M’Cheyne Bible Reading Plan
Kinubkob ang Samaria
20 Tinipon ni Ben-hadad, hari ng Siria, ang kanyang hukbo upang salakayin ang Samaria. Kasama sa hukbong ito ang tatlumpu't dalawang haring sakop niya, at ang kanilang mga kabayo at karwaheng pandigma. 2 Nagpadala siya ng mga sugo kay Ahab, hari ng Israel, at ipinasabi ang ganito: “Ipinag-uutos ni Ben-hadad 3 na ibigay mo sa kanya ang iyong ginto't pilak; ang inyong mga babae at ang pinakamalalakas na mga anak!”
4 Sumagot ang hari ng Israel, “Masusunod po ang sabi ninyo, mahal kong hari at panginoon. Ako at ang lahat ng sa akin ay ituring mong sa iyo.”
5 Ngunit bumalik kay Ahab ang mga sugo at ganito naman ang sabi: “Ipinapasabi ni Ben-hadad na ibigay mo sa kanya ang iyong ginto at pilak, pati ang iyong mga asawa at anak. 6 Tandaan mo, bukas sa ganitong oras, darating ang kanyang mga tauhan upang halughugin ang iyong palasyo, at ang mga bahay ng mga tauhan mo. Kukunin nila ang kanilang magustuhan.”
7 Tinipon ng hari ng Israel ang lahat ng matatandang pinuno sa kaharian at sinabi, “Tingnan ninyo! Maliwanag na gusto tayong lipulin ng taong iyan. Pumayag na nga akong ibigay sa kanya ang lahat ng aking ginto't pilak, pati ang aking mga asawa at mga anak.”
8 Sumagot ang matatandang pinuno at ang buong bayan, “Huwag ninyo siyang pansinin. Huwag po kayong papayag.”
9 Kaya't ganito ang sagot ni Ahab sa mga sugo ni Ben-hadad: “Sabihin ninyo sa mahal na hari, lahat ng iniutos ninyo noong una sa inyong alipin ay gagawin ko. Ngunit itong huli ay hindi ko magagawa.”
At umalis ang mga sugo, dala ang ganoong sagot. 10 Nagpasabi muli si Ben-hadad, “Magpapadala ako ng mga tauhang wawasak sa lunsod mong ito, at tatangayin nila ang mga nasira nilang bagay. Parusahan sana ako ng mga diyos kung hindi ko ito gagawin!”
11 Sumagot ang hari ng Israel, “Sabihin mo kay Haring Ben-hadad na ang tunay na sundalo ay hindi nagyayabang hangga't hindi pa natatapos ang labanan.
12 Nasa kanyang tolda noon si Ben-hadad at nakikipag-inuman sa mga haring kasama niya. Pagkarinig sa sagot na iyon ay sumigaw si Ahab, “Salakayin! Salakayin ang kaaway!” At humanda ang bawat isa sa pakikipaglaban.
Nagtagumpay ang Israel
13 Samantala, dumating noon ang isang propeta at sinabi kay Haring Ahab ng Israel, “Ipinapasabi ni Yahweh na huwag kang matakot sa napakalaking hukbong iyan. Sa araw na ito ay pagtatagumpayin kita laban sa kanila at malalaman mong ako nga si Yahweh.”
14 “Sino ang sasalakay?” tanong ni Ahab.
Sumagot ang propeta, “Ang mga kabataang kawal na nasa ilalim ng mga pinuno ng mga lalawigan.”
“At sino ang mamumuno sa labanan?” tanong uli ni Ahab.
“Kayo!” tugon ng propeta.
15 Tinipon nga ni Ahab ang mga kabataang kawal ng mga pinuno ng mga lalawigan, may 232 lahat-lahat. Pagkatapos, tinipon din niya ang hukbo ng Israel na may pitong libong kalalakihan.
