukbong sandatahan pati ang Dakilang Pari. 23 Makikipagkasundo siya sa maraming mga bansa, ngunit dadayain niya ang mga ito. Bagama't kakaunti ang kanyang mga tauhan, siya ay magiging makapangyarihan. 24 Lihim niyang kukunin ang pinakamayayamang bahagi ng lalawigan. Gagawin niya ang mga bagay na hindi ginawa ng kanyang mga ninuno. Ang kanyang mga tagasunod ay bibigyan niya ng bahagi mula sa mga nasamsam nila sa digmaan. Iisip siya ng mga panukala upang lusubin ang iba't ibang kuta, ngunit hindi siya magtatagal.

25 “Ang haring ito ay magtatatag ng isang malaking hukbo upang ipakita ang kanyang lakas at tapang laban sa hari ng Egipto, ngunit mas malaki at mas malakas ang hukbong ihaharap nito sa kanya. Gayunman, madadaya ang hari ng Egipto at siya ay hindi magtatagumpay. 26 Pagtatangkaan siyang patayin maging ng mga kasalo niya sa pagkain. Malulupig din ang kanyang hukbo at marami ang mamamatay sa labanan. 27 Ang dalawang hari na kapwa may masamang balak ay magkasalong kakain at magsasalita ng kasinungalingan sa isa't isa. Gayunman, walang mangyayari sa iniisip nila sapagkat hindi pa dumarating ang takdang panahon. 28 Ang hari ng Siria ay uuwing taglay ang malaking kayamanang nasamsam niya. Ngunit bago siya umuwi sa sariling kuta, uusigin muna niya ang relihiyon ng bayan ng Diyos.

29 “Pagdating ng takdang araw, sasalakayin niyang muli ang Egipto, ngunit sa pagkakataong iyon, ang mangyayari'y hindi tulad noong una. 30 Hahadlangan(A) siya ng hukbong-dagat ng Kitim at matatakot siya. Dahil dito, aatras siya at ibubuhos sa relihiyon ng bayan ng Diyos ang kanyang poot. Sa pagbabalik niyang ito, pahahalagahan niya ang payo ng mga tumalikod sa presensya ng Diyos. 31 Magpapadala(B) siya ng mga hukbong sandatahan upang lapastanganin ang Templo. Ipapatigil niya ang araw-araw na paghahandog at ipapalit ang kasuklam-suklam na kalapastanganan. 32 Aakitin niya sa pamamagitan ng panlilinlang ang mga Judiong tumalikod sa kasunduan, ngunit maninindigan ang mga nananatiling tapat sa kanilang Diyos. 33 Tuturuan ng marurunong sa lupain ang mga tao kahit na sa simula ay mamamatay ang iba sa kanila sa pamamagitan ng espada at apoy o mabihag at pagnakawan. 34 Sa kanilang pagkatalo, may ilan lamang na tutulong sa kanila bagama't marami ang magkukunwaring kasama nila. 35 Ilan sa marurunong ang nagbubuwis ng buhay upang ang mga nalabi sa kanila ay maging dalisay at malinis hanggang sa dumating ang takdang wakas.

36 “Gagawin(C) ng hari ang kanyang magustuhan. Itataas niya ang kanyang sarili at gagawing higit kaysa alinmang diyos; hahamakin niya maging ang Kataas-taasang Diyos. Magtatagumpay lamang siya habang hindi pa ibinubuhos ng Diyos ang kanyang poot, sapagkat kailangang maganap ang mga bagay na itinakda. 37 Hindi niya pahahalagahan ang mga diyos ng kanyang mga ninuno ni ang sinasamba ng mga kababaihan. Sa katunayan, wala siyang pahahalagahang diyos, sapagkat ipalalagay niyang higit siya sa lahat. 38 Wala siyang kikilalaning diyos kundi ang diyos na nagbabantay ng mga muog. Mag-aalay siya ng ginto, pilak, mamahaling bato at mamahaling regalo sa diyos na hindi kilala ng kanyang mga ninuno. 39 Gagamitin niya ang mga taong sumasamba sa mga diyus-diyosang hindi kilala upang ipagtanggol ang kanyang mga muog. Pagkakalooban niya ng malaking karangalan ang lahat ng tatanggap sa kanya bilang pinuno. Sila'y gagawin niyang tagapamahala at bibigyan ng lupain bilang gantimpala.