16 Pagdating ng tanghaling-tapat, samantalang si Ben-hadad at ang tatlumpu't dalawang hari na kasama niya'y nag-iinuman sa kanilang tolda, 17 lumusob ang mga Israelita sa pangunguna ng mga kabataang kawal. May nagsabi kay Ben-hadad, “May lumalabas pong mga lalaki mula sa Samaria.” 18 At sumagot siya, “Hulihin sila nang buháy, anuman ang kanilang pakay, kapayapaan man o labanan!”
19 Sumalakay nga mula sa lunsod ang mga kabataang kawal, kasunod ang buong hukbo ng Israel. 20 Sa unang sagupaan ay napatay ng bawat isa ang kanyang kalaban, kaya't nagtakbuhan ang mga taga-Siria. Hinabol naman sila ng mga Israelita, ngunit nakatakas si Ben-hadad kasama ng ilang kawal na nakakabayo. 21 Lumabas naman si Haring Ahab at sumama sa paghabol sa mga taga-Siria. Pinuksa nila ang mga ito, at napakaraming kabayo at karwahe ang kanilang nasamsam.
Panibagong Pagsalakay ng mga Taga-Siria
22 Matapos ang labanang iyon, sinabihan muli ng propeta ang hari ng Israel. Wika niya, “Magdagdag pa kayo ng tauhan at ihanda ninyong mabuti ang inyong hukbo. Planuhin ninyong mabuti ang dapat gawin, sapagkat sa susunod na tagsibol ay muling sasalakay ang hari ng Siria.”
23 Pinayuhan din ng kanyang mga opisyal ang hari ng Siria, at kanilang sinabi, “Mga diyos ng kabundukan ang kanilang diyos, kaya tayo natalo. Ngunit labanan natin sila sa kapatagan at tiyak na matatalo sila. 24 Ganito po ang inyong gawin: alisin ninyo sa kanilang tungkulin sa hukbo ang mga haring kasama ninyo, at palitan ninyo ng mga pinunong-kawal. 25 Bumuo kayo ng isang hukbong sinlaki ng dati, na may gayunding dami ng kabayo at karwahe. Sa kapatagan natin sila labanan at ngayo'y tiyak na magtatagumpay tayo.” Nakinig ang hari sa kanilang payo at ganoon nga ang ginawa.
Tagumpay sa Afec
26 Pagsapit ng tagsibol, tinipon ni Ben-hadad ang hukbo ng Siria at nagtungo sa Afec upang lusubin ang Israel. 27 Nagtipun-tipon din naman ang mga Israelita at naghanda upang salubungin ang kalaban. Nagdalawang pangkat sila, at nagtayo ng kampo sa tapat ng mga iyon. Parang dalawang kawan lang ng kambing ang hukbo ng Israel, samantalang halos matakluban ng hukbo ng Siria ang pook na iyon.
28 Lumapit muli sa hari ng Israel ang lingkod ng Diyos at sinabi sa kanya, “Ito ang ipinapasabi ni Yahweh: ‘Sapagkat sinabi ng mga taga-Siria na ako ay Diyos ng kabundukan at hindi Diyos ng kapatagan, ipapalupig ko sa iyo ang hukbong iyan sa kabila ng kanilang dami at lakas. Makikita ninyo ngayon na ako nga si Yahweh.’” 29 Pitong araw silang nagmanman sa isa't isa. Nagsimula ang labanan sa ikapitong araw, at sa araw na iyon sandaang libong kawal ang napatay sa hukbo ng Siria. Tumakas ang natirang buháy at pumasok sa Lunsod ng Afec. 30 Ngunit gumuho ang pader ng lunsod at 27,000 pa ang natabunan. Nakatakas muli si Ben-hadad at nagtago sa isang silid sa loob ng lunsod.
31 Sa gayong kalagayan, nasabi ng isa niyang tauhan, “Balita po namin ay maawain ang mga hari ng Israel. Magsusuot po kami ng damit-panluksa at magtatali ng lubid sa aming leeg, at haharap sa hari ng Israel. Baka sakaling kaawaan kami at hindi na kayo ipapatay.” 32 At ganoon nga ang ginawa nila. Humarap sila sa hari ng Israel at nagmakaawa. “Hinihiling po ng inyong aliping si Ben-hadad na huwag na ninyo siyang patayin.”
“Buháy pa ba siya? Buháy pa ba ang kapatid kong hari?” tanong ng hari ng Israel.
33 Sinamantala ng mga sugo ang gayong magandang pahiwatig kaya't agad sumagot, “Opo, buháy pa po siya! Buháy pa.”
“Dalhin ninyo siya agad dito,” utos ni Ahab. Pagdating ni Ben-hadad, pinasakay siya ni Ahab sa kanyang karwahe. 34 Sinabi noon ni Ben-hadad, “Isasauli ko sa inyo ang mga lunsod na inagaw ng aking ama sa inyong ama. Maaari kayong magtayo ng pamilihan sa Damasco, tulad ng itinayo ng aking ama sa Samaria.”
Sumagot naman si Ahab, “Sa ganitong kondisyon, pinapalaya ko na kayo.” Nangyari nga ang kasunduan at pinalaya sila ni Ahab.
35 Sa utos ni Yahweh, hiniling ng isang alagad ng mga propeta sa isa niyang kasamahan, “Sugatan mo ako.” Subalit tumanggi ito. 36 Kaya(A) sinabi niya, “Sapagkat hindi mo sinunod ang utos ni Yahweh, pag-alis mo rito'y papatayin ka ng leon.” Hindi pa nakakalayo ang sinabihan ay nakasalubong at napatay nga siya ng isang leon.
37 Nakakita ng ibang kasamahan ang alagad ng mga propeta at ito naman ang kanyang pinakiusapan. “Sugatan mo ako,” wika niya, at ginawa naman ng pinakiusapan ang hinihiling sa kanya. 38 Nagtuloy ang alagad ng mga propeta at saka naghintay sa daraanan ng hari matapos bendahan ang kanyang mga mata upang hindi siya makilala. 39 Sumigaw siya pagdaan ng hari at ganito ang sinabi: “Kamahalan, nang ako po'y nasa labanan, lumapit po sa akin ang isang kawal at iniwan sa akin ang isang bihag. Ang sabi po niya, ‘Alagaan mo ang bihag na ito. Kapag siya'y nakatakas, buhay mo ang kapalit, o magmumulta ka ng 35 kilong pilak.’ 40 Nakalingat po ako at nakatakas ang bihag.”
Sinabi sa kanya ng hari, “Ikaw na rin ang nagbigay ng iyong hatol. Mamamatay ka o magmumulta.”
41 Nang marinig ito, bigla niyang inalis ang bendang nakatakip sa mga mata at nakilala ng hari na siya pala'y isang alagad ng mga propeta. 42 At sinabi niya sa hari, “Ito ang ipinapasabi ni Yahweh, ‘Sapagkat pinakawalan mo ang isang taong ayon sa utos ko'y dapat mamatay, buhay mo ang kapalit ng kanyang buhay, at bayan mo ang kapalit ng kanyang bayan.’”
43 Bumalik sa Samaria ang hari na nababahala at masama ang loob.
3 Kaya naman, nang hindi na kami makatiis, minabuti naming magpaiwan sa Atenas 2 at(A) suguin sa inyo si Timoteo na ating kapatid at kamanggagawa para sa Diyos[a] sa pangangaral ng Magandang Balita tungkol kay Cristo. Isinugo namin siya upang patatagin kayo at palakasin ang inyong loob alang-alang sa inyong pananampalataya, 3 upang hindi manghina ang sinuman sa inyo dahil sa mga pag-uusig. Alam ninyong ang mga pag-uusig ay bahagi ng kalooban ng Diyos para sa atin. 4 Ipinagpauna na namin sa inyo noong naririyan pa kami na tayo'y uusigin, at gayon nga ang nangyayari tulad ng alam ninyo. 5 Kaya nga, nang hindi na ako makatiis ay nagpadala ako riyan ng sugo upang alamin ang kalagayan ngayon ng inyong pananampalataya sa Panginoon. Nag-aalala ako na baka natukso na kayo ng diyablo, at kung magkagayo'y mawawalan ng kabuluhan ang aming pagpapagal.