40 “Darating ang araw na ang hari ng Siria ay sasalakayin ng hari ng Egipto, ngunit haharapin niya ito sa pamamagitan ng maraming karwaheng pandigma, kabayuhan at mga sasakyang pandagat. Sasakupin niya ang mga bansa na parang dinaanan ng isang malaking baha. 41 Papasukin din niya ang lupang pangako at libu-libo ang mamamatay sa labanan. Ngunit makakaligtas ang mga Edomita, Moabita at ang mga nalabing Ammonita. 42 Maraming bansa ang masasakop niya, kabilang dito ang Egipto. 43 Pamamahalaan niya ang ginto, pilak at lahat ng kayamanan ng Egipto; pati ang Libya at ang Etiopia[a] ay masasakop niya. 44 Ngunit mabibigla siya dahil sa balitang darating mula sa silangan at hilaga. Dahil dito'y mag-aalab ang kanyang galit at papatay ng marami sa labanan. 45 Magtatayo siya ng mala-palasyong tolda sa pagitan ng dagat at ng banal na bundok na kinalalagyan ng Templo. Ngunit doon siya mamamatay ng wala man lang tutulong sa kanya.

Mga Awit 119:25-48

Ang Pagsunod sa Kautusan ni Yahweh

(Daleth)

25 Ako'y gapi't lupasay na sa bunton ng alikabok,
    sang-ayon sa pangako mo, palakasin akong lubos.
26 Ang aking mga gawang kamalia'y pinatawad mo,
    ang tuntunin mo at aral, sa lingkod mo'y ituro.
27 Tulungang maunawaan, iyong mga kautusan,
    iyong kahanga-hangang gawa, lubos kong pag-aaralan.
28 Damdam ko ba sa sarili, naghahari'y pawang lungkot;
    sang-ayon sa pangako mo, palakasin akong lubos.
29 Sa landas na di matuwid, huwag mo akong hahayaan,
    pagkat ikaw ang mabuti, ituro ang iyong aral.
30 Ang pasya ko sa sarili, ako'y maging masunurin,
    sa batas mo, ang pansin ko ay doon ko ibabaling.
31 Itong mga tuntunin mo, O Yahweh, ay sinunod ko;
    huwag nawang hahayaang mapahiya ang lingkod mo.
32 Ang lahat mong mga utos, ay malugod kong susundin,
    dahilan sa pang-unawang ibibigay mo sa akin.

Panalangin Upang Makaunawa

(He)

33 Ituro mo, O Yahweh, layunin ng kautusan,
    at iyon ang susundin ko habang ako'y nabubuhay.
34 Ituro mo ang batas mo't sisikapin kong masunod,
    buong pusong iingatan at susundin ko nang lubos.
35 Sa pagsunod sa utos mo, ako'y iyong pangunahan,
    pagkat dito nakakamtan ang ligayang inaasam.
36 Itulot mong hangarin ko na sundin ang iyong utos,
    higit pa sa paghahangad na yumaman akong lubos.
37 Ilayo mo ang pansin ko sa bagay na walang saysay;
    at ayon sa pangako mo'y pagpalain akong tunay.
38 Tuparin mo ang pangakong ginawa sa iyong lingkod,
    ang pangako sa lahat ng sa iyo ay natatakot.
39 Iligtas mo ang lingkod mo sa sinumang mapang-uyam,
    sa mabuting tuntunin mo, humahanga akong tunay!
40 Ang lahat ng tuntunin mo, ang hangad ko'y aking sundin,
    pagkat ikaw ay matuwid, kaya ako'y pagpalain.

Pagtitiwala sa Kautusan ni Yahweh

(Vav)

41 Sa akin ay ipadama ang dakilang pag-ibig mo,
    ayon sa pangako, Yahweh, iligtas mo ako;
42 upang yaong nanlalait sa akin ay masagot ko,
    yamang ako'y may tiwala sa lahat ng salita mo.
43 Tulungan mong ihayag ang mga katotohanan,
    pagkat ako'y may tiwala sa tapat mong kahatulan.
44 Lagi akong tatalima sa bigay mong kautusan,
    susundin ko ang utos mo habang ako'y nabubuhay.
45 Ako nama'y mamumuhay nang payapa at malaya,
    yamang ako sa utos mo'y sumusunod namang kusa.
46 At maging sa mga hari, ang utos mo'y babanggitin,
    hindi ako mahihiya na ito ay aking gawin.
47 Sa pagsunod sa utos mo nalulugod akong labis,
    di masukat ang galak ko, pagkat aking iniibig.
48 Mahal ko ang iyong utos, ito'y aking ginagalang,
    sa aral mo at tuntunin ako'y magbubulay-bulay.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.