6 Ngayon(B) ay nakabalik na rito si Timoteo, at maganda ang balita niya tungkol sa inyong pananampalataya at pag-ibig. Ibinalita rin niya na lagi ninyo kaming naaalala at malaki ang pananabik na makita kami, gaya ng pananabik naming makita kayo. 7 Mga kapatid, dahil sa inyong pananampalataya kay Cristo ay napasigla kami sa gitna ng aming pagkabalisa at mga hirap. 8 Nabubuhayan kami ng loob kapag kayo'y nananatiling matatag sa pananampalataya. 9 Paano kaya namin mapapasalamatan nang sapat ang Diyos dahil sa kagalakang natamo namin dahil sa inyo? 10 Mataimtim naming idinadalangin araw-gabi na kayo'y muli naming makita at mapunuan ang anumang kakulangan sa inyong pananampalataya.
11 Loobin nawa mismo ng ating Diyos Ama at ng ating Panginoong Jesus na makapunta kami diyan sa inyo. 12 Nawa'y palaguin at pasaganain ng Panginoon ang inyong pag-ibig sa isa't isa at sa lahat ng tao, tulad ng pag-ibig namin sa inyo. 13 Nang sa gayo'y palalakasin niya ang inyong loob upang kayo'y manatiling banal at walang kapintasan sa harap ng ating Diyos at Ama hanggang sa pagdating ng ating Panginoong Jesus, kasama ang lahat ng kanyang mga hinirang. [Amen.][b]
Ang Panaginip ni Nebucadnezar
2 Noong ikalawang taon ng paghahari ni Nebucadnezar, siya ay nagkaroon ng masamang panaginip. Kaya siya'y nabagabag at hindi makatulog. 2 Dahil dito, ipinatawag niya ang lahat ng salamangkero, enkantador, mangkukulam, at astrologo upang ipaliwanag ang kanyang panaginip. 3 Sinabi niya sa kanila, “Nanaginip ako at ito ang bumabagabag sa akin hanggang ngayon. Ipaliwanag nga ninyo ang kahulugan ng aking panaginip.”
4 Sumagot ang mga astrologo sa wikang Aramaico,[a] “Mabuhay ang hari! Sabihin po ninyo ang panaginip at ipapaliwanag namin.”
5 Sinabi ng hari sa mga astrologo, “Ipinag-uutos kong sabihin muna ninyo ang aking panaginip saka ninyo ipaliwanag. Kung hindi, ipapapatay ko kayo at ipawawasak ang inyong mga tahanan. 6 Kapag nasabi naman ninyo at naipaliwanag ang aking panaginip, gagantimpalaan at pararangalan ko kayo. Kaya sabihin na ninyo at ipaliwanag sa akin ang aking panaginip.”
7 Muli silang sumagot, “Mahal na hari, sabihin po ninyo ang panaginip at ipapaliwanag namin.”
8 Sinabi naman ng hari, “Alam kong pinahahaba lang ninyo ang oras dahil sa sinabi ko sa inyo 9 na iisa ang hatol ninyo kapag hindi ninyo nasabi at naipaliwanag sa akin ang aking panaginip. Nagkaisa kayong magsinungaling sa akin sa pag-aakalang magbabago pa ang aking isip sa paglipas ng oras. Sabihin ninyo ang aking panaginip at saka ako maniniwalang maipapaliwanag nga ninyo iyon.”
10 Sumagot ang mga astrologo, “Wala pong tao sa daigdig na makakagawa ng iniuutos ninyo. Wala ring hari, gaano man ang kapangyarihan niya, na nag-utos ng ganyan sa sinumang salamangkero, manghuhula, o astrologo. 11 Napakahirap gawin ng iniuutos ninyo. Mga diyos lamang ang makakagawa niyan at hindi sila namumuhay na kasama ng tao.”
12 Dahil sa sagot na ito, nagalit ng husto ang hari kaya't ipinag-utos niyang patayin ang lahat ng mga tagapayo sa buong Babilonia. 13 Saklaw ng kautusang ito ang lahat ng matatalinong tao sa kaharian pati si Daniel at ang kanyang mga kaibigan.
Inihayag ng Diyos kay Daniel ang Panaginip
14 Kaya, maingat na kinausap ni Daniel si Arioc, ang kapitan ng mga tanod ng hari na siyang inutusan upang patayin ang mga matatalinong tagapayo ng Babilonia. 15 Tinanong niya ito, “Bakit po nag-utos ng ganito kabigat[b] ang mahal na hari?” At sinabi naman sa kanya ni Arioc ang dahilan.
16 Dahil dito, nagpunta sa hari si Daniel at nakiusap na bigyan pa siya ng panahon at ipapaliwanag niya ang panaginip nito. 17 Matapos payagan, umuwi si Daniel at sinabi kina Hananias, Misael at Azarias ang pangyayari. 18 Hiniling niyang sama-sama silang manalangin sa Diyos ng kalangitan tungkol sa hiwagang iyon upang hindi sila patayin kasama ng mga matatalinong tagapayo ng Babilonia. 19 Nang gabing iyon, sa pamamagitan ng pangitain ay inihayag ng Diyos kay Daniel ang nasabing hiwaga. Kaya't pinuri niya ang Diyos ng kalangitan. 20 Ang sabi ni Daniel:
“Purihin magpakailanman ang pangalan ng Diyos,
pagkat siya'y marunong at makapangyarihang lubos.
21 Siyang nakakapagbago ng mga kapanahunan,
naglalagay at nag-aalis ng mga hari sa luklukan;
siyang nagbibigay ng karunungan sa matatalino at kaalaman sa may pang-unawa.
22 Naghahayag ng mga lihim at kahiwagaan;
nakatatalos sa mga nasa kadiliman,
sapagkat ang kaliwanagan sa kanya'y nananahan.
23 Pinupuri ko kayo at pinasasalamatan, O Diyos ng aking mga magulang,
dahil sa kaloob ninyo sa aking lakas at karunungan,
ngayo'y ibinigay ninyo sa akin ang aking kahilingan,
panaginip ng hari sa ami'y ipinaalam.”
Ipinaliwanag ni Daniel ang Panaginip ng Hari
24 Pagkatapos, bumalik si Daniel kay Arioc, ang opisyal na inutusan upang patayin ang mga tagapayo ng Babilonia. Sinabi niya, “Huwag mo munang patayin ang mga matatalinong tao. Samahan mo ako sa hari at ipapaliwanag ko ang kanyang panaginip.”
25 Dali-daling iniharap ni Arioc si Daniel sa hari. Sinabi niya, “Mahal na hari, narito po ang isa sa mga dinalang-bihag mula sa Juda. Siya po ang makapagpapaliwanag sa inyong panaginip.”
26 Si Daniel na tinatawag na Beltesazar ay tinanong ng hari, “Masasabi at maipapaliwanag mo ba sa akin ang aking panaginip?”
27 Sumagot si Daniel, “Ang hiwagang gustong alamin ng hari ay hindi maipapaliwanag ng sinumang matalinong tagapayo, enkantador, salamangkero, o manghuhula. 28 Ngunit mayroon pong isang Diyos sa kalangitan na naghahayag ng mga hiwaga at ipinakita niya sa Haring Nebucadnezar ang mga mangyayari sa mga darating na panahon. Ito ang panaginip na inyong nakita habang kayo'y natutulog:
29 “Mahal na hari, ang panaginip ninyo ay tungkol sa mangyayari sa hinaharap at ipinapaalam ito sa inyo ng Diyos na nakakaalam ng lahat ng hiwaga. 30 Ang hiwagang ito ay ipinaalam sa akin, hindi dahil ako'y higit na matalino kaysa iba, kundi upang ipaliwanag ito sa inyo at upang maunawaan ninyo ang gumugulo sa inyong isipan.
31 “Mahal na hari, ang nakita ninyo ay isang malaki at nakakasilaw na rebulto. Nakatayo ito sa inyong harapan at nakakatakot pagmasdan. 32 Ang ulo nito ay lantay na ginto, at pilak ang dibdib at mga bisig. Tanso naman ang tiyan at mga hita nito. 33 Ang mga binti ay bakal at ang mga paa ay pinaghalong bakal at putik. 34 Habang pinagmamasdan ninyo ito, may batong natipak sa bundok na bumagsak sa mga paa ng rebulto at nadurog ang mga paa. 35 Pagkatapos, nadurog ding lahat ang bakal, putik, tanso, pilak, at ginto. Naging parang ipa ito at tinangay ng hangin at walang naiwan kahit bakas. Samantala, ang tipak ng batong bumagsak dito ay naging isang napakalaking bundok na pumuno sa buong daigdig.
36 “Mahal na hari, iyan po ang inyong panaginip, at narito naman ang kahulugan: 37 Kayo po ang pinakadakila sa lahat ng mga hari. At kayo po ay pinagkalooban ng Diyos sa langit ng kaharian, kapangyarihan, lakas, at karangalan. 38 Niloob ng Diyos na masakop ninyo ang lahat ng tao, hayop, at ibon sa lahat ng dako. Kayo ang ulong gintong iyon. 39 Ang susunod sa inyo ay ang ikalawang kaharian na mas mahina kaysa inyo. Pagkatapos, lilitaw ang pangatlong kaharian na isinasagisag ng tanso, at sasakupin nito ang buong daigdig. 40 Ang pang-apat na kaharian ay sintigas ng bakal. Katulad ng nagagawa ng bakal, dudurugin ng kahariang ito ang buong daigdig. 41 Ang kahulugan naman ng nakita ninyong mga paa na yari sa bakal at putik ay ito: mahahati ang kaharian ngunit mananatili ang tigas ng bakal sapagkat ito'y nakahalo sa putik. 42 Ganito naman ang kahulugan ng mga paang yari sa pinaghalong bakal at putik: May bahagi itong matibay at may bahagi namang marupok. 43 Ang kahulugan ng pinagsamang bakal at putik ay pag-aasawa ng magkakaibang lahi; ngunit hindi ito magtatagal kung paanong hindi maaaring paghaluin ang bakal at putik. 44 Sa panahon ng mga haring iyon, ang Diyos sa kalangitan ay magtatatag ng isang kahariang hindi maibabagsak kailanman, ni masasakop ninuman. Dudurugin nito at ganap na wawasakin ang iba pang kaharian, at mananatili ito magpakailanman. Kaya't hindi na makakabangon ang mga iyon kahit kailan. 45 Katulad ito ng inyong nakitang tipak ng bato na dumurog sa rebultong yari sa bakal, putik, tanso, pilak, at ginto. Mahal na hari, ang mangyayari sa hinaharap ay ipinapaalam na sa inyo ng dakilang Diyos. Ito po ang inyong panaginip at tiyak ang kahulugan nito.”
Ginantimpalaan si Daniel
46 Yumukod si Haring Nebucadnezar na lapat ang mukha sa lupa at nagbigay galang kay Daniel. Pagkatapos, iniutos niyang handugan ito ng insenso at iba pang alay. 47 Sinabi niya kay Daniel, “Tunay na ang Diyos mo ang pinakadakila sa lahat ng mga diyos at Panginoon ng mga hari. Siya ang tagapagpahayag ng mga hiwaga kaya naipahayag mo ang hiwagang ito.” 48 Pinarangalan ng hari si Daniel at binigyan ng napakaraming handog. Siya ay ginawa nitong tagapamahala sa buong lalawigan ng Babilonia at pinuno ng lahat ng mga tagapayo ng Babilonia. 49 Hiniling naman ni Daniel sa hari na sina Shadrac, Meshac at Abednego ay gawing tagapangasiwa sa Babilonia upang siya'y makapanatili sa palasyo ng hari.
Ang Kabutihan ni Yahweh sa Israel
106 Purihin(A) si Yahweh!
Pasalamatan siya sa kanyang kabutihan!
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.
2 Sinong mangangahas upang magpahayag na siya'y dakila?
Sino ang pupuri at magpapahayag ng kanyang ginawa?
3 At dapat magalak ang sinumang tao na makatarungan,
na gawang matuwid ang adhika sa buo niyang buhay.
4 Tulungan mo ako, kapag ang bayan mo'y iyong nagunita,
sa pagliligtas mo, ang abâ mong lingkod isama mo sana;
5 upang makita ko ang pag-unlad nila na iyong hinirang,
kasama ng iyong bansang nagagalak, ako'y magdiriwang.
6 Nagkasala kami, tulad ng ginawa ng aming magulang,
ang aming ginawa'y tunay na di tama, pawang kasamaan.
7 Ang(B) magulang namin nang nasa Egipto, di nagpahalaga sa kahanga-hangang mga ginawa mong kanilang nakita;
ni hindi pinansin ang iyong pag-ibig na walang kagaya,
bagkus ang ginawa sa Dagat na Pula'y[a] nilabanan ka pa.
8 Sa kabila nito, gaya ng pangako, sila'y iniligtas,
upang ipadama na ang Panginoo'y dakila't malakas.
9 Nang(C) siya'y mag-utos, ang Dagat na Pula[b] ay natuyong bigla,
sila'y itinawid na ang dinaanan ay tuyo nang lupa.
10 Sila'y iniligtas sa pagpapahirap ng mga kaaway,
iniligtas sila sa kapangyariha't lakas ng kalaban.
11 Yaong nagsihabol, pawang nangalunod sa gitna ng dagat,
lahat sa kanila'y nilulon ng tubig, walang nakaligtas.
12 Nang(D) ito'y nakita, niyong mga lingkod mo na bayang hinirang,
sila'y naniwala sa iyong pangako at nagpuring tunay.
13 Parang ningas-kugon, ang lahat ng ito'y kaagad nilimot,
sariling balangkas ang sinunod nila, hindi ang sa Diyos.
14 Habang(E) nasa ilang, ang sariling hilig ang siyang sinunod,
sa ilang na iyo'y kinalaban nila't sinubok ang Diyos.
15 Ang hiniling nila'y hindi itinanggi, kanilang nakamit,
ngunit pagkatapos, sila'y dinapuan ng malubhang sakit.
16 Sila(F) ay nagselos kay Moises habang nasa ilang,
at kay Aaron, ang banal na lingkod na si Yahweh ang humirang.
17 Sa ginawang ito, nagalit ang Diyos, bumuka ang lupa,
si Datan, Abiram, pati sambahaya'y natabunang bigla.
18 Sa kalagitnaan nila'y itong Diyos, lumikha ng sunog,
at ang masasamang kasamahan nila ay kanyang tinupok.
19 Sa(G) may Bundok ng Sinai,[c] doon ay naghugis niyong gintong guya,
matapos mahugis ang ginawa nila'y kanilang sinamba.
20 Ang dakilang Diyos ay ipinagpalit sa diyos na nilikha,
sa diyos na baka na ang kinakain ay damong sariwa.
21 Kanilang nilimot ang Diyos na si Yahweh, ang Tagapagligtas,
ang kanyang ginawa doon sa Egipto'y kagila-gilalas.
22 Sa lupaing iyon ang ginawa niya'y tunay na himala.
Sa Dagat na Pula[d] yaong nasaksihan ay kahanga-hanga.
23 Ang pasya ng Diyos sa ginawa nila'y lipulin pagdaka,
agad na dumulog kay Yahweh si Moises, namagitan siya,
at hindi natuloy iyong kapasyahan na lipulin sila.
24 Ang(H) lupang-pangarap na ipinangako'y kusang tinanggihan,
dahilan sa sila'y hindi naniwala sa pangakong tipan.
25 Sa loob ng tolda ay nagrereklamo at puro pa angal,
at hindi nila pinakinggan tinig ni Yahweh, Diyos na banal.
26 Sa ginawang iyon, nagalit ang Diyos, siya ay sumumpang
sila'y lilipulin, mamamatay sa gitna ng ilang.
27 Sila'y(I) ikakalat, dadalhin sa bansa niyong mga Hentil,
sa lugar na iyon, mamamatay sila sa pagkaalipin.
28 Sila'y(J) nakiisang sa Baal ng Beor ay doon sumamba,
ang mga pagkain na handog sa patay ang pagkain nila.
29 Sa inasal nila'y nagalit si Yahweh, naging pasya'y ito:
Dinalhan ng peste, pawang nagkamatay ang maraming tao.
30 Sa galit ni Finehas taong nagkasala ay kanyang pinatay,
kung kaya nahinto ang salot na iyon na nananalakay.
31 Magmula nga noon, at magpakailanman, di malilimutan
ang ginawang ito'y di na malilimot nitong kanyang bayan.
32 At(K) itong si Yahweh, kanilang ginalit sa Bukal Meriba,
nalagay sa gipit itong si Moises dahil sa kanila.
33 Sa ginawa nila ay lubhang nasaktan ang kanyang damdamin,
dahas ng salitang nagmula sa bibig ay hindi napigil.
34 Di(L) nila nilipol ang lahat ng taong naro'n sa Canaan,
bagama't ito'y iniutos ni Yahweh na dapat gampanan.
35 Sa halip na sundin ang utos ng Diyos, bagkus nakisama,
at maling gawain ng mga pagano ang sinunod nila.
36 Ang diyus-diyosan ang sinamba nila at pinaglingkuran,
sa ginawang ito, sila ang nagkamit ng kaparusahan.
37 Pati(M) anak nilang babae't lalaki'y inihaing lubos,
sa diyus-diyosan, mga batang ito ay ginawang handog.
38 Ang(N) pinatay nila'y mga batang musmos, batang walang malay
para ipanghandog sa diyus-diyosan ng lupang Canaan,
kaya't ang lupain sa ginawa nila'y pawang nadungisan.
39 Ang sarili nila yaong nadungisan sa gayong ginawa,
sa Diyos na si Yahweh sila ay nagtaksil at pawang sumamâ.
40 Kaya(O) naman muli, si Yahweh'y nagalit sa mga hinirang,
siya ay nagdamdam sa ginawa nilang pawang kataksilan.
41 Sa bansang kaaway itong bayan niya'y ipinaubaya,
sila ay nasakop at ang mga Hentil ay siyang namahala.
42 Inalipin sila at pinahirapan ng mga kaaway,
pinasuko sila't ipinailalim sa kapangyarihan.
43 Hindi na miminsan, marami nang beses iniligtas sila,
naghimagsik pa rin, kaya naman sila'y lalong nagkasala.
44 Gayunman, hindi rin tinitiis ng Diyos, kapag nananambitan,
dinirinig niya't sa taglay na hirap kinahahabagan.
45 Dinirinig sila at inaalaala kanyang kasunduan,
nahahabag siya dahilan sa wagas niyang pagmamahal.
46 Maging ang sumakop sa mga hinirang ay nangahabag din,
sapagkat si Yahweh ang siyang nag-utos na iyon ang gawin.
47 Iligtas(P) mo kami, O Yahweh, aming Diyos, Panginoon namin,
saanman naroon ang mga anak mo ay muling tipunin,
upang ang ngalan mo ay pasalamata't aming dakilain.
48 Purihin si Yahweh, ang Diyos ng Israel,
purihin siya, ngayon at magpakailanman!
Ang lahat ng tao ay magsabing, “Amen!”
Purihin si Yahweh!
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.